Bebang Siy's Blog, page 57

June 21, 2013

Chain letter for a Pangasinan Writer!

o, di ba nakaabot sa Pangasinan?



http://www.dalityapi.com/2013/01/the-...



Maraming salamat, Sonny Villafania!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 21, 2013 10:33

June 13, 2013

musa





ilang araw na akong walang maisip na kuwentong pangkomiks. wah.



kinagagalitan na ako ni mam cecille ng cfa.



e, pano ba yun, wala talagang maisip.



pero naisip ko rin na kaya ako walang maisip kasi hindi ko talaga iniisip yung dapat isipin.



kelan ko lang ba tiningnan ang detalye ng assignment na ito?



kung matagal ko na sanang binasa ang detalye, matagal na rin sanang nakaimbak sa utak ko ang dapat isipin. at pag me panahong nakatunganga ako sa tren o sa dyip, at least automatic na nire-retrieve ng utak ko ang dapat isipin.



at nauumpisahan na nga ang pag-iisip. at makakaisip na ng mga tauhan. ng aksiyon. ng daloy. ng kuwento. at mabubuo na ito.



hindi hinihintay ang musa. hindi ito hinihintay habang nakatanghod ang manunulat sa tapat ng kanyang laptop. hindi ito hinihintay habang nakaamba ang ballpen sa papel. hindi ito hinihintay.



kusa itong dumadalaw sa kung sino mang nag-iisip tungkol sa mga bagay na nais isatitik.



kaya isip lang nang isip.



iyan naman ay kung gusto mo nga siyang makapiling.







 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 13, 2013 10:54

SURPRESA PARTEEEE PART 1



Ang hirap palang mag-organize ng surprise party para sa isang taong kasama mo sa bahay!



Noong May 31 ay ang 34th birthday ni Poy. Ang naisip ko lang, dalhin siya sa Corregidor kasama sina ej at iding. Mag-oovernight kami doon at maggo-ghost hunting sa gabi. Kaya lang, me kamahalan ang tour na ito, aapat kaming makikinabang. Isa pa, nagkaroon ng wushu activity si ej noong may 30 kaya di siya makakasama kung sakaling mag-overnight nga sa Corregidor.



So nag-isip na lang ako ng ibang activity for poy’s birthday. Wala talaga akong masaliksik sa utak. Bigla-bigla, nag-fb status siya na huling birthday na raw niya iyon as a bachelor. So pakiramdam ko, ang special nun para sa kanya!



Kaya nagdesisyon akong bigyan na lang siya ng surprise birthday party.



Since biyernes ang may 31, dapat after office hours ang party. Ang kaso, baka sa sobrang trapik (suweldo!), baka di magdatingan ang mga taong iimbitahan ko! kaya naisip kong gawin na lang itong Sunday para makarating ang marami. So kahit wala pang venue, nag-text na ako sa family niya na may surprise party for poy nang june 2, 2-6pm. Hehe sinadya ko talaga yan para hindi lunch at hindi rin dinner. Mas tipid! At kinonsider ko rin yung traffic. Kasi yan ang Sunday before the first day of school. So malamang, lahat ng nasa bakasyon at probinsiya, pabalik na ng maynila para makapasok kinabukasan sa kani-kanilang eskuwela. kaya dapat hindi masyadong late matapos ang party, maipit man sa trapik di pa rin masyadong gagabihin yung bisita namin. Tinext ko na ang kapamilya’t kaibigan ni poy.



Sabi ni rianne, yung ate ni poy, magpapa-dinner daw sila sa bahay nila sa sta.mesa sa mismong araw ng birthday ni poy para daw hindi halatang me surprise birthday party kami sa parating na Linggo. Sabi ko, sige, para din me magawa kami sa May 31. Kasi nga, malamang ay nasa bahay lang kami nang araw na iyon. Sabi rin ni rianne, sila na raw ang bahala sa cake sa surprise birthday party. Yeba, tipid sa part ko. so nag ok ako agad.



Naghanap ako ng possible venues sa internet. Siyempre yung mga site na pinuntahan ko noong naghahanap kami ng venue para sa kasal, nabisita ko uli. Karamihan sa mga venue na ito ay pangmalakihan. So hindi kaya ng budget. Isip uli. Hanap. Ginagawa ko ang lahat ng ito kapag malayo ako kay poy. kasi di niya puwedeng masilip ang mga sine-search ko.



Eto ang mga una kong naisip na venue:



1. Tramway –P 200+ lang per head, buffet pa. tapos mga P900-P1000 lang ang rent ng private room. Kaya lang either umaga/tanghali or late afternoon/gabi ang party. Hindi puwedeng 2-6pm. Meron itong branch sa may shaw, malapit sa parents niya, meron din sa banawe, kami lang ang malapit dito pero ito ang cheapest, meron din along roxas boulevard, tabi ng traders hotel, vito cruz. Nakakain na ako rito, ok naman ang food. Actually, ang mas habol mo dito, e yung pagpapaka-oink-oink. Kasi susulitin mo yung binayad mo kaya one to sawa talaga si tiyan.



2. Aquasphere-malate area. 8k ito. rent lang. pero 12 hours na. at may swimming pool pa. hahanap na lang ako ng murang caterer kung sakali. kaya lang, hindi naman mahilig magswimming itong si poy. bano nga sa tubig. So parang out of character kung dito siya magbertdey.



3. Cara mia/amici- mga 350/head, food and drinks and venue na. either sa tomas morato o sa may ayala triangle sa Makati. Mukhang masaya dito, masarap pa ang food at desert. Saka mahilig si poy sa ice cream. Tamang-tama.



4. Conspiracy-mura dito siyempre. Parang pay as you order lang. me sounds pa. kaya lang anlayo sa mga kamag-anak ni poy. at medyo pang young crowd ito, di bagay sa parents niya, though nakapunta na ang mama niya rito at nakapakinig kay bayang barrios, nag-enjoy ang lola!



5. El buono pizza- tomas morato. Sabi sa sulit ad nila, 10k inclusive na lahat, décor, food and drinks good for 50pax at venue. Maganda yung venue, parang maaliwalas naman batay sa photo at malaki, hindi magsisiksikan sa loob. Ayos sana ito. kahit medyo malayo sa parents ni poy. kaso pag punta ko, sarado. Sabi ng guard sa katapat na bar, mag-iisang linggo na itong sarado.



6. Orchid garden hotel- sa may vito cruz, wala akong idea kung magkano rito. Pero ang alam ko mura lang. kasi nag-event na kami rito sa filcols. Maganda yung function room sa itaas kasi parang medyo luma yung feel pero modern ang amenities.



7. Ice berg-jupiter st. Makati- wala yatang package package dito. Mura ang food siguro papatak ng P250/head. Makati kasi malapit kila poy (nang konti) at dahil walang tao rito pag Sunday. Hehehe. Madali ang parking para sa pamilya ni poy at para sa mga bisitang me sasakyan.



8. Any resto sa may vito cruz, taft. Kasi siguradong walang tao rito pag Sunday! Weekdays, puno ito, im sure.



9. Manila yacht club-batay sa nabasa ko sa internet, puwede raw ditong mag-rent ng function room para sa kasal. Alam kong mahal dito at sosyal pero mano bang i-try ang pag-i-inquire.



Hindi ko kinonsider ang mga venue sa mall. Kasi siguradong matao doon pag Sunday. At hindi ko gusto ang feel, parang masyadong commercialized ang party

sa ganoong lugar.



So ayun. Kelangan ko na ng venue. Isang gabi, nag-away kami ni poy. di ko na maalala ang dahilan. Sabi niya, labas daw muna siya. sabay labas. Literal. Lumabas talaga. walang lingon-likod. Aba. Nainis ako. So nagbihis ako at lumabas din ako.

