Rogelio L. Ordoñez's Blog, page 11
March 10, 2013
Nasaan Ang Alpha At Omega?
(Tula)
sa gubat ng sagradong mga pangarap
matagal na kitang hinahanap
sa pagitan ng dilim at liwanag.
hinahanap kita kung dapithapong
naghihilamos ng dugo
mukha ng naghihingalong araw
hinahanap kita kung madaling-araw
buwan ay namumutla-nakatulala
nasaan ang alpha at omega
ng ating pakikibaka?
naglumot na ang mga dekada
sa pader ng alaala
sa daluyong ng habagat ng inhustisya
ilang mulawin na ang nangabuwal
sa gabi ng mga paglalamay
ng mga aninong walang mukha ni pangalan.
nanunumbat pa rin sa kalawakan
panaghoy ng inaaliping lahi
sa bawat pagpatak
ng mga talulot ng luha ng dalamhati.
nasaan ang alpha at omega
ng ating pakikibaka?
nasa humihiyaw bang lansangan ng mendiola
sa kadensa ng laksang sapatos ng protesta
laban sa mga diyus-diyosang mapagsamantala?
o nasa kagubatan ng pagsinta
habang nagbabanyuhay ang mga damo
mga talahib ay nag-aalipato?
nasa melodiya ba ng mga punglo at bomba
laya’t ligaya ng ating la tierra pobreza?
nasaan ang alpha at omega
ng ating pakikibaka?
habulin-apuhapin maging sa balumbon
ng abuhing ulap
huwag bayaang tangayin ng habagat
himagsik ng mga sawimpalad
dadaloy rin sa dibdib at ugat ng masa
dugo ng natipong ngitngit ng mga dekada
mamumukadkad din sa hardin ng adhika
pulang mga rosas ng ating alpha at omega
sa walang humpay na pakikibaka
oo, para sa pinakasisintang la tierra pobreza!


February 21, 2013
BALIK-TANAW SA SABAH
(Lathalain)
(Kaugnay ng umiinit ngayong usapin tungkol sa Sabah na kinaligtaan na yatang habulin ng gobyerno, matapos ang magkasunod na rehimen nina yumaong Pres. Diosdado Macapagal at Ferdinand Marcos, minabuti naming muling ilathala rito ang artikulo naming ito (unang lumabas sa PINOY WEEKLY, may petsang Setyembre 25-Oktubre 1, 2002). Pagkaraan ng naturang dalawang rehimen, lumilitaw na natulog na sa kangkungan ang sumunod na mga administrasyon mula kay Pres. Cory Aquino hanggang ngayon kay P-Noy, at ibinasura na ang paghahabol ng Pilipinas sa teritoryo ng Sabah).
ISANG BOMBANG maaaring biglang sumabog anumang oras ang isyu ng paghahabol ng Pilipinas sa Sabah. Dekada ’60 pa nang simulan ito at, batay sa datos, lumilitaw na hindi Malaysia ang dapat magmay-ari ng naturang teritoryo.
Ang Hilagang Borneo, kilalang Sabah noon pa, ay may kabuuang sukat na 29,000 milya kuwadrado, maliit lamang ng 8,000 milya kuwadrado kaysa Mindanaw. Mula sa Pilipinas, 18 milya lamang ang layo nito, ngunit 1,000 milya mula sa Kuala Lumpur, kabisera ng Malaysia.
Kung titingnan ang mapa, ang hilagang dulo ng Isla ng Borneo ang bumubuo sa sangkapat (1/4) na bahagi ng Sulu Sea at nag-uugnay sa mga isla pakanan mulang Palawan hanggang Kanlurang Bisaya, Mindanaw, at Arkipelago ng Sulu.
Ilang libong taon na ang nakaraan, isang kultural, historikal, at pang-ekonomiyang yunit lamang ang Pilipinas at ang Borneo. Ayon sa mga siyentipiko, magkarugtong ang dalawang teritoryo, mula sa iisang lahi ang mga tao, magkakulay, magkaugali at may parehong mga tradisyon.
