Roberto T. Añonuevo's Blog, page 12

July 11, 2012

Si Dolphy at ang Komedyang Filipino

Produkto ng Bodabil, si Dolphy [Rodolfo Vera Quizon Sr] ang tatanghaling ikon at ultimong komedyante ng kaniyang panahon, at magtatakda ng kumbensiyon sa larangan ng pagpapatawa sa pelikula, telebisyon, at radyo. Ang pagpapatawa ni Dolphy ay sumasaklaw sa mga pakahulugang popular at kontemporaneo, naglalaro sa pukol ng mga salita at mapaghanap ng tumpak na tiyempo, hindi magbabantulot na maging teatriko, matalim at mapangahas gaya ng klasikong payaso, bukod sa nagsasaalang-alang ng pagsalo o pagsangga sa winiwika at reaksiyon ng kapuwa aktor, habang ibinubunyag sa realistikong pagdulog ang panahon o lugar na kaniyang iniinugan bilang aktor.


Dolphy [Rodolfo Vera Quizon]. Hango ang retrato sa Dolphyfilmography.blogspot.com

Dolphy [Rodolfo Vera Quizon]. Hango ang retrato sa Dolphyfilmography.blogspot.com.

Maitatangi si Dolphy, at ito ang hindi maitatatanggi. Ang uri ng siste o paraan ng pagpapatawa niya ay lumilingon sa gaya ni John Falstaff o Charlie Chaplin, at siyang isasalin sa telon, subalit kayang magsuot ng kapayakan sa katauhan ng gaya nina Gorio, Ompong, Enteng, Kevin Cosme, at John Puruntong. Kailangan ni Dolphy ang mahusay na iskriprayter, gayunman ay marunong siyang manghimasok sa kaniyang papel dahil ang gumaganap ay hindi si Dolphy bagkus ang tauhang kaniyang kinakatawan. Panoorin si Dioscoro Derecho sa Ang Tatay kong Nanay(1978), at ang kabaklaan at ang pagkamagulang ay magbabago ang tabas sa direksiyon ni Lino Brocka, bukod sa magpapakilala kay Niño Muhlach bilang kapani-paniwalang iyaking ampon at anak sa labas.

Humusay si Dolphy bilang aktor dahil marami siyang kapuwa aktor na walang itulak kabigin sa larangan ng komedya. Paboritong kapares niya si Panchito, at kapag nagsama sila sa pelikula’y dobol trobol. Walang kahirap-hirap, wika nga, kapag mahusay ang kasama, gaya ng matutunghayan sa Si Lucio at si Miguel (1962), Fefita Fofongay (1963), at Hiwaga ng Ibong Adarna (1972). Makakasabayan niya ang klasikong tambalan nina Pugo at Tugo, ang maliksing mananayaw na si Bayani Casimiro ala-Fred Astaire, ang malambing na bungangerang si Chichay, ang bigating si Ading Fernando, ang maangas na natural na si Babalu, ang kahanga-hangang Nida Blanca, ang mataray na sosyal na Dely Atay-atayan na pagsusumundan ni Doña Buding, at iba pa.


Maibubukod si Dolphy dahil sensitibo siya sa reaksiyon ng manonood. Higit niyang pipiliin na pagtawanan ang sarili kaysa kasangkapanin ang manonood para pagtawanan lalo ng nakatataas ang estado sa buhay. Dukha, patpatin at kaawa-awa, ang mga papel ni Dolphy ay maglalaro rin sa sining ng panggagagad, na kalabisan man kung ituturing na Makutim na Komedya’y magtatanghal ng pabalintunang alingawngaw mula sa Hollywood: Adolphong Hitler, Dolpinger, James Batman, Kapten Batuten, at Agent 1-2-3. Ngunit sa oras na tapatan ng mahusay na iskrip ay malulusutan kahit ang mapaghamong papel ni Walterina Markova at ni Dioscoro Derecho.


Anuman ang panahon, asahang naririyan si Dolphy. Alam niya ang halina ng entablado ngunit higit niyang alam ang kapangyarihan ng pagsasahimpapawid sa radyo; ang bisa ng paglikha ng kakatwang realidad sa loob ng pinilakang tabing; at ang pambihirang saklaw ng telebisyong magiging paboritong kapanalig kahit sa oras ng hapunan. Ibig sabihin, alam ni Dolphy ang midyum na kaniyang pinapasukan subalit hindi na niya ito kailangang ipagyabang. Bukod pa rito’y kilala niya ang pintig ng kaniyang mga kapuwa aktor, dahil ang kaniyang husay ay lalong kikinang sa oras na tumbasan ng pambihirang talento ng iba pang aktor.


Isasalin ni Dolphy ang panitikan at komiks sa pinilakang tabing, at mapapabilang sa listahan ang mga kuwento ni Lola Basyang (alyas ni Severino Reyes), ang pamosong Kalabog en Bosyo ni Larry Alcala, at ang Captain Barbell ni Mars Ravelo.


Ang pangwakas na kritiko ni Dolphy ay ang malawak na madlang sumubaybay ng kaniyang makulay na karera. Maaaring sumasalamin si Dolphy sa sentimyento ng api o sawimpalad, ngunit maaaring itanggi niya ito. Hindi magtatangka si Dolphy na pumalaot sa politika ngunit marami siyang politiko na ipapanalo sa oras na maitampok at maiendoso, dangan lamang at nagkamali siya nang itaas ang kamay ni Sen. Manny Villar na tumakbo sa pagkapangulo. Sisikapin niya sa tulong ng mga kumpareng sina Joseph Estrada at Fernando Poe Jr ang Mowelfund, at ang rekord nito ang magpapatunay na may naiambag siya para sa kapakanan ng mga karaniwang kawani na nagtatrabaho sa larangan ng pelikula, telebisyon, at radyo. Kalimutan man ng publiko si Dolphy, marahil ay magkikibit-balikat lamang siya, mapapahagikgik, na waring nagsasabing “Hindi, hindi mabibiro ang tadhana.”



Filed under: opinyon, sanaysay Tagged: Dolphy, Filipino, komedya, pelikula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 11, 2012 03:00

June 26, 2012

Ang Kaso ng Dekalogo ng Wikang Filipino

Isang taktika ng dekalogo ang pagtatampok ng makapangyarihang tinig, at sa kaso ng dekalogong hinugot sa Bibliya, ang mga utos ay nagtatakda ng parametro ng pagsamba sa Maykapal, bukod sa nagsasaad ng mga tiyak na hakbang kung paano isasaayos ang maipapalagay na kaguluhan o kawalang sistema ng isang pamayanan. Ito ang matutunghayan sa dekalogong tumitingki sa etika ng tao sa loob ng pamayanan (Exodo 20:1–17 at Dewteronomiya 5:4–21), na ang una hanggang ikalimang utos ay naghahayag ng pakikiharap sa Diyos, samantalang ang ikaanim hanggang ikasampung utos ay pagpapayo kung paano makikiharap sa kapuwa at mangangasiwa ng angking ari-arian.


Samantala, ang dekalogo ay masisipat ding kombinasyon ng mahihigpit na utos at mapagpalayang pangako—na kung paniniwalaan ay makapagtataboy ng mga mananakop, makapagpupundar ng pamilyang matagumpay, at makapagtatanghal ng kadakilaan ng Maykapal (Exodo 34: 11-26). Ngunit bago ang lahat, dapat isapusong mapanaghili ang Diyos, na tumatumangging may ibang Diyos maliban sa kaniya; ang kakatwa’y lilikhain niya ang tao na kawangis ng Diyos, at ang Diyos lamang ang makababali ng kaniyang utos hinggil sa dibinong hulagway at huwad na idolo.


