Bebang Siy's Blog, page 37

April 16, 2015

Driving Lesson (Tula)

"I-check ang gulong, makina't
Manibelang pasens'yosa,"
Ang payo ng aking inang
Bus driver noon sa EDSA.

-Beverly Wico Siy

Ang tulang ito ay isang dalit. Ang dalit ay isang katutubong anyo ng tula sa Pilipinas. Ito ay binubuo ng walong pantig kada taludtod, apat na taludtod kada saknong at may isahang tugmaan.

Shortlisted ang tulang Driving Lesson sa ikaanim na linggo ng patimpalak na Dalitext Contest 2015. Ang tema ng patimpalak ay Make Your Nanay Proud (MYNP). Maraming salamat kay Sir Frank Rivera na isa sa hurado at siya ring nag-text sa akin tungkol sa patimpalak. Maraming salamat din sa sponsors: UNESCO-ITI, Radio Balintataw, DZRH at MYNP Foundation, Boy Abunda.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 16, 2015 22:07

April 15, 2015

Mga Sanaysay ng mga Guro at Future Guro sa Asignaturang Filipino

ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi ng pahayagang Perlas ng Silangan Balita

Isa ako sa mga gurong nagtse-check at nagbibigay ng puntos sa mga sanaysay na isinulat ng mga guro sa Filipino at estudyanteng nag-aaral para maging guro sa Filipino (ang major nila ay education). Ang proyektong ito ay nationwide at isinasagawa sa pamumuno ng isang foreign funding agency at ng isang state university sa Pilipinas.

May ilan akong obserbasyon sa mga sumulat ng sanaysay (tawagin natin silang respondent) at sa kalidad ng kanilang akda. Hahatiin ko sa dalawa ang aking mga naisip tungkol sa mga ito.

Magagandang puntos:

1. Mahusay ang nilalaman ng karamihan sa mga sanaysay. Nakakapagpahayag ng magandang ideya ang mga respondent tungkol sa paksang ibinigay sa pagsusulat. Nauunawaan ng respondents ang paksa at ang ideya nila tungkol dito.

2. Sari-sari ang ideyang lumabas tungkol sa paksa. Ibig sabihin, ginagamit ng mga respondent ang kanilang imahinasyon sa pagsusulat tungkol sa paksa. Marahil, malay ang karamihan sa kanila na magiging pare-pareho ang kanilang sagot kapag hindi nila masyadong pinagana ang kanilang imahinasyon sa pagsusulat ng sanaysay.

3. Malawak ang bokabularyo ng mga respondent at mahusay silang pumili ng mga salita. Karamihan sa mga sanaysay ay isinulat sa pormal na paraan. Marami ang gumamit ng mahahabang salita mula sa ating wika at nagagamit nila ang mga ito sa tamang paraan.

4. Marunong magbalangkas ng pahayag ang mga respondent. Malinaw ang simula, gitna at wakas ng mga sanaysay.

5. Karamihan sa mahusay ay mula sa unibersidad na nasa Maynila.

Di magagandang puntos:

1. Napakahina ng mga respondent sa basics ng pagsusulat. Karamihan sa kanila ay hindi marunong gumamit ng bantas at ng malaki at maliit na titik.

2. Napakahina ng mga respondent sa gramatika. Saan sila nahihirapan? Sa pandiwa. Lumalabo ang mga pangungusap nila dahil sa maling anyo ng pandiwa.

3. Napakahina ng mga respondent sa pagbabaybay. Marahil, sa pagmamadaling matapos ang sanaysay, naisasantabi na ng respondent ang pag-iingat sa pagbaybay ng bawat salita. Malaking factor din ang impluwensiya ng lokal na wika sa pagbabaybay ng mga salita sa wikang Filipino. Ngunit hindi ito dapat gawing excuse. Nagagamit ng mga respondent ang e para sa i at ang o sa u at vice versa. May tama at maling pagbabaybay at mayroon din namang katanggap-tanggap na paraan ng pagbabaybay. Mukhang hindi rin malay ang mga respondent sa tamang panghihiram ng mga dayuhang salita o ang pagbabaybay sa mga ito.

