Roberto T. Añonuevo's Blog, page 11
November 25, 2012
Aralin sa Dyip
Sumibad ang dyip sa daan. Sumibad ang sarikulay na dyip na sakay ang sampung pasahero sa walang hanggahang daan. Ang daan ay kalyehon at haywey sa loob ng parisukat sa loob ng bilog, at ang bilog ay isang tuldok sa puso. Ang sampung pasahero ay sampung identidad na iisa ang katawan, ngunit kung ito ang itinitibok ng puso ay walang makaaalam. Iisang katawan at sandaang kalooban. Kung paano mo nauwaan ang mga pasahero ay pag-unawa sa dyip na umaandar o nakahinto. Samantala’y parang bandila ang mga kulay, iba ang nakapahid sa balát at iba ang balát sa ilalim ng bálat. Itatanong mo kung dyip nga ba iyan o banderitas sa pista at halalan. Sumibad at huminto ang dyip. Naglaho ang mga kalye, at walang kanto ng kanan o kaliwa. Saan daan ka sumibad? Kung ako ang tsuper mo’y isasakay kita tungo sa kalawakan ng itim. Ngunit hindi ako tsuper, bagkus malaya mong isiping batas na itatakda ni Newton o Galileo.
["Aralin sa Dyip," tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo, 26 Nobyembre 2012]
Filed under: Tulang Tuluyan Tagged: daan, dyip, haywey, itim, kalooban, kalyehon, katawan, kulay, pasahero, tsuper, tula, Tulang Tuluyan
October 6, 2012
Give Up Tomorrow
Napapanahong mapanood ng mga estudyante at guro ang dokumentaryong pelikulang Give up Tomorrow (2012) nina Michael Collins at Marty Syjuco. Inilalantad ng dokumentaryo, sa pananaw at kritika ng mapanuring lente, ang mapait na kapalarang sinapit ni Francisco Juan Larrañaga (alyas “Paco”) at ng anim na iba pang akusado makaraang madawit sa pagdukot at pagpatay sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong isang gabing maunos noong 1997.
Si Larrañaga ang naging mukha ng iba pang naparusahan; at madaranas niya ang mala-karnabal na paglilitis; ang prehuwisyo at sensasyolismo sa pamamahayag at opinyon ng publiko; ang malahayop na pamumuhay sa loob ng bilangguan; at ang mahatulan nang dalawang ulit na habambuhay na pagkakapiit. Hanggang lumabas ang kaniyang usapin tungo sa pandaigdigang antas, at manghimasok ang mga kilalang internasyonal na organisasyong nakikisangkot sa karapatang-pantao, saka mapansin at makialam ang gobyerno ng Espanya, at sa pamamagitan ng Hari nito ay nailipat si Larrañaga—na kambal ang pagkamamamayan—sa Espanya upang doon gugulin ang natitirang panahon sa hatol na pagkakabilanggo.
Ang kredito ay maipapataw sa mahusay na editing ng mga pinahalo-halong hulagway ng balita, retrato, pelikula, interbiyu, paniniktik, papeles, at iba pang bagay—at kung paano paano ang mga ito napagdugtong-dugtong sa limitadong oras ay dapat hangaan. Ang mahigpit na editing ay tinumbasan ng pambihirang pagsipat sa isang anggulo: ang anggulo ni Larrañaga. Hindi inilihim ni Syjuco na kamag-anak niya si Larrañaga (asawa ng kaniyang kapatid ang nakatatandang kapatid ni Paco); ngunit kahit ang ganitong pangyayari’y hindi makapagpapapusyaw sa katotohanang isinisiwalat ng pelikula. Mula sa paningin ni Larrañaga ay unti-unting ilalahad ang pasikot-sikot na daan tungo sa paghahanap ng katarungan at pagpapanatili ng katinuan.
Maaaring ipalagay na kasiraan ng Filipinas ang bulok na sistema ng hukuman at pulisya, gayunman ay mapanlahat ang ganitong kuro-kuro sapagkat hindi maaaring kumatawan ang kaso ni Paco sa iba pang bilanggo. Ang totoo’y umuurirat ang pelikula sa umanidad ng isang kabataang ipagpalagay nang pilyo at laki-sa-layaw ay hindi karapat-dapat na mabilanggo dahil isinabit lamang siya ng pulisya, at kinondena nang walang taros sa hapag ng publikong opinyon. Nilitis hindi lamang si Paco bagkus maging ang kaniyang ang pribilehiyadong angkan, at ito ang isang naging pabigat upang lumayo ang simpatya sa kaniya ng taumbayan. Isang anyo rin ng paglilitis ang pelikula sa panig ng pamilya Chiong—partikular kay Thelma Chiong na ina ng magkapatid na pinatay. Si Thelma ay ipinamalas sa dokumentaryo na may koneksiyon sa Malacañang sa pamamagitan ng kaniyang kapatid; at walang takot na lumalapit sa huwes at kawani ng hukuman, at siyang maipapalagay na pag-impluwensiya sa magiging kiling ng hatol. Ngunit ang masaklap, si Thelma rin ang bukás na nakikipag-ugnayan kay Davidson Valiente Rusia, ang pinagtiwalaang saksi ng estado, at ibinibilang sa isa sa mga gumahasa at pumatay sa magkapatid.
Ang kaduda-dudang personalidad ni Rusia ay walang pasubaling ginigiba sa dokumentaryo. Ito ay sapagkat si Rusia ang tanging direktang magdidiin kay Paco na isa sa mga pangunahing gumawa ng krimen; samantalang ang iba pang saksi na ipinirisinta sa paglilitis ay nagsabi lamang na nakita nila si Paco (at si Josman Aznar) sa Cebu at kausap ang magkapatid na Chiong noong gabing maganap ang krimen. Si Rusia na isa umanong adik at tambay ay ipinirisinta sa korte na guwapo, malinis at mapagtitiwalaan, at ang pagpapapogi niya ay dahil sa tulong at reimbensiyon ni Thelma Chiong. Ang tanong ni Mimi Larrañaga (kapatid ni Paco) kung bakit ganito ang asal ng isang ina ay balido; sapagkat ang tunay na inang may malasakit sa kaniyang dalawang anak ay isusumpa ang sinumang pumatay at lumuray sa kanilang pagkatao, kasama na ang kakutsabang gaya ni Rusia.
Kung susuriing maigi, ang dokumentaryo nina Collins at Syjuco ay tandisang sumasalungat sa pasiya ng Korte Suprema sa kasong G.R. Nos. 138874-75 na pinagtibay ni Punong Mahistrado Hilario G. Davide Jr at iba pa. Una, hindi mapagtitiwalaan si Rusia. Ikalawa, nagkamali ang korte nang tanggihan ang alibay o palusot ni Paco na siya ay nasa Maynila at wala sa Cebu nang maganap ang krimen. Ikatlo, may nilabag na karapatang-pantao ang korte nang tanggihan nito ang ibang testimonya ng ibang saksi na panig kay Paco. At ikaapat, ang bangkay na natagpuan sa Carcar, Cebu ay hindi labi ni Marijoy. Sa ganitong presentasyon ay matatasa kung nagtagumpay ang dokumentaryo at mapapaniwala nang lubos ang mga manonood.
Ipagpalagay nang tunggalian ito ng dalawang pamilya upang makamit ang hustisya at katotohanan, at ang mga aktor ay may dugong Espanyol sa isang panig, at may dugong Tsino sa kabilang panig. Ang saksi ay may dugong Amerikano; samantalang ang huwes sa kaso ay isang Filipino, bukod sa mga Filipino rin ang iba pang nasasakdal, at Filipinong sambayanan ang tagasubaybay mulang paglilitis hanggang paghatol. Kinagat ang gayong pangyayari sa pahagayan, radyo, at telebisyon sapagkat ang paggahasa at pagpatay ay may kaugnayan sa konsepto ng “puri” at “dangal” sa mga Filipino. Idagdag pa rito ang pangyayaring ang mga nagaganap na karumal-dumal na krimen ay iniuugnay sa impunidad ng alta sosyedad—na ang pagkalahi’y mahaba ang kasaysayan ng pang-aapi sa mga karaniwang mamamayan. Nabuksan din sa kaso ang isa pang anggulo: ang ilegal na droga ng sindikato, at kung ano ang kaugnayan nito sa buhay ni G. Chiong ay mananatiling nakabitin magpahangga ngayon.
Nakapanghihinayang na winasak ng krimen ang dalawang pamilya at pinarupok ang mga institusyon ng pamahalaan. Si Hukom Martin Ocampo ay umani ng kapuwa paghanga at paglibak; at ang mga abogado ng depensa ay kaniyang ipinakulong dahil sa pag-uyam sa korte (na bulaklak ng dila para sa di-patas na paglilitis). Bagaman isinaalang-alang ni Ocampo ang panig ni Larrañaga at iba pa at ang panig ng pamilya Chiong sa kaniyang hatol, isang palaisipan pa rin kung bakit hindi pinayagan ng huwes ang pagsusuri sa DNA ng mga bangkay at pagtestigo ng mga eksperto sa pagsusuri ng mga labi ng bangkay, gaya ni Prof. Jerome Bailen, at kung bakit hindi pinayagan ang pagtestigo ng 35 kaibigan, kaklase, at kakilala ni Larrañaga upang patunayang nasa Maynila si Paco at wala sa Cebu nang maganap ang krimen. Hindi rin matiyak kung ang dalawang bangkay ay mga anak nga ni Thelma Chiong, dahil sa pagkawasak ng mukha. May posibilidad na ang isa sa dalawang bangkay ay hindi ang sinuman sa magkapatid na Chiong; at kung gayon, ang hatol kay Larrañaga at iba pa ay mananatiling kuwestiyonable magpahangga ngayon. Ang pagpapatiwakal ni Ocampo ay nag-iiwan ng mga tanong sa posibilidad na pinatay ba siya o hindi; at kung totoo nga siyang nagbaril ng sarili ay lalong nabaon sa limot ang katotohanan.
