Roberto T. Añonuevo's Blog, page 9

June 3, 2013

Sa lilim ng puno, ni Emira Maewa Kaihu

Salin ng “Akoako o te Rangi” (1918) ni Emira Maewa Kaihu.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.


Sa lilim ng punongkahoy

Taglay ang pag-ibig, ako ay lumilim

Sa gilid ng puno nang labis ang pagod;

Bumulong ng tamis ang ligaw na hangi’t

Sumilip, ngumiti sa lawas kong taos.


Lantay na tahimik pagguhit sa kilay

Ang simoy na usok sa kaluluwa ko;

Nanawag sa akin upang ang karimlan

Ay sindihang muli ng puso ng tao.


Babaeng nahihimbing sa lilim ng punongkahoy (1900-1901), ni Odilon Redon.

Babaeng nahihimbing sa lilim ng punongkahoy (1900-1901), ni Odilon Redon.



Filed under: halaw, salin, tula Tagged: Hangin, lawas, Pag-ibig, pagod, punongkahoy, puso, simoy, tahimik
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 03, 2013 08:38

May 18, 2013

Diskriminasyon, rasismo, at senopobya

Sinindak, binugbog, at hinambalos ang ilang Filipino sa Taiwan, makaraang pumutok ang balita na napatay ng kawal ng Philippine Coast Guard ang isang mangingisdang Taiwanese sa Balintang Channel, sa pagitan ng mga isla ng Babuyan at Batanes. Ibinalita rin na pinagbawalan ang mga Filipino na pumasok sa mga groserya, restoran, at ilang publikong lugar; samantalang ang iba’y sumagap ng diskriminasyon sa mga pabrika at opisina.


Kung napatay man ang isang Taiwanese sa Balintang Channel, ito ay sapagkat sinikap ng PCG na pangalagaan ang teritoryo ng Filipinas. Matagal nang usapin ang pagpasok ng mga Tsino at Taiwanese sa Batanes at Babuyan, ngunit hindi ito natutugunan sapagkat kulang sa mga sasakyang-dagat ang Filipinas. Kung iisipin ay pumasok nang walang paalam sa teritoryo ng Filipinas ang mga Taiwanese; isang kasalanang lumalabag sa Saligang Batas 1987 at iba pang batas na pandaigdigan.


Ngunit higit na nakalulungkot ang diskriminasyon, rasismo, at senopobya ng ilang Taiwanese laban sa mga Filipino. Ang nasabing aksiyon ng mga tarantadong Taiwanese ay lumalabag sa deklarasyong inihayag ng United Nations sa Durban, South Africa noong 31 Agosto hanggang 8 Setyembre 2001, mula sa “Pandaigdigang Kumperensiya laban sa Rasismo, Diskriminasyon ng Lahi, Senopobya, at Kaugnay na Intoleransiya.” Nalalabag ang mga karapatang pantao ng mga Filipino sa Taiwan, partikular ang mga migranteng manggagawa at turista, sapagkat kahit hindi sila sangkot sa pagkamatay ng isang Taiwanese sa Balintang ay sila pa ang ginigipit ng mga Taiwanese.


Hindi rin makatutulong kung pasisiklabin ng midya sa Taiwan ang silakbo ng mga Taiwanese. Ang dapat atupagin ng mga peryodista at politiko ay lutasin ang ganitong problema, at malaki ang maitutulong ng edukasyon at talakayan.


Ang rasismo, diskriminasyon ng lahi, senopobya, at kaugnay na intoleransiya ay nagbubukas ng usapin hinggil sa mga Filipinong migranteng manggagawa. Kumakayod sa ibayong dagat ang mga Filipino hindi para makipag-away o manuba ng kapuwa tao, bagkus upang kumita ng ikabubuhay sa marangal na pamamaraan. Ngunit sinisipat ng ilang Taiwanese na makikitid ang isip na pawang pangamba sa kabuhayan ng Taiwan ang mga Filipino, imbes na katuwang sa kaunlaran. Ang gayong aksiyon ng mga Taiwanese ay lumalabag sa Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao, at walang pakundangan sa mga kalayaang may kaugnayan sa lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, at pagkamamamayan.


Nakalulugod na nakaigpaw na ang mga Filipino sa baryotikong pagtanaw na rasista at senopobo; subalit marami pang kakaining bigas ang mga Taiwanese upang sumapit sa gayong yugto. Sa ganitong pangyayari, kinakailangan ang internasyonal na tulong upang malutas ang malulubhang prehuwisyo laban sa mga Filipino doon sa Taiwan.


