Bebang Siy's Blog, page 23

October 9, 2018

proposed taglines para sa 50th anniversary ng ccp


1. Sining Kuwenta
a. CCP’s 50th anniversary celebrating the relevance of Philippine Arts
b. Celebrating art that matters in the lives of the Filipinos

2. Ang Sentro bilang Bulawan
3. Gintong Sining
4. Ginintuang Sining at Kultura
5. CCP@50: Gintong Sining, Gintong Kultura
6. Ginintuang Sining: CCP@50
7. CCP@50: Gintong Ani sa Sining
8. CCP@50: Sining na Makabuluhan Para sa Bayan
9. CCP@50: Sining na Bulawan para sa Bayan
10. @CCP@50: Tungo sa Bayan na malikhain at makasining
11. @CCP@50: Limampung taon na paglikha Para sa bansa
12. CCP@50: SIning para sa Bayan Mula sa Sentrong Bulawan
13. CCP@50: Sentro ng Makasining; Tungo sa Bayang Malikhain
14. CCP@50: kabuluhan ng Sentro sa Sining at Kulturang Filipino

ang bet ko ay ang number 1 hehe. kasi wala na yatang ibang arts and culture govt agency na puwedeng gumamit nito dahil wala pa silang 50 years old. hahaa!

sana may magustuhan ang artistic programming committee or si sir chris.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on October 09, 2018 09:56

October 8, 2018

3 small projects

noong oct 6, 2018 sa Medicine Auditorium ng UST, unang beses na nagsalita ako tungkol sa pagpo-propose ng mga literary at book project. ito ay bahagi ng UNIK event ng NSTP Office sa UST. Daghang salamat kina Paul Castillo at C Joie Buena sa pagkakataong ito.

tatlong proyekto ang tinalakay ko:

1. pambansang edukasyong pampanitikan (pep) ng lira na isinilang bilang unang halik sa panitik (katuwang ko rito si Ronald Verzo noong presidente pa siya ng Cavite Young Writers Association at ako naman ay bilang representative ng dagdag dunong project). in-implement ko ito bilang sining ng tugma at sukat noong naging presidente naman ako ng lira. after ng term ko, in-adopt ito ni Phillip Yerro Kimpo na siyang naging presidente ng lira for 3 terms. under his guidance, nag-evolve itong muli at tinawag na pep.

ang proyektong ito ay libreng seminar workshop tungkol sa basics ng Filipino poetry para sa mga guro sa Filipino.

sa dec 8 ay io-offer ng UMPIL (thru Sir Michael M. Coroza) at LIRA (thru Aldrin Pentero) ang ika-36 na edisyon ng proyektong ito na nakapaglingkod na sa mahigit 3000 guro sa buong pilipinas. isa rin ito sa mga dahilan kung bakit nagawaran ng tayo award (ten accomplished youth organisations) ang lira.

2. dagdag dunong project na itinatag namin ng baguio/pangasinan writer na si russell mendoza noong 2006. mumunting proyekto ito na ang goal ay makatulong sa kabataang filipino. si russell ay funder for the first few years, kalaunan ay naging ako, ako rin ang tagahanap ng partners at taga-implement ng projects. na puro maliliit lang. later on, naging advocacy na rin ito ng ex ko, sori di ko papangalanan dito, hahaha, at siyempre, nina Ronald Verzo at Sean Elijah Siy.

ang activities ay:

a. feeding program, free storytelling sessions, free creative writing workshops, at free art workshops sa bahay namin sa kamias, qc, sa barangay hall ng east kamias, qc, marikina city library, sitio bato-bato, taytay rizal, malabon, barangay batasan, commonwealth, qc, san andres, maynila, sa bahay ng nanay kong si Resie Wico sa bamboo organ, las pinas at marami pang iba;

b. libreng UPCAT review sa mga 40 na public high school student sa anonas, qc;

c. libreng matuto sa lakwatsa field trip para sa san andres, maynila at batasan children sa mga cultural na lugar tulad ng mga museo sa marikina;

d. free show o sine gang o pagdadala ng mga lima o anim na bata sa mga libreng sine at palabas, at pagkain, pagkatapos;

e. krismas with kasing-kasing kids (KKK) o pamamasyal ng lima o anim na batang taga- kasing-kasing, kamias sa libreng light show sa ayala triangle, makati, may free dinner pa sa fast food. minsan, nagki-krismas party din kami sa aming bahay.