Kahit sinong magulang ay maghihimagsik kapag pinagsamantalahan at pinatay ang kanilang mga anak. Ngunit ang paghihimagsik na pulos galit at prehuwisyo ay hindi makatutulong upang mapiga ang katotohanan. Sa ganitong pangyayari, kahit ang mag-asawang Chiong ay dapat iniimbestigahan, at kung totoo ngang may kaugnayan si G. Chiong sa kaso ng droga, ayon sa dokumentaryo, ito ay dapat inuusisa. Si Larrañaga ay waring isinakrisyo upang ilihim ang isang grandeng tagpo at sindikato; at kung titimbangin ang mga paramdam o pahiwatig ng mga hulagway at usapan sa dokumentaryo ay hindi malayong mapagdudahan kahit ang mismong motibo ni Thelma Chiong. Dahil kahit sinong magulang ay dapat isumpa kahit ang mga kakutsaba, at si Rusia ay mahimalang tumanggap pa ng ilang pabuya mula kay Thelma.
Ang kaso ni Larrañaga na umabot sa internasyonal na antas ay kahanga-hanga. Bagaman nakakuha siya ng simpatya sa pandaigdigang opinyon, hindi ito natumbasan ng karampatang pagtugon sa hanay mismo ng karaniwang Filipino. Ito marahil ay sa pangyayaring negatibo ang pagtanaw kay Larrañaga sa loob ng Filipinas, at ang pagtalikod niya sa pagiging mamamayang Filipino ay isang anyo ng pagtakas, kaya kinakailangan niya ang tulong ng iba pang bansa upang yugyugin kung hindi man baligtarin ang publikong opinyon nang maitanghal sa ibang anggulo ang kaniyang kaso at maisaayos ang talaro ng katarungan.
Ang pangwakas na interbiyu kay Thelma na hitik sa panlilibak at pang-uuyam, habang siya’y tumatawa o nakangisi, ay isang nakahihindik na tagpo sa dokumentaryo. (Pinayagang ilipat si Larrañaga sa Espanya sa bisa ng kasunduan ng palitan ng mga bilanggo.) Ang himig ng pagganti para tumbasan ang pang-aapi ay hindi nalulutas ang ugat ng suliranin, at ito ang marahil hindi pa kayang tanggapin ni Thelma Chiong at ng kaniyang mga kaanak. Napipinid nang mahigpit ang utak at puso, at pagkaraan, ang nagdurusa ay ang mga Filipino na naging aktibong saksi sa gayong mala-telenobelang paglilitis—ang paglilitis na mag-uuungkat lalo ng talamak na sugat sa pagtatamo ng katarungan, samantalang nagbibigay ng hamon para isapuso ang marahil ay napakailap na pag-asa.
Filed under: Kritika, pelikulang Filipino, sanaysay Tagged: bilanggo, bilangguan, Buhay, dokumentaryo, Give Up Tomorrow, hustisya, katarungan, krimen, pag-asa, paglilitis
September 25, 2012
Panukalang Pagbabago sa Komisyon sa Wikang Filipino
Sa halos dalawang taon kong panunungkulan sa Komisyon sa Wikang Filipino, masasabi ko nang kinakailangan nito ang malaliman at malawakang pagbabago upang maging epektibong kasangkapan ng Tanggapan ng Pangulo sa pagsusulong ng mga patakaran at programang pangwika. Nais ko ang pagbabago; ngunit kahit ikaw ang direktor heneral o direktor IV ng KWF ay hindi ka basta makapagpapatupad ng pagbabago nang walang pahintulot ng Lupon ng mga Komisyoner. Kinakailangan ang pagsang-ayon ng Lupon ng mga Komisyoner, dahil ang KWF ay maibibilang na Komisyong Konstitusyonal.
Nakalulungkot isiping nabigo ang KWF ng kalukuyang panahon na isagawa ang mga itinatadhana ng batas. Walang malinaw na pambansang patakarang nabuo ang Lupon ng mga Komisyoner sa ilalim ng pamumuno ni Kom. Jose Laderas Santos, at ang ganitong pangyayari’y patutunayan ng mga rekord sa opisina. Nagmungkahi ako ng mga programang pangwika na puwedeng isaalang-alang ng lupon, ngunit ang tinig ng butihing Punong Kom. Santos ay waring nakapangyayari sa lahat at hindi ang lawas kolehiyado. Ang pagbubuo ng mga patakaran at programa ay dapat nakaayon sa saliksik at pag-aaral, ngunit dahil hindi naman ginagampanan ng KWF ang tungkuling magsaliksik hinggil sa Filipino at iba pang wika, umaasa na lamang ang KWF sa mga saliksik ng ibang pangkat at nagpapasiya alinsunod sa anumang itatakda ng pambansang pamahalaan.
Kaya napakahirap hingan ang KWF ng katumbas na opinyon na magtataguyod ng Mother-tongue based Multilingual Education (MTB-MLE) bilang pamalit sa dating bilingguwal na edukasyong itinatadhana ng Saligang Batas 1987 at sinegundahan ng DECS Order Blg. 52, s. 1987 na may petsang 21 Mayo 1987. Pumasok ang KWF sa patakarang MTB-MLE ng Kagawaran ng Edukasyon (at siyang isinusulong ni dating sinibak na Punong Kom. Ricardo Ma. Nolasco at ipinagpatuloy ni Punong Kom. Santos) nang walang malinaw na parametro ng paglahok. Naging parang utusan ang KWF na gumawa lamang ng mga ortograpiya sa 12 pangunahing wika mula sa buong kapuluan; nagrepaso ng ilang teksbuk na itinataguyod ng DepEd at binigyan ng imprimatur ang mga ito kung kinakailangan; at nakilahok sa mga panrehiyon at pambansang seminar. Ngunit hindi iyon sapat, at hindi sapat ang maging pasibo sa usaping pangwika.
Ideal ang MTB-MLE dahil sinisikap nitong turuan ang bata alinsunod sa wikang kinagisnan nito. Gayunman, hindi isinaalang-alang ng mga tagapagtaguyod ng MTB-MLE ang ibang balakid, gaya ng iba’t iba ang wikang kinagisnan ng mga bata na tinipon sa isang silid-aralan at kinakailangang maging polyglot ang guro; na dapat rebisahin ang kurikulum upang umayon sa MTB-MLE at K-12; na kulang ang materyales sa pagtuturo at hindi sapat ang mga pagsasanay sa guro; at kung ang lingguwa prangka, na gaya ng Filipino, ay gagamitin kung sakali’t may pagtatalo kung sa aling wika ituturo ang mga asignatura. Sa ganitong pangyayari, ang KWF sa ayuda ng DepEd ay dapat nagsasagawa ng mga saliksik upang maisaalang-alang sa pagsasakatuparan ng bagong patakarang pangwika at pang-edukasyon, alinsunod sa panrehiyong bisyon sa antas ng ASEAN, kung hindi man Asya-Pasipiko.
Kinakailangang magbalik ang KWF sa seryoso at dibdibang pananaliksik.
Nakasaad sa Batas Republika Blg. 7104, Sek. 14-c na tungkulin ng KWF na “magsagawa ng pananaliksik o makipagkontrata para maisulong ang pananaliksik at iba pang pag-aaral upang maipalaganap ang ebolusyon, pag-unlad, pagpapayaman at estandarisasyon ng Filipino at iba pang wika sa Filipinas.” Ang nagaganap sa KWF ay hinihingan na lamang nito ng mga manuskrito ang mga Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino (PSWF), gaya ng antolohiya ng mga kuwento o tula at diksiyonaryo, at ang mga ito ay ilalathala ng KWF para maibenta at maipalaganap sa rehiyon. Mahilig ding magpaseminar ang KWF, sa basbas ng gaya nina Punong Kom. Santos, Kom. Carmelita Abdurahman, Kom. Concepcion Luis, at Kom. Bernard Macinas na kung lilimiin nang maigi ay hindi nakatutulong nang malaki sa panig ng mga guro. Pinakabagong pinagkakaabalan ng apat na butihing komisyoner ang “Pagpapaunlad ng Kamalayan at Kasanayan sa Paghahanda ng Pananaliksik at mga Kagamitang Panturo sa Wika at Panitikan Salig sa K to 12 Kurikulum” na binalak sakupin ang buong Filipinas sa pamamagitan ng PSWF ng KWF sa bawat rehiyon. Direktor ng Seminar si G. Robinson K. Cedre (na kung hindi ako nagkakamali’y isang taluhang kandidato sa halalan ng pagkakonsehal noong 2010 sa Lungsod San Pablo, Laguna) at direktang nakikipag-ugnayan kina Kom. Santos at Kom. Abdurahman. Ang problema’y isinagawa ang naturang seminar nang walang basbas ng Lupon ng mga Komisyoner ng KWF; ni hindi pinaharap sa Lupon ang direktor ng seminar na si Cedre; at hindi ipinaalam sa Direktor Heneral ang serye ng seminar bagaman ang Direktor Heneral ang dapat sumusubaybay sa gayong gawain. Lumiham din sina Cedre at Kom. Santos upang humingi ng endosong memoradum at adbaysori kay DepEd Kalihim Armin A. Luistro sa pamamagitan ni Dr. Yolanda S. Quijano. Sa naturang pangyayari, mababatid na sina Kom. Santos at Kom. Abdurahman ay kumikilos nang walang pahintulot ng lawas kolehiyado [collegial body], at ito ay malaking kasalanan sa batas kung isasaalang-alang na ang KWF ay isang komisyong konstitusyonal at hindi ordinaryong ahensiya ng gobyerno.
Bagaman maipupuwing na walang kakayahan sa ngayon ang tanggapan na magsagawa, halimbawa ng malawakang sarbey o saliksik sa iba’t ibang lugar, maaaring kumuha ito ng serbisyo ng ibang ahensiyang magsasagawa ng saliksik para sa KWF. Ang ganitong pagtatambal ay nakasaad sa Batas Republika Blg. 7104, Sek. 14-g, na nagbibigay kapangyarihan sa KWF na “tawagan ang alinmang kagawaran, kawanihan, opisina, ahensiya o instrumentalidad ng Gobyerno o alinmang pribadong entidad, institusyon o organisasyon para sa kooperasyon at tulong sa pagsasakatuparan ng mga gawain, tungkulin, at responsabilidad nito.” Kabilang sa gayong gawain ang “pagtitipon ng mga akda para sa posibleng paglalahok sa multilingguwal na diksiyonaryo. . . .” Sa kaso ng pagkuha ng serbisyo ni G. Cedre na mula umano sa Trends & Techniques Resource Center and Training Services, ang grupo ni Cedre ay hindi umano nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC), alinsunod sa makinang panghanap [search engine] nito. Maaaring nagkakamali ang aparato ng SEC, ngunit kung totoong ilegal ang ahensiya ni Cedre ay puwede siyang managot sa batas, kasama sina Kom. Santos at Kom. Abdurahman na pawang nagpahintulot at tumulong kay Cedre. Mapanganib ang ganitong pangyayari, dahil nalalagay sa alanganin ang KWF kung sakali’t mapatunayang walang sapat na papeles ang Trends & Techniques Resource Center and Training Services ni Cedre. Nagagamit ni Cedre ang mga PSWF ng KWF, sa tulong at pahintulot nina Punong Kom. Santos at Kom. Abdurahman, na posibleng ikapahiya kahit ng DepEd, bukod pa ang pangyayaring ang pagsasagawa ng seminar pangwika at pampanitikan ay dapat hinihigpitan upang maiwasan ang pagpapakalat ng katangahan sa hanay ng mga guro at estudyante.
