Bebang Siy's Blog, page 35

July 3, 2015

Para Saan Nga Ba ang Package?


ni Bebang Siy para sa Kapikulpi, kolum sa Perlas ng Silangan Balita

Kapapanganak ko lang noong 18 Hunyo 2015. Sa ospital, habang ako ay nasa recovery room, ang asawa kong si Poy ay nasa sarili naming kuwarto doon. Dinalhan daw siya ng nurse ng isang package courtesy of the hospital. Kinabukasan ko na nakita ang package. Natawa ako sa laman nito. Toilet paper na may tatak ng ospital, toothbrush na pang-travel, isang sachet ng Colgate, measuring cup, tsinelas (na gawa yata sa papel, sobrang nipis, e!), shower cup (na gawa rin yata sa papel), kutsara’t tinidor, dalawang maternity pad (iyong parang panyo na inilalatag sa kama) at isang pack ng Modess maternity pad. Masaya si Poy nang matanggap niya ito. Ako naman, nainis. Sabi ko, nagdala tayo ng toilet paper, toothbrush, toothpaste, tsinelas, at maternity pad. Aanhin natin ang karamihan sa mga bagay na nasa package na ito? Dagdag gastusin lang ang mga ‘yan! Kasi siguradong naka-charge iyan sa atin.

Pinatanong ko sa nurse kung puwedeng isoli na lang ang package. Ang sagot nito ay hindi puwede. Lahat ng pasyenteng nanganganak doon ay nakakatanggap daw ng ganong package. In short, required ang lahat ng manganganak doon na kunin ang package. Whether we like it or not. Aray ko, pakiramdam ko noon ay may bubukang tahi any minute. Ang sunod kong tanong, puwede bang isoli na lang namin ang mga bagay sa package na ito na mayroon na kami. Halimbawa nga ay ang tsinelas at toothbrush at toothpaste. Ang sagot nito ay hindi puwede. Kasi package iyon. Hindi puwedeng isa-isang bilhin o isa-isang isoli sa ospital.

Isang napakapangit na practice ngayon ng mga kumpanya ang package-package. Marami itong katawagan. Bundle, Value Meal, Tipid Meal, Tipid Pack, All-in-One, at iba pa. Pinagsasama-sama ng mga kumpanya ang ilang mga bagay pagkatapos ay ibebenta nila ang mga ito sa consumer bilang isang buo. At paniniwalain nila ang consumer na mas makakatipid ito kung isang package na lang ang bibilhin. Pero ang totoo, hindi. Kasi may mga kasama sa package na iyon na hindi naman talaga importante o hindi talaga kailangan ng consumer. Ang totoong nakikinabang sa package-package ay ang kompanya. Dahil may patong siya sa presyo ng BAWAT item sa kanyang imbentong package.

Isang magandang halimbawa nito ay ang mga value meal sa fast food restaurants. Kadalasan, ang isang meal ay binubuo ng hanggang tatlong item. Kanin, ulam at inumin (na kadalasan ay soft drink o iced tea o juice). Ang presyo ng kanin at ulam ay malapit na sa presyo ng value meal na kanin, ulam at inumin. Kaya ang consumer, nag-aakalang mas makakatipid siya kung ang bibilhin niya ay ang value meal na lang. Pero ang totoo, napapagastos pa siya. Kasi magdadagdag pa rin siya ng pera para sa inumin. At ang presyuhan ng inumin sa fastfood restaurants ay iba sa presyuhan ng inumin sa sarisari store. Walang sampung pisong inumin sa fastfood restaurants! At isa pa, hindi naman talaga kailangang bumili ng inumin ang isang consumer. Dagdag sugar lang ito sa katawan! Mabubusog pa rin siya kahit na tubig lang ang kasalo ng kanyang kanin at ulam.

So, tandaan natin, mahal kong mambabasa, na suriing mabuti ang mga package-package na naeengkuwentro natin. Sa una’y masisilaw kang talaga sa “tipid strategies for you” ng kompanya. Sa una’y aalukin ka ng marami (package nga!) para sa isang ispesipikong presyo, pero pag kinuwenta mo na ang lahat, pineperahan ka lang pala gamit ang mga bagay na wala namang kakuwenta-kuwenta.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 03, 2015 12:17

Para Saan Nga ba ang Package?


ni Bebang Siy para sa Kapikulpi, kolum sa Perlas ng Silangan Balita

Kapapanganak ko lang noong 18 Hunyo 2015. Sa ospital, habang ako ay nasa recovery room, ang asawa kong si Poy ay nasa sarili naming kuwarto doon. Dinalhan daw siya ng nurse ng isang package courtesy of the hospital. Kinabukasan ko na nakita ang package. Natawa ako sa laman nito. Toilet paper na may tatak ng ospital, toothbrush na pang-travel, isang sachet ng Colgate, measuring cup, tsinelas (na gawa yata sa papel, sobrang nipis, e!), shower cup (na gawa rin yata sa papel), kutsara’t tinidor, dalawang maternity pad (iyong parang panyo na inilalatag sa kama) at isang pack ng Modess maternity pad. Masaya si Poy nang matanggap niya ito. Ako naman, nainis. Sabi ko, nagdala tayo ng toilet paper, toothbrush, toothpaste, tsinelas, at maternity pad. Aanhin natin ang karamihan sa mga bagay na nasa package na ito? Dagdag gastusin lang ang mga ‘yan! Kasi siguradong naka-charge iyan sa atin.

Pinatanong ko sa nurse kung puwedeng isoli na lang ang package. Ang sagot nito ay hindi puwede. Lahat ng pasyenteng nanganganak doon ay nakakatanggap daw ng ganong package. In short, required ang lahat ng manganganak doon na kunin ang package. Whether we like it or not. Aray ko, pakiramdam ko noon ay may bubukang tahi any minute. Ang sunod kong tanong, puwede bang isoli na lang namin ang mga bagay sa package na ito na mayroon na kami. Halimbawa nga ay ang tsinelas at toothbrush at toothpaste. Ang sagot nito ay hindi puwede. Kasi package iyon. Hindi puwedeng isa-isang bilhin o isa-isang isoli sa ospital.

