Roberto T. Añonuevo's Blog, page 5

July 28, 2014

Lamanlupa, ni Aloysius Bertrand

salin ng “Scarbo” ni Aloysius Bertrand ng France.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.


Lamanlupa

“Panginoon ko, sa oras ng aking kamatayan, ibigay sa akin ang mga dasal ng pari, ang linong sudaryo, ang ataul na pino, at maayos, tuyot na pook.”


Mga Ama Namin ng Heneral


“Mamatay ka mang pinatawad o isinumpa,” bulong ng Tiyanak sa tainga ko nang gabing iyon, “ang sudaryo mo’y magiging sápot, at ibibilot ko sa iyo ang gagamba!”


“Hayaan mo naman,” sabat ko, habang namumula ang mga mata sa kaiiyak, “na ang maging balabal ko’y nangangatal na dahong ang lundo’y iduduyan ng dayaray ng lawa.”


“Hindi!” singhal ng nang-uuyam na tiyanak, “magiging pakain ka sa uwang na gumagapang pagsapit ng takipsilim upang manghuli ng mga bangaw na binulag ng papalubog na araw!”


Napahagulgol ako’t lumuha nang labis, saka tumugon nang mapait: “Marahil ay higit na ibig mo ang tarantulang kasinghaba ng trompa ng elepante ang pangil na papaslang sa akin.”


“Palubagin mo ang iyong sarili,” singit niya, “dahil ang magiging kumot mo’y ang batikan at ginintuang balát ng ahas, na ibabálot ko sa iyo gaya sa ibang binurong bangkay.”


“At mula sa madilim na kripta ni San Benigno, ililibing ka namin nang patayo at nakasingit sa isang pader, upang marinig mo nang buong lugod ang iyakan ng mga munting bata sa Limbo.”


 


Mga Tala


[1] Tumutukoy ang San Benigno sa matandang monasteryo sa bayan ng Djon, Burgundy sa France.

[2] Ginamit sa salin ang panumbas na “lamanlupa” sa “Scarbo” na isang munting demonyo o kawaksi ni Satanas.


Filed under: halaw, salin, salin, tula, Tagged: duwende, halaw, Kamatayan, kasalanan, kripta, lamanlupa, libingan, parusa, salin, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 28, 2014 08:00

July 27, 2014

Mga Martir ng Intifada, ni Fadwa Tuqan

Salin ng “Martyrs of the Intifada,” ni Fadwa Tuqan ng Palestine.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.


Mga Martir ng Intifada

Nangamatay silang nakatindig, nagliliyab sa lansangan

Nangagkikislapang tala, hinagkan nila ang labì ng búhay

Hinarap nila ang pagsapit ng mukha ng kamatayan

Saka nangaglaho gaya ng araw


Intifada


Filed under: halaw, salin, salin, tula, Tagged: digmaan, halaw, intifada, kapayapaan, Palestine, salin, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 27, 2014 10:21

July 26, 2014

Tulisan, ni Vladimir Lugovskoy

Salin ng “Basmach,” ni Vladimir Lugovskoy (Vladimir Alexandrovich Lugovsky) ng Russia, at batay sa bersiyong Ingles ni Gordon McVay.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.


Tulisan

Lumutang ang usok ng sigarilyo’t

. . . . . . . . paikid na pumaitaas nang makapal.

Nabaliko sa mga pader

. . . . . . . . ang bakuran ng mga banyagang riple.

Nakatungó,

. . . . . . . . at bahagyang umubó,

. . . . . . . . . . . . . . . . bumungad si Igan-Berdy,

. . . . . . . . na hinihimas ang masinsing balbas

. . . . . . . . . . . . . . . sa gitna ng ulop ng tabako.

Isang kopa ng lungting tsaa,

. . . . . . . . . . . . . . . . na pampalubag-kaluluwa,

. . . . . . . . ang lumapnos sa dila ng tulisan

. . . . . . . . . . . . . . . . nang matapang ang amoy.

Nang mabangga

. . . . . . . ng kaniyang puntera

. . . . . . . . . .ang kartutso sa tabi ng silya niya’y

itinaas ng nanginginig, matatabang daliri

. . . . . . . . ang kopa para itagay.