Masakit amining nagkulang ang KWF. Ngunit kung nagkulang man ang KWF ay dapat siyasatin ang mga ginagawa ng gaya nina Punong Kom. Santos at Kom. Abdurahman. Ang KWF ay dapat umigpaw sa impunidad at medyokridad, bukod sa handang harapin ang mga hamon sa pagpapalaganap ng Filipino at iba pang wikang panrehiyon sa matalino at siyentipikong pamamaraan. Bagaman may kalayaan ang grupo ni Cedre na makipag-ugnayan sa KWF, at ang KWF ay may karapatang kumuha ng serbisyo ng mga lehitimong pribadong organisasyon, ang tambalan ng grupo ni Cedre at nina Kom. Santos at Kom. Abdurahman ay makapag-iiwan ng maraming tanong, lalo’t hindi matunog ang ilang pangalan ng mga ispiker sa naturang seminar at mapagdududahan ang legalidad ng Trends & Techniques Resouce Center and Training Services.
Upang maging epektibo ang KWF, napapanahon nang repasuhin ang limang sangay nito, na kinabibilangan ng Sangay ng Pagsasalin, Sangay ng Impormasyon at Publikasyon, Sangay ng Lingguwistika, Sangay ng Leksikograpiya, at Sangay Pampangasiwaan. Labis na naging makapangyarihan ang Sangay Pampangasiwaan na halos lumukob sa apat na iba pang sangay, gayong ang Sangay Pampangasiwaan ang dapat na sumusuporta lamang sa mga gawain ng apat na pangunahing sangay. Makabubuting isaayos ang paglalagay ng mga kawani, upang ang isang tao ay hindi mapunta sa isang posisyon na malayo sa kaniyang kurso o disiplinang pinagkadalubhasaan sa unibersidad. Makatutulong nang malaki sa KWF kung ito ay mapapasukan ng ibang matatalino’t masisigasig na tauhan at opisyal mula sa pribadong sektor, upang mapalitan ng bagong dugo ang tumatandang hanay nito.
Ang pagpapanibago sa hanay ng mga kawani at opisyal ay dapat iugnay din sa pagpapanibago ng pisikal na estruktura ng gusali ng KWF. Ang tanggapan ng KWF ay hindi angkop para sa gawaing pampananaliksik, sapagkat napakasikip ng tanggapan para sa mga kawani nito. Luma at baryotiko ang mga kompiyuter at aparato nito, at kahit ang planong modernisasyon at kompiyuterisasyon ng KWF ay hindi maisagawa sapagkat nababagahe dahil sa mismong latag ng mga dibisyon, bukod sa hindi masugpo ang problema ng daga. Upang maibalik ang dating ringal ng KWF, at mahimok ang mga kawani nito na magtrabaho nang may sigasig at alab, maimumungkahing baguhin din ang gusali ng KWF at lumipat sa higit na ligtas, maluwag, at maaliwalas na lugar na umaangkop sa gawaing pananaliksik.
Higit sa lahat, kinakailangang isaayos ang pagpapatakbo ng PSWF sa bawat rehiyon, at gamitin ito alinsunod sa dapat na mandato ng Saligang Batas. Ang PSWF ay maaaring makatulong sa debolusyon ng kapangyarihan ng KWF at magamit ang naturang sangay sa pananaliksik at pagpapatibay ng network sa malalayong rehiyon. Magagamit din itong lunan upang makapagpalitan ng saliksik at tuklas ang bawat rehiyon, at sa tumpak na koordinasyon ng KWF ay maipapalaganap ang mga saliksik sa pamamagitan ng research exchange. Nakapanghihinayang na ginagamit lamang sa ngayon ang PSWF para sa mga seminar o kumperensiya, ngunit kung ang seminar o kumperensiyang ito ay epektibo at tumutugon sa pangangailangan ng mga guro at superbisor sa rehiyon ay masasagot lamang ng mga kalahok.
Bago maisagawa ang panloob na estruktura ng KWF, kailangang simulan din ang reoryentasyon ng mga itinalagang komisyoner. Ang bawat komisyoner ay inaasahang kumatawan sa isang pangunahing wika (at disiplina) sa isang rehiyon, bagaman ang teritoryong saklaw ng wika ay hindi esklusibo lamang sa isang pook. Halimbawa, bagaman ang Ilokano ay malaganap sa hilaga ng Filipinas, ang Ilokano ay unti-unti na ring sumasakop sa Visayas at Mindanao, at maging sa ibayong dagat, gaya sa Estados Unidos, Saudi Arabia, China, at Awstralya. Ang isang komisyoner ay dapat kumakatawan din sa isang partikular na disiplina, gaya ng edukasyon, agrikultura, at batas, upang sa gayon ay mapayayaman ang mga wika at maipapasok sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya sa hukuman, akademya, negosyo, at telekomunikasyon.
Nakasalalay naman ang mga gawain ng mga komisyoner sa “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad ng Batas Republika Blg. 7104.” Ang problema sa KWF ay hindi sinusunod ang naturang mga tuntunin at regulasyon, at nananatiling hanggang papel lamang ito sa tatlong butihing komisyoner na ganap ang panahon ng panunungkulan. Ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng KWF ay napapanahon nang rebisahin; panahon na ring enmiyendahan ang buong Batas Republika Blg. 7104, na inakda ni Sen. Edgardo Angara, nang sa gayon ay makaagapay ito sa nagbabagong panahon; at mahigpit na ipatupad ng magiging bagong pamunuan ng KWF. Masakit sabihing ang panahon ng administrasyon ni Punong Kom. Santos ang Madilim na Panahon [Dark Ages] sa yugto ng KWF; ngunit ito ang katotohanan. Ang KWF ay naging kasangkapang pampolitika noong administrasyon ng Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, nagpasibol ng kapabayaan kung hindi man katiwalian, at ang bunga nito ay inaani ngayon ng mga tauhan at opisyal ng KWF. Kung ganito ang loob ng KWF, paano ito makabuluhang makapag-aambag sa larang ng pambansang patakarang pangwika, at siyang masasandigan ng Tanggapan ng Pangulo?
Kung ang pangulo ng bansa ang direktang may kapangyarihan sa KWF, dahil ang KWF ay nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo, napapanahon nang manghimasok ang pangulo sa KWF. Ito ay sapagkat ang wikang Filipino ang “imbakan o pintungan ng kultura at kasaysayan ng bansa,” ayon na rin sa Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Tanging wika lamang ang makapaghahatid ng mahahalagang impormasyon mula sa Tanggapan ng Pangulo tungo sa malalayong pamayanan, at makapagpapataas ng diskurso ng dalawang panig. Kung tototohanin ng Pang. Benigno S. Aquino III ang kaniyang pangako, ang pagpapanibago sa KWF ay hindi imposible. Dapat ibalik sa tuwid na landas ang KWF, at ibasura nang ganap ang utak wangwang na nagpabulok sa institusyong dating itinaguyod ng mga dakilang manunulat, lingguwista, at estadista ng nakaraang panahon. Sa ganitong paraan, higit na makapagsisilbi ang KWF sa taumbayan, at magiging episyenteng kabalikat ng pamahalaan, imbes na ang KWF ang pinagsisilbihan ng mga mamamayan.
Filed under: opinyon, Wikang Filipino Tagged: bilingguwalismo, Filipino, institusyon, komisyoner, multilingguwalismo, pangulo, patakarang pangwika, wika
September 17, 2012
Nayon ng Niyebe, ni Yasunari Kawabata
Nobela ni Yasunari Kawabata. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Edward G. Seidensticker at inilathala ng Berkley Publishing Corporation. Hindi ganap na tapos ang salin sa Filipino, at itutuloy lamang ito ng tagasalin kapag may limanlibong mambabasa ng Alimbukad ang magsasabing dapat ituloy ang pagsasalin sa Filipino.
UNANG BAHAGI
NAGLAGOS ang tren sa mahabang túnel papaloob sa nayon ng niyebe. Maputi ang lupain sa tanglaw ng kalangitan ng gabi. Bumatak ang tren sa may senyas na hinto.
Ang babaeng nakaupo sa kabilang panig ng kotse ay dumating at binuksan ang bintana sa harap ni Shimamura. Pumasok ang malamig na simoy sa sasakyan. Dumukwang palabas ng bintana, ang batang babae’y tinawag ang maestro ng estasyon na para bang napakalayo nito.
Marahang lumakad sa niyebe ang maestro ng estasyon habang tangan ang linterna. Nakatabing sa kaniyang mukha hanggang ilong ang sablay, at ang laylayan ng kaniyang sombrero ay nakatakip sa mga tainga.
Hay, napakalamig, naisip ni Shimamura. Nakakálat mula rito hanggang taluktok ng nagsayelong bundok ang mabababà, mala-baraks na gusali, na posibleng maging dormitoryo ng daambakal. Nalaglag ang puti ng niyebe sa karimlan bago sumapit sa kanila.
“Kumusta ka,” sigaw ng bata. “Ako si Yoko.”
“Yoko, pabalik ka na ba? Lumalamig na muli.”
“Nagpunta pala ang kapatid ko para magtrabaho dito. Salamat sa lahat ng ginawa mo.”
“Nakakalungkot naman. Hindi ito ang lugar para sa batang lalaki.”
“Hindi pa siya tigulang. Matuturuan mo siya kung ano ang mga dapat matutuhan, hindi ba?”
“A, mabuti naman ang kaniyang ginagawa. Magiging abala kami mula ngayon, lalo’t umuulan ng niyebe. Noong nakaraang taon, nabalam ang mga tren dahil matindi ang buhos ng niyebe’t nagkaroon ng mga pagguho. Walang nagawa ang buong nayon kundi ipagluto ang mga pasahero.”