Dun ako sumubok na maghanap ng venue. Sabado ito ng gabi. May 25.



Nag-morato ako. Bumaba ako ng dulo ng kamuning. Tapos nilakad ko ang buong morato hanggang sa may scout circle. Antamlay-tamlay ng morato. Sabado pa naman. Pero ok lang yun. Kasi hindi naman Saturday night ang party namin! Dun ko nakita ang amici. Sayang at sarado na. pero nakapag-inquire na ako doon dati. Ayun nga ang rate mga P350/head. Nadaanan ko rin ang el buono. Dun ko rin nalaman na sarado na nga ito. marami pa akong nadaanan na bar. Naisip ko rin ang chef’s bistro. Kaya lang, medyo mahal dun ang food. Siguro nasa P350/head din. Di pa outstanding ang lasa sa lagay na yan. though meron silang venue na tamang-tama dun sa party na nasa isip ko.



After an hour, wala, wala talaga akong nakitang appropriate na lugar.



Naglakad ako pabalik ng Kamuning. At nag-ikot-ikot ako sa area na yun. Naisip ko sa 77 café kaya? Dun nagbirthday ang pinsan ni poy, si michelle. Maganda yung place na yun. Old house. Kaso pagpasok ko, wah, ang init. At medyo nadidiliman ako. Baka kako, maganda lang ito kapag medyo dim ang light. At nung nagpa-party si michelle doon, nag-inquire na rin ako. 15k daw, isasara nila ang isang bahagi ng place for a party for a certain number of hours. Inuman galore ang 15k na yun. Kasi mas sikat yun bilang inuman.



Naisip ko rin ang taumbayan. Kaya lang parang naliliitan ako sa lugar na yun. At parang walang x factor para sa masho-shonders tulad ng parents ni poy. well, siyempre, kelangan ko magpa-impress sa kanila! First time ko silang iimbitahin sa isang party!



Hindi ako nakahanap ng venue that night. Pag uwi ko, andun na si poy. text pala siya nang text. Alalang-alala. Ayan, ang arte kasi. Lalayas-layas ka, ha? Sa isip-isip ko. may paa rin kaya ako, nalimutan mo? oo, mabantot pero marunong din itong tumakas, lumayas tulad ng paa mo, ‘no? siyempre sa isip ko lang yan lahat. Kasi pagkakita ko sa kanya, natumba na ako sa higaan at nakatulog!



Pagsapit ng Monday, May 27, nagpunta ako ng UP para i-follow up ang appeal ko para sa MA ko. negative ang lahat ng resulta. Hindi ako aabot para sa may 30 na meeting ng csapg. Ibig sabihin, hindi ako makakasabay sa regular na enrolment dahil kelangan pang hintayin ang june 24 csapg. Pagdating ng hapon, lumuwas ako. Nag-MRT ako. Text nang text si poy, asan na raw ako. Sabi ko up pa at may hinihintay na prof. pagbaba ng MRT EDSA Taft, nagdyip ako hanggang sa roxas boulevard. Mula doon, naglakad ako hanggang makarating ako ng vito cruz. May parts na madilim at nakakatakot like yung malapit sa dating dfa at japan embassy. Pero ok na rin. Nakaraos naman ako, uneventful ang aking paglalakbay doon. Noon ko lang din nakita ang midas hotel and casino. Ang liwa liwanag! Ito yata yung dating Hyatt. Sayang. Parang mas maganda yung hyatt. Simple lang. saka tahimik.



Anyway, heto yung mga nadaanan kong kinonsider as venue



1. Bachelor’s mansion-parang mas night club ito. gusto ko man at na-curious man ako, feeling ko di mag-e-enjoy dito ang parents ni poy.



2. Singing cooks and waiters restaurant- malapit ito sa buendia. 7,700 ang pinakamurang package nila. Per table yan. at 10-12 pax per table. Sa isip-isip ko, ang mahal. Kasi kung makadalawang table kami, 15k agad? Pero ang maganda rito, me kasama na raw performance iyon at me function room sila na puwede nilang isara kahit gano pa kami kakonti.



3. Tramway- di na ako pumasok since alam ko na ang itsura ng mga room nila.



4. Coffee.com-ito yung coffee shop sa mismong traders hotel. Hindi ko na rin ito pinasok kasi parang odd yung shape ng coffee shop. Parang maliit siya para sa isang party. At hindi ko siguro mabubusog ang mga bisita doon.



From traders, dumiretso ako ng orchid garden. Sabi ng waiter sa kanilang resto pagkaraang Hainan ako ng isang baso ng napakalamig na tubig (aaaahhhh! Sarap!), nakaalis na raw ang sales nila. Binigyan na lang niya ako ng brochure (wala nga lang rates) at humingi raw ako ng calling card sa receptionist. Umalis ako pagkatapos kong masimot ang baso. By this time, pagod na ako at talagang nawawalan na ako ng pag-asang makahanap ng venue sa area na yon.

Gusto ko sana sa roxas blvd pa rin kasi marami ang magmumula sa cavite. Madaming friends doon si poy.



Naglakad ako papuntang harison, nadaanan ko ang teresita’s, ito yung resto na nirekomenda ni Claire. Ok naman siya at malinis. Haluhalo at palabok ang ilan sa ino-offer nila. Kaso di ko type parang sobrang simple ng restawran. Naglakad pa ako at pagdating sa may harison plaza, chineck ko ang mga resto sa gilid nito. para namang hindi pamparty ang mga set up. So lumabas agad ako at nagsimulang maglakad papunta sa la salle. Pero naalala ko yung manila yacht club, sa may roxas boulevard yun. So naglakad ako pabalik, mamya kako, sakay na lang ako ng dyip pa-taft.



Pagdating ko sa MYC, pinag-log book pa ako at itinawag pa sa loob ang pag-i-inquire ko. dehins pala puwede yung bastang walk in. pagpasok ko, yung main resto nila ay open air. Naka extend sa may dagat. Tapos lahat ng furniture, kahoy. Sa kanan ay ang bar. Don din ang station yata ng mga food server.

Sa tabi ng main resto, isa pang mas maliit na kainan, napapaligiran ng mga salamin. Me aircon.



Sa kaliwa naman ay mga lumang gamit na pandagat nakatundos sa sahig. At isang walkway. Walang customer except dalawang lalaking medyo may edad. (bakit

parang andaming bromance nang gabing ito?)



Sinalubong ako ni mr. tony astupina, siya ang resto superviser. medyo maliit siya, (matangkad pa ako), singit at medyo walang kilay. Nakabarong. Mam, ano po yon? Tanong niya.



Naghahanap po ako ng venue para sa isang party. Nakita ko po sa internet, puwede raw po dito sa inyo. Kasal. Pero maliit na party lang po ang sa amin.

Itinuro niya ang tapat ng walkway na gawa rin sa kahoy, parang boardwalk, ganun.



Iyan po, dalawang rooms, 8k consumable.



Aba, ang mura ! sa isip-isip ko. mura kumpara sa ibang nakita ko at na-check sa internet.



Puwede ko po makita, request ko ke sir tony.



Function rooms pala ang katapat nun. Salamin ang pinakadingding. Pumasok kami sa rooms: amihan at habagat rooms. Kasya siguro ang mga 40 katao at maluwag pa. kahoy ang sahig (mapagpansin ako sa kahoy ano? Paborito kong element pala ito), katapat ng sliding salamin ay dalawang malaking painting ng mga yamang dagat. Napapagitnaan ito ng maliliit na aircon. Sa kaliwa, nakakuwadrong photos ng mga yate. May isang table sa tabi. Sa pinakadulo sa kanan, folding na divider na kahoy. Bahagya itong nakabukas, nasa loob ang mga nagkapatong-patong na mesa at upuan.