——
ANG SOBERANYA NG SULTAN NG SULU
Dating pinamamahalaan ng Sultan ng Brunei ang Sabah. Noong 1704, bilang pagtanaw ng utang na loob nang matulungan ng Sultan ng Sulu na masugpo ang isang rebelyon sa Brunei, ipinagkaloob ng Sultan ng Brunei sa Sultan ng Sulu ang Hilagang Borneo o Sabah.
Noong 1878, pinarentahan ng Sultan ng Sulu ang Sabah kina Baron de Overbeck at Alfred Dent sa halagang 5,000 dolyar (Malaysian) na itinaas nang malaon sa 5,300.
Ipinagbili nang malaon ni Overbeck kay Dent ang lahat niyang karapatan sa ilalim ng kontrata. Isang pansamantalang asosasyon ang itinayo ng Ingles na mangangalakal na si Dent at, nang malaon, naitatag ang British North Borneo Company.
1881 — nang pagkalooban ng Karta Royal ang naturang kompanya. Nagprotesta ang pamahalaan ng Espanya at ng Olandes sa gobyerno ng Bretanya laban sa pagbibigay nito ng Karta Royal sa British North Borneo Co. Binigyang-diin ng Bretanya na “NANANATILI SA SULTAN NG SULU ANG PAGMAMAY-ARI SA SABAH” at tungkuling administratibo lamang ang gagampanan ng nasabing kompanya.
1903 — hiniling ng British North Borneo Co. sa Sultan ng Sulu na magpalabas ng isang kasulatang muling magpapatibay sa dating kontratang ginawa noong 1878 (lease agreement) at tataasan ang renta.
1946 — inilipat ng British North Borneo Co. sa British Crown ang lahat nitong karapatan at obligasyon sa Sabah at noong Hulyo 10, 1946 — anim na araw matapos ibalik ng Amerika ang inagaw na kasarinlan ng Pilipinas — iginiit ng British Crown ang ganap nitong mga karapatan sa soberanya ng Hilagang Borneo o Sabah.
——-
IBA PANG MGA PATOTOO SA SOBERANYA
1737 — isang tratado (Treaty of Alliance) ang pinirmahan ng Espanya at ng Sultan ng Sulu.
1805 — isang tratado ng pakikipagkaibigan sa Espanya ang nilagdaan ng Sultan ng Sulu.
1836 — kinilala ang soberanya ng Sultan ng Sulu nang makipagtratado sa kanya ang Espanya tungkol sa kapayapaan, pakikipagkaibigan at proteksiyon.
1851 — muling nakipagtratado ang Espanya sa Sultan ng Sulu. Nakilala ang tratadong ito bilang “Treaty of Annexation” at ipinailalim sa soberanya ng Espanya ang buong kapuluan ng Sulu.
1878 — isa pang tratado ang pinirmahan ng Sultan ng Sulu na, sa ikalawang pagkakataon, nagbibigay-diin sa soberanya ng Espanya sa teritoryo ng Sulu.
——–
PAPEL NG ESTADOS UNIDOS NG AMERIKA
1848 — sa pamamagitan ni Komodor Charles Silker, isang tratado ang isinulong ng Estados Unidos sa Sultan ng Sulu para sa kalakalan.
Agosto 20, 1899 — sa pamamagitan ni Hen. John C. Bates, isang tratado ang pinirmahan ng gobyerno ng E.U. at ng Sultan ng Sulu. Nakilala ito bilang Bates Treaty. Sa ilalim nito, idineklara at kinilala ng Sultan ng Sulu ang soberanya ng Amerika sa Arkipelagong Jolo at sa nasasakupan nito. May mga probisyon sa tratado na kumikilala sa “gobyerno ng Sultan” na gumagarantiya sa paggalang sa Sultan at sa mga Datu nito, gayundin ang ganap na pagkilala sa kanilang mga karapatan. Pinawalang-saysay ng Amerika ang tratado noong 1904 dahil sa paglabag diumano ng mga Muslim sa mga probisyon.