Inilulugar ng dekalogo ang pangyayari alinsunod sa pananaw ng Makapangyarihang Tinig. Kung ipagpapalagay na walang kaayusan sa lipunan, ang Makapangyarihang Tinig ang magtatakda ng mga hakbang kung paano mamumuhay, kung paano mag-iisip, kung paano makikipagkapuwa, kung paano pasisilaghin ang hanay, at kung paano iiral nang hindi sumasalungat sa dakilang mithi. Walang makababatid kung ano ang silbi ng dakilang mithi kundi ang Diyos, at sa pamamagitan ng pananampalataya, ang dibinong kautusan, kahit na nabigong ipaliwanag sa siyentipiko o lohikong pamamaraan, ay dapat paniwalaan upang mapanatili ang nangingibabaw na kairalan sa lipunan.


Paano kung ang Makapangyarihang Tinig na ito ay mawala sa sentro, at mayanig ang pundasyong kinalalagyan, mapaniniwalaan pa rin ba ito? Ito ang pag-aaralan sa paraan ng pagdestrungka sa paniniwalang ang daigdig ay may sentro palagi at nakasalalay sa mga hanggahan, na ang kanan at kaliwa nito’y laging nagsasalungatan, at dahil ang Makapangyarihang Tinig ay hindi nakatitiyak ng imortal na puwesto, sapagkat ang puwesto ay nasa labas na katauhan ng Makapangyarihang Tinig, mapaguguho ang paniniwala rito, at ang daigdig ay puwedeng baligtarin anumang oras naisin.


Sa panig ng mga Katipunero, ang dekalogo na binuo nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ay masining na pagsasabalangkas ng ideologong kautusan na hibong bibliko, na ang pag-ibig sa diyos ay katumbas ng pag-ibig sa bayan, at ang asal ng Katipunero ay inilulugar sa panig ng linyadong partidista kung paano maghahanapbuhay nang marangal, kung paano ipagtatanggol ang pamilya at kapuwa, at kung paano lilinisin ang hanay laban sa mga taksil at kakutsaba ng mananakop. Higit pa rito’y ibinabalik ng nasabing dekalogo ang konsepto ng “puri,” “dangal,” “katwiran,” “tiyaga,” “hinahon,” at “pag-asa” alinsunod sa pananaw ng Tagalog at siyang bukod sa pananaw ng banyaga.


Maiiba ang silbi ng dekalogo nang maglabas ng “Dekalogo ng Wikang Filipino” si Jose Laderas (Jolad) Santos, na kasalukuyang Punong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Ang dekalogo ni Jolad Santos ay walang imprimatur ng Lupon ng mga Komisyoner, kahit pa sabihing lawas kolehiyado [collegial body] ito; ngunit ang lehitimisasyon ng naturang dekalogo ay nakakarga sa aklat na Ang Wikang Filipino bilang Wikang Panlahat (2010) ni Sheilee Boras-Vega, sa opisyal ng websayt ng KWF, at sa mga aklat na inilathala ng KWF na may munting mensahe ang butihing Komisyoner. Sa paulit-ulit na pagbanggit ni Jolad Santos sa kaniyang “dekalogo,” ang nasabing kautusan ay waring nagiging wagas na totoo kahit mapabubulaanan, at hindi mababali at nakasandig sa matatag na pader. Heto ang buong teksto ng “Dekalogo ng Wikang Filipino” ni Jolad Santos:


1. Ang wika ay dakilang  biyaya ng Maykapal sa sangkatauhan. Bawat bansa ay binigyan ng Diyos ng kani-kaniyang wika na pagkakakilanlan.


2. Ang Pilipinas ay mayroong 176 na katutubong wika bukod sa paghiram ng mga banyagang wika.


3. Ang pambansang wika ng Pilipinas ay FILIPINO. Si Pangulong Manuel Luis  Quezon


(1878-1944) ang Ama ng Wikang Pambansa. Ang Wikang Filipino ay katuparan ng pangarap na wikang panlahat.


4. Ang wikang pambansa ay pinayayabong, pinagyayaman at pinatatatag ng lahat ng wikang ginagamit sa Pilipinas


5. Ang wika ay puso at kaluluwa ng bansa para sa ganap na pagkakakilanlan. Nakapaloob ito sa Pambansang Awit, Panunumpa sa watawat, at sa lahat ng sagisag ng kalayaan at kasarinlan.


6. Tungkulin ng bawat Pilipino ng pag-aralan, gamitin, pangalagaan, palaganapin, mahalin at igalang ang Wikang  Pambansa kasabay ang gayon ding pagmamalasakit sa lahat ng katutubong wika at mga wikang ginagamit sa Pilipinas.


7. Ang pagmamahal at paggalang sa wika ay katapat ng pagmamahal at paggalang sa sarili. Tumitiyak ito upang igalang din ng kapuwa. Taglay ng lahat ng katutubong wika ang kagitingan, dugo at buhay ng mga bayani at ng iba pang dakilang anak ng bansa.


8.Malayana gumamit at pagyamanin ang iba pang wikang gustong matutuhan. Sa pagkatuto ng iba ay lalo pang pakamahalin ang mga kinagisnang wika. Ano mang wikang hindi katutubo sa Pilipinas ay wikang hiram. Hindi matatanggap bilang ating pagkakakilanlan at hindi rin maangkin na sariling atin.


9. Bawat Pilipino ay nag-iisip, nangangarap at nananaginip sa wikang Filipino o wikang kinagisnan.


10. Ang bawat pagsasalita at pagsusulat gamit ang wika ay pagdiriwang at pasasalamat sa Maykapal sa pagkakaloob ng wika bilang dakilang biyaya sa sangkatauhan.


Sa estriktong pagbasa, ang ikaanim at ikawalong bilang lamang ang puwedeng mailahok sa bisyonaryong dekalogo. Ang iba pa’y pawang mapanlahat na pahayag na katumbas ng meme na nagmumula sa Makapangyarihang Tinig na nagpapasa ng diwain o paniniwala sa sambayanan upang pikit-matang sundin nito. Kung ang meme, gaya sa pakahulugan ni Richard Dawkins ay maipapalagay na virus, ang pambihirang dekalogo ni Jolad Santos ay makapag-iiwan ng bakas ng DNA ng kamangmangan, at ito ang posibleng maging balakid upang matamo ng Filipino ang ganap na paglago. Halimbawa, ang mismong salitang “dekalogo” ay hindi simpleng listahan ng mga utos o panuto; ang dekalogo ay puwede palang maging pahayag na ang katumpakan ay katumbas ng pagyanig sa pedestal ng Punong Komisyoner ng Wika, at sa oras na mayanig ang pundasyon ng mga pahayag ng Punong Komisyoner ng Wika dahil sa salungatang pahayag, ay karapat-dapat na tanggihang paniwalaan.