Ang trigo sa labas ng bintana’y

. . . . . . . . kumikinang, tila naglalagablab,

. . . . . . . . . . . . . habang ang drayber ng traktora

. . . . . ay inasinta siya nang walang kurap.

Walong araw na walang tulog sa kabundukan

. . . . . . . . ay tinugis niya ang mga bakás ng tulisan

. . . . . . . . . . .at sa ikasiyam na araw ay natagpuan

. . . . . . . . sa wakas si Igan-Berdy.

Tinulig sa putok ng mga baril

. . . . . . . . . . .ang ilahas na tainga ng gubat,

ang mga obrero ng Estadong Bukirin ng Dangara

. . . . . . . . ay nabihag ang mga nagsipag-aklas.

Nahilo ang drayber ng traktora,

. . . . . . subalit matatag at kalmado ang kaniyang kamay

. . . . . . . . . . .habang tinutungga ni Igan-Berdy

. . . . . . . . ang malapot, mabangong inumin.

Sumenyas si Igan-Berdy,

. . . . . . . . at nagsimulang magsalita,

. . . . . . . . . . . .at dumagundong ang kaniyang pahayag,

. . . . . . . . samantalang hinihigit ang balikat.

Ikinalugod niya, sambit niya,

. . . . . . . . . . . . . .ang pakikipagkasundo

. . . . . . . . sa mga komandanteng Sobyet—

. . . . . . . . . . . . mga bituin ng makapangyarihang bayan.

Hindi siya nagnakaw ni nangulimbat,

. . . . . . . . nakihamok siya nang tapát sa labanan.

Hindi siya pumaslang ninuman,

. . . . . . . . o nandambong sa gitna ng magdamag.

Tulad ng tuktok ng Gissar,

. . . . . . . . . . . . . ang kaniyang kalooban ay dalisay,

. . . . . . . . at wala siyang minasaker o binaldang

. . . . . . . . . . . . . . .mga dalagang Kabataang Komunista.

Malimit niyang maisip ang sumuko,

. . . . . . . . ngunit wala siyang pagkakataon.

Natiis niya ang limang mahirap na bakbakan—

. . . . . . . . . . . . . . at ngayon ang sandali ng pagbabago.

Gaya ng manlalakbay

. . . . . . . . na naghahanap ng tubig,

. . . . . . . . . . . .naghahayag ng malungkot na karanasan,

. . . . . . . . ang kaniyang tigang na puso’y umaasam

. . . . . . . . . . . . . .sa kalinga ng makapangyarihang Sobyet.

Ang katatagan ng gahum ng Sobyet

. . . . . . . . . . . . ay masaganang piging

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . para sa matatapang ang loob.

Si Igan-Berdy ay tanyag

. . . . . . . .  . . . . na tagapagkampanya, at hindi alipin.

“Ang tuwid kong mga bala

. . . . . . . . ay umulan sa rabaw ng lupain.

Biniyak ko ang katawan ng mga kaaway

. . . . . . . . . . . . . . mulang ulo hanggang bayag.

Ibinahagi ko nang patas sa aking mga tauhan

. . . . . . . . ang yaman ng inyong bukirin.

Binitay ko ang gurong walang dinidiyos

. . . . . . . . . . . . dahil sa pagtangging magsabi ng Amen.

Dumadaloy sa aking mga ugat

. . . . . . . . ang alingawngaw ng tagumpay sa digma.

Kaya mahigpit na makipagkamay at makipagkasundo

. . . . . . . . . . . . . na handog ni Igan-Berdy!”

Ngunit ang aming bihasang komandante

. . . . . . . . . . . . . . . . ay ganap na nakabawi.

Sa tulong ng isang interpreter

. . . . . . . . ay marahan niyang sinimulang magsiyasat.

At isang babae ang lumabas sa bakuran

. . . . . . . . at naghain ng kanin

. . . . . . . . . . . . . . . . na nasa mangkok. . .

Maingat siyang inasinta

. . . . . . . . ng aming nakayukong drayber ng traktora.

Kailangan nitong iwasang mabiso

. . . . . . . . mula sa sinag ng araw,

. . . . . . . . . . . sa dumadalaw na antok,

. . . . . . . . . . . . . . . . at sa lumalaganap na usok.