dumalang ang proyekto after some time. one, natigil ang funding from russell mendoza dahil personal money niya iyon, hello, mahirap ang trabaho niya sa canada, at two, nagkaroon ako ng permanenteng trabaho, ang hirap ng oras. dumating pa nga sa punto na sa bahay na lang at barangay namin ang mga proyekto (kaya isinilang ang krismas with kasing-kasing kids). actually, iyang KKK ang huling nagawa namin for dagdag dunong.

mabuti na lang, during its first year, isa sa mga partner namin, isang writer/teacher na nakilala ko sa LIRA, si Mam Ana Bacudio, ang nagpatuloy ng napakaraming activity for kids sa kanilang garahe sa san andres, maynila. tinawag niyang dagdag dunong reading center ang garahe nila kung saan namin ginagawa ang storytelling at art workshops noon. sinuportahan siya ng buong pamilya sa kanyang ginawa spending from their own pockets, at aktibo sila sa paghahanap ng partners, kaya't patuloy silang nakapagbigay ng mga libreng gawain sa mga bata sa kanilang komunidad. lumawig nang lumawig ang network ni mam ana at ng kanyang pamilya hanggang sa sila ay makarating sa mindoro. doon ay nagtatayo sila ngayon ng dagdag dunong reading center para sa mga mangyan. ang galing, ano? but wait there's more: last week lang, nanalo ang kanilang pamilya ng jollibee family values award special citation for education dahil sa itinatayo nilang dagdag dunong reading centers.

inimbitahan ko ang pamilya ni mam ana sa talk ko sa ust at sila ay nagpaunlak. tinawag ko sina mam ana at sir virgilio bacudio as i discussed dagdag dunong, and there came an audible gasp among the audience. kasi sa audience din nakaupo ang mag-asawa.

proud na proud ako sa narating ng dagdag dunong. simple at maliliit lang na proyekto ang naisip namin dati ni russell. hindi long term, as in, ang usapan namin, one project at a time. ako lang mag-isa before, at si ej. tapos partners na ang iba. sabi ko rin kay russell, dapat sa mga activity namin ay kikilalanin namin ang talino na mayroon na ang mga batang Filipino, kaya naging dagdag dunong ang pangalan nito.

3. book-making workshop with the lumad, ang proyektong ito ay nagmula sa isang malungkot na karanasan ko bilang freelancer. isang dati kong estudyante (sa uste! hahaha) ang nag-imbita sa akin para mag-book making workshop sa mga anak ng empleyado ng kanilang kompanya. umoo agad ako nang malaman kong clear ang sked ko sa araw na hinihingi niya. halloween activity raw nila iyon sa kanilang opis. di ako nagtanong tungkol sa talent fee, nakakahiya, iyan ang sakit ng halos lahat ng writers sa pilipinas, nahihiyang mag-discuss ng fee kapag sila ay iniimbitahan mag-workshop o mag-talk. ako, nag-assume lang ako na meron. sa bgc ang venue, sa isang napakagarang building. nag-taxi ako papunta sa venue dahil marami akong dalang materials for the workshop. pinagdala rin ako ng mga libro ko, at baka raw may bumili. well, walang bumili hahaha, pero nagawa ko nang maganda ang workshop. may output din ang lahat ng bata. bago ako umuwi, tinanong kung magkano ang taxi ko, sinabi ko naman at binigyan ako ng pera para sa taxi. thank you naman ako. pero ayun na yun. wala nang ibang ibinayad sa akin. omg. sobrang nalungkot ako. yung driver ng taxi, willing silang bayaran for his work, pero para doon sa work na ginawa ko... waley. actually, sabi ng dati kong estudyante, may gift daw silang bag. naku, lalo akong nalungkot. paano ko ibabayad sa kahera ng grocery ang regalo nilang bag? puwede ko bang ibayad sa meralco ang bag, tipong bag palit kuryente, plis? depressing, ahahay, sa sobrang lungkot ko, naiwan ko ang ibinigay kong ID sa reception ng building sa ground floor, hahaha, dahil nagmamadali akong lumabas sa sama ng loob ko. until now nasa akin pa ang claim stub. ba't ba kasi di ko nilinaw ang pera-pera na iyan? bakit ba ako pumayag e, mayaman pa sa akin ang mga batang pinaglingkuran ko doon? di nila kailangan ang serbisyo ng dukhang writer na tulad ko. jusko, awang-awa ako sa sarili ko, i swear.