Tunghayan halimbawa ang unang pahayag: “Ang wika ay dakilang biyaya ng Maykapal sa sangkatauhan. Bawat bansa ay binigyan ng Diyos ng kani-kaniyang wika na pagkakakilanlan.” Kung ang wika ang biyaya ng Maykapal, ang kakayahan ng tao na umimbento ng sariling wika ay namemenos. Posibleng binigyan ng talino ng diyos ang tao upang makapagsalita; ngunit bukod sa pagtataglay ng utak, dila, at kamay, kinakailangan ng tao ang mahaba at kusang pagbabanyuhay upang ang kaniyang diwain ay maisalin sa bato o balát o papel, at ang diwaing ito ay magkakaroon ng buto’t laman kapag tinumbasan ng pagsasakatuparan. Sa pahayag ni Jolad Santos, ang wika ay parang tipak ng batong isinasalin ng Maykapal sa mga tao. Isang kabulaanan ito, at kabulaanang lumilikha ng mito upang ang sambayanan ay manatiling nakaasa sa Makapangyarihang Tinig ng Imortal. Magiging komplikado ang lahat kapag idinugtong ang ikasampung utos ni Jolad Santos: “Ang bawat pagsasalita at pagsusulat gamit ang wika ay pagdiriwang at pasasalamat sa Maykapal sa pagkakaloob ng wika bilang dakilang biyaya sa sangkatauhan.” Mapapansing alingawngaw lamang ito, at kabilang panig na pang-ipit na sinimulan sa unang bilang. Tinatabas ng ikasampung pahayag ni Jolad Santos ang likás na talino ng tao na gumawa ng sistema ng pagkakaunawaan, at dahil dito’y maipapalagay na ang lahat ng wiwikain ng sangkatauhan ay hindi magkakamali dahil hindi nagkakamali ang Maykapal. Ngunit nagkakamali ang sangkatauhan, at kung idurugtong ito sa pagkakamali ng Maykapal, hindi karapat-dapat siyang tawaging Diyos.


Limitado naman ang ikalawang pahayag ni Jolad Santos: “Ang Pilipinas ay mayroong 176 katutubong wika bukod sa paghiram ng mga banyagang wika.” Ang totoo’y nakasalalay lamang ang pahayag na ito sa saliksik na ginawa ni Curtis D. McFarland hinggil sa pagpapangkat at bilang ng mga wika sa buong kapuluan. Nabigong makaigpaw ang pahayag ni Jolad Santos sa dati nang saliksik; ngunit ang masaklap ay hindi yaon isang utos, bagkus de-kahong kaisipang ang estruktura ng pangungusap o palaugnayan ay sablay. Ano ngayon kung may isang libo o sampung wika ang Filipinas? Isinisiksik ni Jolad Santos sa mga mambabasa ang bilang ni McFarland, ngunit kung bakit naging gayon ay bahala na ang sambayanan upang humanap ng sagot.


Ang ikatlo at ikaapat na pahayag ni Jolad Santos ay mahihinuhang hinugot sa Saligang Batas 1973 at 1987, at muling pagsasakataga ng mga probisyon nito. Samantala, ang pagkilala kay Pang. Quezon bilang “Ama ng Wikang Pambansa” ay puwedeng pagtaluhan, dahil ang tunay namang nagsikap na isabatas ang Pambansang Wikang Filipino ay si dating Punong Mahistrado Norberto Romualdez, sa tulong ng mga mambabatas na nagmula sa iba’t ibang lalawigan. Kung hindi marahil kay Romualdez ay maaaring hindi naisabatas ang pambansang wikang nakabatay sa Tagalog, at maipupundar ang dating Surian ng Wikang Pambansa. Maiuugnay sa ikatlo at ikaapat na pahayag ang ikasiyam na pahayag, “Bawat Pilipino ay nag-iisip, nangangarap at nananaginip sa wikang Filipino o wikang kinagisnan.” Secundum quid ang lohika nito, dahil ang diyasporang Filipino, halimbawa, ay hindi iisang tabas mag-isip o mangarap; at karamihan sa mga tao na nakapaloob doon ay baluktot ang dila dahil ang wikang kinagisnan nila ay maaaring hindi na Bisaya, Tausug, o Ivatan, bagkus Ingles, Aleman, o Pranses.


Problematiko ang ikalimang pahayag: “Ang wika ay puso at kaluluwa ng bansa para sa ganap na pagkakakilanlan. Nakapaloob ito sa Pambansang Awit, Panunumpa sa watawat, at sa lahat ng sagisag ng kalayaan at kasarinlan.” Maganda na sana ang unang pangungusap, ngunit nang sundan ng ikalawang pangungusap ay gumuguho ang isinaad sa unang pahayag. Ang mismong pagkakaroon, halimbawa na, ng dalawang opisyal na wika ang Filipinas ay isang anomalya. Iba ang wika ng mga transaksiyon sa pamahalaan, hukuman, akademya, at negosyo, at iba ang wika sa pang-araw-araw na buhay. Maaaring ito ang tinutukoy ni Jolad Santos, ang kambal na wikang ang isa’y taal at ang isa’y hiram, na sa paglipas na panahon ay gagamitin bilang tulay ng pagkakaunawaan sa kapuluang may iba’t ibang wika o diskurso o punto. Hindi nakapaloob ang wika sa lahat ng sagisag ng kalayaan at kasarinlan. Ang wika ay dapat may kakayahang maglabas-masok sa sagisag, lalo kung ang wikang ito ay ipinapalagay na may natatanging pahiwatig sa isang pangkat ng mga tao.


Maituturing na magkaugnay ang ikaanim at ikapitong pahayag, kung pag-uusapan ang pagmamahal sa wika, ngunit ang ikapitong pahayag ay may tatlong pilas, at kumbaga sa lohika ay hindi magkakaugnay. Ang pagmamahal sa wika ay idinirikit sa sarili, kung paniniwalaan si Jolad Santos, ngunit ang sariling ito na iniugnay sa kapuwa ay hindi malinaw ang interaksiyon. Binubuo ang wika sa pamamagitan ng pagtatagpo ng mga tao, at sa kolektibong pagkakaisa at pasiya hinggil sa tataglaying konsepto at diskurso ng mga salita, sagisag, at iba pa. Ang wika ay hindi lamang simpleng kombinasyon ng mga titik sa alpabeto; bagkus mailalangkap ang ilang bagay na puwedeng ekstensiyon ng idea sa materyal na realidad.


Pinakamasaklap ang pagkakabalangkas ng ikawalong pahayag. Pansinin ang salansan ng mga pangungusap:  (1)Malaya na gumamit at pagyamanin ang iba pang wikang gustong matutuhan.  (2) Sa pagkatuto ng iba ay lalo pang pakamahalin ang mga kinagisnang wika. (3) Ano mang wikang hindi katutubo sa Pilipinas ay wikang hiram. (4) Hindi matatanggap bilang ating pagkakakilanlan at hindi rin maaangkin na sariling atin. Ang una at ikalawang pahayag ay maaaring pagsanibin; ngunit ang pahayag ikatlo ay hindi na dapat pang pag-isipan. Natural na ang anumang wikang hindi katutubo o taal ay banyaga. Hindi na pinag-iisipan pa iyan, wika nga ng estasyon sa radyo. Ang pahayag ikaapat ay problematiko dahil hindi malinaw sa palaugnayan kung ang tinutukoy na wikang hindi matatanggap ay ang katutubong wika o ang wikang banyaga.