Ang pagtanaw na superyor ang lahing Tsino kaysa Filipino ay nagbubunga ng rasismo, diskriminasyon, senopobya, at intoleransiya. Ang pagtanaw na ito ay isang anyo ng kolonyalismo, at dapat iwaksi sa pinakasukdulang paraan. Upang malutas ito, hinihingi sa panig ng mga Filipino na tuklasin ang pinakadakila at pinakamagaling mula sa kanilang hanay, ihayag ang mga katangiang ito nang may dangal at pagmamalaki, at iwasan ang masasamang asal na ginawa sa kanila ng ilang rasista at senopobong Tsino o Taiwanese. Ito ang pinakamagandang panahon upang tuklasin muli ng mga Filipino ang sarili at kultura, at itampok ang mga halagahang naghatid sa kanila sa rurok ng tagumpay.


Tungkulin ng Tsina (at Taiwan) na pangalagaan ang mga karapatang pantao hindi lamang ng kanilang mga mamamayan, bagkus maging ng mga manggagawa, negosyante, at turistang Filipino. Ang mga karapatang ito ay dapat sensitibo sa kasarian ng babae. Kung patuloy na ipagwawalang-bahala ito ng pamahalaang Tsina (at Taiwan), ang Filipinas ay kinakailangang magtaguyod ng solidaridad sa iba pang bansa upang mapangalagaan, hindi lamang ang mga Filipino bagkus maging ang ibang lahi na naninirahan sa Tsina at Taiwan.


Hindi malulutas ang rasismo, diskriminasyon, senopobya, at intoleransiya sa pamamagitan ng digmaan o suntukan. Kinakailangan ang multi-disiplinaryong pagdulog at taguyod ng iba’t ibang sektor upang mapalitaw ang pasensiya at karunungan imbes na silakbo at kamangmangan. Maaaring hindi sapat ang pagbubuo ng batas sa iba’t ibang antas, bagkus ang tumpak at episyenteng pagpapatupad nito. Makabubuti rin ang patuluyang diyalogo, lalo sa hanay ng negosyo at kalakalan, upang mabawasan ang mga bobo at demagogo. Kinakailangan ang pagbubuo ng mga programa at proyekto, gaya sa saliksik, seguridad at kalusugan, na makapagbubukas ng loob ng bawat isa, at magpapatibay sa toleransiya sa katangian ng bawat nilalang.


Nakakahiya ang Taiwan sa malubhang problema nito sa rasismo, diskriminasyon, senopobya, at intoleransiya laban sa mga Filipino. At ito ang dapat mabatid ng lahat ng Filipino.



Filed under: opinyon, politika Tagged: batas, deskrimisyon, Filipino, intoleransiya, lahi, migranteng manggagawa, rasismo, Taiwanese, Tsino
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 18, 2013 07:14

Deskriminasyon, rasismo, at senopobya

Sinindak, binugbog, at hinambalos ang ilang Filipino sa Taiwan, makaraang pumutok ang balita na napatay ng kawal ng Philippine Coast Guard ang isang mangingisdang Taiwanese sa Balintang Channel, sa pagitan ng mga isla ng Babuyan at Batanes. Ibinalita rin na pinagbawalan ang mga Filipino na pumasok sa mga groserya, restoran, at ilang publikong lugar; samantalang ang iba’y sumagap ng deskriminasyon sa mga pabrika at opisina.


Kung napatay man ang isang Taiwanese sa Balintang Channel, ito ay sapagkat sinikap ng PCG na pangalagaan ang teritoryo ng Filipinas. Matagal nang usapin ang pagpasok ng mga Tsino at Taiwanese sa Batanes at Babuyan, ngunit hindi ito natutugunan sapagkat kulang sa mga sasakyang-dagat ang Filipinas. Kung iisipin ay pumasok nang walang paalam sa teritoryo ng Filipinas ang mga Taiwanese; isang kasalanang lumalabag sa Saligang Batas 1987 at iba pang batas na pandaigdigan.


Ngunit higit na nakalulungkot ang deskriminasyon, rasismo, at senopobya ng ilang Taiwanese laban sa mga Filipino. Ang nasabing aksiyon ng mga tarantadong Taiwanese ay lumalabag sa deklarasyong inihayag ng United Nations sa Durban, South Africa noong 31 Agosto hanggang 8 Setyembre 2001, mula sa “Pandaigdigang Kumperensiya laban sa Rasismo, Deskriminasyon ng Lahi, Senopobya, at Kaugnay na Intoleransiya.” Nalalabag ang mga karapatang pantao ng mga Filipino sa Taiwan, partikular ang mga migranteng manggagawa at turista, sapagkat kahit hindi sila sangkot sa pagkamatay ng isang Taiwanese sa Balintang ay sila pa ang ginigipit ng mga Taiwanese.


