Roberto T. Añonuevo's Blog, page 6

July 11, 2014

Buhay-Pananda, ni Juana de Ibarbourou

salin ng “Vida-Garfio” ni Juana de Ibarbourou mula sa Uruguay.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.


Buhay-Pananda

Mahal: Kapag yumao ako’y huwag dalhin sa libingan.

Humukay nang malapit sa rabáw, na malapit sa dibinong

halakhakan ng kulungan ng mga ibon.

O sa mahiwagang usapan ng mga bundok.


Malapit sa rabáw, mahal ko. Halos nasa ibabaw ng lupa

upang masinagan ng araw ang mga buto, at babangon

ang mga mata ko, gaya ng mga uhay, upang tingnan

muli ang salbaheng lampara ng lumulubog na araw.


Malapit sa rabáw, mahal ko. Upang higit na mabilis

ang aking paglisan. Ramdam ko ang aking mga lamán

na lumalaban, at nagsisikap magbalik upang damhin

ang mga atomo ng nakapananariwang simoy.


Batid kong hindi mapapanatag kailanman

ang aking mga kamay doon sa ilalim.

At kakalaykayin ng mga ito ang mga bútas ng lupa

sa gitna na karimlan, at nagkukulumpong mga anino.


Takpan mo ako ng mga butil. Ibig kong magkaugat

ang mga ito sa naninilaw, naaagnas na mga buto.

Mula sa abuhing hagdan ng mga ugat ay babangon

ako upang bantayan ka’t maging mga liryong morado!


Filed under: halaw, salin, salin, tula, Tagged: araw, Buhay, butil, halaw, Kamatayan, libingan, panahon, resureksiyon, salin, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 11, 2014 02:43

July 7, 2014

Ang Lakad, ni Derek Walcott

Salin ng “The Walk” ni Derek Walcott mula sa Saint Lucia ng Silangang Dagat Caribbean. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.


Ang Lakad

Matapos ang malakas na ulan ay nagbubutil muli ang alero,

ibinubuga ng mga punongkahoy ang duda mo gaya ng tinakpang ilaw,

patak kada patak, gaya ng abakus ng paslit

mga butil ng malamig na pawis na nakahanay sa matataas na kawad,


ipanalangin kami, ipanalangin ang bahay na ito, hiramin ang pananalig

ng kapitbahay, ipanalangin ang utak na itong napapagal,

at nawawalan ng pananampalataya sa mga dakilang aklat na nabása;

makaraan ang isang araw nang nakahiga, dinurugo ng mga tula,


bawat parirala ay tinuklap mula sa nakabendang lamán,

bumangon, maglagalag sa ilalim ng kalangitan

tigmak gaya ng labada sa kusina,

habang humihikab ang mga pusa sa likod ng bintana,

mga leon sa pinili nilang kulungan,

na hindi malayo sa tarangkahang pinalamutian ng perlas

ng huli mong kapitbahay. Anung bagsik ng iyong


katapatan, O puso, O rosas ng bakal!

Kailan higit naging anyong nobela ng katulong ang iyong trabaho,

na waring iyaking dula-dulaang naging malapit

sa iyo sa tunay na buhay? Tanging kirot,


ang kirot ay tunay. Heto ang wakas ng iyong buhay,

isang kulumpon ng mga kawayan na ang kuyom

na kamao ay nagpapapigtal ng mga bulaklak nito, ang landas

na gumagapang na hishis sa basâng-basâng


kahuyan: iwan ang lahat, ang hanapbuhay,

ang hapdi ng maikling buhay. Nagulantang, napakislot ka;

ang iyong bahay, na bumabángong leon, ay gumanti ng kalmot.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: bahay, Buhay, ipanalangin, kusina, lakad, paglalakad, pananalig, pananampalataya, parirala, puso, rosas, ulan
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 07, 2014 06:55

July 6, 2014

Puri, ni Ribka Sibhatu

Salin ng tulang tuluyang “Verginità” ni Ribka Sibhatu mula sa Eritrea.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.