Sa pangkalahatan ay masasabing mapanganib ang iniiwang paalala ng Dekalogo ng Wikang Filipino ni Jolad Santos. Ang dekalogo ay hitik sa mga sound bite, at nakabola marahil ng hindi iilang guro at estudyante, ngunit ang esensiya ay hungkag. Mapanlahat ang mga pahayag ng Punong Komisyoner, at puwedeng gibain ang mga ito sa paggamit ng ibang lente ng pagtanaw. Ngunit higit pa rito, kinakailangang isaayos muna ang lohika, gramatika, at palaugnayan ng mga pahayag, dahil kung ang dekalogo ng wika ay makapag-iiwan ng kalituhan sa isipan ng taumbayan, hindi ito makapupukaw ng guniguni upang ang sambayanan ay gamitin nang matalisik at malawak ang Filipino at katuwang na mga wikang lalawiganin para sa kanilang kolektibong kapakanan. At kung maisaayos man ang estruktura ng dekalogo, ang susunod na pagsisiyasat ay mauuwi sa punto kung ipauubaya ba ng sambayanan kay Jolad Santos bilang awtoridad ng wika ang mga kautusang dapat sundin ng mga mamamayan para sa kinabukasan ng mga kabataang Filipino mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Kailangan ito, aminin man o hindi, dahil tumatayong Makapangyarihang Tinig si Jolad Santos, at bilang Punong Komisyoner ng KWF ay nararapat litisin nang ganap sa harap ng sambayanan.



Filed under: Kritika, Wikang Filipino Tagged: batas, dekalogo, diyos, Filipino, kautusan, Kritika, lingguwistika, utos, wika
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 26, 2012 03:00

June 21, 2012

Engkuwentro, ni Alex Skovron

salin ng tula ni Alex Skovron.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.


Ang panahong iyon, ani Turgenev, na ang pagsisisi ay gaya ng pag-asa, at ang pag-asa ay gaya ng pagsisisi, at ang kabataan ay pumanaw ngunit hindi pa sumasapit ang pagtanda. At mailap sa atin ang mga pakahulugan, nakadapo sa likod ng ilusyon ng salamin, at kumakawala ang mga katwiran, at ang mukha ay naghuhunos na katwiran, at ang katwiran ay basta makapangatwiran. Higit sa paliwanag ang ilang bagay, na ang sinisikap nating mahalukay ang siya nating ibig kalimutan, at kalimutan ang pinaghihirapan nating tandaan. Pagsapit sa mga lalawigan, anung gaan ang pag-akyat sa talampas sa lilim ng makukutim na ulap, anung gandang salungatin ang nilimbag na bangin ng maingay na kapatagan. Ngunit ang lungsod ng gunita ay nakatimo sa likod ng hulagway ng langit—tulad ng dambuhalang sasakyang biglang iniladlad pababa, padausdos sa kahanga-hangang kisame sa likod ng bakood, na ang gilid na ilalim ay tampok ang nakapangangalisag na hubog at sirkito—upang uyamin tayo sa walang hanggang ringal, o tawagin tayo sa paglalakbay na walang balikan. Ngunit kapag tayong nakinig ay hindi banyaga ang musika; kilala nito tayo hanggang kaloob-looban. Magpapaikot-ikot tayo, magsisisi at mag-aasam, makikibaka upang upang tuklasin ang solidong bahagi sa pagitan ng ilog at batuhan. Kapag muli tayong tumingala, maglalaho ang monolito. Kakalmutin natin ang himpapawid para humanap ng dahilan at magpapalit-palit ng kahulugan. Sasambahin natin ito, at tatawaging Maykapal. O pipiliing pumagitna, gaya ng winika ni Montale, sa pag-unawa ng wala at labis; ang lalawigan ng makata o nating lahat.



Filed under: halaw, salin, Tulang Tuluyan Tagged: balikan, banyaga, edad, kabataan, katwiran, mukha, paglalakbay, pagtanda, pakahulugan, palusot, panahon, tula, Tulang Tuluyan
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 21, 2012 03:00

June 19, 2012

Payo ni Dusum Khyenpa, ang Unang Karmapa

Hango mula sa Dharma para sa Pamayanan, ni Dusum Khyenpa.

Halaw sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.


Sa lahat ng diskursong winika ng ganap na maláy na Buddha Shakyamuni, binabanggit lagi ang paraan ng paghutok ng isipan. Napakahalaga na gabayan at bantayan ang sariling isipan.


Sa simula’y importanteng pahupain ang ligalig na isip. Pagsapit sa kalagitnaan ay patatagin pa ang payapa. At sa wakas, mahalagang tandaan ang pansariling pagtuturo upang mapalawig lalo ang katatagan.


Mula sa karunungang nag-ugat sa pagkatuto’y dapat mabatid ang mga pagdurusa. Mula sa karunungang nagmula sa pagbabalik-tanaw ay dapat supilin ang mga pagdurusa. Mula sa karunungang sumibol sa pagbubulay, kailangang bunutin sa pinakaugat ang iyong mga pagdurusa.


Napakahalaga, mula ngayon, na pagpagin natin sa ating mga balabal ang niyebe.


Totem, ukit ni Ernesto Dul-ang.

Totem, ukit ni Ernesto Dul-ang. Kuha ni Bobby Añonuevo, 2012.



Filed under: Tulang Tuluyan Tagged: kapayapaan, katatagan, kontrol, muni, pagbubulay, pagdurusa, supilin
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 19, 2012 03:00

June 16, 2012

Katangahan

Mauunawaan mo ang hindi mauunawaan ng nakataaas sa iyo. Maaaring ang butil ng diwa mo ay makapapawi ng konsumisyon o komisyon sa korupsiyon, ngunit dahil ang pinuno mo ay sabik sa kapangyarihan at sabik sa kayamanan, ang lahat ng naiisip mo ay tatabunan niya ng mga palusot. Ang palusot na ito ay maaaring pagpapairal ng aniya’y dating kalakaran, kahit ang kalakaran na binabanggit ay walang matibay na batayan sa batas man o katotohanan. Kaya iwawaksi mo ang kaniyang pamamahala, at ipupukol sa kaniya ang karapat-dapat matamo ng isang Konsumisyoner.


Libingan ng mga Diwain.

Libingan ng mga Diwain. Camp John Hay, Lungsod Baguio. Kuha ni Bobby Añonuevo, 2012.



Filed under: retrato Tagged: Camp John Hay, himutok, komisyon, komisyoner, konsumisyon, libingan
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 16, 2012 20:16

May 20, 2012

Balanghagan

Isla de Santa Cruz

Isla de Santa Cruz. Kuha ni Bobby Añonuevo. Mayo 2012.


Sumusulong ang Siyudad de Zamboanga, dumarami ang wika sa pangangalakal, at hindi ito maikakaila ng pagdagsa ng mga turista sa paliparan o pantalan kahit hindi pista. Maliit ngunit siksik, ang heograpiya sa wari mo’y laberinto ng mga habing Yakan kung hindi man lalang-banig ng Sama o Badyaw. Makikitid ang lansangan at magagara ang plasa, ang paglalakad sa saliw ng awiting Chabacano ay malaya mong isiping paglalakad ni Rizal o pagsalakay ni Pershing, ngunit mananatiling panatag gaya ng Masjid Salahuddin at bukás na bukás, gaya ng tanikala ng mga paaralang may angking pasensiya o toleransiya. Kung magawi man sa Paseo del Mar at tumoma pagsapit ng takipsilim ay aasaming makatapak muli sa mamula-mulang bahura ng Isla de Santa Cruz habang sumisikat ang araw kinabukasan. Bago lumunsad ay maaaring mapukaw ang pansin ng Fort Pilar, saka mo magugunita na ang mga kanyon at pananampalataya ay gaya ng digmang nagsisilang ng kapatiran, at nagtitipon sa mga tao na may kani-kaniyang panalanging ang katuparan ay nasa pagkatunaw ng isang bungkos ng kandila.