Isang napakapangit na practice ngayon ng mga kumpanya ang package-package. Marami itong katawagan. Bundle, Value Meal, Tipid Meal, Tipid Pack, All-in-One, at iba pa. Pinagsasama-sama ng mga kumpanya ang ilang mga bagay pagkatapos ay ibebenta nila ang mga ito sa consumer bilang isang buo. At paniniwalain nila ang consumer na mas makakatipid ito kung isang package na lang ang bibilhin. Pero ang totoo, hindi. Kasi may mga kasama sa package na iyon na hindi naman talaga importante o hindi talaga kailangan ng consumer. Ang totoong nakikinabang sa package-package ay ang kompanya. Dahil may patong siya sa presyo ng BAWAT item sa kanyang imbentong package.

Isang magandang halimbawa nito ay ang mga value meal sa fast food restaurants. Kadalasan, ang isang meal ay binubuo ng hanggang tatlong item. Kanin, ulam at inumin (na kadalasan ay soft drink o iced tea o juice). Ang presyo ng kanin at ulam ay malapit na sa presyo ng value meal na kanin, ulam at inumin. Kaya ang consumer, nag-aakalang mas makakatipid siya kung ang bibilhin niya ay ang value meal na lang. Pero ang totoo, napapagastos pa siya. Kasi magdadagdag pa rin siya ng pera para sa inumin. At ang presyuhan ng inumin sa fastfood restaurants ay iba sa presyuhan ng inumin sa sarisari store. Walang sampung pisong inumin sa fastfood restaurants! At isa pa, hindi naman talaga kailangang bumili ng inumin ang isang consumer. Dagdag sugar lang ito sa katawan! Mabubusog pa rin siya kahit na tubig lang ang kasalo ng kanyang kanin at ulam.

So, tandaan natin, mahal kong mambabasa, na suriing mabuti ang mga package-package na naeengkuwentro natin. Sa una’y masisilaw kang talaga sa “tipid strategies for you” ng kompanya. Sa una’y aalukin ka ng marami (package nga!) para sa isang ispesipikong presyo, pero pag kinuwenta mo na ang lahat, pineperahan ka lang pala gamit ang mga bagay na wala namang kakuwenta-kuwenta.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.
1 like ·   •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 03, 2015 12:17

Back to Regular Programming


Ito ang una kong sulatin pagkatapos manganak. Na-inspire akong magsulat ngayon dahil sa binabasa kong libro, Operating Instructions ni Anne Lamott. Journal ito ni Anne tungkol sa unang taon sa mundo ng kanyang baby na si Sam. Si Anne ay isang Amerikanong manunulat, isa rin siyang solo parent. Ilang araw ko nang nababasa ang kanyang libro pero ngayon lang ako na-compel na magsulat. Sumapit kasi ako sa bahaging tungkol sa nobela niyang malapit nang lumabas sa merkado. May lalabas siyang nobela ilang araw pagkatapos manganak.
Wow. Ang sarap ng ganong pakiramdam.

Kaya na-inspire akong magsulat. Ilang araw na akong nakasentro sa baby kong si Dagat. Pagkagising sa umaga, titingnan ko ang langit para i-check kung may araw o wala. Kailangan kasi siyang ibilad sa araw para sa Vitamin D (sunshine!). Kung gising na si Dagat, ihahabilin ko siya kay Poy. Bababa na ako para mag-ayos sa kusina (maghugas ng mga pinagkainan kinagabihan) at maghanda ng pampaligo ng baby. Paaarawan ni Poy si Dagat. Mag-iinit ako ng tubig, magtitimpla ng gatas (sakaling umiyak si Dagat ay may maisasalpak!), maglalatag ako ng rubber mat sa sofa, maglalatag din ng mga damit at gamit na susuotin ni Dagat pagkaligo, tapos magpapaligo, bibihisan si Dagat, makikipagkulitan kay Dagat kasi quiet time niya iyon, magpapadede (either formula or breastfeed), magpapatulog ng baby, kung ayaw matulog ng baby, ibibigay ko siya kay Poy (na katatapos lang maghugas at magsteam ng feeding bottle at tsupon), sila naman ang magkukulitan, mag-uusap at magdidighayan. Ako, usually, maglalaba ng mga damit at gamit ni Dagat. Pag tulog na si Dagat, makakapagluto na si Poy ng tanghalian. Paglingon ko, past 2:00 na pala. Saka kami kakain. Maghuhugas ako ng mga pinagkainan. Tapos, magigising na si Dagat. Kakargahin ko siya, kukuwentuhan ko siya ng kung ano-ano. Kakantahan ko siya ng mga broken nursery rhymes sa Filipino. Broken kasi hindi ko na maalala ang lyrics, juskolord! For example:
Sampung mga daliri,
Kamay at paa,
Dalawang tenga,
Dalawang mata,
Ilong na maganda,
Maliliit na ngipin,
Masarap ikain!

Hindi ko na alam ang kasunod!

Tapos uumpisahan ko ang iba pang nursery rhyme tulad nito:
Maliliit na gagamba
Umakyat sa sanga

Hindi ko na rin alam ang kasunod!

Nakakalungkot, alam ko. Pagkatapos kong i-post ito, malamang maggo-Google ako, haha. Si Poy kasi, ilang araw nang nagpapatugtog ng mga nursery rhyme mula sa US at UK sa Youtube. Ang galing nga! Animated at ang iba, may subtitle pa. Sabi ko, meron bang ganyan para sa Filipino nursery rhymes? Parang wala, ano? Kako, gawa tayo. Patugtugin natin si Mae! Ang ganda siguro niyon. At sigurado akong hindi lang ako ang naghahanap ng materyales na ganito para sa kani-kanilang baby.

Pagkatapos ng kuwentuhan at kantahan, itse-check ko ang diaper niya. Kung okey pa, hindi ko pa siya papalitan. Kung mabigat na sa wiwi at ebs, palit na. Bulak na basa sa tubig ang ginagamit naming pamunas ng singit-singit at puwit. Pupulbusan siya at susuotan ng bagong diaper at shorts. Tapos padededehin siya uli at patutulugin. Paglingon ko, six na ng gabi. Pagbabantayin ko ng baby si Poy habang nagsasaing siya at nag-iisip ng lulutuin para sa hapunan. Ako? Maliligo! Aba, siyempre, kailangan namang asikasuhin ang sariling hygiene, hehe. Kuskos to death ako kasi madalas, naiihian ako ni Dagat.

