Bebang Siy's Blog, page 54

September 11, 2013

Mula kay Miss Earth (worm) 2013 Antz Cabrera

pinost ito ni Antz sa kanyang FB wall.



Sept. 7



Ang mundo ay isang malaking battlefield. Rebyu ng It's a MENS WORLD



Noong isang taon ay nagkaroon ako ng pagkakataong makilala si Beverly Siy na mas kilala sa pangalang Bebang Siy.Mabait si Bebang.Bakas sa kanyang mga mata ang pagnanais na makatulong sa kapwa sa abot ng kanyang makakaya.Siguro , isa sa mga dahilan kung bakit kami magkasundo ay dahil gaya niya, isa rin akong panganay.Nakaktuwang isiipin na kahit maganda si Bebang ay mapagpakumbaba siya.There was never a dull moment with her.Magaling siyang manunnulat.Effortless ang mga banat nya.



Nitong nakaraang Biyernes, ginalugad ko ang Glorietta para hanapin ang kanyang libro na pinamagatang : It's a MENS world.Tama ang basa niyo.Walang kudlit pagkatapos ng N sa MENS.Sa tulong ng aking butihing officemate na si Aileen ayn nahanap ko ang aklat na iyon sa Powerbooks at sa sobrang excited ko ay binasa ko kaagad at natapos ko naman ito.



Ang akdang ito ni Bebang ay page turner.Sa bawat paglipat ko ng pahina ay marami akong natututunan.Si Bebang ay isang rebelasyon sa akdang ito.I love the imagery.Talagang madadama ko kung paano niya isalarawan ang mga karanasana niya sa buhay.She didn't belong to a perfect family but the most important thing ay marami siyang natutunan sa kanyang buhay.Ang pagkakaroon ng regla o mens ay isang turning point sa buhay ng isang babae.Ito ang panahon na kung saan namumukadkad ang isnag bagiong yugto sa kanilang buhay.Gaya ng ibang babae ay naranasan din ni Bebang ang magkaroon nito.Maraming mga pagsubok na pinagdaanan si benang.Hindi naging madali ang buhay para sa kanya.Ngunit sa kabila ng lahat ay na enjioy naan niya an mga bagay na ginagawa ng isang babtang babae.Nakikipaglaro siya ng habulan sa eskinita.Nakikipagbiruan sa mga kalaro at kung minsan ay pasaway din siyang bata.Magaling ang pagkakalarawan niya sa mga pangyayari ng kanyang buhay.May malungkot at siyempre meron din namang masaya.Madaling maka relate sa napakasimple at payak niyang deskripsyon ng kanyang buhay at kung paano hinubog ng panahon at pagkakataon ang kanyang pagkatao.Ang It's a MENS WORLD ay isang patunay na nag mundo ay puno ng mga madudugong tagpo sa ating buhay.Madugo in such a way na minsan mahirap espilengin pero kailangan pa din nating magpatuloy sa buhay at lumaban sa mga suliraning darating.Napatawa, napaiyak, napabungisngis at namangha ako sa detlayadong pagkaka salarawan niya ng mga karanasana niya sa buhay, ng panahong una siyang umibig,nagkamuwang sa mundo at nauunawaan ang mga bagay na wala siayng kaalam alam simula ng siya ay isang musmos pa lamang.





Bebang, more than a fan, gusto kong malaman mo na idol kita dahil totoo ka sa sarili mo at sa kapwa mo.Tuwang tuwa ako dahil sa kabila ng lahat ng mga pagsubok sa buhay ay hindi mo nagawang sumuko.Ang saya saya ko para sa yo dahil finally, nakilala mo na ang lalaking nagpaalala sa iyo kung paano masarap ang ma- in love.



Sabi nga ni Ramon Bautista, "Life is fun, you just need to find out how."





Sana ang mga facebook friends ko na makakabasa nito ay bumili ng iyong aklat dahil marami silang matututunan mula rito.Gaanuman kalupit ang mundo, basta habang ito ay umiikot, kailangan magpatuloy ang mga pangarap at patuloy nating sulatin ang mga bagay na hindi dapat malimutan.







P.S. Proud ako sa iyo kasi hindi mo nakuhang bumitaw sa iyong mga pangarap and I look forward sa iba mo pang mga akda.Thanks for being like an "ate " to me and more than that.Mwaaaaaah.Mahal kita and I'm always a fan.



Sept. 8



Now is the perfect time to read a book.Maulan kasi.Please do grab a copy of It's a MENS WORLD ni Beverly Wico Siy sa mga leading bookstores nationwide.Yup.Tama po ang title. walang 's sa MENS.Kung bakit ganito, alam niyo na siguro by now.Kung hindi pa, I highly recommend you read this book.Kung merong Bob Ong, meron ding Bebang. Thanks sa autograph!