Tiningnan ko ang kanilang menu. Aba hindi naman kamahalan. Pina-book ko na agad ang place. June 2, 3-7pm. Bakit? Ito kasi ang pinakamura! Sa manila yacht club! Imagine? (namimilog ang mata.)



8k consumable, 4 hours use of amihan and habagat rooms, free. Puwedeng magdala ng radyo, component o laptop para sa tugtog, free.



Saan ka pa?



Pero since hindi ako member doon, kelangan daw munang ipaalam ni sir tony sa manager nila ang party namin. Balik daw ako sa huwebes.



Yayks. Hindi puwede. Sunday na ang party. Kung tanggihan nila ako, saan pa ako makakahanap ng venue sa huwebes?



Sinabi koi to kay Sir Tony.



Sorry, kailangan kasi talaga me go signal ng manager.



Hindi ako nagsalita. Hindi rin ako umalis. Tumingin lang ako sa tubig na inihain sa akin (mukha na talaga akong uhaw at tigang, hinahainan akong lagi ng tubig!)



Balik ka na lang sa huwebes.



Sabi ko, sir, hindi po ba talaga puwede ang walk in?



Hindi talaga.



Sir, sa linggo na po kasi. Saka po willing po akong magbayad today. (wala akong pera pero me dala akong credit card, pag kumagat siya, yun na! malalaman niyang yabang-yabangan lang ako, purdoydoy naman pala)



Tumingin siya sa akin nang mas matagal. Siguro kinausap siya ng patak-patak na pawis ko sa noo at nakastanding ovation kong mga tutsang.



Sige na nga, tawagan ko na ang manager namin.



Tinawagan niya ito sa harap ko.



Anong sagot ng manger? Aprub!



Yey! Tuloy-tuloy na ang pag-book ko! wa na akong paki kung maa-appreciate ba ang lugar, kung malayo ba sa parents ni poy, kung me organic unity ba si poy at ang venue. Ang mura! Yun lang ang dahilan. Ang mura! So nag-text agad ako sa family at friends ni poy, para makita ni sir tony na walang bawian hahaha! ibinigay niya uli sa akin ang menu, ilista ko na raw ang mga gusto kong orderin. Humingi rin ako ng calcu at wala akong balak na sumobra sa 8k. 8k impunto!



That time, text na nang text si poy. asan na raw ako, gabi na. sabi ko, nagkita kami ni grace bengco (sori grace!) sa up at nagpasama ito sa sm north. Bumibili ako ng regalo kako. Wait lang. tapos tinawagan ko si ej, nasa mei cheng si ej sabi ko, kung puwede ba naming palabasin na manonood kami ng sine para pwede akong umuwi nang late. Oo raw. Pinapunta ko si ej sa MYC. Habang hinihintay ko siya, sinulat ko na ang menu namin para sa linggo.



Si ej tumawag, nagkamali siya ng sakay ng lrt. Tapos si poy text na nang text. Binigyan ko ng instructions ang bata. Nagreply naman ako ke poy. sabi ko, nagtext si ej nagyayaya magsine. Magkita raw kami sa gateway. Dun na ako didiretso from sm north ha? Mga 9pm na ito. so habang nasa biyahe si ej pa vito cruz, nagre-request naman ako kay sir tony ng:



1. Blue table cover

2. Tables and chairs good for 20 pax. Sabi ni sir tony, gawin na raw niyang 24 pax.

3. Ipasok ang mga lamp na nasa main resto (kung puwede lang naman) at gawing centrepiece.

4. Extra table para sa cake at candy buffet

5. Pagsama-samahin na ang food sa isang mahabang table at gawing parang buffet table ito. bahala na ang mga guests na kumuha ng food nila.



Kinuha ni Sir Tony ang list ko at nag-thank you na ako. Though ang nasa likod ng utak ko, pano kung me isang member na biglang magpa-party sa linggo? Di etsa puwera na ang reservation ko? ano assurance ko na reserved talaga yun para sa ‘min?



Pano kaya ‘to?



Eniwey, basta nag-thank you lang muna ako kay sir tony.



Kinausap ko rin ang guard patungkol sa parking dahil may sasakyan ang parents ni poy. malupit daw ang Sunday, sabi ng kuyang guard, hataw ang sasakyan sa parking lot pero maglalaan naman daw siya ng hanggang dalawang sasakyan para sa amin. Si kuya, pinakaba pa ako. Ngani-ngani kong apakan ang makintab niyang sapatos!



9:30 na wala pa si ej. 10pm ang sara ng MYC.



Nagbasa ako ng bulletin board.



Open pala ang amihan at habagat rooms, 4k each consumable. Pero for members only. Isa talagang hulog ng diyos itong si sir tony! At ang kanyang manager!

Me ibinebentang speedboat, isang 600k, isang 900k. e gabi na, feeling ko tulog na ang nagbebenta, bukas na lang ako mag-i-inquire. Chos!



Me dress code sa MYC, bawal sando, bawal rubber slippers. Aba oo nga naman. Kahit na papunta ka sa nakapark mong yate, umayos ka, dahil dadaan ka sa isang napakaganda at marangal na restawran!



Kabi-kabila ang contest ng pabilisan para sa mga yate.



9:45 na wala pa si ej! tinawagan ko siya at nakow, lumampas pala. Nasa CCP siya. ke oror! Madilim dun. Baka kung mapano yon. So na-hysterical ako. Sabi niya,wait lang, wait lang, tumatakbo na ako pabalik ng roxas!



Para makalma, nagbasa ako ng mga magasin tungkol sa yate, pangingisda at dagat, sa may reception area, sa area ni kuyang guard. Pero hndi ako nakalma kahit kasingblue ng mata ni superman ang mga dagat sa picture, ampapangit kasi ng cover, aysus. Sino ba lay out artist ng mga to? Tinetext pa ‘ko ni poy. kairita. sabi ko wala pa sa gateway si ej, anuba?



Wah kawawang birthday celebrant!



Saktong 10:00 p.m. dumating si ej. pumasok agad kami after mag-log in ni ej. tapos ipinakita ko sa kanya ang party venue. In-explain ko ang set up. Sabi ko, kayo ni iding ang mauuna kung sakali. kaya kayo na ang mag-ayos nito, ha? Dito ang cake, dagdagan nyo ng dekorasyon ang mga mesa, dito nyo isasabit ang banderitas, at iba pa at iba pa and more.



Pagkalabas namin ng MYC, malumanay na akong kausap.



Pano yan, ang alam ni poy, manonood tayo.



Kuwentuhan mo na lang ako ng napanood mong sine, Ma. Ako na bahala magkuwento kay Poy.



Gatsby? Naku pag nagkuwentuhan kayo nun, mabubuko ka. Saka nagda-doubt na yun kasi napaka-unusual ng lakad natin na to.



Isip kami nang isip. Di pa kami makaalis sa may labasan ng MYC.



Alam ko na, manonood tayo.



San? Me bukas pang sine? 10:30 na?



Oo, sa Newport. Sa may Paranaque.



Naglakad kami hanggang sa harison. At sumakay ng dyip pa-baclaran. Doon kami nagtahi ng banig-banig pang mga kasinungalingan.

Sabihin na lang natin, di natin naabutan ang sine sa gateway.



Oo, tama. Pero pinilit mo pa rin ako manood ng sine kaya dinala kita sa Newport.



Oo, tama.



Biglang nagtext si poy. sine na kayo?



Di ako nagreply. Siyempre, by this time, dapat nanonood na kami, di ba? Isang venial sin pa naman ang mag-text sa loob ng sinehan. Bukod sa maingay ang keypad, iritasyon sa mata ang ilaw ng cellphone screen. Matuto kang maghintay, bertdey boy.