Narito ang ilang halimbawa ng bad spelling:
maari
telebisyo
utoridad
mabaksig
Alvin Publishing (para sa Anvil Publishing)
iwagay ang bandila
ibakyowisyon center

4. Mahina rin ang mga respondent sa tamang paggamit (at di paggamit) ng espasyo.

Narito ang ilang halimbawa:
Sa kaling mawalan ng kuryente
Sa Kuna’y Iwasan (malalaking titik pa ang ginamit sa unang mga titik ng bawat salita dahil ito ang pamagat ng kanyang sanaysay)

5. Paulit-ulit ang punto. May ilang sanaysay na parang nambobola lang ng mambabasa. Idinadaan na lang ng mga ito sa haba pero kung susumahin ay paulit-ulit lang naman ang sinasabi.

6. Marami ang nabawasan ng puntos sa simpleng dahilan lamang. Hindi sumunod sa panuto ang mga respondent kaya hindi sila nakatugon sa hinihinging pormat ng sanaysay. Marahil, sa kamamadali ay nilalaktawan na ng mga respondent ang pagbabasa sa panuto.

7. Halos 10% lamang ang maituturing na mahusay sa mga sanaysay. Karamihan din sa mga sanaysay ay hindi kakikitaan ng pagnanasang makapagpa-impress. Ang naiisip ko, maaaring marami sa respondent ay hindi nagseryoso sa pagsagot sa buong exam.

Kung pagbabasehan ang mga sanaysay na ito, masasabi kong napakalaki ng pangangailangan para sa mas mahaba at intensibong pagsasanay sa basics ng pagsusulat (bantas, espasyo, pagbabaybay, gramatika) ng mga guro sa Filipino at estudyanteng magiging guro sa Filipino. Hindi maaaring ito rin ang ituturo nila sa mga estudyante nila.

Sa isang banda, maaaring ito nga ang kanilang natutuhan mula sa mga guro nila sa Filipino. At mas nakakatakot nga kung ito ang dahilan.

Sabi ng isa sa mga kasamahan ko sa proyektong ito, dapat ay ituring na kamalian sa gramatika ang maling paggamit ng respondent sa mga salitang raw at daw, rin at din at iba pang katulad na salita. Dahil ayon daw sa tuntuning pang-ortograpiya na inilabas ng Komisyon sa Wikang Filipino, kung ang katinig na susundan ng raw o daw ay titik R, dapat ay daw ang gamitin.

Halimbawa:
Maaari daw, hindi maaari raw.

Ayon sa kasamahan ko na isang gurong may edad na at matagal na sa pagtuturo ng Filipino, ito raw ay usaping panggramatika. Sabi ko, “hindi po. Ito po ay usapin ng spelling. Ayon nga po sa inyo ay nasa tuntunin ito ng ortograpiya.” Ang sagot niya, “hindi. Ito ay maling paggamit ng salita. Samakatuwid, ito ay kamalian sa gramatika.”

Nahindik man ako’y hindi na ako umimik. Ngunit hindi ko rin ito sinunod sa ginawa kong pagtse-check. Mabuti na lamang at bibihira ang ganitong kamalian sa mga sanaysay.

Ngayon, dadako na ako sa punto ko para sa akdang ito. Paano kung wala na ang subject na Filipino sa kolehiyo? Pakaalalahanin na ang mga respondent na tinutukoy ko kanina ay guro na sa Filipino at estudyanteng nagpapakadalubhasa sa pagtuturo ng Filipino. Kumusta kaya ang writing skills sa sariling wika ng karaniwang mga estudyante at guro? Paano na kaya ang writing skills sa sariling wika ng mga college graduate na produkto ng programang K to 12? Ano ang mangyayari sa ating educational institutions? Sa mga kompanyang papasukan ng mga college graduate na ito? May epekto kaya ito sa pag-unlad ng Pilipinas? May epekto kaya ito sa atin bilang mga mamamayang Filipino?

Sabay-sabay nating abangan ang sagot, mahal kong mambabasa. In five years siguro. Game?

Kung may tanong, mungkahi o komento, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.









 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 15, 2015 07:26

April 11, 2015

Papunta na sa Italya (Tula)

Papunta na sa Italya
Ang aking mga medalya,
Munti kong regalo kay Ma
Na doon ay isang yaya.

