Roberto T. Añonuevo's Blog, page 13

April 1, 2012

Ang Sining ng Anlowagi

Unti-unting nabubura sa gunita ang salitang “anlowagi,” bagaman nananatili sa malalayong lalawigan, at ang humalili ay ang popular ngunit hiram na salita sa Espanyol. Kabilang ang “anlowagi” sa mga sinaunang Tagalog na itinutumbas sa salitang “karpintero,” ayon sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Ang salita ay binaybay noon sa paraan ng pagbaybay ng Espanyol, “anlouagui” na maaaring maghunos na pandiwa kapag nilapian ng unlaping \mag-\, samantalang tumutukoy din sa bagay na ginagawa, halimbawa sa salitang “pinag-aanlowagihan.” Ipinapahiwatig naman ang lugar ng gawaan kapag nilapian ng hulaping \-han\, ang anlowagi, gaya ng sa “anlowagihan.”


Ang “anlowagi,” na sa kasalukuyang panahon ay binabaybay na “anlowage,” “anluwage,” “anloagi,” “alwagi,”  at iba pa, ay kumitid ang pakahalugan kung babalikan ang mga kasalukuyang diksiyonaryo at tesawro, at ikinakabit na lamang sa mga gumagawa ng muwebles na yari sa kawayan, yantok, at nipa, gaya ng papag, dulang, duyan, at kubol. Ang kapalaran ng anlowagi ay parang naging kapalaran ng “panday,” na noong sinaunang panahon ay hindi lamang sumasakop sa paggawa ng metalikong bagay bagkus kahit sa paggawa ng bahay, muwebles, at iba pang kasangkapan sa karpinterya at agrikultura.


Makapangyarihan ang hulagway ng anlowagi sapagkat ikinakabit sa kaniya ang naging kapalaran ni Hesus sa Bagong Tipan, na naging Kristo pagkaraan, at isinakripisyo ang sarili para sa kaligtasan ng sambayanan.


Maituturing na sining ang pag-aanlowagi, at gaya sa paggawa ng tula, ay nangangailangan ng sapat na plano ng arkitekto at siyentipikong gabay ng inhinyero, bukod sa tumpak na pagsasakatuparan ng karpintero at peon. Kung paniniwalaan ang batikang eskultor na gaya ni Jerusalino “Jerry” Araos, dapat alamin kahit ang uri at tanda ng kahoy, saka sundin ang mga linya ng himaymay sa pagtabas, pag-ukit at pagbuli, upang ang likás na kariktan ng kahoy ay lumitaw at maikubli ang panghihimasok ng tao sa kalikasan. Upang maisagawa ang masining na pag-aanlowagi, kinakailangan ang mga kasangkapan at pagsasanay sa panig ng anlowagi.


Sa paggawa ng tula, ang plano ay panloob na disenyo na binubuo sa isip at isinasalin sa papel ng makata. Nakasalalay sa plano ang magiging daloy, lohika, at wakas ng tula. Upang maging kapani-paniwala ang tagpuan at persona, ang plano ay dapat naglalatag ng mga hulagway at pahiwatig na sa unang malas ay payak, ngunit kapag pinagtambal-tambal at pinagbulayan nang matagal ay nagbubunyag ng kagila-gilalas na kabatiran. Ang pag-urirat ng plano ay higit na kailangan ng makata imbes ng mambabasa, dahil ang mambabasa ay malimit na natatangay ng damdamin imbes na lohika sa pagbasa. Ihalimbawa natin ang piyesang “Anluwage” ni Alvin Capili Ursua, na nagwagi ng titulong “Makata ng Taon” sa Talaang Ginto ngayong 2012.


