Bebang Siy's Blog, page 60

March 14, 2013

Top 10 Bebang Facts

ni Orly Agawin



Una ko siyang nakita matapos ibinulong sa akin ni Peter na nariyan ‘un mananalo ng Readers Choice Award sa 2nd ReaderCon noong August.



“Sino? Ung Bebang?” tanong ko agad.



“Correct,” bulong ni Peter. “Nandyan siya. Basta dyan sa loob,” sabay turo sa loob ng main hall ng Heritage Library.



“Kabibili ko lang ng libro n’ya kahapon. Dun sa Glorietta. Nakita ko ang title, binili ko kasi sabi: Men.” Un ang kwento ko kay Peter. “Pag uwi ko ng bahay, hindi pala tungkol sa lalake. Tungkol sa mens pala! Tungkol sa REGLA!”



“Dali, hanapin mo siya!” sabi agad ni Peter. “Dala mo ba libro mo?”



Buti na lang at lagi kong dala ang mga librong binabasa ko kahit saan. ”Yes! Asa kotse!”



Nakita ko siya sa may bukana ng bookshop. Pumipirma ng libro. May tatlo pang taong nakapila, hindi siya magkamayaw.



Maliit lang siya. Maganda, maputi, matangos ang ilong, at naka-pony tail ang buhok. Naka itim na sweat shirt at naka-pants. Simple lang ang sapatos. Flat shoes pa ata.



Pumila na rin ako. Kahit hindi ako nagpapapirma sa mga author ng librong hindi ko pa nababasa o natatapos, sayang ang opportunity na ‘to. Lalo na ngayong alam kong siya ang mananalo ng Reader’s Choice Award.



“Hello, ako si Orly,” sabi ko sa kanya. “Papa-autograph sana ako ng libro.”



“Ay hello, Orly!” bulas nya. “Salamat sa pagbili ng libro, ah! Kailangang kailangan ko yan!”



Maingay, galgal, magaslaw, malakas ang boses.



“Salamat! Salamat! Salamat!”



Tumawa ako.



Tumawa din siya.



Parang lalaki kung tumawa – ‘ung lalaking bakla.



“Nagustuhan mo ba ‘ung libro?” tanong n’ya habang inaabot ang copy ko ng It’s a Mens World.



“Ay…”



“Ay mali!” banat ni Pandak. “‘Di ko pala dapat tinatanong yan! Sori-sori!”



Ang ingay mo, ah!



“Alam mo, ang gwapo mo!” sabi n’ya. “Ang gwapo mo talaga!!!” Sabay yakap sa akin.



Nakakabastos ka na, ah!!



Yumuko siya sa may booth ng bookstore para sulatan ang libro ko. May bagong pumila sa likod ko. May dala ring libro.



“Alam mo, natutuwa ako,” sabi n’ya habang nagsusulat. “Tinatangkilik n’yo libro ko. Salamat talaga!”



Isa pang salamat….’e makikita mo na, talaga!



“Taga san ka? Dun sa bookclub nina Peter?” tanong n’ya habang nakayuko pa rin sa libro. “Alam mo, andami n’yo. Nakakatuwa kayo! Hindi ko alam may mga ganyan pala dito.”



“Yeah, kina Peter.” Magsulat ka na lang kase.



“Alam mo, ang gwapo mo talaga!” Pero nakatingin pa rin siya sa libro.



Isa pa! Isa pa talaga!!!



“O, ayan. Napahaba yata ang sulat ko. Pasensya na,” sabay abot sa akin ng copy ko ng libro n’ya.



“Thank you, Bebang.”



“Ang gwapo mo!!! Promise!” sabay tingin kay Peter. “Di ba? Ang gwapo n’ya?”



Nabibingi na ‘ko.



“Picture kayo!” sabi ni Peter. “Dali! Picture-picture!”



Inilabas ko ang telepono ko. Inabot ko kay Peter. Biglang ibinaling ni Pandak ang baba n’ya sa balikat ko. Kinunan din ako ni Rhett gamit ang mamahaling SLR.



“Ang gwapo mooooo!!!” bulong n’ya.



Pasalamat ka, plastik ako. Kung hindi, kanina pa kita kinulutan ng kinky, alam mo?



“Salamat, Bebang,” sabi ko ng nakangiti.



“Naku, salamat din! Salamat sa pagbili n’yo sa libro ko,” sagot n’ya. “Kahit ‘di tayo magkakilala.”



As Peter mentioned, nanalo siya noong hapon ding ‘un. Pumalakpak lahat, pero mas malakas ang palakpak n’ya. Di siya maniwala. Seryoso daw ba ‘ung mga judges? Paki-check daw uli ng resulta.



She won the 2nd ReaderCon Readers’ Choice Award. Isang sa mga bagong pagkilala sa isang bagong manunulat tulad n’ya.



***



Pinili ng Flips Flipping Pages (ung bookclub kung saan kasama ko sina Peter) ang It’s a Mens World for our line up of books this year. Ako daw ang mag-mo-moderate. Matagal ko nang natapos ang libro. August pa lang, nabasa ko na ang lahat ng istorya ni Bebang.



Masaya ang libro. Kasing saya n’ya. Iba’t ibang kwento about her coming-of-age. Mala Bob Ong ang form, pero babae ang feel. Babaeng-babae nga, na madalas mong madaanan ang mga salitang “tagos,” “pekpek” “regla” at “Newtex (with wings),” and “bestfriend,”



Pero kung minsan, may lalim ang mga istorya nya. Parang may gustong sabihin, na parang ewan.



I can only do so much. Sa ayaw ko’t sa gusto, lalaki pa rin ako. May ibang dimensyon ang pagiging babae, na tanging sila lang ang nakakaalam at nakaiintindi.



Sinabi ko noon na sa March 2013 sana ang discussion. Women’s Month. Para may relevance. Para may concept.



“Ay game!” sabi ni Gege – ang Hermana Mayor ng Flippers.



***



Bukas na ang discussion. Sa isang restoran sa Ongpin. Pinili ko ang Maynila as the venue dahil doon lumaki si Bebang. Nag-aral siya sa Ermita Catholic School, lumipat at nagtapos sa Philippine Christian University – Union High School of Manila kung san naging mag-schoolmates pa kami! Buti na lang at hindi ko siya nakilala noon. Dahil kung nakilala ko siya noon, ay tinapalan ko nang bonggang-bongga ng Bunsen Burner ang bibig n’ya.



We’ll discuss our thoughts on the book. Aalamin namin kung may saysay pa rin ba talaga ang isyu na inilalatag nya sa mga Pilipinong mambabasa. Hihimayin ang mga istorya at uusisain kung may karugtong pa ang mga ito.



Darating si Bebang. Tulad namin, excited din siya.



But the discussion will not be about her. It will be about her work and her other works.



Kaya ko sinusulat ito.



This is a pre-discussion post about Bebang. These are interesting facts about her as a writer, a daughter, a student, a mother and a woman. Mga bagay-bagay na lately ko lang nalaman, nang interbyuhin ko siya, which made me love her even more.



Dear, Jellicle Readers…I present to you, the Top 10 Bebang Facts!



(ang haba ng Introduction ko, diba?)



Fact # 10: Like everyone else, her first attempts to write was rejected



Noong High School, sinubukan n’yang magsulat sa School Organ. Nagpasa siya ng isang piyesa. Na-deny. Masayado daw makulit, patawa. Hindi seryoso. She ended up writing for the School Paper’s Lampoon Issue.



Dun bumenta siya.



Fact # 9: Muntik na siyang maging Geodetic Engineer o Film Maker



Unang tapak n’ya sa Diliman as an UPCAT passer, pumila siya sa may Palma Hall. Dun sa Registration, dala-dala ang listahan ng mga piniling kurso (any Non-Quota Course). Nung mga oras na ‘un ay hindi pa rin n’ya alam kung anung pipiliing kurso. Nasa listahan ang Geodetic Engineering, Speech Pathology at Film Making at iba pang mga kurso na ‘ni sa hinagap ay hindi n’ya mage-gets.



May pila papunta sa nakasarang pinto. Sa likod nito ang future career n’ya sa susunod na apat na taon.



