Roberto T. Añonuevo's Blog, page 7

April 4, 2014

Bayan, Bayani, Balagtas

Napapanahong titigan ang tema ng Araw ni Balagtas ngayong taon: “Bayan, Bayani, at si Balagtas.” Tinitingki ng nasabing tema ang pagpapahalaga sa konsepto ng “bayan” at “bayani” at sumasakay sa makasaysayang peregrinasyon sa ngalan ni Francisco Balagtas Baltazar sa tatlong pook: Maynila, Bulakan, at Bataan. Nagtipon-tipon hindi lamang ang mga kinatawan ng mga ahensiya ng pamahalaan, bagkus ang mga manunulat, guro, dalubwika, at alagad ng sining upang gunitain sa pamamagitan ng lakbay-panitik ang tatlong pook sa mga yugto ng buhay ni Balagtas bilang manunulat.


Ang nasabing lakbay-panitik ay isang paraan ng paggunita sa dakilang makatang nagluwal ng diwaing “bayani” at “bayan” na hindi maiiwasang gamitin din ng gaya nina Jose Rizal at Andres Bonifacio sa kani-kaniyang diskurso. Ang pagkakaroon ng dalawang apelyido ng makata (“Balagtas” nang isilang, “Baltazar” naman nang ikasal at mamatay) ay tila pahiwatig ng magaganap ng pagtatagpo ng katutubo at banyaga sa kaniyang akda, na ang resulta’y pinaghalong katauhan ng modernisasyon.


Kung babalikan ang Florante at Laura (1838) ni Balagtas, ang konsepto ng “bayan” at “bayani” ay kaugnay ng agawan ng kapangyarihan (na matataguriang “kudeta” sa ngayon) sa kaharian ng Albania, at sa agawan ng babae (“sexual assault” sa terminong legal) sa kaharian ng Persia at Albania. Maiuugnay din ang “bayan” sa tunggalian ng Albania at Persia, na ang Persia ay nadehado nang sumalakay ang hukbong Albania; at ang “bayani” ay halos katumbas ng “matapang” na iniuugnay sa “mandirigma” o “kawal” na tagapagtanggol ng teritoryo, kapangyarihan, at dangal. Ang hari ng Albania at ang hari ng Persia ay tila yin at yang kung hihiramin ang konsepto ng mga Tsino, na ang isa’y ginapi (mahina) at ang ikalawa’y nanggapi (malakas). Gayunman, malakas ang hukbong sandatahan ng Albania sa kabila ng mahinang pamamahala ni Haring Linceo; samantalang mahina ang hukbong sandatahan ng Persia sa kabila ng pagiging diktador ni Sultan Ali Adab.


Sa Florante at Laura (1838) ni Balagtas, ang unang banggit ng salitang “bayani” ay patungkol ay isang bantog na gererong Moro na si Aladin, na nagligtas kay Florante mula sa mababangis na halimaw doon sa gubat. Ang “bayani” sa tula ay mahihiwatigang katumbas ng pinaghalong “katapangan” at “kawanggawa.” Isang kakatwang pangyayari ito, sapagkat ang mortal na magkaaway ay pinagtagpo sa ilang, at ang tao na inaasahang papatay sa kaniyang kalaban ang siya pang naging tagapagligtas. Sa ganitong pangyayari, ang pagiging “bayani” ay iniangat ni Balagtas sa mataas na diskurso mula sa dating diskurso ng “armadong digmaan” at “pagpapatayan” ng dalawang bayan tungo sa pagiging “tagapagligtas ng bayan.”


Ngunit hindi doon nagtapos si Balagtas. Si Laura, na tangkang gahasain ni Adolfo sa gubat, ay sinagip ni Flerida na asintadong mamamana. Si Flerida naman ay tumakas tungong gubat upang lumayo kay Sultan Ali Adab na nais siyang gahasain. Pinagtagpo ang dalawang dilag sa gubat, na nagsilbing kanlungan ng kalayaan. Gubat din ang magiging tagpuan ng magkapares na mangingibig (Florante at Laura; Aladin at Flerida). Sa yugtong ito, ang konsepto ng “gubat” bilang lunan ng “panganib” at “dilim” ay naging “seguridad” at “liwanag.” Ang magkapares na Aladin at Flerida, at Florante at Laura, ang magpapahiwatig ng pagsisimula ng bagong sistema ng pamunuan, at siyang magpapabago sa sinaunang pamamaraan ng pamamahalang hitik sa katiwalian, karahasan, at kawalang-katarungan.


Isa pang halimbawa ng konsepto ng “bayani” ay kinakatawan ni Minandro, na sumagip kay Florante kay Adolfo, at siyang nanguna sa hukbong gagapi sa mga kaaway. Ang unang pagiging bayani ni Minandro nang iligtas si Florante laban kay Adolfo’y noong sila’y kabataan pa, at sa yugtong ito, ang pagiging bayani ay katumbas lamang ng pagiging matapang na mandirigma (personal na antas). Ngunit sa ikalawang pagkakataon, ang pagiging “bayani” ni Minandro ay ipinamalas sa tula nang tumulong siya kay Florante para makabalik sa Albania at maghasik ng kontra-himagsikan. Sa yugtong ito, ang konsepto ng “bayani” ay naghunos sa pagiging “gawaing panlahat,” at siyang sinundan ng Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar.


Sa dulong bahagi ng awit, sina Aladin at Flerida ay tutulungan nina Florante at Laura na makamit muli ang kanilang kaharian, nang mamatay si Sultan Ali Adab. Bagaman ang kumbersiyon nina Aladin at Flerida na ipinahihiwatig ng pagbibinyag [1] ay waring pagtalikod sa kanilang kinagisnang relihiyon, magbabalik sila sa Persia upang magpasimula ng bagong politika. Sa ganitong pangyayari, ang pagbabalik sa sariling bayan ay ipinahihiwatig na napakahalaga at higit sa dapat itadhana ng relihiyon. Isa pang taktika na ginawa ni Balagtas ay walang direktang banggit sa “diyos” o “santo” ng mga Kristiyano sa kaniyang tula. Ang “diyos” (dios) na binanggit ni Balagtas ay tumutukoy kay Cupido at hindi kay Hesukristo. Kahit ang salitang “Kristiyano” ay iniwasan sa tula, at mahihiwatigan lamang ito kung itatambis sa pahiwatig na “Moro” na tumutukoy sa panig nina Aladin at Flerida.


Umaabot sa 136 salitang Espanyol [2] ang nakapasok sa korpus ng Tagalog sa Florante at Laura ni Balagtas. Pawang pangngalan [noun] ang naturang mga salita, na tumutukoy sa tao, pook, at bagay. Ang introduksiyon ng mga hiram na salitang banyaga ay isang paraan ng pag-aangkin, na sa termino ng kritikong Virgilio S. Almario, ay bahagi ng proseso ng naturalisasyon. Bagaman gumamit ng mga salitang Espanyol si Balagtas sa kaniyang tula, ang nasabing mga salita ay naging palamuti lamang at higit na nanaig ang katutubong konsepto ng “bayani” ng Tagalog.


Makabubuting pansinin ang pamagat ng awit ni Balagtas, nakasaad doon na ang awit ay kinuha umano sa “cuadro historico” o pinturang nagsasabi ng mga pangyayari sa imperyo ng Grecia noong unang panahon. Anuman ang ibig sabihin ni Balagtas, mahihinuhang lumilikha na siya ng anomalya dahil ang kaniyang akda ay walang tuwirang alusyon sa makasaysayang Grecia at hindi maikakahon lamang sa lunan ng Grecia. Ginamit lamang niya ang gaya ng “Grecia,” “Albania,” “Persia,” at “Etolia” sa pangalan lamang ngunit ang pinakapuso ng akda ay mahihinuhang hinugot sa kalooban ng Katagalugan. (Nilansi ni Balagtas ang awtoridad ng Simbahang Katolika at gobyernong kolonyal na Espanyol upang mapalusot ang kaniyang subersibong akda.)


Ang “Katagalugan” na ito ang ipapakahulugan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto na tumutukoy sa kapuluan ng bansa natin. Ayaw nilang tawagin ang sarili na “Filipino” bagkus “Tagalog.” Mabibigo sina Bonifacio at Jacinto, ngunit ang pagiging Tagalog ay mananatili naman bilang batayan ng wikang Filipino at kikilalanin sa Konstitusyong 1987—na isa nang malaking tagumpay ng mga bayani ng panitikan sa ating kapuluan.


Dulong Tala


[1] Sa Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ang “binyag” ay hango umano sa Borneo, at katumbas ng “paghuhugas ng tubig.” Isang ministro ni Mahoma (Muhammad) ang nagsasagawa ng ritwal na ito sa mga katutubo na hindi pa nabibigyan ng aral ng Islam. Nang lumaon, ang salitang “binyag” ay inangkin umano ng mga Kristiyano at itinumbas sa ritwal ng sagradong bawtismo. Kung babalikan ang tula ni Balagtas, ang konsepto ng pagbibinyag kina Aladin at Flerida ay hindi kumbersiyon sa Kristiyanismo, bagkus simpleng “paghuhugas ng tubig” para sa pagsisimula ng bagong relasyong mag-asawa.


[2] Kabilang sa mga salitang banyagang ginamit ni Balagtas sa kaniyang tula ang sumusunod: adarga; adios; Adolfo; Adonis; Aladin; Albania; altar; Antenor; atropos; Arco; astrologia; Atenas; Aurora; Averno; Bandila (bandera); Baselisco; batalia; Beata; Briseo; buitre; cabayo (cabaio; caballo); caliz; campo; carcel; catuno (tono); Celia; cetro; cipres; ciudad; Cocito; coleto; conde; consejo; corales; corona; cristal; Crotona; cuadro historico; Cupido; diamante; dicho; Dios; ducado; duque; Edipo; ejercito; Embahador; Emir; Epiro; escuela; Estanque; Eteocles; Etolia; fama; Febo; filosofia; Flerida; Florante; Floresca; General Osmalic; Grecia; guerra; guerrero; Hiena; higuera; Houris; imperio; incienso; Laura; leguas; leon; letra; libo; Linceo; lira; lobo; maestro; maquina; Marte; matematica; Medialuna; Menalipo; Minandro; Miramolin; Monarca; moro; mundo; musa; musica; Narciso; Nayadas; ninfa; oras (hora); orden; Oreada; original; Palacio Real; paraiso; Parcas; Percia (Persia); perlas; Persiano; pica; pincel; Pitaco; plumage; Pluto; Polinice; Princesa; Profeta; Quinta; Reina; Reino; rubé; salas; sello; sierpe; Sigesmundo; sirenas; soldado; Sultan Ali-Adab; topasio; tragedia; trigo; trono; turbante; turco; Turquia; vasallo; Venus; verdugo; verso; victoria; viva; voses; Yocasta (Reina Yocasta).


Filed under: kasaysayan, panitikang Tagalog, Tulang Filipino, Wikang Filipino Tagged: Balagtas, bayan, bayani, Kritika, KWF, peregrinasyon, Tagalog, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 04, 2014 00:48

February 19, 2014

Filipino ang Wika ng Kapayapaan

Nakatataba ng puso ang makapiling ang mga kinatawan ng mga pangkat etniko sa buong Filipinas sa Wika ng Kapayapaan: Pambansang Summit at Palihan, na ginanap sa Malaybalay, Bukidnon noong 13-15 Pebrero 2014. Lumitaw sa mga talakayan ang pangangailangan ng isang pambansang wika, na nagkataong Filipino, para maging lingguwa prangka ng mga pangkat etnikong ang mga wika’y hindi nalalayo sa Tagalog.


Ngunit kapag pinag-usapan ang “wika ng kapayapaan,” ang mga konsepto ay hindi lamang limitado sa lingguwistika o sosyolingguwistika. Kaugnay din sa naturang taguri ang usapin sa Pamanang Lupain ng mga Ninuno [ancestral domain], ang paghahanap ng katarungan laban sa mga dambuhalang minahan at walang habas na pagtotroso o paggugubat. Lumitaw din sa usapin ang diskriminasyon at intoleransiya sa mga katutubo, na madarama hindi lamang ng mga estudyante bagkus ng mga trabahador o propesyonal.


Nabanggit din sa mga talakayan ang mga nagaganap sa pagbubuo ng Bangsamoro Basic Law. Ang nasabing panukalang batas na binabalangkas pa hanggang ngayon, at ihahain sa sambayanan sa 8 Marso 2014, ay kakatwang nakasulat sa Ingles, at ito ang isa sa mga hindi naibigan ng mga katutubo. Para sa kanila, ang panukalang batas ay para lamang sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), na ang wika ay wikang Ingles, imbes na pumabor sa paggamit ng lingguwa prangkang Filipino sa Mindanaw.