SEpt. 9



Ang aklatan ay isa sa mga lugar na nais kong puntahan para magmuni muni.Isang paraiso ang makarating sa isang lugar na punung puno ng mga aklat.National bookstore, fully booked, Power books at marami pang iba.Pag nandoon ako, tumitiigl ang mundo ko.Nakakalimutan ko ang mga problema ko sa buhay.Napupunta ako sa isang dimensyon na abot ko ang lahat, libre ang mangarap at mag reflect sa masayang mga alaala ng mga nagdaang mga taon.Nasasariwa ko ang aking love affair sa mga likha ng mga awtor na sobrang nagbigay ng inspirasyon sa akin. Sandaang Damit ni Fanny Garcia, Gawin mong Tuntungan ni Bella Angeles Abangan at May Buhay sa Labasan ni Pedro Dandan just to name a few.Sabi ng nanay ko, pag magpupunta ako sa isang bookstore si Ate Amie Beltran na lang daw ang aking isama.Maraming Salamat NBDB sa Aklatan Fair this 2013 at salamat din kay Mar Shi sa photos. Ako rin ay lubusang nagagalak at napa autograph ko na ang It's a MENS world ni Beverly Wico Siy aka "Bebang".Happiness OVERLOAD.



Sept. 10



Sana ang mga facebook friends ko na makakabasa nito ay bumili ng iyong aklat (It's a MENS WORLD by Bebang Siy) dahil marami silang matututunan mula rito.Gaanuman kalupit ang mundo, basta habang ito ay umiikot, kailangan magpatuloy ang mga pangarap at patuloy nating sulatin ang mga bagay na hindi dapat malimutan.



11

Thank you very much, Antz -Mark Anthony Cabrera! Isa kang diyosa talaga. I swear!!!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 11, 2013 10:13

September 10, 2013

Mula kay Cyd Reyes

Isang umagang ngiti ang tumatatak sa aking mga labi. Hanggang sa aking maalala kung paanong nakasalubong at nabigyan ako ng pagkakataon na makilala ang isa sa magaling na manunulat ng akdang Pinoy, Beverly Wico Siy . Dahil sa kakaiba mong talino at galing sa pagsulat, muling nabuhay ang sarili ko sa mundo ng pagsulat. :> Salamat, Bebang.



Salamat po, Cyd! masaya akong makilala ka. in fairness, mahirap makakilala ng isang kaibigang katulad mo, talagang todo suporta ka kay Khia! grabe! mabuhey!

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 10, 2013 10:23

September 9, 2013

D Class Prophecy

Isinulat ko ito noong ako ay 16 years old at graduating student ng PCU Integrated Science High School Manila. Medyo jejemon na pala ako noon pa hahaha



Read on!



Ang Unang Bahagi...



Dear Lola,



hi! what's up, ketchup? sana ayos ka lang kung saan ka man naroroon. sa susunod wag na kayong maglalayas, ha? tinangay ninyo pa pati yung panty ni kuya bogart. kami? ako, ayos lang! si lolo, miss na miss ka na. 'nga pala, sabi niya sorry daw k'se yung tape mong metallica nasagasaan habang nagro-roller blades sha. papalitan na lang daw nya ng tape ng panteyra. change topic. alam mo, 'la, kahapon nagkaroon ng reunion ang daffodil '95 at callalily '96 sa pcu! nung umaga bago 'ko nagpunta, nabasa ko sa jaryo si charity, d 1st woman na nakapagpatayo ng bahay sa pluto. shocking 'no! tapos nabasa ko rin na lumipad na pala papuntang bermuda triangle si noemi 4 d ms universe title, sakay sha ng plane ni kerwin na isa nang businessman at ang pilot si aldrin. heavy 'no! etong mas mabigat, sa wakas, after 10 years si sergio, nakalaya na. ingat ka 'la, manyak pa rin yon sigurado. remember nakulong sha non bcoz minanyak nya yung ka2long nilang si manang menin. ang lawyer nya pa nga eh si kate na isa ring vocalist ng bandang "MADONNA." tsk... kinuha ni lolo yung jaryo kaya binuksan ko na lang yung tv. wow! newscaster na pala si jenny. sabi nya si red daw na2lo ng gold sa karate sa vietnam. tapos biglang nag commercial. teka.... si sang2 yun ah! aba! model pala sha ng so-en. ang itim pala ng pusod non, in short, malibag (hihihi) kaya ikaw, lola, lagi mong lilinisin ang pusod mo para hindi nakakahiya pag nag-hanging shirt ka ha!