-Beverly Siy


Ang tulang ito ay isang dalit. Ang dalit ay isang uri ng katutubong tula sa Pilipinas na binubuo ng walong pantig kada taludtod at apat na taludtod kada saknong. Ito ay may isahang tugmaan.

Nanalo ng Unang Gantimpala ang Papunta na sa Italya sa Dalitext Contest 2015 para sa ikalimang linggo ng patimpalak. Ang tema ng patimpalak ay Make Your Nanay Proud (MYNP). Maraming salamat kay Sir Frank Rivera na isa sa hurado at siya ring nag-text sa akin tungkol sa patimpalak. Maraming salamat din sa sponsors: UNESCO-ITI, Radio Balintataw, DZRH at MYNP Foundation, Boy Abunda.

Babasahin ang mga nagwaging dalit mamayang alas-sais ng gabi sa DZRH. Tune in, mga kapatid!

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 11, 2015 21:47

April 9, 2015

Agaran kong Ibinalik (Tula)

Agaran kong ibinalik:
Papeles at sobreng may tip.
Si Ma ang aking naisip
At ang ngalan niyang malinis.

-Beverly Wico Siy

Ang tulang ito ay isang dalit. Ang dalit ay isang katutubong anyo ng tula sa Pilipinas. Binubuo ito ng walong pantig kada taludtod at apat na taludod kada saknong. Ito ay may isahang tugmaan.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 09, 2015 22:04

Suot n'ya ang kanyang toga (Tula)

Suot n'ya ang kanyang toga,
Tulak ang wheelchair ng ina,
Mabagal pero masaya
Ang daan pa-eskuwela.

-Beverly Siy

Ang tulang ito ay isang dalit. Ang dalit ay isang katutubong tula sa Pilipinas na binubuo ng walong pantig kada taludtod at apat na taludtod kada saknong. Ito ay may isahang tugmaan.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 09, 2015 21:52

April 7, 2015

Authors and their heirs

Hindi na ako empleyado ng FILCOLS noon pang 2012. Pero napakarami kong natutuhan tungkol sa mga karapatan ng manunulat at ng kanilang kapamilya at gusto kong mapakinabangan ng mga taong ito ang mga natutuhan ko.

Kaya naiisip kong magtayo ng consultancy firm para sa mga Filipino author. Kailangang-kailangan kasi ito ngayon dahil walang ganito para sa kanila. Limitado ang mandato ng FILCOLS para mapaglingkuran nang lubos ang mga Filipino author. Ang sakop lang nito ay ang reproduction of works ng authors. Ibig sabihin, kapag ni-reproduce o phinotocopy lang ang akda ng isang author nang walang permiso ng copyright owner, saka lang puwedeng makakagawa ng aksiyon ang FILCOLS. At siyempre, kailangan ay member nila ang author na magpapatulong sa kanila.

Mahina ang organizing committee ng UMPIL o Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas para tutukan ang karapatan ng mga manunulat at ng kanilang pamilya. Ang focus din ng UMPIL ay sa mga pampanitikang akda at mga manunulat nito. Medyo mahigpit din sila sa kanilang membership. Iniisnab ang mga "hindi pampanitikang manunulat" doon.

Itong consultancy firm na naiisip ko ay bukas sa lahat ng manunulat na maaari nitong pagserbisyuhan. Nakaangkla pa rin sa copyright ang focus ng consultancy firm ko. Pero mas service-oriented ito. Nais kong mag-asikaso ng mga bagay na pagmumulan ng kita ng mga author. Tipong kung dapat ay may matanggap siya sa reprinting ng kanyang work, ako ang mag-aasikaso niyon. So ako ang makikipag-ugnayan sa publisher o entity para dito. So yes, mas tungkol ito sa paniningil para sa mga author. Para ba akong literary agent? Hindi. Kasi mahina ako sa marketing kaya definitely, hindi ito marketing of literary works na siyang focus naman ng mga literary agent.

Noong una ay authors lang ang naiisip kong paglingkuran. Mas kailangan nila ang serbisyo ng consultancy firm na ito. Pero kalaunan, naisip ko, puwede ko ring paglingkuran ang mga publisher o ang mga entity na kulang sa empleyado pagdating sa pag-aasikaso sa mga author at mga payment para sa kanila.