Isa pang hindi nasagot ng panig ng MILF ay kung bakit hindi nito inihahayag sa sambayanang Filipino ang mga naging kasunduan nito sa mga pangkat etniko sa Mindanaw at Palawan. Ang naturang mga kasunduan, bagaman nasa antas ng pamayanan, ay mahalagang maunawaan ng sambayanan sapagkat ang usapin ng kapayapaan ay usapin ng lahat ng mamamayang Filipino. Kailangang maibunyag din ang resulta ng mga konsultasyon, at kung kinikilala ba ng mayorya ng mga pangkat etniko si Datu Antonio Kinoc ng B’laan, at siyang kumakatawan umano sa lahat ng pangkat etniko sa Mindanaw. Si Datu Kinoc ay Ingles nang Ingles, at daig pa ang mga akademiko, na hindi naibigan ng iba pang kinatawan ng mga pangkat etniko.


Kung nais ng kapuwa MILF at Gobyernong Filipinas na makabuo ng isang pangmatagalang kasunduang pangkapayapaan, ang wika ng kasunduan at wika ng batas ay napapanahon nang isulat sa Filipino nang may katumbas na teksto sa mga wikang katutubo. Ito ang lumabas sa mga talakayan, at marapat pakinggan ng pamahalaan. Ang sumusunod ay ang pinagtibay na resolusyon sa “Wika ng Kapayapaan: Pambansang Summit at Palihan”:



WIKA NG KAPAYAPAAN


Pambansang Summit at Palihan


Pook Kaamulan, Lungsod Malaybalay, Bukidnon


KAPASIYAHAN BLG. 2014-01, S. 2014


Pinagtitibay ang kapasiyahang irekomenda kay Pangulong Benigno S. Aquino III ang paggamit ng wikang Filipino sa mga kasunduang pangkapayapaan at iba pang kaugnay na batas


SAPAGKAT ang usapin ng kapayapaan ay mahalagang bahagi ng Sambayanang Filipino upang mapalakas ang bawat pamayanang magiging haligi ng bansa;


SAPAGKAT ang diwa ng kapayapaan ay likás na nakapaloob sa iba’t ibang kultura ng mga pangkat etniko ng Filipinas ngunit nakakaligtaang ipabatid sa mayorya ng populasyon ng Filipino;


SAPAGKAT ang mithi ng kapayapaan ay pangunahing pangangailangan na dapat bigyang pansin ng kapuwa pambansang pamahalaan at pamahalaang lokal;


SAPAGKAT ang kaganapan ng kapayapaan ay matatamo lamang sa paggamit ng wikang pambansang Filipino—katuwang ang mga katutubong wika sa buong Filipinas—na magbibigay ng nagkakaisang lakas, talino, at ambag ng lahat ng mamamayang Filipino, anuman ang lipi, paniniwala, at uring pinagmulan.


IPINAPASIYA, gaya ng ginagawang pagpapasiya ngayon, na dibdibang harapin ng pamahalaan, lalo na ng mga kinauukulang ahensiya o sangay nito, na ang mga balangkas ng Kasunduang Pangkapayapaan at ang mga batas na ipinaiiral sa bansa  ay dapat isulat sa wikang Filipino nang may katumbas na teksto sa mga katutubong wika ng mga pangkat etniko, at kaugnay nito, isangkot ang Komisyon sa Wikang Filipino sa mabilisang pagsasalin sa wikang Filipino ng mga batas na kasalukuyang pinaiiral para sa Kasunduang Pangkapayapaan at para sa kapakanan at karapatan ng mga pangkat etniko;


IPINAPASIYA rin na ipaabot sa pamahalaang pambansa at pamahalaang lokal na magsagawa ng malawakang konsultasyon sa mga pangkat etniko ng Filipinas sa pamamagitan ng wikang mauunawaan ng lahat, bago magsagawa ng mga proyektong pangkaunlaran sa mga lupain at tubigan, gaya ng impraestruktura at pagmimina, na makaaapekto sa kanilang kultura at pag-iral; at kaugnay nito ay gamitin ang Filipino sa antas ng barangay.


IPINAPASIYA pa na ipaabot sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang pangangailangang bumuo ng malinaw na programa upang harapin ang mabigat na hamon ng diskriminasyon at intoleransiya laban sa mga pangkat etniko, at gamitin sa naturang programa ang wikang Filipino na katuwang ang iba’t ibang wika ng mga pangkat etniko para maipaunawa sa pangkalahatang populasyon ng Filipinas ang mga usapin;


IPINAPASIYA sa wakas na ipaabot sa pamahalaang pambansa na dapat itong bumuo ng mga mekanismo ng komunikasyon sa wikang Filipino at mga katuwang na wika ng mga pangkat etniko gaya ng isinasaad ng Executive Order No. 335, at tutumbasan ng sapat na pondo ng pamahalaan, nang maisaalang-alang at matugunan ang mga problema, hinaing, at mungkahi ng mga pangkat etniko, lalo kung may kaugnayan sa mga Pamanang Lupain ng mga Ninuno, kasaysayan, kultura, kabuhayan, at katarungan.


NILAGDAAN at pinagtibay ng mga kalahok sa Wika ng Kapayapaan, Pambansang Summit at Palihan, na ginanap sa Pook Kaamulan, Lungsod Malaybalay, Lalawigang Bukidnon, Filipinas ngayong 15 Pebrero 2014.


Datu Jose E. Amban (ATA), Hernon E. Ambe (Bagobo ),Datu Ampuan Jeodoro Sulda (Menuvu), Charlita Lilawan-Ampode (Manobo Polangén), Datu Masilsil Warlito S. Sagubay (Higaonon), Romel B. Castello (Ibanag), Bae Merlinda B. Arao (ATA), Liza Yambagon (Bukidnon), Apolonio S. Tumbanga (Higaonon), Felomina G. Lagrada (Bukidnon), Salim  C. Sanihon (Basilan), Jennyleigh Mangubat (Bukidnon), Wimfredo Evangelista (Mangyan Iraya), Judith B. Dinsag (Bukidnon), Pirscaldo B. Carig (Bukidnon), Datu Elfranco Linsabay (Talaandig), Timeteo A. Lboerans (Iligan), Gertrudes A. Umhag (Bukidnon),   Isidro T. Echavez (Iligan), Angela G. Reyes (Bukidnon), Crispino Zinsagan (Tigwahanon), Datu Moises V. Kandang (T’bole-Ubo), Benilda M. Daytaca   (Applai-Kankanaey), Eliza A. Babaran (Fontok), Datu Pindulonakan Rogelio C. Lahuney (Manobo Polangén), Bae Imelda L. Signapnon (B’laan), Datu Elfranco L. Linsahay (Talaandig), Datu Diamla Rolando Soony (Higaonon), Datu Ronald Misanhumsay (Higaonon), Lorna B. Dela Cruz  (Yogad), Delia V. Giron (Ivatan), Datu Dominador E. Sambolan (IPMR), Biki Farumyan (Taubuid), Lolita M. Gunyo Bargon,Saidira Mansumayan (Mëranaw), Rogelio T. Sarillla (Talaandig/Lantapan), Crispin L. Saway (Talaandig/Lantapan), Jorge G. Ingayan (Hanunuo Mangyan), Ester T. Gramaje (Itawes/Ibanag), Jaime G. Castillo (Ivatan), Natividad M.Salcedo (Balangao), Biki Farumyan (Mindoro), Lolita M. Gunyo (Bangon), Datu Diamla Rolando So-ong (Higaonon), Marietta P. Dummanao (Tuwali), Fernuel Perino(Umayamnon), Jimmy B. Fonlo    (Ibaloy), Renedios G. Balletto (Bukidnon), Marissa G. Taypen (Bukidnon), Timoteo A. Loberanes (Iligan), Liza Yambagon   (Bukidnon), Julio Palisjerio (Ibaloy), Judith B. Dinsao (Bukidnon), Priscilla Carieg (Bukidnon), Pepito Rodello (Bukidnon State University), Minang  D. Sherief (Meranaw), Mary Jane B. Rodriguez (Tagalog),Ruby G. Alcantara (Tagalog/Hiligaynon), Datu Hussayin Arpa (Sama-Bajao), Saidina L. Mansumayan (Kalilargan), Gapa G. Dialang (B’laan), Fulong Alfredo N. Pandian (B’laan), Fulong Fernando S. Bagon (B’laan), Roberto L. Soong III (Higaonon), Macasalong C. Davanda (Meranaw), Norma P. Timbal, Francisca L. So-ong  (Higaonon), Pasencia S. Timbangan (Higaonon), Randy C. Timbangan (Higaonon),Marqulino A. Alvano (Higaonon), Marecel T. Llanes (Higaonon), Roselyn W. Garambas (Bogkalot), Lester G. Babiera (Tagalog), Alyssa Romielle F. Manalo (Tagalog-Batangas), Saidina Manaemayan (Kalilangan Higaonon), Jofilo Pinaandel (Higaonon), Jubert S. Nalosa (Bisaya), Cris May Jane S. Savie (Bisaya), Dorothy L. Chakiwag           (Sinadanga), Allan L. Paclit (I’guak), Gilbert T. Burdeos (Manobo), Florenda Pedro    (Kankanaay), Benjamin B. Vidal (Subanen), Antoneo P. Bantas (Subanen), Paquito B. Canibong, Sr. (Subanen), Maria Juanita Muntaluan (Bisaya Bukidnon), Pesio Umbasen (Subanen), Elvert Imbing Ebillo (Subanen), Sadawe A. Comonog (Higaonon), Rady C. Pugoy (Higaonon), Richard A. Zalsos (Higaonon), Roberto T. Añonuevo(Tagalog-Rizal), Purificacion G. Delima (Ilokano), Bae Lorna Enderes-Flores (Higaonon)


 



Filed under: halalan, Tulang Tuluyan, Wikang Filipino Tagged: Filipino, kapayapaan, katutubong pangkat, pangkat etniko, wika
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on February 19, 2014 22:04

February 13, 2014

Wika ng Kapayapaan

Magtataka marahil kayo kung bakit simbilis ng kabayong kumawala sa kuwadra ang pagbubuo ng Wika ng Kapayapaan: Pambansang Summit at Palihan na ito, na nagkataong ginaganap sa Taon ng Kabayo alinsunod sa kalendaryo ng mga Tsino. Hindi po nakikipagkarera ang mga organisador nito, bagkus nais habulin ang panahon na pawang nasayang noong nakalipas na administrasyon. Para sa kabatiran ng lahat, ang summit na ito ay naiplano may tatlong taon na nakalilipas, sa ilalim ng administrasyon ng dating tagapangulong komisyoner na hindi ko na nais pang banggitin ang pangalan, ngunit waring hindi handa bukod sa walang pagkukusa ang dating pamunuan upang isakatuparan ang ganitong grandeng lunggati.


Nang ilatag ni Kom. Lorna Enderes Flores ang ídea ng pambansang summit hinggil sa wika ay hindi ako nagulat sapagkat kumakatawan si Kom. Flores na isang Higaonon sa mga wikang mula sa Katimugang Pamayanang Kultural. Ngunit kinabahan ako sa gagastusin sa naturang pagtitipon, sapagkat ang unang tantiya ko ay aabutin ng milyon (na hindi naming kaya sa KWF) at maaaring hindi payagan ng Department of Budget and Management (DBM). Mabuti na lamang at lumitaw ang usaping kinasasangkutan ni Jeanette Lim Napoles, sumaklolo ang gaya ni Sen. Loren Legarda, at parang hulog ng langit na binigyan ng pondo ang KWF para matuloy ang pagtitipon. Nagkataon din na tinangkilik ng buong kalupunan ng mga komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino ang plano, buong puwersang tumulong ang Bukindnon State University. Kasaysayan na ang sumunod.


Mahalaga ang summit na ito sapagkat ito ang kauna-unahang seryosong pagtitipon na pag-uusapan ang mga wikang taal sa Filipinas tungo sa pagpapalawig ng kapayapaan, at inorganisa ng isang ahensiyang pangwika ng pamahalaan. Kung ang mga wika ang mayamang kamalig ng karunungan ng bansa, hindi lamang dapat magpakilala ang mga ito sa bawat pangkat etniko, bagkus sa antas ng progreso ng ating sibilisasyon. Nagiging malaking usapin ang wika sapagkat may kasaysayan na tayo hinggil sa pagkakawatak-watak dahil kailangan pa nating manghiram ng wika sa banyaga upang mabuo ang kasunduang panlipunan para maunawaaan ng mga dayuhan at siyang naglalagay sa alanganin sa mayorya ng mga mamamayan.


