Roberto T. Añonuevo's Blog, page 3

January 19, 2015

Ang mga Titán, ni Friedrich Hölderlin

Salin ng “Die Titanen” ni Friedrich Hölderlin mula sa Germany.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas, at nang may pagsasaalang-alang sa bersiyong Ingles nina Maxine Chernoff at Paul Hoover.


Ang mga Titán

Hindi pa panahon.

Hindi pa sila nakagapos.

At ang mga walang pakialam ay malamig

Hinggil sa usaping pang-anito.

Hayaang tuklasin nila ang palaisipan

Ng Orakulo. Samantala’y magaan kong

Iisipin ang yumao habang may mga pagdiriwang.

Noong sinaunang panahon, nangamatay

Ang mga heneral at magandang babae

At makata. Ngayon naman ay mga tao.

Ngunit nag-iisa ako’t


. . . . . . . . . . habang naglalayag sa karagatan

Ay tinatanong ng mababangong pulô

Kung nasaan na sila.


Dahil may kung anong taglay silang nananatili

Sa isinulat at sa alamat.

Maraming ibinubunyag ang bathala.

Mahabang panahong hinubog ng mga ulap

Ang nagaganap sa ibaba,

At ang sagradong gubat, malusog gaya ng anito,

Ay ibinaon nang malalim ang mga ugat.

Malagablab nang lubos ang yaman ng daigdig.

Wala tayong awit na makayayanig

upang palayain ang ating kaluluwa.

Uubusin nito ang sarili

Dahil ang makalangit na apoy ay hindi

Makatitiis ng pagkakabilanggo.

Kinalulugdan gayunman ng mga tao

Ang bangkete, at sa pagdiriwang

Ay kumikislap na perlas sa leeg

Ng babae ang kanilang mga mata.


Ang mga laro ng digmaan

. . . . . . . . . . At ang landas pahardin

Ay gunita ng kalampag ng mga bakbakan;

Ang mga humuhugong na sandata

Ng mga bayaning ninuno ay nakapatong

Nang panatag sa dibdib ng mga bata.

Ngunit umaalugnig ang mga bubuyog

Sa paligid ko, at kung saan humuhukay

Ang magbubukid ay doon umaawit

Ang mga ibon laban sa liwanag. Maraming

Tumutulong sa langit. Nakikita ang mga ito

Ng makata. Mabuting sumandig

Sa iba. Dahil walang makatitiis mabuhay

Nang mag-isa.


Dahil kapag ang abalang araw

Ang magsimulang magliyab,

At ang makalangit na hamog ay kumislap

Sa kadena, na maghahatid

Ng kidlat mula sa bukang-liwayway

Tungo sa sariling pinagmulan, kahit

ang mga mortal ay madarama

ang kadakilaan nito.

Kayâ sila nagtatayo ng mga tahanan,

At ang mga palihan ay labis na aligagâ,

At ang mga barko’y naglalayag nang pasalunga

Sa mga alon, at ang mga lalaki’y

Nakikipagbatian habang nakikipagkamay;

At iyon ang katanggap-tanggap sa daigdig,

At may katwiran kung bakit tayo nakatitig

Sa sahig.


Ngunit nakasasagap ka

Sa ibang paraan.

Dahil itinatadhana ng panukatang

Umiral ang kagaspangan

Upang mabatid ang kadalisayan.


Subalit kapag sumapit sa lupa

Ang unang sanhi

Upang magkaroon ito ng búhay,

Iniisip ng mga tao na ang makalangit

Ay bumaba sa kailaliman ng mga patay

At biglang sumaisip sa Maykapal

Ang walang hanggahang kahungkagan.

Hindi ako ang dapat magwika

Na ang mga bathala ay pahina nang pahina

Habang sila ay sumasapit sa pag-iral.

Ngunit kapag nagkagayon

. . . . . . . At naglaho

Gaya ng mga buhok ng ama, upang


. . . . .  Ang ibon ng kalangitan

Ay maipabatid ito sa kaniya. Kagila-gilalas

Sa pagkapoot, at iyon ang mahalaga.