after a few weeks, nabalitaan namin ni poy ang pagdating at pagkakampo ng mga lumad sa lawton, sa may post office. at may mga bata raw na kasama ang mga lumad. napagkasunduan naming magbigay ng libreng book-making workshop sa mga bata. naghanap kami ng koneksiyon. pung! si ina, Katrina Stuart Santiago, ang tumulong sa amin. ang problema, pag-check namin ng supplies, kulang-kulang na ito. hulaan n'yo kung sino ang una kong naisip? si dating student! agad ko siyang piniem at tinanong ko kung willing ba na mag-donate ang kompanya nila ng workshop supplies. yes na yes daw. sa madaling salita, isang araw ay nagkita kami sa mcdo guadalupe para maiabot sa akin ang isang kahon ng bond paper, oslo, gunting, pandikit at krayola. weee! kinilig puwet ko, faith in humanity restored.

pagdating namin ni poy sa kampo ng mga lumad, hinanap namin ang kontak ni ina at dinala kami nito sa isang lugar na may trapal bilang bubong, at trapal bilang sahig. doon daw kami magwo-workshop. a, okey, kako, walang mesa at upuan? waley. okey lang, sige, fight. naranasan ko na ang ganitong set up sa gawad kalinga sa payatas. nakasalampak kaming lahat habang nagtuturo ako ng tula sa limang batang residente.

may nadatnan kaming tatlong lalaki na nakaupo sa trapal. sabi ko sa kontak, 'asan na po ang mga bata? start na po kami. sagot ng kontak, ito po, sabay turo sa tatlong lalaki. omg, matatangkad pa sa akin. no read, no write daw ang mga lumad na iyon kaya, bata ang category nila. huwat, no read, no write? pa'no ko ituturo ang elements of a story for children? ang character? ang setting? conflict? resolution?

lumuwa utak ko sa katangahan ko, e. tangina, bebang, ano ine-expect mo, private schooled na mga bata? nakakapagsulat, in calligraphy pa, ng mga pangalan nila gamit ang glittery markers? sabi sa akin, parating na po ang iba pang bata. maya-maya, nakumpleto sila. may galing sa davao at bukidnon, nakalimutan ko na kung saan galing ang iba. ang pinakabata ay 8 years old. at mahigit isang dosena kaming lahat.

start na kami ni papa p, iyong plano namin na walong pahina na ipapagawa sa bawat bata, nangalahati. tig-aapat na pahina na lang sila. page 1, bida, page 2, problema, page 3, hakbang o aksiyon, page 4, pagwawakas. ang hindi makasulat, pinagdrowing nang pinagdrowing. ganito ang siste: ano o sino ang bida mo? idrowing mo, kulayan mo, ha? bigyan mo siya ng problema. kahit ano, ikaw ang bahala. tapos idrowing at kulayan mo. tapos ito, ano ang ginawa ng bida mo? ok lang kahit ulo lang ang idrowing mo o paa o mata. basta kukulayan mo. pagkatapos, ano ang nangyari sa kanya? idrowing mo, kulayan mo. doon ko na-realize, napakadahop ng salita at ng pagsulat. mabuti at nariyan ang hugis, kulay at imahen. mabuti at nariyan ang sining, naitatawid nito ang gusto nilang isagot sa akin.

