Roberto T. Añonuevo's Blog, page 10
January 22, 2013
Silid
Sumapit ang sandali na mapagmaramot ang panahon, at ang espasyo ay sinusukat kada metro na magtatadhana ng ginhawang tinutumbasan ng pribilehiyo at salapi. Naiimbento ang dingding at ang partisyong kundi kurtina ay karton; at minamahalaga ang ilaw, tubig, at bintana na pawang ekstensiyon ng aliwalas. Mananaginip ka marahil ng silid, gaya ng kawikaan, na kapag pinasok ay magbubunyag ng sanlibo’t isang silid. Buksan ang pinto sa silid at maaaring makatuklas ng bighani ng salamin sa pader, kisame, at sahig. Masdan ang sarili sa salamin, at ang salamin ay mauunawaan mong silid pa rin na nagtatala ng mga hulagway, tunog, at testura ng mga panauhin. Magtungo sa ibang silid at baka makatuklas ng bakas, mantsa o halimuyak, o kaya’y lihim na kalansay o naiwang salawal o nakaligtaang selfon, ngunit anuman ang bumunyag ay ipagpalagay na karagdagang karanasan. Mapagtitiyagaan ang masisikip na silid na gaya ng bartolina, kapag kapos sa salapi at nagmamadali. Mapanghihinayangan ang maluluwag na silid, kapag nag-iisa’t malayo ang tinatanaw. Marami pang banyaga’t pansamantalang silid na maaaring pasukin mo, may bagyo ma’t may dilim, hanggang sumapit ka sa aking silid upang tanungin ko ng sukdulang tanong na hindi kayang ipaloob sa alinmang silid, at ang tugon mo ay hindi kailanman maisisilid sa gaya ng mga salitang ito.
“Silid,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo, 10 Enero 2013.
Filed under: Tulang Filipino, Tulang Tuluyan Tagged: aliwalas, bahay, kuwarto, paglalakbay, panahon, pinto, silid, tadhana, Tulang Tuluyan
January 15, 2013
Alin ang totoo?, ni Charles Baudelaire
salin ng “Laquelle est la vrai?” ni Charles Baudelaire
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Alin ang totoo?
May kilala ako noon na nagngangalang Benedicta, na pinasisigla sa ideal ang paligid at nagtataglay ng mga matang sumisinag ng pag-asam sa kadakilaan, kagandahan, karingalan, at sa lahat ng bagay na nagdudulot upang maniwala ang sinuman sa inmortalidad.
Ngunit ang mapaghimalang kabataang binibini’y napakarikit para mabuhay nang matagal, at totoo, matapos kaming magtagpo sa unang pagkakataon ay namatay siya. At sa araw na kahit ang mga sementeryo ay nabalani ng insensaryo ng taglagas, ako na mismo ang naglibing sa kaniya. Oo, ako ang naglibing sa kaniya, na ipinaloob ko sa mahalimuyak na kabaong na mahigpit ang pagkakalapat ng matitigas na kahoy, gaya ng mga baul mula sa malayong India.
At habang ang aking paningin ay nakapako sa pook na pinagbaunan ng aking kayamanan, bigla kong nasilayan ang munting nilalang na kahawig ng yumaong Benedicta at siya, na nagpapapadyak nang masidhi at nagwawala, ay bumunghalit ng halakhak saka nagsisigaw: “Ako ito, ang tunay na Benedicta! Ako ito! Ang sikat na puta! At bilang kaparusahan sa iyong pagiging hangal at bulag, iibigin mo ako gaya ng katangian ko!”
Nagngalit ako’t tumugon, “Hindi! Hindi! Hindi!” At upang maigiit ko ang aking pagtanggi, pumadyak ako nang marahas sa lupa at bumaon ang aking binti hanggang tuhod sa bagong tambak na hukay. At gaya ng lobo na nabitag, nananatili ako magpahangga ngayon na bihag, at marahil magpakailanman, sa libingan ng Ideal.