Marso 22, 1915 — napilitang makipagkasundo sa Estados Unidos ang Sultan ng Sulu dahil sa pangakong patuloy silang babayaran at bibigyan ng lupa. Pinagtibay niya ang kanyang “pagkilala sa soberanya ng E.U. sa Mindanaw at Sulu.
————
MGA HAKBANG NG ESTADOS UNIDOS NA PALAWAKIN ANG SULTANATO
1. Walang kaukulang legal na mga batayan, sa pamamagitan ng Tratado ng Paris, isinalin ng Espanya sa Estados Unidos ang pagmamay-ari sa Pilipinas.
2. Hunyo 1, 1903, sa bisa ng Bates Treaty, nilikha ang probinsiyang Moro na nagbawas sa kapangyarihang pampulitika ng Sultanato.
3. Nang pagtibayin ang Batas Jones noong 1916, nabuksan sa Kongreso ng E.U. ang talakayan hinggil sa kasarinlan ng Pilipinas. Natakot na kapag nagsasarili na ang Pilipinas, baka bawiin nito ang Sabah, kaya hinimok ng British Crown si Pres. Woodrow Wilson ng Amerika na atasan si Al-Sultan Jamalul Kiram II na isuko sa gobyerno ng E.U. ang soberanya nito sa Arkipelago ng Sulu at Mindanaw.
4. Itinadhana ng 1919 Kasunduang Carpenter na kilalanin ng Sultan ng Sulu ang soberanya ng E.U. sa Mindanaw at Sulu kaakibat ang lahat ng karapatan at regulasyong ipinatutupad ng gobyerno ng Amerika sa lahat ng nasasakupan nito.
5. Sa tratadong pinirmahan ng E.U. at ng Gran Bretanya noong Enero 2, 1930, nilimitahan ang teritoryal na hurisdiksiyon ng Pilipinas.
6. Sa ilalim ng 1935 Konstitusyon ng bansa, isinama sa balangkas ng Republika ng Pilipinas ang Sultanato ng Sulu nang walang kaukulang patalastas sa gobyerno ng Sultan at labag sa kagustuhan ng mga mamamayan ng Sultanato. Ang Gobyernong Komonwelt ang nagmana mula sa E.U. ng soberanya ng Sultanato ng Sulu.
——–
MGA HAKBANG NG GOBYERNO NG PILIPINAS
SA PAGHAHABOL SA SABAH
Hunyo 22, 1962 — Ipinatalastas ngat Pilipinas, sa pamamagitan ng Kagawarang Panlabas (DFA), sa UK (United Kingdom) ang paghahabol nito sa Sabah.
Setyembre 12, 1962 — Ipinaliwanag ng Pilipinas sa gobyerno ng UK ang mga batayan nito sa paghahabol sa Sabah.
Disyembre 29, 1962 — Nagkasundo ang UK at ang Pilipinas na talakayin ang isyung ito.
Enero 28 – Pebrero 1, 1963 — Idinaos sa London ang unang kumperensiyang ministeryal tungkol dito. Pinamunuan ni dating Bise-Presidente Emmanuel Pelaez ang lupon ng Pilipinas, at ni Ministrong Panlabas Earl Home ang lupon ng UK.
Hunyo 7-11, 1963 — Nagpulong sa Maynila ang mga Ministrong Panlabas ng Indonesia, Malaysia at Pilipinas. Sa isang dokumentong ipinalabas nila, napagkasunduang “hindi mababale-wala ang paghahabol ng Pilipinas sa Sabah o ang anumang mga karapatang kaugnay nito” sakaling mabuo man ang Pederasyon ng Malaysia.
Hulyo 30-Agosto 5, 1963 — Nagpulong sa Maynila sina Pres, Diosdado Macapagal, Pres. Sukarno ng Indonesia, at Ministrong Panlabas Tunku Abdul Rahman ng Malaysia. Sa dokumentong ipinalabas nila, pinagtibay nila ang napagkasunduan noong Hunyo 7-11, 1963 ng kani-kanilang mga ministrong panlabas tungkol sa paghahabol ng Pilipinas sa Sabah.