Filed under: halaw, salin, tula,, tula Tagged: alamat, apoy, daigdig, dambuhala, halaw, higante, K-12, kalangitan, kalayaan, kamalayan, langit, lupa, mito, salin, titán, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on January 19, 2015 05:39

December 19, 2014

Tula XX: Maisusulat ko ngayong gabi, ni Pablo Neruda

salin ng “Poema XX: Puedo Escribir,” ni Pablo Neruda mula sa Chile.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.


Tula XX: Maisusulat ko ngayong gabi

Maisusulat ko ang higit na malulumbay na tula ngayong gabi.


Isulat, halimbawa, na “Hitik sa mga talà ang magdamag

at kumakatal sa malayo ang mga bituing bughaw.”


Umaalimpuyo ang panggabing hangin sa langit at umaawit.


Maisusulat ko ang higit na malulumbay na tula ngayong gabi.

Mahal ko siya, at may sandaling minahal niya ako.


Sa mga gabing ganito’y ikinulong ko sa siya sa aking yakap.

At hinagkan nang paulit-ulit sa lilim ng walang hanggang langit.


Minahal niya ako, at kung minsan ay minahal ko rin siya.

Sino ang hindi mabibihag ng kaniyang mariringal na titig?


Maisusulat ko ang higit na malulumbay na tula ngayong gabi.

Isiping wala na siya sa akin. Damhing naglaho siya sa aking piling.


Dinggin ang gabing malawak, ang pinakamalawak na gabing wala siya.

At papatak ang tula sa aking kaluluwa, tulad ng hamog sa pastulan.


Filed under: halaw, salin, salin, tula, Tagged: alimpuyo, awit, gabi, halaw, langit, mahal, Pablo Neruda, panahon, salin, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on December 19, 2014 08:01

December 18, 2014

Tula ng Pag-ibig 8, ni Darío Jaramillo Agudelo

salin ng “Poema de amor 8,” ni  Darío Jaramillo Agudelo  mula sa Columbia.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.


Tula ng Pag-ibig 8

Ang dila, ang dila mong matalino na umimbento ng aking balát,

ang dila mong apoy na nagpaliyab sa akin,

ang dila mong lumikha ng kagyat na pagkabaliw, ng deliryo

ng katawang umiibig,

ang dila mo, sagradong latigo, matamis na bága,

panambitan ng apoy para mawala ako sa sarili, at magbanyuhay,

ang dila mong malaswa ang lamán,

ang dila mong sumusukò at naghahangad ng lahat ng sa akin,

ang dila mong akin lamang,

ang marikit mong dila na kumokoryente ng aking labì, at humuhubog

sa iyong katawan para dumalisay,

ang dila mong naglalagalag at tumutuklas sa akin,

ang napakaganda mong dila na nagwiwika kung paano ako iibigin.


Filed under: salin, salin, tula,, tula Tagged: balát, dila, erotika, halik, labi, Pag-ibig, salin, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on December 18, 2014 08:01

December 17, 2014

Ulan sa Taglagas, ni Raif Khudairi

salin ng “Autumn Rain” ni Raif Khudairi (Arif Karkhi Abukhudairi Mahmoud) ng Ehipto.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.


Ulan sa Taglagas

Gabi na. Umuulan sa labás, at waring pumapatak ang mga bituin. Tulad ng ulan, ang iyong gunita’y pumapatak sa aking kalooban. Kumusta na, mahal? Matagal nang panahong naghiwalay tayo habang umuulan noong isang gabi ng taglagas. Umuulan ba sa inyong pook, gaya sa amin? Pumapatak ba ang aking gunita sa kalooban mo, gaya ng ulan? Gabi na, at umuulan ngayong taglagas sa labás ng bahay. Pumapatak ang ulan gaya ng mga bituin sa kailaliman ng gabi. At ang iyong gunita’y lumuluha gaya sa tag-ulan.