lahat sila, nakagawa ng 4 paged book. pinag-present ko sila sa harap. naalala ko ang isa sa tatlong lalaki, isda lang ang laman ng apat niyang pahina. sabi ko, okey lang iyan. iyan ang libro ng mga isda para sa isda at tungkol sa isda. napangiti siya. ang ganda niya kaya magkulay.

masayang-masaya ako na malungkot na malungkot after the workshop. masaya kasi natuloy siya thru the help of my former student. ipinamigay namin sa lahat ng participant ang supplies na galing sa kompanya ng student ko. malungkot kasi wala kaming ni-require na tema pero lumitaw nang paulit-ulit ang death at abuse sa kanilang mga kuwento. halimbawa, isang butterfly ang namatayan ng kaibigan, naghanap siya ng bagong kaibigan sa bagong hardin, sumaya siya, the end. isa pang kuwento, ang bida ay damit, nadumihan siya, ginawa niya ang lahat para malabhan ang sarili, luminis siya uli at sumaya. the end. at isa pa, may bukirin, pinuntahan ng mga buldoser, sinagasaan ang mga puno, nakalbo ang bukirin. the end. ang title ng work niya? plantasyon.

that day, hindi namin alam, may taga abs cbn pala na nagko-cover ng kampuhan. si demerie dangla. ininterbyu niya kami ni poy at inemail niya kami para humingi ng pictures ng event sa balangay.

sa panghuling bahagi ng talk ko sa ust, nag- iwan ako ng tatlong tip sa humigit-kumulang 800 nstp students:

1. look for partners/ funds. mas malayo ang narating ng unang halik sa panitik nang ito ay mapondohan ng ncca at nang marami na ang nakakalabit na partners for this.

2. there's no success without succession. natutuhan ko ang linyang ito sa iso! sa kaso ng dagdag dunong, aksidente lang, di namin pinlano na may magpatuloy ng nasimulan namin ni russell. mas maganda kung pagplanuhan ito para tuloy tuloy ang mga nais mong mga proyekto.

3. be the bridge (from mayaman to mahirap) tulungan mo ang mayaman na makatulong sa mahirap. the end.

at...

ang big, big message ng aking talk na pinamagatang 3 small projects ay... it's okay to think small.

salamat sa pagbabasa!

ito nga pala ang article about book-making workshop with lumad:

https://news.abs-cbn.com/lifestyle/11...
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on October 08, 2018 06:17

September 22, 2018

call for submissions ng vibal, heads up, writers for children!

Do you have any story that you think the kids will love?

Join our pool of award-winning authors and start capturing the hearts of Filipino children! All you need to do is submit an original story that is child-friendly, fun to read, inspiring, and value-laden. You can submit your entries at seugenio@vibalgroup.com and atabuzo@vibalgroup.com from September 12 to December 31, 2018.

For more details, check out these photos.
#Vibal #VibalGroup
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 22, 2018 06:41

September 14, 2018

fillings, feelings

nakikinig ako kay amy winehouse, love is a losing game. si poy nagpakilala sa akin ke amy winehouse. ang husay naman kasi. ganda ng boses, suwabe. sakto timbre ng boses sa lungkot ng kanta, sa lungkot ng mga salita. andito pa ako sa office. may dadaluhan akong event bukas sa mibf, 9am, tapos may mga book signing at talk for the rest of the day. i feel sad, na-trigger yata ako sa talk kanina ni sir ramil digal gulle. he was our speaker for the demons, angels writing workshop na handog na activity ng intertextual division para sa will you still love me festival of arts and mental resilience.