Hindi rin makatutulong kung pasisiklabin ng midya sa Taiwan ang silakbo ng mga Taiwanese. Ang dapat atupagin ng mga peryodista at politiko ay lutasin ang ganitong problema, at malaki ang maitutulong ng edukasyon at talakayan.


Ang rasismo, deskriminasyon ng lahi, senopobya, at kaugnay na intoleransiya ay nagbubukas ng usapin hinggil sa mga Filipinong migranteng manggagawa. Kumakayod sa ibayong dagat ang mga Filipino hindi para makipag-away o manuba ng kapuwa tao, bagkus upang kumita ng ikabubuhay sa marangal na pamamaraan. Ngunit sinisipat ng ilang Taiwanese na makikitid ang isip na pawang pangamba sa kabuhayan ng Taiwan ang mga Filipino, imbes na katuwang sa kaunlaran. Ang gayong aksiyon ng mga Taiwanese ay lumalabag sa Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao, at walang pakundangan sa mga kalayaang may kaugnayan sa lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, at pagkamamamayan.


Nakalulugod na nakaigpaw na ang mga Filipino sa baryotikong pagtanaw na rasista at senopobo; subalit marami pang kakaining bigas ang mga Taiwanese upang sumapit sa gayong yugto. Sa ganitong pangyayari, kinakailangan ang internasyonal na tulong upang malutas ang malulubhang prehuwisyo laban sa mga Filipino doon sa Taiwan.


Ang pagtanaw na superyor ang lahing Tsino kaysa Filipino ay nagbubunga ng rasismo, deskriminasyon, senopobya, at intoleransiya. Ang pagtanaw na ito ay isang anyo ng kolonyalismo, at dapat iwaksi sa pinakasukdulang paraan. Upang malutas ito, hinihingi sa panig ng mga Filipino na tuklasin ang pinakadakila at pinakamagaling mula sa kanilang hanay, ihayag ang mga katangiang ito nang may dangal at pagmamalaki, at iwasan ang masasamang asal na ginawa sa kanila ng ilang rasista at senopobong Tsino o Taiwanese. Ito ang pinakamagandang panahon upang tuklasin muli ng mga Filipino ang sarili at kultura, at itampok ang mga halagahang naghatid sa kanila sa rurok ng tagumpay.


Tungkulin ng Tsina (at Taiwan) na pangalagaan ang mga karapatang pantao hindi lamang ng kanilang mga mamamayan, bagkus maging ng mga manggagawa, negosyante, at turistang Filipino. Ang mga karapatang ito ay dapat sensitibo sa kasarian ng babae. Kung patuloy na ipagwawalang-bahala ito ng pamahalaang Tsina (at Taiwan), ang Filipinas ay kinakailangang magtaguyod ng solidaridad sa iba pang bansa upang mapangalagaan, hindi lamang ang mga Filipino bagkus maging ang ibang lahi na naninirahan sa Tsina at Taiwan.


Hindi malulutas ang rasismo, deskriminasyon, senopobya, at intoleransiya sa pamamagitan ng digmaan o suntukan. Kinakailangan ang multi-disiplinaryong pagdulog at taguyod ng iba’t ibang sektor upang mapalitaw ang pasensiya at karunungan imbes na silakbo at kamangmangan. Maaaring hindi sapat ang pagbubuo ng batas sa iba’t ibang antas, bagkus ang tumpak at episyenteng pagpapatupad nito. Makabubuti rin ang patuluyang diyalogo, lalo sa hanay ng negosyo at kalakalan, upang mabawasan ang mga bobo at demagogo. Kinakailangan ang pagbubuo ng mga programa at proyekto, gaya sa saliksik, seguridad at kalusugan, na makapagbubukas ng loob ng bawat isa, at magpapatibay sa toleransiya sa katangian ng bawat nilalang.


Nakakahiya ang Taiwan sa malubhang problema nito sa rasismo, deskriminasyon, senopobya, at intoleransiya laban sa mga Filipino. At ito ang dapat mabatid ng lahat ng Filipino.



