Roberto T. Añonuevo's Blog, page 8
October 6, 2013
Ang Konstitusyong 1987 at ang kaso ng Filipinas
“This constitution shall be promulgated in Filipino and English and shall be translated into major regional languages, Arabic, and Spanish,” saad ng Artikulo XIV ng Konstitusyong 1987. Ngunit hindi ito nasunod nang mahigpit; at ang salin sa Filipino ay malalathala lamang noong 1991, limang taon pagkaraang balangkasin ng Komisyong Konstitusyonal ang panukalang konstitusyon noong 1986.
Dahil pangunahing instrumento ng batas ang Konstitusyon, ang bersiyong Filipino at Ingles ay ideal na iharap nang magkasabay sa plebisito upang kagyat na umiral (Artikulo XVIII, Seksiyon 27). Hindi dapat tumbasan ng “salin” sa Filipino ang konstitusyon; bagkus ito’y nararapat na maisulat muna sa Filipino saka isalin sa mga wikang panrehiyon, bukod sa Arabe at Espanyol. Dahil ang Konstitusyon ay isinulat sa Ingles, ang katumbas nito sa Filipino ay sumusunod lamang sa balangkas at anyo ng Ingles.
Ang bersiyong Filipino ay malalathala lamang sa elektronikong anyo noong 2012 sa Official Gazette na maituturing na isang anomalya. Ang ginamit sa bersiyon doon ay ang “salin” sa Filipino ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) na pinamumunuan noon ni Direktor Ponciano B.P. Pineda. Mapapansin sa introduksiyon ni Pineda na hindi dumaan sa plebisito ang bersiyong Filipino:
Ipinalimbag namin ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas sa layuning maitanghal sa bayan ang muhon ng paglilingkod sa paglikha ng isang dakilang kasulatan sa kasaysayan ng bansa.
Hindi layunin ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas na gampanan ang malawakang pamamahagi ng mga sipi ng Saligang-Batas sa masa ng sambayanan. Manapa’y upang makapaglabas lamang, sa limitadong edisyon, ng mapanghahahawakang teksto sa Wikang Filipino na maaaring maging sanggunian unang-una ng mga tanggapan, institusyon o ng mga interesadong indibidwal.
Ang Konstitusyong 1987 ay nananatiling nasa Ingles; at ang bersiyong Filipino nito, na dapat ay may sipi ang COMELEC (Commission on Elections), at siyang ginamit sa plebisito, ay hindi matagpuan.
Kaya walang makapagsasabing ang pangalan ng bansa natin ay “Republika ng Pilipinas.” Ang tumpak ay “Republic of the Philippines” dahil iyon lamang ang pinagtibay ng sambayanan.
Inihayag pa ni Pineda na sumunod sa makabagong ortograpiya ang bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987. Aniya,
Tinatawagan namin ng pansin ang mga gagamit, pati ang mga gumagamit na, ng tekstong Filipino ng Karta na sinunod sa ispeling ang bagong kalakarang kakambal ng isinamodernong palatitikan at palabaybayan ng wikang pambansa. Bukod dito’y mapapansin din ang liberalisado ngunit masinop na panghihiram at mabisang domestikasyon ng mga banyagang salita at parirala.
Dahil sa kakapusan sa pondo, hindi na namin inilakip dito ang tungkol sa mga distritong lehislatibo na pinag-ayaw-ayaw sa mga lalawigan, mga lungsod at sa Metropolitan Manila Area.
Ang tinutukoy na modernisadong ortograpiya ni Pineda ay malaki ang kiling sa nakamihasnang “Pilipino.” Mapapansin na kahit sa Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) ng LWP ay wala ni isang lahok na salitang nagsisimula sa titik /f/ o gumagamit ng /f/ mula man sa hiram sa Espanyol, Ingles, o kaya’y sa mga wikang panrehiyong gaya sa Cordillera o sa Zamboanga Peninsula. Ang “Pilipinas” at “Pilipino” (tao) na ginamit ng LWP noong panahong iyon, gaya ng nasasaad sa pangalan ng institusyon, ay nakabatay sa Tagalog, at siyang umiiral sa “Pilipino” na pinalaganap noong 1959 ni Kalihim Jose Romero ng Kagawaran ng Edukasyon.
Sumusunod ang bersiyong “Filipino” ng Konstitusyong 1987 sa bersiyong “Pilipino” na ginamit sa katumbas na salin ng Konstitusyong 1973. Ipinaliwanag ko na ito sa aking naunang artikulo.
Kung babalikan ang Official Gazette, lumitaw doon ang isang sertipikasyon, o “katunayan” hinggil umano sa “wastong salin sa Filipino ng Saligang Batas ng 1987 na pinagtibay ng Komisyon sa Wikang Filipino at unang ipinalimbag ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas noong 1991.” Isinaad pa sa nasabing dokumento na “ipinalabas ang gayon sa ika-3 ng Agosto 2012 para sa anumang legal at opisyal na pangangailangan.”
May kasinungalingan ang ipinalabas ni Jose Laderas Santos na dating Tagapangulong Komisyoner ng KWF , at siyang lumagda sa nasabing dokumento. Una, walang pagpapatibay na ginawa ang KWF hinggil sa “salin” sa Filipino ng Konstitusyong 1987, bagkus personal na sertipikasyon lamang iyon ni Santos. Kahit halungkatin ang buong Yunit ng Kasulatan at aklatan ng KWF ay walang matatagpuan doon ni isang resolusyon na nagmula sa Kalupunan ng mga Komisyoner na ang bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987 ay pinagtibay at nilagdaan ng lahat ng komisyoner o kaya’y kinikilala nila iyon bilang “opisyal na salin” o “opisyal na bersiyong Filipino.” Ikalawa, ang bersiyong nalathala sa Official Gazette ay sa “limitadong edisyon” lamang, at kung gayon ay maipapalagay na hindi lumaganap sa buong kapuluan at nasuri ng sambayanan o ng mga komisyoner ng Kumbensiyong Konstitusyonal. Ikatlo, ang bersiyong Filipino ay hindi sumailalim sa plebisito, o kaya’y nasuri ng Komisyong Konstitusyonal, o pinagtibay ng Kongreso. At ikaapat, walang Kalupunan ng mga Direktor (Board of Directors) ang LWP na siyang magpapatibay ng resolusyon hinggil sa katumpakan ng bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987. Ang LWP noong panahong iyon ay kadikit na ahensiya ng Department of Education, Culture, and Sports (DECS). Kung gayon, masasabing walang opisyal na bersiyong Filipino ang Konstitusyong 1987.
Pansinin na ang isinumiteng bersiyon sa Filipino ni Santos, at siyang ipinalimbag ng LWP, ay nagbago ang sukat at anyo ng font pagsapit sa dulo ng teksto. Mahihinuha rito na isiningit lamang ang isang talata, bago inilista ang mga pangalan ng mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal.
Nang isailalim sa referendum ang Konstitusyong 1987, ang bersiyong Filipino at Ingles ang dapat magkasabay na iniharap sa sambayanan upang pagtibayin. Ngunit lumilitaw ngayon na Ingles lamang ang napagtibay, at hindi nakasunod ang bersiyong Filipino. Ang inilathala ng LWP na “salin” (o bersiyong Filipino) ng Konstitusyong 1987 ay isang anomalya, sapagkat tapos na noon ang plebisito at hindi na napagtibay pa ng mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal ang bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987.
Sa bisa ng ating Konstitusyong 1987, “Republic of the Philippines” ang iisa’t tanging opisyal na pangalan ng ating bansa. Ang “Republika ng Pilipinas” ay kathang legal na malaki ang posibilidad na mapalitan ng “Republika ng Filipinas” sapagkat walang opisyal na bersiyon sa Filipino na ginawa at pinagtibay ng Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF noon at magpahanggang ngayon. Malaki rin ang posibilidad na mapalitan ang Batas Republika Blg. 8491, na nagtatakda na gamitin ang “Republika ng Pilipinas” sa mga eskudo, logo, at sagisag ng bansa. Kung ang pinagbatayan ng naturang batas ay ang Konstitusyong 1987, isang malaking pagkakamali iyon sapagkat wala namang opisyal na bersiyon sa Filipino, o sabihin nang katumbas na “salin” sa Filipino, ang bersiyong Ingles ng Konstitusyong 1987.
Inaasahan kong maglalabas ng bagong salin ng Konstitusyong 1987 ang kasalukuyang administrasyon ng KWF , at siyang kolektibong pagtitibayin ng Kalupunan ng mga Komisyoner, nang may masinop na pagsasaalang-alang sa modernong ortograpiyang pambansa para sa bagong henerasyon ng mga Filipino.
Hinihintay ng sambayanan ang Filipinas para sa lahat ng Filipino.
Filed under: kasaysayan, Philippines, Pinoy, Wikang Filipino Tagged: Filipinas., Filipino, konstitusyon, Konstitusyong 1987, Kritika, Republic of the Philippines, Republika ng Filipinas, Republika ng Pilipinas
September 21, 2013
Amansinaya at Rafael sa Paco Park
This is the raw amateur video footage of the dynamic duo Amansinaya Añonuevo and Rafael Ronquillo at the historic Paco Park Church, Manila. Maestro Ruben F. Reyes is grooming both classical guitarists to be the next big thing in Philippine music scene. The performance, which was held on 20 September 2013, was part of the weekly Paco Park Presents aired every Friday, 6 pm, at NBN PTV 4.