Maging sa pagbubuo ng Konstitusyong 1987 ay ginamit sa pangkalahatang deliberasyon ang Ingles, at dahil ito ang nakapangibabaw na wika sa mga talakayan, ang anumang pagtatalo hinggil sa nilalaman at pakahulugan ng mga salitang umaabot sa layuning legal ay dapat lutasin sa Ingles imbes na sa Filipino. Kaya kahit sabay ipinromulga ang mga tekstong Ingles at Filipino ng Konstitusyong 1987, hanggang sa simbolikong antas lamang ang pagkakapantay nito, pansin nga ni Blas F. Ople, at hindi sa antas ng operasyon.


Sa summit na ito ay susubukin natin ang wikang Filipino bilang lingguwa prangka ng mga Filipino na pawang nagmula sa iba’t ibang pangkat etniko. Ngunit hindi natin pag-uusapan ang wika lamang sa de-kahong pagdulog na akademiko, gaya ng inaakala ng mga lingguwista o sosyolingguwista; hindi rin natin pag-uusapan ang “kapayapaan” na parang adyenda ng ideologo o politiko o sundalo. Pag-uusapan natin ang wika bilang pamana ng ating mga ninuno tungo sa pagkakamit ng makabuluhang kapayapaan alinsunod sa pangangailangan ng mga pamayanan. Hindi ituturing na ang isang wika ay higit na matimbang kompara sa ibang wika, bagkus ang lahat ng wika. Kailangan ito nang maiwasan sa hinaharap ang mga sigalot at armadong tunggalian at nang makapagmungkahi ng mga epektibong hakbang sa pamahalaang lokal o pamahalaang nasyonal. Sa ganitong yugto, makabubuti marahil kung tutuklasin muli natin ang mga katutubong konsepto natin ng kapayapaan at diskursong Filipino sa pinakamatayog nitong katangian. Ito ay masasabing isang paglingon sa pinanggalingan dahil ibig nating maabot ang paroroonan na inaasahang makatarungan, maginhawa, at matiwasay.


Hindi dapat mangamba ang sinuman hinggil sa kanilang nais ipahayag.


Ang tungkulin ng KWF ay gampanan ang mandato nitong patuloy na paunlarin ang pambansang wika na nakasalig sa mga wikang panrehiyon, alinsunod sa Konstitusyong 1987 at Batas Republika Blg 7104. Ito ang dahilan kung bakit nagpupursige ang KWF na likumin ang lahat ng maaaring makuha mula sa mga wikang katutubo at ipaloob sa pambansang bongkatol ng mga wika at diskurso. Ito ang dahilan kung bakit abala ang KWF sa pagbubuo ng modernong ortograpiya at gramatikang pambansang lumalampas sa dating hanggahan ng “Pilipino” at “Tagalog.” Tungkulin natin na matamo ang ebolusyon ng Filipino sa pinakamabilis ngunit epektibong paraan—nang lampas sa itinatadhana ng mga batas–nang walang isinasakripisyo sa panig ng mga katutubong wika.


Sa kabilang dako, masasabing tungkulin ng panig ng mga kalahok sa summit na ito na ihayag ang kani-kanilang gawaing pangkayapaan sa kanilang antas na ang tinig ay nagbubuhat sa ibaba paitaas, sa paniniwalang makatutulong ito para makabuo ng pambansang programa na may kaugnayan sa kapayapaan. Isang anyo ng ambagan ang mga magaganap na palihan o diskurso; at ang usapan ay hindi isahang daloy at linear na ang impormasyon ay nagmumula sa lamang sa isang panig. Inaasahang magiging maatikabo ang daloy ng komunikasyon, hitik sa damdamin ngunit matalino at kalkulado, nang makapagluwal ng mga kabatiran at kaisipang pakikinabangan ng mga tao.


Ang bisyon ng KWF hinggil sa pambansang na summit na ito ay karugtong ng isa pang dakilang lunggati: ang pagtatatag ng “Kandungan ng Wika at Kultura” sa Lungsod Iligan, at ipapaliwanag mamaya ni Kagalang-galang Trinidad Dela Torre-Cardona. Ang Mindanaw, sa darating na panahon, ay inaasahang magiging pandayan ng mga wika at kalinangan sa buong Filipinas; at kung papalarin ay magaganap din doon dalawang taon mula ngayon ang isang internasyonal na kumperensiya na pangangasiwaan ng KWF para itanghal sa daigdig ang kariktan at lalim ng ating mga katutubong wika.


Inaasahan kong aktibo kayong makikilahok sa mga talakayan nang taglay ang malasakit sa ating pinagmulang pamayanan, at sa patuloy na pagbubuo ng ating konsepto ng kabansaan. Sa aking pakiwari, at maaaring ako’y nagkakamali, ang pagkakakilala ng mga Filipino sa wikang Filipino ay parang gabi: madilim, at kaya umaasa tayo sa tanglaw ng buwan o gabay ng bituin, samantalang nakansandig palagi sa maidudulot na reimbensiyon ng liwanag sa tulong ng elektridad o likas-kayang pag-unlad. Ngunit ang gabi, ayon nga sa kawikaan, hindi man hukayin ay ano’t kusang lumalalim. Itinatadhana ng gabi ang siklo ng pagbabago ng katauhan at kaligiran sa bisa ng paghahanap ng liwanag at kusang pagsilang ng liwanag.


Hindi magwawakas sa gabi ang ating mga wika. Ang katotohanang naririto kayo ngayon para makilahok at mag-ambag ng kaalaman hinggil sa wika at kapayapaan ay isang patunay na hindi magiging madilim ang hinaharap ng wikang Filipino, para sa lahat ng Filipino, saanmang panig ng mundo sila naroroon.


Muli, magandang umaga sa inyong lahat, at isang karangalan ang magsalita sa inyong harap.


[Pambungad na talumpati ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa pagbubukas ng Wika ng Kapayapaan: Pambansang Summit at Palihan, na ginanap noong 13-15 Pebrero 2014, sa Pook Kaamulan, Malaybalay, Bukidnon. Dinaluhan ang nasabing makasaysayang pagtitipon ng mahigit 100 pinuno ng mga pangkat etniko sa Mindanao, Visayas, at Luzon.]


Filed under: kasaysayan, pangkat etniko, talumpati, Wikang Filipino Tagged: Bukidnon, Filipino, kapayapaan, konsultasyon, kultura, panahon, wika
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on February 13, 2014 15:25

February 7, 2014

Ang “Filipino” sa Konstitusyong 1987 at ang kaso ng “Filipinas”

Hangad na sagutin ng panayam na ito ang legalidad ng paggamit ng salitang “Filipinas” sa mga akdang nasusulat sa Filipino, inilathala man ng publiko o pribadong ahensiya o institusyon. Inihayag noong isang taon nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit ng mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad [ng pamahalaan].”[i] Mahalagang talakayin ang tindig nina Torres-Yu atbp sapagkat ang anumang ipinromulgang konstitusyon noong 1987 ng pamahalaan, nasa Ingles man o Filipino, ay maaaring maging batayan ng paggamit ng Filipinas sa ngayon.


May nilalabag ba sa kasalukuyang konstitusyon o sa alinmang batas ng bansa, kung gagamitin ng pamahalaan sa partikular, at ng madla sa pangkalahatan, ang salitang “Filipinas” sa mga opisyal na komunikasyon? Bago ito sagutin ay marapat munang ilugar ang salitang “Filipino” at “Pilipino” sa konteksto ng Konstitusyong 1987. Kailangan ding linawin kung paano binuo ang Saligang Batas 1987, kung naipromulga ba ito sa kapuwa Ingles at Filipino, at kung natalakay nang husto ng mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal[ii].


Anyo ng Filipino

Sa rekord ng Komisyong Konstitusyonal[iii], kinilala ng Lupon sa Wika, ani Wilfrido V. Villacorta, ang sumusunod: una, may umiiral na lingguwa prangka na tinatawag na “Filipino” na ginagamit ng mga mamamayang may magkakaibang katutubong wika o diyalekto; at ikalawa, ang lingguwa prangkang ito ay “Filipino” at hindi “Pilipino” sapagkat hindi ito eksaktong Tagalog. Ipinaliwanag pa niyang ang Tagalog ay may purong anyo, samantalang ang Filipino ay mas puro pa ayon sa mga lingguwista dahil kinakailangan nitong umimbento ng salita kahit hindi pa ginagamit. Dumaan sa ebolusyon nang ilang siglo, sambit pa ni Villacorta, ang Filipino bilang lingguwa prangka sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang diyalekto na nauunawaan ng nakararaming tao. Ibinunyag pa niyang, ayon umano sa isang lingguwista,[iv] ang mga wika sa Filipinas ay may parehong ugat na salita, gramatika, at palaugnayan, kaya napakadaling mag-aral ng isang Filipino ng alinmang diyalekto sa Filipinas kompara sa mag-aral ng banyagang wika.


Ang unang sesyon ng Komisyong Konstitusyon ng 1986.

Ang unang sesyon ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986. Larawan mula sa pamahalaan.


Mahalagang itampok dito ang kaibhan ng “Filipino” sa “Pilipino.” Sa tanong ni Jose C. Colayco hinggil sa kung ano ang kaibhan ng dalawang salita, tumugon si Villacorta na ang Filipino ay “pinalawak na Pilipino, at ito ang lingguwa prangka na likás na dumaan sa ebolusyon sa buong bansa, at ibinatay sa Tagalog at iba pang diyalekto [sic, wika] sa Filipinas at banyagang wika. Sumang-ayon din si Villacorta kay Colayco na higit na angkop ang Filipino dahil kung ibabatay sa kasaysayan, ang Filipino ay nagmula sa “Filipinas” na nag-ugat naman sa “Felipe” [Haring Felipe II ng Espanya].[v] Ayon naman kay Francisco A. Rodrigo ang “Pilipino” ay tinanggal ang mga [hiram] na titik sa alpabeto na gaya ng \f\, \j\, \q\, \v\, at \z\ at pinalitan ng \k\ ang \c\ na lumitaw na katawa-tawa [kapag ginamit sa pasulat na paraan], at ang ganitong mga dahilan ang nagresulta para suportahan ang “Filipino” bilang wikang pambansa.[vi] Sa punto de bista ng Filipino ay tama si Rodrigo; ngunit sa punto ng Tagalog, ito ang pinakamadaling paraan ng adaptasyon, bagaman ang naturang gawi ay maaaring magsakripisyo ng orihinal na anyo ng salitang hiniram mula sa banyagang wika. Ilan sa maihahalimbawa na salitang Espanyol na may titik \c\ na naging \k\ o \s\ ang sumusunod: cabo (kabo), cacerola (kaserola), cadena  (kadena), cadete (kadete), camara (kamara), campana (kampana), at canal  (kanal).


Kung palalawigin pa ang obserbasyon ni Rodrigo, ang lahat ng salitang hiram sa Espanyol na may \f\ ay pinalitan lahat ng \p\, gaya ng café (kape), certificado  (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica  (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico   (panatiko), fantastico   (pantastiko), farol  (parol), farola (parola), at Filipinas (Pilipinas). Ang \j\ ay tinumbasan ng \h\ sa Pilipino, gaya ng caja (kaha), cajero (kahero), jamón (hamon), Japonés (Hapones), jarana (harana), at justicia (hustisya). Ang \q\ ay hinalinhan ng \k\, gaya ng caqui (kaki), querida (kerida), quijones  (kihones),  quijote (kihote), quimiko (kimiko) quinta (kinta), at quizame  (kisame). Ang titik \v\ ay tinumbasan ng \b\, gaya ng  cavado (kabado), caviar (kabyar), levadura  (lebadura), civil (sibil), vaca (baka), uva  (ubas), favorito (paborito), avocado (abokado), at Eva (Eba). At ang titik \z\ ay pinalitan ng \s\, gaya ng carroza (karosa), brazo (braso), cabeza (kabesa), capataz (kapatas), cerveza (serbesa), eczema (eksema), at calzada (kalsada).


Sinabi naman ni Ponciano L. Bennagen na ang Lupon sa Wika ay pinili ang “Filipino” na may \f\ na gamitin sa panukalang Konstitusyong 1987 sapagkat ito ay opisyal na naghunos [evolved] sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng Tagalog na walang \f\, na “sumasalamin sa liberal na pagkilos tungo sa pagtanggap ng iba pang diyalekto sa lilitaw na lingguwa prangka.”[vii] Ang ganitong tindig ang siya ngayong ipinagpapatuloy ng KWF, pagkaraang lumitaw sa mga pambansang konsultasyon nito na may titik o tunog \f\ sa mga katutubong wika na dapat ipaloob sa Filipino.