Kailangan niyang subaybayan ang bawat galaw

. . . . . . . . ng leeg ng bandidong mahusay magwika.

Bahagyang tumiklop ang leeg

. . . . . . . . . . . . . . . . bago muling umunat.

Walang latoy na pumitlag ang dugo

. . . . . . . . sa ilalim ng maitim na balát.

At ang drayber ng traktora ay pumalatak,

. . . . . . . . matatag

. . . . . . . . . . . . . . . . gaya ng kapalaran:

Wala siyang nasilayang mortal na kapuwa

. . . . . . . . bagkus isang bola ng poot.

Para sa lahat ng ani na kaniyang sinalanta,

. . . . para sa mga guho at  pagkawasak,

. . . . . . . . .waring isa lamang munting ganting kasiya-siya

. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . ang leeg

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . . . ni Igan-Berdy.


 


Mga Tala

[1] Ang orihinal na pamagat sa wikang Ruso ay “Basmach.” Ang mga Basmachi ay mga pangkat ng kontra-Boshevik na bandido sa gitnang Asya noong panahon ng Digmaang Sibil.

[2] Si Igan-Berdy ay isang makasaysayang tao.

[3] Ang kabundukan at tagaytay ng Gissar ay matatagpuan sa gitnang Asya, hilaga ng Dushanbe sa Turkmenistan.


Filed under: halaw, salin, salin, tula, Tagged: asasinasyon, bandido, digma, digmaan, halaw, kapayapaan, karahasan, kasaysayan, salin, tula, tulisan, tunggalian
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 26, 2014 01:49

July 24, 2014

Kumindat sa akin ang mapang-akit na kalungkutan, ni Adélia Prado

Salin ng “A Tristeza Cortesã me Pisca os Olhos,” ni Adélia Prado mula sa Brazil.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.


Kumindat sa Akin ang Mapang-akit na Kalungkutan

Tinatanaw ko ang pinakamalungkot na bagay,

na kapag natagpuan ay hindi na maiwawaksing muli,

dahil susundan nito ako nang higit na matapat

kaysa áso, ang multo ng áso, ang pighating di-maisasatitik.

May tatlo akong mapagpipilian: una, ang isang lalaki,

na buháy pa’y pinalalapit ako sa gilid ng kaniyang kama

at bubulong nang marahan: “Ipagdasal mo akong makatulog, ha?”

O, napanaginip kong pinapalo ang munting bata. Hinataw

nang hinataw ko siya hanggang maagnas ang aking braso

at siya’y maging mangitim-ngitim. Hinablig ko pa siya muli

at humalakhak siya, ni wala man lang poot, at pinagtawanan

akong pumapalo sa kaniya.

Ang huli, at ako na mismo ang lumikha ng angking hilakbot,

ay pumalahaw sa gitna ng gabi hanggang madaling-araw

at hindi na nagbalik, at nakatutulig ang sirena, at ang tinig

niya’y sa tao.

Kung hindi pa sapat iyan ay subukin na lámang ito:

Binuhat ko ang aking anak na lalaki nang sapo ang maselan

niyang ari, at hinagkan ko siya sa pisngi.


Filed under: halaw, salin, salin, tula,, tula Tagged: bagay, damdamin, halaw, kalungkutan, karahasan, palo, panitikan, salin, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 24, 2014 05:24

July 22, 2014

Paruparo, ni Chinua Achebe

salin ng “Butterfly,” ni Chinua Achebe  (Albert Chinualumogu Achebe) ng Nigeria.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.


Paruparo

Ang bilis ay karahasan

Ang gahum ay karahasan

Ang bigat ay karahasan


Hinahanap ng paruparo ang kaligtasan

sa gaan, sa kawalang-bigat, sa umaalong lipad


Ngunit sa sangandaan, na ang batikang sinag

mula sa mga punongkahoy ay bumabalatay

sa bagong haywey, nagtatagpo ang ating mga pook


Sumasapit akong sapat ang kargada para sa dalawa

At ang mayuming paruparo ay inihahain

ang sarili bilang matingkad, dilawang handog

sa rabaw ng aking matigas, de-silikong panangga.