(to be continued...)











 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 13, 2013 08:20

June 11, 2013

Tulaan sa Facebook 2013

Ngayong taong sesquicentennial ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, ibinabalik ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang proyektong “Tulaan sa Facebook”.



Ang Tulaan sa Facebook ay isang paligsahan ng mga tulang nasa katutubong anyo ng Filipinas. Sa paligsahang ito, itatampok ng mga lahok sa patimpalak ang anyong diyona—isang tulang may iisang saknong, may isahang tugma, binubuo ng tatlong taludtod, at may pitong pantig sa bawat taludtod.



Bukas ang patimpalak mula Hunyo 15, 2013 hanggang Nob. 15, 2013 sa lahat ng mga Filipino na naninirahan sa Filipinas o sa labas ng bansa. Bago maglahok ng tula, kailangang i-”Like” ang opisyal na Facebook Page ng LIRA: “Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo” at puntahan ang Facebook Group: “Tulaan sa Facebook 2013″.



Narito ang tuntunin:



1. Bukas ang timpalak mula Hunyo 15, 2013 hanggang Nob. 15, 2013 sa lahat ng mga Filipino na naninirahan sa Filipinas o sa labas ng bansa. Hindi maaaring lumahok ang mga tagapangasiwa ng proyektong “Tulaan sa Facebook,” lahat ng kasapi (full at probationary) at buong pamunuan ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), at mga dati nang nagwagi sa timpalak na “Tulaan sa Facebook.”



2. Kailangang orihinal, nasa wikang Filipino, at nasa anyong diyona ang mga lahok. Ang mga tulang ilalahok ay dapat pumapaksa sa buhay at kabayanihan ni Andres Bonifacio.



3. Bago magpadala ng tula, kailangang i-”Like” ang opisyal na Facebook Page ng LIRA: “Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo”. (https://www.facebook.com/PalihangLIRA)



4. Puntahan din ang Facebook Group na “Tulaan sa Facebook 2013” at maging miyembro nito. Ipaskil sa Facebook Group ang lahok. (https://www.facebook.com/groups/tulaan/)



5. Ipapaskil ang limang pinakamahuhusay na tula para sa isang buwan sa Facebook Page ng LIRA tuwing ika-15 ng susunod na buwan. (Ang mga lahok para sa huling dalawang linggo ng Hunyo ay isasama sa pagpipilian para sa buwan ng Hulyo.)



6. Ang mga tulang maipapaskil sa Facebook Page ang pagpipilian ng mga hurado sa huling bahagi ng timpalak. Pipili ang mga hurado ng tatlong magwawagi. Abangan sa mga susunod na buwan ang anunsiyo ng mga premyong makakamit.



7. Mananatiling pag-aari ng may-akda ang mga tulang magwawagi, subalit may karapatan ang LIRA na ilathala ang mga ito.



8. Ipaaalam sa mananalo ang resulta ng timpalak bago ihayag ang mga magwawagi sa publiko. Ang resulta ng timpalak ay iaanunsiyo sa Araw ni Bonifacio, Nobyembre 30, 2013.



Para sa iba pang katanungan, magpadala ng e-mail sa tulaansafb@gmail.com. Ang tagapangasiwa ng proyektong ito ay si Christa I. De La Cruz, kasalukuyang Ugnayang Pangmadla ng LIRA. Katuwang sa proyekto sina Noel

Clemente at Conrad Nuyles.



Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang nangungunang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito. Si Phillip Kimpo Jr. ang kasalukuyang pangulo ng LIRA.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 11, 2013 21:32

June 10, 2013

Promo with Crazy Dreamy Crafts

Gusto mong manalo ng aklat na It's A Mens World at ng isang pagka-cute-cute na book pouch?



Mag-like ka lang dito:



https://www.facebook.com/crazydreamyc...



Pag naka-600 likes na ang FB page ng Crazy Dreamy Crafts (CDC), magpapa-raffle sa lahat ng nag-like ang CDC. Ang mabubunot na pangalan ay mananalo ng bagong kopya ng It's A Mens World at ng isang book pouch.



ito ang unang beses na nakipag-tie up ako para sa isang promo! kaya sana sumali kayo, ha? at mag-like! mag-like nang mag-like.



si giselle nga pala ang may-ari ng CDC. siya ay isang estudyante na mahilig magtahi, taga-uste siya. sa sobrang hilig niya sa pagtatahi, nakakagawa siya ng mga produkto na pambenta ang quantity (at quality). ilan sa mga produkto niya ay book pouch, kakaibang book mark, stuff toy, plushies, ipit sa buhok, key chain at iba pa.



nagkakilala kami sa isang literary festival tapos lagi na kaming nagkikita sa mga pampanitikang event. writer din kasi si giselle. in fact nanalo siya sa gawad ustetika noong pebrero 2013. nandito ang detalye:



http://omaygash.blogspot.com/p/emily....



ayan. yung mga ganyan ka-talented na bata, di ba dapat lang na sinusuportahan?



kaya sana mag-like na kayo ng kanyang page, ha?



sa kasal nga pala namin, isa siya sa mga magbebenta sa aming book fair. yung mga accessory para sa aklat ang ibebenta niya. Excited na kaming pareho.



sali ka na sa aming papromo!















 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 10, 2013 07:00

June 5, 2013

Mula sa mambabasang si Fatima Muega

Hello po! Ako po si Fatima. 15 years old. Sorry po, feeling close ako pero idol ko pa talaga kayo.



Gusto ko rin pong maging writer katulad niyo! Gusto ko nga po kayong makita at makapagpa-picture sa inyo! Ang galing nga po e, dati iniisip ko lang paano kaya kung may Bob Ong Girl version of the Philippines? Tapos ang pangalan niya Beb Ang? Seryoso po, natanong ko talaga sa sarili ko ‘yun. Hahaha. Tapos ayun, bigla na lang dumating ‘yung araw na may dalang libro ‘yung ate ko. Bale, last year po iyon, 2012. Sabi niya binili niya raw ‘yun kasi nakakatawa ‘yung naksulat sa likod. At ayun, pinabasa niya na rin sa akin. Binasa ko na rin. Natuwa po ako, nalungkot, namangha, naloka at kung anu-ano pa! Tapos nakita ko pa po ‘yung pangalan niyo, sabi ko sa ate ko“Ate! Ang galing, tingnan mo Bebang ‘yung pangalan! Kapartner ni Bob Ong!”

Noong hindi ko pa po nababasa libro niyo, si Bob Ong lang talaga ang idol ko na writer. Hindi ko type yung mga author ng ibang bansa. Buti na lang po nakilala ko kayo.



Noong 2012 rin po, ang daming dumating na pagsubok sa buhay namin. Ang dami talagang dumating na problema sa bahay namin noong isang taon. Sa school rin minsan, kasi hindi naman ako kagalingan sa academics, ayun nahihirapan ako. Terror pa ‘yung adviser namin, kaya lagi akong kinakabahan sa kanya, umagang-umaga. Minsan nga e, napapaiyak niya pa ako. Tapos isang beses, nagpa-diary siya sa section namin. Ewan ko ba kung anong purpose ng pagsusulat ng diary noon pero lumilipas ang mga araw at buwan, napagtanto ko na minsan, si papel at ballpen lang talaga ang makakaunawa sa iyo. At minsan rin sa hindi sinasadyang pagkakataon, nagkakaroon ng kabuluhan ang mga naisusulat ko na hindi lang para sa aking sarili kundi pati na rin sa ibang tao na nakakabasa nito.