Ang Pagpapatuloy...



tapos paglipat ko sa channel 471, si katz naman ang newscaster. sabi niya: postponed daw ang hearing ng kaso ni barry k'se me konsherto daw si atty. siaron sa club dredd. oo nga pala,lola, si barry yung pumatay sa masungit na librarian ng pcu noon. tapos ay magkasunod na pinalabas ang trailers ng movie ni lady lee na "tambok" at ni camille liit entitled "maga." nilipat ni lo2 sa beergada shete at nasilayan ko ang jessica sojo ng pcu na si michelle. nireport naman niya na postponed na2man ang hearing 4 d still mysterious vizconde massacre case dahil binyag ng 2nd apo ni jessica alfaro. one of d ninangs si d "crying lady" engr. petalver (o, di ba bongga) tapos nag-ya2 si lo2 sa euphoria eh kaso nga me reunion. hinatid ko na lang sha tapos derecho na ako sa school. pagdating ko do'n, nanibago ako. pati pangalan kasi - iba na. "pcu-super-duper great school. meron na shang 15 carpeted floors at sa roof top ay ang gym na na-ba2-kuran ng barbed wire para daw hindi magamit ng estudyante. ang nagdesign no'n ay si architect homo-jimenez. binarat pa nga daw sha ni ma'm solis (d new directress!).



oo nga pala, lola, sa cr ginanap yung reunion para raw walang away sa kung saang room magse-celebrate. unisex naman yung cr doon eh. chaka napakalaki k'se nagkasha kaming lahat tapos me olympic sized swimming pool pa sa loob. (hindi inidoro yun ha?) pagpasok ko nga eh nakita ko agad si ammie na isa nang dentist at ang husband niyang si leohmar na owner ng funchum na nagtatampisaw sa pool. lola, alam mo kahawig mo si ammie pag naka-swim suit (hehehe). nakita ko rin si jane na isa nang cpa, si oscar na pumalit kay mr. gamboa, at si consorcia na president ng fans club ni joey. nag-aaway sila dahil sa isang hello chocolate (yes! yun ang handa namin!) si joey nga pala ay may bagong movie. "bitesize" ang title. kasama nya ang wife nyang si chem. engr. mapagu and their baby - joeyyoj (di kaya alien 'to?) kachikahan naman ni joy si dots na isang teacher sa u.p.(sha ang nagdonate ng handa).



Ang Wakas...



si dr. ricaforte naman ay kausap si rafael na kinuha ng NBA para sa

chicago red bulls team dahil sa height nyang 7 feet 11 and 3/4 inches (siguro nagpa2-2-ro si ruth kung paano tumangkad) katabi naman ni raf ang ibang TB ('kala ko nga sa2yaw dahil pare2-ho ang shirt nila: me muka ni balingit sa harap). si josepn na isa nang businessman (sha ang me ari ng mga kalesa sa ongpin), si engr. borre na commercial model rin ng ZEBO DE MACHO, si resty na isa nang basketball team owner: d ponkan team, si albert na isa nang artist. dnala nya yung masterpiece nyang "penelope", ang unang painting sa mundo na wallet size ang laki, at shempre si architecture espaldon, ang nagdesign sa bahay ni ela at cocoy na parehong physical therapist. nakita ko yung mag-asawa sa tabi ng pool. hinuhugasan ang pwet ng baby nilang si colannie. pagtingin ko sa isang sulok, 'kala ko me bisita kaming kambal. nakatalikod kasi sila cruzette at leah tapos yung buhok nila pareho pang kulot at hanggang sakong. inimbitahan nga ako sa opening ng clinic nila sa megamall: MATH CLINIC. ang magbe-bless ay si cardinal arvin. nagkakantahan naman ang mga karaoke gurls namely: dr. mangalindan (directress ng BANGON rehabilitation center), katz at si lotz na isang businesswoman (ang pangalan ng business nya ay "ANG MANI NI LOTI") me branch sa quiapo, tondo, divisoria, baclaran & soon to open in ongpin k'se dun dating nakatira ang asawa niyang businessman na intsik na si quiroga.



sayang nga at wala si jorele na isa nang bisayang pastora. wala rin si jem dahil nagpopromote ng latest single nya na "SUKLAYIN MO, BABE." si dr. de vera naman ay nasa center stage at ka-duet si regine. sa isang sulok ay nagche-chess sila anthony, engr. pulmano (part time cosmetologist, also taxi driver), si adin at si computer engr. eduarte. gwapong-gwaqpo (gwark!) namang dumating si emeng na isa nang commercial model ng CLOSE-UP, sa radyo nga lang ni-la2-bas. lagi ngang pine-play yun ng wife nyang si aprille na part time radio announcer din. ang na-ka2-gulat eh may baby sila eh di ba baog si emeng? (siguro nagsayaw sila sa ubando) ang name ay Eymril (ngo2 talaga ang ama 'no!) nagsi-swimming naman si dr. demet na isang veterinarian at me ari ng LUIJI de ARYET-2-come dog shop sa cotobato, si nestor na isa nang computer scientific (imagine yung 2 naka maong na trunks! wow! macho!) at si sang2 na napakasexy dahil naka-2 piece (kita ang maladuhat nyang pusod!).duguan namang dumating si mckee na member ng SWAT team. wak2 ang chan at nakalabas na ang esophagus (ala capt. john smith) pero mukang malakas pa rin k'se balita ko nakakapaghabulan pa sha ke pocahontas at nakipag-inuman pa ke evelyn. tsk...tsk...tsk... magkasama namang gumugulong na pumasok sila lizbeth na dentist from u.p. (part time cheer leader ng ponkan team!), si engr. guy (ang massacre queen)(bakit kaya?)at si dr. vicente.