“Di mo pa rin alam kung anung pipiliin mo?” tanong ng katabi n’ya.



Umiling lang siya.



“Yang Film na lang. Kasi dyan, manonood lang kayo ng sine, pasado na kayo!”



Kaya naman nung kabuuan ng pagpila n’ya, alam na n’ya na siya na ang susunod na Laurice Guillen, o Marilou Diaz Abaya, o Soxie Topacio.



Nung malapit na siya sa pinto, tiningnan n’ya uli ang papel na hawak n’ya. Undecided pa rin. Until she made a radical decision. Pinili n’ya ang sa tingin n’ya ay may konti siyang baon na dala dala.



B.A. Malikhaing Pagsulat.



And the rest was HERstory.



(To be continued. Pagod na ‘ko. Bakit ba?)





Ito ay ni-repost nang may permiso mula kay Ginoong Agawin. Paki-check ang kanyang akda dito sa http://www.jellicleblog.com/top-10-be....



Si Orly Agawin ay aktibong kasapi ng Flip Flipping Pages (FFP), ang isa sa pinakamasigasig na book clubs na nagtataguyod ng pagmamahal sa pagbabasa at mga aklat. Sa FFP, tampok ngayong buwan ng kababaihan ang It's A Mens World at si Orly ang moderator ng book discussion nito. Unang beses niyang magmo-moderate ng book discussion kaya kinarir niya ang iba't ibang pakulo for the enhancement of the event. Ito ay gaganapin sa Salido Restaurant, Ongpin, Maynila from 3pm to 5pm. Magkakaroon ng reading (as in vagina monologue na reading), talakayan at kuwentuhan with the members (and the author, yay!). Mayroon ding inihandang loot bag (si Gege) at t-shirt( si Orly) para sa lahat ng FFP members na dadalo. Bawat shirt ay may isang salitang mula sa Mens. Ilang halimbawa nito: regla, chiclet, 'nyemas, tong-its at iba pa. Tiyak na riot ang book discussion na 'to.



Maraming salamat talaga, Orly! At siyempre pa sa Flippers!



Mabuhay ang mga nagmamahal sa aklat!





 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on March 14, 2013 18:55

March 12, 2013

Gawing Mas Patok ang Panitikang Pinoy

Tips para sa mga Guro



ni Beverly W. Siy, Marso 2013

beverlysiy@gmail.com



1. Group project idea: MTV version ng isang literary work. Dapat ang mga estudyante ang stars sa MTV. Kolektahin ang pinakamahuhusay na proyekto sa bawat taon na gagawin ito. Ilagak ang nakolekta sa school library para maging bahagi ng collection/archives.



2. Group project idea: kung masyadong mahal ang mag-produce ng MTV, gumamit na lang ng mga photo at gawin itong slideshow. Bale collection of photos version ng isang literary work. I-type sa serye ng photos ang ilang mahahalagang bahagi ng literary work.



3. Magpa-short story writing contest, puwedeng comedy/horror/love story, kahit ano actually. Sa classroom ang setting at ang mga tauhan ay ang mga kaklase at guro. Puwede ring iba’t ibang genre: tula, kuwento, sanaysay, dula at iba pa. Parang mini-Palanca Memorial awards sa inyong paaralan.





4. Mag-introduce ng pa-contest o promo: may premyo para sa pinakamaraming nahiram na pampanitikang aklat sa isang buwan. Maaaring ang maging premyo ay isang aklat din.





5. I-encourage na magtatag ng book club ang bawat section at gabayan ang mga ito para magsagawa ng mga activity na siyang mag-i-involve ng mas maraming book reader sa klase. Makipag-ugnayan sa mga book club sa labas ng paaralan. Kadalasan ay online ang mga book club pero accommodating sila at bukas sila sa mga paanyaya mula sa publiko. Isang halimbawa ay ang Pinoy Reads Pinoy Books Book Club.



6. Kung magpapa-assignment ng sanaysay o iba pang malikhaing akda, kolektahin ang pinakamahusay, pagsama-samahin ito at i-folder, isipan ng pamagat, lagyan ng talaan ng nilalaman at ilagak sa school library ang koleksiyon. I-urge ang library na isama ito bilang reading materials at bilang entries sa library catalogue. Makikita ng mga estudyante iyong section nila at school year, nandoon sa catalogue. Ito ang kanilang ambag sa library.



7. Ipa-assignment sa mga bata: super iksing mga trivia tungkol sa literary work bago ito talakayin. Mas nakakaintriga, mas mahusay.



8. Bago magtapos ang school year, magpa-quiz bee tungkol sa literary works at sa mga manunulat na natalakay sa buong taon. Section versus section. Ang premyo, certificate at books!



9. Filipino authors should be seen as human din. Kumbaga, parang “ate at kuya,” “nanay at tatay,” “lolo at lola” ng mga estudyante. Ipakitang may family sila at nag-elementary at high school din naman noong kabataan nila. Put out trivias about their youth and family bago talakayin ang kanilang akda.



10. Maghanap ng mga link sa internet tampok ang mga article, video o image tungkol sa ibat’ ibang Filipino literary works na matatagpuan sa inyong library. Ipamudmod ang mga link na ito.



11. Know the books in your library. Be updated sa mga bagong literary work sa library. Make recommendations. Minsan mas marami pang alam ang mga estudyante kesa sa teachers tungkol sa mga bagong aklat. Huwag magpahuli. Tayo ang isa sa mga balon ng impormasyon pagdating sa mga sarili nating libro. Kaya dapat, tayo mismo ay updated lagi.



12. I-tsismis ang mga libro, ang mga collection, parang Boy Abunda type na kontrobersiya. I-blind item ang mga libro. I-blind item ang mga kuwento, i-blind item ang mga author. Hanapin ang weirdest habits, hobbies etc. ng mga author ng librong mayroon kayo. Ikalat ang mga blind items.





Halimbawa:

Sinong author ang nagtrabaho bilang waiter pagka-graduate niya ng high school?

Sinong author ang super pogi noong bata, napikot noong siya ay 19 years old pa lang?

Sinong author ang nagtrabahong tagaahit ng buhok sa ospital habang siya ay nag-aaral sa kolehiyo?

Anong libro ito: isinulat noong 1950’s pero ang paksa ay 1980’s? Kumbaga futuristic fiction?

Sinong author ang nagsunog ng mga aklat bilang pagpapakita ng kanyang rebellion against the norms in the local literature?



(I-post as comment ang hula ninyo, dali!)



13. Reach out hindi lang sa kapwa guro kundi pati sa local businesses, local NGOs, local organizations at iba pa. Puwede rin kasing maging source ng mga aklat o funds ang mga ito (para sa literary project siyempre). O di kaya source ng mga speaker o expert tungkol sa isang subject na kailangan ng mga estudyante sa pagtalakay sa isang literary work. Halimbawa, tungkol sa ka-womenan ang aklat, baka may NGO for women na malapit sa inyong paaralan. Imbitahan sila na magsalita sa inyong klase.



14. Check your alumni. Baka may successful writer o blogger na pala sa kanila o di kaya ay book reviewer, critique o teacher ng reading or literature. O napasama sa literary anthology. Gawin itong hype para ma-curious ang mga estudyante na magbasa ng aklat ng alumni ng inyong paaralan. Sa ganitong paraan, maaaring mahikayat ang mga estudyante na pasukin ang publishing industry balang araw.



15. Kung puwedeng mag-imbita ng mga author sa paaralan/library, ask the students to invite the authors. Let them write the author. Puwede ring pagbotohan ng mga estudyante kung sino ang gusto nilang imbitahan. Then create buzz about it. Tip: The younger the writer, the better.



16. Makipag-coordinate sa school paper. Kung ang isang assignment ng estudyante ay napakaganda at ito ay tungkol sa literary work, ipasa ito sa school paper para malathala. Teacher na ang gumawa ng paraan para ma-publish ito. Kapag na-publish iyan, siguradong lalakas ang loob ng estudyante na magsulat pa tungkol sa mga literary work at mae-encourage naman ang iba pa niyang kaeskuwela na gawin din ito.