“Tingnan mo naman ang makakapal na damit. Lumiham ang kapatid ko at sinabing hindi pa nga siya nagsusuot ng suweter.”
“Hindi ako naiinitan hangga’t walang suot na apat na patong. Nag-iinuman ang mga kabataan kapag nagsimulang lumamig, saka mo na lamang mababatid na nakahiga na sila sa kama at nilalagnat.” Ikinaway niya ang kaniyang linterna doon sa mga dormitoryo.
“Umiinom ba kapatid ko?”
“Hindi ko alam.”
“Pauwi ka na, hindi ba?”
“May kaunting aksidente ako kamakailan. Kumukunsulta ako sa doktor.”
“Dapat maging mas maingat ka.”
Ang maestro ng estasyon, na may abrigo sa ibabaw ng kimono, ay lumingon na tila ibig putulin ang malayelong usapan. “Mag-ingat ka,” palingon niyang sabi.
“Narito ba ang kapatid ko?” tinanaw ni Yoko ang platapormang hitik sa niyebe. “Tingnan mo kung nagpapakabait siya.” Napakarikit ng boses at tumitimo nang may lungkot. Sa tinis nito’y waring bumabalik na alingawngaw sa maniyebeng gabi.
Nakasandal pa sa bintana ang dalagita nang lumisan sa estasyon ang tren. “Sabihin mo sa kapatid ko na umuwi kapag may bakasyon siya,” aniya sa maestro ng estasyon, na naglalakad sa kahabaan ng riles.
“Oo, sasabihin ko!” tugon ng lalaki.
Ipininid ni Yoko ang bintana at idinampi ang kaniyang mga kamay sa namumulang mga pisngi.
Tatlong niyebeng pang-araro ang naghihintay ng matitinding buhos ng niyebe sa Hanggahang Bundok. Mayroong de-koryenteng aparato na nagbibigay ng babala sa pagguho ng niyebe sa hilaga at timog na lagusan ng túnel. Limang libong manggagawa ay nakahanda para pawiin ang niyebe, at dalawang libong kabataang lalaki mula sa mga boluntaryong kagawaran ng pamatay-sunog ang pinakilos kung kinakailangan.
Magtatrabaho ang kapatid ni Yoko sa himpilan ng tren na hindi maglalaon ay matatabunan ng niyebe, at ang gayong katotohanan ang nagbigay-daan upang maging kaakit-akit ang dalagita kay Shimamura.
“Ang dalagita” ay may kakatwang gawi na nagpapahiwatig na hindi pa siya kasal. Hindi nakatitiyak si Shimamura kung ano ang relasyon nito sa lalaking kasáma. Para silang mag-asawa kung kumilos. Ngunit malinaw na sakitin ang lalaki, at ang sakit ay nagpapaikli ng distansiya sa pagitan ng lalaki at babae. Habang nagiging tapat ang pag-aalaga, lalong nagmumukhang mag-asawa ang dalawa. Ang dalagitang nag-aalaga ng lalaking higit ang edad sa kaniya, na waring kabataang ina, ay mapagkakamalang esposa ng lalaki kapag sisipatin mula sa malayo.
Subalit sa isip ni Shimamura’y ibinukod na niya ang dalagita palayo sa lalaki at naghakang sa kabuuang anyo at kilos ng babae’y hindi pa ito nakakasal. Sa gayong katagal na pagtitig ni Shimamura’y tila naulapan ng emosyon ang kaniyang bait.
Tatlong oras na ang lumipas. Tinitigan ni Shimamura, sanhi ng pagkabato, ang kaniyang kaliwang kamay, habang ang hintuturo’y binabaluktot saka iniuunat nang paulit-ulit. Waring ang kamay na ito ang tanging buháy at may kagyat na alaala ng babaeng kakatagpuin niya. Habang sinisikap niyang aninawin ang malinaw na hulagway ng babae’y lalo lamang siyang binibigo ng kaniyang memorya, at palayo nang palayo ang babae, hanggang wala nang masilayan si Shimamura. Sa gitna ng gayong kalabuan, isang kamay lamang, partikular ang hintuturo, ang waring mamasa-masa sa dampi ng dilag, at humihila kay Shimamura mula sa malayo at palapit sa babae. Animo’y nanibago, tinakpan niya ng mga kamay ang kaniyang mukha, saka mabilis na gumuhit ng linya sa nagsahalumigmig na bintana. Lumutang sa harap niya ang mata ng babae. Halos mapasigaw si Shimamura. Ngunit nananaginip lamang siya, at nang mahimasmasan ay nakita na repleksiyon lamang ng dalagitang nasa kabilang panig sa bintana. Lumalatag na ang karimlam sa labas ng bahay, at binuksan ang mga ilaw sa tren, saka pinaghunos na salamin ang bintana. Mahalumigmig ang bintana sanhi ng singaw, hanggang gumuhit siya ng linya pahaba.
Kakatwang marikit ang isang mata; ngunit nagkukunwang pagál na manlalakbay at idinikit ang mukha sa bintana para tumanaw sa labas, pinawi ni Shimamura ang halumigmig sa kabuuan ng salamin.
Marahang lumiyad ang dalagita, at tiningnan pababa ang lalaking nasa harap niya. Nadama ni Shimamura na ang pamumuo ng kaniyang lakas sa balikat at nagpapakita ng balasik sa kaniyang mga mata ay tanda ng sigasig na hindi nagpakurap sa kaniya. Humimlay ang lalaki nang nakatukod ang ulo sa bintana at nakatiklop ang mga tuhod paharap sa dalagita. Tersera klaseng kotse lamang iyon. Hindi naman tuwirang pasalungat ang pares kay Shimamura, ngunit isang upuan ang pagitan pasulong, at ang ulo ng lalaki’y matatanaw sa salaming bintana nang hanggang sa antas ng tainga.
Yamang ang babae ay pasalungat ang puwesto sa kasamang lalaki, nasisilayan nang tuwid ni Shimamura ang dilag. Nang sumakay ang dalawa sa tren, gayunman, may kung anong lamig na tumimo hinggil sa kariktan ng babae na nagpagitla kay Shimamura; at nang bawiin niya nang mabilis ang sulyap saka tumungo, nakita ni Shimamura ang ulingang mga daliri ng lalaking nakahawak sa dilag. Nakaaasiwa na wari na sumulyap pa sa kanilang kinalalagyan.
Nagpapahiwatig ng seguridad ang mukha ng lalaki na bumabanda sa salamin, at ang kapanatagang dulot nito ay nagbigay ng puwang kay Shimamura na ituon ang titig sa dibdib ng dalagita. Nagbigay ng balanse at armonya ang kahinaan ng lalaki sa dalawang pigura. Isang dulo ng kaniyang bandana ay nagsilbing unan, at ang kabilang dulo naman ay mahigpit na nakatakip sa kaniyang bibig gaya ng maskara at nakalapat sa pisngi. Paminsan-minsan itong nahuhulog o dumadausdos sa ilong, at bago pa niya maiparamdam ang pagkainis ay marahang isinasaayos iyon ng dilag. Awtomatikong naulit nang naulit ang proseso, at halos mawalan ng pasensiya si Shimamura na nakasasaksi sa pangyayari. Sasayad paminsan-minsan sa sahig ang nabuksang amerikanang nakabalot sa mga paa ng lalaki at malalaglag, na mabilis hahatakin pabalik ng dalagita. Para bang ganap na likás, na manhid ang dalawa sa espasyo, at nakatadhanang magpakalayo-layo. Para kay Shimamura, wala nang maitutumbas sa kirot na hatid ng tagpo ng tunay na kalungkutan. Parang pagmamasid lamang yaon ng tagpo sa panaginip—at walang dudang likha iyon ng kaniyang kakatwang salamin.
Sa pusod ng salamin ay gumagalaw ang panggabing tanawin, at ang salamin at ibinabalik nitong mga pigura ay gaya ng umaandar na rolyo ng pelikulang magkakapatong. Hindi magkaugnay ang mga pigura at ang sanligan, ngunit ang mga pigurang malinaw at di-mahahawakan, at ang sanligan, ay kumukutim sa paglaganap ng karimlan, magkasabay na natutunaw sa simbolikong daigdaig na malayo sa tunay na daigdig. Kapag ang liwanag ay lumitaw sa pagitan ng mga bundok at magpaningning ng mukha ng dalagita, madarama ni Shimamura na lumalaki ang kaniyang dibdig sa mahirap masambit na kagandahan.
Tangay ng kalangitan sa tuktok ng bundok ang mga bakás ng pula ng takipsilim. Malilinaw ang hugis sa kalayuan, ngunit ang monotonong tanawin ng kabundukan, na hindi maaninag sa kung ilang milya, ay waring lalong hindi mabanaagan dahil sa pagpusyaw ng mga bakás ng kulay. Walang anuman doon ang makapupukaw ng pansin, at tila umaagos yaon sa malawak, walang hubog na emosyon. Ito ay dahil lumulutang doon ang mukha ng dalagita. Tinabingan ng mukha, ang panggabing tanawin ay gumalaw ayon sa krokis nito. Animo’y malinaw ang mukha, ngunit sadya nga bang malinaw? Namalikmata si Shimamura at inisip na ang panggabing tanawin ay dumaraan sa harap ng mukha, at nagpatuloy ang agos upang ipabatid sa kaniya na hindi iyon humihinto.
Mahina ang liwanag sa loob ng tren, at ang repleksiyon ay hindi sinlinaw ng makikita sa salamin. Nalimutan ni Shimamura na sa salamin siya nakatanaw dahil wala roong silaw. Ang mukha ng dalagita’y tila nasa agos ng panggabing kabundukan sa labas.
Pagdaka’y tumapat sa mukha ang sinag. Hindi labis na malakas ang repleksiyon sa salamin upang sapawan ang liwanag sa labas, o hindi napakatingkad ng liwanag upang padilimin ang repleksiyon. Bumalatay ang liwanag sa mukha, subalit hindi upang patingkarin iyon. Malayo, malamig na liwanag niyon. Habang tinatangay nito ang mumunting sinag papaloob sa balintataw ng dalagita, na ang mata at liwanag ay magkapatong sa isa’t isa, ang mata ay naghunos sa kakatwang butil ng kariktan ng fosforesensiya sa dagat ng panggabing kabundukan.