“Balanghágan,” ni Roberto T. Añonuevo, 20 Mayo 2012.
Habing Yakan.

Habing Yakan. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.


Banig ng Badjaw.

Banig ng Badyaw. Kuha ni Bobby Añonuevo. Mayo 2012.


Paseo del Mar.

Paseo del Mar. Kuha ni Bobby Añonuevo. Mayo 2012.



Filed under: tula, Tulang Tuluyan Tagged: Fort Pilar, habi, Isla de Santa Cruz, lungsod, paglalakbay, plasa, siyudad, Tulang Tuluyan, turista, Yakan, Zamboanga
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 20, 2012 06:46

May 10, 2012

KASUGUFIL at ang Adyenda sa Filipino

Lubhang mabilis ang mga pangyayari, at ipatutupad na ngayong Hunyo 2012 ang bagong patakaran sa sistema ng edukasyon na tinaguriang K-12. Ang nasabing patakaran ay may kaugnayan sa 12 pangunahing wika sa Filipinas; at kaugnay nito ang pagbubuo ng ortograpiya at diksiyonaryo sa kani-kaniyang wika. Ang modernisasyon ng edukasyon ay bahagi ng mithing mapaglangkap na kaunlaran ng gobyerno; at upang makarating sa mahihirap ay kinakailangang maisagawa muna ang pamumuhunan sa edukasyon, pagtataguyod ng malawakang impraestruktura ng komunikasyon, pagsasanay sa mga guro at kawani, reoryentasyon ng mga pabliser ng teksbuk, at pagpupundar ng mga kagamitan sa pagtuturo.


Ang bagong batch ng mga estudyante ay inaasahang sasailalim sa laboratoryo ng eksperimentasyon—una, sa paggamit ng sariling wika sa mga unang bahagdan ng pag-aaral at pagsusulit; at ikalawa, sa pagtanggap ng kurikulum na dapat na higit na malawak at malalim kompara noon at inaasahang makatutulong sa paghubog ng kasanayan ng mga kabataan upang magkaroon ng hanapbuhay. Ngunit higit pa rito, ito ang panahon na masusubok ang Filipino sa iba’t ibang lárang [field], lalo kung iisiping ang Filipino ay kaagapay sa multi-lengguwaheng patakaran sa pagtuturo. Mababanat ang tatag at pasensiya ng mga guro sa paghawak ng sabjek sa Filipino, sapagkat ang nilalaman nito ay hindi na puwedeng hinggil sa wika lamang, bagkus sumasaklaw sa iba’t ibang disiplina o paksang dating nasa poder ng Ingles. Maaaring ang pagtatasa ng resulta ng bagong pagdulog sa pagtuturo ay hindi agad mababatid; at kung mabatid man agad ito ay hindi masasabing positibo ang kahihinatnan ng lahat.


Ikinalulungkot kong sabihin na walang malinaw na pambansang programa magpahangga ngayon kung paano palalakasin ang Filipino sa kabila ng mala-patakarang multilingguwal ng pamahalaan. Sinabi kong “mala-patakaran” sapagkat kahit ipatupad ng Kagawaran ng Edukasyon ang multilingguwal na pagdulog sa pagtuturo, hindi pa rin ito nasusuhayan ng katapat na batas na pinagtibay sa konggreso saka nilagdaan ng Pangulo at siyang bumabago sa bilingguwal na patakaran ng edukasyong itinadhana ng Konstitusyon. Maipapalagay, kung gayon, na ang mala-patakarang multilingguwal na pagdulog ay extra-legal, na handang lundagan ang Konstitusyon maisunod lamang sa programa ng gaya ng UNESCO at UNICEF at siyang itinataguyod ng Summer Institute of Linguistics. Ang pagtatakda ng pambansang programa ay inaasahang tungkulin ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang masaklap, matatapos na ang termino ng butihing Punong Kom. Jose Laderas (Jolad)  Santos ay wala pang malinaw na direksiyon ang naipapanukala para palakasin ang Filipino lalo sa hay-iskul at kolehiyo. Kaya hindi ko kayo mapipigil kung ihaka ninyo na inutil ang KWF sa panahon ni Jolad Santos.


Binanggit ko ito hindi upang siraan ang KWF o ang ilang komisyoner nito. Sinasabi ko ito upang mabatid ninyo na ang problemang kinakaharap ng Filipino ay hindi lamang panandalian at teritoryo ng mga guro, manunulat, editor, peryodista, at brodkaster, bagkus pangmatagalan at saklaw ang bawat mamamayan. Ito ay sapagkat ang pagtutuon sa wikang pambansa ay isang usaping inter-salinlahi [intergenerational]: ang anumang produktong pangwika at pandiskurso ng kasalukuyang henerasyon ay posibleng makaapekto sa susunod na henerasyon. Kung gayon, kapag pinag-uusapan ang wikang Filipino, kinakailangang isangkot ang pinakamalawak na populasyon at kung maaari’y kahit ang diyasporang Filipino, sapagkat dito nakasalalay ang paglilinang ng wika at panitikan, ang pagpaparami ng kawan ng mga manunulat, at ang pagpupundar ng mga impraestrukturang sumusuporta sa edukasyon, negosyo, hanapbuhay, komunikasyon, atbp.  Ang pakikisangkot ng organisasyong pangguro, gaya ng KASUGUFIL, sa mga isyung panlipunan ay pagsasabuhay lamang ng itinatadhana ng Artikulo 13.6 ng Konstitusyong 1987: ang paggalang sa mga organisasyon ng sambayanan, at ang pagkilala sa pakikilahok ng mga ito sa mga pagpapasiyang panlipunan, pampolitika, at pangkabuhayan.


Ang kawalan ng direksiyon at programa sa Filipino ay nagiging puwang para sa iba na gawing bara-bara, halimbawa, ang paggawa ng teksbuk at kathang popular; o kaya’y isantabi palayo sa dominyo ng kapangyarihan ang paghubog sa Filipino bilang wikang intelektuwal at panlahat.  Dapat tumbasan ng bisyon ang Filipino bilang pambansang wika, tasahin nang malaliman ang mga natamo nitong tagumpay o kabiguan sa mga nakalipas na panahon, at pagdaka’y magtakda ng malinaw na estratehiya kung paano isasakatuparan ang mga pagbabago ngayon at sa darating na mga taon.


Kung walang malinaw na patakaran ang pamahalaan, ano ang dapat gawin ng mga organisasyong gaya ng KASUGUFIL? Ilan sa maipapanukala sa nasabing organisasyon ang sumusunod:


Una, magmungkahi ng pambansang adyenda na magpapalakas sa Filipino sa kabila ng multilingguwal na pagdulog sa edukasyon. Makapangyarihan ang tinig ng KASUGUFIL sapagkat ang kasapian nito’y nagmumula sa iba’t ibang rehiyon at kinakatawan ng mga guro at superbisor. Ang panukalang adyenda ay dapat isinasangguni sa kasapian, nang sa gayon ay nalalaman ng pamunuan kung ano ang pulso ng mga guro mula sa iba’t ibang sulok ng kapuluan. Ang mungkahi ay maaaring ihain sa Lupon ng mga Komisyoner ng KWF, sa representante ng mga guro sa Konggreso, at dapat bigyang sipi kahit ang DepEd, CHED, at Tanggapan ng Pangulo ng Filipinas.