17. Makipag-coordinate sa mga organization ng school. Kung may pakontes ang mga ito, halimbawa ay essay writing contest, i-compile ang mga nanalong akda, i-folder, lagyan ng talaan ng nilalaman at ibigay sa library para maisama sa koleksiyon ng paaralan. Gawin ito taon-taon at di ninyo mamamalayan, puwede na itong gawing book pagdaan ng panahon.



18. Gawing fountain of opportunities ang inyong klase. Mag-assign ng isang row bawat linggo. Sila ang magko-compile ng mga announcement tungkol sa panitikan, manunulat, mga aklat. Bawat linggo, ibabahagi ito ng naka-assign na row sa buong klase (5-7 minutes lang.) May parusa ang row na hindi makakapag-research.





19. Coordinate with the campus paper. Dapat laging me feature article/photo about Pinoy authors, their literary works, and the Pinoy literary scene lalo na iyong may kinalaman sa Pasig. Kahit maiksi lang ang artik, okey na. Basta regular ang labas ng mga artik.



20. I-pattern sa local calendar ang reading at writing activities. Kung Nutrition Month, mga akdang tungkol sa pagkain ang talakayin. Kung may long weekend, magrekomenda ng mga aklat na naaayon sa ipinagdiriwang. Kung Pista ng Patay o Halloween, ‘yong mga nakakatakot na aklat ang ibida. Kung National Arts Month (February ito sa Pinas), books about artists, writers, performers, theatre, dance, Philippine arts at iba pa. Kung Women’s Month (March ito worldwide), women authors or books about women.



21. Mas local ang topics ng mga aklat, mas okey. I-boost ang works about the local community. Irekomenda ang mga akda sa sariling library at iba pang library. Kung merong local library, papuntahin doon ang mga bata. Isang halimbawa ay ang Pasig City Library! Yey!



22. Puwede ring ipa-assignment ang paggawa ng alamat ukol sa mga pangalan ng kalsada sa Pasig. I-compile ang pinakamagaganda, i-folder, lagyan ng talaan ng nilalaman at ibigay sa library. Ito ang ambag ng mga estudyante sa folk literature ng Pasig.



23. Update students about reading disabilities or other issues, halimbawa, iyong may kinalaman sa Braille-reading system, dyslexia, at pagkabulag. Hopefully, these will make them become more appreciative of what they have (para sa mga walang reading disability).



24. Para sa buong taon: magpagawa sa estudyante ng listahan ng kanilang mga nabasang akdang Pinoy. Ipa-rate ang bawat akda ng 1-10, 10 being the highest, at ipa-post sa isang blog ang listahan at ratings ng mga estudyante para makikita nila ang progress ng kanilang pagbabasa.



25. Kung maaari, i-expose ang mga estudyante sa iba’t ibang uri ng panitikang Pinoy. Nariyan ang kanon, kontemporanyo, sinauna, bago, eksperimental, ukol sa kababaihan, ukol sa kahirapan, pambata, mula sa iba’t ibang rehiyon, award-winning, panitikang Pasig (kung mayroon! Maghanap na ngayon pa lang), popular (ibig sabihin, komiks, romance novel, telenobela) at marami pang iba. Mas varied, mas maganda.



26. Kung magbabasa kayo ng sampung akda sa isang buong taon, ibigay ang ikasampu sa mga estudyante para sa kanilang choice. Sa ikalimang akda, magandang magkaroon ng assessment, kumustahin ang direksiyon ng pagbabasa ng buong klase. Kung may issue, i-address ang mga ito sa pinakaangkop na paraan.



27. Be open sa technology. Use technology to enhance the learning process. ‘Wag matakot kung FB sila nang FB o twitter nang twitter. Suggestion nga ni Prof. Eros Atalia, gamitin ang Facebook sa pagtuturo ng relasyon ng mga tauhan sa isang akda. Halimbawa, Noli Me Tangere. Bawat estudyante ay pipili ng isang tauhan sa akda at gagawa sila ng FB account nito. Aalamin niya ngayon kung sino ang puwede niyang i-friend at i-like batay sa katangian ng kanyang tauhan.



28. Mag-cosplay. Costume Play! Sa UST, ang pamosong si Prof. Ferdie Lopez ay nagsusuot ng bridal gown sa klase kapag tungkol sa kasal ang tatalakaying literary work. Maaari itong ipagawa sa mga estudyante. Pupunta sila sa klase suot ang angkop na costume batay sa literary work.



29. Mag-incorporate ng games kapag tinatalakay na ang akda.



Halimbawa:

a. Tanungan- hatiin sa dalawang grupo ang buong klase. Ang grupong mas konti ang unang magbibigay ng tanong. Ang estudyanteng magtatanong ang pipili mula sa kabilang grupo ng estudyanteng sasagot sa kanyang tanong. Isang point para sa tamang sagot. Uulitin ng kabilang grupo ang proseso. Ang unang grupo na maka-five points ang panalo.

(Ito ay isang bersiyon ng larong natagpuan ko rito> http://www.enotes.com/homework-help/b....)

b. Pinoy henyo- ang ipapahula ay mga tauhan o bagay o salita na may kaugnayan sa akda.

c. Charades- ang ipapahula ay mga tauhan o bagay o salita na may kaugnayan sa akda.









• Note: puwedeng ipa-post sa internet ang gawa ng mga estudyante (mga photo, MTV, akda, at iba pa). Gusto nila ito, ang mai-share sa mas marami ang kanilang akda. Mas malaki rin ang chances na pagagandahin nila itong lalo dahil hindi lamang grade ang nakataya rito kundi ang mismong pangalan nila. At the same time, makakatulong pa ito sa pagpapalaganap ng kulturang Filipino sa internet community.



• Paalala: kapag magko-compile ng pinakamahuhusay na akda o winning pieces para ilagak sa library bilang isang collection, hingin ang permiso ng mga estudyanteng sumulat nito. Tiyak naman pong papayag sila. Ito rin ay isang paraan para maipakilala ang konsepto ng copyright sa mga estudyante.





Ikaw, ano ang tips mo? I’m sure, may ideas ka rin para lalo pang pumatok ang panitikan sa mga estudyante natin. Kindly insert the tips here. >











Ang talaan na ito ay ginawa ni Bebang Siy para sa Pasig City Teachers para sa Booklatan sa Bayan program. Ngunit kahit sino ay maaari itong kopyahin at gawing batis ng suggestion para maging patok ang Panitikang Pinoy sa paaralan. Gora lang! Para sa panitikan, para sa bayan.

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on March 12, 2013 21:15

Sinauna

ni Beverly W. Siy



Sa panahon ng babaylan,

Kalatas ng sampagita

Sa isang munting ibon:

Katutubo

Ang rosas bilang rosas

Sa parangal ng bayani.



Sa panahon ng babaylan,

Kuwento ng mga tubigan:

Pangangarap-ulap,

Pagbabalik ng mga tagak

Isang umaga sa tabing-dagat.



Sa panahon ng babaylan,

Kuwento ng gabi:

Isang musmos

Sa kapritso ng apoy

Ang babaeng minsang lumusong sa putik.

May isang bulaklak na dilaw

Ang putik na ito.

Mortal?

Ang totoo:

Ginto ni Makiling.



Sa panahon ng babaylan,

Pagbukad ng liryo, kamya’t gumamela,

Sa gitna ng ulan,

Sayaw ng hamog,

Halimuyak ng pulo:

Kahulugan ng buhay.



Sa panahon ng babaylan,

Tinuturuan tayong magpigil at maghintay.







*Ang pamagat at bawat taludtod ng tulang ito ay pamagat ng mga tula ni Rio Alma na nasa Talaan ng Nilalaman ng aklat na Una Kong Milenyum. Inilimbag ito ng UP Press, 1998.

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on March 12, 2013 20:52

March 10, 2013

Ilang Tips Para Lalo pang Mapaunlad ang Sariling Library



ni Beverly W. Siy, updated March 2013

beverlysiy@gmail.com



1. Sell the library as if you own it at malulugi kayo kapag hindi ito tinao.



2. Sell the library as if ito ang hottest destination sa buong campus o sa buong community.



3. May napanood akong MTV ng isang Korean band na kumakanta ng pop song. Wala akong naiintindihan sa kanta. Pero naagaw nito ang atensiyon ko dahil ang setting ng MTV nila ay isang library! Puwedeng magpa-contest ng ganito sa mga user ng library: MTV contest tampok ang sariling library.