Setyembre 14, 1963 — Ipinahayag ng Pilipinas ang pag-aalinlangan nito sa resulta ng misyon ng U.N. na gusto diumano ng mga mamamayan ng Sabah na manatili ang naturang teritoryo sa Malaysia.
Pebrero 5-10, 1964 — Sinimulang talakayin ng mga ministrong panlabas ng MAPHILINDO (Malaysia, Pilipinas, Indonesia) ang paghahabol ng Pilipinas sa Sabah, gayundin ang iringan ng Malaysia at Indonesia.
Pebrero 5-12, 1964 — Nag-usap din sa Phnom Penh, Cambodia, sina Macapagal at Rahman at nagkasundong dalhin sa World Court ang isyu ng Sabah.
Marso 5-6, 1964 — Idinaos sa Bangkok, Thailand, ang ikalawang masusing talakayan ng mga ministrong panlabas ng MAPHILINDO tungkol sa naturang isyu, gayundin ang banggaan ng Malaysia at Indonesia, ngunit walang napagkasunduang anuman.
Hunyo 20-22,1964 — Nagpulong sina Macapagal, Sukarno at Rahman. Batay sa napag-usapan sa Phnom Penh, ibinigay ng Malaysia ang dokumentong “Philippine Claim to North Borneo, Volume 1.” Ipinanukala rin ng Pilipinas na bumuo ng komisyong Apro-Asyano para mamagitan sa bagay na ito.
Pebrero 7, 1966 — Opisyal na ipinahayag ng gobyerno ng Malaysia na hindi nito nilabag ang Hulyo 31, 1963 Kasunduan sa Maynila at binigyang-diing patuloy na igagalang iyon.
Hunyo 3, 1968 — Naging normal ang relasyon ng Malaysia at Pilipinas.
Enero 12, 1968 — Nagpalabas ng dokumento sina Pres. Marcos at Ministro Rahman na sa lalong madaling panahon, ipagpapatuloy ang talakayan ng kanilang mga bansa tungkol sa Sabah.
———
Bago idineklara ni Marcos ang Batas-Militar, ibinunyag ni Sen. Benigno Aquino, Jr. noon ang planong paglusob ng puwersa ng gobyerno sa Sabah sa pamamagitan ng tropang Jabidah na sinasanay ng militar. Humantong iyon sa pagmasaker sa mga miyembro ng Jabidah ng diumano’y mga militar dahil nagsitutol ang mga iyon sa plano ni Marcos.
Mula sa rehimen ni Cory Aquino, Fidel Ramos, Erap Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, at masasabing hanggang ngayon sa rehimen ni P-Noy, parang binuhusan ng tubig at lumamig ang usaping ito sa Sabah. Muli lamang itong uminit dahil sa malupit na maramihang deportasyon noon ng mga Pilipinong nandayuhan sa Malaysia, at umiinit nang umiinit nga ngayon bunga naman ng mga 400 Pilipinong nagpunta sa Sabah kamakailan at naninindigang teritoryo iyon ng Pilipinas na, malamang, baka puwersahang pabalikin sa Pilipinas ng mga awtoridad ng Malaysia.
Tuluyan ba itong magsisiklab at parang bombang sasabog sa ilalim ngayon ng rehimen ni P-Noy? O talagang bahag ang buntot sa Sabah ng ating kinauukulang walang gulugod na pambansang liderato?
Pebrero 21, 2013


February 10, 2013
Write about your strongest memory of heart-pounding belly...
Write about your strongest memory of heart-pounding belly-twisting nervousness: what caused the adrenaline? Was it justified? How did you respond?