Filed under: halaw, salin, Tulang Tuluyan Tagged: gabi, gunita, halaw, otonyo, paghihiwalay, salin, taglagas, Tulang Tuluyan, ulan
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on December 17, 2014 04:00

December 15, 2014

Opisyal na KWF Salin ng draft Bangsamoro Basic Law

Para sa kabatiran ng publiko, ang sumusunod ang opisyal na salin ng draft Bangsamoro Basic Law at pinagtibay ng Kalupunan ng mga Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 12 Disyembre 2014. Ang nasabing salin ay sumailalim sa forum ng mga kritiko, manunulat, editor, tagasalin, abogado, at iba pang kinatawan ng ahensiya ng pamahalaan noong 10 Disyembre 2014. Ang mga rekomendasyon mula sa konsultasyon ay isinaalang-alang sa rebisyon, at inilahok sa bersiyong matatagpuan dito. Pindutin lamang ang sumusunod na kawing:


Official Filipino Translation of draft Bangsamoro Basic Law
Filed under: batas, salin, wika Tagged: batas, borador ng draft Bangsamoro Basic Law, Filipino translation, Komisyon sa Wikang Filipino, Official Filipino translation of draft Bangsamoro Basic Law, Opisyal na salin ng borador ng BBL, panukalang batas, salin, wika
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on December 15, 2014 14:35

December 7, 2014

Pighati ng Taglagas, ni Heinrich Böll

Salin ng ““Einsamkeit im Herbst” [Autumn Loneliness] ni Heinrich Böll ng Alemanya.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.


Hindi ko alam kung gaano kami katagal nakatayo sa kanto. Ramdam ko ang pananabik na hindi nararapat. Taglagas na ngayon, at bawat sandaling huminto ang trambiya sa kanto’y humahangos ang mga tao papalapit sa amin, kumakaluskos ang mga paa sa mga tuyong dahon, at taglay ng kanilang mga hakbang ang tuwa, ang tuwa ng mga tao na papauwi sa kanilang tahanan.


Nakatayo kami roon nang matagal. May liwanag pa nang walang ano-ano’y huminto kami nang walang imik, na tila ba nagbabantay sa lumalalim na pighati ng taglagas, ang pakiramdan na ipinamamalas ng duklay ng mga punongkahoy habang nalalagas ang mga dahon nito.


Walang ibang dahilan para sa gayong tagpo, ngunit tuwing bumabatingting sa kanto ang trambiya at ang mga tao’y humahagibis sa abenida tungo sa amin, at ang trambiya’y umaandar habang tumutunog ang batingting—nakukumbinsi ako na may kung sinong darating, may kung sinong nakakakilala sa amin, na magtatanong sa amin upang samahan siya, na ang mga hakbang pauwi ay mahahatak ang mga pagód naming hakbang upang sumabay sa indayog ng kaniyang pananabik.


Ang mga unang dumating ay lumakad nang nag-iisa at mabibilis ang hakbang; pagkaraan ay sumapit ang mga pangkat, na may dalawahan o tatluhang tao na masisiglang nag-uusap, at ang pangwakas ay paunti-unting labas ng mga pagál na tao na dumaan sa harap namin at may mabibigat na pasanin bago naghiwa-hiwalay sa mga bahay na magkakabukod doon sa mga hardin at abenida.


Iyon ang patuloy na pananabik na bumighani sa akin, dahil pagkaraang dumaan ang huling tao ay magkakaroon ng maikling yugto ng katahimikan bago muli naming marinig ang tunog na ping-ping sa malayo mula sa paparating na trambiya sa naunang himpilan—na gumagaralgal at umiingit patungo sa kanto.


Tumindig kami sa lilim ng mga sanga ng punong sáuko na umaabot sa kabilang kalye at lumalampas sa bakod ng napabayaang hardin. Naninigas sa pagkabagabag, ang kaniyang mukha ay pumaling sa direksiyon ng mga tao na papalapit at nagpapakaluskos ng mga dahon—ang mukha, na walang imik at walang tinag, ay umagapay sa akin sa loob ng dalawang buwan, na aking naibigan, at kinayamutan, sa loob ng dalawang buwan. . . .