Ikalawa, magsagawa ng mga konsultasyong panrehiyon mula sa mga kasaping guro at superbisor kung paano palalakasin pa ang Filipino sa iba’t ibang disiplina o pag-aaral; at ang resulta mula sa konsultasyon ay maaaring idulog sa sangay ehekutibo o lehislatibo upang matumbasan ng batas o regulasyon. Ang nasabing konsultasyon ay maaaring sa iba’t ibang paraan, gaya ng telekumperensiya kung hindi man personal na pagharap sa mga tao sa katulad ng ganitong pambansang konggreso. Kung matutupad ito, ang KASUGUFIL ay hindi na lamang makukulong sa tradisyonal na seminar,  palihan, at pagsasanay, bagkus magkakasanga sa pampolitikang tunguhin.


Ikatlo, makilahok sa mga konsultasyong isinasagawa ng DepEd at CHED saka lumiham sa mga kinauukulan kung kinakailangang ipaabot ang mga mungkahing may kaugnayan sa pagbubuo ng mga patakaran, pagtatalaga ng mga tauhan, at pagpupundar ng mga pasilidad at impraestrukturang may kaugnayan sa pagpapalaganap ng Filipino. Makabubuti kung laging may representante ang KASUGUFIL sa ganitong mga pagtitipon, nang sa gayon ay naipararating nang mabilis sa buong kasapian ang mga bagong pangyayari kahit sa pamamagitan ng opisyal na websayt, blog, o network.


At ikaapat, maaaring makapagmungkahi rin ang KASUGUFIL sa pamahalaan kung paano lilinisin ang burukrasya, kung bakit dapat palitan ang ilang bulok na opisyal, at kung bakit dapat magtaguyod ng impraestrukturang pangwika at pangkomunikasyon para buklurin ang tinatayang 80 milyong Filipino sa kung saan-saang pook.


Hindi ako tutol sa patakarang turuan ang bata alinsunod sa kinalakhan niyang wika. Ngunit ang maipapayo ko ay ang pagtataglay ng sinop at hinay sa mga hakbang. Ang aking pagbabantulot ay kaugnay ng mga pangyayaring hindi pa ganap na tapos ang 12 ortograpiyang inaasahang gagamitin ng mga mag-aaral. Bagaman noong Pebrero ay nakipag-ugnayan ang DepEd sa Komisyon sa Wikang Filipino para sa pagbubuo ng mga babasahing materyales sa elementarya ay hindi masasabing ganap na itong abanse para sa mga batang nangangailangang paunlarin ang kanilang bokabularyo at pag-unawa hinggil sa mga konsepto at wikang umiiral sa paligid nila. Sa panig ng KWF, sa aking pagkakaalam, ay may dalawa o tatlong ortograpiya pa lamang ang nabubuo—Pangasinan, Bikol, at Máranaw, bagaman may binuong burador din sa Ilokano at Chavacano. Ang Máranaw at Ilokano ay kinakailangang sumailalim pa sa balidasyon sa harap ng mga eksperto, samantalang ang Sebwano ay ginamit ang dati nang ortograpiya ngunit dapat pa muling repasuhin ng KWF.


Bayanihan.

Kailangan ng KASUGUFIL ang modernong bayanihan tungo sa pagpapalakas ng Filipino sa bagong kurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon. Larawan mula sa paskil ni M. Izabel.


Sa panig ng nasa hay-iskul at kolehiyo, kinakailangan naman ang listahan ng babasahing higit sa maitatakda ng DepEd. Halimbawa, ang listahan ng mga kanonigong nobela, kuwento, dula, at tula na pawang isinulat sa orihinal sa Filipino o kaya’y salin mula sa internasyonal na wika o wikang panrehiyon, at inaasahang dapat mabatid ng bawat mag-aaral ay makabubuting maitakda sa lalong madaling panahon. Ang mismong salitang “kanonigo” ay problematiko dahil hindi basta ito maitatakda ng tatlo o higit pang tao, bagkus ng isang kawanihan na ang pangunahing tungkulin ay magbasa, magsuri, at maglabas ng rekomendasyon hinggil sa mga nabasa nito.


Kung ang isang estudyante sa hay-iskul ay inaasahang dapat makapagbasa ng 250 nobela o antolohiya ng mga kuwento, 50 aklat ng tula o antolohiya ng mga tula, 50 aklat ng sanaysay, at 20 aklat ng dula sa loob ng limang taon, aling aklat ang dapat mapabilang sa listahan? Ang ganitong konserbatibong bilang ay inaasahang tutumbasan ng pagtuturo ng angkop na pagsusulat at pagsasalita, nang sa gayon ay higit na mahasa ang mga bata na aktibong magsulat at magpahayag para sa higit na epektibong komunikasyon.


Sa unang malas ay napakarami nitong bilang sa loob ng isang takdang panahon. Ngunit kung isasaalang-alang ang limang taon, ang suma-total ay napakababa kung iisiping limitado pa ang produksiyon ng mga lokal na aklat na nasusulat sa Filipino o kaya’y sa mga wikang panrehiyon. Kung seryoso ang pamahalaan na magsulong ng bagong patakarang pangwika at pang-edukasyon, kinakailangang magbuhos din ito ng pondo sa produksiyon ng mga aklat at magbenta ng aklat sa abot-kayang halaga.


Ang sinasabi kong mga aklat ay hindi basta teksbuk lamang. Ang tinutukoy kong aklat ay may kaugnayan sa panitikan.


Kaya kinakailangang magtipon-tipon ang mga lokal na pabliser gaya ng Ateneo de Manila University Press, UST Publishing House, UP Press, De La Salle Press, Anvil Publishing Inc., atbp upang punuan ang mga pagkukulang. Ang inaasahang halos 400 aklat na maibibilang sa dapat basahin [required reading] sa loob ng limang taon ay dapat kolektibong pagtulungan ng mga pabliser at siyang dapat gabayan ng National Book Development Board at Book Development Association of the Philippines kung ipagpapalagay na aabot sa 80 milyon ang populasyon ng Filipinas. Ngunit hindi magaganap ito kung kulang na kulang ang tangkilik sa paglalathala ng mga lokal na akda, at priyoridad ng ilang pabliser ang mag-angkat na lamang ng aklat mula sa ibayong dagat.


Kung ipagpapalagay na malaking balakid ang pagtatamo ng mga aklat na nasa wikang Filipino na dapat ipagamit sa mga estudyante, ano ang mga alternatibong paraan?


Isang paraan ang elektronikong aklat, at ang mga bata ay dapat magkaroon ng akses sa mga komputer at gadyet na maaaring matunghayan ang elektronikang aklat o akda. May sinimulan ang Google, ngunit ang nasabing kompanya ay malimit lumalabag sa karapatang-ari ng mga manunulat na Filipino at ito ang naglulugar sa mga Filipinong manunulat para umangal. Kinakailangan ng pamahalaan na gumawa ng batas, sa pakikipagtulungan sa gaya ng FILCOLS (Filipinas Copyright Licensing Society) upang ang karapatang-ari ng mga manunulat na Filipino ay mapangalagaan, at mabayaran sila ng karampatang halaga sa lahat ng inilathala nila sa elektronikong paraan.