Walang paraan para mabatid ni Yoko na tinititigan siya. Nakatuon ang kaniyang pansin sa maysakit sa lalaki; at kahit tumingin siya kay Shimamura, hindi niya makikita ang kaniyang repleksiyon, at hindi niya mapapansin ang lalaking tumatanaw palabas ng bintana.
Hindi pumasok sa hinagap ni Shimamura na masagwang tumitig sa babae nang matagal at palihim. Walang duda iyon dahil hinatak siya ng di-tunay, labas sa mundong kapangyarihan ng kaniyang salamin sa panggabing tanawin
Nang tawagin ng dalagita ang maestro ng estasyon, sa kilos na nagpapahiwatig ng pagkasabik, nakita marahil ni Shimamura na higit sa lahat, parang tauhan sa sinauna’t romantikong kuwento ang dilag.
Madilim ang bintana nang huminto sila sa himpilan. Kumupas ang bighani ng salamin sa kumukupas na tanawin. Naroon pa rin ang mukha ni Yoko, ngunit sa kabila ng mainit nitong pagtulong, naisip ni Shimamura na may mababanaagang kalamigan ang gayong babae. Hindi pinunasan ni Shimamura ang bintana nang magkahalumigmig muli ito.
Nagulat siya nang pagkaraan ng kalahating oras, si Yoko at ang lalaki’y bumaba ng tren sa parehong estasyon na binabaan niya. Luminga-linga siya na parang mabubulid kung saan, ngunit ang malamig na simoy sa plataporma ay nagdulot ng pagkapahiya sa kaniya sa pagiging bastos sa tren. Tinawid niya ang riles sa harap ng lokomotora nang walang lingon-lingon.
Ang lalaki, na nakahawak sa balikat ni Yoko, ay pababa na sana sa riles mula sa plataporma na kasalungat na panig nang bilang itinaas ng kawani ng estasyon ang kamay upang pigilin sila.
Isang mahabang tren ang lumuwa mula sa karimlan at tumabing sa kanilang harap.
GANAP NA HANDA sa taglamig at mapagkakamalang bombero ang porter mula sa posada. May takip ang magkabila niyang tainga at nakasuot siya ng bota. Ang babaeng nagmamasid sa riles mula sa hintayang-silid ay nakasuot ng asul na kapa na may kaputsa na nakatakip sa ulo.
Si Shimamura, na mainit-init pa mulang tren, ay hindi nakatitiyak kung gaano kalamig ang paligid. Ito ang kaniyang unang karanasan sa nayong tinatabunan ng niyebe kapag taglamig, at nakadama siya ng pagkasindak.
“Sinlamig ba ang lahat gaya niyan?”
“Handa kami sa taglamig. Karaniwang malamig sa gabing maaliwalas pagkatapos umulan ng niyebe. Siguro’y lampas sa mababang temperatura ang lamig ngayon.”
“Ito ba ang mababang temperaturang nakapagpapayelo?” Sumulyap si Shimamura sa maninipis na kalambano sa kahabaan ng mga alero habang papasakay ng taksi. Ang puti ng niyebe ay nagpalalim ng tingin sa mga alero, na para bang lumubog ang lahat sa lupa.
“Iba ang lamig dito, bagaman madali iyang makita. Iba ang pakiramdam kapag may hinipo kang anong bagay.”
“Noong nakaraang taon umabot sa zero ang lamig.”
“”Gaano karaming niyebe?”
“Karaniwang nasa pito o walong talampakan; at minsan naman ay umaabot sa labindalawa hanggang labintatlong talampakan.”
“Bubuhos ba ang makakapal na niyebe mula ngayon?”
“Nagsisimula pa lang ang buhos ng niyebe. May isang talampakan na ang taas ng yelo, pero natunaw nang kaunti.”
“Natutunaw na, hindi ba?
“Baka magkaroon tayo ng matinding buhos ng niyebe sa anumang oras?”
Simula iyon ng Disyembre.
Nagbara ang ilong ni Shimamura dahil sa sipon; ngunit lumuwag iyon sa kalagitnaan ng kaniyang ulong lantad sa malamig na simoy, at pagkaraan ay tumulo na parang hinuhugasan ang isang bagay.
“Nariyan pa ba ang dalagitang namumuhay kasama ng kaniyang guro sa musika?”
“Narito pa siya. Hindi mo ba siya nakita sa estasyon? Nakasuot siya ng matingkad na asul na kapa!”
“A, siya ba iyon? Baka matawagan natin siya mamaya.”
“Ngayong gabi?”
“Oo, ngayong gabi.”
“Narinig kong ang anak na lalaki ng guro ng musika ay nagbalik na sakay ng tren. Naroon ang babae para salubungin siya.”
Ang maysakit na lalaking nakita niya noong gabi sa salamin, kung gayon, ang anak ng guro ng musika na ang bahay ay nagkataong tinitirahan ng babaeng dinalaw ni Shimamura.
Waring gumapang ang koryente sa kaniyang katawan, ngunit inisip na ang gayong pagtitiyap ay hindi bukod-tangi. Nagulat pa nga siya sa sarili dahil hindi labis nasorpresa.
Bumukal sa kalooban ni Shimamura ang tanong, malinaw na para bang nakatayo siya sa harap ng lalaki: May namamagitan ba, may naganap ba, sa babae na natandaan niyang dinampian ng kamay ng lalaki, at ang babae na taglay ang matang pinakislap ng liwanag mula sa bundok? O hindi niya mapalis ang bighani ng panggabing tanawin na bumanda sa salamin? Nagbulay siya kung ang daloy ng tanawin ang simbolikong paglipas ng panahon.
ANG POSADANG may mainit na bukál ay kakaunti ang mga bisita ilang linggo bago magsimula ang panahon ng pag-eski; nang umahon sa paliligo sa bukál si Shimamura ay waring tulóg na ang lahat. Bahagyang kumatal ang mga salaming pinto tuwing hahakbang siya sa lumulundong pasilyo. Sa duluhan, na paliko sa opisina, nakita niya ang matangkad na hulagway ng babae, na sumasayad sa sahig ang malamig na laylayan ng palda habang naglalakad.
Napaigtad siya nang makita ang mahabang palda. Naging geisha na ba ang dalaga? Hindi lumapit ang babae kay Shimamura, ni hindi tumungo nang bahagya upang makikila. Mula sa malayo’y nabanaagan niya ang anyong buháy at seryoso. Humangos siya palapit sa babae, ngunit ni wala silang winika sa isa’t isa nang magkatabi na. Ngumiti ang babae na may makakapal, mapuputing pulbos ng geisha. Pagdaka’y napaluha siya, at ang dalawa’y lumakad nang tahimik papaloob sa silid ni Shimamura.
Anuman ang naganap sa pagitan nila, hindi sumulat si Shimamura sa babae, o dumalaw man lamang sa kaniya, o nagpadala ng mga patnubay sa sayaw na dati niyang ipinangako. Naiwan ang dilag na nag-aakalang pinagtawanan siya ni Shimamura, at kinalimutan siya. Iyon dapat ang simula na humingi ng tawad o pang-unawa ang lalaki, ngunit habang naglalakad sila, nang hindi sumusulyap sa isa’t isa, naramdaman ng lalaking may puwang pa rin sa siya sa puso ng babae at muling angkinin ang dating nawala. Alam ng binatang kung magsasalita siya’y lalo lamang mabubunyag ang kakulangan ng kaniyang katapatan. Nagapi ng babae, lumakad si Shimamura na balabal ang malambot na kaligayahan. Sa paanan ng hagdan, maliksi niyang idinampi ang kaniyang kamao sa mata ng dilag, at tanging ang hintuturo ang nakaunat.
“Ito ang nagpapagunita sa iyo sa lahat.”
“Talaga?” Kinuyom ng dilag ang daliri at parang ibig na niyang iakyat ang lalaki sa itaas na silid.
Binitiwan ng babae ang kamay ng lalaki nang sumapit sa kotatsu sa silid nito, at biglang namula ang kaniyang noo hanggang lalamunan. Upang maikubli ang pagkalito, muli niyang hinawakan ang kamay ng lalaki.
“Hindi ang kanang kamay,” ani lalaki. “Ito.” Patulak na idinikit ang kanang kamay sa kotatsu upang painitin iyon, at muling idinampi ang kaliwang kamay na nakaunat ang hintuturo.
“Alam ko.” Napahagikgik ang babae na panatag ang mukha. Ibinuka niya ang kaniyang palad, at idinampi sa pisngi. “Ito ang nagpapaalala sa akin?”
“Ang lamig! Hindi pa yata ako nakahipo ng ganitong kalamig na buhok!”
“May niyebe ba sa Tokyo?”
“Natatandaan mo ba ang sinabi mo noon? Nagkakamali ka. Bakit magpupunta sa gayong lugar ang isang tao kung Disyembre?”
LUMIPAS na ang panganib ng pagguho ng mga yelo, at sumapit ang panahon ng pag-akyat sa mga bundok sa lungting tagsibol.
Maglalaho sa mesa ang mga bagong sibol sa kasalukuyan.
Si Shimamura, na namumuhay sa paglulustay ng panahon, ay natalos na bigo siyang maging tapat sa sarili, at malimit naglalakwatsa nang mag-isa sa kabundukan upang mapanumbalik ang anumang butil ng kaakuhan. Bumaba siya sa nayong may mainit na bukál makalipas ang pitong araw sa Hanggahan ng Kabundukan. Humiling siya na magkaroon ng geisha. Sa kasamaang palad, may pagdiriwang sa araw na iyon upang pasinayàan ang bagong daan, sabi ng kasambahay. Napakasigla ng selebrasyon kaya kahit sakupin ang pinagsamang bodega ng kapuyo at teatro, ang labindalawa o labintatlong geisha ay labis-labis ang pinagkakaabalahan. Baka dumating ang dalagitang naninirahan sa bahay ng guro ng musika. Tumutulong minsan ang dalagita sa mga parti, ngunit umuuwi kaagad makaraang makasayaw nang isa o dalawang tugtugin. Nag-usisa si Shimamura kaya ikinuwento ng kasambahay ang hinggil sa dalagitang nasa bahay ng guro ng musika: ang samisen at ang guro sa sayaw ay naninirahan sa piling ng dalagita na hindi geisha ngunit inaatasang tumulong sa malalaking parti. Dahil walang kabataang aprentis na geisha sa bayan, bukod sa karamihan sa mga lokal na geisha ay piniling hindi sumayaw, ang mga serbisyo ng dalagita ay higit na mahal. Halos hindi makarating nang mag-isa ang dalagita para aliwin ang panauhin sa posada, gayunman ay hindi siya ganap na matatawag na amatyur—ito ang kuwento ng kasambahay sa pangkalahatang pangyayari.