February 4, 2013
Musika Mo’y Minamahal Ko
(Tula– malayang salin mula sa orihinal kong Your Music I Love)
musika mo’y minamahal ko
mga tunog ng tambol
sa maitim, nananangis na gabi
umaatungal na ritmo
ng mga putok ng baril
sa labirinto ng kaisipan ko
hitik sa kadensang nanginginig
at waring humahagupit na lintik
sa nagiginaw kong gulugod
maglulundo sa dagundong
ng sumasambulat na mga bombang
umuulos sa pandinig at kaluluwa ko.
musika mo’y minamahal ko
dumadagok sa pandama ko
lubos akong ginigising
at pinaluluwang mga butas
ng ilong ko
pinabubuka mga talukap
ng mata ko
sumisigid sa himaymay
ng puso ko
pinupuno ang banga
ng katauhan ko
ng mainit na agos
ng rumaragasang mithiin
para sa iyo at sa akin
para sa namimighati
nating mga supling
sa ilalim ng ginintuan
di madakmang araw
upang, sa wakas, mabulas
na bumukadkad magpakailanman
kinandiling pulang-pulang mga rosas
sa hardin ng pag-asang walang hanggan.
musika mo’y minamahal ko
pinaglalagablab nito ang apoy
sa aking kalamnan
upang sinlakas ng kulog
na murahin at durugin
nananakmal, mapaminsalang
mga diyus-diyosan
nililinis nito yaring kaluluwa
para siilin ng halik, yakapin
sagradong mga adhikain
pinatatalas nito ang aking paningin
para lubos kong makita
miserableng buhay ng masa
gayundin ang ninananang pigsa
at nakaririmarim na kabalintunaan
sa inuuod na lipunan.
musika mo’y minamahal ko
ipinaririnig nito sa akin
tagulaylay ng uring maralita
ng mga inalipin
ng inhustisya’t pagsasamantala
sumisipol ang tono nito
sa naglalakbay na amihan
itinataboy ang maiitim
na balumbon ng mga ulap
sa papawirin ng dusa’t hilahil
koro nito’y hitik ng alimura
tinatagpas ng matalim na mga salita
tusong ulo ng mapagsamantala
sa palasyong nabubulok, umaalingasaw
sa hininga ng walang-pakundangang
mga hari’t senturyon
ng kasakiman at inhustisya.
musika mo’y minamahal ko
lagi’t laging pumapailanlang
mga nota ng sumisikdong pag-asa
ng masang sambayanang
noon pa’y inaalipin na
itinatanikala ng dalamhati’t luha
sa binaog na lupain ng dalita –
sa kahabag-habag kong la tierra pobreza
kadluan ng araw at gabi kong mabulaklak
na mga pangarap
oo, musika mo’y minamahal ko
dahil sa maalab, mapagpalayang
rebolusyonaryong lirika!


January 8, 2013
Dumilat Ka, Indio!
(Tula)
sa mahabang panahong pagkakahimbing
dumilat ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
humulagpos ka sa pagkakadena
sa bilangguan ng dalita’t dusa
tupukin ang bartolina
ng maringal na mga templong
may di maipaliwanag na mga ritwal
na ganap na lumason sa kaisipan mo
na lubos na umalipin sa kaluluwa mo.
dumilat ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
deka-dekada nang sinipsip-hinuthot
ng mga diyus-diyosan
likas na alindog ng dibdib mo
at walang humpay pang ginagahasa
ng uring hari-harian sinapupunan mo
dinarambong yaman ng baul mo
kung maaari’y limasin
pati balon ng tubig mo
sairin pati palabigasan mo.
at ngayon, oo ngayon…
mga bisig mong tinatakasan ng laman
umaararo sa malawak na kabukirang
kanilang kinamkam
mga daliri mo’y turnilyong bumabaon
sa granaheng lumiligis sa iyong katawan
sa mga pabrika ng inhustisya’t kasakiman
mapalad ka nga ba
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
dahil maralita ka’t nagdurusa?
sa mahabang panahong paglulunoy sa ilusyon
dumilat ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
iwaksi ang mapanlinlang na mga salmo’t himno
walang saysay ang mga lirika
walang indayog ang iwing musika
kung nananambitan ang asawa mo
kung humahagulhol ang anak mo
dahil inuulos ng gutom
mga bitukang bumalumbon.