Ngunit hindi madali ang elektronikong edukasyon. Ayon sa NEDA, may 29 porsiyento pa lamang ng kabuuang bilang ng publikong paaralan noong 2009 ang may internet koneksiyon. Ilan sa mababagal ang internet koneksiyon ay matatagpuan sa Cordillera (CAR), Cagayan Valley (Rehiyon II) at Bikol (Rehiyon IV). Ilan sa inilistang sagabal ang magastos na pagpupundar ng impraestruktura sa matataas o liblib na lugar, at ang mga pook na ito ay hindi karaniwang sineserbisyuhan ng mga pribadong telekomunikasyon. Ang iba pang alternatibong edukasyon, halimbawa na ang paggamit ng telebisyon, ay maaasahang limitado rin kung mabibigong maabot ng signal ang mga liblib na pook.


Sa ganitong kalagayan, makabubuti kung ang KASUGUFIL ay lalabas sa dati nitong komportableng puwesto, wika nga. Kinakailangang mangampanya ang KASUGUFIL sa pagpapabuti ng mga impraestruktura mula sa mga lokal na pamahalaan hanggang pambansang pamahalaan, dahil ang problema ng mga guro sa isang lugar ay problema rin ng mga guro sa buong kapuluan. Lalong lalawak ang puwang na nagbubukod sa mga uring panlipunan kung ang simpleng impraestruktura sa komunikasyon ay maihahalintulad sa pagpapasemento ng kalsadang may isa o dalawang dekada nang ginagawa ay hindi pa rin matapos-tapos sa kung anong dahilan, at kung makumponi man ay tuwing malapit na ang halalan. Walang magagawa ang mga guro, samakatwid, kundi magbuklod nang mahigpit.


Kailangang magsimulang mag-ingay ang KASUGUFIL hindi sa mga lansangan o sa loob ng silid-aralan, bagkus sa pamamagitan ng elektronikong himpapawid. Maaaring walang oras ang isang guro na lumiban sa klase upang magprotesta. Ngunit kahit sandali, sa pamamagitan ng Twitter o Facebook, ay maipahahatid nito sa kinauukulan ang mga problemang binabalikat ng mga guro sa iba’t ibang lugar, gaya ng kakulangan ng silid-aralan, mabagal na pasahod at kulang na benepisyo, kawalan ng seguridad, atbp. Ang blog ay isa pang kasangkapang magagamit ng mga guro hindi lamang sa pagbubulalas ng mga hinaing kundi sa pagtuturo sa mga estudyante kung paano sumulat nang makabuluhan at matino. Ang mungkahi ko’y gamitin ang lahat ng modernong kasangkapan para sa pagtataas ng kalidad ng edukasyon, at sa popularisasyon hindi lamang ng mga wikang panrehiyon bagkus ng wikang Filipino sa kabuuan.


Iminumungkahi ko rin na gamitin ng KASUGUFIL ang elektronikong plataporma sa pagpapalitan ng mga saliksik. Maaaring ang isang guro o ang kaniyang estudyante ay may nasulat na saliksik, at ang saliksik na ito ay makatutulong sa iba pang guro o mag-aaral upang gumawa ng iba pang saliksik na pawang makatutulong sa Filipinas. Laos na ang panahon na ang isang matinong saliksik ay itatago na lamang sa baul; ang saliksik ay kinakailangang ilantad sa madla, nang sa gayon ay higit pa itong matitigan, maituwid ang mga mali o pagkukulang, mapalakas lalo ang mga positibong katangian, at makapagbigay ng inspirasyon sa iba para baguhin ang kanilang abang kalagayan.


Ang pagpapalitan ng saliksik [research exchange] ay matutupad ang kaganapan kung makabubuo ng elektronikong plataporma na makapag-aambag ang bawat guro kung paano pahuhusayin ang mga leksiyon; kung paano mapabibilis ang paggagrado sa mga pagsusulit ng estudyante; at kung paano makaaakses sa mga impormasyong dating esklusibo lamang sa mayayamang nakabibili ng mga aklat. Alam kong hindi ito magagawa ng mga guro kaagad, kung kulang sa kagamitan at mahina ang tulong mula sa administrador, kaya nariyan muli ang internet upang maghanap ng mga posibilidad na paunlarin batay sa pangangailangan ng mga Filipino at konteksto sa isang lugar.


Magagawa ang lahat ng ito kung magkakaroon ng modernong bayanihan sa hanay ng KASUGUFIL. Sa aking palagay ay hindi kinakailangang pahirapan ng guro ang kaniyang sarili sa pagtuturo sa kaniyang mga estudyante, dahil kung ganito ang sukatan, makabubuting parangalan ang nasabing guro bilang bantog na masokista at banal. Dapat maging madali gaya ng agos ng tubig ang pagtuturo nang hindi minemenos ang mga paksa o nilalaman ng pag-aaral. Upang magawa ito, kinakailangan ang inter-aktibong pagtutulungan ng mga guro mula sa iba’t ibang paaralan kahit kulang sa pag-aatas ang ating butihing Kalihim sa DepEd at kulang sa ayudang legal at pinansiyal ang representante ng mga guro sa konggreso na mula sa ACT Partylist. Ang ipinapanukala kong bayanihan sa panig ng KASUGUFIL ay magsisimula sa pagbabantay ng sariling hanay, pag-aalaga ng lakas-tao at pondo, pagbabahaginan ng mga saliksik, tuklas, kasangkapan, o network, at aktibong pakikilahok kahit sa pamamagitan ng kani-kaniyang klase sa mga gawaing makaaapekto sa kabuhayan ng guro at sa hinaharap ng Filipino bilang wika.


Labis na mapangarapin ang ganitong mga mungkahi. Ngunit naniniwala ako, na kung kikilos ang bawat guro, at makikilahok sa gaya ng mga proyekto ng KASUGUFIL, ang wikang Filipino ay hindi na muling mailulugar sa abang kalagayan, at sa halip, ay mailuluklok sa karapat-dapat nitong pedestal.


Isang karangalan ang magsalita sa hanay ng mga guro. Magandang araw sa inyo, at mabuhay kayo sampu ng inyong mga mag-aaral.


[Binasa ni Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa Ikatlong Pambansang Konggreso ng Wikang Filipino sa mga Paaralang Publiko at Pribado sa Antas Elementarya at Sekundarya na itinaguyod ng KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino), na ginanap sa Lungsod Baguio, 7 Mayo 2012]

Filed under: talumpati, Wikang Filipino Tagged: adyenda, edukasyon, Filipino, guro, K-12, KASUGUFIL, konggreso, kurikulum, pag-aaral, seminar, superbisor, wika
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 10, 2012 18:27

April 13, 2012

Maraming Mansiyon ang Tahanan ng aking Ama, ni Michael Hofmann

Maraming Mansiyon ang Tahanan ng aking Ama

Sino ang makapagsasabing nakatakda tayo sa isa’t isa,
ang aking ama at ako, naglalakad sa labas, magkadaop
ang mga palad sa likod gaya ng iminungkahi ni Goethe?


Napatungó tayo sa mabibigat na sulyap—ang hinaharap,
ang kalang sa bangketa na naroon ang sapatos natin. . .
Sa panig mo, malakape, marikit, lumalagitik na takong;


at sa akin, ang internasyonal, libaging gomang pantenis—
nakikita ngunit hindi naririnig—na mula sa kilos-protesta.
Napailing si Ina nang silipin tayo sa kaniyang bintana.