Kakatwang kuwento, ani Shimamura, at iwinaksi yaon sa isip. Makalipas ang isa o higit pang oras, ang babae na kasama ng guro ng musika’y pumasok sa silid kapiling ang kasambahay. Tumindig nang tuwid si Shimamura. Akmang paalis na ang kasambahay nang tawagin ito ng babae.
Ang anyo na ipinamalas ng babae’y kay-linis at kay-sariwa. Wari ni Shimamura’y malinis kahit ang gatlang sa pagitan ng mga hinlalaki sa paa ng dalaga. Sobrang linis kaya naisip ni Shimamura kung hindi ba siya namamalikmata lamang mula sa pagtanaw sa madaling-araw ng tag-araw sa kabundukan.
May kung anong gawi sa kaniyang pananamit na nagpapahiwatig ng pagiging geisha, ngunit wala siyang mahabang kasuotang pang-geisha. Bagkus ay suot ng dilag ang malambot, walang linyang kimonong pantag-araw na nagtatampok ng masinop na kagandahang-asal. Mukhang mahal ang obi, na bumabagay sa kimono, at sa wari niya’y may bahid ng lungkot.
Marahang umalis ang kasambahay nang magsimulang mag-usap ang dalawa. Hindi tiyak ng babae ang mga pangalan ng mga bundok na matatanaw mula sa posada; at yamang hindi nais uminom ng alak ni Shimamura sa piling ng geisha, isinalaysay na lamang ng dilag ang kaniyang nakaraan sa kapani-paniwalang paraan. Isinilang ang dalaga sa nayon ng niyebe, ngunit siya’y ipinagkasundong maging geisha sa Tokyo. Nakatagpo umano niya ang patron na nagbayad ng lahat ng kaniyang pagkakautang, at nagpanukalang gawin siya nitong guro ng sayaw, subalit namatay ang lalaki makalipas ang isa at kalahating taon. Nang sumapit sa yugtong kung ano ang naganap pagkaraan niyon, na kuwentong matalik sa kaniya, nagbantulot ang babae na ibunyag ang kaniyang mga lihim. Sabi ng dilag ay disinuwebe lamang siya. Pakiwari naman ni Shimamura’y beynte uno o beynte dos, at dahil ipinalagay na nagsasabi nang tapat ang babae, ang kabatiran na mas matanda ito sa dapat sanang edad ay nagpaluwag ng loob ng binata sa unang pagkakataon hinggil sa inaasahang pakikiharap sa geisha. Nang pag-usapan nila ang Kabuki, natuklasan ni Shimamura na higit na maraming alam ang babae kaysa sa kaniya hinggil sa mga aktor at estilo. Maalab magsalita ang babae, at waring sabik na sabik siyang may makinig sa kaniya makaraang ipiit, at nagsimulang ipakita ang gaán na nagbubunyag na siya’y babae mula sa mga aliwang silid. At waring alam ng dilag ang lahat ng dapat mabatid sa mga lalaki. Itinuring namang baguhan ni Shimamura ang babae, at pagkaraan ng isang linggo sa mga bundok at ni walang kausap, nadama na lamang niya ang pangungulila sa isang kaibigan. Pakikipagkaibigan lamang sa babae ang nadama ni Shimamura kaysa iba pang iba pang bagay. Ang tugon niya sa mga bundok ay umaabot hanggang sa pagtakip sa kaniya.
Nang patungo sa paliguan ang babae noong sumunod na hapon ay nakaligtaan nito ang kaniyang tuwalya at sabon sa bulwagan at nagbalik saka pumasok doon upang kausapin si Shimamura.
Ni hindi pa siya nakauupo nang hiniling ni Shimamura sa kaniya na tumawag ng geisha.
“Tumawag ng geisha?”
“Alam mo ang ibig kong sabihin.”
“Hindi ako nagpunta rito para tanungin mo nang ganiyan.” Mabilis siyang tumayo at nagtungo sa may bintana, namumula ang mukha, habang nakatingin sa mga bundok. “Walang ganiyang babae rito.”
“Huwag kang loka.”
“Iyan ang totoo.” Bumalikwas saka humarap ang babae kay Shimamura at umupo sa may pasamano.”Walang sinumang makapipilit sa geisha na gawin ang ayaw niyang gawin. Nasa kapasiyahan ng geisha ang lahat. Iyan ang serbisyong hindi maibibigay ng posada. Humayo ka, at subuking tumawag at kausapin mo siya, kung gusto mo!”
“Itawag mo naman ako ng isang geisha.”
“Bakit mo ako inaasahang gawin iyan?”
Iniisip kita bilang kaibigan. Kaya naman bumait na ako.”
“At ito ang tinatawag mong kaibigan?” Nahatak ng gawi ni Shimamura, ang dalaga’y tila naging kaakit-akit na anyong bata. Ngunit pagkaraan ay sumigaw: “Hindi ba maganda na iniisip mong mauutusan mo ako nang ganiyan?”
Ano ang dapat kasabikan? Napakasigla ko makaraan ang dalawang linggo sa kabundukan. Lagi na lamang mali ang naiisip ko. Ni hindi ako makaupo rito para kausapin ka sa paraang gusto ko.”
Nanahimik ang babae, saka ipinako sa sahig ang paningin. . . .
Take Our Poll
Filed under: nobela, salin Tagged: Babae, lalaki, nobela, Pag-ibig, romansa, salin, taglamig, yelo
September 14, 2012
Panawagan para sa batang si Em-ey
Kung sakali’t makita ninyo ang batang ito, mangyaring ipagbigay alam sa kinauukulan. Humihingi ng tulong sa publiko ang kaniyang lola na tanging tagapag-alaga niya.
Tumulong po kayo na hanapin ang batang si Em-ey.
Filed under: panawagan, serbisyo publiko Tagged: bata, Em-ey, nawawala, saklolo, serbisyo publiko, tulong
September 6, 2012
Pambansang Kumperensiya sa Wika, Bida ang K-12 at Salita ng Taon
Ngayong Setyembre 2012, halos kalahating taon na ang implementasyon ng bagong programa sa edukasyon sa Pilipinas na binansagang K-12.Siguradong gusto nang malaman ng mga guro, administrador at magulang kung ano na ang nangyayari sa mga layunin ng programa batay sa mga repormang nangyari sa mga eskuwelahan, sa paggawa ng mga materyal panturo, at maging sa pagtuturo ng Filipino. Mangyari’y isa sa mga pangunahing isyu sa K-12 ang pagpapahalaga sa inang wika, o unang wika ng mag-aaral, at ang kaugnayan nito sa Filipino, ang pambansang wika.
Tatalakayin ng mga eksperto at praktisyoner sa edukasyon ang mga usapin kaugnay ng K-12 sa “Pambansang Kumperensiya sa Wika” na gaganapin sa Leong Hall, Ateneo de Manila University sa 20-22 Setyembre 2012 sa pagtataguyod ng Filipinas Institute of Translation.
Sa unang araw ng kumperensiya, tatalakayin ang papel ng wikang Filipino sa bagong programang pang-edukasyon. Magsasalita ang mga respetadong edukador, administrador at mga tagatangkilik ng isyu hinggil sa kabuluhan ng Filipino sa programang K-12, reporma sa Filipino bilang asignatura, at mga hamon sa larang ng paggawa ng mga bagong materyal pang-edukasyon. Makakatulong ng malaki ang mga panimulang pagtatasa sa pagpapabuti sa bagong programa.
Pagtutuunan din sa kumperensiyang “Sawikaan”ang pagtukoy ng bagong “salita ng taon.” Lalahok ang mga batang akademiko, lingguwista, at mananaliksik sa pagtataguyod ng mga salitang “level-up,” “wang-wang,” “trending,” “SALN,” “impeachment,” “pagpag,” “fish kill,” “palusot,” “pick-up line,” “wagas,” “android,” “wi-fi,”at iba pang popular na salita para maitanghal na “salita ng taon.” Ang mga tagapanood at mga kasapi ng inampalan ang pipili kung alin ang karapat-dapat magwagi batay sa husay ng saliksik, patunay at pangangatwiran, at sa ganda ng pagkakasulat at presentasyon ng papel.
Itinataguyod ang kumperensiya ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT) sa pakikipagtulungan sa Wika ng Agham at Kultura (WIKA), National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Ateneo de Manila University (AdMU), Commission on Higher Education (CHED), at ng Department of Education (DepEd).
Para sa kompletong detalye, mag-email sa fitsawikaan2012@gmail.com o tumawag sa 547-1860 o sa 09237395248.
Filed under: balita, Wikang Filipino Tagged: Filipino, kumperensiya, salita ng taon, Sawikaan, talakayan, wika
September 4, 2012
Sa ngalan ng Ama
Magsisimula ang salinlahi, at ikaw ang tagapaghatid ng binhing mula sa kaitaasan. Sasambahin ng daigdig ang salita mo, ang salitang ang totoo’y inusal ko’t inagaw mula sa bibig mo, ngunit mabibigong maunawaan ang pahiwatig at kaisipang magpaparami ng mga tao. Lalago ang iyong kayamanan, gaya ng itinanim na punongkahoy at aklat, at inaasahan mong likás lamang sa amin ang magnasa sa materyal nang higit sa kailangan. Galante kang magpupundar ng mga bahay sa dumaraming demonyito’t anghel. Ikaw ang sentro, na may puwersang sentripetal na magpapainog sa mga planeta, gayunman ay ipapaubaya sa kabiyak ang liwanag sa loob ng tahanan. Kahit hindi naisin, sisibol sa iyong hapag ang sutil na bunso na susuway sa utos o payo. Magdadabog siya’t aangil kapag hindi nasunod ang layaw, ngunit dahil taglay mo ang pasensiya ng tigulang ay gagamitin ang sinturon upang ipaunawa ang bisa ng latay at hagupit. Pailalim na tititig sa iyo ang anak, at isasadula niya ang musmos na tigreng gumagagad sa madudugong pangangaso. Maisasaloob niya ang gutom at ang tadhana ng pagtindig sa sariling mga paa, hanggang ang kagubatan o lungsod ay maipatong niya sa rabaw ng kaniyang palad o kamao. Matutuklasan niya ang dungis sa mukha kapag pinahid ng bisig ang pisngi; at ang dungis na ito na matagal nang isinusumbat sa ninuno ay hindi pala kasalanan bagkus isang anyo ng pagpupugay. Matututuhan niyang patawarin ang daigdig, at pagtawanan ang sarili, na para bang pagtanggap sa walang katuparang pag-asa. Titingalain niya ako bilang kapatid, at mananakop kami ng ibang lupain at tubigan kahit sa guniguni, at magiging ama rin balang araw, handang ipagmalaki ang ngalan mo ngayon at magpakailanman.