Noong sandaling dumating ang apat na trambiya, ang pagkabagabag at pananabik ay waring napakainam habang nakatayo kami sa patuloy na lumalalim na kalungkutan ng takipsilim, sa banayad, pambihirang halumigmig ng taglagas; subalit biglang pumukaw sa akin na walang sinumang tao ang darating upang hanapin ako. . . .


“Aalis na ako,” sambit ko sa paos na tinig, dahil napakatagal ko nang nakatayo na wari bang nagkaugat na ako sa ilalim ng kung anong latiang malukong na nakatakdang puminid nang marahan at buong lakas sa ibabaw ko.


“Humayo ka,” aniya nang hindi man lamang sumulyap sa akin, at sa unang pagkakataon sa loob ng dalawang buwan ay nakaligtaan niyang idagdag: “Sasama ako sa iyo.”


Naningkit ang kaniyang mga mata; at walang tinag na ipinako niya ang titig na matigas at metaliko sa abenidang walang tao at tanging ilang piraso ng dahon ang marahang umaalimpuyo sa lupa.


O sige na, naisip ko, at sa sandaling iyon ay may kung anong tumibok sa akin, may kung anong kumawala, at naramdaman ko ang mukhang bumigay, at lumalim ang mararagsang linya sa paligid ng aking bibig. Tila ba ang panloob na tensiyon ko ay binigkis nang mahigpit at ngayon ay inilarga na gaya ng bigwas: lumarga ang tali sa loob ko nang kisapmata, at walang iniwan kundi ang hungkag, malamlam na pighati na naroon sa loob ng dalawang buwan. Nang sandaling iyon ay tumimo sa akin: nakatayo siya rito para maghintay ng kung anong tiyak na bagay; ito ang lugar, itong kanto ng kalye na nalililiman ng mga sanga ng punong sáuko, ang layon ng kaniyang mapagpunyaging pagtakas, sa isang paglalakbay na tumagal nang dalawang buwan, samantalang para sa akin ay isa lamang iyong karaniwang kanto, isa sa kung ilang libo.


Minasdan ko siya nang matagal, na magagawa ko nang walang abala, yamang winakasan niyang pansinin ako. Marahil ay naisip niyang nakaalis na ako. Sa kaniyang mapagmasid na sulyap ay may kung anong namumuong poot, samantalang ang kaniyang mababaw na paghinga ay yumanig sa kaniya na parang pambungad sa isang pagsabog. . . .


Kung matatandaan lamang niya, buntong-hininga ko sa sarili, na bigyan ako ng isa sa dalawang sigarilyo at bahaginan ako ng tinapay. Natatakot akong magtanong, dahil papahinto muli ang trambiya sa kanto. Pagdaka’y nakita ko, kahit sandali, ang una at ang pangwakas na ngiti na sumilay sa kaniyang mukha bago siya humangos papalapit nang may impit na hagulgol. Mula sa kulumpon ng mga tao, na ang ilan sa kanila’y hinawi niya, narinig ko ang pagkabigla ng babaeng bumasag sa kalungkutan ng taglagas ng gabi, at may kung anong anino ang lumukob sa nagitlang kahungkagan ng puso, dahil ngayon ay alam kong kailangan kong lumisan nang mag-isa, na kailangan kong tanggapin ang pagkawala ng sigarilyo at tinapay at ng dalawang buwan na pinagsaluhang panganib at gutom. . . .