Pagkatapos, magbe-breast pump ako habang nakikipagkuwentuhan kay Poy (na nagluluto). Sa dining table ko ito ginagawa. Ipinapatong ko ang makina sa mesa, tapos nakaupo ako sa harap nito at magpapagatas gamit ang dalawa nitong pump. Asar na asar ako pag ginagawa ko ito. (Twice ko pa lang ginagawa, awa ng Diyos.) Pakiramdam ko kasi, hindi ako tao. Ansabe ng gatasan sa New Zealand?

After 20 minutes, magwawalis at mag-aayos ako nang kaunti sa munti naming sala at sa munti kong workstation. Tapos, kakain na, iiwan na namin ang pinagkainan sa lababo. Bantay na uli ako kay Dagat. Makakapagbasa-basa na ako nang kaunti kung tulog pa siya. Kung gising na, kuwentuhan at kantahan na naman, hele-hele, padede. Maghahanda na kami para umakyat sa itaas, sa kuwarto namin ni Poy. Ihahabilin ko muna siya kay Poy or EJ (na usually ay nakauwi na galing sa eskuwela). Maglalabas ako ng long sleeves, pajama, diaper at bonnet ni Dagat. Maghahanda rin ako ng extrang dede, bulak (panlinis ng singit at puwit sakaling kailangang palitan ang kanyang diaper sa madaling araw), tubig sa maliit na lalagyan, pulbo at kung ano-ano pa. Paglingon ko, surprise, mag-aalas-diyes na!

Ilang araw nang ganyan ang araw ko, naming mag-asawa. Nagbabago lang ang routine na iyan kapag may dumadalaw sa amin. Pero ganon din, baby pa rin ang sentro ng mga pagbabago sa routine. Wala talaga akong kawala.

Isang libro pala, na nakasentro din sa sanggol (ang sanggol na anak ng awtor), ang tuluyang makakapagpabago ng aking routine. Naisauli nito sa isang sulok ng aking utak ang will to write. To write anything. Today. As in right now.

Kaya heto ako, baby ang nasa sentro, pero pilit na kinakalikot ang utak at pinipihit ang bibig. Sabik na kasi akong sambitin ang “back to regular programming!”

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 03, 2015 10:28

June 15, 2015

Royalties ng Isang Awtor

Para sa mga gustong magkaroon ng idea kung magkano ang natatanggap na royalties ng isang karaniwang awtor sa Pilipinas, narito ang sa akin.

It's A Mens World

para sa 2011-2013= P30,000 +
para sa 2014= P20,000 +
para sa 2015= P17,000 +

Ang aklat na ito ay inilatlaha ng Anvil Publishing noong 2011. Ang retail price niya sa National Book Store at iba pang bookstore ay P195.00.

Sa karanasan ko sa Anvil, laging delayed ang pagbabayad nila ng royalties. Pero hindi naman super delayed, mga isa hanggang dalawang linggo lang namang delayed. Naranasan ko rin ang mag-follow up para makuha ang royalties ko. Ipinadedeposit ko na lang ang tseke para hindi na ako gagastos sa pamasahe at para tipid din sa oras (mula sa side ko). Ipinadadala rin sa email ang report tungkol sa royalties. Nakasaad doon kung ilan ang nabentang aklat at kung magkano ang mapupunta sa akin. Ang maganda sa Anvil, reliable siya. Walang paktaw ang pagbabayad ng royalties taon-taon.

Marne Marino

para sa 2013= P 243.00
para sa 2014= P 2147.00
wala pa ang para sa 2015.

Ang aklat na ito ay isang pambatang aklat. Inilathala ito ng LG&M na isang imprint ng Vibal Publishing noong 2013. Ang retail price niya sa mga pangunahing bookstore ay P65 hanggang P75.

Hindi ako inabisuhan na puwede nang kunin ang royalties ko rito sa Vibal kaya ang tseke para sa 2014 ay noong Pebrero pa ang petsa. Buti na lang at naglakas-loob na akong magtanong kung may royalties ako (na actually ay dahil kulang pa kami ng ipambabayad sa ospital pag nanganak na ako kaya naghanap talaga kami ng mga collectibles hahaha), kung hindi ay baka napaso na ang tseke para sa akin. Ang unang royalties para sa akin ay wala sa anyo ng tseke. ito ay ibinigay na lamang bilang cash, kasabay ng tseke para sa 2014. Masyado raw kasing maliit ang halaga kaya hindi na itsineke. Sa dokumentong pinapirmahan at ibinigay sa akin, walang nakalagay kung ilan ang kopya ng Marne Marino na nabenta. Ang naroon lang ay ang amount kung saan nila kukunin ang royalties para sa akin. Nasa Sales Department daw ang dokumentong nagsasabi kung ilan ang nabentang kopya.

Nuno sa Puso I at II

para sa August hanggang December 2014= P 5,000+
para sa January hanggang Abril 2015= P10,000+

Dalawa ang aklat na ito. Sa mga book store, ang bawat kopya (mapa-I or II man) ay P180. Pag isang set ang binili, P360. Inilathala ito ng Visprint, Inc.

Ilang linggo bago lumabas ang mga Nuno sa publiko, hiningi na ng Visprint ang bank details ko. I assume para iyon sa royalties. At noong Pebrero 2015, himala nga akong nakatanggap ng mahigit P5k sa aking bank account. akala ko noong una, may nagkamaling magpadala sa akin ng limpak-limpak na salapi! Haha! Pero noong March, pagdalo ko sa WIT event ng Visprint, inabutan ako ng envelope na naglalaman ng detalye ng aking royalties at pinapirma din ako ng receiving copy. confirmed. royalties ko nga mula sa visprint ang pumasok na 5K plus sa aking account. Nakadetalye sa mga dokumento ang dami ng nabentang kopya at kung sino-sino (as in tao, may pangalan ng tao) at kung ano-anong branch ng book store ang nabentahan ng aklat. Nakakatuwa! sobrang detalyado! Ngayon namang Abril 2015, on time na pumasok sa bank account ko ang royalties ng mga Nuno. Hindi ako nag-follow up pero dumating on time. Ipinadala rin nila via email ang mga dokumento para sa na-cover na period ng aking royalties ngayong Abril. Hay, heaven sent!

Sana nakatulong sa inyo ang mga isinaad ko rito. Kung may tanong kayo, gamitin natin ang comment box sa ibaba. Puwede ring mag-email sa akin sa beverlysiy@gmail.com.