Filed under: musika, pagtatanghal Tagged: gitara, musika, Paco Park Presents, pagtatanghal, St. Paul University Manila
September 14, 2013
Paco Park Presents Classical Guitarists from the SPUM
Featuring classical guitarists Amansinaya M. Añonuevo and Rafael L. Ronquillo, Paco Park Presents the St. Paul University Manila Flute and Guitar Ensamble. Paco Park Presents will be held on 20 September 2013, at exactly 6 pm, at Paco Park Manila. The St. Paul University Manila is one of the five top universities nationwide with a distinction of Center of Excellence in Music Program given by the Commission on Higher Education. The concert is open to public.
Filed under: anunsiyo, musika Tagged: classical guitar, estudyante, gitara, konsiyerto, musika, Paco Park Presents
September 2, 2013
Kung “Daang Matuwid” ang Wika Natin
Ang konsepto ng “daang matuwid” ay hindi orihinal na nagmula sa ating Pangulo na nagbanggit ng gayong mga kataga sa kaniyang mga talumpati. Ang “daang matuwid” ay humuhugot ng alusyon sa “katuwiran” ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, ngunit mahihinuhang lumilingon din sa heograpiya ng Filipinas na may malaking pagkakaiba ang anyo ng “kapatagan” at “kabundukan.” Pinakamabilis na transportasyon noon ang paggamit ng bangka o barangay sa tubigan; at ang mga ilog, lawa, at dagat ang pipiliing daan imbes na lupa para marating ninuman ang kaniyang nais.
Maiisip na ang “tuwid na daan” ay isang pagsasabi ng shortcut para mapabilis ang biyahe; samantalang ang “pasikot-sikot” ay tila pag-akyat ng bundok, na ang daan ay zigzag at paikot, at umaayon sa dati nang nahawing bagnos o kaya’y hubog ng bundok. Ang pag-akyat ay isang prosesong mabagal at mapanganib; kinakailangan nito ang pag-iingat upang maiwasan ang sakuna. Walang “tuwid na daan” kapag pinag-usapan ang tubigan, at mailalapat lamang ang ganitong konsepto sa lupain. Upang matupad ang “tuwid na daan,” kinakailangang hawiin ang landas nang walang patumangga, at patagin saka sementuhin ang lupa. Samantalang ang pasikot-sikot na daan ay gumagalang sa anyo ng lupain, nagpupugay sa kalikasan at sa orihinal na heograpiya.
Ang konsepto ng tuwid na daan ay maaaring lingunin sa pagbubuo ng mga bloke ng lupaing parisukat, na ang magkakanugnog na kalye at eskinita ay may sukat na 90˚ degrees ang kanto, at tinatawag na centuariation. Gumamit noon ang mga Romano ng mga instrumentong panukat [surveryor], at ito ang lumaganap sa Ewropa. Ang ganitong siyentipikong pagdulog sa paghahati-hati ng lupain ay hindi orihinal sa mga Romano, bagkus ipinakilala sa kanila ng mga Griyego. Kung babalikan ang kasaysayan ay maaaring lumingon pa sa mga sinaunang grid na matatagpuan sa Teotihuacan, Mexico, o kaya’y sa Iraq, Egypt, Pakistan, at China. Pinadadali ng grid ang paglalakbay; at ang mga pamayanan ay nahahati sa maginhawa, maayos, at maluwag na paraan.
Samantala’y kung lilimiin nang maigi, ang wika, gaya ng wikang Filipino, sa literal na pakahulugan, ay mahirap maging linear, at sabihin nang “daang matuwid” o kaya’y maikahon sa mga grid. Ito ay sapagkat pambihirang imbensiyon ng isang komunidad ang wika, at kung ang wikang ito ay nagtataglay ng gunita ng isang lipi o bayan ay magpapasanga ng mga kalye, anderpas, at tulay sa isip o loob. Magbubuo ito ng sirkito tungo sa bisyong gubat o lungsod, at kung hindi magiging maingat ay maaaring maligaw sa kung anong usapan ang tagapagsalita, at mailihis niya sa kung saang sukal ang kaniyang mga tagapakinig.
Ang wika ay nangangailangan ng pagtuklas at pag-unawa sa salita at konsepto sa panig ng tagapaghatid ng mensahe, at sa panig ng tagasagap ng mensahe. Ang pinagbubuhatan ng pahayag at ang sumasagap ng pahayag ay kinakailangang magkaroon ng batayan ng pagkakaisa kung paano uunawain ang mga salita, nang sa gayon ay sabay nilang matamo ang pagkakaunawaan. Humihirap minsan ang pagkakaunawaan dahil ang tagapaghatid ng mensahe ay gumagamit ng taktika ng ligoy—isang paraan ng pagsasabi na gumagamit ng banda kumbaga sa bilyar o heometriya—kaya ang dating simpleng pananalita ay nakakargahan ng nakagigitlang pakahulugan. Humihirap din ang komunikasyon sapagkat sa pagitan ng ating mga pandama at ng ating isip o guniguni, sabi nga ng kritikong S.V. Epistola, ay may salaan. At ang salaang ito ay may kaugnayan sa ating pagka-Filipino.
Ang wikang Filipino, sa paglipas ng panahon, ay rumirikit sa angkin nitong kabulaklakan at ligoy. May paraan tayong mga Filipino ng pagsasabi na malimit isinasaalang-alang ang kapuwa, pansin nga ni Dr. Melba Padilla Maggay. May “malapit na tao” tayong kausap, at may “ibang tao” na kausap. May “mukha” tayong inihaharap sa loob ng pamilya, na kaiba sa “mukha” na inihaharap sa publiko. Nagsasaalang-alang ang wika natin sa kapuwa at pamayanan, at itinuturing na ang kapuwa at pamayanan ay kabahagi ng katauhan. Habang lumalaon, kusang natutuklasan ng bawat isa ang bisa ng pagpapahalaga sa dangal, kapuwa, at kabansaan. Nakasasakit ng loob kung minsan ang wika ng ating Pangulo, halimbawa, sapagkat bagaman nagpapasaring siya sa mga tiwali at bulok na opisyal ng pamahalaan, at nagsasabi ng totoo, ang kaniyang pagsasakataga ay tahas sa punto de bista ng mga mamamayan, at ang pagiging tahas na ito ay umiiwa sa mga balat sibuyas at pusong mamon—na nagbubunga kung bakit ang mga kontrabida ay lumilitaw pa ngayong sugo ng Maykapal.
Ngunit ang wika natin ay inaasahang maging matuwid—kahit sa panig ng pagtataguyod ng bisyon. Ang wikang Filipino ay dumanas ng katakot-takot na sagabal at balakid, at kung hindi marahil nagpursige ang mga panitikero at dalubwika ay maaaring nabalaho na tayo sa kangkungan. Kailangan natin ang isang wikang mapagbuklod upang mabuo ang ating pagtanaw bilang isang bansa. Hindi maaaring mauna ang pagtataguyod ng kabansaan, saka ihuhuli ang pagbubuo ng wika, pansin nga ng kritikong si Dr. Isagani Cruz. Wika ang magiging kasangkapan natin sa mga komunikasyon at transaksiyon; at wika ang kakailanganin para makabuo ng batas o kapasiyahan, at nang matiyak ang awtoridad. Wika ang kailangan para umusad ang negosyo at kalakalan. Wika ang kailangan para magamot ang maysakit at maiwasan ang sakuna’t panganib; at wika ang kailangan para makapagtindig ng gusali at pabrika. Nagkaroon ng buto’t laman ang wika sa mga relihiyon, at ang modernong wikang ito ang humalili sa sagradong ugnayan sa elektronikong himpapawid. Kung babalikan natin ang Konstitusyong 1987, Filipino ang pambansang wika natin, at ang wikang ito ay dapat sinusuhayan ng iba pang taal na wika sa buong kapuluan.
Kung susundin natin ang isinasaad ng batas, ang Filipino ay hindi limitado sa ilang sabjek lamang. Ang Filipino ay dapat ginagamit sa mga kursong batas, inhinyeriya, siyensiya, teknolohiya, telekomunikasyon, turismo, atbp. Ngunit panaka-naka lamang ito nagaganap, at marahil tuwing sasapit ang Buwan ng Wika. Kaya ang dapat na ring pag-isipan natin, wika nga ni Dr. Galileo Zafra, ay kung bakit may pagsalungat ang mga disiplina o larang [field] sa pagpasok ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan. Kailangang may gumawa ng mga saliksik kung bakit tumututol ang mga hukom at abogado na mag-aral ng Filipino at gamitin ang Filipino sa mga pagdinig. Kailangang magsaliksik kung bakit nagbabantulot ang mga doktor at nars na mag-aral ng Filipino, samantalang ang kanilang propesyon ay nangangailangan ng matalik na ugnayan sa mga pasyente. Kailangang pag-aralan kung bakit nahihirapang pumasok ang aplikasyon ng wikang Filipino sa mga negosyo at kalakalan, gayong higit na makatutulong sa mga negosyante kung gagamitin ang Filipino sa mga transaksiyon. Hinihingi na rin marahil ng panahon na may gumawa ng disertasyon o tesis kung bakit ang kursong impormasyong teknolohiya ay hindi tinutumbasan ng mga kurso sa Filipino na maaaring makatulong sa pagbubuo ng mga programa sa kompiyuter o kaya’y pagsasalin ng jargon nito sa wikang alam ng nakararami.