Filed under: halaw, salin, Tulang Tuluyan Tagged: bangkay, binibini, dalaga, gabi, halaw, ideal, inmortalidad, kadakilaan, multo, Pag-ibig, paghanga, patay, salin, Tulang Tuluyan
January 13, 2013
Mithing Magpinta, ni Charles Baudelaire
salin ng tulang tuluyan sa Pranses ni Charles Baudelaire
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Mithing Magpinta
Malungkot marahil ang tao, ngunit masaya ang alagad ng sining na sakbibi ng mithi.
Nagliliyab ang mithing ipinta ko siya, ang enigmatikong babae na nasilayan ko minsan at naglaho nang mabilis, gaya ng isang bagay na pinanghinayangang maiwan ng isang manlalakbay na hinigop ng gabi. Ay, anung tagal na nang mawala siya!
Marikit siya, at higit sa marikit: siya’y nakayayanig. Lukob siya ng dilim, at siya’y inspirado ng anumang malalim at panggabi. Ang kaniyang paningin ay dalawang yungib na may misteryosang liyab, at ang kaniyang sulyap ay nagpapaningning gaya ng kidlat—isang pagsabog sa karimlan ng magdamag.
Maihahambing ko siya sa itim ng araw, kung maiisip ang isang bituing nagbubuhos ng liwanag at ligaya. Ngunit mabilis na maihahalintulad siya sa buwan; ang buwan na nagmarka nang malalim ang impluwensiya; hindi ang matingkad, malamig na pinilakang buwan ng romantikong katha, bagkus ang mapanganib at langong buwan na nakalutang sa maunos na gabi at hinagod ng nag-uunahang ulap; hindi ang payapa at tahimik na buwan na dumadalaw sa mga walang konsensiyang tao, bagkus ang buwan na hinaltak mula sa kalangitan, bigo at mapanlaban, at nagtutulak sa mga mangkukulam na taga-Tesalya upang magsisayaw sa nahihindik na damuhan.
Sa kaniyang maliit na bungo ay nananahan ang matatag na kusà at ang pag-ibig ng maninila. Gayunman mula sa ibabang bahagi ng nakagigitlang mukha, sa ilalim ng balisang ilong na sabik na singhutin ang anumang lingid at imposible, biglang sumasambulat ang halakhak, at taglay ang di-mabigkas na ringal, ang kaniyang bibig na malapad, na may kapulahan at kaputian—at katakam-takam—ay makapagdudulot ng panaginip ng pambihirang pamumukadkad ng bulaklak sa bulkanikong lupain.
May mga babaeng nagdudulot ng pagnanasa sa mga lalaki na sakupin silang mga babae, at gawin ang anumang nais nila sa kapiling; ngunit ang babaeng ito ay naglalagda ng mithing yumao nang marahan habang ikaw ay tinititigan.
Filed under: halaw, salin, tula Tagged: buwan, damuhan, gabi, kulay, ligaya, lungkot, pinta, pintor
January 10, 2013
Lambak ng Patay, ni Sorley Maclean
salin ng mga tula ni Somhairle MacGill-Ean [Sorley Maclean]
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Kalbaryo
Ang aking paningin ay wala sa kalbaryo
o kaya’y sa Pinagpalang Bethlehem,
bagkus sa mabantot na nayon ng Glasgow,
na ang buhay ay naaagnas habang lumalaki;
at sa isang silid sa Edinburgh,
ang silid ng karukhaan at pagdurusa,
na ang maysakit na sanggol
ay nag-iihit at alumpihit hanggang mamatay.
Lambak ng Patay
Winika ng Nazi o iba na ibinalik ng Fuehrer sa Alemang Kalalakihan ang ‘karapatan at ligayang mamatay sa pakikidigma.’