4. Magpa-photo contest tampok ang iba’t ibang bahagi ng library.



5. Magpa-writing contest, puwedeng comedy/horror/love story, kahit ano actually. Sa library dapat ang setting.



6. Ang mga leaflet, bulletin board at ibang promotional material, ipagawa sa mga estudyante. They usually have the freshest visual aesthetics dahil babad iyan sa mga computer nila. Isa pa, gustong-gusto nilang gumagawa ng visual works using computer programs kaya hindi ito burden sa kanila.



7. Makipag-coordinate sa mga local business. Baka puwede nilang bigyan ng discount o freebies ang estudyanteng may library card, ipapakita lang ang ID at library card ng estudyante sa kanila. Halimbawa, free pearls sa Zagu, o kaya additional 10 minutes sa mga internet shop, o kaya 5% discount sa school supplies ng isang local book store.



8. Mag-introduce ng pa-contest o promo: may premyo para sa pinakamaraming nahiram na libro sa isang linggo o kaya walang overdue sa loob ng isang taon o kapag on time na nagsosoli ng aklat. Maaaring ang maging premyo ay serbisyo ng library. Halimbawa, extension sa paghiram ng aklat, imbes na isang linggo ay dalawang linggo na. O kaya free space sa loob ng library para sa mga libro ng nanalong estudyante for one month. Sa ganitong paraan, magkakaroon siya ng lagakan ng kanyang mga libro sa loob ng paaralan sa loob ng isang buwan.



9. Gawing mas exciting o mas makulay ang library card. Kung puwede, ipa-design sa mga estudyante. Bigyan lamang sila ng gabay para hindi masyadong funky ang maging produkto ng mga bata.



10. Magtatag ng book clubs at gabayan sila para magsagawa ng mga activity na siyang mag-i-involve ng mas maraming library user. Makipag-ugnayan sa mga book club sa labas ng paaralan. Marami sila online at bukas sila sa mga paanyaya mula sa publiko.



11. Let the users “own” the library. Pansinin ang ilang marketing slogan ng produkto/negosyo: My SM, MYX, My music, My Globe Plan, Your Rule, Your Style (fashion boutique na Y.R.Y.S.) Hindi ba ipinapaangkin sa market ang mga produkto?



12. Mas maganda kung may stake sa library ang mismong users nito. Coordinate with subject teachers. Ask them na mag-produce sila at ang mga estudyante nila ng mga akda para mailagay sa library bilang reading materials at bilang entries sa library catalogue. Makikita ng mga estudyante iyong section nila at school year, nandoon sa catalogue. Ito ang kanilang ambag sa library.



13. Magpaskil ng mga trivia tungkol sa sariling library. O gumawa ng activities tungkol sa library. Noong nagtuturo pa ako sa UST, pina-decode ko sa mga estudyante ko ang nakasulat na baybayin sa isang painting na may baybayin sa UST Central Library ground floor. Para kaming nasa Amazing Race nang araw na iyon. Nag-unahan talaga ang mga estudyante. Pinahanap ko rin sa mga estudyante ang dalawang orihinal na document na nakasulat sa baybayin na kabilang sa collection ng UST Central Library. May bonus points ang estudyanteng makakahanap o makakakita. Kailangan nila ng permiso ng Rector/Pangulo ng UST para lang makita ang document na ito, diskarte na ito ng estudyante.



14. Magpa-quiz bee tungkol sa library at sa collection nito. Ang premyo, books!



15. Library workers/staff should be seen as human din. Kumbaga, mga “ate at kuya” sa school, ipakitang may family sila at nag-elementary at high school din naman noong kabataan nila. Put out trivias about them sa inyong bulletin board.



16. Maghanap ng mga link sa internet tampok ang mga article, video o image tungkol sa ibat’ ibang books na mayroon ang library ninyo. Ipamudmod ang mga link na ito.



17. Know your books. Be updated sa mga bagong aklat. Make recommendations. Minsan mas marami pang alam ang mga estudyante kesa sa librarians/teachers tungkol sa mga bagong aklat. Huwag magpahuli. Tayo ang isa sa mga balon ng impormasyon pagdating sa mga sarili nating libro. Kaya dapat, tayo mismo ay updated lagi.



18. I-tsismis ang mga libro, ang mga collection, parang Boy Abunda type na kontrobersiya. I-blind item ang mga libro. I-blind item ang mga kuwento, i-blind item ang mga author. Hanapin ang weirdest habits, hobbies etc. ng mga author ng librong mayroon kayo. Ipaskil ang mga blind item





Halimbawa:

Sinong author ang nagtrabaho bilang waiter pagka-graduate niya ng high school?

Sinong author ang super pogi noong bata, napikot noong siya ay 19 years old pa lang?

Sinong author ang nagtrabahong tagaahit ng buhok sa ospital habang siya ay nag-aaral sa kolehiyo?

Anong libro ito: isinulat noong 1950’s pero ang paksa ay 1980’s? Kumbaga futuristic fiction?

Sinong author ang nagsunog ng mga aklat bilang pagpapakita ng kanyang rebellion against the norms in the local literature?



19. Reach out hindi lang sa kapwa librarians kundi pati sa local businesses, local NGOs, local organizations at iba pa. Puwede rin kasing maging source ng mga aklat o local funds ang mga ito. O di kaya source ng mga speaker o expert tungkol sa isang subject na kailangan ng mga estudyante.



20. Check your alumni. Baka may successful writer o blogger na pala sa kanila o di kaya ay book reviewer, critique o teacher ng reading or literature. O napasama sa literary anthology. Gawin itong hype para ma-curious ang mga estudyante na magbasa ng aklat ng alumni ng inyong paaralan.



21. Kung nag-iimbita ng mga author ang paaralan/library, ask the students to invite the authors. O magbotohan kung sino ang gusto nilang imbitahan. Create buzz. The younger the writer, the better.



22. I-compile ang kopya ng school paper.



23. Makipag-coordinate sa mga organization ng school. Kung may pakontes ang mga ito, halimbawa ay essay writing contest, i-compile ang mga nanalong akda. Isama ito sa collection ng library. Gawin ito taon-taon at di ninyo mamamalayan, puwede na itong gawing book pagdaan ng panahon.



24. Makipag-coordinate sa theatre organization or performing organization ng school. Hingiin ang kopya ng CD o DVD ng kanilang performances. Isama ito sa collection ng library.



25. Gawing fountain of opportunities ang inyong library. Mas maganda kung dito makakabasa ng mga announcement about writing contests, reading contests, book making contests, workshops at iba pa. Update your bulletin board. Mag-Google every week. Napakaraming opportunity sa loob at labas ng bansa!



26. Coordinate with the campus paper. Dapat laging me feature article/photo about the library sa bawat issue ng campus paper. Kahit maiksi lang.



27. I-pattern sa local calendar ang activities at pagpo-promote ng books ng library. Kung Nutrition Month, cookbook, foodie books and magazines ang i-highlight. Kung may long weekend, magrekomenda ng mga aklat na naaayon sa ipinagdiriwang. Kung Pista ng Patay o Halloween, ‘yong mga nakakatakot na aklat ang ibida. Kung National Arts Month (February ito sa Pinas), books about artists, writers, performers, theatre, dance, Philippine arts at iba pa. Kung Women’s Month (March ito worldwide), women authors or books about women.



28. Mas local ang topics ng mga aklat, mas okey. I-boost ang works about the local community. Irekomenda ang iba pang library. Kung merong local library, papuntahin doon ang mga bata. Isang halimbawa ay ang Pasig City Library.



29. Update students about reading disabilities or other issues, halimbawa, iyong may kinalaman sa Braille-reading system, dyslexia, at pagkabulag. Hopefully, these will make them become more appreciative of what they have (para sa mga walang reading disability).



30. Gumawa ng Trivia of Worst na tampok ang mga library sa ibang bansa tapos ipaskil sa bulletin board ninyo. Ipakita ang hitsura at kalagayan ng iba pang library: pinakamaliit, pinakamainit, pinakapangit, pinakatago, pinakamahirap mapuntahan. Give the sources. This, hopefully, will make them become more curious about libraries. This might also make them more appreciative of what they have.