Filed under: halaw, salin, salin, tula,, tula Tagged: halaw, karahasan, lipad, panangga, paruparo, salin, sinag, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 22, 2014 10:01

July 21, 2014

Pangontra sa Dalamhati at Mga Katwiran, ni Shawqi Shafiq

salin ng mga tula ni Shawqi Shafiq ng Yemen, batay sa salin sa Ingles ni Sinan Antoon.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.


Mga Ehersisyong Pangontra sa Dalamhati

Hagurin ang singsing ng puso

hagurin nang lubos

upang mapawi ang mga alabok ng panlulumo

Maingat na haguring muli

upang kumintab ang dingding ng pagkalimot

o

gumuhit ng bilog, ipaloob ang isa o dalawang

kalapati at masdan ang pagpagaspas (kung sakali)

Itatanong mo: Paano kung mawasak ang bilog?

Paano kung lumipad ang kalapati?

o kung nababagabag ako sa ingay ng pagaspas?

Wiwikain ko sa iyo: burahin ang bilog

hanggang maglaho ang mga bakas nito

at lagyan ng namumukadkad na babae

imbes na kalapati

upang makapaghiganti

sa napakainit mong paupahang bahay

na lumalamon sa iyong bibig.


Mga Katwiran
1. Panlasa

Hindi na ako kumain matapos

tayong magniig kahapon

nang hindi maglaho ang tamis

mo sa aking bibig.


2. Kislap

Kumislap sa karimlan ang tuhod,

na sapat na dahilan upang mayanig

ang ibon.


3.  Sariwa

Nang umupo siya sa duyan,

nadama niya ang kakaibang lambot

hindi niya batid na siya’y nakaluklok

sa sariwang kandungan


4. Kaganapan

May tatlong lalaking

iginuguhit sa loob ng silid

ang hulagway ng babae.

Nang matapos ang larawan,

ang silid ay natigalgal.


5. Pagkain

Napakarami ang puso sa basurahan

piraso ng tinapay

plastik

at mayroon ding hapunan

para sa impormanteng nagbabalatkayong

baliw.


6. Tagpo

Nang namahinga sa mesa ang kamay ko’y

natanaw niyon ang nagngangalit na suso.

Kinausap ng kamay ang dibdib,

sinikap itong pakalmahin, ngunit nagngalit.

Tumindig ang aking kamay upang ituro

ang pasensiya subalit pinaputok ng dibdib

ang damit, saka lumabas upang kagatin

ang panginorin ng aking kamay

Nang mabigong maitaboy ng kamay yaon,

tumindig ang kamay upang hagkan

ang kamao ng dibdib.


Filed under: halaw, salin, salin, tula,, tula Tagged: Babae, bilog, dalamhati, halaw, Ibon, kaganapan, kalapati, kislap, panlasa, puso, salin, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 21, 2014 19:38

July 19, 2014

Bulaklak at Digmaan, ni Mammad Araz

Salin ng “The Flower which Appeared in the Wrong Season” at “If There Were No War” mula sa orihinal na wikang Azeri ni Mammad Araz ng Azerbaijan, at batay sa bersiyong Ingles ni Betty Blair.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.


Ang Bulaklak na Sumibol sa Maling Panahon

Hindi ko pipigilan ang sarili

Kung walang mga patakaran, walang kaugalian.

Hindi ako magtitimpi kung ang mga batang

Tinatawag akong “Ama!” ay hindi hahadlang sa akin.


May karapatan kang mapoot sa akin.

Ano ang magagawa ko?

Ang buhay ay walang ikalawang tagsibol.

Hindi bukás para sa lahat ang mansiyon ng pag-ibig.


Kahawig ka ngayon ng isang bulaklak

Na sumibol nang wala sa panahon sa lilim ng niyebe.

Kung hindi kita pipitasin, dadapurakin ka ng unos.

Kung pipitasin kita, maluluoy ka sa aking mga palad, Mahal.


 


Kung Walang Digmaan

Kung walang digmaan,

Makapagtatayo tayo ng tulay mulang Mundo hanggang Mars

At tutunawin ang mga sandata sa malaking hurno.


Kung walang digmaan,

Ang ani ng laksang taon ay sisibol sa isang araw.

Maihahatid ng mga siyentista ang buwan at bituin sa Mundo.