cool na cool namang pumasok si dr. "elly belly" daisog (naka-chuck taylor pa ang tanda2 na!) at si sarelyn. nagsusubuan naman ng (ano?) HELLO sila jeremy na commercial model ng TAWAS breath freshener sa radyo at si leah banzuela na isang businesswoman (something in common?). nakita ko namang nagpapadamihan ng push-ups sila casquite at analyn (!?!) na parehong nasa rp volleyball team (sey mo, lola?) tapos nakita namin sa telescope (courtesy of evelyn) na me airplane na naglanding sa roof top at iniluwa ang trusted friend kong si eris. naka-gown sha, made of gold (mabigat yata yon ah!) at me dalang 100 black forest cake. sha nga pala ang owner ng marikintosh computer company. tapos ba naman nag-umpisa ng food fight si kerwin! ba-2-han ng icing. nakita ko nga si borre lumilipad. napagkamalan sigurong chocolate. grabe talaga! ang saya2 kahit na kinagat kami ng mga red ants na kasing laki ni oscar. pero marami rin ang absent sa reunion. si jerry na lt. col. ng pr at ang mandirigmang si michael ay nasa france para sa nuclear war. wala rin si chrisalisse (ang nag-iisang birhen sa calla!) dahil nasa agoo pa at lumuluha ng dugo don. wala rin si hermis dahil me shooting sa hollywood for his latest movie "SPEED part XLIV".





11:59 semi-midnight na ako nakauwi. hinatid pa nga ako ng kalesa ni

joseph. si lo2 ang kapal, biruin mo nagpahatid pa sa shota nyang mananayaw, si pepay (ka-age ni eymril!)



hay! buti pa sila puro successful na. ako? eto, successful security

guard sa HORFILLA's department store. may isusumbong ako sa 'yo, si kuya bogart suctomer ni sergio! suot nya pa nga yung black micro-mini skirt mo nung nagdate sila sa paco park. pagalitan mo ha! mang-aagaw eh! ahas!

grrr...



o sige na na-bye na! PAALAM (nax!)



love,

bebang

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 09, 2013 21:42

Mula kay Gazelle Marcaida

Ito ay ipinost ni Gazelle sa kanyang FB wall.



Kinilig ako siyempre!!!





>>>>Inaabangan ko siyang bumaba ng stage. Ang kulit niyang host. Ngayon ko lang siyang nakitang naghost sa isang event. Ngayon lang din talaga ako nakaattend ng event na nandun siya. Di na ata mabilang ang pang-indian ko sa mga invites niya, buti ngayon, finally!



Malinaw pa sakin, two years ago, sa labas ng pinto ng office namin, natanggap ko ang libro niya (na hindi ko alam kung nakanino na ngayon kaya bumili ako ng sarili ko)... Hindi ko pa siya kilala, until mabasa ko ang It's a mens world.



Nilagpasan niya ako, nagets ko na. Hindi niya ako naaalala. Inabot ko ang libro para pirmahan niya.



"Hi, parang nagkita na tayo!"



Ngumiti ako at sa isip ko, "yes! Naalala na niya".



Sabay sabing, anong name mo? (Para ilalagay sa book).



"Gazelle po". (naku, hindi pala ata)



"Anong spelling?"



Sinulat ko sa isang papel ang spelling.



Kitang kita ang singkit na mata niyang biglang nanlaki matapos mabasa ang pangalan ko. yes, narealize niya na sa wakas!



"Gazelle! Kamusta na? Buti nakapunta ka! Sorry, hindi kita namukhaan agad!"



Nagkwentuhan habang sinusulatan niya yung libro. Hindi na ako masyadong nagsalita at hinintay siyang matapos. Sa mga nabasa ko kasi tungkol sa kanya, siguradong mapapatagal ang pagsulat niya kapag kwinentuhan ko pa, baka magalit na sa akin yung mga nakapila.



Finally din, nakapagpapicture ako with the BOOK LOVING BRIDE. siya ang pinakamagandang bride sa event (siya lang kasi ang bride doon ^^).