magising ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza
awitin mo
bagong mga titik ng pakikibaka
gawing melodiya
singasing ng pulbura
dagundong ng mga bomba
ganap na pulbusin
bawat kuta ng inhustisya
gibain-lansagin bawat palasyo
ng pagsasamantala
wasakin-durugin
nilumot na moog ng pambubusabos
nang sa wakas mapalaya
ang uring alipi’t dayukdok
dumilat ka
ikaw indio
ng aking la tierra pobreza!


December 21, 2012
Awit 1
(Tula –inilathala sa PILIPINO FREE PRESS, Disyembre 18, 1968 at, kaugnay nito, pakidalaw na rin ang “Di Hinaplos ng Pasko ang Puso” — Dis. 29, 2010 sa arkibo ng plumaatpapel).
huwag mong pagmasdan
nagsayaw-sayaw na mga parol
at nagkikindatang pula, dilaw
asul at berdeng mga ilaw sa bintana
huwag mong namnamin
nakahaing hamon, keso at alak
sa iyong kumikislap na mesa.
ikaw, ikaw na may pusong kristiyano
ay dapat tumanaw sa dako pa roon…
sa pook na libingan
ng mga buhay na kalansay.
masdan mo, masdan mo
ang humpak na pisngi
ng isang batang naglalaway
sa isang mansanas
o isang kumpol na ubas…
masdan mo ang isang platong kanin
at ilang butil ng asin
na tinititigan ng matang malungkot.
sa lamig ng madaling-araw
masdan mo ang butuhang mga daliri
at gulanit na balabal
ng isang matandang
nakayukayok sa pinto ng simbahan.
sa sikat ng araw sa katanghalian
sulyapan mo ang pudpod na takong
at butas na suwelas ng sapatos
ng isang pawisang trabahador
at tingnan mo pagkatapos
ang naglulunoy na water lily
sa estero at sa ilog pasig.
sa butas-butas na bubong
ng isang dampa
subukan mong titigan ang araw
katasin mo ang pait at dusa
at madarama ng iyong pusong kristiyano
ang kahungkagan ng isang pasko!


December 10, 2012
A Poem There Is
(Poem — modified English version of “May Tula”)
yes, poets of an enslaved race
a poem there is
in crawling ants
on scattered sugar granules
in wriggling worms
on flesh decomposing
or in flies flirting
on hands with sores oozing.
also a poem there is
in the bleeding heart
of one derangely forsaken
by love’s unfathomable angst
with besetting shadows of loneliness
cold as the harsh winter snowy wind.
yes, there is also a poem
in confused, wandering ideas
in the dark, thick foliage
of fantasy and ignorance
or wallowing in the murky brooks
of emptiness and elusive dreams.
yes, also a poem there is
in the moon’s luminous face
in the stars sparkling
on a firmament serene
yes, a poem there is
in the hissing
of bamboo plants
or in the tender caress
of the gentle wind
or in the surging waves
smacking the shore.
poetic also is the solitary flower
in a long-forgotten grave
and poetic also are the tears of morning dew
on yellowish, desolate blades of grass.
a poem also there is
in feverish, quivering loins
in sudden lust’s ejaculation
on an orgasmic, howling night.
but poets of an enslaved race
more poetic is a mother’s grieving face
than the staring full moon in the sky
her son abducted by military brutes
now a bit of bone or slice of flesh no more
desaparecido like a lonely
bursting, evaporating bubble
in the parched earth of despair.
more poetic are the tot’s mournful eyes
than the twinkling billion stars
his stomach devoid
of milk and bread
in it only air dwells.
yes, more lyrical is the music
of those crucified by tears of grief
fed with vile of injustices
chained, tortured by the demigods
in thick prison walls
of humiliating miseries.
yes, poets of an enslaved race
more poetic is the poem
in the creaking bones
of an emaciated worker
in cruel factories of greed
more poetic in the dripping sweat
of a sacada in vast sugarcane field
yes, more poetic
in the cries and lamentations
of victims of an exploitative few
yes, poets of an enslaved race
more melodious is the poem
in the cadences
of rebellious feet
on the heaving breast
of the streets of protests
more poetic
in the sonnet of gunfires
in the elegy of bombs
in the epic of struggles
of the exploited class.
yes, poets of an enslaved race
what is more sacred and pure
than society’s abominable realities
and the miserable lives
of the masses long-oppressed
longing every minute to be free
from bondage and poverty?