1 like ·   •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 15, 2015 08:12

payo sa baguhang manunulat

dapat huwag kang mahiya na magtanong ng writing assignment. manghingi ka, kung puwede naman.

sabi ko 'yan kay R, isang fresh grad ng journalism sa isang state university.

nag-meeting kami para sa isang isyu ng komiks na bubunuin namin ngayong buwan na ito. sa sobrang dami ng nagpuntang writer, including senior writers na tulad ko, may dalawang attendee ang hindi nabigyan ng writing assignment. ang isa ay editor ng pang-high school na komiks na bubunuin din this month (siya lang mag-isa, kaya ok lang daw na wala siyang writing assignment mula sa department namin) at si R.

kinailangan kong tanungin si R kung may nakuha siyang writing assignment para masiguro ko kapag nag-inquire ako sa nagbibigay ng writing assignment. nang sabihin ni R na wala ngang naibigay sa kanya, sabi niya, okey lang po, okey lang po. at matindi ang pag-iling niya nang ituro ko ang nagbibigay ng writing assignment. wala pa akong sinasabi, hindi pa bumubuka ang bibig ko noon.

sabi ni R, expected ko naman po, kaya okey lang po. hindi na po. 'wag na po.

sabi ko, sayang naman ang punta mo rito at pakikipag-meeting sa amin kung hindi ka makakapagsulat sa susunod na isyu. itanong na natin at baka merong ibigay sa iyo. ang tindi pa rin ng iling niya.

kaya nasabi ko ito:

dapat huwag kang mahiya na magtanong ng writing assignment. manghingi ka, kung puwede naman.

tapos nagkuwento ako sa kanya at sa katabi niya na fresh grad din ng journ at kasama rin naming writer ng komiks. sabi ko, kaya ako napunta rito ay dahil sa gawa ng anak ko. ang isina-submit ko kay sir ay tula ng anak ko. tapos ni-reject niya ito. tinanong niya ako kung interesado akong magsulat ng komiks na pambata. kahit wala akong experience ay inoohan ko ito, saka ako nagtanong ng writing assignment kay sir. ayun, binigyan naman ako. that was 5 years ago. minsan, sa isang isyu ay nakakadalawang kuwento ako. im so happy. after one year, nabigyan pa ako ng dagdag na assignment. iyong mainstay na character sa likod ng komiks namin ay ako na ang scriptwriter.

sabi ko, lagi akong humihingi ng assignment. ba't naman ako mahihiya? e ito ang talent ko, ang pagsusulat. kung gusto nating mabuhay dito, tayo ang hahanap ng isusulat, tayo ang hihingi ng isusulat. walang dapat ikahiya diyan. hindi naman tayo nagnanakaw.

habang nagsasalita ako ay namula nang husto ang mga mata ni R. tapos namula ang ilong niya. maya-maya, pahid na siya nang pahid ng kanyang panyo sa mukha. naiyak si R!

nailang na ako. hindi ko alam ang background ni R. bakit emotional siya pagdating sa raket? o sa mga writing assignment? ngayon lang kaya niya na-realize ang buhay-manunulat, isang type, isang tuka ang peg? na kailangan talaga e makapal ang mukha namin para mabuhay sa pagsusulat? o naiyak siya dahil may concerned sa kanya na kapwa manunulat? i doubt it.

feeling ko, naiyak siya kasi nakakahiya nga naman iyong ganon, ang liit-liit na nga ng bayad sa amin, kailangan pa niyang hingiin ang isusulat niya, ang ikabubuhay niya. naiyak siya kasi nakakawasak ng pride ang ganon. pagkatapos mo nga namang mag-aral nang apat na taon, manghihingi ka lang pala ng raket, para makapagsulat, para magkapera.

well, ganon talaga. nakakaiyak. nakakawasak ng pride ang propesyon na ito. kaya nga siguro, walang nagtitiyaga sa pagsusulat. at iyong nagtitiyaga, iyong mga naiiwan, tapos na sa phase na iyan. hindi na nasa-shock.

ang iniisip na lang, paano ko maiimpluwensiyahan, paano ko mapapag-isip ang mambabasa na ang mundong ginagalawan niya ay nangangailangan ng kaunting pagbabago.




1 like ·   •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 15, 2015 04:18

May 27, 2015

Mula sa Mambabasang si Vivie Repato

Ms. Bebang Siy-Verzo

Paumanhin po kung sumakit ang mata niyo sa automatic proofreading skills niyo.

Nais ko lamang pong ihatid ang aking galak dahil.. WOW!

hindi ko po alam kung sadyang napagaralan niyo na talaga ang "connection" na gusto mong ma-achieve between you and your readers. (Hindi ko po binitawan ang libro hanggang umabot ako sa huling pahina)

Saludo po ako sa iyong pagmamahal sa panitikan.
Saludo po ako kung paano kayo naging super-mom habang wala pa kayong "guaranteed companion".
Saludo po ako sa serbisyong binibigay niyo sa ating kabataang Pilipino para ihatid ang dunong.

Maraming salamat po sa paggamit ng inyong puso sa paggawa ng librong ito.
(Thank you Lord ito yung librong pinabunot mo sakin sa National Bookstore.)

Mabuhay ang Dagdag Dunong! Kayo po ay mga bayani.
God Bless your team and may your passion extend new learnings to young minds.

Your humble reader,
Vivie Repato

Salamat nang marami, Vivie! Let's keep in touch!

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 27, 2015 02:43

May 23, 2015

Kuwentong Pambata, Gawa ng Bata, Para sa Isang Bata


ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi sa pahayagang Perlas ng Silangan Balita

Idinaos noong 19 Mayo 2015 ang Story Writing at Book Making Workshop na pinamagatang Kuwentong Pambata, Gawa ng Bata, Para sa Isang Bata sa Uno Morato Book Shop, E. Rodriguez Ave. cor. Tomas Morato St., Quezon City. Ito ay dinaluhan ng siyam na participant at lahat ay nakatapos ng isang librong may sarili nilang kuwentong pambata.

Halos tatlong oras akong nag-facilitate ng workshop. Sa umpisa ng programa ay nagpasalamat ako (sa ngalan ng mga nag-organisa) sa mga lumahok at sa kanilang pamilya dahil ang pagbabayad nila ng P250 bawat isa ay makakatulong sa medikal na pangangailangan ng isang batang apat na taong gulang, si Carlisle Berma. Si Carlisle ay kasalukuyang nagpapagamot dahil sa brain tumor.