Ang salitang “evolve,” gaya sa ebolusyon ng Filipino, ay isang puntong pinagtaluhan sa Komisyong Konstitusyonal. Kung ipagpapalagay na ang pagtanggap ng \f\  sa alpabetong Filipino ay napakahalagang aspekto ng ebolusyon upang makahiram ng mga salita sa panrehiyon o banyagang wika, ito ang dapat harapin sa ngayon. Mababalikan ang panukala ni Joaquin G. Bernas na enmiyendahan ang lahok na nabuo ng lupon hinggil sa wika.[viii] Tumutol si Villacorta dahil pinalalabnaw nito ang orihinal na panukalang napagkasunduan. Sumagot si Bernas na ang kaniyang panukala ay tinatanggal ang salitang “evolve” dahil hindi daw isinasabatas ang ebolusyon. Ngunit tumindig si Blas F. Ople, at ikinatwirang “ang salita ay kumikilala sa katotohanan na ang mga tao mismo ay may karapatang hubugin ang kanilang wika nang labas sa balangkas ng Konstitusyon o batas.” Idiniin ni Ople na ang tungkulin ng batas ay patuloy na paunlarin ang naturang mga wika[ix] (akin ang diin).


Salin at Promulgasyon

Ang panahon na ginagawa ang borador ng Konstitusyong 1987 ay yugto na nasa transisyon ang Institute of National Language (INL)/ Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na tatawaging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) pagkaraan. Noong 1986, nasa ilalim ng Rebolusyonaryong Gobyerno ang Filipinas, at ang SWP ay nasa alanganing posisyon bilang kawanihan. Gayunman, aktibong nagmungkahi ang SWP sa pangunguna ni Ponciano B.P. Pineda hinggil sa mga nararapat na probisyon ng panukalang konstitusyon 1987. Kabilang sa inilaban ng SWP ang sumusunod: una, gawing opisyal na wika ang Filipino; ikalawa, gawing wikang pambansa ang Filipino na ang pinakaubod ay “Pilipino.” Ang mungkahi ng SWP ay taliwas sa orihinal na panukala nina Ernesto Constantino, Consuelo J. Paz, Rosario Torres-Yu, at Jesus Fer. Ramos na ipromulga ang konstitusyon sa wikang Pilipinon sa paniniwalang ang “Filipino” ay dapat pang paunlarin, at ang tunog \f\ ay hindi mabigkas ng maraming Filipino. Ang pagdaragdag ng hulaping \-on\ , na gaya sa Hiligaynon, Surigaonon, Bikolnon, atbp ay katanggap-tanggap umano sa mga Bisaya at taga-Mindanaw.[x] Nabigong umusad ang Pilipinon dahil kailangan nitong magsimula sa zero, bagaman maganda ang idea na ang pambansang wika ay mabuo mula sa mga katangian ng sari-saring wika sa buong kapuluan.


Ang Filipino-na-ang-pinakaubod-ay-Pilipino ang magiging problematiko sa pagbubuo ng Konstitusyong 1987. Habang binabalangkas pa lamang ang nasabing batas, ang lahat ng diksiyonaryo at tesawro sa buong kapuluan ay tinatanggap lamang ang Pilipino, gaya sa Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban; Pilipino Loan Words in English (1970) ni Fe Aldabe Yap; English-Tagalog Dictionary (1977) at Tagalog-English Dictionary (1986) ni Leo James English; English-Pilipino Dictionary (1995) nina Vito C. Santos at Luningning E. Santos; at Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) ng LWP. Sa ganitong pagkakataon, bagaman tinatanggap sa hinagap ang mga hiram na titik, gaya ng \f\, \j\, \q\, at \v\, ang mga ito ay hindi pa nailalahok sa mga diksiyonaryo na magbibigay ng suliranin sa pagsasalin sa Filipino ng konstitusyon. Mapapansin kung gayon na ang Filipino sa yugtong ito ay marapat pang pinuhin ng mga lingguwista, editor, at manunulat.[xi]


Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 8, ng Konstitusyong 1987, “This Constitution shall be promulgated in Filipino and English and shall be translated into major regional languages, Arabic, and Spanish.”


Kung ang “Filipino” ay ipapalagay na kathang-legal [legal fiction] pa lamang, kung susundin ang pangangatwiran ni Bro. Andrew Gonzalez, ang paraan ng pagsasalin ng tekstong Ingles ng Konstitusyong 1987 tungo sa Filipino ay dapat handang tumanggap ng mga hiram na titik sa mga banyagang wika. At kung susundin ang lohika ni Pineda na ang ubod ng Filipino ay Pilipino, ang Filipino nito sa minimum na kahingian ay dapat sumunod sa panuntunan ng Pilipino at pagkaraan ay handang tumanggap ng pagbabago sa proseso ng ebolusyon ng Filipino, gaya ng titik \f\ na hindi lamang ginagamit sa Espanyol at Ingles, bagkus matutunghayan din sa mga katutubong wika sa hilaga at timog, partikular sa Kordilyera at Zamboanga Peninsula.


Pangunahing teksto at Salin

Isang malaking usapin sa mga pagdinig at pagtatalo ng Komisyong Konstitusyonal ay nang pagtibayin ang borador ng Konstitusyong 1987 sa wikang Ingles noong 13 Oktubre 1986, dalawang araw bago ang dedlayn ng Komisyon; sa kasamaang-palad ay hindi pa tapos ang bersiyong Filipino.  Nagtanong si Ponciano L. Bennagen kay Presiding Officer  Ricardo J. Romulo sa estado ng tekstong Filipino at kung anong paraan ito lalagdaan, yamang may pantay na importansiya ito sa tekstong Ingles.


Tinugon ni Jose F. S. Bengzon si Bennagen na kung sakali’t magkakaroon ng pagtutol sa salin sa Filipino na may kaugnayan sa paglabag sa mga konsepto ay mananaig ang tekstong Ingles. At ang mga pagtutol ay dapat maitala ng Komisyong Konstitusyonal.


Iminungkahi ni Christian S. Monsod na anumang tekstong Filipino na kanilang lagdaan ay ituring na borador lamang. Aniya:


I would like to suggest that any translations that are made, even if we sign them, be constituted as draft, because I do not think that we should sign any translation that we have not really studied ourselves. The only text that has been approved by this body is the English text. I do not think we can delegate to anybody the finalization of any other version that we ourselves have not gone through individually.[xii]


Ang pag-uusisa ni Bennagen kung ano ang magiging pangwakas na aksiyon upang maging opisyal na bersiyon ang tekstong Filipino ay makatwiran. Binanggit ni Bengzon na ang promulgasyon ng tekstong Filipino ay maaaring ganapin pagkaraan ng ratipikasyon, upang magkaroon ng sapat na panahon sa pagsasalin at marepaso iyon nang maigi ng mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal. Gayunman, may legal na balakid sa awtoridad ng Komisyong Konstitusyonal. Pagkaraan ng 15 Oktubre 1986 ay magiging functus officio—tapos na ang termino bukod sa nagwakas na ang gawain, at wala nang awtoridad pa na ipagpatuloy ang tungkulin— ng Komisyong Konstitusyonal.


Iminungkahi ni Ople na isaalang-alang ang referendum sa panig ng mga komisyoner kung sang-ayon ba sila sa magiging bersiyon ng tekstong Filipino. Binanggit ni Ople ang pangangailangang itatag ang isang ad-hoc komite na lilikom ng mga panukala upang pagsapit ng petsa na itatakda ng Pangulo makalipas ang ratipikasyon ng Konstitusyong 1987 ay maipopromulga na ang pangwakas na tekstong Filipino.[xiii]


Nilinaw ni Monsod, batay sa tanong ni Bennagen, na ang pangwakas na gawaing may bisa [final operative act] ay nasa paglagda ng mga komisyoner. Iminungkahi niya na ituring na borador ang lalagdaan sa ika-15 ng Oktubre, at ang pinal na tekstong Filipino ay dapat personal na lagdaan ng mga komisyoner sa pamamagitan ng referendum bago magwakas ang kanilang termino.


Sumabat si Bengzon kung kailangan pa ang mga mungkahi sapagkat, aniya, dapat beripikahin ni Pangulong Corazon C. Aquino kung naging matapat ba ang tekstong Filipino sa tekstong Ingles bago ito ipromulga. Hindi na kailangan umanong magtipon muli ang mga komisyoner at suriin at tiyakin ang tekstong Filipino. Kung bibigyan naman ng sipi ang bawat komisyoner, kailangan pa rin nitong beripikahin ang salin. At magagawa lamang ito kung dudulog sa isang ahensiya ng gobyerno (na sa panahong iyon ay SWP). Sinabi pa niyang siguro naman ay titiyakin ng Tanggapan ng Pangulo ang pagiging matapat ng tekstong Filipino sa tekstong Ingles.


Lumitaw pagkaraan ang tanong kung aling teksto ang mananaig kapag nagkaroon ng pagtatalo sa nilalaman ng konstitusyon. Nilinaw ni Ople na ang mamamayaning teksto [controlling text] ay ang Ingles sapagkat iyon ang wika sa mga deliberasyon, at para sa layuning legal lamang. Narito ang paliwanag ni Ople bago pagkasunduan ang mamamayaning teksto sa konstitusyon[xiv]:


THE PRESIDING OFFICER (Mr. Ricardo J. Romulo). Commissioner [Blas F.] Ople is recognized.


Mr. OPLE: If I may be allowed a recollection of the debates at that time, the Committee on Human Resources, headed by Commissioner Villacorta, did decide not to take a position on a controlling text. I think the presumption they adhered to was that the English and Filipino texts would be equal in rank for purposes of serving as official text of the promulgated Constitution. However, there is nothing to prevent this Commission from acknowledging the fact, as it has been acknowledged now, that the original draft was written in English and the deliberations mainly were conducted in English and that, therefore, for legal purposes, the English text could be considered controlling, for example, in courts of law, but only for purely legal purposes. We want to hold on, I am sure, to the symbolic equality of both texts.


MR. MONSOD: Mr. Presiding Officer.


THE PRESIDING OFFICER (Mr. Romulo). Commissioner [Christian S.] Monsod is recognized.


MR. MONSOD: I would like to formally move that the controlling text will be English, in case there is a conflict.


THE PRESIDING OFFICER (Mr. Romulo). For legal purposes.


MR. MONSOD: For legal purposes.


MR. [JOSE F. S.] BENGZON: I second the motion.


Ang pagturing sa Ingles bilang “namamayaning teksto,” ani Adolfo S. Azcuna, ay hindi dahil superyor ang Ingles sa Filipino, bagkus ito’y nagkataon lamang. Ginamit sa pangkabuuang deliberasyon ang Ingles at sumusunod lamang sila sa tuntuning travaux préparatoire.[xv] Sa ilang pagkakataon na ginamit nang bahagya ang Filipino sa mga sesyon ay mananatili pa ring namamayaning teksto ang Ingles, bagaman hindi sinasabi nang tahasan ang Ingles.[xvi] Pinagtibay pagkaraan ang isang resolusyon ng mga komisyoner na nagsasaad, “In case of conflict between the Filipino text and the English text, then the language predominantly used in our deliberations will prevail.”[xvii]


Sa ganitong anggulo dapat sipatin ang kaso ng salitang “Pilipinas” bilang salitang panumbas sa “Philippines.” Kung ang namamayaning teksto ng Konstitusyong 1987 ang susundin, sa kasong may kaugnayan sa aspekto o layuning legal, ang dapat gamitin ay “Philippines” na hango sa Ingles, at ang wika at mamamayan ay dapat tawaging “Filipino” alinsunod sa anyo ng pagkakasulat sa Ingles. Mapupuwing na hindi konsistent sa ortograpiya, dahil kung “Philippines” ang bansa, ang mamamayan at konseptong kaugnay nito ay dapat tawaging “Philippinean.”