Tapos ngayon pong Mayo, dahil siguro sa sobrang problema na nangyari sa buhay namin, sa loob ng kwarto, umiiyak kaming dalawa ng ate ko. Ang lungkot po talaga ng mga nagyayari at kaming dalawa lang ang nagdadamayan. Tapos sabi baga ng Ate ko, “Bones, magaling ka namang magsulat, (sabay patak ng luha) someday isulat mo buhay natin (hagulgol).Tingnan mo si Bebang Siy! (pahid ng sipon) Siya ang gawin nating role model!” (at sabay kami ng ate ko na humagulgol sa pag-iyak).



Hi Ms. Beverly! Ayun po, role model po namin kayo ni ate! Idol na idol ko po kayo. Isa po ako sa mga fans niyo. Sorry po kung napahaba ‘yung sulat ko. At hindi ko na rin po minention lahat-lahat, baka po abutin po tayo ng siyam-siyam! Haha! Ayun po, keep up the good work! Ang galing niyo po! Promise! Favorite ko po ‘yung “Bayad-Utang”, “Milk Shakes and Daddies” at “Asintada.” Excited na rin po ako sa next book niyo. At sana po someday ay magkakilala po tayo ng personal. God bless po at congratulations na rin po!







Ni-repost ito nang may pahintulot ni Bb. Muega.

Maraming salamat, Fatima. Regards kay Ate mo!



 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 05, 2013 22:32

May 29, 2013

The Pulag Proposal

Ipinadala ito sa akin ni Karl Orit a few months after the proposal. Nakumpleto ko ang pagsagot sa mga tanong noong February 2013. Thank you, Karl! Kung hindi dahil sa interview mo, hindi ko mapaglilimian nang husto ang ilang bagay-bagay.



Questions for Mt. Pulag Article:



• Was it your first time to go on a hike outdoors?

Hindi po.



If yes, how would you explain your first time experience? If no, how long have you been going outdoors?





College pa lang ako, umaakyat na ako ng bundok. Pero hindi regular. I mean kung may nakita akong gustong salihan na event para makaakyat ng bundok, ayun, sinasalihan ko. 1st time was sa mt. cristobal sa batangas. Nagtree planting kami. College yun. Malamang libre yung pamasahe at pagkain kaya nakasama ako. Wala naman akong masyadong extrang pera nuong college.





For what reason and purpose.





Minsan naman yaya ng mga kaibigan. Dati akyat kami mt. ampacao sa sagada. Yun aksidente ang pag akyat naming dun. Parang akala naming simpleng burol lang. nakalimutan naming yung meaning ng mount!!! So anyway, sina wenie, haidee, jing, rita at mar ang mga kasama ko dun. At si ej, bebe pa siya nun. Pumunta kami dun para mamasyal.





Nung nag kalbaryo naman ako sa banahaw. Ako lang mag isa. E sobra naman dami ng tao so parang ganon din parang di ka nag iisa in fact sobrang saya rin.

Parang isang malaking party idinadaos sa buong gilid ng bundok hahahaha holy Friday pa naman yun. Kaya ko naman inakyat yun kasi naghahanap ako ng Gawain na kakaiba. At nagkataong me pera ako that day ahahahaha pero wala pa yata 1k ang nagastos ko dun e.





• Was it your first time to climb a mountain, NO





>>> Was it your first time to reach the summit?





YES!!! Yung sa kalbaryo nareach ko rin yung tuktok pero sabi ni poy hindi naman daw talaga mountin yung kalbaryo. So I guess hindi counted yun no? hahahaha





• How would you describe the feeling, from going up to the point you reach the summit?





Noong unang 20 minutes, sobrang nakakapagod. Pero ako naman ay taong matiyaga sa anumang hirap. Kaya okay lang ako, I mean kalmado lang. all through out. wala akong worries. Si ej naman parang nag-eenjoy din. So masaya rin ako. Si poy lang parang sobrang pagod na pagod na. siguro kasi di siya masyadong nakatulog bago ang unang araw ng pag-akyat kaya ayun. Nung bumabagal na siya, gusto ko sanang iwan kasi ayaw ko yung feeling na naghihintay. Gusto ko sana sa totoo lang sumabay sa mga kaibigan (kayo yun,) na mas mabilis-bilis nang konte kesa kay poy. Parang pinagkakatuwaan ko pa yung pagod niya tsaka yun hirap nya yung mga reklamo nya. Hahahaha pero parang naisip ko, kawawa naman si poy kung magha hike mag isa. Hindi ko naman mapabagal si ej kasi siyempre bata yun naiinip sa mabagal. Hahaha mabagal din ako pero mas suso (snail,snail, pare) itong si poy.





Ang pinaka the best part para sa akin ay yung gumising nang madaling araw para maghike at makarating sa summit at the right time. Buong gabi kasi takot na takot ako sa lamig akala ko nakakamatay talaga. E putcha paggising ko tolerable naman pala. Although nanginginig ako paglabas ko ng tent. Pero parang ok na ako nun sobrang masaya na ako na nakalipas na yung gabi. Yun kasi ang pinaka deadly di ba? Feeling ko talaga kapag di natin yun natawid putcha kelangan na ng pangkaskas ng yelo para ma-enjoy naman tayo ng mga makakakita sa atin bilang malalamig na bangkay con halohalo hahahahaha







Yung gabi na rin na yun, iniisip ko si ej. Kasi gusto ko sana magkatabi kami. Para maenjoy ko naman na kasama yung bebe ko. Kasi di ba si poy na yung kasama ko buong trail? Tapos si ej parang nagsprint na sa tuktok. So parang di ko siya masyadong nakasama. Ang problema parang wala namang appropriate na tao para tumabi kay maru hahahaha alangan namang si poy? O si wendel? O si nel? Hahaha si haidee parang ayaw nang lumabas ng tent mula nang mag-upong Buddha siya doon hahaha pwede si mar. kaya lang hndi naman lumalabas sa bibig ni mar at ni maru yung pagtulog nilang magkatabi), at lalo namang alangan kayo ni pat? hahahaa so sige hinayaan ko na si ej na tumabi dun. Nagwoworry ako nung naggising na ako ng mga 12 noon, kako baka nilalamig si ej dahil nanginginig na kami nang bongga! At kayakap ko pa the whole night si poy sa lagay na yun ha. Patong-patong ang human blanket este ang mga dala namng blanket pero malamig pa rin!!!





Anyway, in fairness sobrang alaga ako ni poy nung nasa camp, parang lahat ng pakiusap ko (ayokong sabihin utos paparatangan mo akong bossy hahahaah) sinusunod nya all the time. My gulay. Hindi totoong true love waits. True love follows pala hahaha sunod nang sunod! Ang spoiled ano?





So anyway, basta nag enjoy ako dun sa madaling araw na pag akyat baka dahil na refresh ako? At andaming energy ng mga tao. Ang saya din nung feeling na pina flashlightan mo lang yung dinadaanan mo. At kakaiba din yung pakiramdam na naglalakad ka sa malabukid na mga flat na area ng biundok ng ganung oras. D ko pa nararanasan yun ever. Sa mga ganong uri ng lugar laging maliwanag ang eksena ko sa mga to.





Nalungkot ako siyempre nung sabihin ng guide na hindi tayo pwedeng umakyat ng summit sa saktong sunrise. Akala ko napakalaking kawalan. Pero sa isip isip ko basta aakyat pa rin kami ng summit. Manunulak na kung manunulak para magkaspace basta aakyat kami! Hahaha evil tangina! Pero nung nakaakyat na tayo, ayos na ayos na ako, solb na, quota na, boundary, dun pa lang sa peak 4. Ang ganda. Napakaserene ng langit. Yun talagang literal na nasa alapaap ang pakiramdam mo? Undescribable. Dito sumaklob sa katauhan ko na hindi talaga sasapat ang wika para sa lahat ng emosyon ng tao. Likha, yun baka yun pa ang malapit-lapit nang isang milya sa naiisip ko nang mga time na nakatitig ako sa harap natin nung nasa peak 4 tayo. Likha. Creation.