the activity aims to help people to see writing as a way to cope with mental conditions. ang daming ikinuwento ni sir ramil, pati yung experiences niya as a sufferer, inilahad din niya ang meaning ng mga mental health terms like delusions (ako si hesus, ako!), hallucinations (nakakakita ng umiilaw na chippy, nova at iba pang sitsirya, kasinlakas ng ilaw sa concerts), basta ang dami kong natutuhan. ikinuwento rin ni sir ang episode niya when he wanted to commit suicide after an ordinary day in his life. kumakain lang daw siya sa isang karinderya pagkatapos bumili ng mga t-shirt sa quiapo para sa kanilang arnis group. walang special reason, at all. tas habang kumakain siya, nagdesisyon na siyang magpakamatay, pinlano niyang gawin ito sa mataas na connecting bridge sa moa, so bumiyahe pa siya pa-moa, imagine? kakaiba pala, ano? hindi pala extreme feelings ang biglaan mong mararamdaman kapag naiisip mong magpakamatay. mabuti na lang daw pagdating niya sa bridge ay sarado ito. dahil may magaganap doon na malaking event. hinarang siya ng guwardiya. pero di raw siya nagpaawat agad. umikot siya at sinubukan niyang lumusot sa ibang daanan para makarating pa rin sa bridge. ayun, awa ng diyos, sarado lahat at may guwardiya. kasi nga, may malaking event. natatawa si sir habang nagkukuwento, pero i know, he was serious at talagang naranasan niya iyon.

this session reminded me of my own decision to take my own life when i was just 13. taena, i know sobrang madrama at parang hindi ako, ano? well, friend, ganon talaga, your 13 year old self is the stupidest teenager that you will ever meet in your whole life. ano ginawa ko non? uminom ako ng isang banig ng gamot, biogesic yata pero medyo green e, at pake-pakete ng vitamins. marami iyon, kasi naalala ko, inilagay ko ang mga ito sa ilalim ng mga damit ko. at na-cover ng mga ito ang lapad ng cabinet ko. ganon karami. bago ko ininom ang mga ito, nagsulat pa ako ng suicide note. sabi ko sori tapos sabi ko mahal ko kayo tapos inisa isa ko si daddy, si colay, pinsan kong sina dona, loraine, jo at iba pa. iyak ako nang iyak habang sinusulat ko ang mga iyon. how did i come to that point? i was having problems with my dad dahil hindi ko makasundo ang stepmother ko. lagi ko ring kaaway noon si colay, si colay who had her own room at that time, the fuck di ba samantalang ako ang panganay. sobrang lungkot lang, and i felt wala namang mawawala kung wala ako. i mean, intact lahat ng mundo nila ke naroon ako o wala. walang difference, walang kuwenta ang presence ko. i also had nothing to achieve, i mean, wala akong goal at that time. baka mid-school year kaya walang kailangang gawin o tapusin. wala namang makakahalata kung wala ako, kasi tatay ko, minsan di naman kami sinisilip, ang busy niya sa buhay niya. nanay ko, wala, kasalukuyang nagpapakamatay sa pagkayod para ipambuhay kina ancha, kim at sa bago niyang baby na si budang. stepmother ko, sobrang nosy wala sa lugar, di ko naman nanay. mga pinsan ko, busy sa sarili nilang buhay. ganung feeling.

so pagdating ng gabi, mga 8 siguro, kinain ko isa-isa yung mga gamot at vitamins. pop, lagok, pop, lagok, tapos humiga na ako. tapos tulo lang nang tulo luha ko. sakit dibdib ko. bigat-bigat. putcha, thirteen, would you believe?

of course, di pumasok sa isip ko na magsu-survive ako! nagtaka ako na nagising ako. bakit? naiiyak ko na lahat ng iyak ko, a. at bakit parang ang lakas ko pa nga at ang aliwalas na ng lahat. hindi gumana ang mga gamot? kulang? epic fail ang suicide.

at thirteen.