Sa lahat ng napapirmahan ko sa event na yun, siya yung may pinakapersonalize ang sulat. para kasing matik na yung isusulat ng iba, siya talaga iniisip niya pa. hindi ko alam kung dahil magkakilala kami, pero hindi e, basta



hay, sobrang saya ng event, kahit hapon nako dumating dahil slightly takas ang ginawa ko.



sayang, hindi ko ata naabutan si sir ronald, edi may picture sana ako sa BOOK LOVING COUPLE.



haay. isang hinga mula sa nagkakandarapang stress ng buhay na kala mo wala ng bukas.



ngayon, lalong nabubuhay yung mga pangarap ko, na sana nga dumating ang panahon na magkatotoo.



Salamat, Gazelle! Sobra! Dahil alam kong buwis-bu... er buwis-hanapbuhay ang ginawa mo. hihihi! till we see each other ageyn!-beb
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 09, 2013 20:55

September 7, 2013

Mula kay Popoy Cordero

Mahal kong Bebang,



Isang malaking karangalan para sa isang mambabasa ang makadaupang palad ang may akda ng librong kanyang pinagkakaubusan ng oras, ang utak sa likod ng mga salitang maingat na binusisi para maging isang akda, ang tao na maingat na binalikan ang mga pangyayaring naging paraan upang mailahad ang kanyang boses sa lipunan.



Maraming maraming salamat po sa pagkakataong makachikahan kayo at malaman ang inyong saloobin hinggil sa iba't ibang aspeto ng pagsulat, panitikan, at sa inyong akdang "It's a Mens World". Marami po akong natutunan at sana po ay maulit ang ganitong pagkakataon.



Nagmamahal,

Popoy Cordero



P.S.

Ang ganda nyo po sa personal at ang kulit kulit. ^^







Hello, Popoy! Thank you rin! Ang saya nyo kaya kakuwentuhan hahaha! Sana ay magkita pa tayo uli soon. ingat kayo lagi nina Cyd at Khia!!!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 07, 2013 10:26

August 30, 2013

Mula kay Bernard Umali

Kapag ang binabasa mo ay totoong kwento, totoong karanasan at nakaraan ng isang mabuting kaibigan; ayaw mong tumigil ang sandali. Habang binabasa mo ang libro, pakiramdam mo ay andyan sya sa harap mo, nakikipagtawanan, kinikilig, nasasaktan, umiiyak at nangangarap. Live nyang kinukwento ang kanyang buhay.



Nakikilala mo sya ng lubusan at nagpapasalamat ka sa Diyos dahil nagkrus ang inyong landas at alam mong marami ka pang librong mababasa at magagawa nya!



-Blue, salamat! Sobra!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on August 30, 2013 18:44

August 23, 2013

Karir



Para sa kolum na Kapikulpi ni Beverly W. Siy sa pahayagang Perlas ng Balita Cavite



Kung gusto natin ng pagbabago, huwag tayong matutulog. Huwag tayong lilimot. Huwag tayong susuko. Huwag tayong lilinga. Huwag tayong magpapatinag.



Kaya naman paulit-ulit ang katiwalian at maling pamamaraan ng mga nasa puwesto, patulog-tulog kasi tayo, ang sambayanang Filipino. Madali tayong maaliw. Madali tayong malingat. Mamya nakatutok sa usapin, mamya naman, hayun na at iba na ang binubusisi. Iba na ang binibigyan ng opinyon. Iba na ang tinititigan.



Konsistensi lang po, kabayan. Iyan sa palagay ko ang kailangan natin. Karirin natin ang pagtutok sa mga anomaly at katiwalian. Di biro ang dugo’t pawis na itinataya ng mga whistleblower para lang maibunyag ang kalokohan na alam nila. Huwag nating hayaang masayang ang mga ito.



Paano, mag-asawa lang si Celebrity number 88, wah, distracted na naman tayo. Kapag inilunsad ang pinakabagong inuming alkohol, distracted na naman tayo.

Sa bawat paglingat natin, kupit nang kupit ang mga nakaabang na politiko! Bago pa natin mamalayan ang kanilang ginagawa, ay, ang lalim na ng uka at anlaki na ng butas ang naidulot nila kakakupit sa kaban ng bayan.



We have something to learn from our nanays.



Di ba, lagi nila tayong nahuhuli kapag nangungupit tayo? Kasi kinakarir nila ang pagmamatyag sa atin. Binabantayan nila tayo nang mahigpit. Sinusundan ang bawat kilos natin. At higit sa lahat, kilalang-kilala nila tayo kaya kaunting pagbabago lang sa gawi natin, alam nila, something is fishy na. Tapos uuriratin na tayo at hindi tatantanan hanggang sa tayo ay umamin sa nagawang kasalanan.