Filed under: opinyon, politika Tagged: batas, deskrimisyon, Filipino, intoleransiya, lahi, migranteng manggagawa, rasismo, Taiwanese, Tsino
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 18, 2013 07:14

May 13, 2013

Pangalan

4. Pangalan

Tinawag siyang “Wikwik” ng mga kargador, at itinuring na sampid na walang alam sa karagatan. Nagunita niya ang wikwik, at sa kanilang nayon ay kinatatakutan ito bilang ibong mandaragit na malalapad ang bagwis, matigas at pabaliko ang tuka, matatalas ang kuko, malinaw ang paningin, at taglay ang balahibong pinaghalong puti, pula, at itim. Hindi marahil nauunawaan ng mga kargador ang kahulugan ng wikwik, aniya, at binanggit lamang iyon dahil sa pambihirang tunog na gumagagad sa kanilang matitigas na dila.


Nasaksihan niya kung paanong dagitin ng wikwik ang bagong silang na biik, at makaraang umimbulog ay inihulog ang biik sa bangin upang muling pulutin at tangayin sa kung saang pugad sa batuhan. O kaya’y kung paano binulag saka pinilay ng wikwik ang isang unggoy, at pagkaraan ay niluray ang laman-loob sa ilang sandali.


Wala siyang pangalan, at habang siya’y nasa banyagang tubigan ay naisip na hindi mahalaga ang pangalan. Lahat sila, silang nakasakay sa Andalusya, ay pantay-pantay sapagkat anumang oras ay maaaring lamunin sila na matatangkad na alon; o kaya’y sumampa sa kanilang sasakyan ang mahahabang galamay ng pugita; o bungguin ng mga tandayag at pagi ang kanilang proa upang ipamalas ang karupukan ng kanilang pag-iral. Hindi mahalaga ang pangalan, bagkus ang simoy, at ang agos ng tubig ay ihahatid sila sa pampang ng mga kalakalan.


Ngunit nayayamot sa kaniya ang amo tuwing siya’y tatawagin; at si Senyor Fernando ay hindi sanay tawagin siya nang pasutsot, at sumigaw ng “Halika, Alipin!” Nang tanungin siya kung ano ang kaniyang ngalan ay umiling lamang siya. “Mula ngayon ay tatawagin kitang Enrique,” dumaragundong na winika ni Senyor Fernando. “Magiging tukayo mo ang dukeng nabigador ng Portugal, ngunit sa pagkakataong ito ay magiging utusan ka sa piling ko.” Napahalakhak si Senyor Fernando at tumalikod pagkaraan upang harapin ang kaniyang mapa at paraluman.


Naibigan ng binatilyo ang ngalang “Enrique.” Isa na siyang nabigador; at kung siya man ay dating tagasagwan sa kanilang balangay, siya ngayon ay magiging timonero. Tahimik niyang inihanda ang kape at tabako ni Senyor Fernando; at pagkaraan ay lumabas ng silid upang tanawin muli ang mga bituin. “Makababalik ako sa aking bayan,” bulong ni Enrique, “at tutuparin ang kapalaran ng isang dakilang manlalakbay!” Waring narinig siya ng kalangitan, at ilang sandali pa’y gumuhit ang tatlong bulalakaw sa karimlan. (Itutuloy. . . .)



Filed under: speculative poetry, Tulang Tuluyan Tagged: alipin, alon, bansag, bulalakaw, Ibon, katha, pangalan, speculative poetry, tagasagwan, timonero, Tulang Tuluyan, utusan, wikwik
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 13, 2013 02:34

May 12, 2013

Ulan

3. Dambuhala

Pumaloob si Enrique sa dambuhalà na nagngangalang Andalusya, at gaya ng ibang alipin ay isa-isang pinasan ang mga kargadang pinamili ng amo. Sinalat ng kaniyang mga talampakan ang sahig na yari sa matitigas na kahoy, at wari niya’y isang bundok ang tinabas upang magsilang ng kahanga-hangang sasakyang dagat. Tiningala niya ang layag, at napansin niya na nakadapo sa tuktok ng poste ang isang uwak. Napukaw lamang ang kaniyang pansin nang sumigaw ang kawal upang magpatuloy.


Halos magtatakipsilim na nang matapos maikarga ang pangwakas na kargamento sa sasakyan. Naghuhuntahan ang mga pahinante nang biglang may pumalahaw sa kaliwang panig. Nawalan ng malay ang isang kawal sa ikalimang palapag; at ang iba pang kawal ay sumaklolo sa kanilang kasama. Nagmasid lamang si Enrique, at pagkaraan ay naghanap ng tubig na maiinom.