Nakaupo nang walang tinag sa Lambak ng Patay
sa ibaba ng Tagaytay Ruweisat
ang batang nakatakip ang buhok sa kaniyang pisngi
at nagsaabuhing marungis na mukha;
Nabatid ko ang karapatan at ligaya
na natamo niya mula sa kaniyang Fuehrer,
sa pagsubsob sa larangan ng pagpatay
upang hindi na muling bumangon;
sa ringal at sa kasikatan
na taglay niya, hindi nag-iisa,
bagaman siya ang pinakakaawa-awang makita
sa laspag na lambak
na nilalangaw ang mga abuhing bangkay
sa bundok ng buhanging
makutim na dilaw at hitik sa mga basura
at pira-pirasong bagay mula sa sagupaan.
Ang bata ba ay kasama sa pangkat
na umabuso sa mga Hudyo
at Komunista, o nasa higit na malaking
pangkat nilang
tumututol na mahimok, mula sa simula
ng mga salinlahi, sa paglilitis
at baliw na deliryo ng bawat digmaan
para sa kapakanan ng kanilang mga pinuno?
Filed under: halaw, salin, tula Tagged: bata, dahas, digma, digmaan, gutom, halaw, kalbaryo, Kamatayan, pangkat, salin, sanggol, tula
January 8, 2013
Pagkamulat, ni Alasdair Gray
Salin ng tulang “Awakening” ni Alasdair Gray
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Nagising akong katabi sa lastag na kama ang kirot,
napakalapit, ang kaniyang ulo, na biniyak sa mapusyaw
na bato, ay ang aking ulo, ang kaniyang utak
ay ang aking utak, at hindi ko maiwaglit sa isipan
ang gayong pagkakalapit. Labis siyang napakatalik
na kasama at waring madaramang pag-iisa.
Sinikap kong buksan ang pinto upang siya’y palayasin,
. . . . . . . . . . . o suhulan upang umalis,
pero naku po, ngumingiti siya saanmang panig
ako tumingin, sa lahat ng bagay na aking gawin.
Nakita ko ang kaniyang anyo kung saan tayo nagtagpo.
Kumakain siya sa tamang oras, sumesenyas sa bawat
kalye, subalit hindi kayang makatiis
kahit sa isang pisil ng iyong kamay.
Magmadali’t bumalik ka sa akin. Magbabago ako
nang wala ka. Lumalamig ang aking isip at kumikinang
gaya ng buwan. Naiipon ang mga susi, barya, at resibo
sa aking mga bulsa. Lumalaki akong kalmado at brutal
sa serbesa at makakapal na karne.
Ang Babae sa mga Alon, ni Gustave Courbet, 1868. Dominyo ng publiko.
Filed under: halaw, salin, tula Tagged: anyo, bumalik, gising, halaw, hulagway, kirot, oras, pagkamulat, panig, salin, sarili, tula, umalis
December 31, 2012
Katawan, Tandaan . . . , ni C.P. Cavafy
Tula sa wikang Griyego ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Katawan, Tandaan . . .
Katawan, tandaan hindi lamang kung gaano ka minahal,
hindi lamang ang mga kama na iyong hinigaan,
bagkus maging ang mga pagnanasa
na kuminang nang lantay sa iyong paningin,
at nangatal sa tinig—at ang ilang pagkakataong
humadlang upang biguin ang gayong kaganapan.
Ngayong ang lahat ng ito ay pawang lumipas na,
waring ipinaubaya mo rin ang sarili
sa gayong mga pananasa—kung paanong kumislap yaon,
kung natatandaan mo, sa mga matang tumitig sa iyo,
at kumatal sa tinig, para sa iyo, tandaan mo, katawan!
Babaeng hubad, guhit ni Guy Rose, oleo, 71.12 x 38.1 cm. Dominyo ng publiko.
Filed under: halaw, salin, tula Tagged: hubad, kaganapan, katawan, lastag, lumipas, nakaraan

December 29, 2012
Bago sila baguhin ng panahon
Tula sa wikang Griyego ni C.P. Cavafy (K.P. Cavafis)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Bago sila baguhin ng panahon
Kapuwa sila namighati sa kanilang paghihiwalay.
Hindi nila ninais iyon; ngunit panahon ang nagtakda.