Ang sumunod na naganap ay pagbabahagi ng aking proseso sa pagsusulat ng akdang pambata. Pinakamadali sa akin ang pag-iisip ng tauhan kaya ang aking mga akdang pambata ay kadalasang character-centered. Ikinuwento at ipinakita ko ang ilan kong gawa na nalathala sa Gospel Komiks:

1. si Dada Isda, ang isdang sobrang daldal, miyembro din siya ng choir ng simbahan
2. sina Ate Lab, Ate Lob at Mid, ang magkakapatid na uod
3. si Timon, ang puzzle piece na gustong-gustong maglakwatsa
4. sina JC at Daisy, kambal sila, tsinelas sila ni Jesus
5. sina Tabachinggay, Pompom at Takuchacha, mga panda na nababahala sa food shortage
6. ang mga ice cube at ang sako na si Salvador, nahulog sila sa ice truck
7. ang magbabarkadang saging na laging sunod sa uso ang lifestyle
8. si Poy, ang batang lobo na naghanda sa pagdating ng biyaya pagkatapos niyang magdasal
at marami pang iba.

Pagkatapos nito ay ibinigay ko na ang mga papel na pagsusulatan at pagguguhitan ng mga participant. Ito ang ipinagawa ko:

Page 1: Mag-isip ng tauhan, bigyan ito ng pangalan, iguhit ito, kulayan at isulat sa baba ang pangalan ng tauhan.

Page 2: Magsulat ng isang pangungusap na naglalarawan sa tauhan.

Page 3: Mag-isip ng malupit na problema na kinakaharap ng tauhan. Iguhit ito at kulayan.

Page 4: Magsulat ng isang pangungusap na naglalarawan sa problema.

Page 5: Mag-isip ng hakbang na isinagawa ng tauhan sa problema nito. Iguhit ito at kulayan.

Page 6: Magsulat ng isang pangungusap na naglalarawan sa hakbang.

Page 7: Mag-isip ng ending. Iguhit ito at kulayan.

Page 8: Magsulat ng isang pangungusap na naglalarawan sa ending.

Ang walong pahina na ito ay puwede pang palawakin ng participant kung nanaisin niya. Ito ay backbone na ng isang kuwento: may tauhan, may conflict, may action at may resolution. Konting pino pa ay full blown nang kuwentong pambata!

Pagkatapos ng pagtatrabaho sa walong pahina ay ini-stapler namin ang gilid ng mga ito. Binigyan ko sila ng pre-cut na mga papel na siyang ipinantakip nila sa gilid ng mga pahina. Ito ang nagsilbing spine ng aklat.

Nagbigay uli ako ng isang papel, iyon ang magiging cover ng kanilang aklat. Ipinagawa ko ang mga sumusunod:

Cover page: Isulat nang malaki ang pangalan ng tauhan. Kulayan ito at lagyan ng dekorasyon. Puwede ring iguhit ang setting o lunan kung saan naganap ang kuwentong nilikha. Sa pinakababa ng papel ay isulat ang sariling pangalan.

Inside cover page: Ilagay ang apelyido at ang salitang publishing. Sa baba nito ay isulat ang simbolo ng copyright (©) at ang buong pangalan. (Ipinaliwanag ko nang bahagya ang importansiya ng copyright.) Sa baba nito, isulat ang pangalan ng bansa natin (Filipinas), dahil dito ginawa ang aklat na ito, at ang kasalukuyang taon (2015) para malaman ng mambabasa kung kailan nilathala ang aklat.

Halimbawa: Novicio Publishing
© Malaya Novicio
Filipinas, 2015

Back cover: Gumuhit ng parisukat sa itaas na bahagi ng papel. Sa baba ng parisukat ay ilang pangungusap na naglalarawan sa may akda. Sa parisukat ilalagay ang maliit na picture ng may akda. Dahil wala namang dalang picture ang mga participant, sa bahay na nila ito gagawin. Ang page na ito ay tinatawag na About the Author page.

Halimbawa: Si Althea Jade de Castro ay 8 taong gulang at nakatira sa Tayuman, Maynila. Mahilig siyang magdrowing. Ito ang kanyang unang aklat na pambata.

Inside back cover: Magsulat ng isang pangungusap na pautos. Dapat ay may kinalaman ang utos sa kuwentong isinulat. Itong page na ito ay tatawagin nating activity page.

Halimbawa: Ilista ang mga dapat gawin kapag ikaw ay naligaw.

Nagkaroon kami ng munting graduation. Lahat ng participant ay obligadong magbasa sa harap ng sariling aklat para makuha nila ang kanilang certificate.

Narito ang pangalan at edad ng mga workshop participant, pati ang kanilang mga tauhan at kuwento:

1. Aziel Marie de Guzman, 22 y.o.- Kara Patan, isang aklat na tungkol sa karapatan ng mga bata, hindi siya pinipiling damputin ng mga bata dahil ang gusto ng mga bata ay bola, manika at iba pang laruan.
2. Malaya Novicio, 8 y.o.- Bronie the Book, tungkol din sa isang aklat
3. Kaya Novicio, 9 y.o.- Leni Lapis, isang lapis na nahulog at nadampot ng ibang tao
4. Anib Miguel Tabag, 11 y.o.- Fluffy Fox, isang fox na mabait at napakahilig sa cookies
5. Saniata Tabag, 10 y.o.- Mitten the Plupper, isang pusa na maraming kaibigan
6. Ryle Silagan, 13 y.o.- Paul Lapis, isang lapis na nabali ang lead at to the rescue ang... pantasa siyempre!
7. Kyle Silagan, 12 y.o.- Papa the Paper, isang pad ng papel na naiinis sa mga taong nag-aaksaya ng papel
8. Althea Jade de Castro, 8 y.o.- Lam at Lim, magkaibigan na naligaw sa mga burol at gubat
9. Happy Pamintuan-Jara, 13 y.o.- Ernie The Blue Ball of Yarn, tungkol sa transformation ng yarn patungo sa isa pang anyo

Bago magtapos ang programa, nagbigay ng maikling mensahe si Adam David ng Uno Morato, ang sponsor ng venue. Sabi niya ay nag-umpisa rin siya sa ganitong paraan: paggawa ng mga simpleng aklat at kuwento. Ngayon ay isa na siyang manunulat, book designer at advocate ng independent publishing. Inengganyo niya ang mga participant na lumikha pa nang lumikha ng maraming aklat at kuwento.