Sana ganyan din tayo sa ating mga politiko. Bantayan natin silang maigi. Kilalanin natin silang maigi. Mahirap ba si Congressman? Mayaman? Middle class? Ba’t may limampung mansiyon? Saan galing iyan? Imbestiga-imbestiga rin pag may time. Dati, hindi naman relihiyoso, bigla at ngayon e oras-oras kung magpamisa? Aba, i-check na ang kalusugan niyan at baka napipinto na ang kamatayan! Maigi nang handa para nariyan agad ang kapalit niya sa serbisyo-publiko. Dalaga ba iyan? Good. Pero kumusta ba ang mapapangasawa? Ha? Nababalitang illegal logger sa Mindanao? Aba’y baka magtandem ang dalawa sa terminong ito at makalbo ang mga gubat sa Mindanao!



Kung kakaririn natin ang pagbabantay sa mga politikong ito, mas mahihirapan nang mangulimbat ang mga nangungulimbat. Therefore, mas malaking pera ang maiiwan sa kaban ng bayan. At mapipilitan din ang mga politikong ito na magtrabaho nang totoo. Ano pa ba ang gagawin nila sa puwesto nila kung nakatutok sa kanila ang mata ng bayan? Kapag di sila nagtrabaho, aba’y palayasin na ‘yan, palitan na ‘yan. Ano’t uupo-upo siya doon? Nagpapalaki ng tumbong?

Friend, huwag na tayong umasa sa iba. Sa atin na lamang mga sarili. Karirin natin ito at tiyak akong gaganda ang sitwasyon ng karaniwang Filipino.



Kung may tanong, mungkahi o komento, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on August 23, 2013 01:13

August 22, 2013

ermita catholic school

last tuesday, nagpasundo ako kay poy sa letran at dumiretso kami sa office ng ermita catholic church. kukuha na ako ng kopya ng aking certificate of confirmation.



3:00 pm kami dumating doon at isang babae lang ang naabutan namin sa opisina. pina-fill out niya ako ng maliit na form. agad ko itong ginawa at pagkatapos ay ibinigay na sa kanya ang form. sabi niya, saglit daw dahil lumabas ang in charge.



niyaya ko si poy sa loob ng ermita catholic church. ang ganda pala talaga nito. kahit noon pa, parang heaven ang tingin ko sa kisame nito. maputi ang kisame at sobrang taas, parang makakahinga ka talaga nang bongga. andaming sculpture ng anghel na puro ulo lang. walang masyadong clutter ang altar kasi si nuestra senora de guia lang ang nasa sentro nito.



me mga salitang pax et bonum sa may arko sa altar, mula nang magsimba ang pamilya ko doon ay paulit-ulit ko nang binabasa ang mga salitang ito pampalipas lang ng boredom. pero hanggang ngayon e hindi ko alam ang kahulugan ng tatlong salitang yan!



tatatlo ang laman ng simbahan. isang lalaki sa likod. isang babae't lalaki sa may bandang gitna (parang di magjowa pero ang taimtim mag-usap, nakakunot ang noo nilang dalawa). pumuwesto kami ni poy sa harap. sabi ko, anlaki pala nito. akala ko noong bata ako, maliit ito. at noong magpabalik-balik ako dito noong malaki na ako'y hindi naman ako nalalakihan dito. siguro e dahil sa tao. pag matao, nagmumukhang maliit ang simbahan?



anyway, nag-picture-picture ako. umupo kami nang saglit pa. nagkanya-kanya kami ng dasal ni poy. lumabas kami nang may dumaan na lalaki sa altar, mukhang staff ng simbahan dahil pagdaan niya sa electric fan ay inayos niya ito nang konti at chineck pa niya ang mga kable.



dumako kami sa rebulto ni mama mary na nasa loob ng isang man made na kuweba. umupo kami sa tapat nito, sa may bandang unahan ng isang garden.



sabi ko sa kanya, uy poy, diyan ako natutong mag-chinese garter at magbending body!

playground ninyo ito noon? tanong-sagot niya. ang tinutukoy niya ay ang panahon na nag-aaral pa ako doon, sa ermita catholic school.

oo! ayan, puro damuhan yan noon! tapos pag nagsawa na kami sa kakalaro, aakyat kami diyan. itinuro ko ang man made na kuweba.

buti di kayo nasisita?

ewan. ayan kinakapitan pa namin ang mukha ni mama mary para makapasok kami sa pinakagilid ng kuweba. tapos alam mo, maglolokohan kami. pagkapasok namin sa pinakasulok ng kuweba, sisigaw kami ng AHAS, AHAS! tapos paunahan kaming magpadausdos pababa. tilian, takbuhan tapos babalik kami diyan sa garden. another round of limbo rock o ten twenty uli.