sobrang naeeskandalo ang present self ko! haha! putcha, pano kung nategi ako doon, ano na lang, wala na, the end na kuwento ko? sad, sobra. at ang tanga, sobra. suwerte ko talaga hindi ako namatay. after that, hindi na ako nagtangka pa kahit kailan. naglayas ako, nakipagsagutan ako sa nanay ko, nabuntis ako, pero hindi na ako nagtangkang mag-suicide. kanina, naungkat sa alaala ko ang eksenang ito tapos nangilid luha ko. huy, sobrang bonus lang talaga na nabuhay ako, meron akong suspetsa na hindi naibsan ang lungkot na naranasan ko that day. nandito lang ito somewhere sa dibdib ko. im just too busy to let it take over. im too busy to remind myself that i've came a long way na pala. congratulations, buhay ka pang tangina ka. so kanina during the session, narealize ko, baka kailangan ko lang pala talagang isulat ang mga nararamdaman ko. paisa-isang salita. hanggang sa mailabas ko itong lahat.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 14, 2018 12:17

September 2, 2018

information tungkol sa ISBN at ISSN for 2017

available sa national library ang listahan ng books at publishers na may isbn at issn for 2017. para sa mga nangangailangan nito, go na sa NLP.

ito ang kanilang contact details:

National Library of the Philippines
c/o Mrs. Nina B. Fronda
Chief, Bibliographic Services Division
T.M. Kalaw St., Ermita, Manila
Tel. No.: 336-7200 loc. 406-407
Email: isbn@nlp.gov.ph
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 02, 2018 23:53

August 30, 2018

lila, mga tula update

may cover na ang lila, koleksiyon ng mga tula, an all women thing. salamat, universe, sa pagkatok sa puso ng mga tao na sumusuporta sa proyektong ito.

excited na ako, grabe. what... 6 years in the making yata ang librong ito.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on August 30, 2018 23:59

mga akda ni beverly siy

Pamagat, taon ng publikasyon, publisher, genre, pangalan/sagisag panulat

Mingaw, 2006, Philsprint Publishing, nobelang erotika, Frida Mujer

It's A Mens World, 2011, Anvil Publishing, koleksiyon ng mga sanaysay, bebang siy

Marne Marino, 2013, LG & M, imprint ng Vibal Publishing, librong pambata, beverly siy

It's Raining Mens,2014, Anvil Publishing, antolohiya ng mga akda, bebang siy

nuno sa puso pag-ibig, 2014, Visprint, Inc., koleksiyon ng mga advice column, bebang siy

nuno sa puso relasyon, 2014, Visprint, Inc., koleksiyon ng mga advice column, bebang siy

paper towns, 2015, National Book Store, Inc., salin sa Filipino ng isang nobelang Amerikano, beverly siy

pukiusap, 2018, Pride Press, imprint ng Anvil Publishing, salin sa Filipino ng isang swedish graphic non-fiction book, bebang siy


 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on August 30, 2018 08:57

August 29, 2018

kaganapan ng pagiging guro sa pagsulat ng akdang pambata

meron akong 4 to 8 steps na itinuturo kapag ako ay nagpapa-children's story and book-making workshop. sobrang simple itong steps na ito. tipong kaya siyang gawin ng 7 or 8 year old kid.

sa tagal ko itong ginagawa, feeling ko, dead end ang proseso. feeling ko, kailangan ko na itong baguhin, kasi parang wala namang nakakatuloy into a full blown children's story sa mga bata at matanda na binigyan ko ng workshop o tinreyn ko gamit ang steps na ito.

until i facilitated the mulat sulat project by CYAN, Rogerick Fernandez and Exequiel last weekend in QC. me lima kataong nakatapos ng tig-iisang buong kuwento for children, na tumatalakay sa LGBTQ.

but wait there's more...

AND UNTIL Mark Norman Boquiren SENT ME A PM THIS AFTERNOON!!!

Sabi niya, ang ilalabas niyang librong pambata sa MIBF ngayong Setyembre ay produkto ng story and book-making workshop ko a thousand of years ago. sinong makakalimot sa Texsakto na inorganisa ni Wennie Fajilan?

oh em, sobrang saya ko talaga na mabalitaan ito kanina. may natutuloy naman pala.

o, bili na ng librong Bumbilita!

para sa panitikan, para sa bayan.