Ang workshop ay nakalikom ng P2,250 para sa batang si Carlisle. Inorganisa ito ng Balangay Books at Dagdag Dunong Project sa pakikipagtulungan ng Uno Morato Book Shop para kay Carlisle at sa Berma family.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 23, 2015 00:26

May 16, 2015

Waiting Time is Poetry Time

ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi sa lingguhang pahayagan na Perlas ng Silangan Balita

Ang Abril ay idineklara na ng Pamahalaang Aquino bilang Buwan ng Panitikan. Isa sa mga naglunsad ng proyekto para dito ay ang Publicis Jimenez Basic (PJB), isang advertising agency na nakabase sa Makati. Kakaiba ang proyekto at first time kong makaranas ng mga bagay na naranasan ko sa paglahok ko rito.

Poem Calls

Poem Calls ang pangalan ng proyekto. Pag may tumawag sa landline (856-0729) ng PJB, imbes na stored message (“Please hold while I transfer your call.”) o musika ay isang makata at ang kanyang tula ang maririnig. Ang tema ng mga tula ay paghihintay. Iyon kasi ang mangyayari hangga’t walang sumasagot sa taong tumatawag sa PJB.

Para sa Poem Calls, inimbitahan ang higit sa sampung kasapi ng LIRA o Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo, isang organisasyon ng mga makatang nagsusulat sa wikang Filipino. Ilan sa mga ito ay sina Dr. Michael Coroza, Phillip Kimpo, Jr., Ina Abuan, Noel Fortun, Wei Angeles, RR Cagalingan, Mia Lauengco, James Tana, Ralph Fonte, Dax Cutab at Lee Sepe (na isa ring empleyado ng PJB). Kasama rito siyempre ang tagapagtatag ng LIRA, ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio Almario.

Ang Proseso

Sinuyod ng mga taga-PJB, partikular na sina Lee Sepe at Jofer Mijares, ang ilang libro ng tula para maghanap ng mga tulang akma sa tema ng proyekto. Nang matukoy ang mga ito ay kinontak nila isa-isa ang mga makata ng tula para imbitahang magbasa at magrekord ng tula.

Ang kasabay ko sa pagbabasa at recording ay sina Noel Fortun at Dr. Michael Coroza. Sa recording studio ng PJB naganap ito, isang araw ng Abril. Binigyan kami ng kopya ng sarili naming tula at pagkatapos ipaliwanag sa aming muli ang proyekto (ang background, ang layunin, atbp.), hinayaan kami ni Noel na mag-practice sa pagbabasa. (Si Dr. Coroza, dahil malaon nang nagtatanghal ng tula sa publiko, ay di na kinailangang mag-practice! Nakadalawang take lang ito, grabe! Samantalang kami ni Noel ay magdadalawampung take na ay hindi pa rin nakakaperpekto.)

Ang Aking Tula

Ang tula kong Pakiusap na nalathala sa Lamang, isang chapbook ng LIRA (LIRA at Vibal Publishing, 2010) ang napili nina Lee para sa Poem Calls. Napakalungkot ng tulang ito, hango kasi sa isang napakalungkot din namang karanasan sa pag-ibig. Ang persona ng tula ay nakikiusap sa isa pang tao na dalhin ang kalungkutan sa kanyang tahanan. Ipinaliwanag niya sa kausap na pinaghahandaan niya ang pagdating nito at ng kalungkutan. At sa pagtatapos ng tula, hindi na mapipigil ng persona ang sarili. Isisiwalat niya na excuse lang ang kalungkutan, ang totoo, nais niyang makita ang kausap sa tula. Pero hindi maaaring bumisita ang kausap nang hindi makadarama ng kalungkutan ang persona.

Ang Recording

Nahirapan sa akin si Jofer. Ang taas kasi ng energy ko at napakamasiyahin ng aking boses. Hindi bagay sa himig ng aking tula. Kaya nakailang ulit ako sa pagbabasa at pagrerekord sa recording studio nila sa PJB. Pilit kong pinapalungkot ang boses ko. Pinabababa ko rin ang tono pero talagang kaunti lang ang diperensiyang nagawa ko sa napakasigla at natural kong boses. Hindi ko rin mapigil ang magpatawa sa tuwing matatapos ang palpak kong pagbabasa at pagrerekord kaya pag babasa na ako uli at babalik sa pinakaumpisa, masigla na naman at nakangiti ang aking boses.
Isa pang dahilan ng pahirapan na recording ay matured ang persona sa aking tula at ang boses ko raw, ayon kina Jofer at Luke (isang art director ng PJB na nagdodokumento ng proyekto) ay parang boses ng college student.

Mabuti na lamang at mahaba ang pasensiya ng mga taga-PJB sa akin. Nakatatlumpung take yata ako at ako yata ang top 1 sa lahat ng LIRA members.
Top 1 sa pag-uulit-ulit!

May Video Recording pa?

Pagkatapos ng recording ng tula, sumalang naman kami sa video recording. Doon ay pinakilala namin ang mga sarili at hindi ko na rin pinalampas ang pagkakataon, siyempre, nag-promote ako ng ilan sa aking mga aklat.

Naghanda rin ng mga tanong tungkol sa pagsusulat at panitikang Filipino sina Jofer. At isa-isa ulit kaming isinalang sa video recording para sagutin ang mga ito. Ang mga video raw na ito ay ipo-post sa Facebook (https://www.facebook.com/pjbpoemcalls...) at Youtube para makatulong sa pagpo-promote ng proyekto at sa panitikang Filipino, in general.

May Take Two Talaga!

Pagkaraan ng ilang araw, nalaman ko na may problema sa nai-record kong tula. Hindi raw talaga ubra ang natural kong pagbabasa kaya sinubukan nilang babaan ang boses ko sa recording gamit ang mga sound machine. Kaya lamang, noong ibinaba nila ang timbre ng aking boses, sabog daw ito kapag pinakikinggan na sa telepono.

Ibig sabihin, kailangan kong ulitin ang pagbabasa ko ng tula sa recording studio!

Nagulat ako nang sabihin sa akin ni Lee kung saan ito gaganapin. Sa isang recording studio na nasa loob ng van! Hindi pa ako nakakapasok sa ganoon. At ang van ay dadalhin ng PJB sa parking lot ng Conspiracy Bar, Visayas Avenue, Quezon City. Hinahabol kasi nila na makapag-record si Sir Almario also known as Rio Alma, at iyon lamang ang kumbinyenteng lugar para dito nang mga panahong iyon. Aba, mainam ngang sumabay na ako para hindi na rin ako magpunta sa malayong kaharian ng Makati.