31. Ang Library of Congress (ng Amerika) ay laging nagpapadala ng mga email sa amin (naka-subscribe kami). Iba-iba ang sinasabi ng email. May tungkol sa bagong hire nilang trabahador o bagong administrator. May tungkol sa mga contest. Mayroon ding updates tungkol sa copyright. Minsan, may natanggap akong email na naglalaman ng picture at isang tula na tungkol sa naka-attach na picture. Kalakip ng tula at picture ay isang maikling talata tungkol sa isang partikular na collection ng mga libro na matatagpuan sa Library of Congress. Ang author ng collection ng libro ay si Walt Whitman, isang makata. Siya ang sumulat ng tula na may kasamang picture. Ang mga email update tulad ng ganito ay nakakatulong para manatiling informed ang general public o ang mga library user sa mga nangyayari sa library.

Ikaw, ano ang tips mo? I’m sure, may ideas ka rin para mapaganda ang inyong library at library services. Kindly insert them here. >

1 like ·   •  1 comment  •  flag
Share on Twitter
Published on March 10, 2013 16:36

March 7, 2013

Happy Women's Day

Para sa lahat ng babae, ina, guro at mandirigma:



Ang Nanay kong Titser

ni Orly Agawin





Teacher ang nanay ko. Retired public school teacher. After 38 years of teaching Grade 1 in a public elementary school in Pasay, nag-retire na siya 7 years ago.



Oo, Grade 1. Sa public. Kapag Grade 1 teacher ka sa public, sayo nagsisimula ang mga bata sa halos lahat ng mga foundational learning skills. Sa unang araw ng klase, papasok ang mga bata sa classroom mo na tanging pad paper at lapis lang ang dala. Kadalasan, ang tanging laman ng utak ay ang mga naiwang laruan sa kwarto, at ang mga nangungulilang kalaro sa kabilang bahay. Hindi tulad ng mga bata ngayon na Kinder pa lang ay marunong nang magbasa at magsulat ng pangalan, ang mga pangalawang anak ng nanay ko noon ay mga non-readers.



Pagbukas pa lang ng telon sa unang taon ng pag-aaral, stress na agad ang bumubulaga sa nanay ko.



Sa unang mga buwan ng school year, walang ibang gagawin si nanay kundi ang turuang pabasahin at pasulatin ang mga bago n’yang mga anak. Gamit ang isang mahabang patpat, ituturo n’ya ang bawat letrang nakasulat sa nakabungkos na Manila Paper at imo-model ang bawat tunog.



“KA…ke-KI…ko-KU!” ang instruction ni nanay.



“KAaaaa…ke-KIiiiiii…ko-KUuuuuu!!!” sigaw ng mga bata pabalik.



“JOSEPHUS! Itago mo yang robot mo. Ipapakain ko sa iyo yan!” sigaw ni nanay sa pinaka-pasaway nyang estudyante noong 1984.



“Ma’am, ma’am!” biglang sabat ng isang batang babae sa tabi ng kabinet. “Bisaya naman po ‘un koku, e. ‘Kuko’ po yan.”



“Pantig ito. Syllables. Ito ang mga gumagawa ng mga salita,” ang natatandaan kong sagot ni nanay na nakangiti.



“Bisaya po yan Ma’am,” pilit pa rin ni bagets. “Alam ko, ‘yan kase Bisaya si papa ku.”



“Mamaya na nating pag-usapan ang tatay mo!” sagot ni nanay, sabay baling pabalik sa klase. “TULOOOOOY: DA…de-DI…do-DU!!!”



Malakas na tawanan ang sinagot ng mga bata. Mala-palengkeng ingay ang sumalubong sa bagong set ng pantig ni nanay, habang si Josephus Tatlonghari naman ay tuloy pa rin sa pagpapalipad kay Voltez Five gamit ang kamay, braso at ang imagination na siya si Little John Armstrong.



“DODO! DODO! DEDE! DEDEeeeeeee!!!” ang narinig ko sa gitna ng ingay at gulo.



“SOSU! SOSU!!” sabi naman ng batang may Bisayang tatay.



“QUIET!” sigaw ni nanay, sabay pinapalo ng patpat sa teacher’s table.



Kapag Reading class naman, Inglesan ang labanan. Paulit-ulit na mga phrases, na parang isinisiksik sa utak mo ang bawat balangkas na English, para di mo malimutan.



See Bantay run, Nita.



See Bantay run, Tony.



See Bantay run, Mother.



Sa Writing naman, halos mabutas na ang pad paper ng mga bata sa diin ng pagsulat ng mga pangalan nila, dala ng stress, at takot kay Ma’am.



“Bakit lumalampas ang ‘s’ mo sa pulang linya, Kristopherson?!” duro ni nanay gamit ang patpat sa parang pinigang papel ni Peter John Kristopherson Delina. “Kaya nandyan yang pulang linya na yan, para hindi lampasan ng mga maliliit na letters!”



Pero nakayuko pa rin si Kristopherson. Hindi naalis ang tingin sa papel. Babaligtarin ang lapis para burahin ang mali. Tuloy ang lakad ni Ma’am.



“Ma’am Agawin, tingnan n’yo,” sabi minsan ni Esmeralda Gollaba habang itinataas ang kanyang papel. “Ang ganda ng small ‘t’ ko!”



Nilapitan siya ni nanay, tiningnan ang gawang sulat. “Tama. Tama yan. Beri gud, Esmeralda!”



Kapag recess, naghalong arnibal, sopas, pawis at Nutribun ang biglang bubulaga sa’yo. Nakapila ang mga bata sa tray ni nanay na galing sa canteen. Limang piso sa sopas, tatlong piso sa sago, at dalawang piso sa Nutribun (for the labor daw).



Walang kita ang nanay ko sa tray ng canteen. Lahat ito’y bumabalik sa canteen manager at ginagamit para sa cooperative.



Ok na. May extra namang kita si nanay sa tinitimpla niyang skinless longganisa na iniaalok n’ya sa mga co-teachers n’ya.



Makikita mo kung gaano kagutom ang mga bata. Sa kakarampot na pink sopas, at maputlang sago, tanging ang maasim na Nutribun ni Marcos lang ang nagpapabigat sa tiyan.



Sa bahay, pagkatapos maglaba, magluto at mamlantsa, halos tatlong oras na uupo ang nanay ko sa ibinabang kabayo ng plantsa para tapusin ang mga lesson plans ng susunod na linggo. Di siya makausap. Di pwedeng maistorbo. Matapos nito, visual aids naman. Gupit dito, gupit doon. Dikit ng pictures dito, dikit ng pictures doon. Sulat dito, sulat doon.



Ka Ke Ki Ko Ku.



Bukas, isang bagong giyera na naman sa classroom, isang araw rin ng bagong pakatuto.



Sobra ang dedikasyon ng nanay ko sa pagtuturo. Noong araw na malaman n’yang sumakabilang-bahay na ang tatay ko at hindi na uuwi sa amin, magdamag siyang umiyak mag-isa sa kwarto. Kami ni Arvin, umiyak din hanggang sa makatulog. Pag-gising ko kinabukasan, nakahanda na ang mesa’t may agahan na sa pinggan.



“Papasok ka? ‘E depressed ka, ‘di ba?”



Hindi raw pwedeng mawala sa klase. Kawawa ang mga bata. Ipaampon sa mga katabing classroom, mag-iiyakan.



Pumasok ang nanay ko noong araw ring ‘un. Umagang uamaga, para makahabol sa flag ceremony. Umalis siya sa bahay, suot ang uniform na pang-Martes, dala ang bag ng mga lesson plans, visual aids, at ang bigat ng pag-iisa.



She won the Excellence Award for Elementary Education in her school’s district a year before her retirement. Sa kanya ako nagmana ng pagiging award-winner!







Isang araw noong College ako, sinundo ko si nanay sa school. Pupunta kasi kami sa City Hall para samahan siyang kumuha ng mga forms para sa COMELEC. Malapit na naman ang eleksyon. Sila na namang mga teachers ang nakasalang sa madumi at mapanganib na proseso ng pagpili ng mga uupo sa pwesto.