Ang obra ni Ursua ay binubuo ng tatlong saknong, na ang maiikling una at ikatlong  saknong ay iniipit ang ikalawang mahabang saknong. Walang sukat at tugma, ang tula ay nagtatangka wari sa eksperimento ng tuluyan, na ang tagapagsalaysay ay nakauunawa sa katauhan ng anlowagi. Ang tagapagsalaysay, na may omnisyenteng pag-iral, ang susi sa pag-unawa ng tula. Kung sisipatin mula sa labas ng tula, ang tagapagsalaysay ay puwedeng basahin na tagapagbunyag sa katauhan ng pambihirang anlowagi (tingnan, taludtod 101-102), alinsunod sa kumbensiyonal at di-kumbensiyonal niyang pagkakakilala, at ang anlowagi ay nakasalalay ang kapalaran sa punto de bista ng tagapagsalaysay. Kung sisipatin mula sa loob, ang anlowagi—na ipinakilala ng tagapagsalaysay—ay umaangkas sa realidad na maaaring timbangin ang sining batay sa mga kinatalogong salita, hulagway, at pangyayaring buhat pa rin sa pananaw ng malikhaing tagapagsalaysay na nakikisimpatya sa kapalaran ng anlowagi. Sa loob ng tula, ang husay ng tagapagsalaysay ay puwedeng suriin alinsunod sa ginawa niyang rendisyon sa buhay ng anlowagi. Ngunit sa labas ng tula, ang anlowagi ay maaaring kabitan ng mga pahiwatig at interpretasyon, kahit yaon ay malayo sa hinagap ng tagapagsalaysay.


Kung ang inilarawang anlowagi ay hindi karaniwang anlowagi, ayon sa tagapagsalaysay, ano ang mga katangian niya para masabing higit siya sa karaniwan? Maaaring balikan ang tula na binubuo ng 125 taludtod, at pigain sa mga sumusunod:


1. Umuwing pagod ang dukhang anlowagi mula sa pagawaan.

2. Mapagtiiis ang anlowagi pagsapit sa bahay kahit mahirap.

3. Ang katatagan ng anlowagi ay kawangis ng munting bahay na matibay anuman ang simoy ng panahon.

4. Ang anlowagi ay mapagmahal sa kaniyang pamilya.

5. Ang anlowagi ay inuuna ang tungkulin sa bayan kaysa pamilya kapag may sakuna.

6. Hindi mapagsamantala ni mapanira ang anlowagi.

7. Ang anlowagi ay pagpapatuloy sa henerasyon ng pagiging anlowagi ng kaniyang ama.

8. Mahina na ang pisikal na katawan, bukod sa nasisiraan ng loob, ang anlowagi.


Hindi payak ang paglalarawan sa anlowagi, dahil ang tagapagsalaysay ay nagpapasok ng kaniyang saloobin hinggil sa naturang tao. Mapapansin ito sa mga sumusunod na taludtod:


1. Ang anlowagi ay lunan ng tunggalian at himagsikan sa pagsapit ng modernisasyon (taludtod 17-18).

2. Ang tagapagsalaysay, na may kolektibong tinig, ay posibleng kaanak ng anlowagi ngunit muslak wari sa paghihirap nito (taludtod 21-31).

3. Ipinaaalam wari ng tagapagsalaysay na may tungkulin ang anlowagi sa lipunan, at maipapalagay na pagpapasan ng krus gaya ng ibang dukha (taludtod 40-42).

4. Iniisip ng tagapagsalaysay na maaaring nagbubulay din ang anlowagi sa rebolusyon na nagaganap sa kabila ng kabundukang tanaw nito (taludtod 59-61).

5. May namumuong poot sa loob ng anlowagi ngunit hindi malinaw kung bakit at ano ang ugat nito (taludtod 66-69).

6. Ang anlowagi ay inihambing sa makata na puspos ng damdamin at masatsat (taludtod 70-74).

7. Layon ng anlowagi na komponihin ang lahat ng sirang bagay, ngunit ang kaniyang sakiting katawan ay nabigong paginhawahin ng lipunan (taludtod 105-110).

8. Nananawagan ang tagapagsalaysay sa anlowagi na huwag mawalan ng pag-asa, manalig na ang daloy ng kasaysayan ay panig sa mga dukha, at maisiwalat sa darating na panahon ang mga lihim ng pagpupunyagi ng anlowagi (taludtod 113-125).