Kaya noong 21 Abril 2015, muli akong nagbasa at nagrekord ng aking tula. Pagod na pagod na ako nang araw na iyon dahil kay aga ng meeting ko sa Maynila at dumalo ako sa paglulunsad ng aklat ni Sir Rio Alma (sa Maynila rin) at may binayaran akong bill sa Quezon City. Kaya inaasahan kong mababa na ang timbre ng boses ko pagsapit ng gabi sa oras ng recording.

Pero nagkamali ako. Nang makita ko ang van, tuwang-tuwa ako. Ang ganda, ang linis at ang high-tech. Na-excite agad ako. At nang makita ko uli sina Jofer, Lee at ang buong team ng PJB, na-energize ako at nagpatawa na nga nang nagpatawa. Ilang take tuloy ang naganap. Mabuti na lang at medyo natakot ang lalamunan ko nang malaman kong may isa pang makatang magrerekord pagkatapos ko, si Ina Abuan, at magrerekord din ng pagpapakilala ng sarili si Sir Rio Alma. Umayos na ako at nagbasa nang mas seryoso. Sa wakas ay may bersiyon ng aking tula ang nagustuhan si Jofer.

Paglulunsad at Pasasalamat

Ang proyekto ay pormal na inilunsad noong 8 Mayo 2015 sa Revolver Office, 3F The Fort Pointe Building, The Fort Square, 7th Avenue, BGC, Taguig. Pinamagatan itong Poem Calls Gabi ng mga Tala at Tula Kulminasyon ng PJB Poem Calls para sa Buwan ng Panitikang Filipino. Nagkaroon ng poetry reading (na para bang hindi pa sawa ang mga taga-PJB sa karirinig sa aming mga tula) at art exhibit. Ang mga idinispley ay likhang-biswal ng mga creative director at art director ng PJB na nagtatampok pa rin sa mga tula. Para sa Pakiusap, ang artist ay si Jeffrey Thomas, isa sa art directors ng PJB. Sayang at hindi ko siya nakilala nang personal dahil wala siya sa Revolver. Tulad ng tula, malungkot ang himig ng artwork. Buti na lang, may slice ng dilaw na matatagpuan dito. Sunshine!

Ang saya ng gabi at naparakaming pagkain. Pinakapaborito ko ang ginataan, nakadalawang mangkok ako. Naghandog ng tula ang mga taga-LIRA. Nagbalagtasan ang Balagstars na sina Dax Cutab, Ralph Fonte at RR Cagalingan. Nang open mic session na, bumigkas din ng tula ang mga taga-PJB. Kasama ko ang asawa kong si Ronald Verzo II at bumigkas din siya ng tula mula sa aklat na Pesoa.

Pero ang pinakapaborito ko nang gabing iyon ay si Gng. Jeanette Coroza, isang principal sa public high school sa Pateros at maybahay ni Dr. Coroza. Lagi kong nakakasama si Mam sa mga pampanitikang okasyon pero first time ko siyang marinig na tumula. Malinaw at mariin niyang binigkas (saulado niya!) ang napakasikat na tulang Putol ni Dr. Coroza.

Nang gabi ring iyon ay iniuwi ng mga makata ang artwork na kinatatampukan ng kanilang tula. Ito ang pasasalamat na iginawad ng PJB sa mga makata ng LIRA.

Isang karangalan ang mapasama sa proyektong ito, isang malikhaing paraan para makatulong sa pagpapalaganap ng panitikang Filipino partikular na ng mga tula. Matagal na akong naniniwala na ang tula ay hindi dapat ikinukulong sa aklat. Dito pala dapat: sa telepono!

Maraming salamat, PJB, lalo na kina Lee, Jofer, Luke, Jeffrey at sa lahat ng sumuporta sa Poem Calls. Sana ay maraming makata ang ma-inspire sa ating ginawa. Sana ay ma-inspire din ang mga kababayan natin na mag-isip pa nang mag-isip ng mga paraan para makapag-promote ng sarili nating panitikan.

Tawag na!

Kung interesado kayong makarinig ng mga tula tungkol sa paghihintay, tawag na sa 856-0729. Yes, libre ito!

Para sa tanong, komento o mungkahi, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 16, 2015 02:46

May 3, 2015

Mga Nagwagi sa Book Spine Poetry Contest 2015

Muli akong naimbitahan bilang hurado sa Book Spine Poetry Contest ngayong taon ng The Beacon Academy sa Taguig City. Ang unang beses ay noong 2013 at katambal kong hurado si Ronald V. Verzo II. Lubos akong nagpapasalamat kay Bb. Zarah Gagatiga, ang chief librarian ng TBA, Taguig para sa pagkakataong maging hurado muli.

Ang proseso sa pagbuo ng tula para sa patimpalak na ito ay naiiba dahil ang bawat taludtod ng tula ay pamagat ng isang libro. Ibig sabihin, kailangan munang maghanap ng estudyante ng mga librong may interesanteng pamagat pagkatapos ay isasalansan niya ang mga ito o pagsusunud-sunurin para makalikha ng tula mula sa mga pamagat ng libro. Ang tulang nalilikha sa ganitong paraan ay itinuturing na found poetry.
Ang found poetry ay isang uri ng appropriation sa larangan ng sining. Ina-appropriate mo ang nalikha na para sa sarili mong likha. Para bagang pagbuo ito ng bagong damit gamit ang iba’t ibang damit na yari na.

Sa unang tingin, posibleng hindi seryosohin ang mga makatang gumagawa ng found poetry dahil hindi sila lumilikha ng taludtod mula sa kawalan. Pero minsan, mas mahirap pa nga ito!

Bagama’t nariyan na ang mga taludtod (dahil nga pamagat ito ng mga libro), nakakapiga pa rin ng utak ang pagsasalansan sa mga taludtod para makalikha ng imahen o kaya mabigyang-estruktura ang nais ipahayag. Kailangan din ay lohikal ang malilikhang tula para mas madali itong maunawaan ng mambabasa. Mas mainam din kung nagbabago ang kahulugan ng pamagat ng libro sanhi ng puwesto nito bilang isang taludtod sa tula at sa ipinapahayag ng buong tula.

Dahil dito, saludo ako sa mga lumahok sa Book Spine Poetry Contest 2015. Alam kong mahaba ang panahong iginugol ninyo para makagawa ng tula sa ganitong paraan. At alam ko rin ang libo-libong kombinasyon na inyong sinubukan para lamang makapagluwal ng tula. Huwag sana kayong magsawa. Likha lang nang likha!