bat kaya binago nila yan? konti na lang ang damo, o.

ewan.



lumapit ako sa counter ng opis (kung saan ako nag-fill out ng maliit na form). wala pa rin daw ang in charge. hintay-hintay daw kami.



bumalik ako sa may mama mary. nagpiktyuran kami uli tapos niyakag ko si poy na maglakad sa school ground.



nag-umpisa kami sa likod ng opisina ng simbahan. malawak pa rin ito at malinis. pero sa may bandang likuran ay may puting structure na hindi ko nakita noon. may mga lalaki doon na nakatayo, nakaupo at iyong iba ay naglalakad papasok. iyong isa, papunta sa may kinatatayuan namin. e, curious talaga ako. nagtanong na ako.



kuya, ano po iyan?

a, yan? dorm tsaka boarding house para sa mga seaman at OFW.

ha? kanino po yan?

dito sa simbahan.

a! wow ang galing may dorm na. oo nga naman, ang mahal ng mga hotel-hotel dito. kung galing ka sa probinsiya at me kailangan kang asikasuhin dito, saan ka makikituloy?

mura lang diyan. pero kailangan may seamans book ka o kaya passport ng OFW.

wow!



nakakatuwa! pero ang weird ng setting kasi school yun, e. i mean, hindi ba iyon nakakatakot para sa mga bata? andami-daming adult sa school ground nila na hindi naman nila kilala?



hindi ko na iyon tinanong. pero may napansin akong isa pang structure sa tabi ng dorm. kulay orange ang structure.



e yan po kuya, part din yan ng dorm?

a, hindi. bahay yan ng mga pari. pag may mga conference sila dito, puwedeng diyan tumuloy yung mga pari.



parang dorm din pero para naman sa mga pari! ang galing, me ganito na sa dati kong school. nakakatuwa naman! wala niyan noon, e. iniisip ko nga dati kung saan naninirahan si monsignor pedroza. sa likod ng altar? sa school namin? baka!



anyway, nag-thank you na ako kay kuyang generous sumagot. nagpunta naman kami sa may parking lot, na nasa harap ng school. nagpa-picture ako doon. nakita ko rin sa signage na early 1900 pa pala naitatag ang eskuwelahang iyon. aba, historical pala ang aking school!



may dumaan na aleng naka-office uniform. tinanong niya ako kung ano ang kailangan namin. na-curious siguro sa akin, sino ba ang aleng ito na picture nang picture, parang turista! ipinaliwanag ko na dati akong estudyante ng ECS at doon din ako sa church na iyon kinumpilan kaya kumukuha ako ngayon ng kopya ng aking kumpil certificate.



hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa, tinanong ko kung kilala niya ang isa sa dalawang teacher na naaalala ko: si mam marcy p. lomibao.



ay, oo! dito pa rin siya nagtuturo. andiyan nga siya ngayon, e.



wah! si mam! omg, ilang taon na nga ba mula nang huli ko siyang makita? 23 yearS? kilala pa kaya ako noon? kilala pa kaya niya ako? hahaha ano na kaya itsura ni mam? medyo chubby-chubby iyon noon, maikli ang buhok, kulot-kulot ang buhok, me salamin sa mata, maiikli ang braso, malaki ang boses, maliksi!



sinamahan kami ni mam na naka office uniform papunta sa registrar ng school. ipinakilala niya kami sa isa pang office girl doon. si mam pala ay nagwo-work din sa ECS. itinuro niya sa akin ang office niya. ayun. doon sa pinaka sulok ng quadrangle namin. malapit sa library. kahilera nito ang mga classroom namin noon.



di nagtagal, lumabas si mam (the office girl number 2). tinawag na pala niya si mam marcy. ayun na, dumating na ito. omg, omg hahaha salamat na lang sa camera talaga. nagpapicture ako sa sobra kong tuwa!



ganun pa rin si mam, stout, may salamin pa rin at maikli pa rin ang kanyang buhok. boy cut. medyo dumami ang kanyang wrinkles. pero naaaninag ko ang mga ngiti niya sa klase namin. ang paraan ng pagtawag niya sa amin. naalala ko bigla ang mga classroom naming maaliwalas, maluwag at malinis.



hello, how may i help you? sabi niya



mam! si beverly siy po ako! prep hanggang grade 3 po ako noon. medyo magulo po yung family namin noong andito pa kami pero me kapatid po ako na nag-aral din dito. si columbia siy. younger batch po siya. yung nanay ko, maliit na babae, alala nyo, binato ng pizza ng tatay ko diyan sa may garden noong christmas party? diyan po yung bahay namin. sa may kanto, iyong tindahan po ng chinese.



aa... oo! oo! naalala na kita! kumusta ka na? akala ko kung sino!