“Wala kaming tubig,” ani Fernando nang tanungin ni Enrique. “Kung gayon,” tugon ni Enrique, “ay nakatakdang mamatay ang iyong kasama.” Nahiwatigan ng amo ang winika ng binatilyo, at ilang sandali pa’y ipinalabas niya ang bariles ng tubig-tabang para sa inumin ng mga magdaragat.


“Nauuhaw ako,” sambit ni Enrique sa sarili, habang nakasalampak sa gilid ng kubyerta, at pagkaraan ay bumuhos ang malakas na ulan, at umulan ng mga isda, upang siya’y daluhan.  Nagsipanakbuhan ang mga magdaragat papasok sa mga silid, at inakalang iyon na ang wakas ng daigdig. (Itutuloy. . .)



Filed under: sining biswal, Tulang Tuluyan Tagged: dambuhala, galeon, inumin, karga, kargamento, katha, kawal, romansa, speculative poetry, tubig, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 12, 2013 08:16

May 10, 2013

Balangay

2.Balangay


“Kailangan ko ng alipin,” winika ni Fernando habang kausap ang mga pahinante sa piyer. Pinagtawanan lamang siya ng mga nakarinig, at inuyam na kulang lamang siya sa alak.  “Magpakalasing ka, panyero!” anila, sabay halakhak. “Hindi ka makararating sa iyong patutunguhan!” Nagtiim-bagang lamang si Fernando, saka taas-noong naglakad samantalang kuyom sa kanang kamay ang isang mapa. Sa pagmamadali’y nakabunggo niya sa daan ang isang binatilyo, na sunog ang balat at bulawan ang buhok.


“Aba mo ngani,” nasambit ng binatilyo. Nang magtugma ang kanilang mga mata’y kinutuban si Fernando na ito ang kaniyang hinahanap na alipin. Sumasal ang tibok ng kaniyang puso. Sinikap ni Fernando na kausapin ang binatilyo sa paraang mauunawaan nito. Nagmuwestra pa ito ng kung ano-anong anyo, at pagkaraang mapagod ay saka tumugon ang binatilyo.


Itinuro niya ang isang balangay na winasak ng bagyo, at sinabing “Nais kong sumakay sa iyong dambuhala.” (itutuloy)



Filed under: alamat, mito, speculative poetry, Tulang Filipino, Tulang Tuluyan Tagged: alak, bagyo, balangay, binatilyo, mapa, pahinante, piyer, Tulang Tuluyan
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 10, 2013 18:33

May 9, 2013

Mula sa laot

1. Sa tabi ng ilog


Itim lahat ang kaligiran, winika ni Enrique habang nakatanaw sa laot, at sa labis na pagod at pangungulila’y inakala niyang mga alitaptap na pumirmi sa kalangitan ang mga bituin.  Kinausap niya ang mga kulisap, at tumugon ang mga ito sa pamamagitan ng ampiyas at ulop. Namasa ang kaniyang buhok, at nang haplusin niya ang noo’y kumapit sa kaniyang palad ang dungis at langis.


Napahagulgol ang mga alon, at kung nagkataong lumingon si Enrique, natanaw sana niya ang mga sirena sa Malaka. Humihimbing sa kanilang kandungan ang mga magdaragat na maputla ang balat at gutom na gutom. Nakatanaw si Enrique sa malayo, at ang naririnig niya’y ang tinig ng isang binibining naglalaba sa tabi ng ilog. (itutuloy)



Filed under: Tulang Tuluyan Tagged: awit, paglalayag, pangungulila, romansa, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 09, 2013 19:23

April 17, 2013

Dada

Nakasakay marahil siya sa simoy, at gaya ng kalapati, ay tumatawid sa malalayong pulo. Nauulinig niya ang sagitsit ng elektrisidad sa alapaap, at pumapasok sa kaniyang likás na radar ang eroplano o barko ng mga guniguning kalakalan. Kumakapit sa kaniyang mga balahibo ang asin at langis, at waring matutunaw siya sa naglalarong init at lamig pagsapit sa ekwador. Nakaipit sa kaniyang tuka ang uhay, at sa tumpak na sandali ay ihuhulog niya sa pipiliing lupain upang maging magkapatid na sibol na magpapatuloy ng salinlahi. Makakasabay niya ang ibang balangkawitan sa mahaba, nakababatong paglalakbay. Magkaiba man ang kani-kaniyang pinagmulan ay hinahatak sila ng elektromagnetikong alon upang tuklasin ang ginhawa na maidudulot ng kaaya-ayang klima. Lumisan siya noon sa pamamagitan ng sagradong bangka na tinitimon ng Kaluluwang Patnubay.  Posibleng kalong ng kaniyang isip ang isang munting anghel, na lilipad din balang araw, at mag-aaral ng sinauna’t orihinal na Tag-araw.