Congratulations din sa lahat ng mga nagwagi. Magsilbi sanang inspirasyon ang mga parangal na inyong natanggap para pagbutihin pa ang paglikha ng found poetry at poetry in general.

Narito ang mga napili kong mga tula para sa Top 1, Top 2 at Top 3 at ang citations ko sa mga ito:

Para sa Top 1

Heaven’s war
Of aged angels
By the river
Hallowed
Beautiful chaos
And then everything unraveled.

Unang basa ko pa lang dito ay namangha na ako. Ang ganda ng pagkakasalansan ng mga salita. Para siyang buong tula at hindi nagmula sa mga pamagat ng iba’t ibang libro. Madulas ang transisyon ng taludtod papunta sa susunod na taludtod.

Umangat ang din ang tula na ito sa imahen. Hitik ang tula sa nagsasalungatang ideya at pagbasag sa mga nakasanayang bagay tulad ng: heaven at war (gera sa langit?), aged at angels (matatandang anghel? Hindi ba’t bata ang kadalasang nakikita nating anghel sa mga likhang-sining?) at beautiful at chaos (may kariktan sa kaguluhan?). Sa tatlong taludtod pa lamang na ito ay naipakita ng makata na hindi kailangang tumutugma sa isa’t isa ang kahulugan ng mga salita at kahit ang salimuot ng mga salitang pinagtatambal ay posibleng magluwal ng isang imaheng buong-buo at madaling maunawaan.

Ang naipinta ng mga pamagat na pinili ng makata ay waring panimulang eksena sa isang kapana-panabik na yugto ng kasaysayan ng langit. Ang kati sa isip, hindi ba? Excited ako’t nag-aabang sa mga susunod pang taludtod, sa mga susunod pang mangyayari!

Para sa Top 2

A long way down
Unwind
Unnatural creatures
Outside beauty
The power
The secret
At first sight.

Nagustuhan ko ang tulang ito dahil isa ito sa dadalawang lahok na tungkol sa paglalakbay. At ang pokus ng tulang ito ay ang danas ng pagkamangha sa mga di-pangkaraniwang bagay (o nilalang) sa unang beses na ito ay masilayan. Nasalamin ng tulang ito ang gayong tagpo (The power/ The secret/At first sight).

Nagustuhan ko rin ang highlight ng paglalakbay: ang mga nilalang na di mo mawari. Napakamistikal ng pagkakalarawan sa kanila (Unnatural creatures/ Outside beauty). At para sa akin, matalinong pagpili ito ng itatampok na nilalang, lalo na ngayong naglipana ang mga akda tungkol sa mga mitolohikal na nilalang sa Pilipinas tulad ng aswang, tiyanak, manananggal at iba pa. Ang mga ito ba ang tinutukoy ng makata sa kanyang tula? Mapapaisip tuloy ang mambabasa.

Sang-ayon din ako sa pangkalahatang mensahe ng tula: lumabas ka sa lungga mo, sa teritoryo mo. ‘Wag matakot na maglakbay kahit sa pinakamalalayong lugar. Dahil doon ay napakarami mong matutuklasan, hindi lamang sa lugar, kundi sa paraan kung paano mo tinitingnan ang iyong natatanaw.

Para sa Top 2

Farewell
Unravelling
One day
Piercing the darkness
In the country of men
A lesson before dying
Everything’s eventual.

Ang pinakamagandang katangian ng tulang ito, sa aking palagay, ay ang consistency ng tone. Pansinin ang mga susing salita: farewell, piercing, darkness, dying. Hindi ba’t lahat ito ay negatibo? Pero dahil sa consistency ng tone, ang danas sa pagbabasa ng tula ay nagiging positibo. Lumilinaw kasi ang paksa ng tula: ang pamamaalam at lubos na pagtanggap sa pagiging finite ng buhay.

Oo, walang forever. Pero sabi nga ng tula, huwag tayong matakot. Kalma lang, dahil “everthing’s eventual.”

Para sa Top 3

Killer of men
Big mouth and ugly
Freaky green eyes
Unclean
Unholy
Wicked
Waiting for you.

Napakahusay bilang description ang tulang ito. Matatakot ka sa nilalang na ipinakikilala bilang mamamatay-tao hindi lang dahil sa itsura nito (Big mouth and ugly/Freaky green eyes) kundi maging sa ugali at espiritwal nitong katangian (Unclean/Unholy/Wicked).

Ang big mouth ay maaaring mangahulugan ng pagiging madaldal, maingay, buka nang buka ang bibig dahil sa pagsasalita. Maaari din itong ipakahulugan bilang matakaw, lamon nang lamon, kinakain ang lahat ng makita. Gahaman, sa maikling salita. Ang green eyes naman ay puwedeng ituring na reference sa dayuhan, partikular na sa mga taga-Kanluran. Kaya masasabing ang tulang ito ay isang epektibong babala: may naghihintay sa dilim, mga nilalang na walang sinasanto na maaaring magmalupit sa iyo at magdulot ng kamatayan. Sa anong dahilan? Sa kawalan nito ng kakontentuhan at matinding kagutuman.

Sana ay marami ang ma-inspire na gawin ang patimpalak na ito sa kani-kanilang paaralan, aklatan at komunidad. Para sa panitikan, para sa bayan!
1 like ·   •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 03, 2015 23:29

May 2, 2015

Random tips ngayong tag-init

Maligo nang hindi bababa sa dalawang beses. Sa isang araw!

Kung may sasakyan ka, gabi man o madaling-araw, pumarada sa may lilim, para pag nariyan na ang araw, hindi masyadong mainit ang loob ng sasakyan mo.

Laging magdala ng inuming tubig. Puwede itong inumin, puwede ring ipanghilamos, puwede ring ipambasa sa bumbunan kapag sobra na ang init.

Umiwas sa matataong lugar. Kahit may aircon pa ang mga lugar na iyan.

Iiskedyul ang mga lakad para di ka abutin ng tanghaling-tapat sa kalsada.

Magsuot ng mga light-colored clothes. Ang mga damit na dark ang kulay ay mas nag-a-absorb ng init! Yikes!

Kung magpapagawa ng bahay, damihan at lakihan ang mga bintana! Hahaha! Taasan din ang kisame, haaaay!


Dagdagan natin ito, friends! Mag-comment na!

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 02, 2015 04:26

Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.