“Sa ngalan ng Ama,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo © 2012.
Filed under: Tulang Tuluyan Tagged: ama, kapatid, pagpupugay, pamilya, tula, Tulang Tuluyan
September 3, 2012
Pabungkál-bantáng
Humaharap ang bangka sa iyo upang tanggapin ang wakas, na ang habagat o lindol ay maghahatid ng sakuna samantalang sinisikap mag-uwi ng mga isda sa dalampasigan ang pangkat magdaragat. Ano ang silbi ng layag o timon, kung ang umaasam sa iyong kaligtasan ay kabiyak na hinaharang ng pader ng ulan? Naiwan sa laot ang tinig ng lumba-lumba’t balilan, at marahil dahil sa gutom ay naisip mong awit iyon ng sirenang tumataghoy. Lumingon ka at tiyak malulunod. Tumingala ka at nilamon ng ulap o ulop ang paraluman. Pumikit ka at magdasal. Pumikit ka at kung sakali’t maluha ay malalasahan ang alat na katumbas ng di-maliparang uwak na gamba sa kawalan.
(“Pabungkál-batáng,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 2012.)
Filed under: Tulang Tuluyan Tagged: alon, dagat, dalampasigan, desastre, laot, pabungkal-batang, panganib, sakuna, tidal wave, tsunami, tubig, wakas
July 30, 2012
Pagpapanumbalik ng Demokrasya sa Pamamaraan ng Demokrasya
[Talumpati sa Ingles ni Pang. Corazón C. Aquino sa Pinagsanib na Sesyon ng Kapulungan ng Estados Unidos, Washington, D.C. Setyembre 18, 1986. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.]
TATLONG TAON NA ang nakararaan, nagdadalamhati akong lumisan sa Amerika upang ilibing ang aking kabiyak, si Ninoy Aquino. Akala ko’y umalis ako doon upang ilibing din nang ganap ang kaniyang di-makaling pangarap na kalayaan ng Filipinas. Ngayon, nagbabalik ako bilang pangulo ng malayang sambayanan.
Sa paglilibing kay Ninoy, dinarakila siya ng buong bansa. Sa magiting at mapagpaubayang pakikibakang magbigay ng karangalan, ang buong bansa ay nakabangon nang mag-isa. Ang bansang nawalan ng pananalig sa kinabukasan ay natagpuan yaon sa marahas at lantarang pagpaslang. Kaya sa pagbibigay ay nakatatanggap tayo; sa pagkawala ay nakatatagpo tayo; at mula sa pagkabigo ay nahablot natin ang tagumpay.
Para sa bansa, si Ninoy ang kaaya-ayang sakripisyo na tumugon sa mga panalangin nito hinggil sa kalayaan. Para sa akin at sa aking mga anak, si Ninoy ang mapagmahal na esposo at ama. Ang kaniyang pagkawala, nang tatlong ulit sa aming buhay, ay palaging malalim at makirot.
Ikalabing-apat na apat na taon ngayong buwan ang unang pagkakataon na nawala siya sa amin. Ang pangulong naghunos diktador, at nagtaksil sa kaniyang sinumpaang tungkulin, ay sinuspinde ang Saligang Batas at isinara ang Konggreso na parang gaya nito na isang karangalan ang magsalita. Ibinilanggo niya ang aking asawa kapiling ang ilang libo pang tao—mga senador, pabliser, at sinumang nagsalita para sa demokrasya—habang papalapit na ang wakas ng kaniyang pamamahala. Ngunit nakalaan para kay Ninoy ang mahaba at malupit na pagsubok. Batid ng diktador na si Ninoy ay hindi lamang katawan na makukulong bagkus diwaing dapat wasakin. Dahil kahit gibain nang isa-isa ng diktadura ang mga institusyon ng demokrasya—gaya ng press, Konggreso, independensiya ng hukuman, ang proteksiyon ng Talaan ng Karapatan—pinanatiling buháy ni Ninoy ang alab ng diwain nito.
Sinikap ng gobyerno na durugin si Ninoy sa pamamagitan ng panghihiya at paninindak. Ibinilibid siya sa maliit, halos walang hanging selda sa kampo militar sa hilaga. Hinubdan siya at binantaang ipabibitay pagsapit ng kalagitnaan ng gabi. Pinanindigan lahat iyon ni Ninoy. At gayon din halos ang ginawa ko. Inilihim sa akin ng mga awtoridad kung ano ang nangyari sa kaniya sa loob ng apatnapu’t tatlong araw. Ito ang unang pagkakataon na nadama ko at ng aking mga anak na naglaho na siya.
Nang hindi nagtagumpay ang gayong paraan, nilitis siya sa salang subersiyon, pagpatay, at iba pang krimen sa harap ng komisyong militar. Hinamon ni Ninoy ang awtoridad nito at siya’y nag-ayuno. Kung makaliligtas siya doon, pakiwari niya, ang Diyos ay may nakalaang ibang tadhana sa kaniya. Muling nawala si Ninoy sa amin. Dahil walang makapipigil sa kaniyang sigasig na mag-ayuno hanggang wakas, huminto lamang siya nang mabatid na pananatilihin ng gobyerno ang kaniyang katawan makalipas na sirain ng pag-aayuno ang utak. Lupaypay ang katawan na halos walang búhay, winakasan ni Ninoy ang kaniyang pag-aayuno sa ikaapatnapung araw. May inilaan ang Diyos sa kaniya na ibang bagay, ramdam ni Ninoy. Hindi niya alam na ang maagang kamatayan ay siya ring magiging tadhana niya, dangan lamang at hindi pa panahon.
Sa alinmang sandali ng kaniyang mahabang pagsubok, maaari na sanang makipagkasundo si Ninoy sa diktadura, gaya ng ginawa ng marami niyang kababayan. Ngunit ang diwa ng demokrasya na nananalaytay sa aming lahi at nagpapasigla ng kamarang ito ay hindi mahahayaang maupos. Pinanindigan niya, sa kabila ng galimgím ng kaniyang selda at kabiguan ng destiyero, ang demokratikong alternatibo sa hindi mapigil na kasakiman at salát-sa-katwirang kalupitan ng kanan at sa mala-holokawstong pagpupurga ng kaliwa.
Pagkaraan, naglaho siya sa amin nang ganap at higit na masakit kaysa noon. Sumapit sa amin sa Boston ang balita. Iyon ay pagkaraan ng tatlong masasayang taon ng aming pagsasama. Ngunit ang kaniyang kamatayan ay resureksiyon ng tapang at pananampalatayang magpapalaya sa aming bayan. Itinuring na walang kuwenta ng diktador si Ninoy. Dalawang milyong tao ang bumasag ng kanilang pananahimik at nagmartsa tungo sa libingan niya. At doon nagsimula ang rebolusyon na naghatid sa akin sa pinakatanyag na tahanan ng demokrasya, ang Konggreso ng Estados Unidos.
Nakasalalay sa aking mga balikat ngayon ang tungkuling ipagpatuloy ang paghahain ng demokratikong alternatibo sa aming sambayanan.
Winika ni Archibald Macleish na dapat ipagtanggol ang demokrasya sa pamamagitan ng sandata kapag tinapatan ng sandata, at sa pamamagitan ng katotohanan kapag tinapatan ng kasinungalingan. Nabigo niyang banggitin kung paano iyon ipapanalo.
Naniniwala ako sa ipinaglalaban ni Ninoy na dapat ipanalo iyon sa mga pamamaraan ng demokrasya. Naghintay akong makalahok noong halalan 1984 na inihayag ng diktadura, kahit alam kong dadayain iyon. Nagbabala sa akin ang mga abogado ng oposisyon sa panganib na maging lehitimo ang resulta ng halalang malinaw na dadayain. Ngunit hindi ako nakikipaglaban para sa mga abogado bagkus para sa mga mamamayang ang talino’y pinanaligan ko. Sa pagsasagawa ng demokrasya kahit nasa ilalim ng diktadura’y maihahanda sila sa demokrasya kapag sumapit ito. Ito rin ang tanging paraan na alam kong masusukat namin ang kapangyarihan kahit sa mga bagay na idinidikta ng diktadura.
Itinaguyod ako ng mga tao sa halalang hitik sa karahasan at pandaraya ng gobyerno. Nagwagi ang oposisyon sa mga halalan, lumikom ng malinaw na mayorya ng mga boto, bagaman ang natamo nila—salamat na lamang sa tiwaling Komisyon sa Halalan—ay halos sangkatlo lamang ng mga puwesto sa batasan. Ngayon, alam ko na ang aming kapangyarihan.
Noong nakaraang taon, nanawagan ng biglaang halalan ang diktadura bilang pagpapamalas ng labis na kapaluan. Tumangô ang bayan. Sa bisa ng mahigit isang milyong lagda, iniluklok nila ako na hamunin ang diktadura. At sinunod ko ang mithi nila. Ang sumunod ay kasaysayang nabuksan nang dramatiko sa inyong telebisyon at sa mga pambungad na pahina ng inyong mga pahayagan.
Nakita ninyo ang bansa, na armado ng giting at integridad, na mariing nanindigan sa demokrasya laban sa mga bantâ at korupsiyon. Nasaksihan ninyo ang mga babaeng tagapagbantay ng halalan na nagsitangis nang manloob ang mga armadong maton upang hablutin ang mga balota, ngunit itinali ng mga babae ang kanilang mga kamay sa mga kahon ng balota. Namalas ninyo ang mga tao na nagtaya sa mga pamamaraan ng demokrasya at handa nilang ihandog ang buhay para sa mababa nitong katumbas. Sa pagwawakas ng araw, bago pa sumapit ang bagong agos ng pandaraya na makapagpapabaligtad ng mga resulta, inihayag ko ang tagumpay ng bayan.