Gusto ko yakapin hindi lang si poy kundi kayong lahat. Nahiya lang ako kasi siyempre wala naman ako tooth brush toothbrush the whole night. The whole madaling araw! Hahahaha at mukhang malinis ang damit ko pero nanlalagkit na yung loob ko sa pawis hahaha baka kumawala ang amoy habang niyayakap ko kayo isa isa at kino congratulate para sa pagtuntong natn sa peak 4 na yan. At ang malupit diyan, peak 4 pa lang. Wala pa yung summit hahahaha!





>> How were you feeling when Ronald asked you that you’ll be going up to Mt. Pulag?





Wala naman akong naramdaman. Kinutuban ba ako na magpo-propose siya doon? Hindi. Ang naisip ko lang, gusto lang niyang mamasyal. Kasi parang wala pa kaming major physical activity (bukod sa …wink wink…alam na!) nang year na ‘yun or the year before that. Sabi ko lang sa kanya noong magyaya siya, ok sige, sige. At saka feeling ko, hindi matutuloy ‘yong mismong pag-akyat sa bundok. Pagka kasi ganito kalaking event o gawain, parang feeling ko dapat pinaplano nang isang dekada. Di dapat pinlano naming noong 2002 pa. e di pa kami magkakilala no’n. Kaya akala ko, hindi talaga matutuloy. Kumbaga parang wishful thinking lang ito sa part namin as a couple.





>> Did you sense any hidden motives behind the climb?





Wala. Wala talaga. Noong medyo nagkaka-shape na ang mga plano niya, sabi ko seryoso pala ‘to sa climb. baka gusto lang talaga niya ng challenging na physical activity (oo, mas challenging pa doon sa wink..wink.. alam na!) at baka gusto lang niya ng get together ng mga kaibigan. Kahit kasintahimik ng batong panghilod itong si Poy, makaibigan na tao siya, pareho kami.







Yun nga palang unang proposed na petsa for the climb ay april 28. Ito ang date noong first time kaming nag-meet. Gusto talaga niyang matuloy ang climb nang araw na yan. So kinompronta ko siya, magpo-propose ka no? Sabi niya, hindi. Kasi nag-propose na raw siya, hindi ko lang sineryoso. Maraming beses na raw siyang nag-propose, jino-joke ko lang daw naman. (Minsan kasi, kapag magkatabi kami, ‘yung mga walang espesyal na anuman sa paligid namin, bigla siyang magtatanong kung gusto ko na raw bang mag-asawa. Tapos hindi ako sasagot. Kasi tinatanong ko kung nagpo-propose na siya sa lagay na ‘yon. Sasagot siya ng oo. Sabi ko, ayoko, ayoko, walang magic? Walang arte? Walang singsing? Ayoko. Gusto ko ‘yong totoong proposal. Tapos maktol-maktol ako. Tapos tatawa siya. Ako ang hindi niya sineseryoso! Or so I thought…)





Kaya tinanong ko siya kung magpo-propose siya sa Pulag. Kelangan akong makasiguro. Sabi niya, hindi. In-assure talaga niya ako na hindi. At naniwala naman ako. Amalayer pala ‘to.



Hindi natuloy ang April 28 dahil sa ilang kailangan tupdin na gawain sa Maynila. At na-move ang climb nang Mayo. So parang naisip ko, insignificant ‘yong petsa. Wala talagang kinalaman ito sa aming dalawa.





• Going towards the D-day, how was everybody feeling?





I guess, okay naman. Wala akong naririnig na kahit ano mula sa mga makakasama namin. Baka kasi dahil si poy ang nag-asikaso. Bale, all set na. May mga hindi lang makakasama, si wennie, si jing, pinaparating nila na nanghihinayang sila, extremely na nanghihinayang. Hindi naman ako na-weirdohan pero parang ako, ‘wag na kayo manghinayang, tipong okey lang ‘yon. Marami kasi kaming pasyal na hindi kompleto ang panpilpipol. At isa lang naman ‘yong pag-akyat ng bundok. Just one of many. Pasyal lang, kumbaga at maraming marami pa kaming next time na pagsasamahan at papasyalan.



Ito namang si Poy, laging kasama at kausap si Wendell nang mga time na ito. Lagi siyang umaalis ng bahay at may aasikasuhin daw sila ni Wendell. Tapos si wendel, bihira ko namang makausap kapag nandito sa bahay. Parang hi at hello lang. kaya hindi ko talaga natunugan ang anumang “masama” nilang balak.



Nagbuo din ng fb group para lang sa pulag climb. Tapos nag-suggest ako na magsulat kami ng before and after pulag na articles. Para din malaman namin ang expectations namin, feelings, etc. etc. Awa ng diyos ako lang ang nakapagsulat. Yun yung pinost ko sa blog ko at pinost ko sa fb group. Tungkol yun sa proposal. I was joking na magpo-propose si poy sa pulag. I was just trying to excite them and make them laugh. Joke yun talaga, dahil alam kong hindi mangyayari ang proposal. Kinausap ko na nga si poy, di ba? At nagsabi naman siya na hindi nga siya magpo-propose doon.



(later on sabi ni poy, dinisappoint ko raw ang lahat nang ipost ko ang blog entry ko na yun. Kasi ang alam ng lahat, wala akong kaalam-alam at wala akong kaaydi-idea sa gagawin niya.)



(At ngayon ko lang na-realize kung bakit ako lang ang nagsulat ng before na article. kasi pala, lahat sila, kayo! Kasama ka don! alam na ang mangyayari sa tuktok. Ako lang ang hindi! Siguro ayaw nilang makabasa ako ng kahit ano tungkol sa naiisip nila dahil baka maging clue at mawala ang surprise factor.)





• What was on your mind when the day came and everybody’s on their way to the mountain (during the trip going to Benguet, while hiking to reach the camp site, summit day)?





Nasagot ko na ata to.





• How was it? What were you feeling? (the proposal)





Sobrang shocked. Nung time na nakapabilog na tayo at merong munting paprograma itong si poy, natawa ako. Kasi si poy, seryoso talagang tao. So parang ang tingin niya siguro sa climb was like a fellowship kaya parang may ganyan-ganyan pa. sharing-sharing, usap-usap. (Puwede palang tawaging fellowship of the engagement ring ito?) Di ba nagpresident ng cavite young writers ‘yang si poy? Sabi ko baka me hangover pa, akala niya batang writers ng cavite yung mga nakapalibot sa kanya. Yan yung mga naiisip ko nung nakapaikot tayo at nag-request siya na magsalita ang bawat isa. Ano na nga ba yung tanong? Para saan ang pag-akyat mo sa mt. pulag?





Si Nel ang unang tinawag. Katabi ko si Nel. Di, ako na ang next? Kinabahan ako. Kailangan maganda ang sagot ko. Pang-writer, ganyan, malalim, ganyan. Mas hindi maintindihan, mas maganda. Joke. Nag-isip agad ako. Bakit nga ba ako umakyat ng pulag?





1. Kasi nagyaya si poy. Gusto ko siyang samahan.



2. Kasi matagal na rin akong di umaakyat ng bundok e dati naman talaga akong naakyat ng bundok.



3. Kasi yung pulag, metaphor siya ng mga bagay na gusto kong tapusin at umpisahan. Parang pag naakyat ko ito, tuloy-tuloy na ang mga Gawain na dapat gawin, tapusin at umpisahan. I was referring to my masters na sobrang gusto ko na talagang matapos.



4. Kasi gusto ko ring makarating dito si ej at dahil ayoko namang mag-isa lang siyang sumama sa isang group, sumama na ako.