Napakahalaga sa paningin ng magiging esposa ang kaniyang birhinidad. Sa aming tradisyon, kapag ang ikakasal na babae’y hindi na birhen, isang araw pagkalipas ng kaniyang kasal ay ibinabalik namin siya sa tahanan ng kaniyang magulang, habang nakasuot ng woncio, at nakasakay sa likod ng buriko. Itinuturing iyon na pagkayurak ng dangal ng buong pamilya. Noong panahon ng digma, tumatakas ang mga tao mulang kalungsuran tungong kanayunan. Kailangan mong magsakripisyo upang makaangkop, gaya ng pagpapasan ng dalawampung litro ng tubig, kahit na ang balón ay dalawampung kilometro ang layo ng pinag-iigiban. Noong 1981, naging bakwet ako sa Adi Hamuscté, may dalawampung kilometro ang layo mula sa Asmara. Dumating isang hápon ang makisig na kabataan at apat na matandang lalaki at nagtungo sa bahay na aking tinutuluyan, at ipinaliwanag na ang binatang ngayon ko lamang nakita ay nais akong pakasalan. Kamakalawa, ani binata, ay minalas siyang matuklasan na hindi na básal ang kaniyang esposa. Kung papayag ang aking ama, at tatanggihan ko ang kanilang panukala, itataya ko ang sarili na magpakasal, o kung hindi’y isusumpa ng aking ama. Ang sumpa ng magulang ang kinasisindakan ng sinumang anak. Biglang sumilang sa aking diwa ang ganito: ihayag na ako mismo’y nakaranas mayurakan ang puri! Hahayaan ko na kayong isaharaya ang reaksiyon ng aking ama, na sa paningin ng pamayanan, ay nadungisan ang dangal. Tumalikod at tahimik na lumakad palayo sa aming bahay ang binata upang ipagpatuloy ang paghahanap ng isang birhen.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: Babae, binata, birhinidad, dangal, donselya, kasal, kasarian, lalaki, pagtatalik, Puri, sex, virginity
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 06, 2014 07:39

July 5, 2014

Pakiramdam ng Pagiging Guro, ni Indries Shah

Salin ng “How it Feels to be a Teacher” ni Indries Shah mula sa India.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.


Itinampok ang pagkaguro sa kathang Nurbakshi sa ganitong paraan:


“Ang guro ay tila dalubhasang artesano sa isang bayan na ang mga tao’y hangad ang likhang-sining ngunit pinapangarap na isagawa iyon sa gitna ng dilim. Siya ay parang agila sa loob ng hawla, na pinagkaitang lumipad at makatanaw, ngunit inuupahan ng mga tambay para sa kalugurang biswal. Siya ay waring leon sa malalim na hukay, na pinapainan ng mga mangmang at hinahangaan ng mga tao na mahilig magsuot ng kalawanging abrigo. Kaparis siya ng langgam, na nakaimbento ng bahay, at nangangarap na mahihimok niya ang tao na tularan siya. Para siyang uwak, at nagpapamalas sa tao kung paano ililibing ang kaniyang mga yumao, habang nakamasid ang tao at nagugulumihanan, yamang batid niyang kaya niyang matuto subalit hindi isinasahinagap kung ano ang dapat matutuhan mula sa ginagawa ng uwak.


“Lahat ng Mago ay dapat matuto kung paano isasalin sa sinuman ang taglay na karunungan. Ngunit magagawa lamang nila iyon kung ang mag-aaral ay bukás matuto ng kung anong dapat pag-aralan, at kung paano siya dapat matuto. Ang paraan ng pagkatuto ang unang dapat niyang ituro. Hindi ka estudyante hangga’t hindi ka handang mag-aral ng paraan ng pagkatuto. At kung ang guro mo’y pinapayuhan kang matuto sa pamamagitan ng mga salita, o gawa, o kaya’y sa paghuhurno ng tinapay, ay iyan ang iyong paraan.”


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: aralin, guro, katha, panitikan, panitikang pandaigdig, parabula, sufi, Tulang Tuluyan, wika
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 05, 2014 06:19

July 4, 2014

Ang Mahabang Martsa, ni Malek Haddad

Salin ng “La longue marche” ni Malek Haddad, at batay sa saling Ingles ni Robert Fraser.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.