Bumalikwas ako, at idinawdaw ang mga pagod na paa sa ginintuang alon ng mga tuyong dahon at pagkaraan ay lumakad palabas ng bayan, at patungo muli kung saan. Ang kasariwaan ng umaalimbukad na liwanag ay hinaluan ng maanghang na simoy ng nasusunog na dahon ng patatas, ang amoy ng kabataan at pag-asam. Walang bituin ang langit at pumusyaw ang kulay. Tanging ang nakangising mukha ng buwan ang nakabitin sa panginorin, tinatanaw ako nang may pang-uuyam, habang nilalandas ang bigat ng karimlan, tungo sa kung saan. . . .


Filed under: halaw, katha, kuwento, salin, Tulang Tuluyan Tagged: G-12 level, K-12, kalungkutan, katha, lungkot, pag-iisa, paglisan, pagmamahal, pagtatagpo, pananabik, pighati, salin
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on December 07, 2014 20:00

Karunungan ni Mansur Hallaj, ni Ali Al-Jallawi

Salin ng “The Wisdom of Hallaj,” Ali Al-Jallawi

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.


Karunungan ni Mansur  Hallaj*

Kapag nagpumilit ang puso,

Nakagagawa ito ng mga mali

Alam natin yaon


Ngunit ang hindi isinasaad

Ng tula’y

Nauunawaan ng mga propeta.


 


___________


* Tumutukoy kay Mansur Hallaj (c. 858-922 CE) na isang Persiyanong mistiko, manunulat, at guro ng Sufismo.


Filed under: halaw, salin, salin, tula, Tagged: halaw, mali, pasiya, propeta, salin, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on December 07, 2014 17:02

December 6, 2014

Ang Ibong Asul, ni Rubén Darío

Salin ng “El pájaro azul” ni Rubén Darío, sagisag ni Félix Rubén García Sarmiento, mula sa Nicaragua.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.


Nakalulugod at nakahihindik na teatro ang Paris. Kabilang sa mga nasa loob ng Café Plombier ang mga butihin at desididong kabataan—mga pintor, eskultor, manunulat, makata—na ang bawat isa’y ibig matamo ang sinaunang lungtiang lawrel! Wala nang kaibig-ibig pa sa pobreng si Garcin, na laging malungkutin at tomador ng ahénho, ang mapangaraping walang pagkalasing, at hindi maipagkakamaling bohemyo at magaling na improbisador.


Sa gusgusing silid ng aming maliligayang pagtitipon ay inililihim ng yeso ang mga guhit at linya ng mga darating na Delacroix, berso, at saknungang isinulat sa makakapal, malalalim na titik ng aming minamahal na “Ibong Asul.”


Ang pobreng si Garcín ang ibong asul. Alam mo ba kung bakit siya tinawag nang gayon? Bininyagan namin siya sa gayong pangalan.


Hindi namin basta kapritso iyon. Taglay ng mahusay na binata ang malamlam na titig. Nang usisain namin siya kung bakit siya tahimik samantalang lahat kami’y naghahalakhakan nang hangal, siya na nakatitig nang maningning paitaas ay sumagot nang may ngiting mapait.  .  .  .


“Mga kasama, ipinababatid ko sa inyong may ibong asul ako sa utak, at kung gayon.  .  .  .”


*  *  *


Sumapit ang panahong nakahiligan niyang magliwaliw sa nayon pagsapit ng tagsibol. Pinalusog ng simoy ng gubat ang kaniyang bagà, wika nga ng makata.


Sa kaniyang mga eskursiyon ay dala niya ang mga tangkay ng biyoleta at ang makakapal na kuwaderno ng mga madrigal, na sinulat sa kaluskos ng mga dahon at sa ilalim ng malawak, maaliwalas na langit. Ang mga biyoleta’y para kay Niní, ang kaniyang kapitbahay, ang dalagang sariwa at mamulá-mulá ang kariktan, at bughaw ang mga mata.


Ang mga tula’y para sa amin. At babasahin namin iyon nang malakas, at papalakpak. Labis ang papuri namin kay Garcin. Isa siyang henyong nakatakdang tumanyag. Sasapit ang panahon.  Lumipad nang mataas, o ibong asul! Bravo! Mabuhay! Mabuhay! Tumagay pa ng maraming ahénho!