Pero number two pa lang ang naiisip ko, tapos na si Nel. Ako na! Tatayo na sana ako kaya lang iba ang tinawag ni Poy. Nilampasan ako. A… okey lang, naisip ko, baka nahalata niyang hindi pa ako handa. So tinandaan ko na lang ang apat na dahilan kung bakit ako umakyat ng pulag. Para tuloy-tuloy na ko mamya after ng iba.





Wala akong napansin na kakaiba pwera na lang dun sa sagot ni haids at ni mar. sabi nila, kaya kami umakyat dito para sa friendship. Huwat? Ano raw? Para sa friendship? Nagdahilan ang utak ko, aa…baka gusto nilang magkaroon ng mga bagong kaibigan. O baka naman para mapatatag pa ang friendship nilang dalawa. Si haids at si mar kasi ay isa sa mga close friends sa loob ng grupo namin. So parang umakyat sila para suportahan ang isa’t isa at mapatatag pa ang friendship nilang dalawa sa isa’t isa. Yun ang nasa isip ko. At the end of the day ang ibig pala nilang sabihin, love nila ako. Kaya sila umakyat ng pulag ay dahil kaibigan nila ako at gusto nilang maging bahagi ng napakasignificant na event na ito sa aming buhay-mag-jowa. Ang sweet. Siyempre at the end of the day ko na ‘to naisip lahat.





Tapos no’ng ako na, sinavor ko ang moment ko. Sinabi ko yung kasi 1, kasi 2 (at nagyabang pa talaga ako na marami na akong naakyat na bundok. E, puro minor climb lang naman ahahahaha), kasi 3 at kasi 4. Tapos umupo na ako.





Si Poy na ‘yong tumayo sa harap. Putcha, ang lalim ng boses. At ang seryoso ng pagsasalita niya. Paglingon ko sa mga kasama namin, ang tahimik din ng lahat. All eyes kay Poy. Alanganin ang mga ngiti nila. Parang ngiti ng mga taong pagod, ganon. Parang ngiti ng mga naiihi. At hindi nila ako napansin dahil lahat sila nakatingin kay poy. Paglingon ko kay Poy, nagbe-break na ang boses niya. He was saying something like, ‘yong pag-akyat daw sa Pulag, parang relasyon namin ni Beb. Never an easy trail.





Puta, nangilid na ang luha ko, alam mo ‘yon? Naiiyak na rin kasi si Poy nang exact time na ‘to. At sa lahat naman ng panahon at pagkakataon, eto ‘yong time na hindi ko talaga ine-expect na magsa-summarize siya tungkol sa naging relasyon namin for the past few years.





Totoo, it has never been an easy trail nga. Pulag na pulag. Umpisa pa lang, e, parang imposibleng maging kami. May boyfriend ako. ilang taon na kami no’n. At wala na akong balak na palitan ang taong iyon sa buhay ko (or so I thought…). May anak na ako, siyempre, isyu sa pamilya niya ‘yon. Dazzling bachelor siya, pogi may pinag-aralan, may kaya, pogi matalino, magaling magluto, pogi mabait, payat at wala pang bilbil, galing sa disenteng pamilya, at higit sa lahat, kamukha ni Antonio Banderas pag hairline ang pinag-uusapan. Tapos ay ano, mapupunta lang sa isang tulad kong disgrasyada?





And to make the it’s complicated more it’s complicated, sutil pa ‘tong anak ko. Minsan nagkakaaway pa sila. Ni Poy. Isyu sa kanila kung kanino ang atensiyon ko. Pareho kasing KSP, kulang sa pansin. At kapag nag-aaway na sila, nakaabang silang parang mga gorilla kung kanino papanig ang mother gorilla.





Eto pa, isa pang Godzilla na isyu, aayaw-ayaw ang nanay ko kay Poy. Ang nanay kong bakulaw na maarte, sinusungit-sungitan siya. Ewan ko ba’t siya ganon noon. Pero ngayon, okey naman na siya.





O, wait, external factors lang ‘yan, e, yung internal pa? ‘Yong mga away namin? Selos-selos, pera, gawain o mga bagay na dapat gawin at dapat tapusin, schedule, ‘yong pagsasama naming dalawa sa ilalim ng iisang kisame? Maraming beses kaya na parang ayawan blues na kami. Tipong sige, uwi ka na lang sa inyo, kami na lang uli dito ni EJ. Text-text na lang pag magde-date tayo.





At marami pang friction at hitch, etcetera.





Lahat ‘yan, hindi naging madali. Madalas naisip namin na give up na lang, give up na. Pero after a second, ipaglalaban na uli ang aming mga sarili, ang aming pag-ibig.





Siyempre, ine-expect kong gagawin niya ang pagsa-summarize na ito kunwari habang nagdi-dinner kami sa anniversary night namin. Sa isang restawran na inoorder ang pagkain sa menu habang nakaupo at nakatanghod sa amin ang isang waiter. O di kaya kapag magkatabi kami sa kama pagkatapos ng makapugtong-hiningang uri ng wrestlingan. O di kaya kapag magkatabi kami, nakaupo at nakatanaw sa tabingdagat. Mga ganon. Pero ‘yong ganito, sa harap ng maraming tao, sa tuktok ng ikatlong pinakamataas na bundok sa Pilipinas? Wow, meyn, hindi ko talaga naarok ito. Hindi inasahan. Walang-wala sa hinagap ko.





Di ko na namalayan kung paano akong napunta sa harap ng grupo at sa tabi ni Ronald, pagkatapos niyang magsalita. Tapos dumudukot na siya sa bulsa niya. Putcha, putcha, sa isip-isip ko, totoo na ‘to. Luluhod-luhod pa ang kulugo. Tapos nagtanong na siya, putcha talaga! Umiiyak na ako by this time. Nahihiya ako sa totoo lang. Na ginagawa niya ito sa harap ng lahat. Napaka-private ko pa namang tao. Kaya takip ako nang takip ng mukha! At kaya ako naiiyak kasi naka-video ang dyaheng moment na ito. Hindi, joke lang. Naiiyak ako kasi ang hirap no’ng ginawa ni Poy, hahahaha! At meron pang singsing talaga. Jino-joke ko siya lagi na hindi ako maniniwala sa mga tanong niyang ‘gusto mo na bang magpakasal sa akin’ hangga’t walang singsing. Eto nga, me singsing na this time.





Anlabo na ng mata ko dahil sa mapipintog kong luha. Talo ang malulusog na hamog sa Mountain Province. Pero ayun kindat nang kindat sa akin ‘yong singsing. Tangina, parang pinagtatawanan ako. Parang sabi, joke ka kasi nang joke. Ayan, ngayon, ikaw na ang joke.





Hindi ko alam ang isasagot ko sa tanong ni Poy. (na nakalimutan ko na sa ngayon hahahaha! Will you marry me ba yung tanong niya that moment, Karl? Di ko maalala.) Anyway, ayoko sanang sagutin si Poy dahil ang totoo meron akong surprise sa kanya. It has something to do with the sequel of my book. Balak ko talaga, ako ang magpo-propose. Tipong sa dulo ng aklat ko, ‘yong last essay, will be about us. ‘Yong summary ng mga pinagdaanan namin. Then, magko-commit sana ako ng copyright infringement sa pamamagitan ng pagkopya ng lyrics ni Bruno Mars.





Is it the look in your eyes

Or is it this dancing juice?

Who cares, baby?

I think I wanna marry you!





Para may magic, may arte, at ako ang magbibigay ng singsing sa sarili ko.