Ako ang pangwakas na yugto ng nobelang nagsisimula

Huwag nating kaligtaan ang lahat ng bagay na lampas zero

Pinanatitili ko ang pitlag ng romansa sa pagitan ng mga mata

Pagkaraan ay magpapatuloy nang walang ikinakaila

Ako ang pangwakas na yugto ng nobelang nagsisimula

Hindi kinakailangang ibukod ang panginorin sa himpapawid

Hindi maihihiwalay ang indayog ng musika sa sayaw

At sa loob ng talukbong ko’y nakararaos ang aking bahay

Ako ang pangwakas na yugto ng nobelang nagsisimula

Sa dalawang Sahara’y hinahabi ko ang aking mga awit

Pinanatitili ko ang pitlag ng romansa sa pagitan ng mga mata

Ako ang katotohanan ang mag-aaral ang leksiyon.


Malimit kong nagugunita ang pagiging pastol . . .

Saka lilitaw sa aking paningin ang anyo ng lubhang pagdurusa

Ng kapuwang minamasid sa kaniyang di-madurog na mga kamay

Ang kasaysayan ng bansang pagsisilangan ng punong kahel

Malimit kong magunita ang pagiging pastol

Hiniwa ko ang pabilog na torta

Hinawi ko ang mga igos

Ipinapakasal nang mabuti

ang aking mga anak na babae

Hindi yaon makapapantay

Sa baril

Sa tungkulin ng aking panganay na lalaki

At pinakamarikit sa lambak ang aking kabiyak.

Sa amin, ang salitang Tinubuang Bayan ay may lasa ng poot

Hinaplos ko ang puso ng mga punong palma

Nagbubunyag ng epiko ang tatangnan ng aking palakol

At nakita ko ang lolo kong si Mokrani

Na pisil ang tanikala ng mga butil habang tinatanaw lumampas

Ang mga banog

Para sa amin, isang alamat ang salitang Tinubuang Bayan.


Ama!

Bakit mo ipinagkait sa amin

Ang makalupang musika

Masdan:

Ang iyong anak

Ay nag-aaral magsalita sa ibang wika

Ang mga salitang nabatid ko

Mula pa noong kabataang pastol ako.

Diyos ko, sumapit ang gabi ng mga gabi sa aking mga mata.

Tinawag ng aking ina ang kaniyang sarili na Ya Ma,

At tinawag ko naman siyang Nanay

Naiwan ko kung saan ang aking balabal baril panulat

At taglay ang unang pangalan na taliwas sa aking inaasal

Ay, ang gabi, Diyos ko! Ano ang ikabubuti ng pagsipol

Para itaboy ang takot na kitatakutan mo na kinatatakutan mo

Nang subaybayan ka ng lalaki na tila isang salamin

Ang mga kaklase mo at ang mga kalye ay naging mga biro

Ngunit sasabihin ko sa iyong ako’y Pranses

Tingnan ang aking damit ang puntó ang bahay

Na ginagawang propesyon ang isang karera

Nagsasabing “Tunisyan” kahit ang kahulugan ay “Tagakalakal”

Ako na iniisip ang isang Hudyo na waring kawawang katutubong

Kawal? Ano ba naman, walang belo ang aking kapatid

At sa Liceo, hindi ba hinamig ko ang lahat ng premyo sa Pranses

Para sa Pranses para sa Pranses para sa Pranses . . . sa Pranses?