“Dada,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, © 18 Abril 2013.



Filed under: Tulang Tuluyan Tagged: ama, anak, Hangin, himpapawid, Ibon, kalapati, simoy, tag-araw, tula, Tulang Tuluyan, UGAT
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 17, 2013 21:33

January 29, 2013

Si Virgilio S. Almario ang bagong KWF Chairman

Inihayag ng Tanggapan ng Republika ng Filipinas na si National Artist Virgilio S. Almario ang bagong Punong Komisyoner at kinatawan ng wikang Tagalog ng Komisyon sa Wikang Filipino.


Jan 27 (6 of 21)

Si National Artist Virgilio S. Almario (na itinalaga ni Pang. Benigno S. Aquino III na gumanap na Punong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino) na nanumpa sa harap ni Kgg. Hukom Fernando T. Sagun Jr.


Itinalaga ring mga bagong komisyoner sina Purificacion G. Delima (wikang Ilokano), Jerry B. Gracio (Samar-Leyte), Abdon Balde Jr (Bikol), Noriam Hajilin Ladjagais (Mga wika ng Muslim Mindanao), Orlando B. Magno (Sebwano), at Jimmy Balud Fong (Mga wika ng Kahilagaang Pamayanang Pangkultura).


Makakasama ng mga nasabing komisyoner ang iba pang komisyoner na sina Lorna Enderes-Flores (Mga wika sa Katimugang Pamayanang Pangkultura), Lucena P. Samson (Kapampangan), John E. Barrios (Hiligaynon), at Ma. Crisanta N. Flores (Pangasinan).



Filed under: balita, Uncategorized, Wikang Filipino Tagged: Filipino, komisyon, Komisyon sa Wikang Filipino, komisyoner, KWF, wika
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on January 29, 2013 07:50

January 24, 2013

Isang Tsinong may Pekeng Identidad

Noong 22 Enero 2013 ay ginanap sa tanggapan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang panunumpa ng pamunuan ng bagong tatag na Pambansang Samahan ng Ugnayang Filipino (UGFIL). Nagbigay ng mensahe sa naturang pagtitipon ang isang nagngangalang Pauline “Amah” Chong, na isa umanong Pandaigdigang Sentro ng Wikang Filipino (PSWF) Direktor sa Hong Kong, Tsina. Ang totoo’y walang PSWF Direktor sa Hong Kong o saanmang panig ng Tsina ang KWF. Ang ganitong imbensiyon ay mula lamang kay Jose Laderas Santos, na nagtapos na ang termino bilang Punong Komisyoner ng KWF noong 6 Enero 2013.


Nakasaad sa Seksiyon 14 ng Batas Republika Blg. 7104, na ang Komisyon (na tumutukoy sa Lupon ng mga Komisyoner ng KWF) ay may kapangyarihang “magsagawa o makipagkontrata ukol sa pananaliksik at iba pang pag-aaral upang isulong ang ebolusyon, pagpapaunlad, pagpapayaman at dakong huli’y estandarisasyon ng Filipino at iba pang wika sa Pilipinas.” Ngunit nang hirangin ni dating Punong Kom. Santos si Chong bilang dayuhang konsultant, hindi sinangguni o ipinagbigay alam ni Santos sa Lupon ng mga Komisyoner ang estado ni Chong. Ibig sabihin, ilegal at arbitraryo ang pagkakahirang kay Chong sa simula’t sapul.


Dapat mabatid ng taumbayan na ang KWF ay umiiral sa bisa ng lawas kolehiyado ng Lupon ng mga Komisyoner. Ibig sabihin, kahit may diskresyon ang Punong Komisyoner hinggil sa ilang bagay na may kaugnayan sa pagpapatakbo ng opisina, kinakailangang sumangguni pa rin siya at sumunod sa kapasiyahan ng Lupon. Ang punong komisyoner, gaya ng iba pang komisyoner, ay may isang boto lamang kung sino ang ipapasiyang mahirang na konsultant, dayuhan man o Filipino. Hindi maaaring arbitraryong humirang ng sinumang tauhan ang punong komisyoner, dahil hindi lamang ito paglabag sa esensiya ng Batas Republika Blg. 7104, bagkus pagganap ng kambal na katauhang tagapagbuo ng mga programa at patakaran sa isang panig, at tagapagpatupad ng mga programa at patakaran sa kabilang panig.