Last year, kinontak ako ni Arvin Mangohig ng panitikan.com.ph at UP Press. May isang company raw ang nangangailangan ng tulong tungkol sa pakikipag-usap sa authors at sa paghingi sa mga ito ng permit to reprint. Hindi raw expertise ito ni Arvin kaya ako ang kinontak niya.

Kako, tamang-tama. Ganito ang gusto kong maging trabaho.

Kaya agad kong kinontak ang kumpanya, nag-email-email kami.

Eto ang isang bahagi ng email ko sa company.

What ​I am gonna do for ​you:

1. look for and find the authors ​you​ need​
2. write letter to authors and seek their permission​ (letter will come from you)
3. negotiate payment for authors from ​your ​company​
4. secure permit from authors ​and​ remit permit to ​your​ company​
5. coordinate with authors for the payment (from ​your​ company), ​I will​ deposit​ the payment to their account​ or meet up with ​the ​authors
6. send thank you letters to authors from ​your company, and​
​7. give you updates and attend meetings for this project​.

Ang reply, ito raw talaga ang kailangang-kailangan nila at this point.

Eventually, meetings at signing na ng kontrata ang naganap. I'm so happy! Hindi ko pa man naitatayo ang pangarap kong firm, may trabaho agad na pumasok.

Natuloy ang gawain kong ito, ang pangalan ng kumpanya ay TechFactors. Sa unang pagkakataon ay maglalabas ang TechFactors ng textbook sa Ingles ngayong Hunyo 2015 at kailangan nilang makontak ang mga author ng literary works na isasama nila sa textbook. Since wala silang ekstrang empleyado para dito, nagdesisyon silang i-job out na lang ang gawain. Sa akin nga ito napadpad.

Isa rin sa mga ginawa ko ay ang magbigay ng idea tungkol sa amount na ibibigay sa author/heirs pag ibinigay ng mga ito ang permit to reprint. Iginiit ko ang pagkakapareho ng amount na ibibigay sa author/heirs kahit ano ang genre ng akda nito. Para sa tula o excerpt ng nobela, pareho lang ang amount na tatanggapin ng author/heirs (kung papayag siyang i-reprint ang kanyang akda). Dapat, walang discrimination dito. Mahirap sumulat ng tula. Kaya hindi iyan dapat mas mura kaysa sa excerpt ng nobela.

Isa rin sa mga ginawa ko ay ang pagsasabi kung under public domain nga ba ang isang akda o hindi. Nakatipid ang TechFactors kahit paano. Hindi na pala nila kailangang maglabas ng pera para sa ilang akda na isasama nila sa kanilang textbook.

Patapos na ang trabaho kong ito, actually, ngayong Marso-Abril. At napakarami kong nakilalang author. Andami ko ring nakontak na akala ko ay hindi ko na makakadaupang-palad pa kahit kailan. Nakausap ko rin ang kanilang mga heirs, at mas marami akong natutuhan pagdating sa kanilang buhay, sa pananaw nila sa copyright, sa estado ng panitikan ngayon, sa mga textbook at iba pa.

Out of almost 30 authors and heirs, isa lang ang nag-no sa permit to reprint, at isa lang ang hindi nag-reply ang heirs.

Ngayon, ang tanong, paano ko maie-establish ang sarili kong consultancy firm?

Hindi ko pa alam. Pero gusto ko sanang magawa ito bago ako manganak.

Narito nga pala ang naiisip kong pangalan para sa consultancy firm:

1. Bebang Siy Author and Publisher Copyright Services, joke! hahaha! (na-inspire ako rito!>> http://www.naomikorn.com/index.htm, ang pangalan ng office niya ay Naomi Korn Copyright Consultancy. Bongga, di ba?) More or less, ang gusto kong gawin sa sarili kong consultancy firm ay iyong ginagawa rin ni Naomi Korn.

Heto ang naiisip kong mga pangalan, seryoso na ito:

1. Philippine Authors' Representative
2. Philippine Copyright Clearance Center (Mula sa Copyright Clearance Center ng US)
3. Copyright Services for Filipino Authors and Publishers

Iyan muna. Kung may mungkahi kayo, pakilagay sa comment, please! Salamat, salamat.