Gaya ng nabanggit ni Villacorta, ang paggamit ng “Filipino” ay konsistent sa orihinal na tawag sa bansa: Filipinas. Ngunit dahil sa hindi pa ganap na nalilinang ang modernong ortograpiya ng wikang Filipino nang isalin ang panukalang konstitusyon, nanaig sa salin ang terminong Pilipino na “Pilipinas.” Pinanaig din ang salitang “Pilipino” kapag tumutukoy sa pagkakamamamayan, at ito ay matutunghayan, halimbawa na sa “Preamble” na ang “Filipino people” ay tinumbasan ng “Sambayanang Pilipino” sa tekstong Filipino; o kaya’y sa Seksiyon 19, Artikulo II, na ang “Filipino” (mamamayan) ay tinumbasan ng “Pilipino.” Sa ganitong pangyayari, mahihinuha na ang pagkakasalin ng tekstong Ingles tungo sa Filipino ay nagmumula pa rin sa namamayani noong “Pilipino” ng SWP.[xviii] Para maging konsistent sa ortograpiya ay dapat tumukoy ang “Filipino” hindi lamang sa wika, bagkus sa pagkamamamayan at lahat ng konseptong may kaugnayan sa pagkabansa.


Ang usapin ng “Pilipinas” bilang salin ng “Philippines” ay matutunghayan din sa deliberasyon ng Komisyong Konstitusyonal. Nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap na katumbas lamang ito ng Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.


Sumagot si Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa pagsasalin ng Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino (na hindi pa tinatanggap ang mga hiram na titik na \c\, \f\,, \j\, \ñ\, \q\, \v\, \x\, at \z\ mula sa Espanyol at Ingles). Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.[xix]


Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas (akin ang diin).” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa linya ng kautusan na “Pilipino” ang dapat itawag sa pambansang wika, batay sa pahayag ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959.[xx] Sinabi lamang ni Gascon na katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.Hirit pa ni Gascon:


On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.[xxi]


Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit ng Filipino bilang pang-uri ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa SWP. Higit pa rito’y mapapawalang-bisa ng Konstitusyong 1987 ang Konstitusyong 1973 sa oras na maratipikahan ng sambayanan.


Ang SWP noong 1959-1973 ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong 1991, bago pa ito maging KWF noong 1992, ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sa “wikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.


Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Nilagdaan ng mga komisyoner ang salin sa Filipino ng panukalang konstitusyon noong 15 Oktubre 1986, ngunit nabigo ang buong komisyon na repasuhin pa ang tekstong Filipino kompara sa ginawang pagrepaso sa tekstong Ingles.


Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas. Kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika sa pangkalahatang diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas.


Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas na tahasang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pangyayari ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino pagsapit sa usaping legal.


Ang tanong: Mayroon bang pagtatalo [conflict] ng teksto sa Ingles at Filipino, kung pagbabatayan ang tekstong Filipino, hinggil sa paggamit ng “Pilipinas” o “Filipinas,” at siyang umaabot sa mga layuning legal? Ang tanong na ito, bagaman, karapat-dapat sagutin ng Korte Suprema, ay maaaring sagutin na “Oo.” Kapag ang isang kinatawan ng Kongreso ay nagbanta na sasampahan ng kaso ang KWF, o ang mga opisyal nitong nagsusulong ng “Filipinas,” ang tanong hinggil sa katumpakan ng salin sa Filipino ay dapat pinag-uusapan at nilulutas. Kapag ang Tanggapan ng Pangulo ay tinatanggap ang “Republic of the Philippines” at “Republika ng Pilipinas” ngunit tinatanggihan ang “Republika ng Filipinas” dahil sa usapin ng protokol, ang paggamit ng pangalan ng bansa ay umaabot sa layuning legal sapagkat ang dapat balikan ay ang konstitusyon.


Usapin ng salin sa Filipino

Ang tekstong Ingles ay inilimbag ng National Media Center, samantalang ang tekstong Filipino ay dinala sa pribadong limbagan.[xxii] Itinalaga sina Villacorta at Rustico F. de los Reyes, Jr na subaybayan ang paglilimbag sa Filipino, bukod sa sila rin ang may tungkuling tapusin ang pangwakas na borador ng tekstong Filipino.


Nanaig ang mungkahi ni Bengzon na lalagdaan ng mga komisyoner ang tekstong Filipino, na sasailalim sa pagtutuwid kung kinakailangan, sa petsang hindi lalampas sa ratipikasyon ng Konstitusyon, at isasakatuparan ng Tanggapan ng Pangulo ang pagsasalin. Inihayag ni Bengzon sa isang resolusyon na nagrerekomenda kay Pangulong Aquino na isagawa ang ratipikasyon pagsapit ng 23 Enero 1987, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 9 na nagtatadhana ng ratipikasyon at pagtanggi sa bagong konstitusyon.


Nabuo at pinagtibay ang isang resolusyon na magkakaroon ng ad hoc komite pagkalipas ng 15 Oktubre 1986, at ang komiteng ito ay pamumunuan ni Tagapangulong Komisyoner Cecilia Muñoz-Palma upang tapusin nang ganap ang anumang nabinbing trabaho o likidasyon. Ang panukalang konstitusyon sa Ingles ay pinagtibay ng mga komisyoner noong 12 Oktubre 1986; at ang mga teksto sa kapuwa Ingles at Filipino ay nilagdaan ng mga komisyoner noong 15 Oktubre 1986. Nang ihayag ng Pangulong Aquino, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 58, ang opisyal na kambas ng boto at ratipikasyon ng Saligang Batas 1987 noong 11 Pebrero 1986, ang nasabing batas ay nagkabisa agad. Sa ganitong pangyayari, masasabing ang tekstong Filipino ay simbolikong pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal, nang may reserbasyon ang mga komisyoner sa katumpakan o kaangkupan ng salin, sa kabila ng paniniwalang ang mga lagda ng mga komisyoner ang magpapatibay sa bisa ng panukalang batas na nilikha nila.


Binanggit ang mga pangyayaring ito sapagkat napakahalaga ang promulgasyon ng panukalang Konstitusyong 1986, at ang ratipikasyon ng Konstitusyong 1987, sa wikang Filipino. Dapat ipromulga sa kapuwa Ingles at Filipino ang nasabing konstitusyon. Bagaman naganap ito, ang salin sa tekstong Filipino ay nabigong dumaan sa masinop na pagsusuri ng mga komisyoner (alinsunod sa mga payo ng mga batikang editor, manunulat, at lingguwista) na may tungkuling suyurin ang tekstong Filipino. Ipinaubaya na lamang ang pagsasalin sa isang ahensiya ng gobyerno, at ang ahensiyang ito, bagaman hindi binanggit sa mga pagdinig ng Komisyong Konstitusyonal, ay ang SWP na naging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) pagkaraan. Ang tinutukoy ni Bennagen na mga iskolar at kasamahang nagsalin ng panukalang konstitusyon ay ang pangkat mula sa SWP, na pinamumunuan nina Pineda at Pablo Glorioso. (Ang LWP, na naging KWF pagkaraan, ay hindi na muling nagkaroon ng pagsusuri sa katumpakan ng salin alinsunod sa makabagong ortogpiya.) Ayon sa mga kawani ng SWP na nagsalin ng manuskrito ay baha-bahagi ang ginawa nilang pagsasalin; at lumalabis pa sila sa oras ng takdang trabaho upang masunod lamang ang dedlayn na itinakda bago lagdaan ito ng mga komisyoner. Noong 1991, apat na taon makaraang ratipikahan ang Konstitusyong 1987, ililimbag ng LWP ang nasabing konstitusyon, na sumusunod, ayon kay Pineda, sa “isinamodernong palatitikan at palabaybayan ng wikang pambansa.”[xxiii] Isang parikala ito, kung iisiping makiling sa Pilipino ang dating LWP, at wala ni isang lahok sa mga diksiyonaryo nito noong panahong iyon, ang mga lahok na salitang hiram sa banyagang wika na gumagamit ng \f\.


Kaso ng sagisag at eskudo de armas

Ginamit ni Rep. Magtanggol T. Gunigundo I ng Velenzuela, Bulakan, ang Batas Republika Blg. 8491 na pinamagatang “An  Act Prescribing the Code of the National Flag, Anthem, Motto, Coat-of-Arms, and Other Heraldic Items and Devices of the Philippines” upang paalalahanan ang KWF na mali ang isinusulong nitong panukala hinggil sa paggamit ng salitang “Filipinas.” Ito ay sa pangyayaring nakasaad sa Seksiyon 41, Kabanata IV, ng nasabing batas na dapat gamitin ang mga salitang “Republika ng Pilipinas” sa pambansang eskudo de armas. Nakasaad din sa Seksiyon 42, Kabanata V, na dapat nakapaloob sa Great Seal [Dakilang Selyo] ang mga salitang “Republika ng Pilipinas” na magagamit lamang ng Pangulo.


Magkakaroon ng malaking usapin sa “Republika ng Pilipinas” na ginamit sa Batas Republika Blg. 8491 kung ang pinagbatayan nito ay ang Konstitusyong 1987, partikular ang tekstong Filipino na pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal at nilagdaan ni Pangulong Corazon C. Aquino noong 1986. Ito ay sapagkat sumunod lamang ang naturang batas sa salin sa Filipino ng nasabing konstitusyon. Ngunit dahil mapag-aalinlanganan ang tekstong Filipino ng Konstitusyong 1987, na hindi pa noon nakaiigpaw sa parametro ng Pilipino, at sapagkat hindi napagdebatihan ng mga komisyoner nang masusi ang pangalan ng bansa, ang Philippines ang mananatiling iisa’t tanging pangalang opisyal hanggang ngayon sapagkat umaabot sa usaping legal ang paggamit ng “Philippines,” “Pilipinas,” at “Filipinas.”  Dapat ulitin ang napagkasunduan ng mga komisyoner noong 1986: Kung sakali’t may pagtatalo sa tekstong Ingles at Filipino, ang wikang ginamit nang malawakan sa mga diskusyon ng Komisyong Konstitusyonal ang dapat manaigsa layuning legal lamang. Sa kasong ito, ang tekstong Ingles na siyang ginamit sa pangkalahatang deliberasyon ang maipapalagay na dapat manaig na wika kung isasalang sa pagtatalong legal. Ibig sabihin, dapat ay Philippines ang opisyal na tawag sa bansa, ngunit kailangang isabatas muli ang paggamit ng Filipinas, alinsunod sa makabagong ortograpiyang sumusunod sa modernong panahon.


Ang paggamit ng Philippines ay tiyak na tatanggihan ng publiko kapag ang akda ay nasusulat sa Filipino o kaya’y sa wikang panrehiyon. Nakapaninibago sa paningin ng madla ang “Filipinas,” subalit konsistent sa modernong palatitikang sumusunod sa Filipino, kung ihahambing sa nakasanayang “Pilipinas.” Mananatili namang lumilihis sa makabagong ortograpiya ang “Pilipinas” na ang saligan ay “Pilipino” kung hindi man Tagalog.


Kung ipagpapalagay na panuhay na batas [enabling law] ang Batas Republika Blg. 8491 sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987, ang nasabing batas ay nangangailangan ng rebisyon sa hinaharap upang maituwid ang pangalan ng bansa, alinsunod sa wikang Filipino na may modernong ortograpiyang tumatanggap ng titik \f\. Hindi makatutulong kung magsasampa ng kaso si Rep. Gunigundo sa Korte Suprema, upang usigin lamang ang mga tao o institusyong gumagamit ng salitang “Filipinas.” Malayang gumamit ang sinumang Filipino ng “Filipinas” para sa ikalalago ng wika at alinsunod sa ebolusyon ng wika; ngunit tungkulin din ng gaya ng mambabatas na lumikha ng batas na higit na magpapalinaw o magpapayaman sa estado ng wika, halimbawa sa paggamit ng “Filipinas” o “Pilipinas” o “Philippines.”


Ang usapin ng Filipinas batay sa istoriko, hudisyal, at lingguwistikong pagdulog ang dapat harapin, hindi lamang ng mga mambabatas, bagkus ng taumbayan. Kung hihiramin ang winika ni Ople, ang taumbayan ay malaya at may karapatang paunlarin ang mga taglay nitong wika nang labas sa itinatadhana ng konstitusyon o alinmang batas; ngunit tungkulin ng batas na patuloy na paunlarin ang mga wika. Sa yugtong ito, magalang kong ipinapasa sa Kongreso ang pagpapatibay ng batas na lalagdaan ng Pangulo, hinggil sa tumpak at karapat-dapat na pangalan ng bansa.


["Filipino" sa Konstitusyong 198 7 at ang Kaso ng "Filipinas" ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo. Panayam na binasa sa Pambansang Forum na ginanap sa gusali ng National Commission for Culture and the Arts noong 4 Pebrero 2014, at siyang itinaguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang panayam na ito ay pinaunlad na bersiyon ng mga naunang sanaysay ng awtor hinggil sa kaso ng "Filipinas" at "Filipino."]
Mga Tala



[i] Basahin ang “Pahayag ng mga propesor at institusyon sa Unibersidad ng Pilipinas laban sa mungkahing palitan ng “Filipinas” ang Pilipinas bilang opisyal na pangalan ng bansa.” Walang tiyak na petsa, ngunit nailathala noong 15 Hulyo 2013 sa Angono Rizal News Online na pinamatnugutan ni Richard R. Gappi.