*  *  *


Ang mga prinsipyo ni Garcin:


Sa mga bulaklak, maririkit ang kampánula.

Sa mamahaling bato, natatangi ang sapiro.

Sa kalawakan, ang langit at ang pag-ibig ay nasa balintataw ni Niní.

At inulit ng makata: Higit na matimbang ang kabaliwan kung ihahambing sa katangahan.


May sandaling malungkutin si Garcín kaysa nakagawian.


Binagtas niya ang mga lansangan; sinipat niya nang kay-lamig ang mararangyang karwahe, ang mga elegante, ang naggagandahang babae. Napangiti siya nang mapagawi sa harap ng eskaparate ng alahero; ngunit nang sumapit siya sa tindahan ng mga aklat, hindi niya naiwasang mainggit sa maluluhong edisyon, at mapakunot, at pumaling ng tingin sa langit saka bumuntong-hininga nang malalim. Hahangos siya nang sabik at marubdob sa kapihan at hahanapin kami, at hihingi ng isang baso ng ahenho saka magwiwika:


“Oo, sa hawla ng aking utak ay nakabilanggo ang ibong asul na naghahangad ng kalayaan . . . .”


*  *  *


May ilang naniniwala sa pagkasira ng bait.


Isang alyenista ang nakasagap ng balita at ipinalagay na kaso iyon ng natatanging pagkabaliw sa isang bagay. Walang iniiwang pagdududa ang mga pag-aaral niyang patolohiko.


Walang pasubaling nawasak ang katinuan ni Garcín.


Isang araw, tumanggap siya mula sa kaniyang ama—na matagal nang naninirahan sa Normandiya, at isang komersiyente ng mga damit—ng isang liham na nagsasaad ng humigit-kumulang sa ganitong paraan:


“Alam ko ang kinalolokohan mo sa Paris. Kapag nagpatuloy ka sa ganiyang paraan, wala kang matatanggap sa akin ni isang kusing. Hakutin mo na ang mga aklat sa aking almasén, at matapos mong sunugin ang mga manuskrito ng iyong kahangalan, batugan, ay saka kita bibigyan ng salapi.”


Ang liham ay binása sa Café Plombier.


“Aalis ka na ba?”


“Hindi ka aalis?”


“Tinatanggap mo?”


“Nililibak mo?”


“Bravo, Garcín! Pinunit niya ang liham, inihagis sa bintana ang damit, at biglaang bumigkas ng ilang taludtod, na sa aking pagkakatanda ay ganito:


Kung ako’y batugan, huwag pong pumukol

Ng paghanga’t puri sa taglay ng utak:

Nasa aking hawla at siyap nang siyap

Ang ibig lumayang isang ibong asul.


Magmula noon ay nagbago ang katauhan ni Garcín. Siya’y naging masatsat, naligo sa kaluguran, bumili ng bagong lebita, at tumula sa tatluhang taludtod, na pinamagatan niyang “Ang Ibong Asul.”


Bawat gabi’y may natutuklasan kaming bago sa kaniyang tula. At iyon ay dakila, matayog, at buwáng.


Naroon ang masanting na langit, ang sariwang nayon, na waring sumasambulat mula sa mahika ng pinsel ni Corot; ang mga mukha ng paslit na sumusungaw sa mga bulaklak, ang malalaking matang luhaan ni Niní; bukod pa ang mabuting Diyos na isinugo, at pinalipad nang pinalipad, ang ibong asul habang hindi batid kung paano at kailan iyon namugad sa loob ng utak ng makata, at doon nakulong. Kapag umawit ang ibon, at ibig lumipad, ibubuka nito ang mga pakpak at papagaspas sa loob ng bungo, at ipapako ng makata ang paningin sa langit, ikukunot ang noo, tutungga ng ahenho na binantuan ng kaunting tubig, at hihithitin ang binilot na papel ng sigarilyo. Heto ang tula.


*  *  *


Umuwi isang gabi si Garcín na halakhak nang halakhak ngunit napakalungkot.


