Walang Alitaptap Sa Punong Acacia

(Tula)


matagal nang

wala akong nakikita

ni isang alitaptap

sa punong acacia

walang umiindak

sa natuyong sanga

walang kumikindat

sa dahong nalanta

walang nagniningning

tulad ng bituin

lalo’t nakapiring

sa mata ng buwan

itim na ulap

ng dusa’t panimdim

at lupit ng kamay

ng pang-aalipin.


tinangay ba sila

ng hanging amihan

sa burol ng dilim

at ngayon ay tanglaw

sa mithiing banal

ng mga aninong

laging naglalamay

sa pananagimpan

habang hinahabi

sa pisngi ng gabi

madugong lirika ng paghihimagsik

melodiyang umiindak sa pag-ibig

sa laya’t ligaya

ng ibinartolinang

la tierra pobreza

sa yungib ng inhustisya

ng uring mapagsamantala?


wala ni isang alitaptap

sa punong acacia

ngayong puso ko’y

sakmal ng dalita’t dusa

ngayong sa utak ko’y

naglilingkisan

sumisingasing na mga eksena

ng mga dekada ng pakikibaka

ngayong sa tainga ko’y

umaalunignig

tagulaylay ng dasal-hinaing

ng mga nilikhang

nilamon ng sakim

silang kabataang

sa gubat nalibing

silang mga inang

luha ang kapiling

silang mga amang

buto ay giniling

ng imbing makina

sa mga pabrika

dugo ay kinatas

ng lupang di kanya

pataba sa tubo

pandilig sa palay

habang nagsasayaw

sa karangyaan

at naglulublob

sa kapangyarihan

silang iilang diyus-diyosan

sa umaalingasaw na lipunan.


walang alitaptap

sa punong acacia

saan sila naglipana

ngayong kumakapal

ang lambong ng dilim

sa luhaang mukha

ng bayang alipin

ng mga gahaman

ngayong binubulag

ng huwad na mesiyas

masang sambayanang

lagi nang dayukdok

at lalamunan

ay titiguk-tigok?


kumpul-kumpol

sanang dumatal

sa punong acacia

laksang alitaptap

at sana’y ilulan

sa nagbukang pakpak

di lamang luningning

papawi sa dilim

kundi lagablab

ng dila ng apoy

upang gawing uling

tupukin-pulbusin

katawan ng mang-aalipin

at uring balakyot!



 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 18, 2012 08:34
No comments have been added yet.