Inilarawan ng iginagalang na kawaksing pinuno ng pangkat tagapagsubaybay ng Estados Unidos sa kaniyang ulat sa inyong Pangulo ang nasabing tagumpay:
“Saksi ako sa pambihirang pagpapamalas ng demokrasya sa panig ng sambayanang Filipino. Ang ultimong resulta ay ang pagkakahalal kay Gng. Corazon C. Aquino bilang Pangulo at kay G. Salvador Laurel bilang Ikalawang Pangulo ng Republika ng Filipinas.”
Marami sa inyo na narito ngayon ang gumanap ng papel sa pagpapanibago ng patakaran ng inyong bansa hinggil sa aming bansa. Kami, ang mga Filipino, ay nagpapasalamat sa inyo sa ginawa ninyo: na sa pagtitimbang ng estratehikong interes ng Amerika laban sa mga usaping pantao ay maliliwanagan ang Amerikanong bisyon sa daigdig.
Nang ihayag ng sunod-sunurang batasan ang tagumpay ng aking kalaban, nagsilabasan sa mga kalye ang mga tao at inihayag na ako ang Pangulo nila. At tapat sa kanilang winika, nang ang iilang pinuno ng militar ay naghayag ng pagsalungat sa diktadura, ang mga tao’y nagbayanihan upang pangalagaan sila. Totoong kinakalinga ng mga tao ang kaisa nila. Sa gayong pananalig at pananagutang taglay nito nanungkulan ako bilang pangulo.
Isinantabi ng nauna sa akin ang demokrasya upang iligtas umano ito sa komunistang pag-aaklas na hindi lalabis sa 500 tao. Masigasig niyang nilabag ang mga karapatang pantao at ni hindi inalintana ang paggalang dito. Nang tumakas ang diktador palayo, ang armadong pakikibaka ay lumago sa 16,000. Wari ko’y may leksiyon dito na dapat matutuhan hinggil sa pagsisikap na supilin ang isang bagay sa pamamagitan ng mga pamamaraang magpapalago rito.
Walang tao sa aking palagay, sa loob man o labas ng bansa, na may malasakit sa demokratiko at bukás na Filipinas, ang magdududa sa mga dapat isagawa. Sa pamamagitan ng mga pagkukusang pampolitika at lokal na programang pagtanggap ng mga tao mula sa armadong pakikibaka, kailangan nating pababain ang mga maghihimagsik pababa sa mga buról at, sa bisa ng pangkabuhayang progreso at katarungan, ay maipakita sa kanila ang lantay na layuning ipinaglalaban nila.
Bilang Pangulo, hindi ako magtataksil sa simulain ng kapayapaang nagluklok sa akin sa kapangyarihan. Gayundin, at walang sinumang kapanalig ng demokrasyang Filipino ang mapasusubalian ito, hindi ko palalampasin at pababayaan ang pamunuan ng maghihimagsik na talikdan ang aming handog na kapayapaan at paslangin ang aming kabataang kawal, at magbanta sa aming bagong kalayaan.
Kailangan ko pa ring maghanap ng landas ng kapayapaan sa sukdulang paraan dahil ang wakas nito, anuman ang kabiguang masalubong, ang magiging batayang moral para sa pagpapalaganap ng kapayapaan at pagsusulong ng digmaan. At kung sumapit sa gayong yugto, hindi ako matatakot sa landas na iginiit ng inyong dakilang tagapagpalaya: “Walang malisya sa sinuman, may pagkalinga para sa lahat, at may katatagan sa mga karapatan, gaya ng mga ibinigay na karapatan ng Maykapal, tapusin natin ang trabahong nasa atin, bendahan ang mga sugat ng bansa, kalingain ang sinumang sumabak sa digmaan, at para sa kaniyang balo at mga ulila, ay gawin ang lahat ng matatamo at pahalagahan ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa atin at sa lahat ng bansa.”
Gaya ni Lincoln, nauunawaan kong kinakailangan ang puwersa bago ang kapatawaran. Gaya ni Lincoln, hindi ko iyon gusto. Gayunman ay gagawin ko ang dapat gawin upang ipagtanggol ang integridad at kalayaan ng aking bansa.
At pangwakas, hayaang dumako ako sa iba pang kaalipnan: ang aming $26 bilyong utang panlabas. Sinabi ko noon na kikilalanin namin ito. Ngunit ang mga pamamaraan ba para magawa iyon ay ipagkakait sa amin? Maraming kondisyon na ipinataw sa nakaraang gobyerno na nagnakaw ng inutang ang patuloy na ipinapataw sa aming hindi nakinabang dito. At walang tulong o liberalidad na katumbas ng kalamidad na ibinigay sa amin ang pinalawig. Gayunman, ang amin ang pinakamatipid na rebolusyon marahil. Kaming mga Filipino, na kakaunti ang tulong na nasagap sa ibang bansa, ang tumupad ng una at pinakamahirap na kondisyon sa negosasyon ng utang: ang pagpapanumbalik ng demokrasya at responsableng gobyerno. Sa ibang pook, at sa ibang panahon na higit na mahigpit ang mga pandaigdigang ekonomikong kondisyon, ang mga planong Marshall at kauri nito ang naisip na mahalagang kasama sa pagpapanumbalik ng demokrasya.
Nang makaharap ko si Pang. Reagan kahapon, nagsimula kami ng mahalagang diyalogo hinggil sa kooperasyon at pagpapalakas ng pagkakaibigan sa panig ng dalawang bansa. Ang naturang pulong ang kapuwa kumpirmasyon at bagong simula, at dapat mauwi sa mga positibong resulta sa lahat ng panig ng pangkalahatang usapin.
Hinaharap namin ngayon ang mithi ng sambayanang dumanas ng labis na kahirapan at matinding kawalan ng trabaho sa loob ng labing-apat na taon, ngunit inialay pa rin ang kani-kanilang buhay para sa malabong demokrasya. Tuwing nangangampanya ako sa mga pook maralita o liblib na nayon, lumalapit ang mga tao sa akin at sumisigaw ng demokrasya. Hindi trabaho, bagaman tiyak na nais nila iyon, bagkus demokrasya. Hindi salapi, dahil ibinigay nila sa akin ang anumang munti nilang naipon para sa kampanya. Hindi nila ako inasahang magbibigay ng himala na magpapalitaw ng pagkain, damit, edukasyon sa kanilang mga anak, at trabahong maglalaan ng dignidad sa kanilang buhay. Subalit nararamdaman ko ang pananagutang kumilos nang mabilis bilang pinuno ng mga tao na karapat-dapat matamo ang mga bagay na ito.
Hinaharap namin ang armadong pakikibaka ng komunista na lumulusog sa pagguho ng kabuhayan, kahit nakikibahagi kami sa mga tanggulan ng malalayang daigdig sa Pasipiko. Ito ang tanging dalawang pasaning dinadala ng aking mga kababayan habang sinisikap nilang magtatag ng karapat-dapat at matibay na tahanan para sa kanilang bagong demokrasya, na makapagsisilbi ring tanggulan para sa kalayaan ng Asya. Gayunman, hindi pa natatapos maglatag ng bato ay dalawa naman ang tinatangay palayo. Kalahati ng aming kita sa pagluluwas, na tinatayang $2 sa $4 bilyong dolyar, ang tanging naiipon namin sa labis na mahigpit na merkado ng daigdig, at ibinabalik pa upang bayaran ang interes ng utang na ang benepisyo ay hindi natatanggap ng mga tao.
Lumaban kami nang matamo ang dangal, at kahit man lang sa dangal, handa kaming magbayad. Ngunit dapat pa ba nating pigain ang pambayad mula sa pawis sa mukha ng aming kababayan at ilubog ang lahat ng kayamanang natipon ng tagapanagot na dalawang daan at limampung taon kumayod nang dibdiban?
Sa lahat ng Amerikano, bilang pinuno ng marangal at malayang bansa, ipinupukol ko ang tanong na ito: Mayroon bang hihigit sa pagsubok ng pambansang pagtataya sa mga mithi na inyong pinahahalagahan kaysa sa dinanas ng aking mga kababayan? Gumugol kayo ng maraming buhay at maraming yaman upang maghatid ng kalayaan sa maraming lupain na pawang bantulot tanggapin yaon. At dito ay may sambayanang nagwagi nang mag-isa at kailangan lamang ang tulong upang mapanatili ang natamo.
Tatlong taon na ang nakalilipas ay sinabi kong Salamat, Amerika, para sa kanlungan ng inaapi, at sa tahanang ibinigay mo kay Ninoy, sa akin at sa aking mga anak, at para sa tatlong masayang taon naming pinagsamahan. Ngayon, sinasabi kong, samahan ninyo kami, Amerika, habang itinitindig namin ang bagong tahanan para sa demokrasya, ang bagong kanlungan para sa inaapi, upang makatindig ito bilang kumikinang na testamento ng ating dalawang bansang nagtataya sa kalayaan.
Filed under: politika, talumpati Tagged: bansa, bayan, demokrasya, diktador, diktadura, kalayaan, karahasan, politika, talumpati
July 13, 2012
Anne Hathaway
salin ng tula sa Ingles ni Carol Ann Duffy.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Ang kama na ibig natin ay umiikot na mundo
ng mga gubat, kastilyo, sulô, burol, dagat
na pagsisisiran ng mga perlas. Mga bulalakaw
ang salita ng aking irog pabulusok sa daigdig
gaya ng mga halik sa labing ito; banayad
na ritmo ang katawan ko sa katawan niya,
alingawngaw ngayon, saka asonansiya;
ang hipo niya’y pandiwang sumasayaw sa gitna
ng pangngalan. May mga gabing napanaginip
ko na sinulatan niya ako’t ang higaan ay pahina
sa ilalim ng kamay ng manunulat. Umiindak
ang romansa at drama sa haplos, samyo, lasa.
Sa ibang kama, na pinakamalambot, nakatulog
ang aming mga panauhin, na nagpapatalbog
ng kanilang prosa. Ang buháy, galák na mahal ko
ay hinawakan ko sa ulunang ataul ng aking biyuda
habang hinawakan naman ng irog ang palad ko
sa ikalawang pinakamalambot na kama.
Filed under: halaw, salin, tula Tagged: asonansiya, bulalakaw, daigdig, halaw, higaan, hipo, katawan, mundo, salin, tula
Roberto T. Añonuevo's Blog
- Roberto T. Añonuevo's profile
- 10 followers