[ii] Kabilang sa bumubuo ng 48-kasaping Komisyong Konstitusyonal na nagpatibay ng Konstitusyong 1987 ang sumusunod: Cecilia Munoz Palma (President), Ambrosio B. Padilla (Vice-President), Napoleon G. Rama (Floor Leader), Ahmad Domocao Alonto (Assistant Floor Leader), Jose D. Calderon (Assistant Floor Leader), Flerida Ruth P. Romero (Secretary-General), Yusuf R. Abubakar, Felicitas S. Aquino, Adolfo S. Azcuna,Teodoro C. Bacani, Jose F. S. Bengzon, Jr., Ponciano L. Bennagen, Joaquin G. Bernas, Florangel Rosario  Braid, Crispino M. de Castro, Jose C. Colayco, Roberto R. Concepcion, Hilario G. Davide, Jr., Vicente B. Foz, Edmundo G. Garcia, Jose Luis Martin C. Gascon, Serafin V.C. Guingona, Alberto M. K. Jamir, Jose B. Laurel, Jr., Eulogio R. Lerum, Regalado E. Maambong, Christian S. Monsod, Teodulo C. Natividad, Ma. Teresa F. Nieva, Jose N. Nolledo, Blas F. Ople, Minda Luz M. Quesada, Florenz D. Regalado, Rustico F. de los Reyes, Jr., Cirilo A. Rigos, Francisco A. Rodrigo, Ricardo J. Romulo, Decoroso R. Rosales, Rene V. Sarmiento, Jose E. Suarez, Lorenzo M. Sumulong, Jaime S. L. Tadeo, Christine O. Tan, Gregorio J. Tingson, Efrain B. Trenas, Lugum L. Uka, Wilfrido V. Villacorta, at Bernardo M. Villegas.




[iii] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Tomo 2, mp. 1188-1189, na ang petsa ng deliberasyon ay 10 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.




[iv] Maaaring ang tinutukoy dito ni Wilfrido V. Villacorta ay si E. Arsenio Manuel o F. Landa Jocano na pawang may antropologong pag-aaral sa paglago ng  populasyon ng Filipinas, at konektado sa mga wika. Ngunit ang pinakamalapit na tao ay si Cecilio Lopez na dating direktor ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP), at siyang sumulat ng “Origins of Philippine Languages.” Inugat ni Lopez ang pagkakahawig sa pagkakahawig sa ponolohiya ng 15 katutubong wika sa Filipinas. Ipinaliwanag din niyang ang mga wika sa Filipinas ang may pinakamasalimuot na morpolohiya sa Malayo-Polynesia. Magkakahawig din umano ang sintaktikang anyo ng mga wika sa Filipinas (halimbawa, simuno at panaguri, atribusyon, at ugnayan sa serye), bukod sa kalitatibong pagkakahawig ng mga ispeling, tunog, pahiwatig, at pakahulugan. Basahin ang Philippine Studies tomo 15, bilang 1 (1967): 130–166


at inilathala ng Ateneo de Manila University.




[v] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Tomo 2, p. 1190, na ang petsa ng deliberasyon ay 10 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.




[vi] Ibid., p. 1191.




[vii] Ibid., 1190.




[viii] Ang panukala ni Joaquin G. Bernas ay “The national language of the Philippines is Filipino. It shall be allowed to evolve and be further developed and enriched on the basis of the existing Philippine and other languages.” Ibid., p. 1191.




[ix] Ibid., 1191.




[x] Basahin ang “Proposals to the Con-Com: Provisions for the National Language” na sinulat nina Dr. Ernesto Constantino, Dr. Consuelo J. Paz, Prof. Rosario Torres-Yu, Prof. Jesus Fer. Ramos, at may petsang 11 Hunyo 1986. Inilathala sa The Language Provision of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, nina Andrew Gonzalez, FSC, at Wilfrido V. Villacorta. Manila: Linguistic Society of the Philippines, 2001, mp. 71-81.




[xi] Ang tanging maiibang diksiyonaryo ay ang UP Diksiyonaryong Filipino (2001) na inedit ni Virgilio S. Almario atbp., sapagkat nailahok sa aklat na ito ang mga salitang may titik \c\, \f\, \j\, \q\, \v\, \x\, at \z\, bukod naglahok ng maraming katutubong salita mula sa iba’t ibang rehiyon at lalawigan. Ginamit din sa naturang diksiyonaryo ang makabagong ortograpiya na binuo ng UP Sentro ng Wikang Filipino, sa pangunguna ni Dr. Galileo S. Zafra atbp.




[xii] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Proceedings and Debates, Tomo 5, p. 971, na ang petsa ng deliberasyon ay 13 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.




[xiii] Ibid., p. 971.




[xiv] Ibid., p. 973.




[xv] Ang “travaux préparatoire,” ayon sa Lilian Goldman Law Library ng Yale University, ay opisyal na dokumentong nagtatala ng mga negosasyon, pagbuo ng borador, at talakayan habang nasa proseso ng paglikha ng tratado. Ang dokumentong ito ay maaaring sangguniin at isaalang-alang kapag ipinapakahulugan ang tratado. Tingnan ang http://library.law.yale.edu/collected-travaux-preparatoires na hinango noong 2 Pebrero 2014, alas 9:31 ng umaga sa Filipinas.




[xvi] Ibid., p. 974.




[xvii] Ibid., p. 974. Pinagtibay ang resolusyon sa botong 24 ang pabor, 2 ang salungat, at 3 ang hindi bumoto.




[xviii] Ang orihinal na tekstong Ingles sa Seksiyon 19, Artikulo II ay “The State shall develop a self-reliant and independent national economy effectively controlled by Filipinos” na tinumbasan sa wikang Filipino na “Dapat bumuo ang Estado ng pambansang ekonomiyang nakatatayo sa sarili at malaya na epektibong kinokontrol ng mga Pilipino” (akin ang diin). Mapupuwing din ang salin sapagkat ang “bumuo” ay maaaring magpahiwatig na wala pang umiiral na pambansang ekonomiya, at siyang taliwas sa “develop” na maipapalagay na may umiiral nang pambansang ekonomiya ngunit kailangan na lamang pasiglahin o palawakin pa.




[xix] Ayon sa Seksiyon 3, Artikulo XIV ng Konstitusyong 1935, “Section 3. The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.” Dahil sa tadhanang ito, ang pangalan ng bansa simula noong 1935 ay “Philippines” at kung tutumbasan man ng salin sa Espanyol ay “Filipinas.”




[xx] Ayon sa kautusan ni Kalihim Jose E. Romero, “Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO  shall henceforth be used in referring to that language.” Pinamagatan itong “Using ‘Pilipino’ in Referring to the National Language,” Circular No. 19, s. 1959 na ipinalabas ng Department of Education, Bureau of Public Schools noong 30 Setyembre 1959. Matutunghayan din ito sa Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at Iba pang Kaugnay na Batas (1935-2000), na pinamatnugutan ni Nita P. Buenaobra. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2001, p. 95.




[xxi] Mula sa “Records of Plenary Sessions of the Constitutional Commission” noong 1 Setyembre 1986, na hango sa The Language Provision of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines nina Andrew Gonzalez, FSC, at Wilfrido V. Villacorta. Manila: Linguistic Society of the Philippines, 2011, p. 182. Ang tekstong ito ay matutunghan din sa Record of the Constitutional Commission, Proceedings and Debates, tomo 5.




[xxii] Ibid., p. 971. Ayon ito kay Jose F. C. Bengzon, at kung babalikan ang limbag na Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas (1986) na pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 ay pinagtibay ang manuskrito sa National Government Center, Lungsod Quezon. Inilathala at ipinakalat ang nasabing babasahin ng Hear Enterprise na may adres na 27 Road 2, Project 6, Quezon City.




[xxiii] Basahin ang paunang salita ni Ponciano B.P. Pineda sa Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas (1991) na inilimbag ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, at may petsang 2 Pebrero 1991.




Filed under: panayam, sanaysay, Wikang Filipino Tagged: deliberasyon, Filipinas., Filipino, kasaysayan, kongreso, konstitusyon, Konstitusyong 1935, Konstitusyong 1973, Konstitusyong 1987, Konstitusyong Komisyonal, pilipinas, saligang batas, wika
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on February 07, 2014 22:08

January 24, 2014

Ibig ko ang katahimikan, ni Pablo Neruda

Salin ng “Pido silencio” ni Pablo Neruda mulang Chile.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.


Ibig ko ang katahimikan

Maiiwan na nila ako nang matiwasay,

at masasanay din sila sa aking pagkawala.


Ipipinid ko ang aking mga mata.


Ibig ko lamang ang limang bagay,

limang ugat na kinikilingan.


Isa ang walang hanggang pag-ibig.


Ikalawa ang masilayan ang taglagas.

Hindi ako makaiiral nang walang mga dahon

na lumilipad at bumubulusok sa lupa.


Ikatlo ang taimtim na taglamig,

ang itinangi kong ulan, ang haplos

ng apoy sa mabagsik na ginaw.


Ikaapat ang tag-araw,

na bilugan gaya ng milon.


At ikalima, ang mga mata mo.

Matilde, na aking minamahal,

di ako mahihimbing nang wala ang paningin mo,

di ako mabubuhay nang wala ang titig mo;

ipapaling ko ang tagsibol

upang ako’y sundan ng mga mata mo.


Iyan, mga kaibigan, ang tanging nais ko.

Malapit sa wala at matalik sa lahat.


Makaaalis na sila kung ibig nila.


Lubos akong namuhay at balang araw

ay sapilitan nila akong lilimutin,

saka buburahin sa pisara:

Walang kapaguran ang aking puso.


Ngunit dahil mithi ko ang katahimikan,

huwag isiping mamamatay na ako.

Ang kabaligtaran ang totoo:

magaganap na ako’y mabubuhay.


Iiral ako’t ako’y patuloy na iiral.


Hindi ako magiging nasa loob ko,

na isang uhay na nabigong sumibol

mula sa ubod, at bumiyak ng luad

upang makatanaw ng liwanag,

ngunit ang Inang Bayan ay madilim,

at, sa loob ko, ako ang karimlan.

Ako ang batis na ang tubigan sa gabi’y

pinag-iiwanan ng mga bituin

at mag-isang dumadaloy sa mga bukirin.


Palaisipan ang mamuhay nang lubos

kaya nais ko pang lumawig ang buhay.


Hindi ko nadamang napakalinaw ng tinig,

at ni hindi nahitik sa labis-labis na halik.


Ngayon gaya noong dati ay napakaaga pa.


Hayaan akong mag-isa sa ganitong araw.

Pahintulutan ako na muling isilang.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: ginaw, halaw, katahimikan, mata, matiwasay, pag-iisa, salin, tag-araw, taglagas, taglamig, tagsibol, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on January 24, 2014 01:15

January 5, 2014

Mga Guhong Paikid, ni Jorge Luis Borges

Mga Guhông Paikid

Salin ng “Las ruinas circulares” ni Jorge Luis Borges (Jorge Francisco Isidoro Luis Borges) mulang Argentina.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.


At kung lumisan siyang pinapangarap ka. . .