November 25, 2012
May Tula
(Tula)
oo, mga makata ng inaaliping lahi
may tula nga sa gumagapang na langgam
sa nalaglag na mga butil ng asukal
o sa kumikiwal na uod
sa nabubulok na laman
o sa dumarapong langaw
sa ninananang kamay
may tula rin sa nagdurugong puso
o sa himutok at tagulaylay
ng pangungulilang sinlamig ng yelo
ng mga nilikhang nabigo-nabaliw
sa di-masukat na pagmamahal
may tula rin sa nagbabaging na mga ideya
sa gubat ng pantasya’t kamulalaan
o sa lawa ng ilusyon at kawalan.
oo, may tula rin nga
sa maliwanag na mukha ng buwan
o sa luningning ng mga bituin
sa maaliwalas na kalangitan
may tula sa lawiswis ng kawayan
o sa mabining haplos ng amihan
o sa dumarambang alon sa dalampasigan
matulain din nga ang ulilang bulaklak
sa dibdib ng limot nang libingan
matulain din nga ang luha ng hamog
na dumidilig sa nanilaw na damuhan
ano pa nga’t may tula rin
sa nagbabagang singit at puson
o sa pulandit ng lumayang libog
sa init at lingkis ng gabing humiyaw.
ngunit mga makata ng inaaliping lahi
higit na matulain ang mukha ng inang luhaan
kaysa malamlam na sinag ng buwan
anak niya’y dinukot ng imbing militar
ni anino ngayo’y di na matagpuan
higit na matulain ang mata ng paslit
kaysa luningning ng bilyong bituin
dahil ni tinapay di malasahan
ni patak ng gatas di masayaran
bituka niyang hangin lang ang laman.
oo, higit na maindayog ang sayaw ng diwa
ng mga nilikhang ibinartolina
ikinadena ng mga diyus-diyosan
sa bilangguan ng dalita’t dusa
at pinalalamon sa tuwi-tuwina
apdo’t lason ng inhustisya.
oo, mga makata ng inaaliping lahi
higit na matulain ang tula
sa lagutok ng buto ng obrero sa pabrika
sa tagaktak ng pawis ng sakada sa asyenda
sa daing at panambitan
ng mga biktima ng pagsasamantala
sa kadensa ng libu-libong paa
sa umaalong lansangan ng protesta
higit na matulain
soneto ng mga punglo
elehiya ng mga bomba
epiko ng pakikibaka
ng sambayanang masa
oo, mga makata ng inaaliping lahi
ano pa ang higit na dakila’t dalisay
kaysa reyalidad ng marawal na buhay
ng milyong nilikhang laging naglalamay
walang hinahangad kundi kalayaan
sa pagkaalipin sa kabusabusan?


November 18, 2012
Walang Alitaptap Sa Punong Acacia
(Tula)
matagal nang
wala akong nakikita
ni isang alitaptap
sa punong acacia
walang umiindak
sa natuyong sanga
walang kumikindat
sa dahong nalanta
walang nagniningning
tulad ng bituin
lalo’t nakapiring
sa mata ng buwan
itim na ulap
ng dusa’t panimdim
at lupit ng kamay
ng pang-aalipin.