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: Algeria, halaw, kabataan, panitikan, Pranses, salin, wika
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 04, 2014 01:03

May 12, 2014

Bágyo

Nabibingi ako tuwing lumalayo sa iyo, at tumitimo sa karimlan ng aking isip ang kabundukan ng brilyante. Umalis sa kailaliman ng gabi, ang bus ay inihahatid ako sa lungsod na higit na nakasisilaw sa iyo. Kabesado ng tsuper ang matatarik, kumukurbang kalsada kahit yata nakapikit. Nauunawaan ng aking mga buto ang lamig; at natatanto ng lamig ang kalabisan na mautal sa halimuyak ng matatandang pino. Lumulusong ako sa paikot na mga bangin kahit wala rito ang aklat ni Borges:  Tatanungin ko ang karimlan kung hinuhubog nito ang anito, at kung bakit kumikirot ang aking pandinig. Ano ang musika ng paglalakbay? Sumasagot ang dilim sa pamamagitan ng mga ambon. Lumuluha sa hamog ang salamin ng bus. Walang patid na biyahe ang nais ko; at kung ikaw ang aking lungsod na paroroonan, hindi ako matatakot na mabingi, gaya ng bathalang nagpakumbaba at lumakad sa lupa. Sumasapit ako sa iyo hindi upang makarinig; lumalapit ako sa iyo upang ikaw ay makaniig, at malasap ang ganap na pakikipagsapalaran—alinsunod sa tadhana ng bituin at panaginip.


Filed under: tula, Tulang Tuluyan Tagged: bagyo, bus, dilim, gabi, lakbay, lungsod
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 12, 2014 01:06

April 18, 2014

Blood Moon

Nakasisilaw ang ginintuang buwan dito sa Sagada, at habang nakatanaw ako sa terasa ng Yoghurt House, ang humahabol sa aking guniguni ay bus sa Halsema. Tinatakpan ng ulop ang kabundukan, na parang binuksang pabrika ng yelo, at ang landas ay dambuhalang ahas na gumagapang nang lasing. Nakasakay ang iyong kaluluwa sa aking balikat; at kahit ako tumutungga ng tsaang gubat, ang nagugunita ko’y mga taludtod ni Marne Kilates hinggil sa kadena at kadensa ng mga liryo. Ang iyong labi ay isa ring liryong bumubukad sa madaling araw, at ang hininga’y halumigmig ng bakod ng mga pino mula sa hilaga. Iyan ang kumukurot sa aking guniguni, at paniniwalaan kahit nagretiro na akong tumula. Hahalakhak ka—doon sa silid ng mga anino— at magbabalik ang alingawngaw mula sa lambak. Maniniwala na akong gusgusing siste ang lamig na tumatagos sa buto, ngunit kung ang tinig mo’y panggabing huni, kusa akong maglalagos sa mga yungib—at handang mabasâ ang mga paa sa saluysoy ng kailaliman.


 “Blood Moon,” ni Roberto T. Añonuevo © 18 Abril 2014.
Filed under: tula, Tulang Filipino, Tulang Tuluyan Tagged: buwan, liryo, Sagada, tula, Tulang Tuluyan
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 18, 2014 05:55

April 10, 2014

Ang Láwas ng Ibá, ni Roland Barthes

Hango sa Fragments d’un discours amoureux (1977) ni Roland Barthes

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo


Ang Láwas ng Ibá

corps / láwas


Anumang diwain, anumang pakiramdam, anumang interes na napukaw sa mapagmahal na simuno ng minahal na lawas.


1. Hatî ang láwas ng iba: sa isang panig, ang angkop  na katawan—balát, mga mata—malambot, mainit; at sa kabilang panig, ang tinig—mabilis, tahimik, at nakapailalim sa pagpapamaktol ng kalayuan, ang tinig na hindi nagbigay ng kung ano. O kung palalawigin: sa isang panig, ang malambot, mainit, magaan, marikit na katawan, at sa kabilang panig, ang umaalunignig, buo, at makamundong tinig—ang malimit na tinig.