Higit na matangkad at mabilis ako ngunit maingat:
kabado, malabis, mapagtiis, pagdaka’y bumagal ako’t
yumukod sa iyo. Ibig kong makibahagi sa iyong buhay.


Mamuhay sa iyo sa iyong inuupahang silid sa Ljubljana,
ang ikalawa mong adres: mag-usap at magbasa ng aklat;
makilala ang mga nobya mo, maikli’ng buhok, itim, matabil;


mamili sa supermarket sa pamamagitan ng pulahang salapi;
makipisan sa mga langgam sa kusina, sa silid na hungkag,
sa palyadong gripo ng taglamig. Pagpapakababa ang pamilya


at pananagutan. . . Ang tatlong hakbang sa iyong pintuan
ay tatlong hakbang sa langit. Ngunit pagdalaw lamang ito.
Sa parti ng iyong mga estudyante—ang aking binyag—


tinungga ko nang maringal ang isang baso ng slivovica.
Pagkaraan ay wala. Ibig ko na ang pinaghalo mong hinanakit
at pagmamalaki sa akin ay umabot sa alok ng igwalidad.


Ang paroroonan ba ng pagiging ama ay tanging payo. . . ?
Sa rurok ng paglago, ang mga palumpong sa gilid ng daan
ay kumaskas sa iyong kotse, at humiklat sa salamin sa gilid.


Bawat taon, ang mabunying siruwelo sa iyong halamanan
ay sinosorpresa ka sa maliliit, nangabubulok nitong bunga.


salin ng tula ni Michael Hofmann.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Silip, kuha ni Bobby Añonuevo.

"Silip," kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.



Filed under: halaw, salin, tula Tagged: ama, anak, Babae, bahay, hinaharap, mansiyon, Pag-ibig, pagmamahal, pagtanda, tahanan, tatay
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 13, 2012 19:43

April 8, 2012

Wakas ng Prusisyon

“Mahaba man ang prusisyon, sa simbahan din ang tuloy,” ang sinaunang kawikaang tumutukoy sa panahon ng paglalakbay na nagwawakas sa iisang lugar. Ang lugar ay maaaring pisikal na lunan, bagaman maaari ding tumukoy sa matalinghagang dimensiyon na ang realidad at guniguni ay nagsasanib sa kung anong paraan. Malimit na ikinakabit ang nabanggit na kawikaan sa kasal, at sa matagal na panahon ng panunuyo o panliligaw, subalit ang totoo’y ang kawikaan ay puwedeng ilapat kahit sa haba na buhay na ang wakas ay kamatayan.


Matatagpuan sa prusisyon ang parada ng mga imahen, rebulto, at estatwa ng mga santo—na ang karaniwang tagapangalaga ay maykaya sa lipunan at kayang tustusan ang pagpapagawa ng mariringal na kasuotan at korona. Pinaghahandaan din ang matitibay na karosa na may kahoy na gulong at hinihila ng mga lubid, bukod sa binabantayan ng mga lalaking deboto. Sa pamamagitan ng karosa, ang isang rebulto ng santo ay naitatanghal sa madla at naililibot sa bayan, na waring pagpapamalas ng pananampalatayang kahit ang mga santo at Maykapal ay kinakailangang lumapit sa tao at hindi ang tao ang palaging lalapit sa kanila.


Labis na mainipin ang kasalukuyang henerasyon upang maunawaan ang halina ng prusisyon. Iniisip ng iba na pagpapabagal lamang ito ng trapiko ng mga sasakyan; samantalang iniisip ng iba na ang isa o mahigit pang oras ng paglalakad ay sakripisyong matutumbasan pagkaraan ng katuparan ng hinihiling sa Poon. Ituring man itong ehersisyo ng pananampalataya, ang prusisyon ay manipestasyon ng lunggati ng simbahan para sa lahat: ang kabutihan na inaasahang mangingibabaw sa anumang anyo ng kasamaan.


Nagiging makabuluhan ang prusisyon dahil sa kolektibong sakripisyo ng mga tao. Kung pinaghahandaan ang mga kasuotan, bulaklak, at ilaw para sa isang santo, naghahanda rin ang mga tao sa espesyal na araw na naglilibot ang diyos at ang mga santo para tunghayan wari ang nagaganap sa bayan. Ang prusisyon ang yugto na sama-samang nananalangin ang bayan, at ang kanilang panalangin ay hindi na lamang nagiging personal bagkus pambayan. Sa oras na makabalik ang Diyos at ang mga santo sa simbahan ay saka pa lamang magbabalik sa kani-kanilang tahanan ang mga deboto bilang pahiwatig ng paggalang sa kapangyarihang sobrenatural.


Kamatayan at katubusan. Paete, Laguna.

Kamatayan at katubusan. Paete, Laguna. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.


Patsada ng Simbahan ng Santo Jerome. Morong, Rizal.

Simbahan ng Santo Jeronimo. Morong, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo, 2012.


Simbahan ng Birhen ng Antipolo.

Reproduksiyon at pananalig. Patsada ng Katedral ng Nuestra Señora de la Paz y Buenviaje. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.


Simboryo ng liwanag.

Simboryo ng liwanag. Parokya ng Santa Rosa ng Lima (St. Rose of Lima), Teresa, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.


Dasalan sa Parokya ng Santa Magdalena, Pililla, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Dasalan sa Parokya ng Santa Magdalena, Pililla, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.


Altar ng Katedral ng Birhen ng Antipolo. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.


St. Rose of Lima Parish, Teresa, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.


Simbahan ng Paete, Laguna.

Patsada ng Simbahan ng Paete, Laguna. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.


Morong Church.

Simbahan ng Morong, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.



Filed under: retrato Tagged: imahen, kampanaryo, katedral, pananalig, pananampalataya, parokya, rebulto, simbahan, simboryo
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 08, 2012 10:36

April 5, 2012

Simbahan at Mga Hulagway

Makapangyarihang íkon ang simbahan sa Filipinas, sapagkat ito ang tagpuan ng mga panalangin, pananampalataya, pagsisisi, at pasasalamat  mula sa iba’t ibang saray ng lipunan. Simbahan ang naghatid ng kaapihan sa kapuluan, ngunit simbahan din ang magsisilang ng luklukan ng pamahalaang nagsasarili at lumaya mula sa kaalipnan. Pinaghihilom ng simbahan ang kirot ng damdamin, at sa ilang pagkakataon, ay mahimalang gumagamot sa pisikal at sikolohikong sakit ng mga deboto. Ginawang imortal ng makatang Florentino T. Collantes ang “Lumang Simbahan,” at ang simbahang ito ay makapaglalapit sa langit at lupa, at ang pagmamahal ay hahamakin kahit ang libingan, matamo lamang ang itinitibok ng kalooban [Mga kuhang retrato ni Bobby Añonuevo © 2012].


Daan sa kalangitan. Simbahan ng Barasoain [Baraswain]. Kampanaryo ng Barasoain. Hari ng mga Api. Pananampalataya sa kalayaan. Tanaw. Krus na daan. Panambitan sa tagumpay.



Filed under: retrato Tagged: dasal, kabutihan, kaligtasan, kasalanan, krus, langit, Mahal na Araw, panalangin, panambitan, pananampalataya, relihiyon, sambahan, santo, semana santa, simbahan
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 05, 2012 10:17

Roberto T. Añonuevo's Blog

Roberto T. Añonuevo
Roberto T. Añonuevo isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Roberto T. Añonuevo's blog with rss.