Mahalaga ang wikang Filipino hindi lamang bilang lingguwa prangka bagkus bilang wika ng modernisasyon sa lipunang Filipino. Sa ganitong pagtanaw, ang Filipino ay dapat sinusubok sa pasulat na paraan, ngunit dahil ang ating mga institusyon ay labis na konserbatibo, at malimit na ikinakatwiran ang “kalayaang akademiko,” ang kalayaang ito ay nagiging pribilehiyo at maipapasa ng awtoridad sa nasasakupan nito.
Kung ipagpapalagay na ang Filipino ang wika ng instruksiyon sa mga paaralan (at Ingles, habang walang itinatadhana ang batas), saad ng Konstitusyong 1987, at ang Filipinong ito ay sinusuhayan ng mga taal na wika sa Filipinas, ang Filipino ay kailangang maging katanggap-tanggap sa mga nasa poder. Ngunit upang maganap ito, ang mga estudyante at guro ay dapat maihayag ang kanilang pagnanais sa naturang pangangailangan. Kung may matinding panawagan para gamitin ang Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, ang susunod na hakbang ay pag-alam kung paano tutugunan ito. Ang Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED) ay dapat nag-iisip kung paano makapapasok ang Filipino sa iba’t ibang disiplina, imbes na tanggalin ang kursong Filipino para sa mga nais magpakadalubhasa rito.
Sa listahang ipinalabas ng CHED, tanging ang Unibersidad ng Pilipinas-Diliman at De La Salle University-Manila ang akreditado bilang sentro ng kahusayan [Centers of Excellence] na pawang may programa sa wikang Filipino. Kabilang naman ang Mindanao State University-IIT at Polytechnic University of the Philippines-Manila na akreditado bilang sentro ng kaunlaran [Centers of Development] na may programa sa Filipino. Napakaliit ng bilang na ito; at kung ipagpapalagay na aabot na sa halos 100 milyon ang populasyon ng bansa sa darating na dalawa o tatlong taon, mas maraming bilang dapat ang sinasanay para makapagturo ng Filipino sa iba’t ibang disiplina.
Magiging kahali-halina ang Filipino sa bagong henerasyon ng mga estudyante kung makikita ng madla na may kinabukasan sa Filipino. Ang mga unibersidad at kolehiyo ay dapat may patuloy na ugnayan sa mga dominyo ng kapangyarihan, upang ang mga produkto ng mga ito ay madaling makahanap ng trabaho. Kinakailangang maibalik din ang mataas na pagkilala sa mga nagsipagtapos ng kursong Filipino, o nagpakadalubhasa sa Filipino, at magagawa lamang ito kung mababatid ng taumbayan ang mahigpit na pangangailangan para sa wika.
Ang sabjek na Filipino ay higit na kinakailangan sa mga larang at disiplinang naghahatid ng serbisyo publiko. Halimbawa, ang mga abogado, bangkero, doktor, guro, inhinyero, kawal, marino, musiko, negosyante, peryodista, siyentista, at iba pa ay kinakailangang may mga pag-aaral sa Filipino upang matamo nila ang epektibong komunikasyon, at nang maisalin sa wikang Filipino ang mga konseptong dating nasusulat sa Ingles. Maiisip sa ganitong pangyayari ang mahigpit na kolaborasyon sa panig ng mga dalubhasa sa Filipino at ng mga dalubhasa sa partikular na larang. Ang mga kawani ng PAG-ASA ay hindi kinakailangang gumamit ng Ingles sa kanilang paghahatid ng balita hinggil sa taya ng panahon; magagamit nila ang malalim na bokabularyo ng kapuluan upang ipaliwanag ang bagyo, daluyong, habagat, at iba pa.
Kung ang wika ay tuwid na daan, ang wika ay dapat maglapit sa dating magkakalayong mamamayan. Ang wika ay hindi dapat magamit para linlangin o kaya’y isahan ang kapuwa, at upang maganap ito ay kinakailangan ang malawakang edukasyon sa publiko. Kailangang may mga institusyong magbubuhos ng pondo para sa wika, imbes na lustayin ang pork barrel sa mga walang kapararakang luho ng katawan. Ang paglalaan ng P1 bilyon, halimbawa, para sa wikang Filipino ay napakaliit kompara sa iniulat na P10 bilyong ninakaw umano ni Janet Napoles. Ang P1 bilyon ay sapat na para makapagsanay ng mga guro at iba pang espesyalista; makapagpatayo ng laboratoryo at museo ng wika; makapagpalathala ng mga babasahing magagamit sa iba’t ibang disiplina; o makapagpasimula ng mga makabagong teknolohiya na magpapalaganap at magpapanatili ng wikang Filipino sa cyberspace.
Ang malalaking negosyo ay maaaring maglaan ng pondo para sa pagsasanay sa Filipino at iba pang wikang lalawiganin. Ang mga grupo ng propesyonal ay maaaring magpundar ng pondo para sa mga pagsasanay sa wika ng kanilang hanay. At ang mga konsumidor ay maaaring maglaan ng maliit na porsiyento ng kanilang napamili para sa pagsusulong ng Filipino. Ang ganitong hakbangin ay tila pangarap na mahirap abutin. Ngunit kung nais natin ang matuwid na daan, at hangad na ang wika ay maging matuwid, inaasahan sa atin ang walang humpay na sakripisyo at pagpupunyagi.
Filed under: salin-awit, Wikang Filipino Tagged: bagnos, bundok, daan, Filipino, konsepto, landas, pahiwatig, panahon, tuwid, wika
July 30, 2013
Dugo sa Lawa Pinamaloy
Dugo sa Lawa Pinamaloy
(Hango at halaw mula sa isang alamat ng Manobo)
ni Roberto T. Añonuevo
Pinakamahusay na mangangaso ang aking panginoon. Nakita ko kung paano siya magsanay hinggil sa tumpak na pagpukol ng sibát, o sumapól nang tama sa pamamagitan ng palasong pinawalan mula sa búsog. Humahagibis siya kung tumakbo, paahón man o palusóng ng bundok. Wari ko’y bulawang luya ang kaniyang mga talampakan kapag lumalapat sa bato o lupa, at batid ang mga landas na ligtas yapakan. Matalas ang kaniyang pandinig at paningin, at sa gaya kong áso, kahanga-hanga kung paano niya natutuklasan ang mga bakás ng usa o baboy-damo, ang lungga ng bayawak o usa, ang pugad ng banug[i] o maya.
Napatatahol na lámang ako sa labis na galák.
Sa buong lawak ng Aruman, ang aking panginoon ang tinitingala ng lahat. Nagugulat ang sinumang tao na makasalubong niya kapag nalamang nakapanghuli na naman ng mailap na hayop ang aking panginoon. Kung hirap na hirap ang ibang mangangaso na makapanghuli ng maiilap na baboy, ang panginoon ko ay tila pinagpala ni Kërënën[ii] sa kaniyang mga paglalakbay. Batid ng aking panginoon ang dumarating na panganib kapag humuni ang ilahás na limukon,[iii] at siya’y kisapmatang nakalilihis ng daan. Kapag siya’y nasukol ng anumang kapahamakan, ano’t nakatatakas siya nang wala man lamang galos. Dahil doon ay nilalapitan siya ng iba pang kabataang mangangaso.
Hindi ipinagkait ng aking panginoon sa sinumang Arumanën ang biyayang kaniyang tinatanggap. Ang lungayngay na katawan ng usa o kambing, halimbawa, ay magbabadya ng masaganang hapunan ng mag-anak at iba pang tao na dumaranas ng gutom sa ili. Ibinabahagi rin niya sa mga kapitbahay ang kaniyang mga napitas na bungang-kahoy o nahukay na halamang-ugat mula sa kung saang bakílid.[iv] At kapag dumarating ang bagyo’y nagkukusa siyang ilikas ang mga tao sa tulong ng iba pang lalaki sa ilihan. Hindi kataka-takang kalugdan siya ng mga tao sa angking kabutihan.
Ako ang kasa-kasama ng aking panginoon saanman siya pumaroon. Tinuruan niya ako kung paano mangusap gaya ng tao, at sa pamamagitan ng kumpas ng mga kamay at huni ay nakapagpapahatid ng utos na agad kong tutuparin. Sabay kaming naliligo sa ilog, at kinakaskas niya ng gugo na pinatakan ng dayap ang aking balahibo. Ang kaniyang pagkain ay pagkaing natitikman ko rin. Titighawin niya ang uhaw sa tubig o sabaw ng niyog, ngunit hindi kailanman siya nakalimot na ako’y painumin para mapawi ang uhaw o pagod. Binabantayan ko siya sa mga sandaling kailangan niyang magpahinga; at nagiging gabay niya upang hindi siya maligaw sa masusukal na kahuyan. Sa kabila ng lahat, hindi ipinaalam ng aking panginoon sa lahat ang aking katangian. (Maliban sa kaniyang mga magulang at pinakatatanging kasintahan.) Ibig niyang isaloob ko ang pagpapakumbaba, na gaya ng kaniyang ginagawa.