2. Minsan ay pumukaw sa akin ang isang diwain: Nahuli ko ang sariling maingat na sinisiyasat ang minahal na katawan (gaya ng tagapagsalaysay na minamasdan ang natutulog na si Albertine). Ang magsiyasat ay nangangahulugang maghanap: Hinahanap ko ang lawas ng iba, na waring nais kong masilayan kung ano ang nasa loob niyon, na tila ang sanhing mekanikal ng aking pagnanasa ay nasa kasalungat na lawas (Ako ay tulad ng mga bata na binabaklas ang orasan upang matuklasan kung anong oras na).  Isinasagawa ang operasyong ito sa anyong malamig at gulantang; Ako ay panatag, alerto, na parang hinaharap ang isang kakatwang kulisap na sa kisapmata’y hindi ko na kinatatakutan. Ilang bahagi ng katawan ay angkop sa ganitong pagmamasid: pilik, kuko, buhok sa anit, ang mga di-ganap na bagay. Malinaw na ako ngayon ay nasa proseso ng pagnanasa sa bangkay. Gaya ng pinatunayan ng katotohanang kung ang lawas na aking sinusuri ay nagkataong lumitaw mula sa kawalang-tinag nito, kung nagsimula iyon sa paggawa ng kung anong bagay, magbabago ang aking pagnanasa; kung halimbawa’y nakita ko ang iba na nag-iisip, nagwawakas ang aking pagnanasa na maging baluktot, magsisimula ulit yaon na maging guniguni, at magbabalik ako sa isang Hulagway, sa isang Kabuuan: muli, ako’y umibig.


(Ako’y nakasamasid sa lahat ng bagay sa mukha ng iba, at nakatitig nang malamig sa ibang katawan: mga pilik, kuko sa paa, manipis na kilay, manipis na labi, kislap ng mga mata, nunal, paraan ng paghawak ng sigarilyo; napahanga ako—ang paghanga, na bukod sa lahat, ang tanging sukdulang pagkakahiwalay—sa uri ng kinulayang sineramiko, kristalinang piguriya na kaya kong basahin, nang walang pag-unawa sa anumang bagay hinggil doon, ang sanhi ng aking pagnanasa.)


 


 


 


 


Filed under: halaw, katha, Kritika, salin Tagged: diskurso, halaw, katha, mangingibig, Pag-ibig, pagmamahal, piraso, salin
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 10, 2014 00:43

April 8, 2014

Salaysay ng aking kamatayan, ni Leopoldo Lugones

salin ng “Historia de mi muerte” ni Leopoldo Lugones mula sa Argentina

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas


Salaysay ng aking Kamatayan

Napanaginipan ko ang kamatayan at ito’y napakapayak:

Binilot ako ng mga sedang hibla,

at bawat halik mong pumipihit

ay kumakalag sa buhol ng pagkatao.

At bawat halik mo’y

isang araw;

at ang panahon sa pagitan ng dalawang halik

ay gabi. Payak lamang ang kamatayan.

At paunti-unti ay lumalarga nang kusa

ang nakamamatay na hibla. Hindi ko iyon kontrolado

bagkus ang munting bagay sa pagitan ng mga daliri . . .

Pagdaka’y naghunos kang malamig,

at hindi na muli akong hinagkan .  .  .

Pinawalan ko ang sinulid, at naglaho ang aking buhay.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: Buhay, halaw, hibla, kalooban, Kamatayan, salin, sinulid, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 08, 2014 00:04

April 5, 2014

Mga Batang Riles, ni Seamus Heaney

Salin ng “The Railway Children” ni Seamus Heaney

Salin eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nang inakyat natin ang dalisdis ng punlaan

Kapantay ng ating paningin ang mapuputing kopa

Ng mga poste ng telegrapo at sumasagitsit na kawad.


Tila marikit na hagod ay iniukit yaon nang ilang milya

Pasilangan at pakanluran palayo sa atin, pabulusok

Sa lilim ng pasakit ng mga langay-langayan.


Maliliit tayo at inisip na wala pang nababatid

Na dapat mabatid. Inakalang dumadaloy ang salita

Sa mga kawad sa makikislap na sisidlan ng ulan,


Bawat isa’y inihasik na buto na may liwanag

Ng langit, ang kinang ng mga linya, at ating mga sarili

Na walang hanggang kinaliskisan


Makadadaloy tayo palagos sa mata ng karayom.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: bata, liwanag, milya, riles, salin, sarili, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 05, 2014 22:18

Roberto T. Añonuevo's Blog

Roberto T. Añonuevo
Roberto T. Añonuevo isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Roberto T. Añonuevo's blog with rss.