Ang higit na masaklap ay gumamit ng iba pang identidad si Chong na pawang maituturing na pekeng identidad, gaya ng “Pauline C.Ling Hui Kho,” “Paulyn Chong,” at “Cai Ling Hui” na pawang ipinangangalandakan niya sa kaniyang mga calling card. Ang nasabing mga pangalan ay hindi rehistrado sa civil registry, at malinaw na paglabag sa Batas Republika Blg. 6085 (na mas kilala bilang AN ACT AMENDING COMMONWEALTH ACT NUMBERED ONE HUNDRED FORTY-TWO REGULATING THE USE OF ALIASES). Sa kontratang pinirmahan niya sa KWF na may petsang 14 Enero 2010 at tinanggap ng dating residenteng COA awditor sa KWF Teresita Fernandez, ang ginamit niyang pangalan ay “Pauline C. Chiong.” Ang nasabing kontrata ay pirmado rin ni dating Kom. Jose Laderas Santos, at nakasaad pa ang mga pirma bilang mga saksi nina Julio A. Ramos (Punong Administratibo) at Almira Divina M. Alejandrino (HRMO III), bukod ang mga pirma ni Salvador L. Sagadal (na noon ay Officer in Charge ng Budget Unit) at ni Bernadeth M. Mequila (Accountant III). Nakapagtatakang lumusot sa buong Sangay Administratibo ang katauhan ng pekeng Tsino na si Chong o Chiong, na nagpasa ng iba pang dokumentong gaya ng “Terms of Reference for Pauline C. Chiong,” “Contract of Service,” “Accomplishment Report,” at “Katunayan ng Paglilingkod sa mga buwan ng Enero at Pebrero 2010.” Hindi man lang binanggit sa naturang mga dokumento ang pangalang Huadu Cai—na siyang tunay na katauhan ni Pauline Chong, Pauline Chiong, atbp.— alinsunod sa opisyal niyang Pasaporte blg. G34417238 na inisyu ng People’s Republic of China (PRC).


Ang naturang paglilihim ng pekeng identidad ay pinalakas pa ng pangyayaring binigyan ng identipikasyon kard ng KWF sa ilalim ng administrasyon Punong Kom. Santos si “Pauline Chiong” at ang kaniyang diumano’y anak na nagngangalang Henry C. Lu noong 2009. Walang matinong naimbag sa KWF magpahangga ngayon ang dalawang Tsinong ito, at naging galanteng tagapamudmod lamang ng regalo, salapi, at iba pang bagay sa mga kawani at opisyal ng KWF. Ngunit ang dapat puwingin ay ang maling representasyon ng dalawang Tsino sa isang tanggapan ng gobyerno, bukod sa nabanggit na paglabag sa Batas Republika Blg. 6085.


Sa isang liham awtorisasyon ni dating Kom. Santos na may petsang 14 Hulyo 2009, nakasaad ang sumusunod: “In the desire of Mme. HUA DU CAI to help in the research, promotion and preservation of Filipino Language in the Chinese Community wherein Mme. Cai is a member, the undersigned hereby authorize her to do such undertakings in line with the rules and regulation mandated under Republic Act 7104 creating the Commission on Filipino Language known as Komisyon sa Wikang Filipino.” Isang kabulaanan ito, lalo kung isasaalang-alang na ni hindi man lang binanggit sa mga dokumentong isinumite sa KWF at may kaugnayan sa pakikipagkontrata sa dayuhang konsultant ang pangalang Hua Du Cai, bukod sa inilingid ang numero ng kaniyang pasaporte. Hindi isinaad ni dating Kom. Santos na si Hua Du Cai o Huadu Cai at si Pauline C. Chiong at iba pang alyas ay iisang tao lamang. Wala ring karapatang magbigay ng awtorisasyon si dating Kom. Santos kay Huadu Cai sapagkat si Santos ay hindi awtorisado ng Lupon ng mga Komisyoner na gawin iyon. Kumbaga, arbitraryo ang gayong kapasiyahan.


Matagal nang naghasik ng kabulaanan itong si Huadu Cai, alyas Pauline C. Chiong atbp., hindi lamang sa loob ng KWF bagkus maging sa mga Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino ng KWF sa buong kapuluan at ibayong dagat. Si Huadu Cai, batay sa obserbasyon ng nakararaming nakasaksi sa kaniyang pananalita at pagsusulat, ay walang kasanayan sa wikang Filipino o lingguwistika at kulturang Filipino sa mga pamayanang Tsino. Kung pagbabatayan ang kaniyang curriculum vitae na isinumite sa KWF ay mahihinuhang kahit iyon ay pineke, at pinalusot ng HRMO Alejandrino at Punong Administratibo Ramos sa mahabang panahon. Ang masaklap pa nito, ginagamit pa ni Huadu Cai ang radyo at nagpondo pa ng sariling magasing Kowika noong 2010 upang isulong ang kaniyang interes.