Ayun. Kaya ang sabi ko, puwede bang huwag muna akong sumagot? Ahahahaha or something like that. Anyway, napakasaya nang araw na ‘yon. Natupad ang lahat ng kakikayan ko, may magic, may arte, may singsing! Tapos paglingon ko, lahat ng kasama namin, ang gaganda ng mga ngiti. Tipong nakaihi na. Nakaraos na, unbelievable.





Nag-iba ang tingin ko sa bawat isa. Like si Jo, nung nagkasakit siya pagdating namin sa tuktok, sabi ko kawawa naman, hindi niya mae-enjoy ang pulag. si haids at si mar, yun pala ang ibig sabihin nila na ang pagsama nila sa pulag ay para sa friendship. It was for me after all!





After the proposal, I was like, shet andaming nagsakripisyong tao para lang sa proposal na ito. para lang ma-execute ni poy ang proposal, para lang masurpresa ako, para lang makasama namin sa magical moment na ito. Kaya sobrang thankful ako. hindi magiging ganap ang karanasan naming kung hindi dahil sa mga nakasama naming kaibigan sa pulag. The e in e-team, imbes na excited ay naging engagement. Hahaha engagement team!





Once in a lifetime talaga ito. yung proposal, yung nagpropose, yung mga kaibigan, yung feelings, Hinding hindi dapat pinakakawalan.





Summing up on all the events that transpired in Mt. Pulag, what insight can you get/share from the experience?



Parang nasagot ko na ito.



Lalo na sa last sentence ko hahahaha



• What’s next for both of you?



Marami kaming naiisip na projects, para sa career namin. Like ebooks under balangay. Nag-iisip din kami ng mga writing project namin. At saka yung collaboration namin tulad ng sa it’s a mens world. Gusto rin sana naming magproduce ng play tungkol sa intellectual property. This time for kids. Mga ganyan. At saka videos about copyright. Wala kasi niyan sa pilipinas.



Tungkol naman sa relasyon namin, gorang gora na. we are getting married this year! we are planning to have a baby asap. tumatanda na ang matris ko. matris lang, oy. sana magkakotse kami bago ako manganak dahil mahirap mag commute kapag may bata na. regarding sa bahay, baka dito pa rin kami sa kamias manirahan. pero eventually, gusto naming magkaroon ng bahay. Ako gusto ko sana sa probinsiya. ewan ko kay poy kung saan niya gusto. parang ok din sa kanya ang salitang probinsiya wala siyang violent reaction kapag nababanggit ko ito.



ngayon, para sa December, nag-iisip pa kami kung saan kukunin ang panggastos sa kasal. Pero darating naman yan, we believe. Kapag ginagawa mo ang gusto mo, lalapit na lang ang pera sayo.



Book ang wedding ng theme. Wala pang naiisip na colors as motif. Pero may naiisip na kaming activities sa mismong reception, like may storytelling, poetry reading, lira na ang bahala riyan, may book fair, pagtitindahin namin ang mga kaibigang nagtitinda ng aklat, si maru ang una rito siyempre, nakabantay siya sa booth niya habang tayo ay nagdiriwang hahaha



Kinausap ko na ang museo pambata, they will provide a mobile library at yun ang magiging bridal car. Ang dream church namin ay ang san agustin. Sana makapagreserve na kami para blocked off na ang petsa sa kanila.



Definitely, nasa avp namin ang pulag proposal. Its too precious para hindi ibahagi. At sa totoo lang, gusto kong ipakita iyon at gusto kong ipagkalat ang tungkol sa wedding namin. I want everyone to know fairy tales do come true kahit pa it’s the time of jejemons and pekemons. At hindi lang basta-bastang nagkakatotoo ang mga fairy tale na ‘yan, nangyayari pa ito sa mataas na lugar, pinakatugatog, angat sa lahat, maging sa kalmadong karagatan ng mga ulap.

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 29, 2013 22:19

May 24, 2013

madugo





hindi naman pala totoong april is the cruelest month!



May pala!



na-reject ang isa kong request na sobrang importante sa takbo ng masters ko. therefore, baka di na ako maka graduate anytime soon.



nawawala ang isa kong translation work na napakatagal kong ni-labor.



buti na lang at napakaraming kaibigan na nagmamalasakit. sino ako para magreklamo?



o, May, hindi ka pa tapos?



BRING IT ON!







Copyright ng larawan: Bebang Siy.

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 24, 2013 04:53

May 18, 2013

Cashiers ng SM

Kagabi, nag-decide akong mag-aral sa Centris. Kasi aircon at maliwanag doon. Naghanap ako ng lugar kung saan puwedeng tumambay nang hindi makukuwelyuhan habang ine-escort palabas ng establishment, at natagpuan ko ang ilang mesa at upuan sa labas ng hypermarket, malapit sa mga kainan tulad ng pao tsin at zagu.



ilang oras din akong nagbasa mula sa isa sa mga upuan na yun. pag napapagod ako, nag-aangat ako ng tingin at nagpi people watching. itong mga kahera ng sm ang isa sa mga naobserbahan ko nang maigi.



1. lahat sila, pearl ang hikaw.



2. lahat sila, naka-make up at kelangan medyo heavy ang make up sa mata at pisngi.



3. lahat sila, nakapusod ang buhok, naka hairnet at walang bangs.



4. lahat sila nakatayo, nagpa punch man sila ng items o hindi. may customer man o wala, nakatayo sila. walang upuan sa kani kanilang station.



5. kapag walang bagger, sila ang nagsisilbing bagger.



6. lahat sila, naka-stockings.



7. pare-pareho din ang design ng kanilang sandals.







ang titiyaga ng mga babaeng ito. kahirap-hirap ng trabaho nila, sige pa rin. 8 hours na ganun, tuloy-tuloy. paano pa kaya kung peak season? wala pa diyan yung usapin ng pag-check and balance ng mga na-punch nila at ng pumasok na pera. di pa kasali diyan yung pagbibigay ng tamang sukli at ang pagre-review ng bills na tinatanggap nila (baka mapasukan sila ng peke).



ganito kahirap ang trabaho pero after 6 months, tapos na ang kanilang kontrata.



lilipat naman sila sa ibang store para magkahera uli.



isa sa requirements para makapasok bilang cashier ay ang sapat na edad. usually 18-25 years old lang ang puwede. ang tanong, bakit me age limit ang pagkakahera? naiisip kaya ng employers tulad ng sm kung saan na pupulutin ang mga kahera nila paglampas ng edad 25 ng mga ito? after 25 years old, ano na kaya ang magiging career nila? at hindi biro ang dami ng mga babaeng ito, ha? aabutin din ito ng libo!



isa pang pumasok sa isip ko ay ang uniform. libre ba ang uniform? imposible. kung hindi ito libre, kaninong negosyo ang pagtahi at pagbenta ng uniform ng mga sm cashier? baka sa sm din? baka kumikita pa rin sila ultimo sa maliliit na bagay tulad nito.



anyway, ang akin lang, dapat isiping maigi ng gobyerno ang pagpoprotekta sa mga manggagawa na posibleng maetsa puwera dahil lamang sa kanilang edad. dapat gumawa ng paraan na mabigyan pa rin ng kabuhayan ang mga ito. in the first place, sila ang nag-allow ng contractualization o yung 6 months-6 months lamang na kontrata, dapat naisip din nila ang mga ito bago nila ipinasa ang batas na pumapayag sa ganitong uri ng palakad sa kompanya.



sana rin, magkaroon sila ng mga research patungkol sa mga skills na natutuhan ng mga cashier para malaman nila kung ano-ano nga ba ang mga trabahong puwede pang tanggapin o pasukin ng mga babaeng ito after the sm experience.













 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 18, 2013 01:00

May 17, 2013

mantakin mong sa clinic pala ito puwedeng ma-avail?





gusto mo?







Copyright ng photo: Bebang Siy.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 17, 2013 21:54

Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.