Kung sisipatin mula sa labas, ang tula ay nagsisikap na ipakita ang de-kahong paglalarawan ng pakikibaka ng isang tradisyonal na anlowagi na inabutan ng modernisasyon sa lipunan. Salát ang anlowagi sa bukál ng yaman na makaiimpluwensiya sa produksiyon ng mga bagay sa lipunan, at ang anlowagi ay nananatiling munting piyesa sa dambuhalang mekanismong nagpapaandar ng matalinghagang makina. Ngunit kung sisipatin sa loob, ang tula ay malaki ang pagkukulang upang maitanghal ang katangian at kasaysayan ng anlowagi na dumanas ng deshumanisasyon at humaharap ngayon sa napipintong rebolusyon sa kahirapan. Higit na mapapansin ang panghihimasok ng tagapagsalaysay— na puwedeng ipagpalagay na matalik sa anlowagi—sa agos ng salaysay o paglalarawan at pilít ang paglalahok ng mga diwaing magbibigay ng katwiran sa pag-aaklas.


Nakapanghihinayang na ang obra ni Ursua ay masatsat at waring hindi gawa ng anlowagi bagkus ng bagitong peon. Ang madulaing tagpo na binuksan sa unang taludtod, na ipinahihiwatig ng langay-langayan, at inulit sa pangwakas na taludtod, ay lumalaylay. Ito ay dahil ang umuwing anlowagi ay nakulong sa deskripsiyon sa loob ng bahay, at upang makawala sa naturang tagpo ay kinakailangang manghimasok at magbigay ng saloobin ang tagapagsalaysay. Ngunit ang gayong taktika ang sumiki rin sa tagapagsalaysay, na nagbulalas ng kabatirang katulad ng sa kabataang aktibista na nakipamuhay sa pamayanan (tingnan, taludtod 40-51).


Mapahuhusay pa ang akda ni Ursua kung susubuking tabasin ang mga taludtod, pungusin ang walang saysay na kabulaklakan, at linangin ang tagapagsalita sa tula. Maimumungkahing gumawa ng krokis si Ursua, at mula roon ay mailalatag niya ang disenyo ng kaniyang tula: mulang pagkamulat sa abang kalagayan hanggang pag-aaklas na indibidwal o kolektibo hanggang pagbubuo ng bagong tahanan na ang mga kasapi ay lumalasap ng pantay-pantay na karapatan.


Mahalaga ang pangmaramihang tinig na tagapagsalaysay—na dapat isaalang-alang muli ng makata—dahil ito ang magbubunyag sa katauhan, kamalayan, desisyon, at pagkilos ng anlowagi. Bago sumapit sa yugto ng pag-asa, ang anlowagi ay dapat makita sa kaniyang sarili at kaligiran ang mga pahiwatig na magbibigay sa kaniya ng lakas ng loob upang maniwala sa kinabukasan. Hindi makapagbibigay ng pag-asa ang sakiting katawan; maliban na lamang kung ang iba pang anlowagi o kaanak o kaibigan ng anlowagi ay mabubuksan ang kamalayan sa abang kalagayan ng buhay-anlowagi na magtutulak sa kanila upang mag-aklas. Kung magagawa iyon ni Ursua sa kaniyang tula, maitatampok ang kaniyang anlowagi nang tapat at hindi romantisado, at maipamamalas sa masining na paraan, nang walang pangamba anuman ang ideolohiya o politikang kinaaaniban.



Filed under: Kritika, tula, Tulang Filipino Tagged: anlowagi, anluwage, bahay, karpintero, karpinterya, Kritika, kritisismo, Talaang Ginto 2012, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 01, 2012 00:53

March 29, 2012

Ortograpiya ng Modernong Pangasinan

Malaki ang ipinagbago ng lalawigan ng Pangasinan sa antas ng impraestruktura, agrikultura, pangisdaan, turismo, kultura, at pagmimina sa mga nagdaang taon, at ngayon ay maidaragdag ang isa pa: wika. Mabigat na usapin ang Pangasinan bilang wika dahil ang heograpiya ng Pangasinan ay bukás sa mabibilis na migrasyon at transaksiyon ng mga tao. Ang komunikasyon ay hindi na dominado ng taal na Pangasinan, bagkus ng iba pang wikang gaya ng Agta,  Bikol, Bisaya, Bulinaw, Iluko, Ifugaw, Kapampangan, Maranaw, Palawan, Sambal, Tagalog, at iba pa. Ang dating Tagalog ay naghunos ng anyo at naging Filipino, na lalong lumakas sa dami ng mga akdang nalalathala sa anyong papel o elektronikong paraan.