Ang magandang babae na kaniyang kapitbahay ay inihatid sa sementeryo.


Balita! Balita! Huling awit ng aking tula. Yumao na si Niní. Halina, tagsibol, at wala na si Niní! Sinupin ang mga biyoleta sa parang. Ngayon ay umiiral na lamang itong epilogo ng tula. Ni walang lakas ng loob ang mga editor na basahin ang aking mga tula. Ibasura na lamang ninyo agad ang mga ito. Lumalakad ang panahon. Ang epilogo ay pinamagatang “Kung paanong umimbulog sa asul na langit ang ibong asul.”


*  *  *


Ganap nang tagsibol! Namumulaklak ang mga punongkahoy, at mala-rosas ang ulap sa madaling-araw at hapon; ang banayad na simoy ay pinalalawiswis ang mga dahon, at hinihipan sa natatanging tunog ang mga sintas ng sombrero. Hindi na nagtungo sa párang si Garcín.


Doon sa Café Plombier siya nagtutungo, suot ang bagong damit, at namumutla habang taglay ang malamlam na ngiti.


“Mga kaibigan, yakapin ako! Yakapin ninyo ako nang mahigpit! Batiin ako ng paalam nang buong puso at buong kaluluwa .  .  . Lumipad na ang Ibong Asul. . . .


Humagulgol ang kawawang si Garcín, at niyakap namin siya nang mahigpit, at kinamayan nang todo, bago tuluyang lumisan.


At winika namin: Si Garcin, ang alibughang anak na hinanap ang kaniyang ama, ang matandang Normando. “Paalam, mga musa; paalam, at maraming salamat! Nagpasiya ang ating makata na sukatin ang mga damit! Hoy! Isang tagay para kay Garcín!


Namumutla, takót, at malungkot, ang mga parokyano ng Café Plombier, na dating sanáy sa ingay ng maliit at gusgusing silid, ay naroon sa tirahan ni Garcín. Nakahiga siya sa kama, duguan ang kumot, at butás ang bungo sa tama ng punglo. Sumambulat sa unan ang mga piraso ng utak. Anung lagim!


Makaraang humupa ang aming pagkagitla, at makidalamhati sa bangkay ng aming kaibigan, natuklasan naming nasa kaniya ang bantog na tula. Sa pangwakas na pahina ay nakasulat ang ganitong mga salita:


“Ngayon, sa kalagitnaan ng tagsibol, ay hinayaan kong bukás ang hawla ng ibong asul.”


*  *  *


Ay, Garcín, ilan pang tao ang nagtataglay sa kanilang utak ng ganiyang sakít!


Filed under: salin, tula Tagged: El pajaro azul, halaw, Ibong Asul, makata, pananaw, panitikan, Ruben Dario, salin, sining, Tulang Tuluyan
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on December 06, 2014 09:47

November 24, 2014

Kompletong Salin sa Filipino ng Panukalang Bangsamoro Basic Law

Dahil hinihingi ng panahon na mabatid ng mahigit 100 milyong Filipino ang panukalang Bangsamoro Basic Law, isinalin ko ito sa eleganteng Filipino. Ang anumang puna at mungkahi ay tinatanggap ng tagasalin para mapakinis ang naturang teksto. Ang pagsasaling ito ay kusa at walang bayad, at ginawa para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga Filipino. Pindutin ang kawing sa ibaba upang mabasa ang salin sa eleganteng Filipino:


Salin ng Bangsamoro Basic Law
Filed under: batas, Filipino, salin Tagged: Bangsamoro, Bangsamoro Basic Law, batas, Filipino, salin
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 24, 2014 07:36