tinangay ba sila
ng hanging amihan
sa burol ng dilim
at ngayon ay tanglaw
sa mithiing banal
ng mga aninong
laging naglalamay
sa pananagimpan
habang hinahabi
sa pisngi ng gabi
madugong lirika ng paghihimagsik
melodiyang umiindak sa pag-ibig
sa laya’t ligaya
ng ibinartolinang
la tierra pobreza
sa yungib ng inhustisya
ng uring mapagsamantala?
wala ni isang alitaptap
sa punong acacia
ngayong puso ko’y
sakmal ng dalita’t dusa
ngayong sa utak ko’y
naglilingkisan
sumisingasing na mga eksena
ng mga dekada ng pakikibaka
ngayong sa tainga ko’y
umaalunignig
tagulaylay ng dasal-hinaing
ng mga nilikhang
nilamon ng sakim
silang kabataang
sa gubat nalibing
silang mga inang
luha ang kapiling
silang mga amang
buto ay giniling
ng imbing makina
sa mga pabrika
dugo ay kinatas
ng lupang di kanya
pataba sa tubo
pandilig sa palay
habang nagsasayaw
sa karangyaan
at naglulublob
sa kapangyarihan
silang iilang diyus-diyosan
sa umaalingasaw na lipunan.
walang alitaptap
sa punong acacia
saan sila naglipana
ngayong kumakapal
ang lambong ng dilim
sa luhaang mukha
ng bayang alipin
ng mga gahaman
ngayong binubulag
ng huwad na mesiyas
masang sambayanang
lagi nang dayukdok
at lalamunan
ay titiguk-tigok?
kumpul-kumpol
sanang dumatal
sa punong acacia
laksang alitaptap
at sana’y ilulan
sa nagbukang pakpak
di lamang luningning
papawi sa dilim
kundi lagablab
ng dila ng apoy
upang gawing uling
tupukin-pulbusin
katawan ng mang-aalipin
at uring balakyot!


October 28, 2012
Gunitain
(Tula)
gunitain
silang binaril sa bunganga
silang pinutulan ng dila
dahil isiniwalat
mga lihim at hiwaga
sa palasyo ng mga pinagpala.
gunitain
silang minaso ang kamay
silang pinutulan ng daliri
dahil isinatitik
nanlilisik na katotohanan
sa bulok-inuuod na lipunan.
gunitain
silang dinukit ang mata
silang nilaslas ang tainga
dahil nakita mukha ng inhustisya
at malinaw na narinig
tinig ng pagsasamantala.
gunitain
silang nilagari ang tuhod
mga buto ay dinurog
dahil ayaw lumuhod
sa altar na maalindog
ng diyus-diyosang nabubulok.
gunitain
silang kinuryente ang bayag
silang nginatngat ang utong
silang pinainom ng ihi
sa inodoro’y inginudngod
dahil ayaw manikluhod.
gunitain
silang pinugot ang ulo
sinikaran-pinagulong
sa dalisdis ng kabundukan
dahil utak laging kumukulo
laban sa uring gahaman-palalo.
gunitain
silang isinimento sa dram
ipinalamon sa pusod ng karagatan
dahil di mapigilan sa pakikilaban
para sa isang mapayapa
maunlad-demokratikong lipunan.
oo, gunitain silang lahat
silang nagsipag-alay ng dugo’t buhay
sa panahon ng kanilang paglalakbay
silang “nangabuwal sa dilim ng gabi”
habang mga alitaptap ay naglalamay
at nananaghoy ang gaplatong buwan.
gunitain, oo gunitain
silang dalisay ang mithiin
silang busilak ang layunin
silang hagupit ng dusa’t panimdim
at unos at ulos ng dilim at lagim
sagradong ninasang ganap na pawiin.
lahat sila’y gunitain
mga alaala nila’y petalya ng apoy
malagablab na tatanglawan
puso natin at isipan
upang brilyanteng magluningning
bilyong mga bituin
sa landas nating tatahakin
hanggang matupok ang kumot ng dilim
at iluwal ng araw ang hustisya sosyal
progreso’t demokrasyang tunay
sa niwakwak na tiyan ng mga gahaman
sa la tierra pobrezang pinakamamahal!