Upang makaraos sa buhay, ang isa sa kanila’y
napilitang maglakbay tungo sa New York o Canada.
Ang kanilang pag-ibig, ay! hindi na gaya noon;
bahagyang tumalam bigla ang bighaning makipagtalik;
ang bighaning makipagniig ay tumamlay nang labis;
Ngunit hindi nila hangad ang kanilang paghihiwalay.
Maaaring pagkakataon lamang.— O baka ang Tadhana’y
isang alagad ng sining na pinagbukod sila ngayon
bago pumusyaw ang damdamin at baguhin ng Panahon;
bawat isa sa kanila’y mananatili nang habambuhay
na beynte kuwatro anyos at napakaririt na kabataan.
Psyché et l’Amour (1798) pintura ni Gerard François Pascal Simon. Dominyo ng publiko.
Filed under: halaw, salin, tula Tagged: gunita, halaw, Pag-ibig, paghihiwalay, panahon, salin, tadhana, tula

December 23, 2012
Isang Gabi at iba pang tula ni C.P. Cavafy
Mga tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Isang Gabi
Ang silid ay maalikabok at gigiray-giray
na nakatago sa ibabaw ng wasak ng taberna.
Mula sa bintana ay matatanaw ang eskinita,
na marumi at makitid. Mula sa ibaba’y
dinig ang mga tinig ng mga obrero
na nagpupusoy at naghahalakhakan.
At doon, sa gastado’t mumurahing kama’y
inangkin ko ang katawan ng sinta, ang labing
sensuwal, mala-rosas, nakalalangong labi—
ang rosas na labi ng sensuwal na kaluguran
kaya kahit ngayon habang nagsusulat ako
makaraan ang ilang taon, sa aking tahanan,
ramdam ko pa rin ang labis na kalasingan.
Libingan ng Gramatikong si Lisiyas
Sa kanugnog, sa kanan papasok ng aklatan
ng Beirut, inilibing namin ang dalubhasang
gramatikong si Lisiyas. Naaangkop ang pook.
Inilagak namin siya sa mga bagay na pag-aari
niya at magugunita—mga tala, teksto, gramatika,
katha, tomo-tomong puna sa idyomang Griyego.
Sa gayon, makikita at mapagpupugayan namin
ang kaniyang libingan tuwing kami’y lalapit
sa mga aklat.
Sa Parehong Espasyo
Ang mga paligid ng bahay, sentro, at kapitbahayan
na natatanaw ko’t nilalakaran nang kung ilang taon.
Nilikha kita mula sa ligaya at sa pagdadalamhati:
Mula sa maraming pagkakataon at maraming bagay.
Ikaw ay naging lahat ng pagdama para sa akin.
Filed under: halaw, salin, tula Tagged: aklatan, espasyo, gabi, gramatiko, halaw, libingan, magdamag, pagkakataon, rosas, salin, silid, taberna, tula
December 13, 2012
Ang Lungsod at iba pang tula ni C.P. Cavafy
Tatlong tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Pagkabalam
Binabalam natin ang gawain ng mga diyos,
sa ating pagmamadali at pagiging muslak.
Sa mga palasyo ni Pítiya at ni Elewsis,
kumakayod nang matwid sina Demeter at Tetis
sa gitna ng liyab ng apoy at makapal na usok.
Ngunit malimit humahangos palabas si Metaneyra
mula sa kaniyang mariringal na silid,
gusot ang damit at buhok bukod sa nahihindik,
at madalas kabado at nanghihimasok si Peleyus.
Ang Lungsod
Sabi mo, “Magtutungo ako sa ibang lupain, sa ibang dagat.
Matutuklasan ang isa pang lungsod, na higit kaysa rito.
Bawat pagsisikap ko’y isinumpa ng kapalaran
at ang puso ko—gaya ng bangkay—ay nakalibing.
Gaano katagal mananatili ang isip sa gayong kabulukan?
Saan man ako bumaling, saan man tumingin,
ang makukutim na guho ng aking buhay ay natatanaw dito,
na maraming taon ang inilaan, ginugol, at winasak.”