Kahit ang mga pangunahing estasyon sa telebisyon at radyo sa lalawigang Pangasinan ay nasa wikang Filipino na. Ito ay marahil sa pangyayaring kinikilala na sa buong Pangasinan na ang buong lalawigan ay tagpuan ng sari-saring tao na iba’t iba ang pinagmulan, at dahil iba-iba ang interes at kalooban ay kinakailangang pag-isahin kahit sa antas ng diskurso at komunikasyon. Sa pagkakataong ito, ang pagpapakilala muli sa wikang Pangasinan ay isang paraan ng pagbawi sa nakaraan at paghalukay sa gunita, na ngayon ay magsisimula sa pagpupundar ng isang masasandigang ortograpiya.


Kinakailangan ang ortograpiyang Pangasinan, dahil ang mga tekstong Pangasinan ay nananatiling sinauna ang pagbaybay na waring matapat na pagsunod sa mga frayleng Espanyol, na gumagamit ng wika alinsunod sa pamantayan ng Espanyol. Sa makabagong ortograpiya, ang paraan ng panghihiram ng salita sa mga wikang banyaga,gayang Espanyol, Ingles, Pranses, Hapones, at Tsino, ay sinisikap lapatan ng mga panuto kung paano isasakatuparan nang sa gayon ay mapabilis ang pag-angkin ng mga salitang hiram at makatulong pagkaraan sa pagpapalago ng korpus ng Pangasinan.


Mapapansin kung gayon na ang paraan ng panghihiram sa Espanyol sa panig ng Pangasinan ay hindi nalalayo kung ihahambing sa ginawang paraan ng panghihiram ng banyagang wika sa makabagong ortograpiyang Filipino. Ginawa ito upang mapabilis at mapagaan ang panghihiram, at nang maiwasan ang arbitraryong paraan ng pagbabaybay na walang masinop na batayan. Makikita ito sa adaptasyon ng kambal-patinig, diptong, triptong, pagsisingit ng katinig na \y\ o \w\ kapag nauuna ang mahihinang patinig na \i\ at \u\ sa malalakas na patinig na \a\, \e\, at \o\. Ang paraan ng panghihiram sa Espanyol ay isinaalang-alang din ang bigkas na \ng\,gayasa “konggreso” [congreso], “bángko” [banco], at engkanto [encanto]. Tinimbang din ang pagkaltas sa \h\ o \u\ sa orihinal na Espanyol kapag hindi binibigkas, gaya ng sa “arina” [harina], “asyenda” [hacienda], at “elado” [helado], o kaya’y “eskirol” [esquirol], “eskema” [esquema], “keso” [queso].


Ngunit higit pa rito, maraming hispanisadong salita sa Pangasinan, na kahit ang mga pangalan ng bayan ay nasusulat pa rin sa sinaunang pagbaybay. Halimbawa na rito na “Balungao” [balunggáw, na binibigkas kung minsan na ba·lú·ngaw], Calasiao [kalasyáw], Laoac [láwak], Malasiqui [malasikí], at Manaoag [manáwag]. Maraming natuklasan dito si P. Immanuel Sison Escano, na bilang alagad ng Simbahan at eskolar sa wikang Pangasinan, ay maglilitanya ng samot-saring salitang taal sa Pangasinan na hispanisado ang pagkakasulat, at nagbabanta ngayong gumawa ng modernong diksiyonaryo, bokabularyo, at tesoro na papalit sagayang kina Lorenzo Fernández Cosgaya, Anastacio Austria Macaraeg, at Mariano Pellicer.


Hindi pangwakas ang mga panuto na ginawa sa Ortograpiyang Pangasinan, at inaasahan ang patuloy na pagbabago habang pinipino ang mga ito. Ito ay dahil ang mga paraan ng panghihiram, halimbawa sa Ingles, ay hindi pa ganap na pulido at napakarami ang paraan ng pagbigkas sa patinig at katinig. Ang mga panuto sa panghihiram sa Ingles ay masasabing pansamantala, habang sinusuri pa ng mga eksperto ang mga mungkahing hakbang sa pagtanggap at pang-angkin ng mga salita. Sa kabilang dako, hindi pa ganap na tapos ang diskusyon sa paggamit ng \i\ sa mga taal na salitang Pangasinan, at ang pag-angkin ng titik \e\ sa mga salitang hiram. Bagaman waring nalutas na ang kaso ng mga titik \o\ at \u\ sa mga taal na Pangasinan, at kung alin ang mauunang lumitaw sa loob ng isang salita, ang panuto hinggil dito ay nangangailangan pa ng karagdagang halimbawa na maaaring hugutin sa mga nalathalang panitikan.