October 3, 2014

Bangsamoro Basic Law sa Wikang Filipino

REPUBLIKA NG FILIPINAS
KAPULUNGAN NG MGA REPRESENTANTE

Lungsod Quezon


IKALABING-ANIM NA KONGRESO


Ikalawang Regular na Sesyon


PANUKALANG BATAS BLG. 4994


Ipinakilala nina Representante FELICIANO BELMONTE, JR., HENEDINA R. ABAD, GIORGIDI B. AGGABAO, SERGIO A.F. APOSTOL, PANGALIAN M. BALINDONG, CARLOS M. PADILLA, ROBERTO V. PUNO, NEPTALI M. GONZALES II, MEL SENEN S. SARMIENTO, ENRIQUE M. CONJUANGCO, MARK LLANDRO L. MENDOZA, ELEANDRO JESUS F. MADRONA, ELPIDIO F. BARZAGA, JR., ANTONIO F. LAGDAMEO, JR., ROLANDO G. ANDAYA, JR., NICANOR M. BRIONES, at RAYMUND DEMOCRITO C. MENDOZA



PALIWANAG


Ang Komprehensibong Kasunduan sa Bangsamoro (KKB), na nilagdaan noong 27 Marso 2014, ay hudyat ng pagwawakas ng ilang dekadang armadong tunggalian sa Mindanaw na nagtampok ng malalaking hadlang sa lubusang progreso at kaunlaran ng bansa. Ang tinalakay na kasunduang pampolitika ay naghahanay ng mga mekanismo, proseso, at modalidad na sa pamamagitan nito’y sinisikap ng mga partido na magtatag at maglugar ng isang rehimen ng kapayapaan, kaunlaran, katarungang panlipunan, at pananaig ng batas sa mga pook na malaganap ang tunggalian at sa mga komunidad ng Katimugang Filipinas.


Inspirado ng pundasyong konstitusyonal sa mga awtonomong rehiyon alinsunod sa Artikulo X ng Konstitusyong 1987, ang KKB ay nagtatadhana ng disenyo ng bagong entidad na pampolitika na mapagsisimulan ng masisiglang repormang ipinakilala ng kasalukuyang gobyerno ng Awtonomong Rehiyon sa Muslim Mindanaw. Ang muling isinabalangkas na entidad ay magpapalawig ng mga umiiral na sistema at balak, at makapagtatatag ng bagong lipon ng mga kaayusang pang-institusyon at modalidad sa panig ng sentrong gobyerno at ng awtonomong gobyerno hinggil sa hatian-ng-kapangyarihan, hatian-ng-yaman at kita, mga aspektong lumilipas, at normalisasyon. Upang maganap ang matatayog na layunin ng KKB, ang mga probisyon ng kasunduan ay dapat isalin sa wikang pambatas, at ang mga pagtatayang pampolitikang taglay nito ay mahubog tungo sa mga probisyong legal.


Dapat kilalanin ng Kongreso ang pangunahig tungkulin nito sa proseso ng pagkakamit ng makatarungan at pangmatagalang  kapayapaan sa Mindanaw sa pamamagitan ng pagsasabatas ng panukalang Batayang Batas ng Bangsamoro upang mabuksan ang bagong panahon ng kapayapaan at kaunlaran hindi lamang sa Mindanaw bagkus sa buong Filipinas.


Dahil sa binanggit, ang maagap na pagpapatibay sa panukalang ito ay hinahangad. (Itutuloy. . . .)


  Ginamit sa salin ang “Filipinas” bilang pagsunod sa Ortograpiyang Pambansa na itinataguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), at nang maging konsistent kahit sa gamit ng “Filipino” na hindi lamang tumutukoy sa wika, bagkus maging sa “konsepto” at “pagkamamamayan.” Ang KWF ang tanging ahensiya ng pamahalaan na may mandatong magpatupad ng mga makatwirang pagbabago sa mga wika sa buong kapuluan.

(salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.)


Filed under: batas, halaw, politika, salin Tagged: Bangsamoro Basic Law, batas, Filipino, halaw, salin
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on October 03, 2014 02:18

Roberto T. Añonuevo's Blog

Roberto T. Añonuevo
Roberto T. Añonuevo isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Roberto T. Añonuevo's blog with rss.