1 like ·   •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 07, 2015 22:39

Tuyot ang Rosas (Tula)

Tuyot ang Rosas

ni Beverly W. Siy

Tuyot ang rosas
Na natagpuan sa iyong backpack.

Hindi man ito nalanghap ng iyong mahal,
hindi mo man napabukadkad ang salitang kasal,
habambuhay ka,
habambuhay kang hahalimuyak
sa kanyang isipan.

Kasingkulimlim ng mga talulot,
matingkad na mantsa
sa kanyang alaala
ang kulay ng tingga
na huli mong nakita.

Ngayong Pebrero,
tatlong bagay
ang sanhi
ng maya't mayang pagkalagas
ng kanyang ulirat.
Una ay anumang hugis-puso.
Ikalawa ay pula ng bandila.
Ikatlo ay rosas,
tuyot man o sariwa.


Kamias, QC
Marso 2015


Ang tulang ito ay alay ko PO1 Joseph Sagonoy, isa sa 44 na kasapi ng PNP Special Action Force na napatay sa Mamasapano, Maguindanao noong 25 Enero 2015. Si Sagonoy ang pulis na nasa video na kumalat sa internet. Ayon sa mga ulat, buhay pa si Sagonoy nang ito ay barilin sa ulo nang dalawang ulit. Maaaring basahin ang iba pang detalye dito:

http://newsinfo.inquirer.net/672859/3...
2 likes ·   •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 07, 2015 20:49

Balik-blogging

Sa wakas, nakapag-blog ulit ako. Matindi-tinding pangungumbinsi sa sarili ang naganap kanina para magawa ko itong muli. Sabi ko, si Sir Rene nga, ilang araw bago pumanaw, nagba-blog pa, nagsusulat pa. E, ikaw? Ano na?

Matagal ko nang gustong mag-blog at magsulat uli. Ang problema, natatakot ako dahil ang dami kong naiisip at hindi ko alam kung alin dito ang uunahin ko.

Paano ba nilulutas ang ganitong problema?

Siguro sisimulan ko sa pagpo-post ng pinakahuli kong naisulat na akda.

Isang tula.

Nakanangtutsa. Tula. After so many years, tula uli. Woho!

Ang pamagat nito ay Tuyot ang Rosas. Check the next entry!







1 like ·   •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 07, 2015 20:22

April 1, 2015

New Dalitext Contest

A Dalitext Contest called Dalit kay Nanay in Filipino language is ongoing! The theme is Make Your Nanay Proud (MYNP). It started last March 15 and will last until Mother's Day in May. This is sponsored by UNESCO-ITI, Radio Balintataw, DZRH and MYNP Foundation, Boy Abunda.

There will be three prizes every week for 8 weeks and all prizes will compete for 3 top winners on Mother's Day. Text entries with your name/age/address to 0915-8983947.

Sali na!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 01, 2015 22:05

February 28, 2015

Mula sa Mambabasang si Joscelle Tan

Magandang gabi po mam Bebang. Ako po si Joscelle Tan, yung unang nagpa-autograph sa inyo kanina sa RTU po. Nag-seminar po kayo dun, at masasabi kong napakasuwerte ko kasi nakita po kita kaso wala tayong picture maam! :( Hehe. 3rd year pa po ako nung matuklasan ko po ang librong Its Mens World. Nung una, curious talaga ako sa title kasi mam kakaiba po eh. Di ako nagdalawang-isip na bilhin yun at ayun nga maam, sobrang relate po ako sa inyo. :D Kaya mam, nung nakita ko yung Nuno sa Puso, nangutang pa po ako ng pera para lang bilhin yun maam :D hehe at ewan ko mam sobrang amaze ako sa inyo, bukod sa maganda ka po eh magaling ka pa po :) sana po mag-seminar po ulit kayo sa RTU kahit na graduating na po ako :D

Sana maam, maituloy ko na po ang pagsusulat kahit nasa dugo ko na po ang katamaran. Hehehehe Ayun lang po maam :D Maraming salamat poo!! God Bless po. :)

I'm happy to meet you, Joscelle! Sana ay araw-araw ka na ngang makapagsulat. Kahit sa diary mo lamang. Magandang training na iyon.

Hanggang sa muli!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on February 28, 2015 04:29

Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.