Abangan po ninyo ang aming bagong librong pambata na "BUMBILITA" sa darating na 39th Manila International Book Fair mula September 12-16 sa SMX Convention Center - SM Mall of Asia! :)

Kuwento ni Mark Norman Boquiren / Gawa-gawa ni Norman Boquiren
Ilustrasyon ni Ito Chua / Art of Ito Chua
Pabliser: Lampara Books
Isinalin sa Ingles ni Boots Pastor

*Pasasalamat din kay Ms. Beverly Wico Siy dahil ang kuwentong ito ay awtput mula sa worksyap noon sa pagsulat ng kuwentong pambata sa "TEXTsakto" sa UP Diliman. :)

Takits po Tayo! :)
#BatangLampara
#39thManilaInternationalBookFair
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on August 29, 2018 23:57

August 18, 2018

Siyam na Awtor na Nagsusulat sa Wikang Filipino- artikulo para sa CNN Philippines

Ngayong Buwan ng Pambansang Wika, malugod kong inirerekomenda ang mga manunulat na ito na masugid na nagsusulat sa wikang Filipino.



1. Lualhati Bautista



Ang pinakaastig na manunulat noon hanggang ngayon.



Opkors, sinong Filipino ang hindi nagdaan sa mga akda ni Mam Lualhati? I am so sure nakabasa ka ng at least one book na gawa niya. Nariyan ang mga classic: Bata, Bata, Paano Ka Ginawa? Dekada 70, ‘Gapo, at Bulaklak sa City Jail. Ang kanyang latest books na siya mismo ang naglathala sa pamamagitan ng Dekada Publishing ay ang mala-sci fi/spec fic na In Sisterhood Lea at Lualhati kung saan nag-uusap ang character niyang si Leah Bustamante at siya, ang manunulat, at ang Sixty in the City, isang nobela tungkol sa pagiging babaeng senior citizen.



Matapang ang kanyang panulat na kadalasang tumatalakay sa mga seryosong isyung panlipunan. Pero bakit nga ba siya binabasa nang marami? Simple lang, magaan basahin ang wika sa kanyang mga akda, napaka-honest ng kanyang mga tauhan pagdating sa pagpapahayag ng damdamin.



2. Maine Lasar

Ang wonder girl ng panitikang Filipino. Si Maine ay taga-Batangas, nag-umpisa siya sa blog at Wattpad (justmainey ang pangalan niya), at doon niya hinamon ang sarili na magsulat ng nobelang mananalo ng Palanca award. At nanalo nga ang isinumite niyang Toto O. bilang grand prize winner sa nobelang Filipino sa Palanca, ang pinaka-prestigious na creative writing contest sa Pilipinas. Ordinaryo at simple ang paraan ng pagkukuwento ni Maine. Pero umaapaw sa katotohanan at malalalim na kislap-diwa ang kanyang mga akda, kaya before you know it, nasa dulong pahina ka na ng kanyang libro.

Speaking of libro, narito ang kanyang mga akda: Quantum Meruit mula sa Psicom, AB Initio mula sa LIB, Sa Kasuluk-sulukan ng Kalye Padrelima mula sa Balangay Production, Toto O. mula sa Pagejump Media at A Legal Affair mula sa ABS-CBN publishing.

3. Almayrah Tiburon



Ang tinig ng Marawi. Si Mam Mye Tiburon ay isang guro sa Mindanao State University Main Campus. Napaka-produktibo niyang manunulat sa sariling wika, ngunit higit lalo sa wikang Filipino. Kahit nang panahon na nililigalig ng dahas ang Marawi, patuloy siyang nagsusulat, nagpo-post sa Facebook at ina-update ang lahat sa kalagayan ng mga kababayan natin sa bahaging ito ng Mindanao. Buntis pa siya nang lagay na iyon!



Ang wika niya ay malinaw , napakahusay din niyang maglarawan sa sari-saring mga tao.



Ang kanyang koleksiyon ng mga maikling kuwento ay pinamagatang Terminal 1 at Terminal 2 na available sa Buqo bookstore, isang tindahan ng mga digital book. Hitik ito sa pananaw, buhay at kultura ng mga Meranaw. Ang kanyang akda ay matatagpuan din sa Laoanen 1 at Laoanen 2 na inilathala ng all-women Gantala Press, Inc. Si Bb. Tiburon din ang special editor ng Antolohiyang Marawi sa loob ng Ani 40, ang literary journal ng Cultural Center of the Philippines (CCP).