nagkuwentuhan na kami. andami niyang ibinalita sa akin. wala na raw elementary doon. two years na. wala na raw kasing enrollee. bigla kong naalala pinaglipatan kong elementary school sa malate, yung pcu union elementary school. ito rin ang hinaing ng guidance counselor naming si mam nadal. ang konti konti na ng kanilang enrollees. kaya tumanggap na rin sila ng sped students. at hindi rin daw malayo ang possibility na mag-fold up ang elementary level nila! omg.



bat ganun? yung mga school ko dati, may posibilidad na mawala sa hinaharap!



pagpapatuloy pa ni mam marcy, kakaunti na lang din ang enrollee sa high school. highly commercialized na kasi talaga ang area dito. wala nang bahay-bahay. wala nang community.



oo nga naman. wala na yatang nakatira sa plaza tower, residential area yun kahit paano. yung mga maliliit na bahay sa faura, puro restawran na ngayon. yung mga kaklase ko dati na nakatira sa may gilid ng ECS, sa itaas ng mga tindahan ng painting, wala na rin. nagsilipatan na sila.



alam ko maraming bahay-bahay sa cortada. kaso naman, puro muslim yata sila doon :(



chika pa ni mam, iyon daw isa kong kaklaseng lalaki na malaking bulas, nakabuntis daw ng guidance counselor.



huwat, guidance counselor? pano nangyari yun?



oo nung 12 years old siya, niligawan niya yung guidance counselor namin.



ha? hindi ba child abuse yun? 12 years old lang yung kaklase ko nun, a!



e ganun talaga. anlaki na ng anak nila ngayon. asa states na nga yung kaklase mo.



ay, sayang. ampogi pa naman nun! hahahaha



marami pang ichinika sa akin si mam. katitibag lang daw ng building sa may court. akala mo dati, anlaki ano? ayan lang pala, anliit-liit lang. itinuro niya sa akin ang bakas ng tinibag na "building." ichinika ko rin kay mam ang nangyari sa buhay namin. kinondens ko na at baka abutin kami ng year 2045! bilang pagtatapos, ibinida kong writer na ako at babalikan ko siya doon one of these days para bigyan siya ng kopya ng aking aklat. sa aklat na yon, lalo niyang maaalala ang pamilya ko, panigurado.



bago kami bumalik ni poy sa opis ng simbahan, piniktyuran ko uli si mam. parang di ako makuntento. kung puwede nga lang i-dwarf siya at ilagay sa bulsa ko, malamang ginawa ko na. ewan ko ba. para kasing i never had a childhood. andali ko kayang tumanda nang maghiwalay ang parents ko. kaya siguro nagkukumahog ako na balikan ang lahat ng naaalala kong magaganda noong bata ako. siya, iyong school na yun, yung garden, yung mga kaklase ko, lalo na si joanne at rowena na naging ka-close ko talaga. saka si cecille na anak ng photographer sa may l. guerrero st. asan na kaya siya? curly pa rin kaya ang buhok niya? si mama mary, yung simbahan, yung nagtitinda ng sampagita (na nakita ko pa doon nang araw na iyon! tindero pa rin ng sampagita!) yung mismong mh del pilar st., yung arquiza st., yung mga kanto doon. yung gate ng school.



dati siguro wala lang sa akin to. at baka nga iniiwasan ko pa. awkward years, e. pero ngayong malaki na ako, ito yung mga tao, bagay, lugar na nagpapainit ng puso ko.



pagdating namin sa opis ng simbahan, naroon na ang in charge. kaya lang, may iba siyang ina-assist. mag-aalas kuwatro na noon pero keri lang. masigla kaming bumalik sa upuan, para doon sa mga naghihintay. nagkuwento pa ako nang nagkuwento kay poy.













 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on August 22, 2013 07:27

paper bokey (bouquet! ang hirap naman kasi ispelengin)

dahil ayoko ng fresh flowers sa kasal ko mapipilitan kaming mag paper flowers. at sinubukan kong gumawa ng isa kanina.



heto ang sinundan kong directions:



http://whimsicalworldoflaurabird.blog...



thank you sa iyo, laura bird! nakagawa naman ako ng isa hehehe! puwede na. ang kailangan na lang isipin ay kung paano ito patitigasin at paano patitibayin. pangit naman yung isang tampal lang ng hangin e, ay naku, wengweng na ang mga paper flower. not good, not good.



so yan ang challenge!



naisip ko rin na anuman ang matutuhan ko (kasi napakarami palang uri ng paper flower!) ay ia-apply ko sa paparating na birthday party ng mama ni poy sa oct.



 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on August 22, 2013 04:55

August 21, 2013

teaser ng prenup

e dahil dalagang filipina ako...





1 like ·   •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on August 21, 2013 06:59

Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.