Wala kang matutunghayang bagong lupain o ibang tubigan.
Hahabulin ka ng lungsod. Maglalagalag ka sa parehong
mga kalye. At tatanda ka sa parehong kapitbahayan,
at puputi ang mga buhok sa parehong mga tahanan.
Malimit kang sasapit sa parehong lungsod. Huwag umasa
sa iba—Walang barko na laan sa iyo, ni walang lansangan.
Gaya ng paglulustay mo sa buhay dito sa munting sulok,
parang winasak mo na rin ang buhay saanmang lupalop.
Ang mga Mago
Nasasagap ng mga diyos ang hinaharap, ng mga mortal ang kasalukuyan, at ng mga mago ang mga bagay na magaganap.
—Pilostratus, Buhay ni Apolonyus ng Tyana, viii. 7.
Maláy ang mga mortal sa mga nangyayari sa ngayon.
Ang mga diyos, na ganap at tanging nagtataglay
ng lahat ng Karunungan, ay malay sa mga sasapit.
At sa lahat ng bagay na magaganap, nababatid
ng mga mago ang papalapit. Ang kanilang pandinig
sa oras ng pagmumuni ay labis na nabubulabog.
Ang mahiwagang tunog ng darating na pangyayari
ay sumasapol sa kanila. At pinakikinggan nila iyon
nang may matimtimang paggalang. Samantalang
doon sa lansangan, ni walang naririnig ang madla.
Filed under: salin, tula Tagged: diyos, istorbo, lungsod, mago, pagkabalam, salin, tula
December 12, 2012
Tatlong Tula ni C.P. Cavafy
Tatlong tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Mga Pagnanasà
Gaya ng maririkit na lawas ng yumao na hindi tumanda,
at ipininid, nang luhaan, sa mariringal na mawsoleo,
may mga rosas sa ulo at may mga hasmin sa mga paa—
ganyan ang mga pagnanasa, na lumipas nang walang
kaganapan; ni isa sa kanila’y nabigong makalasap
ng magdamag na kaluguran, o maningning na liwayway.
Mga Tinig
Mga huwaran at minamahal na tinig
ng mga namatay, o ng mga tao
na naglaho sa atin gaya ng mga patay.
Kinakausap minsan tayo nila sa panaginip;
at naririnig minsan ang mga ito sa isip.
Sasapit ang sandaling pababalikin nito
ang unang panulaan ng ating buhay—
gaya ng musikang nauupos sa malayong gabi.
Unang Antas
Nagreklamo isang araw si Ewmenes
kay Teokritus:
“Dalawang taon na ang nakalilipas
nang ako’y magtangkang magsulat ngunit
isang idilyo lamang ang aking natapos.
Isang tula lamang ang aking naisulat.
Ay, sadyang napakatayog, wari ko,
at napakatarik ng hagdan ng Panulaan;
at sa unang antas na kinatatayuan ko,
ang abang gaya ko ay hindi makaaakyat.”
“Ang ganyang pananalita,” ani Teokritus,
“ay baluktot at mapanyurak.
Kahit nasa unang hakbang ka pa lamang,
dapat na matuwa at magmalaki.
Hindi madali ang pagsapit mo rito,
na pambihirang tagumpay na malayo
sa matatamo ng karaniwang mga tao.
Upang makarating sa unang bahagdan,
kailangan mo munang maging mamamayan
sa lungsod ng mga isip.
At sa lungsod na iyon ay napakahigpit
at bibihira ang nagiging mamamayan.
Matutunghayan sa agora ang mga Mambabatas
na hindi maiisahan ng mga oportunista.
Ang pagsapit dito ay hindi napakagaan;
ang nakamit mo ay labis na kadakilaan.”
Filed under: salin, tula Tagged: Cavafy, mithi, nasa, pagnanasa, panulaan, salin, tinig, tula
Roberto T. Añonuevo's Blog
- Roberto T. Añonuevo's profile
- 10 followers