Habang naglalakad kami sa may Decena sa Pasay, isang Toyota Corona ang pumarada sa tabihan namin. Bumaba ang nakasakay. Babae. Matangkad, maputi, naka-high heels.



“Ma’am Agawin?”



Tumigil kami ni nanay sa paglakad



“Ako po si Esmie,” nakangiting sagot ng babae. “Esmeralda Gollaba.”



“Ung magaling magsulat? Ung magaling mabasa!” bulas ni nanay. “Natatandaan kita!”



“Kamusta kayo Ma’am? Nagtuturo pa rin kayo? ”



“Oo, doon pa rin,” sabi ni nanay. “Doon na ata ako tatanda.”



“Anak ninyo? ”



Tumago si nanay. “College na,” proud na proud na sabi ni nanay.



“Saan kayo papunta?” tanong ni Ate Esmie.



“Sa City Hall.” nakangiting sagot ni nanay.



“Malayo pa lalakarin ninyo. Sabay na kayo sa amin. Papunta kaming Astrodome.”



Pagsakay namin sa kotse ni Ate Esmie, may nakita akong bata sa passenger’s seat. Anak n’ya. Grade 1 na daw sa may Montessori School sa malayong subdivision. Asawa niya ang nagmamaneho. Taga Bangko Filipino daw. Bank Manager.



“Jen,” tawag ni Ate Esmie sa anak. “I’d like you to meet my Grade 1 teacher. This is Ma’am Agawin. She’s my most favorite teacher.”



Tumingin lang ang bata.



“She taught me how to write,” tuloy n’yang pagkwento sa anak. “Now, mommy’s teaching other people how to write!”



“Terror po ‘yan,” sabi ng asawa ni Ate Esmie habang nakatingin pa rin sa kalsada. “Hindi ko alam kung kanino nagmana.”



Tiningnan ko si nanay. Napalunok lang siya.



College Professor na raw si Ate Esmie sa isang mamahaling kolehiyo sa Maynila. Creative Writing ang natapos sa UP Diliman. Hanggang ngayon, nagtuturo pa rin siya ng Malikhaing Pagsulat.



Pagbaba namin sa City Hall ng Pasay, nagpa-alam si Jen, kumaway sa amin ang asawa ni Ate Esmie.



“Salamat, Esmeralda.” Hanggang ngayon, walang nickname-nickname kay nanay.



“Naku wala po iyon,” sagot ng dating estudyante. “Salamat din po Ma’am. Napakalaki ng naitulong ninyo sa akin.”



Tahimik ang nanay ko habang papasok kami ng COMELEC. Nang matabihan ko siya, nakita ko ang mga ngiti. Naging masigla, halos lahat ng staff ng office ay binati.



Matapos sa COMELEC ay pinakain pa ‘ko sa Jollibee sa may Holiday Plaza. Take note: nuknukan ng kakuriputan ang nanay ko, ah?



Inisip ko ang huling sinabi ni Ate Esmie. Kung tutuusin, isang taon lang ang naiambag ng nanay ko sa mahigit isang dekadang pag-aaral niya. Isang taon ng laro, ingay, kawalang-malay, Nutribun, at see-Bantay-run-Father-see-Bantay-run-Mother.





ero iyon ang taon ng mga simula. Simula ng pag-aaral at ng tamang pag-iisip. Simula ng disiplina dala ng mga libro, lapis at chalk. Doon sa taon na yun, unang binibigkas ang mga pantig, sabay ng pagbibigay kahulugan sa mga letra nito. Dito buong nagaganap ang pagyakap sa mga nasimulang pangarap na maging nars, doktor, engineer, piloto, karpintero. Dito natin nalalaman na may paraan pala para makamit ang mga ito, at sa taong ito ang mga unang hakbang. Dito nagsisimula ang dahan-dahang pagkalas mula sa inosenteng diwa patungo sa malawakang pagkilala sa tunay na mundo. Sa mga paraan ni Mam o ni Ser na Fuller Technique, Audio-Lingual Method, at ang walang kamatayang paghabol kay Bantay, dito tayo naunang natutong magsulat, magbasa, makisama, magpahid ng sipon at magturo ng kung sino ang umutot.



Nakamulatan kong eight thousand pesos lang ang sweldo ni nanay kada buwan. Tumaas naman noong panahon ni Erap. Naging thirteen thousand per month hanggang sa mag-retire siya noong 2005. Napagtapos n’ya kaming magkapatid sa kakarampot na sweldo at pagod. Hindi madali. Dalawa ang pamilya nya. Isa sa bahay, isa sa eskwelahan.



Pero naging happy ending din naman.



Ngayon ay teacher na rin ako, ‘di nga lang Grade 1. Sa tuwing nagtuturo ako ng mga estudyante at mga guro, lagi kong dala dala si nanay. Sa bawat matang nakatingin sa akin, sigurado akong nandun lang ang mga katulad nina Esmeralda Galloba, Peter John Kristopherson Delina, Josephus Tatlonghari, at ang batang babae sa may tabi ng kabinet.



Ang sanaysay na ito ay ipinost nang may permiso mula kay Orly Agawin, ang awtor. Bisitahin ang kanyang blog!



http://www.jellicleblog.com/ang-nanay...
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on March 07, 2013 19:17

March 5, 2013

Details! God, are you really there?

Sabi nila, God is in the details. Ang ibig sabihin daw nito, 'wag na 'wag kakalimutan at babalewalain ang mga detalye kapag nagsusulat ka. Iyan daw kasi ang pinakaimportante!



At totoo nga. Hindi lang sa pagsusulat kundi pati sa kasal-kasal.



Kahapon, dumalaw sa bahay namin sina Mae at Jon. Si Mae ay isang writer/researcher sa Army (hindi ko alam masyado ang detalye) na girlfriend ng high school bestfriend ni Poy. Si Jon naman ay isa sa mga matalik na kaibigan ni Poy. Magkaibigan din sina Mae at Jon. Si Jon ay isang film maker. Award-winning (proud lang, vaket vah?)



Kaya ang regalo ni Jon sa amin ay ang aming pre-nup AVP. Ang dating napag-usapan ay parang In the mood for love na peg. sabi ko, wow, maganda yun. at madali lang maghanap ng cheongsam. at si poy, me hawig talaga kay tony leung. pareho sila ng hmm... leeg. payat.



so usap-usap na kaming apat kahapon. nag-umpisa kami ng 230 pm. umuwi sina mae at jon, 7pm na! grabe. at ambigat-bigat ng ulo ko after mga 2 hours pa lang ng usap-usap. hindi pa naaalis yung bigat ng ulo ko hanggang ngayon (kaya di muna makalarga ng editing).



anyway, heto ang mga napag-usapan.



* buong love story namin (kasama ang mga sexy scenes, me ganon? ahahahaha)

* venue ng pre nup AVP shoot. library daw. old library kung puwede.



suggestions:



uplb layb c/o mae

ust layb c/o bebang

marikina city library c/o bebang

pasig city library c/o bebang

c and e bookstore c/o bebang



* story arch ng avp.