Hindi dapat paniwalaan itong si Huadu Cai; ngunit ito’y patuloy na kinunsinti ni Jolad Santos hanggang sa wakas at lampas sa kaniyang termino. Kasumpa-sumpa ang ganitong impunidad, kasuklam-suklam ang ganitong pagmamalabis sa awtoridad, at karima-rimarim kahit ang kutsabahan sa loob ng KWF na lalong nagpaparupok sa pundasyon at integridad ng institusyong nagsusulong ng wikang Filipino at iba pang wikang panrehiyon.


Noong 2010, nagpasok ng mga kasangkapang pangkomunikasyon sa KWF at umokupa pa ng isang bukod na silid si Huadu Cai sa basbas ng mga Komisyoner na sina Santos, Carmelita Abdurahman, at Concepcion Luis, bukod sa pinayagan din nina Punong Administratibo Ramos at HRMO Alejandrino. Nangyari ito kahit pa masikip na ang tanggapan ng KWF sa Gusaling Watson, at umaangal ang mga kawani dahil hindi paborable ang lugar sa pagtatrabaho. Ang ganitong kaselang pangyayari ay naglagay sa alanganin sa Malacañang, lalo’t may isinamang mga tauhan si Huadu Cai na maaaring magdulot ng panganib o kapahamakan hindi lamang sa KWF bagkus sa Tanggapan ng Pangulo, yamang katabi ng silid ni Huadu Cai ang opisina ni Atty. Ronaldo Geron sa Gusaling Watson.


Nakapagdududa kung ano talaga ang identidad nitong si Huadu Cai. Ginamit niya ang alyas na “Ling Hui Kho,” at kung may kaugnayan man siya sa Ling Hui Kho Foundation, Inc. na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission ay dapat pang imbestigahan. Ang nasabing organisasyon ay kahawig ng isa pang organisasyong nakareserba sa SEC, at pinangalangang Pamana LingHuiKho (PAMANA) Inc., na puwedeng imbestigahan ng NBI, DOLE, at BI. Sa isang ulat ni Alvin M. Remo ng Philippine Information Agency, si  Pauline Chong ay ipinakilalang direktor ng Language Exchange Center, Hong Kong at nagtatag umano ng Ling Hui Kho Temple sa Barangay Cuta, Lungsod Batangas. Kung ang naturang Language Exchange Center ay tumutukoy sa PSWF Hong Kong, iyon ay malinaw na maling representasyon sa panig ni Huadu Cai alyas Pauline Chong.


Iminumungkahi kong ituring na persona non-grata si Huadu Cai sa KWF, sa pagpasok ng bagong set ng mga komisyoner, dahil sa pagtataglay at pagpapanatili ng pekeng identidad at palsipikadong papeles. Mungkahi lamang ito, at maaaring hindi maganap. Ngunit hindi ko rin mapipigil kung may ibang tao o institusyong ungkatin ang ganitong kagarapal na pangyayari, at magmungkahing unahing papanagutin sa batas si Jolad Santos at ang kaniyang matatapat na tauhang kasangkot.


Si Huadu Cai, alyas Pauline Chiong, katabi ni Mayor Vilma Dimacuha.

Si Huadu Cai, alyas Pauline Chiong, katabi ni Mayor Vilma Dimacuha, na katabi ni dating KWF Komisyoner Jose Laderas Santos.


Si Huadu Cai, alyas Pauline Chong, kasama sina Ricky Ursua ng DWDD 1134, dating KWF Kom. Carmelita Abdurahman, at ang yumaong peryodistang Andy Beltran.

Si Huadu Cai, alyas Pauline Chong, kasama sina Ricky Ursua ng DWDD 1134, dating KWF Kom. Carmelita Abdurahman, at ang yumaong Andy Beltran.



Filed under: bali-balita, Kritika, Wikang Filipino Tagged: dokumento, Filipino, KWF, palsipikado, pasaporte, peke, PSWF, Tsino, UGFIL, wika
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on January 24, 2013 20:17

Roberto T. Añonuevo's Blog

Roberto T. Añonuevo
Roberto T. Añonuevo isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Roberto T. Añonuevo's blog with rss.