Inaasahang malaki ang maitutulong ng ortograpiyang Pangasinan sa pagpapaunlad ng panitikang Pangasinan at pagsasalin ng mga tekstong banyaga. Magiging gabay ito sa pagpapalathala ng mga susunod na akda, kaya kinakailangan ang pagsasanay sa panig ng mga editor at manunulat. Ang produksiyon ng mga akdang Pangasinan ay isang usaping nangangailangan ng bukod na talakay, at marahil inuman, ng mga tarikang dalubwika, manunulat, at editor. Idiniriin lamang dito na kung may magiging padron ng paraan ng pagsusulat, panghihiram, at pagsasalin ng mga salita, ang padrong ito ay dapat aktibong pakialaman ng mga manunulat at editor, at panghimasukan ng madla bilang aktibong kritiko at konsumidor ng mga akdang pampanitikan. Sa ganitong paraan, ang madla ay hindi nagiging pasibong tagasagap lamang ng mga salita o obra ng mga manunulat. Ang madla ay posibleng maging aktibong tagapag-ambag sa pagpapalago ng panitikan, at matututong tumutol lumunok ng mga patakbuhing kathang popular, at kung pumuri may ay maaasahang magtataglay ng maselang panlasa at matayog na kamalayán.


Makabubuting pahalagahan ng buong lalawigan ang pagsisikap na bumuo ng Ortograpiyang Pangasinan. Sa pamamagitan nito, mahuhutok maging maláy at maingat ang mga mag-aaral, bukod pa ang mga manunulat, mananaliksik, at editor, hinggil sa mga katangian ng mga salitang taal, hiram, balbal, jargon, siyentipiko, bagong-likha, at iba pa. Magkakaroon ng padron sa pagsulat, ispeling, bantas, at bigkas, na sa paglipas ng panahon ay magtatampok nang malalim at malawak sa kaakuhan ng Pangasinan hindi lamang bilang pook bagkus isang kabihasnan. Ang pagpapahalaga ay maaaring magsimula sa mismong paggamit ng wikang Pangasinan sa mga pang-araw-araw na komunikasyon, mulang pamilya hanggang diyasporang Filipino saanmang panig ng mundo. Magkakaroon pa ito ng suhay dahil ang pambansang adyenda ng administrasyon ni Pang. Benigno S. Aquino III ay nakatuon sa paglinang ng mga wikang panrehiyon tungo sa pagpapalakas ng pambansang wikang Filipino, habang bukás sa mga pagbabago sa internasyonal na ugnayang gagamit sa Ingles at iba pang banyagang wika. Ang mithing ito ni Pang. Aquino ang mithing nais lagyan ng laman at buto ng Komisyon sa Wikang Filipino.


Makasaysayan ang pagpupunyagi sa Ortograpiyang Pangasinan sapagkat aktibong nakilahok si Gob. Amado T. Espino Jr. sa pamamagitan ng pag-aabot ng ayudang pinansiyal at moral sa pangkat. Kung hindi dahil sa butihing gobernador, posibleng nabalam pa ang pagbubuo ng ortograpiya dahil napakahirap tipunin ang mga dalubwika, edukador, manunulat, editor, at kritiko sa isang pook upang pag-usapan ang wikang pambihira ang pahiwatig at pakahulugan. Dapat ding pasalamatan sina Panlalawigang Administrador Rafael F. Baraan at Punong Panturismo Maria Luisa A. Elduayan na pawang walang sawa sa pagsubaybay sa pangkat, at nagbuhos ng panahon at pagod para maisakatuparan ang lunggati sa wika.


Sa dakong huli, ang tagumpay ng ortograpiya ay nasa palad ng mga Pangasinense. Kung hindi gagamitin, lilinangin, at palalaganapin ng mga Pangasinense ang Pangasinan sa loob ng lalawigan o sa iba pang panig ng kapuluan kung hindi man sa ibayong sa ibayong-dagat, ang Pangasinan ay nakatadhanang mamatay. Kaya hinahamon ang lahat na makilahok sa proyektong ito. Hinihimok ang bawat isa na magpukol ng mabibigat na puna at mungkahi, nang maisaalang-alang ng mga dalubwika at mailahok bilang makabuluhang panuto, susog, at tala sa susunod na Modernong Ortograpiyang Pangasinan.