Sumapit ang isang makulimlim na araw at naisipan ng aking panginoon na mangaso nang mag-isa sa gubat. Abala noon ang ibang mangangaso sa kanilang gawain sa kani-kanilang bahay, at walang nakapansin sa kaniyang balak. Pumaswit siya’t tinawag ako. Mabilis naman akong tumugon ng kahol at bumuntot sa kaniyang likuran. Malayo ang aming tinahak: mapuputik na daan tungong masukal na gubat. Sumapit ang tanghaling-tapat ay wala pa kaming makitang hayop na maaaring bihagin. Naglakad nang naglakad kami, hanggang masilayan ng aking panginoon ang mataba’t itim na baboy-damong umiinom sa gilid ng ilog.
Iniumang ng aking panginoon ang kaniyang sibat, at tinudla ang baboy. Sa kisapmata’y nahagip ang hayop sa tagiliran at napaungol. Bagaman sugatan ay nakuha pa rin ng baboy na makatakbo palayo. Kapuwa namin tinugis ang hayop. Mabilis na dinamba ng aking amo ang baboy at nakipagbuno nang lakas sa lakas. Ngunit madulas ang putikang baboy, at bago ko ito nasakmal sa leeg ay kinagat nito nang ubos-lakas sa hita ang aking amo. Wakwak ang laman ng hita, ang panginoon ko’y inubos ang natitirang lakas upang igupo ang hayop. Napasigaw ang aking panginoon; subalit ipinagkait ng sandaling yaon ang pagbubunyi dahil tumulo sa lupa ang masaganang dugo.
“Puti,” tawag niya sa akin, “maaaring maubusan ako ng dugo kung maglalakad ako pauwi. Bumalik ka sa ating ili at tawagin mo si Ama na manggagamot. Magmadali. . . ! Ngunit bago ako umalis ay tinagpas niya ang magkabilang tainga ng baboy at hinubad ang kaniyang makukulay na tikos[v] na nakaikid sa binti. Gumawa siya ng kuwintas, at isinuot niya sa aking leeg. “Sandali!” paalala niya sa akin. “Dumaan ka muna sa bahay ng aking kasintahan bago pumaroon sa ating bahay. Tiyak na mahihiwatigan niyang may masamang nangyari sa akin.”
Tumimo sa aking noo ang lahat ng paalala ng panginoon ko. Na tumuloy muna sa bahay ng babaeng pinakamamahal niya. Na mabilis sunduin ang amang manggagamot. Na huwag akong magsasalita gaya ng tao dahil may sakunang magaganap sa buong paligid. Tumakbo ako nang tumakbo nang naluluha; ginamit ang ilong upang magbalik sa ilihan; at hindi inalintana ang matatalas na bato o makamandag na tinig na nayayapakan. Kahit humihingal ako’t laylay ang dila sa pagod ay tinangka ko pa ring makarating sa babaeng mahal ng aking panginoon.
Malapit nang lumatag ang takipsilim nang marating ko ang bahay ng kasintahan ng aking amo. Napansin agad niya na ako’y nag-iisa, at nakakuwintas ng tainga ng baboy na tinuhog ng mga tikos. Natandaan ng dalaga ang mga tikos na iyon, sapagkat siya lamang ang makahahabi ng gayong kulay para sa pambihirang mangangaso ng kanilang ilihan. Kinutuban ang babae.
“Saan ka galing, Puti?” usisa niya sa akin. “Bakit tigmak sa putik ang iyong katawan? Ano’t may nakakuwintas sa iyong tainga ng baboy?” Hindi ako makatugon. Tumahol na lamang ako kahit batid kong magsalita ng wikang Manobo, gaya ng ibang tao. Baka kung magsalita akong gaya ng tao ay makaranas ng di-inaasahang sakuna ang paligid.
Nagtanong muli ang babae. “Bakit hindi mo kapiling ang iyong panginoon? Napahamak ba siya? Tumahol na lamang ako. “Magsalita ka! Nahan ang iyong tagapag-alaga?” Bumalikwas ako. Kailangan ko pang sunduin si Amang manggagamot. Kailangan kong makaalis. Ngunit nasunggaban ng babae ang leeg ko. “Kung hindi mo sasabihin at ituturo sa akin kung nahan ang iyong panginoon ay ikukulong kita rito!” pautos na winika ng babae. “Hindi ka makaaalis dito!”
Kailangan ko nang umalis ngunit mahigpit ang pagpigil sa akin ng babae. Mauubusan ng dugo ang aking panginoon, naisip ko. Mamamatay siya sa ilang kung hindi ako makatatawag agad ng saklolo. Baka siya’y lapain ng halimaw at hindi na datnan pang buháy. Napaluha ako. Mausisa ang babae, at wala akong nagawa kundi tugunin siya sa wikang nauunawaan niya.
“Nasugatan ang aking panginoon,” ani ko. “Naroon siya sa pusod ng kagubatan, malapit sa gilid ng ilog na nasa pagitan ng dalawang bundok na karaniwang tinatanglawan ng kabugwason.[vi] Nasugatan siya sa hita nang kagatin ng malaking baboy-damo. Kailangan niya ng tulong. . . .” Natulala at biglang napaluha ang babae.
Nakahulagpos ako sa pagkakapit ng babae. Tumakbo ako palabas ng kaniyang bahay. At habang tinatahak ko ang daan tungo sa bahay ng aking panginoon, dumagundong ang malalakas na kulog at nagsalimbayan ang matatalas na kidlat sa kalawakan. Lumabas wari sa kalangitan si Tuhawa, ang Diwata ng Kamatayan, upang sunduin ang aking panginoon. Maya-maya’y nakaramdam ako ng pagyanig ng lupain. Mabilis akong tumakbo sa mataas na pook. Paglingon ko, nakita ko na lamang na biglang lumubog sa nagpupuyos na baha ang buong kabahayan. Napaluha ako. Iyon ang katuparan ng sumpa nang magsalita ako sa wikang alam ng mga tao. Ang pook na lumubog sa tubig ay bantog ngayon bilang Ranaw Pinamaloy.
Naramdaman kong wala nang panahon kung magbabalik pa ako sa pamayanan ng aking panginoon. Kaya minabuti kong magbalik sa aking pinanggalingan. Bumubuhos noon ang ulan, at nananagâ ang kidlat sa himpapawid. Nang marating ko ang pook na kinahihimlayan ng aking panginoon ay nagitla ako. Agaw-buhay siya nang sandaling iyon. Umaagos ang dugo sa kaniyang hita, at sumanib sa agos ng ilog. Hinimod ko ang kaniyang sugat sa pag-aakalang maililigtas siya. Ngunit huli na ang lahat. Hindi na ako inusisa ng aking panginoon. Nahiwatigan niya ang paglindol, ang pagkulog, ang pagkidlat, at marahil, ang pag-apaw ng tubig na nagpalubog ng ili. Niyakap niya ako; at ang mga puti kong balahibo’y nabahiran ng dugo. Tila akong mabubuwang subalit nanatili ako sa kaniyang tabi. Umasa akong siya’y maliligtas, at nanalig sa mga anito’t diwata.
Maya-maya’y naramdaman kong naghuhunos ang aming mga anyo. Naghilom bigla ang sugat ng aking panginoon sa kaniyang hita; samantalang natanggal ang putik at dugo na nakakapit sa aking mga balahibo. Narinig naming ang tinig ni Yayawag, ang diwata ng kapalaran, at pinagpala niya kaming maging mga kaluluwa na magiging taliba ng gubat na malapit sa Ranaw Pinamaloy. Naghanap nang naghanap ang mga Arumanën, at ang kanilang natagpuan ay hugis kudyaping lawa na ang halumigmig ay nagpapakurot ng puso.
Huwag magtaka kung makarinig magpahanggang ngayon ng mga tahol ng aso sa kawalan, o ng sigaw ng aking panginoon, o ng palahaw ng kaniyang kasintahan. Narito kami sa gubat at pinangangalagaan ang Ranaw Pinamaloy. Naririto kami tuwing kabilugan ng buwan, muling isinasadula ang mga pangyayari, at paulit-ulit nakikipagsapalaran, kahit ituring na kathang-isip lamang ang lahat, gaya ng salaysay na ito.
Talasalitan
[i] Banúg—malaking ibon na kauri ng agila.
[ii] Kërënën, Kerenen—pinakamakapangyarihang diwata, at kaantas ng bathala.
[iii] Limukon—uri ng kalapati na ang huni ay pinaniniwalaang nakapagbibigay babala sa manlalakbay upang iwasan ang sasapit na panganib o kapahamakan. Tinatawag din sa Ingles na turtledove.
[iv] Bakílid—pahilis na gilid ng bangin; dalisdis.