* casting (kailangan daw ng dalawang bata na kamukha namin)

* details ng production

* mga gagamiting aklat, tigsampu kaming title ni poy. ito ang una naming assignment



si mae ang tatayong production designer at assistant ni jon.



hindi ako masyadong nakahirit nung usap-usap namin. wala akong masyadong idea kung paano ito ie-execute. isa ko ngang tanong e bakit hindi na lang slideshow ng photos naming dalawa yung avp? mas madali pa? hahahaha kaya lang daw, wala man lang kaaart-art yun. oo nga naman! so ayun. magkaka avp talaga kami. paaaktingin pa raw kami. o good luck na lang kay jon the director. pang famas material ata kami ni poy



after ng avp talk, nagkuwentuhan naman kami tungkol sa design ng venue, stage at mga centerpiece. si mae daw, gagawa ng paper craft centerpiece na couple na kamukha namin. papatak na sa 250 ang bisita namin kaya meron kaming 25 tables. so 25 na paper craft couples ang gagawin niya. puwede itong iuwi ng mga bisita, parang as souvenir na rin.



re: design ng venue, puwede raw kausapin si kulay. si kulay ay production/set designer na kakilala ni mae, jon at poy. ito ang gumawa ng set design ng liwanag adaptation ni poy. at maganda nga. enchanting. as of today, nakausap na raw ni mae si kulay at pumayag na ito. pag-usapan na lang daw ang honorarium ni kulay.



ipinakita ko kina mae at jon ang design ng stage na gusto ko. shelves of books ang nasa background sana namin. nagustuhan din naman ito nung dalawa at sabi nila, yung free flowers para sa guest table centerpiece na magmumula sa caterer, hingin na lang daw namin sa caterer at yun ang ilalagay sa shelves sa stage.



so ang mga centerpiece ay nakabuklat na libro. dun nakapatong ang mga paper craft ni mae. tapos paligiran daw namin ng pagkain like mani-mani or cupcakes. wag na flowers. oo nga, i agree. sayang ang pera sa flowers hahahaha kahit iuwi ng mga tao, malalanta rin naman. nagtingin-tingin naman ako ng cupcakes, ang mahal pala! 40-60 pesos each. kumusta ang bulsa? hahahaha pero me nakita rin ako 18.75 ang isa. pero kasi promo kaya ganyan kamura. at hindi aabot ng december ang promo nila. so hihintayin ko na lang uli. balak ko, tarakan ng toothpick ang bawat cupcake. yung toothpick me minibook. sa front cover ay cover ng filipiniana book at pagbukas ay isang quotation mula sa book na yun. so ang dating ay parang fortune cookies!



sabi rin ni mae, dapat ngayon pa lang, itanong ko na kung kasama sa patahi ng gown ang mga accessory ng bride like garter, veil (dalawa pala yun!) at unan ng singsing. tapos sabi ni poy, sa book na lang daw ilagay ang singsing. wag na sa unan. sabi ni mae, bumili raw kami ng maliit na book at butasin ito sa gitna. doon itatali ang mga singsing. saka pagdikitan ang lahat ng pahina para solid siya. magandang idea! so gagawin namin ito. pero sa best man daw talaga ibibigay ang singsing kasi baka mawala ng ring bearer (si dilat ito, sigurado yun, mawawala ang singsing hahahaha)



re: souvenir, bumalik na kami sa journal. ang naisip namin ay katulad nung mga ibinebenta ni maru. kaya lang sabi ko, ayoko ng soft bound. nag skype kami ni mae kagabi mga 10pm, para maipakita ni mae ang maliliit na journal na nabili niya sa divi for 10 pesos each. nakakatakam! kasi ang ganda ng quality. medyo lang maliit. maliit pa sa 1/4 sheet of intermediate. at saka sabi ko, malaki ang spring kaya kitang kita kung tatakpan yung harap at likod. sana kung may hard bound na secret lang ang binding, hindi hard ring binding or something like that).



sabi ko kay poy nung papatulog na kami, gusto ko kung journal na nga, me quotation pa rin about love mula sa mga filipiniana books. magpapa print talaga kami tipong ganun. maganda sana at mas mura yung sa divi kaya lang wala namang kinalaman sa advocacy namin iyon, e.



tapos sabi niya, kampante na raw siya sa daloy ng wedding preps. kampante raw siya kay kulay. at sa mga ideya nina mae at jon. dati kasi hindi raw niya alam kung magiging ano ang wedding. ako naman, parang sabi ko, ang OA ni poy. ang aga aga pa. pero napakabilis na ng panahon! kung di namin asikasuhin yun nang ganito kaaga, baka magulat na lang kami, disyembre na! inay!



kagabi, na-realize namin na para palang malaking stage production ang gagawin namin. Na super tight ang budget at kami ang bida, producer at mga direktor. mabuti na lamang at may mabubuting kaibigan na laging nariyan para saluhin ang napakaraming technical at creative needs ng venture naming ito.



maraming salamat sa inyo, friends. makakaganti rin kami sa inyo. after december 2013. We swear!

























 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on March 05, 2013 23:43

Filipino Poetry by GK Cox Kids

Noong Pebrero 24, 2013, bumalik ako sa Gawad Kalinga Cox Community, Lupang Pangako, Payatas, Quezon City para magturo uli ng tula.



This time, karay ko si EJ para magturo naman ng wushu sa mga bata.



Pagkadating namin doon, iniwan ko na si EJ sa piling ng kiddos sa baba at agad silang nagsimulang mag-stretch-stretch para sa isang basic wushu lesson. Ako naman, umakyat na sa 2nd floor ng mga bahay-bahay doon para hanapin ang mga kasali sa writing workshop. Naabutan ko si Kuya CJ Cordova, isang volunteer din tulad ko. Katatapos lang niyang mag-facilitate ng unang part ng writing workshop.



Noong ako na, pinakuha ko ng notebook at lapis ang mga bata. Apat sila originally. Dumagdag na lang 'yong iba later. Tapos, pinaisip ko ang mga bata kung sino ang taong gusto nilang bigyan ng regalo at card ngayong buwan ng Pebrero. So, 'yong iba, mama nila, 'yong iba, sila-sila, magkakaibigan kasi, e. So lumabas ang pangalan ng isa't isa. Tapos, pinaisip ko rin sila ng isang bagay o kahit ano, na gusto nilang iregalo sa tao na 'yon. 'Yong iba, salamin sa mata, 'yong iba, hayop as pets, 'yong iba, laruan. Tapos saka ko sila pinagawa ng tula. Nag-umpisa uli kami sa mga tugma. Ambilis nilang gumawa this time! Ang tula nila ay tungkol sa regalong gusto nilang ibigay sa mahal nila sa buhay.



Heto ang resulta:



1.



Para kay Nicey:



"Barbie"



Maputi na parang gatas ang kanyang balat.

Maganda ang kanyang balikat.

Ang gown niya ay hanggang binti ang sukat.

Ang sapatos niya ay matangkad, kulay pula at may aratilis na apat.



Isinulat ni Jeralyn O. Libores, 9 years old.



2.



Para kay Jeralyn:



"Stop toys"



Ang stop toys ay kay Jeralyn ko ibibigay.

Maliit, cute, mabalbon at brown ang kulay.

Ang amoy ng stop toys ay kaamoy ng sinampay.

Masarap higaan kasi nakapikit na parang patay.



Isinulat ni Nicey Nicole Andres, 8 years old.



3.



Para kay Jessa:



Paggising ko sa umaga



Ang aking aso ay aking pinakain.

Pagkatapos itong pakainin, painumin

Puwede rin itong yakapin

At puwede rin itong palakarin.



Isinulat ni Shara Marie C. Andres, 10 years old.



4.



Para kay Shara:



Isang araw sa loob ng bahay



Binasa ng tuta ang book.

Nakaamoy ito ng masamang usok.

Lumabas ito at naligaw tuloy sa pook.

Gutom na gutom siya kaya kumain ng saging na bulok.



Isinulat ni Jessa Martinico, 12 years old.



5.



Para kay Mama



Eyeglass



Binigyan ko ng eyeglass ang aking mama noong siya ay paos,

At ang ulan ay biglang bumuhos

At ang tubig ay umaagos,

Kaya si Mama, kumain na lang ng labanos.



Isinulat ni Jhan Vincent dela Bajan, 12 years old.



6.



Para kay Inay:



Damit na Batik



Sa bawat araw na lumipas, ako ay nagsaliksik

Ng isang regalong babagay kay Inay na minsa'y mabagsik.

Ako ay napadpad sa isang tindahang antique

At doon aking nakita ang isang magarang damit na batik.



Isinulat ni Mark Anthony Cabrera, Miss Earthworm 2012. (Volunteer din itong si Miss Earthworm, nakigulo lang sa aming workshop hahahaha)



Pagkatapos nilang isulat ang kanilang mga tula, gumawa naman kami ng greeting card. Sa front page ang Para kay ______, pamagat at kung galing kanino ang card. Pagbukas ng card, sa kaliwa ang tula, sa kanan naman ay drowing ng bagay/regalo na gustong ibigay sa mahal sa buhay. Mabuti na lamang at nandoon si Kuya CJ upang magsilbing resident artist ng workshoppers. Siya ang nagdrowing ng mga bagay/regalo. Idinrowing ito sa ibang papel tapos ay ginupit ito ng mga bata at ipinaskil sa tinupi-tuping papel na parang accordion. Tapos yung kabilang dulo ng accordion ay dinikit naman sa kanan na page ng card.