Filed under: kasaysayan, sanaysay, Wikang Filipino Tagged: kasaysayan, kultura, modernisasyon, moderno, ortograpiya, pagsasalin, Pangasinan, panitikan, wika
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on March 29, 2012 18:38

March 9, 2012

Bulkan at Baybay

Maliligaw ka minsan sa mga pook na ito, at kung wala mang salapi, sapat na ang iyong matalas na gunita upang ipaloob ang mga hulagway na maaaring hindi na muling maulit pa sa hinaharap. Mulang bulkan hanggang dalampasigan, asahan ang pagbabanyuhay. (Mga kuhang larawan ni Bobby Añonuevo. Albay, Bikol. 2012.)

Mayon sa takipsilim


Parisukat. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012. Daan. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012. Al Bai. [image error]






Filed under: retrato Tagged: baybay, Bulkang Mayon, dagat, dalampasigan, gabi, Mayon, takipsilim
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on March 09, 2012 18:34

February 29, 2012

Abogasya at panitikan

Binabati ng Alimbukad ang dalawang tao na nakapasa sa pambansang pagsusulit sa larangan ng batas at abogasya ngayong taon, at sila ay walang iba kundi sina  Mary Grace C. Panganiban-Mendoza at Jose Y. Dalisay III. Nawa’y lumawig ang kanilang karera sa pagiging abogado o hukom sa darating na panahon, at makatulong sa taumbayan sa paghahatid ng katarungan at kaayusan sa lipunan. Inaasahan ko ring makakatuwang sila ng mga manunulat sa pagtatanggol sa mga karapatang-isip at akdang pampanitikan.


Hinuhulaan kong babaha ng alak diyan sa Bulakan, aahon sa mga palaisdaan ang mga plapla, sugpo, at talaba, at magpapapista ang aking kaibigan at makatang oragon na si Gil Mendoza.



Filed under: anunsiyo Tagged: abogado, Bar exams 2012, batas, pagbati
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on February 29, 2012 06:26

February 28, 2012

Destiyero at Digmaan, ni Hassan Najmi

salin ng mga tula ni Hassan Najmi mula sa Morocco.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.


Ang Destiyero

para kay Abbas


Mga palad nila’y pawang ataul
At ang mga ulo’y salakot ng malalayong ulap.
At sa kanilang likod ay naroon ang panahon
Na walang mga paso ng bulaklak
O mga sandata
na pawang naiwan nila kung saan.
At ang pag-alis ay siya ring pagbabalik
Bagaman hindi na sila magbabalik pa.


Ang Digmaan

Hinanap ko ang ligtas na pook
para sa halimuyak ng aking ina
At itinago ang rosas sa aking dugo.


Tahimik na sumapit
ang aking ina sa aking panaginip.
Hinagkan niya ang aking noo
at nag-iwan ng asin sa ilalim ng unan.


Sumagitsit sa langit ang elektrisidad.
At ang lupain ay sumisibol
sa dugo ng isang martir.


Nasilayan ko ang mukha ni ina.
Nakita ko iyon sa tren na dumaan
kanina na sakay ang mga bangkay.


Maliit na Babae

Sa maunos na gabi’y umiyak siyang nakatayo.
Gaya ng walang patid na ulan siya’y lumuha.
Ipinako ko ang mga mata doon sa aklat.
Hindi ko pinahid ang kaniyang mga luha.
Bago ako humiga para matulog,
lumitaw siya sa dulong kabanata ng nobela.
Upang hindi na siya umiyak pa,
ipininid ko ang aklat, at tinakpan ng unan ang ulo.



Filed under: halaw, salin, tula Tagged: Babae, bangkay, destiyero, digmaan, halaw, ina, mukha, panaginip, salin, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on February 28, 2012 07:09

Roberto T. Añonuevo's Blog

Roberto T. Añonuevo
Roberto T. Añonuevo isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Roberto T. Añonuevo's blog with rss.