[v] Tíkos, tíkes—uri ng palamuting hibla o tali na inilalagay sa ibabang tuhod o alak-alakan, at karaniwang ginagamit ng mga binata.
[vi] Kabugwason—pang-umagang bituin; katumbas ng planetang Venus na masisilayan sa silangan tuwing medaling-araw o bago magbukang-liwayway.
Filed under: alamat, kuwento, mito, speculative poetry Tagged: Aruman, Arumanen, aso, bagyo, baha, gubat, Kamatayan, kasintahan, lawa, lupa, Manobo, Pag-ibig, Pinamaloy, utos
July 18, 2013
Filipinas ng Makabagong Panahon
Mainit magpahanggang ngayon ang panukalang paggamit ng “Filipinas” bilang opisyal at pangkalahatang tawag sa bansa, at may panukalang patayin ang “Pilipinas” at “Philippines”. Maraming umiismid, kung hindi man umaangal, na higit umanong dapat pagkaabalahan ang iba pang problemang panlipunan, gaya ng pagtugon sa kahirapan at gutom. Isang katawa-tawa pa, sabi nila, na baguhin ang nakagisnan ng mga Filipino.
Ang pagpili ng pangalan ay sumasalamin sa pangkalahatang kamalayan ng mga mamamayan; at kahit sabihing simple ang pagpapalit ng titik \P\ tungong \F\ ay maaaring umabot iyon sa pagsasaharaya ng kabansaan ng makabagong panahon, gaya ng panukala ni Tagapangulong Komisyoner Virgilio S. Almario at ng mga kasama niyang komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Isang rebeldeng panukala ang pagpapanumbalik sa Filipinas, at ang implikasyon nito ay higit na madarama ng mga kasalukuyang manunulat, editor, at kahit ng madlang mambabasa.
Inihayag kamakailan ng pitong propesor ng Unibersidad ng Pilipinas — na kinabibilangan nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino — na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit sa mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad.” Idinagdag pa nila na “matagal nang kinikilalang Pilipinas ang opisyal na pangalan ng bansa,” at nasa legal na dokumento gaya ng pasaporte, selyo, at pera.
Hindi ito totoo. Higit na naunang gamitin ang salitang “Filipinas” kaysa “Pilipinas,” at ang orihinal na paggamit dito’y mauugat pa sa Konstitusyong Malolos noong 1899. Saad nga sa Título XIV — De la Observancia y Juramento Constitucional y de los Idiomas, Artículo 93:
El empleo de las lenguas usadas en Filipinas es potestativo. No puede regularse sino por la ley y solamente para los actos de la autoridad pública y los asuntos judiciales. Para estos actos se usará por ahora la lengua castellana.
Ang paggamit umano ng mga wikang sinasalita ay hindi magiging sapilitan sa Filipinas. Hindi ito maisasabatas maliban sa bisa ng batas, at sa mga gawain ng publikong awtoridad at panghukuman. Sa gayong pagkakataon, ang wikang Espanyol ay pansamantalang gagamitin. Kaya paanong makapapasok ang Pilipinas sa dominyo ng kapangyarihan nang panahong iyon?
Ginamit ang salitang Filipinas mula sa tula ni Jose Palma, at siyang pinagbatayan ng pambansang awit, hanggang sa mga batas at regulasyon. Mula noon, ang Filipinas ay hindi na lamang isang pangalan bagkus tatak ng kalakal, pabrika, kapisanan, kasarian, kahusayan, kalayaan, at kabansaan.
Ang kauna-unahang selyo makaraang magwagi ang mga maghihimagsik ay tinawag na Correos Filipinas at may tatak pa ng Gobierno Revolucionario Filipinas noong 1899. Ang kauna-unahang pisong pilak na pinanday noong 1897 at ginamit sa buong kapuluan hanggang noong 1904, at may busto ni Alfonso XIII, ay may nakaukit na mga salitang Islas Filipinas. Ngunit ang kauna-unahang pasaporte sa ilalim ng Commonwealth of the Philippines ay nasa wikang Ingles, at nanaig mula noon ang taguring Philippines sanhi ng kampanya ng Estados Unidos bukod sa pagsunod sa Artikulo 1 ng Konstitusyong 1935.
Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 3 ng Konstitusyong 1935,
The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.
Magiging makapangyarihan ang taguring Philippines sa tulong ng Estados Unidos, ngunit mananatili ang Filipinas bilang opisyal na katumbas sa Espanyol, kaya paanong susulpot ang Pilipinas kaagad-agad, gayong pagkaraan pa lamang ng 1940 maipalalaganap ang balarila at diksiyonaryo ng wikang pambansa? Mula sa pelikula ay isisilang ang La Mujer Filipina (1927) na itinaguyod ni Jose Nepumuceno. Pagsapit ng 1958 hanggang dekada 1960 ay mauuso ang mga pelikulang hibong Hollywood, ngunit sisilang din ang pangalan ng Pilipinas, alinsunod sa kautusan mula sa Kagawaran ng Edukasyon na gamitin ang “Pilipino” sa lahat ng paaralan. Ang nasabing kautusan, na nilagdaan ni Kalihim Jose E. Romero, ang magtatakda ng taguri sa pambansang wika:
Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO shall henceforth be used in referring to that language.
Sa kautusan ni Kalihim Romero ay natural na sumunod ang Pilipinas sa Pilipino, alinsunod na rin sa naturang palabaybayan. Hindi makatotohanan kung gayon ang pahayag ng mga butihing propesor ng UP na pawang sumasalungat sa paggamit ng “Filipinas.” Ginagamit na ang Filipinas noon pa man, ngunit unti-unting mababago lamang ito dahil sa masugid na kampanya ng pagtataguyod ng ortograpiyang nakabase sa Tagalog, at yamang ang Tagalog ay tinumbasan ng \p\ ang lahat ng \f\ na mula sa salitang Espanyol at siyang inangkin sa Tagalog at pagkaraan sa Pilipino, hindi kataka-takang mapasama sa kampanya ang Filipinas at Pilipinas.
Bilang halimbawa, Café (kape), certificado (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico (panatiko), fantastico (pantastiko), farol (parol), farola (parola), fatalidad (patalidad), febrero (Pebrero), fecha (petsa) feria (perya), filosofia (pilosopiya), frances (Pranses), fundar (pundar), grifo (gripo), Filipinas (Pilipinas). Kung susuyurin ang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban, at ang Tagalog-English Dictionary ni Leo James English (1986) at Vicassan’s Pilipino-English Dictionary (1978) ni Vito C. Santos, ang lahat ng \f\ na mula sa mga salitang Espanyol na hiniram ay pinalitan lahat ng \p\ pagsapit sa Pilipino. Sa ganitong pangyayari, paanong makapananaig ang Filipinas?
Pinatay ang Filipinas sa diksiyonaryo at tesawro noong panahon ng Pilipino, ngunit mabubuhay lamang muli sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010) ni Virgilio S. Almario atbp pagkaraang pandayin nang ilang ulit ang makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987.
Kaya kahit noong deliberasyon sa Komisyong Kontitusyonal noong 1986, nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap ang Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.
Sumagot si Wilfrido Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.
Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas.” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag. Sinabi lamang niyang katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\. Hirit pa ni Gascon:
On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.
Mapapansin sa siniping transkripsiyon na kahit ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya ng Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog; samantalang ang gamit ng Filipino ay para sa mithing abanseng wika ng bansa. Ang binanggit niyang salin ay walang opisyal na imprimatur mula sa Surian ng Wikang Pambansa (na naging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas at ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino). At kahit ang LWP noong panahong iyon ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines. At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, maaaring mabago ang taguri sa bansa pagsapit ng Konstitusyong 1987, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.
Ang taguring Pilipinas kung gayon ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas ang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusan sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wika ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Pinag-uusapan din dapat ang tumpak na ispeling ng pangalan, upang maging konsistent ang tawag. Halimbawa, Filipino ang katumbas ng tao, wika, at konsepto, na ipapares sa Filipinas batay sa istoriko, huridiko at lingguwistikong pagdulog. O maaari din itong maging Pilipino na itutumbas sa tao, wika, at konsepto, upang umangkop sa Pilipinas. Maitatanong din kung bakit hanggang ngayon ay pumapayag ang mga Filipino na magkaiba ang tawag sa bansa nila alinsunod sa paggamit ng dalawang opisyal na wika. Sa ganitong mungkahi, kinakailangang susugan ang Saligang Batas 1987.
Inihayag pa ng mga propesor ng UP na “walang legal na batayan at paglabag sa Konstitusyon ang palitan ang Pilipinas” at gawing Filipinas. Walang katotohanan ang gayong pahayag. Nakasaad sa Artikulo XVI, Seksiyon 2, ng Konstitusyong 1987 na,
The Congress may, by law, adopt a new name for the country, a national anthem, or a national seal, which shall all be truly reflective and symbolic of the ideals, history, and traditions of the people. Such law shall take effect only upon its ratification by the people in a national referendum.