Sa pamamagitan ng Salamin, VI


Wala sa kaniyang nakakita nang lumunsad sa malaganap na gabi, walang nakakita sa barotong de-kawayan na lumubog sa sagradong banlik, ngunit ilang araw pa’y ni walang nakabatid na ang tahimik na lalaki’y nagmula sa Timog at ang kaniyang bayan ay isa lamang sa walang hanggahang nayon paakyat sa mabalasik na gilid ng bundok, na ang kawikaang Zend ay hindi pa nababahiran ng Griyego at bibihira pa roon ang nagkakaketong. Ang malinaw ay hinagkan ng abuhing lalaki ang putik, inakyat ang pampang nang hindi hinawi (marahil, walang pakiramdam) man lamang ang mga talahib na humihiwa sa kaniyang lamán, at gumapang nang hilo at sugatan paakyat sa paikot na moog na may putong na batong tigre o kabayo, na kung minsan ay kulay apoy at ngayon ay abo. Ang bilog na ito ay templong nilamon ng sinaunang lagablab, ginahis ng malamok na gubat, at hindi na pinagdarasalan pa ng mga tao ang anito. Nag-unat ang banyaga sa lilim ng pedestal. Napukaw siya ng sinag ng araw sa itaas. Hindi siya nagulat nang matuklasang naghilom ang kaniyang mga sugat; ipininid niya ang maputlang paningin at humimbing, hindi dahil sa kahinaan ng lamán bagkus sa katatagan ng isip. Batid niyang ang templong ito ang pook na kailangan ang kaniyang makapangyarihang lunggati; batid niyang ang walang humpay na mga punongkahoy ay nabigong bigtihin ang mga guhô ng isa pang pinagpalang templo sa dulong ibaba na dating angkin ng mga anito na ngayon ay sunóg at patay; batid niyang ang kaniyang kagyat na tungkulin ay managinip. Nang sumapit ang kalagitnaan ng gabi’y nagising siya sa balisang huni ng ibon. Ang mga bakas ng mga walang-saping talampakan, ang ilang igos at mga kantara, ay nag-iwan ng babala sa kaniya na ang mga lalaki ng rehiyon ay mapitagang naniktik habang siya’y natutulog, dumudulog sa kaniyang proteksiyon o natatakot sa kaniyang mahika. Nanlamig siyang saklot ng pangamba, at naghanap ng nitsong libingan sa guhong pader para magkubli sa mga di-matukoy na dahon.


Hindi imposible ang lunggating gumabay sa kaniya, bagaman sobrenatural. Ibig niyang mangarap ng tao; ibig niyang mangarap nang buong katapatan sa pinakamaliit nitong kabuuan at ipataw sa kaniya ang realidad. Ang mahikong proyektong ito ang nakapagpapagod sa buong lawak ng kaniyang kaluluwa; kung may sinong magtanong sa kaniya ng pangalan niya, o kaya’y usisaing magsalaysay ng ilang pangyayari hinggil sa kaniyang buhay, ay ni hindi siya makatutugon. Angkop sa kaniya ang templong giba at di-pinananahanan, dahil taglay nito ang minimo ng nakikitang daigdig; angkop din sa kaniya ang pagkamalapit ng mga manggugubat, dahil siya’y nabibigyan ng mga payak na pangangailangan. Ang kanin at prutas na ibinibigay nila sa kaniya ay sapat upang lumakas ang kaniyang pangangatawan, na konsagrado sa tanging tungkuling matulog at mangarap.


Sa umpisa’y magulo ang kaniyang mga panaginip; pagdaka’y nagiging diyalektiko ang kalikasan. Napanaginip ng banyagang siya’y nasa sentro ng paikid na ampiteatro na wari bang sunog na templo; punô ng mga tahimik na estudyante ang mga hanay ng upuan; ang mga mukha ng pinakamalayo ay nakatanaw sa distansiya ng ilang siglo at kasingtaas ng bituin, ngunit tiyak ang hugis ng anyo. Ang lalaki’y idinikta ang mga leksiyon ng anotomiya, kosmograpiya, at mahika: pigil-hiningang nakinig ang mga mukha at sinikap sumagot nang tila nakauunawa;  na parang nahulaan nila ang halaga ng eksaminasyon na hahango sa isa sa kanila mula sa kondisyon ng bigong anyo at magpapaloob sa kaniya doon sa tunay na mundo. Ang lalaki, tulog man o gising, ay pinag-isipan ang mga sagot ng kaniyang mga multo, at hindi pumayag na linlangin ng mga impostor, at sa ilang masalimuot na bagay ay nakadama ng lumalagong karunungan. Naghahanap siya ng kaluluwang karapat-dapat makilahok sa uniberso.


Makalipas ang siyam o sampung gabi ay naunawaan niya nang may pait na wala siyang maaasahan sa kaniyang mga estudyante na nilunok nang pasibo ang kaniyang doktrina, ngunit may maaasahan siya sa ilang mag-aaaral na paminsan-minsang nagkakalakas-loob na sumalungat sa kaniya. Ang unang pangkat, bagaman karapat-dapat tumbasan ng pagmamahal at kalinga, ay hindi makaigpaw sa antas ng mga indibidwal; at ang ikalawa’y umiral bago pa ang yugtong mataas-taas na antas. Isang hapon (ang mga hapon ngayon ay inilalaan sa pagtulog, at ngayon ay gising lamang siya nang ilang oras sa umaga), pinalis niya nang ganap ang malawak na lawas ng mga estudyante at pumili lamang ng isa. Siya ang di-palaimik, maputlang bata, na kung minsan ay matigas ang ulo, at ang matitingkad na katangian ay kahawig ng nananaginip sa kaniya. Hindi nakatigatig nang matagal sa kaniya ang kagyat na pagpapaalis sa mga kapuwa niya disipulo; at pagkaraan ng ilang pribadong leksiyon ay ikinagulat ng kaniyang maestro ang progreso ng tinuturuan. Gayunman, naganap ang sakuna. Bumangon isang araw ang tao mula sa kaniyang pagtulog, waring galing sa disyertong malapot, tumingin sa walang silbing liwanag ng hapon na mabilis niyang inakalang mula sa madaling-araw, at nabatid na hindi siya nananaginip. Sa buong gabi at buong araw ay lumukob sa kaniya ang hindi matiis na linaw ng insomniya. Sinikap niyang maglagalag sa gubat, nang mabawasan ang lakas. Halos maidlip siya sa mga katas ng dita, subalit ang mga panaginip ay lukob ng panandalian, sinaunang bisyong pawang walang silbi. Sinikap niyang tipunin ang lawas ng mga estudyante subalit hindi pa man siya nakapagsasalita nang mahaba’y nasira ang anyo nito at nabura. Sa kaniyang halos walang hanggang pagbabatantay, sinilaban ng mga luha ng poot ang kaniyang paningin.


Nabatid niyang ang paghubog ng magulo at maligoy na bagay na bumubuo sa mga panaginip ang pinakamahirap gawin ng tao, bagaman dapat niyang arukin ang lahat ng hiwaga ng ordeng superyor at imperyor: higit na mahirap kung ihahambing sa paglubid ng buhangin o paghugis ng walang mukhang hangin. Nabatid niyang hindi maiiwasan ang pangunang kabiguan. Sumumpa siyang kalilimutan ang dambuhalang alusinasyong yumanig sa kaniya, at umisip ng bagong paraan ng pagdulog upang mapanumbalik ang lakas na nilustay ng deliryo. Iwinaksi niya ang pagbabalak ng pananaginip at halos magtagumpay agad sa pagtulog nang mahaba sa bawat araw. Sa ilang beses na nanaginip siya sa panahong ito, hindi niya binigyang pansin ang mga ito. Bago ipagpatuloy ang gawain, hinintay niya ang kabilugan ng buwan. Pagdaka, nang sumapit ang hapon, dinalisay niya ang sarili sa tubig ng ilog, sumamba sa mga diyos ng mga planeta, binigkas ang mga kataga ng makapangyarihang pangalan, at natulog. Halos agad niyang napanaginip ang pusong tumitibok.


Napanaginip niya ang makislot, mainit, malihim, halos kasukat ng kuyom na kamao at kulay granate sa loob ng penumbra ng katawan ng tao na wala pang mukha o ari; at sa loob ng labing-apat na malinaw na gabi ay napanaginip niya ito nang may mapanuring pag-ibig.  Bawat gabi’y sinasagap niya ito nang higit na malinaw. Hindi niya ito hinipo: sinipat lamang niya ito, tinitigan, at paminsan-minsang sinulyapan. Sa ikalabing-apat na gabi’y hinipo niya ang ugat ng pulmon sa pamamagitan ng hintuturo, at pagkaraan, ang buong puso, loob man o labas nito. Nagalak siya sa pagsusuri. Sinadya niyang hindi managinip nang isang gabi: muli niyang kinuha ang puso, inusal ang pangalan ng planeta, at inisip pagkaraan ang iba pang pangunahing organ. Sa loob ng isang taon ay nakabuo siya ng kalansay at pilik. Pinakamahirap marahil ang di-mabilang na buhok. Pinangarap niya ang buong tao, isang kabataan na hindi umuupo o nagsasalita, at hindi kayang dumilat. Gabi-gabi, siya ang pinapangarap ng tao.


Sa mga kosmogoniyang nostiko, ang mga demyurgo ay humubog ng pulang Adan na hindi makatindig; marupok, sinauna, at elemental gaya ng Adan ng abo ang Adan ng mga Panaginip na pinanday sa mga gabi ng mago. Isang hapon, halos wasakin ng isang tao ang kaniyang buong obra, ngunit pagkaraan ay nagbago ang isip. (Nakabuti marahil kung tuluyang winasak niya yaon.) Nang magawa na niya ang lahat ng pananambitan sa mga anito ng lupain at ilog, napaluhod siya sa paanan ng epihiye ng animo’y tigre o kabayong potro at humingi ng di-mabatid na saklolo. Kinagabihan, napanaginip niya ang estatwa. Napanaginip niyang buháy ito at kumakatal: hindi iyon bastardo ng tigre at kabayong potro, bagkus supling ng dalawang masilakbong nilalang bukod sa toro, rosas, at bagyo. Ang maramihang diyos na ito ay nagpapakilala sa kaniyang Apoy, at sa paikid na templo (at sa iba pang gaya nito), naghahain ng sakripisyo ang mga tao at sumasamba, at mahiwagang bubuhayin niya ang pinapangarap na kaluluwa, sa paraang ang lahat ng nilalang, maliban sa Apoy at sa nananaginip, ay maniniwalang ito ang tao na may buto’t laman. Iniutos niyang sa sandaling ang tao na ito ay maturuan sa lahat ng ríto, dapat siyang ibalik sa ibang guhong templo na ang mga templo ay nakatindig pa rin sa kailaliman, upang may tinig na pupuri sa kaniya sa iniwang edipisyo. Sa panaginip ng tao na nananaginip, nagising ang pinananaginipan.


Tinupad ng mago ang lahat ng iniutos sa kaniya. Ginugol niya ang ilang panahon (na maitatakdang dalawang taon) sa pagtuturo sa kaniya ng mga misteryo ng uniberso at kulto ng apoy.  Palihim siyang nasaktan na mahiwalay sa kaniya. Ikinatwiran ang pangangailangan sa pagtuturo, nadagdagan bawat araw ang bilang ng oras na nakalaan sa pananaginip. Itinuwid niya ang kanang balikat, na tila baliko. May mga sandali, na nababagabag siyang ang lahat ng ito ay dati nang naganap. . . . Sa pangkalahatan, masasaya ang araw niya; kapag pumikit siya’y naiisip: Ngayon ay magkakaroon na ako ng anak. O kung minsan: Naghihintay sa akin ang supling ko at hindi siya makaiiral kung hindi ako sasama sa kaniya.


 


Dahan-dahan niyang nakasanayan ang realidad. Minsan ay inutusan niya siyang itirik ang bandera sa malayong taluktok. Kinabukasan, wumawagayway na sa taluktok ang bandera. Sinubok niya ang iba pang kahawig na eksperimento na higit na mapangahas. Nabatid niya nang may pait na ang kaniyang anak ay handa nang isilang, at marahil ay apurado. Nang gabing iyon ay hinagkan niya sa unang pagkakataon ang anak at inutusang magtungo sa ibang templo, na  ang mga labî ay pumuputi sa dulong ibaba, sa kabila ng ilang milya ng masalimuot na kagubatan at latìan. Bago niya gawin ito (upang hindi mabatid ng kaniyang anak na kaluluwa lamang siya, saka isiping tunay na tao siya gaya ng iba), winasak niya ang lahat ng gunita nito sa mga taon ng pagsasanay.