Ihahayag ng mga mata ng heneral ang ganito:

“Magiging tagapangulo ako sa munting nayon

Kung walang digmaan.”


Kung walang digmaan,

Maiiwasan natin ang wala sa panahong kamatayan

At babagal ang pagputi ng ating mga buhok.


Kung walang digmaan,

Wala tayong haharaping

Dalamhati o kaya’y paghihiwalay.


Kung walang digmaan,

Ang bala ng sangkatauhan ay ang salita nito,

At ang salita ng sangkatauhan ay magiging pagmamahal.


Filed under: halaw, salin, salin, tula, Tagged: Azer, bulaklak, digmaan, halaw, mansiyon, niyebe, Pag-ibig, poot, salin, sangkatauhan, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 19, 2014 02:18

July 18, 2014

Mga Salita, ni Erich Fried

salin ng “Worte” ni Erich Fried mula sa Austria

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas


Mga Salita

Kapag napagod ang aking mga salita at nahubdan ng mga pantig

at nagsimulang tipahin ng sariling makinilya ang mumunting mali,

kapag nais kong humimbing at ayaw nang mamulat sa pighating

nagaganap sa daigdig at sa mga bagay na di maiiwasan araw-araw,


biglang magsisimula kung saan ang salita at banayad na hihimig

at walang ano-ano’y magbibihis ang mabababaw na kuro-kuro

at maghahanap ng iba pang kurong nabibilaukan sa kung anong

hindi malunok at ngayon ay nagmamasid sa paligid, at hahawakan

saka aalalayan ang mababaw na kuro at magsasabing: Halika


at pagdaka’y lilipad ang ilang pagod na salita

at ang ilang mali ang pagkakatipa’y pagtatawanan ang sarili

kapiling man ang buong diwa o walang kuwentang haka

mula sa atay ng London doon sa karagatan at kapatagan

at kabundukan, paulit-ulit at lampas sa parehong pook


At kapag bumaba ka sa hagdan ng iyong hardin nang umaga

at huminto at pansinin at masdan ito nang marubdob

matutunghayan ang mga salitang namamahinga

o pumapagaspas o giniginaw o kung minsan ay wala sa lugar

subalit tunay na nagagalak kapag kapiling ka nila.


Filed under: halaw, salin, salin, tula, Tagged: halaw, hawakan, kalungkutan, kuro, makinilya, pag-asa, pantig, pighati, salin, salita, sarili, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 18, 2014 00:27

July 13, 2014

Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan

Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan

Mga sanaysay hinggil sa wikang Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya ng akademya, hukuman, negosyo, at batasan. Sinulat ni Roberto T. Añonuevo, at tumatanaw nang malaki sa kaniyang blog na alimbukad.com na ang pinagmulan ay dakilapinoy.wordpress.com. Inilathala ng UST Publishing House noong 2013, at nagkakahalaga ng P300. Para sa karagdagang impormasyon, dumalaw sa websayt ng UST Publishing House.


Filed under: aklat, Filipino, wika Tagged: Filipino, kasaysayan, sanaysay, wika
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 13, 2014 21:12

Walang Bituin, ni Vicente Aleixandre

Salin ng “No Estrella,” ni Vicente Aleixandre mula sa Espanya.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.


Walang Bituin

Sino ang nagsabing ang katawan

na hinubog ng mga halik ay kumikislap

nang sukdol gaya ng buntala

ng kaligayahan? O aking bituin,

bumaba ka! Ang iyo nawang liwanag

ay maging lamán, maging lawas, dito

sa ibabaw ng damuhan. Maangkin

nawa kita sa wakas, pumipitlag sa uway,

talâng bumulusok nang wagas sa lupa,

at nang dahil sa aking pagmamahal

ay isasakripisyo ang iyong dugo’t liwanag.

Hindi, huwag, o aking paraluman!

Dito, mapagkumbaba’t masasalat

na naghihintay sa iyo ang lupain!

Dito, isang lalaki ang umiibig sa iyo.


Filed under: halaw, salin, tula, Uncategorized Tagged: bituin, halaw, langit, paraluman, salin, tala, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 13, 2014 09:29

Roberto T. Añonuevo's Blog

Roberto T. Añonuevo
Roberto T. Añonuevo isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Roberto T. Añonuevo's blog with rss.