Ang pangalang Philippines, gaya ng Filipinas, ay hitik sa mga pahiwatig ng kolonyalismo. Gayunman, ang Filipinas, gaya ng taguring Filipino, ay umigpaw na mula sa makitid na pagpapakahulugan ng mga Espanyol at lumawak upang kumatawan sa modernong konsepto at malayang bansa. Ang Filipino, na dating minimithing yumabong at linangin, ay sumapit na sa mataas at abanseng antas bilang mamamayan, wika, at konsepto, at hindi na maaaring maikulong pa sa limitadong Pilipinas. Ang Filipinas ay hindi na lamang pelikula ni Joel Lamangan, o kaya’y patutsada sa mga babaeng nagbibili ng aliw.
Kaya hindi nakapagtataka kung lumitaw ang sumusunod: Filipinas Palm Oil Processing Incorporated; Filipinas Palm Oil; Bagellia Filipinas; Filipinas Alfa Company, Incorporated; Filipinas Synthetic Fiber Corporation; Filipinas Polypropelene Manufacturing Corporation; Compania de Filipinas; Digital Equipment Filipinas Incorporated; Funeraria Filipinas Incorporated; Filipinas Fair Trade Ventures; Compania General de Tabacos de Filipinas; Filipinas Aquaculture Corporation; Filipinas Agri-Planters Supply; Filipinas Dravo Corporation; Avia Filipinas International Incorporated; Filipinas Orient Airways Incorporated; Corporacion de Padres Dominicos de Filipinas; Filipinas Heritage Library; Filipinas Thermo King Incorporated; Filipinas Consolidated Sales; Islas Filipinas Food Products, Incorporated; Freyssinet Filipinas; Filipinas Multi-Line Corporation; Filipinas Systems Incorporated; Filipinas Consultants and Management Corporation; Tri-S Filipinas Incorporated; Filipinas Global Multiservices; Filipinas Mills; Filipinas Soda, at marami pang iba.
Nagkamali ang mga propesor ng UP nang sabihin nilang walang lingguwistikong batayan ang pagbabago mulang Pilipinas tungong Filipinas. Kung walang lingguwistikong batayan ay bakit patuloy na sumisibol ang Filipinas sa larangang pandaigdig at elektroniko? Ang mismong ortograpiyang Filipino ang magiging pandayan upang mapalinaw kung ano ang itatawag sa ating bansa. Ang Filipinas ay hindi lamang isang idea; at hindi newtral na salita na binabago lamang ang isang titik alinsunod sa arbitraryong nais ng mga komisyoner. Ginagawa iyon upang patuloy na mahubog ang makabagong kamalayan, na ang iniisip ay siyang binibigkas, at ang binibigkas ay siyang isinasabuhay. Nagmumungkahi rin ang Filipinas na tawagin ang bansa sa isang pangalan lamang—imbes na tatlo—na siyang magbubunsod ng pagkakaisa ng mga Filipino anumang lipi, relihiyon, at kapisanan ang kanilang kinabibilangan.
Nakalulungkot na kahit ang banggit ng mga butihing propesor ng UP hinggil sa kasaysayan ay saliwa. Filipinas ang ginamit nina Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio, ngunit pagsapit kay Bonifacio ay higit niyang itatampok ang Katagalugan, ang Inang Bayan na sumasaklaw ang pakahulugan sa buong bansa, upang maitangi ang diskurso ng Tagalog laban sa mga Espanyol na inaalagaan ng Inang Kuhila at Inang Sukaban [Madre España]. Hindi rin inilugar si Jose Corazon de Jesus, nang gamitin niya bilang makata ang Pilipinas sa kaniyang mga tula. Ang lunduyan ni Batute, palayaw ni De Jesus, ay ang pangarap na maging Tagalog ang wikang pambansa; at papanaigin kahit ang paraan ng panghihiram at pag-angkin ng mga salitang banyaga na makapagpapalago sa Tagalog. Kaya hindi kataka-taka kung isulong man niya ang Pilipinas; at kung ginamit man niya ang Pilipinas ay dahil maalam din siya sa Espanyol.
Mababaw ang pahayag ng mga propesor ng UP na sumasalungat sa Filipinas. Inaasahan ko ang higit na masigasig at marubdob na pananaliksik upang ibuwal ang pagtataguyod ng Filipinas at panatilihin ang namamayaning Pilipinas at Philippines. Nakayayamot din ang mga interbiyu sa mga karaniwang mamamayan sa midya, sapagkat ang debate ay dapat nasa antas na intelektuwal at hindi basta pagpupukol lamang ng mga walang batayang kuro-kuro, komentaryo o putik. Panahon na upang buksan ang Filipinas. At inaasahan ko ito kahit sa munting talakayan sa hapag ng Pangulo ng Republika ng Filipinas.
(“Filipinas ng Makabagong Panahon,” ni Roberto T. Añonuevo, 18 Hulyo 2013.)
Filed under: Kritika, opinyon, sanaysay, Wikang Filipino Tagged: bansa, Filipinas., kabansaan, katagalugan, konsepto, pangalan, panitikan, Philippines, pilipinas, politika, wika
June 24, 2013
Minahan ng Ginto sa Masbate
Napakalapit lamang ng Isla Masbate sa Maynila ngunit nakatago rito ang lihim na likas yaman. Nagluluwal ng 200 libong onsa ng bulawan ang Masbate kada taon, at katunayan, sang-anim [1/6] na ginto na matatagpuan sa buong bansa ay angkin ng nasabing isla, ayon sa websayt ng Leighton Asia. Binubutas, inuukit, at tinatabas ng Leighton Asia/Leighton Philippines ang kabundukan sa Masbate, upang pagkaraan ay tanggalin ang mahigit 14 bilyong tonelada ng basurang materyales at mahigit 14 bilyong tonelada ng mina [ore] sa loob ng walong taon.
Ibinunyag kamakailan ng Wikileaks na lumabag sa mga batas at reglamento ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. sa pagmimina sa Masbate, batay sa awdit report ng Bureau Veritas noong 2008. Ang Leighton Asia/Leighton Philippines ay pag-aari ng Leighton Holdings ng Australia, at pangunahing kontratista sa P2323 Masbate Gold Project.
Kabilang sa mga pagkukulang ng Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. ay ang sumusunod: una, lumabag ito sa OHSAS 18001 Occupational Health and Safety Series nang hindi nito isinaalang-alang ang buhay at kalagayan ng tao sa pagtukoy ng peligro at pagtatasa ng panganib; ikalawa, hindi sumunod ang kompanya sa mga reglamento kung katanggap-tanggap o hindi ang pagtatasa sa peligro.
Ayon pa sa natuklasan na pinangunahan ni Adarne Crispo, kasama sina Gayle Russel Capulong at Venson Ramos, at may petsang 20 Pebrero 2008, hindi sumunod ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. sa mga internasyonal na reglamento nang upahan nito ang mga di-awtorisadong tauhan sa paghawak at pagtesting ng radyoaktibong materyales. Hindi rin nasubok at walang sertipikasyon ang malalaking aparato sa mga kilalang organisasyon bago gamitin ang nasabing ekwipment. Nabigo pang iulat ng kompanya sa mga awtoridad ang isang aksidente nang ang IHI excavator ay mahulog sa malalim na hukay. Ang nasabing pagkukulang ay paglabag sa OSH Standard Rule, bukod sa inilingid sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at opisyal ng gusali. Nabatid ng pangkat na nag-inspeksiyon na dalawang tauhan ang nagpinta sa pook idrokarbon [hydrocarbon] nang walang permiso na magtrabaho.
Walang akreditadong praktisyoner sa kaligtasan ang kompanya, at walang natagpuan sa loob ng laboratoryo kung paano ang tumpak ng paghawak sa radyoaktibong materyales. May iba pang pagkukulang umano ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. na may kaugnayan sa pagsasapanahon ng aparato; pagkuha ng mga sertipiko sa kaligtasan ng pagsasakay sa barko at seguro sa mga pasahero; pagrepaso ng mga gamot at medisinang umaayon sa pamantayan sa kalusugan; at iba pang may kaugnayan sa kahusayan ng mga tauhan.
Filed under: bali-balita, balita Tagged: balita, bulawan, ginto, isla, likas-yaman, Masbate, mina, minahan, WikiLeaks
June 18, 2013
Aralin 2: Isang tanaw sa “Dry dock sa Shanghai” ni Reynel Domine
Dry dock sa Shanghai
ni Reynel Domine
1 Naghahalo ang hanggahan ng ulap
2 at ilog Yangtze –
3 naglalaho
4 may tsikwang nagsasampay ng sariling
5 buto sa dulo ng Crane
6 nagwewelding
7 sa tapat ng nakangangang
8 bodega
Hindi madaling gumawa ng maiikling tula. Ito ay sapagkat ang bawat salita sa maiikling tula ay kinakailangang salain upang makapagluwal ng mga elektrikong pahiwatig at pakahulugan. Hinihingi rin sa bawat taludtod ang malikhaing pagsasabalangkas ng diwain, nang hindi isinasakripisyo ang putol at untol ng mga parirala tungo sa malinaw na pangungusap at diwa.
Maihahalimbawa ang “Dry dock sa Shanghai.” Ang nasabing tula ay binubuo lamang ng walong linya, na ang mga taludtod 1-3 ay maipapalagay na nagtataguyod ng isang diwain; samantalang ang mga taludtod 4-8 ay nagtatampok ng nakalulula kung hindi man nakahihindik na tagpo ukol sa obrerong Tsino sa drydock (pagawaan ng mga sasakyang pantubig).