Lumabo ang kaniyang tagumpay at kapayapaan dahil sa pagkabato. Sa pagitan ng takipsilim at madaling-araw ay naninikluhod siya sa batong pigura, at inisip-isip marahil ang tunay na anak na magsasagawa ng kahawig na ríto sa iba pang paikid na guho sa kailaliman; at sa gabi’y hindi na siya nananaginip, o nanaginip gaya ng iba pang tao. Waring naging mapusyaw ang pagsagap niya sa mga tunog at anyo ng uniberso: ang kaniyang nawawalang anak ay pinasisigla ng pagdupok ng kaniyang kaluluwa. Naganap na ang layon ng kaniyang buhay; at nanatili siya sa ekstasis. Makalipas ang ilang panahon, na kinalkula ng ilang tagapagtala sa ilang taon o sa ilang dekada, pinukaw siya isang gabi ng dalawang mananagwan; hindi niya masilayan ang kanilang mga mukha, ngunit isinalaysay nila sa kaniya ang mahiwagang lalaki sa templo sa Hilaga, na kayang maglakad sa gitna ng apoy nang hindi nasusunog. Biglang naalaala ng mago ang winika ng diyos. Nagunita niyang sa lahat ng nilalang na lumaganap sa mundo, tanging ang Apoy ang nakakikilala sa kaniyang anak na isang kaluluwa. Ang gunitang ito, na sa una’y nagpakalma sa kaniya, ay nagwakas sa pagpapahirap sa kaniya. Nangangamba siyang kung hindi pagbubulayan ng kaniyang anak ang di-pangkaraniwang pribilehiyong ito, at sa ilang pagkakataon ay matutuklasan niyang siya’y isa lamang simulakro. Ang hindi maging tao, ang maging tatak na anyo lamang sa mga panaginip ng ibang tao, ang walang kaparis na kahihiyan at kabaliwan! Sinumang ama ay interesado sa mga anak niyang isinilang (o pinayagang ipanganak) dulot ng pagkalito sa galak; likás lamang na ang mago ay mangamba sa kinabukasan ng anak na pinag-isipan niya ang bawat katangian, ang bawat tabas, sa loob ng sanlibo’t isang gabi.


Nagwakas agad ang kaniyang pangangamba, ngunit nang may tiyak na babala. Ang una (matapos ang mahabang tagtuyot), lumitaw ang isang malayong ulap, magaan gaya ng ibon, at humimpil sa gulod; pagkaraan, tungo sa Timog, ang kalangitan ay nagkulay rosas na waring gilagid ng mga leopardo; dumating pagdaka ang kulumpon ng usok na pinakutim ang metal ng mga gabi; at dumating ang mga balisang pagaspas ng nangagliliparang hayop. Dahil ang mga naganap noong nakaraang mga siglo ay nagaganap muli. Ang mga guho ng santuwaryo ng diyos ng Apoy ay winasak ng apoy. Nakita ng mago, sa bukang-liwayway na walang mga ibon, ang paikit na apoy na dumidila sa mga pader. Naisip niya sa isang sandali na magkubli sa tubig, ngunit naunawaan niyang sasapit ang kamatayan upang maging korona ng kaniyang matandang edad, at palalayain siya sa kaniyang mga pagpapagal. Lumakad siya tungo sa rabaw ng lagablab. Hindi nilamon ng apoy ang kaniyang lamán, bagkus hinaplos-haplos lamang siya, at umapaw sa kaniya nang walang init o pagsabog. Naunawaan niya nang maluwag, nang may pagkapahiya, at nang may pagkahindik, na siya ay isa ring ilusyon, at may ibang tao ang nananaginip sa kaniya.


Filed under: halaw, katha, salin, Tulang Tuluyan Tagged: anito, bathala, diyos, guho, kaluluwa, kuwento, manunulat, paikid, salin, sining, templo, tula, Tulang Tuluyan
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on January 05, 2014 00:48

December 30, 2013

Inisip ang Bayan ko’t Nagbalik ako sa Punongkahoy

Inisip ang Bayan ko’t Nagbalik ako sa Punongkahoy

Salin ng tulang tuluyan ni Karol Wojtyla (Papa Juan Pablo II) mulang Poland.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.


1.

Sumibol ang punongkahoy ng karunungan ng mabuti at masama sa pasigan ng ating lupain. Kasama natin ay lumago ito sa paglipas ng mga siglo; tumayog itong Simbahan sa pamamagitan ng mga ugat ng ating konsiyensiya.


Pinasan natin ang mga prutas, mabigat ngunit nakapagpapalakas. Naramdaman natin ang punongkahoy na yumayabong, gayunman ay nanatiling nakabaon nang malalim sa isang patse ng lupa ang mga ugat nito. Inihayag ng kasaysayan ang mga pakikibaka ng ating konsiyensiya. Pumipintig ang tagumpay sa loob ng saray nito, at ang kabiguan. Hindi tinatakpan ng kasaysayan ang mga ito, bagkus hinahayang tumingkad.


Kaya ba ng kasaysayang dumaloy pasalungat sa agos ng konsiyensiya?


2.

Saang direksiyon nagsanga ang punongkahoy? Aling direksiyon ang sinusundan ng konsiyensiya? Walang kilalang hanggahan ang punongkahoy ng karunungan.


Ang tanging hanggahan ay ang Pagdating na magbibigkis sa isang lawas ang mga pakikibaka ng konsiyensiya at ang mga misteryo ng kasaysayan: paghuhunusin nito ang punongkahoy ng karunungan tungo sa Matang-tubig ng Buhay, na patuloy dumadaluyong.


Subalit bawat araw ay naghahatid ng parehong pagkakahati-hati sa bawat diwa at kilos, at sa pagkakahating ito’y ang Simbahan ng konsiyensiya ay tumataas mula sa mga ugat ng kasaysayan.


3.

Huwag nawa nating maiwala ang linaw na nakikita ng paningin, na pinaglilitawan ng mga pangyayari, at naglaho sa di-masukat na tore na batid ng tao kung saan siya patutungo. Tanging ang pag-ibig ang talaro ng tadhana.


Huwag na nating dagdagan ang saklaw ng anino.


Hayaang ang sinag ng liwanag ay umalimbukad sa mga puso at tumanglaw sa gitna ng karimlan ng mga salinlahi. Hayaang ang sinag ay tumagos sa ating karupukan.


Hindi dapat nating payagan ang kahinaan.


4.

Mahina ang bayan na tumatanggap ng kabiguan, at nalimot na ipinadanas iyon upang magbantay hanggang pagsapit ng oras nito. At ang mga oras ay patuloy na nagbabalik sa dakilang orasan ng kasaysayan.


Ito, ang liturhiya ng kasaysayan. Ang pagbabantay ay salita ng Panginoon at ang salita ng Bayan, na patuloy nating tinatanggap nang panibago. Lumilipas ang sandali sa salmo ng walang humpay na kumbersiyon: kumikilos tayo tungo sa pakikilahok sa Ewkaristiya ng mga daigdig.


5.

Sa iyo, daigdig, kami ay bumababa upang palawakin ang iyong saklaw sa lahat ng tao, ikaw na mundo ng aming mga kabiguan at tagumpay; sa lahat ng puso’y bumabangon ka bilang misteryo ng paskuwa.


Daigdig, palagi kang magiging bahagi ng aming panahon. Sa kabila ng panahong ito, at sa pagkatuto ng bagong pag-asa, maglalakbay kami sa bagong daigdig.


At ibabantayog ka namin, daigdig ng sinauna, bilang bunga ng pag-ibig ng mga salinlahi na hinigtan ang poot.


Filed under: halaw, tula, Tulang Tuluyan Tagged: bayan, Karol Wojtyla, karunungan, lupain, mabuti, masama, panahon, prutas, siglo, tula, Tulang Tuluyan
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on December 30, 2013 06:23

December 26, 2013

Antígona, ni Claribel Alegría

Antígona

Salin ng tulang “Antígona” ni Claribel Alegría mulang El Salvador.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.


Ililibing ko ang aking kapatid

kahit katumbas ito ng aking kamatayan

nang di-alintana ang mga batas

ng tunggalian.

Nagkamali ng akala si Creon

na iiwan ko ang bangkay

para pagpistahan ng mga buwitre.

Pinahiran ko ng langis ang mga braso

nang may poot

at buong tatag

upang silaban ang mga sigâ

na lalamon sa kaniyang katawan.

Nagkamali ng akala si Creon

na kaming mga babae’y mahihina

ang loob, hindi nanlalason ng isip

o kaya’y tumatakbo palayo sa panganib.

Ililibing ko ang aking kapatid

nang walang takot,

at buong pagmamahal.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: Babae, braso, buwitre, digmaan, Kamatayan, kapatid, mahihina, pagmamahal, salin, siga, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on December 26, 2013 20:15

December 22, 2013

Panggabing Palahaw, ni Xavier Villaurrutia

Salin ng “Nocturno Grito” ni Xavier Villaurrutia.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.


Panggabing Palahaw, ni Xavier Villaurrutia

Kinikilabutan ako sa aking tinig

at hinahanap ang sariling anino.


Akin ba ang aninong dumaraan,

at walang katawan—iyon ba’y akin?

O ang boses na naligaw, at gumagala

Sa mga lansangan para manunog?


Anong boses, anino, at panaginip

ang dapat ko pang mapangarap

ang magiging tinig, anino, panaginip

na pawang ninakaw nila mula sa akin?


Upang marinig ang sirit ng dugo

mula sa mga saradong puso,

dapat ko bang idiit ang tainga

sa dibdib, gaya ng mga daliri sa pulso?


Mahuhungkag ang aking dibdib

at mababagbag ang aking loob;

At ang mga kamay na duduro’y

ang pitlag ng malalamig na marmol.


Filed under: salin, tula Tagged: anino, kaluluwa, palahaw, panaginip, panggabi, talinghaga, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on December 22, 2013 23:47

October 16, 2013

Lunduyan and 9th Gawad Emman Lacaba

Lunduyan posterLunduyan is a journalism and arts workshop for college and high school students, amateurs and budding writers. It was known as the NCR Regional Student Press Convention, the annual education festival of College Editors Guild of the Philippines (CEGP).


For five days, students will be treated to basic, intermediate and advance journalism skills training and workshops as well as courses on relevant socio-political issues.


Aside from simultaneous classroom discussions which will feature topics on journalism, the arts, literature and current events; forum discussions on pressing issues will also be held.


PROJECT BENEFICIARIES

Hundreds of youth participants from different parts of Luzon will be attending the five -day workshop. They are the primary beneficiaries of Lunduyan. The training and educational discussions will equip young writers and artists with tools to carry-out their role as artists and journalists in their schools and in the society.


Students who read their publication would understand the ins and outs of campus paper management and the field of journalism itself.


Indirectly, the Filipino society gains from the whole project because critical journalists and writers make for enlightened citizens who in turn create an enlightened society.


PROJECT OBJECTIVES

Lunduyan aims to develop the journalism and literature skills of the Filipino youth and likewise raise their social and political awareness. To reach this objective, an array of journalism training workshops and forum discussions on contemporary social issues will be featured in Lunduyan. It also aims to provide a venue for student journalist and aspiring writers to share opinions and experiences with one another and educate them on the significance of responsible journalism and writing for the people.


9th GAWAD EMMAN LACABA

Gawad Emmanuel Lacaba is the annual Literary Contest of the College Editors Guild of the Philippines-Luzon. It showcases the skills and talents of young artists to boost their capability of promoting Philippine Literature thru the medium of their publications. This year, the competition is counting for its 9th year of success.


AMMOYO

Ammoyo is the annual congress of CEGP Ilocos- La Union Chapter. They aim to unite campus publications across the provinces of La Union, Ilocos Sur and Ilocos Norte for press freedom and pro-people journalism.


PROJECT PROPONENTS

Founded in 1931, College Editors Guild of the Philippines is a patriotic and democratic alliance of more than 750 tertiary student publications based in more than 500 schools nationwide. It is the oldest existing inter-school organization in the country and the only one of its kind in Asia and the Pacific.


It has also remained and has then been acknowledged as the only national center for the advancement of campus press freedom. The Guild is also the home of alumni luminaries such as Malou Mangahas, New York Times’ Carlos Conde, Michael Francis Andrada (UP Literature Professor and Palanca Awardee), Mark Angeles (Palanca Awardee), Virgilio Almario (National Artist), Miriam Defensor-Santiago, Rolando Tolentino (Dean of UP College of Mass Communication) and many more. The Guild is also known for registering its stand and analysis in different social issues.


For further information, you may contact us at cegphils@gmail.com, 09267222723.


LUNDUYAN 2013 INVITATION

http://www.mediafire.com/view/ufoobf48b836rmm/Lunduyan_2013_Invitation.pdf


LUNDUYAN 2013 CHED ENDORSEMENT LETTER


http://www.mediafire.com/view/qaqh8a73eyymgqg/CHEd_Endorsement_Letter.pdf


LUNDUYAN 2013 9TH GAWAD EMMAN LACABA


http://www.mediafire.com/view/xnmyed5lh8ddymm/9th_Gawan_Eman_Lacaba.pdf


LUNDUYAN 2013 PUBLICITY POSTER


http://www.mediafire.com/view/2oh6s2l55nruhtq/Lunduyan_Poster.jpg



Filed under: kumperensiya, mga manunulat na Filipino, panitikang Filipino Tagged: estudyante, journalism, lunduyan, writers workshop
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on October 16, 2013 17:47

Roberto T. Añonuevo's Blog

Roberto T. Añonuevo
Roberto T. Añonuevo isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Roberto T. Añonuevo's blog with rss.