Pag bukas sa card, parang tumitibok-tibok 'yong drowing ng bagay/regalo. Surprise!



Tapos hinintay na namin ang presentation ng kiddos. Habang naghihintay, dinagdagan pa nila ng dekorasyon ang kanilang mga gawa. Ang galing. Nagdagdag sila ng mga puso, teddy bear at iba pa. Pagsapit ng 1pm, binasa nila sa harap ng volunteers, workshoppers at residents ang kanilang mga tula at ipinakita rin nila ang kanilang mga card para sa mahal sa buhay.



All for the month of love 'yan, ha?



Ang mga akda sa itaas ay ni-repost sa blog na ito nang may permiso mula sa mga batang awtor.



 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on March 05, 2013 22:20

Mula sa isang beauty queen!

From Mark Anthony Cabrera, Miss Earthworm 2012:



Para kay Ms. Bebang, Ang Bride-To-Be



I’d never ever forget our first meeting at Ateneo de Manila University.And I am so happy that you are engaged to be married to the love of your life.I know that you deserve it.Nakakatuwang isipin that despite your success in life, I can see a humble lady who’s out there to serve the world with much gusto and desire.Masayang Masaya ako for you.Walang paglagyan ang saya ko para sa yo. It’s always fun to see you at the builds.It takes time to teach young kids writing but you make it all seem so easy and effortless. A wedding is always something that a lady always long for all her life.To be wearing that wedding gown and walk that aisle is definitely one priceless moment. You realize that something good unfolds just right before your very eyes.You are such an inspiration to all, that sometimes, we just have to wait for God’s perfect timing.That you have to always enjoy what you are doing and then the right man would just come along when you least expect it. You’re a pretty and intelligent women but you never bragged about the things that you have accomplished in your life. You have a son who is very proud of you being his mom.As your wedding day comes near, I am wishing you all the very best life has to offer. I never had the chance to meet Ron but I can sincerely feel that he will be a good husband as you will be a wonderful wife to him.Weddings, weddings, weddings are always a sight to behold and your wedding day would be no exception.Just have fun and don’t stress yourself too much.Mraming salamat for your sharing your talent and Best Wishes mula kay Ms. Earthworm 2012.





Here’s a wedding quote for you and Ron na halaw sa google:



A successful marriage requires falling in love many times, always with the same person. ~ Mignon McLaughlin



Happy for you,



Antz





Reposted here with permission from Mr. Cabrera, the author. Thank you, Antz!



Si Antz ay nakasama ko sa GK Messengers of Hope Writing Workshop at sa dalawang GK gigs sa Payatas. Lagi siyang source of happiness sa lahat ng participant at lalo na sa mga bata roon.

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on March 05, 2013 04:36

March 4, 2013

Speech Graduation ni Dilat

Hay, sa wakas, graduation na. Yey! Palakpakan naman diyan!



Ang sasabihin ko lang naman ay isang mahabang listahan ng thank you.



Thank you sa lahat ng mga teacher namin. Kung hindi dahil sa kanila, hindi kami matututong

-magbasa at magspell ng mga salitang stand, star, spoon at eat

-kumanta ng stop, look and listen at

-sumayaw ng upside down tuwing flag ceremony.



Thank you din sa lahat ng kaklase ko. Dahil sa inyo, lagi akong excited pumasok. ‘Tsaka dahil sa inyo, naging laro ang pag-aaral kaya hindi boring ang school. Sa mga kaklase ko nga pala na nanghiram ng lapis ko, pambura, papel ‘tsaka ilang crayon, pakisoli na, please. ‘Yong nangutang sa akin ng piso, andiyan ang nanay ko, nakikinig, kaya pakibayaran na. Please. Kahit tapos na ang graduation, talagang hindi ko kayo makakalimutan. I love you all. (Maggo-goodbye kiss.)



Thank you din sa mga mama, mommy at nanay namin. Thank you din sa papa, daddy at tatay namin. Thank you po kung hindi dahil sa inyo, wala kaming baon at walang gagawa ng homework, ay tutulong pala sa paggawa ng mahirap na homework. Thank you din sa paghatid-sundo sa amin araw-araw kahit sobrang init o kaya sobrang lakas ng ulan at putik-putik ang paa ninyo. At sa pag-aalaga sa amin kapag may lagnat kami. At pati na sa pagtatanggol sa amin kapag inaaway kami ng kaklase naming salbahe. Thanks a lot (Maggo-good bye kiss.)!



Thank you sa mga ate namin, kuya, tito, tita, lolo at lola at sa mga nag-aalaga sa amin. Kung hindi dahil sa inyo, hindi kami makakapagtapos ng pag-aaral. Sana po hanggang college ay tutulungan ninyo kami. Muchas gracias (Maggo-good bye kiss.).

Mami-miss ko kayong mga classmate ko, lalo na si Andreon, kasi hindi na kami ngayon makakapagmultu-multuhan, makakapaghabulan at saka makakapag-asaran. Mami-miss ko rin ang tindahan ng sago at pati na si Teacher Malou. Mami-miss ko ang school. Kasi wala nang pasok bukas. Sa June na uli. Pag may ulan na.



So ngayon, magbo-blowout ako pagkatapos natin dito. Maghahanda kami ng turkey, spaghetti at cake. (Pabulong.) Kasi first ako, e.



(Back to normal na boses.) Sa summer, magba-bike ako, maglalaro ako ng Tomas and Friends na train at maliligo araw-araw sa dagat. Pagdating ng pasukan, mag-aaral uli ako. (Pabulong.) Para maging first uli ako.



(Back to normal na boses.) Happy-happy lang tayo, classmates! ‘Wag munang mag-alala sa paparating na tag-ulan. Ilaan natin sa pamilya at mga kaibigan ang pagdiriwang na ito at ang susunod pang mga araw.



Mabilis lang ang paglipas ng panahon. Kaya dapat i-enjoy lang natin ang bakasyon.



Thank you po uli sa inyong lahat. At congratulations sa atin. Yey! Graduate na kami!





Ang speech na ito ay isinulat ni Bebang Siy batay sa interbyu niya kay Dilat. Si Dilat ay magtatapos ng nursery sa Bongabong, Mindoro ngayong 8 Marso 2013. Top 1 siya!



 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on March 04, 2013 02:14

Revised version ng Bagong Taon, Bagong Buhay

Pina-revise sa akin ang tulang isinubmit ko sa Malikhaing Pagsulat 215 class. Ito ang resulta:



Ambango ng royal flush na nasa akin.

Basta’t umulpot at bumukadkad ang ten

Ng hawak kong Ace, King, Queen at Jack na flower,

Ay, mapipitas na ang premyong bente mil!



Ngunit ano ito at panay ang ngiti

Ng mga kalaban kong kasingbusisi?

Ang inaabangan ng aking daliri

Ay na kay Vice kaya na suri nang suri?



Buo na ba ang baraha ni Abby Twal?

Wari ay nagagalak ang kanyang kilay.

Si Ben Iling na sinta kong kaibigan,

Ipinampaypay pa ang lima n’yang pandan!



Lord, alam kong bihasa silang talaga

Pero ang premyo, sa ‘kin dapat mapunta,

Ipambibili ng handa sa pamilyang

Ilang araw nang hindi nakakasama.



Miss ko na sina Bunso, Kuya at Ate.

Baka abangan nila ‘ko ngayong gabi,

kaya ‘wag naman sanang mabangkarote

ang bulsa ko at ang aming medya noche.



Ay, ipinapangako ko po sa Inyo:

Bagong taon, bagong buhay, bagong ako.

Ang mam-bluff at magtimpi’y sakit sa ulo,

Ayoko nang mag-poker, last ko na ito.



Kapag nasilip na ang sampung bulaklak,

sasambulat ang aking pasasalamat.

Hanggang langit ang palakpak ko’t halakhak,

Talo ang Gangnam bomb at Goodbye Pilipinas!

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on March 04, 2013 02:09

Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.