Pansinin ang latag ng mga taludtod 1-2: “Naghahalo ang hanggahan ng ulap/at ilog Yangtze—/” na ang salitang “naghahalo” ay waring hindi bumabagay sa “hanggahan ng ulap” (na maitutumbas sa “orisonte” ng Espanyol at “panginorin” ng Tagalog), at “hanggahan ng ilog Yangtze” (na maaaring dulo ng tubigang maaaring maabot ng tanaw). Kung sakali’t “naghahalo” ang mga imahen ng ulap at ilog, ang resultang imahen ay hindi ulap o tubig bagkus maipapalagay na isa pang hulagway—na sa pagkakataong ito ay mahirap na mailarawan sa guniguni.
Maipapanukala na palitan ang salitang “naghahalo” ng “nagtatagpo” upang lumitaw ang tagpong may limitasyon kahit ang napakalaking tubigan; at ang limitasyong ito ay susuhayan pa ng pagbabago ng kulay ng panginorin: “Nagtatagpô ang hanggahan ng ulap/at ilog Yangtze—” ngunit kahit ang ganito’y hindi nagbabalanse ang taludtod 1 at 2. Maiisip pa rin na ang taludtod 1 at 2 ay iisa ang tabas, at kahit putulin ang linya ay walang naikargang panibagong antisipasyon o kamalayan mula sa mambabasa. Ang taludtod 1 ay higit na mabigat kompara sa taludtod 2, at pagsapit sa taludtod 3 ay hindi mababatid kung ang “naglalaho” ay ang ilog Yangtze o ang ulap o ang kapuwa ilog at ulap. Nagkakaroon ng problema kung gayon sa sintaks ng tula, at ang ganitong kapayak waring bagay ang nakapagpapahina sa bisa ng pahiwatig.
Ang kawalan ng bantas ay nagpatindi pa ng kalabuan, sapagkat ang taludtod 3 ay puwedeng isiping tumatalon sa taludtod 4. Subalit mabibigong humantong sa gayong tagpo dahil sa pangyayaring may “naglaho” sa mga taludtod 1-2 samantalang may lumitaw pagsapit ng mga taludtod 4-5. Ang taludtod 3 ay maiisip na pantimbang sa taludtod 6, ngunit mauulit muli ang kalabuan sa sintaks sapagkat puwedeng ihakang ang “nagwewelding” ay hindi ang “Tsikwa” (Intsik o Tsino) bagkus ang “crane.” Lumalabas ang gayong pagpapakahulugan dahil ang “nagwewelding” ay napakalapit sa “crane” na maaaring natanggalan lamang ng pangatnig na “na” dahil wala namang bantas na kuwit.
Maraming uri ng crane, na ang iba’y ginagamit sa pagtatayo ng gusali, samantalang ang iba’y nakalutang sa tubig upang gamitin sa pagbabaon ng rig tungo sa paghigop ng langis sa atay ng lupa. Nakahihindik kung gayon ang tagpo na ang “Tsikwa” —na isang pabalbal na tawag na “Tsino” mula sa pananaw ng isang obrerong posibleng hindi Tsino—ay umakyat sa dambuhalang aparato hindi bilang buháy bagkus bangkay. Ang ganitong kabatiran ay pinatitingkad ng “pagsasampay ng sariling buto” sa napakataas na crane, samantalang sa ibaba’y waring nakaabang ang “nakangangang bodega” na handang lumunok sa nasabing obrero sa oras na siya’y mahulog nang hindi inaasahan.
Sumusukdol sa alyenasyon ng obrero ang tula sapagkat ang anuman ang lahi ng naturang obrero ay sinipat lamang siya na ordinaryong makina na ekstensiyon ng crane at bodega; at napapawi ang rikit ng ilog Yangtze at kulay ng ulap sa mga sandaling kinakailangang kumayod ang isang manggagawa para matapos ang proyekto.
Kailangang sipatin ang tula sa punto de bista na ang tumatanaw at siyang naglalarawan ng tagpo ay hindi rin ordinaryong tao. Ang naglalarawan sa tula ay posibleng manggagawa rin na nakapuwesto sa isang mataas na pook, sapagkat paano niya masisilayan ang “pagtatagpo” ng ilog at ulap (na isang rural na tanawin), at ang trabahador sa tuktok ng kreyn at ang bodega sa ibaba (na pawang sagisag ng modernisasyon) kung ang nakasisilay ay wala sa gayong estratehikong lugar? Ang naturang taktika ang kahanga-hanga, at sinematograpiko, at dating ginawa ng pamosong Pranses na manunulat na si Aloysius Bertrand na pasimuno sa pagkatha ng mga tulang tuluyan.
Maipapanukala pa ang sumusunod na rebisyon upang higit na luminaw ang isinasaad ng tula:
Isang Tanawin sa Drydock sa Shanghai
1 Nagtatagpo ang hanggahan ng ulap
2 at ilog Yangtze sa balintataw
3 upang kisapmatang maglaho ang kulay.
4 May Tsinong isinampay ang sariling
5 kalansay sa dulo ng kreyn, [crane]
6 at patuloy sa pagwewelding
7 sa tapat ng nakangangang
8 bodegang nakaabang wari sa ibaba.
Panukala lamang ito, at sa bandang huli’y ang kapasiyahan ng makatang Reynel Domine ang magtatakda kung saan niya ipapaling ang tuon ng kaniyang tula.
Filed under: Kritika, sanaysay, tula Tagged: drydock, ilog, Kritika, manggagawa, obrero, OFW, Tsino, tula, Yangtze
June 10, 2013
Aralin 1: Isang pagdulog sa tula ni Jemar Cedeño
1 Makailang ulit na lumabis labis,
2 lumabis ang dibdib sa nadamang galit;
3 galit na tuwirang bumasag sa bait,
4 bait na lugaming humalik sa hapis.
5 Pinanalanginang mapagtagumpayan,
6 na maipangalat nasawi ng liham;
7 upang mapag-uli buhay na naparam
8 ay hindi mautas sa dakong kawalan.
9 Nguni’t [sic] ang landasin ay dagling binuwal,
10 niyaong patnugot na kasuklam suklam,
11 hungkag na damdaming dinadalisayan,
12 ng siphayo’t dusang lubhang kalungkutan.
13 Wari’y paru-parong [sic] sa maunang tingin,
14 animo ay gandang walang di papansin;
15 nguni’t yaon pala’y ubod ng rimarim,
16 mabunying halimaw na kalagim lagim.
17 Kapita pitagang [sic] uod na dakila,
18 sa laman at buto’y lubhang mapanira;
19 matuwid na lakad pinapaging aba,
20 maikat’wiran [sic] lang ang sa kanyang nasa.
21 Nangagsipanago sa plumang maitim,
22 ng kabalakyutang walang kasing diin;
23 ni ang likong budhi’y di sisikmuraing
24 makipagkaniig sa musikong saliw.
25 Anupa’t ang langit sa kaitaasan,
26 tinakpan ng ulap ng kasiphayuan;
27 upang maitago ang luhang dumungaw,
28 sa silong ng matang nasukob ng panglaw.
Kargado ng pahiwatig ang salitang “erehe” na mula sa Espanyol na “hereje,” at kabilang sa mga pakahulugan nito bilang pangngalan, ayon sa Real Academia Española (2013), ay ang sumusunod: una, ang tao na sumasalungat sa mga dogma ng mga establisadong relihiyon; at ikalawa, ang tao na sumasalungat o isang akademya na bumubukod sa opisyal na linya ng opinyong ipinagpapatuloy ng institusyon, organisasyon, atbp. Kung gagamiting pang-uri, tumutukoy ito sa “walanghiya” at “balasubas”; at sa balbal na pakahulugan ay katumbas ng pagsasabi nang marubdob ngunit nakasasakit. Kung idaragdag ang balbal na pakahulugang ginagamit sa Cuba, ang erehe ay katumbas ng “pangit” o “di kaakit-akit” kung idirikit sa tao; o kaya’y mababa ang kalidad kung iuugnay sa bagay; o “napakahirap” kung idurugtong sa aspektong pampolitika at pang-ekonomiya.
Hindi magiging newtral na salita ang “erehe” kung gayon, lalo kung babalikan ang mga nobela ni Jose Rizal. Sa Noli me tangere, magiging erehe si Juan Crisostomo Ibarra sa paningin ng mga frayle dahil sa pagtatangka nitong magtatag ng bagong paaralan, makaraang makapag-aral siya sa Ewropa; gaya lamang na naging erehe ang kaniyang amang si Don Rafael na tumangging magsimba at mangumpisal, alinsunod sa pananaw ni Padre Damaso, at nagdusa hanggang mamatay sa bilangguan dahil ipinagtanggol ang isang batang sinasaktan ng artilyero. Erehe rin si Elias sa pagnanais nitong iangat ang kabuhayan ng kaniyang mga kababayan, at siyang sumasalungat sa mapagmalabis na patakaran ng Espanya. Sa El filibusterismo, ang “erehe” ay magkakaroon ng hugis sa mga katauhan nina Simoun (ang balatkayo ni Ibarra), Basilio, Kabesang Tales, Quiroga, atbp. Ang erehe kung gayon ay napakasalimuot na salita, at kung gagamitin itong alegorya o alusyon ay kinakailangang matatag ang sandigan nito sa loob ng tula.
Sa obra ni Jemar Cedeño na pinamagatang “Erehe” (2013), ang erehe ay marupok na ikinabit sa persona. Ang mga taludtod 1-8 ay mula sa isang tinig na nagsasalaysay hinggil sa sinapit na kasiphayuan ng isang maipagpapalagay na “erehe” ngunit kung ano ang pinaghihimagsikan nitong erehe ay malabo sa tula. Galit na galit umano ang isang manunulat, at nasiraan pa ng bait, ngunit kung bakit naging gayon ay hindi malinaw sa tula. Sa punto de bista ng pagtula, ang unang dalawang saknong (1-4, 5-8 taludtod) ay napakahalaga. Kinakailangang ipakilala muna kung sino ang hinayupak na erehe, at ipakilala ito sa isang pananaw na maaaring nakababatid sa kaniyang gawi o asal.
Kung ipagpapalagay na ang erehe ay isang manunulat na nagpadala ng liham sa isang patnugot [editor], ang patnugot ang nagdulot ng kalungkutan sa manunulat sapagkat maiisip na “mahinang sumulat” ang manunulat. Hindi agad ito mahihiwatigan, sapagkat nakalilito ang sintaks ng mga taludtod; at gumamit man ng isang anyo ng repetisyong gaya ng anadiplosis sa unang saknong ay nakapagpahina ito sa kabuuan upang maipakilala ang persona. Kung malabo ang tinutukoy na erehe, ang anumang larawan o pahiwatig na ikabit dito sa loob ng tula ay madaling guguho, at hindi na mapagtutuunan ang mga laro ng kapangyarihang mahuhugot sa istorikong alusyon o alegorya.
Isa pang problema sa obra ni Cedeño ay hindi binigyan man lamang ng pahiwatig kung sino ang patnugot. Kung gagawa ng tula, ang personang ipagpalagay nang isang manunulat ay dapat suhayan ng iba pang tauhang gaya ng editor. Hindi komo’t nagbanggit ng isang pangalan ang isang makata sa kaniyang tula ay sapat na. Kinakailangan ang paghahanda sa mga tauhan, sapagkat lalaylay ang mga pahiwatig nito kung gagamitin nang walang pakundangan.
Ang persona ay dapat ding ilugar sa isang pook o panahon. Ang paggamit ng salitang “erehe” sa kasalukuyang panahon ay dapat tumbasan ng pag-iingat upang hindi lumitaw na sinauna ang pagdulog sa tula. Nasaan ba ang persona sa tula? Walang nakaaalam. Maaaring ang persona’y nasiraan ng bait, at kung gayon nga, ang pook na kaniyang iniinugan ay maaaring sa daigdig ng imahinasyon. Ngunit nabigong maipakita ang gayon sa tula; at isang ehersisyo ng labis na pagbasa kung ipagpapatuloy ang nasabing haka.
Marupok ang mga taludtod 13-28. Binanggit ang salitang “paruparo” sa taludtod 13, ngunit kung kanino ito inihahambing o itinatambis ay malabo kung sa manunulat ba o sa editor. Maaaring sa editor, subalit nabigo muli ang awtor sa pagpapahiwatig kung bakit ang editor ay naging “paruparo” na sa unang malas ay marikit ngunit nang lumaon ay naging karima-rimarim, kung hindi man kahindik-hindik. Ang ginamit na taktika ng pagmamalabis sa deskripsiyon ay hindi nakatulong sa tula. Sa paggawa ng tula, ang pagsasaad ng mga larawan ng persona o kausap ng persona ay dapat kalkulado, masinop, at malinaw. Upang maipamalas na halimaw ang kausap ng manunulat-persona, kinakailangang marahan at sunod-sunod itong ipamalas kumbaga sa pagkakatalogo ng mga katangian.
Halimbawa ng pagkakatalogo ay una, “mapanira” at kung bakit naging ganito ay kinakailangan ng mga hulagway o imahen sa tula. Ikalawa, “mapagbalatkayo” raw ang kalaban ng persona, at muli kinakailangang patunayan ito sa loob ng tula. Madaragdagan pa ang mga imahen, alinsunod sa nais ng awtor. Naging OA ang tula ni Cedeño sapagkat naglista siya ng mga salitang gaya ng “kasuklam-suklam,” “siphayo,” “dusa,” “kalungkutan,” “aba,” at “luha” na pawang nabigong tumbasan ng mga pahiwatig na mag-aangat sa kalagayan ng persona. Ang mahuhusay na halimbawa ng pagkakatalogo ng mga salita ay matutunghayan sa mga tula nina Rio Alma, Mike L. Bigornia, Lamberto E. Antonio, Teo T. Antonio, Rogelio G. Mangahas, at Fidel Rillo.
Ang persona, na naipasok sa isang pook at panahon, ay malilinang sa anumang nais ng makata. Nais ba ng awtor na ipamalas ang “kasiphayuan” ng persona? Puwes, kinakailangang maglatag siya ng mga pangyayari o paglalarawan ng magsusukdol sa gayong layon. Hindi sapat ang paglilista ng mga salitang magkakatugma, na parang kolektor ka lamang ng mga magkakasingkahulugang salita. Kinakailangan ang masinop na pagsasaayos.
Ang kabulagsakan sa paggamit ng tugma ay mapapansin kahit sa mga taludtod 5-12 na pawang iisa lamang ang tugma (bbbb, bbbb), bukod sa tugmang karaniwan pa. Kung babalikan ang mga payo ni Lope K. Santos, ang tugma at sukat ay siyang panlabas na anyo ng tula o pisikal na katawan ng tula; samantalang ang “talinghaga” at “kariktan” ay pinakakaluluwa. Sa paggawa ng tula, kahit ang paggamit ng tugma ay dapat umaayon sa damdaming nais ipahiwatig mula sa isang persona, pook, o panahunan. Hindi sapat na magkakatugma ang dulong salita ng mga taludtod; kinakailangang iayon ito sa partikular na damdaming nais ihayag sa tula.
Mapapansin din na hindi sumusunod sa makabagong ortograpiyang Filipino ang obra ni Cedeño, sapagkat kinudlitan pa ang “nguni’t” at “makat’wiran” na puwedeng gamitin ang “ngunit” at “makatwiran.” Ang “paru-paro” ay ginitlingan, gayong hindi na kailangan sapagkat hindi naman ugat na salita ang “paro” at kahit pa may salitang “paparó” na isang uri ng malaking kulisap. Napakahalaga sa isang makata na sumunod kahit sa makabagong ortograpiyang Filipino upang hindi magmukhang sinauna ang ispeling ng mga salita, maliban na lamang kung sinadya ito.
Sa pangkalahatan, ang mga taludtod 25-28 ay korni ang datíng sapagkat paanong malulungkot ang langit sa sinapit ng persona kung ang hindi alam ng langit ang pinagmumulan ng persona? Bago malungkot ang langit, dapat maipakita muna sa mambabasa na karapat-dapat kaawaan ang persona. Inapi ba ang persona-manunulat? Puwes, ilatag ito sa mga detalye. Ang makapangyarihang puwersa na umaapi sa persona ang nabigong ilahad o ilarawan sa obrang “Erehe” ni Cedeño. Ang pagiging erehe kung gayon ng manunulat o kahit ng patnugot ay wala sa lugar; ginamit lamang ang salitang erehe nang walang ingat at sapat na bait. Ang aral na ito ay dapat matutuhan kahit ng mga estudyanteng nagsisimulang tumula.
Filed under: Kritika, panitikang Filipino, tula Tagged: aralin, erehe, filibustero, kalungkutan, Kritika, manunulat, panahon, patnugot, persona, tula
June 4, 2013
Ang Batas, ni Hissa Hilal
Salin mula sa tulang Arabe ni Hissa Hilal
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Batas
Nakita ko mula sa paningin ng mga subersibong fatwa ang panahon na ang matapat sa batas ay lumalabag sa batas.
Nang inilantad ko ang katotohanan, lumitaw ang halimaw mula sa kaniyang kanlungan—isang halimaw na barbaro kung mag-isip at kumilos, bukod sa nagngangalit at bulag; suot niya ang damit ng kamatayan at sinturong sumasabog.
Nagwiwika siya mula sa platapormang opisyal at makapangyarihan, sinisindak ang bayan at dinaragit ang sinumang naghahanap ng kapayapaan. Tumakbo palayo ang tinig ng katapangan, at ang katotohanan ay sinikil at binusalan, sa sandaling ang pansariling kabutihan ay pinipigil ang sinumang magsabi nang walang kabulaanan.
Si Hissa Hilal habang bumibigkas ng kaniyang tula.
Filed under: halaw, salin, tula Tagged: Babae, batas, fatwa, halimaw, kapangyarihan, katotohanan, kautusan
Roberto T. Añonuevo's Blog
- Roberto T. Añonuevo's profile
- 10 followers