4. Bob Ong



The Bob Ong. Weirdo ka kung hindi ka pa nakakabasa ng kahit isa sa labing-isang libro ni BO. Naku, this guy deserves a lot of credit. Dahil sa kanya ay sumigla uli ang pagbabasa ng kabataan sa librong nakasulat sa wikang Filipino. Imagine, ang kabataan, nag-iipon para lang makabili ng libro ni BO? Kahit si Rizal, di iyan na-achieve, ha? (Dahil sigurado akong pera ng magulang ang ipinambibili ng kabataan sa mga kopya nila ng Noli at Fili.)



Dalawa ang paborito ko sa kanyang mga libro: Stainless Longganisa na tungkol sa pagsusulat, pagkamanunulat at publishing industry sa Pilipinas, at Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang Mga Pilipino? na tungkol naman sa identidad, politika at kultura ng ating bansa.



Bukod sa conversational ang Filipino ni Bob Ong, very experimental din siya sa kanyang mga sulatin. Lagi niyang sinosorpresa ang mambabasa, mula sa paksa at himig hanggang sa book design. Alam n’yo ba na isa rin siyang translator? Isinalin niya sa Filipino ang The Witcher, isang akda mula sa Poland. Ang pamagat nito ay Ang Manggagaway na siya ring pamagat ng buong libro. Koleksiyon ito ng mga kuwento mula sa Central Europe na isinalin sa wikang Filipino at inilathala ng Visprint, Inc.



Narito ang iba pang libro ni BO na available sa Lazada at sa major bookstores nationwide: ABNKKBSNPLKo, Alamat ng Gubat, MacArthur, Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan, Lumayo Ka Nga Sa Akin, Ang Paboritong Libro ni Hudas, Kapitan Sino, Si, at 56 (ang kanyang latest). Kompleto ka ba ng Bob Ong Books?



5. Maki dela Rosa

Ang makata at mandudula. Si Maki dela Rosa ang nag-iisang babaeng playwright na tampok sa Virgin Labfest 2018 ng CCP. Gustong-gusto ko ang one-act stage play niyang Labor Room dahil sinasalamin nito ang mga nanay na siyang pangunahing mga tauhan sa kanyang dula: pagkaingay-ingay, magulo, marumi, pero laging open arms sa pagtanggap ng batang bagong panganak. Ang nauna niyang dula, Ang Mga Bisita ni Jean, na tungkol naman sa mga aktibistang hindi na aktibo sa kilusan ay nalathala sa ikatlong antolohiya ng Mga Piling Dula mula sa Virgin Labfest na inilathala ng CCP. Mayroon siyang isang aklat ng mga tula, ang Hanggang Doon Na Rin Lang, na inilathala ng grupo ng manunulat na Kataga.

Nakakasabik mag-abang sa mga susunod na akda ni Maki dela Rosa dahil para itong galaw ng asoge, unpredictable.

6. Christine Bellen

Ang modernong Lola Basyang. Isang guro sa Ateneo si Mam Christine at awtor ng mga akdang pambata. Siya rin ang nag-retell ng sangkaterbang kuwentong pambata ni Severino Reyes, ang ama ng sarsuwelang Tagalog, at mas kilala bilang Lola Basyang. Yes, lalaki si Lola Basyang!

Dahil sa masinsin na research at maingat na pagpili ni Mam Christine kung ano sa 400 kuwento ni Severino Reyes slash Lola Basyang ang kanyang ire-retell, napalutang niya ang pinaka-exciting na mga akda ni Lola gaya, ng Rosamistica, Ang Prinsipeng Unggoy, Ang Kapatid ng Tatlong Marya, Labindalawang Masasayang Prinsesa , Ang Mahiwagang Kuba at Pandakotyong. Ito ay inilathala ng Anvil Publishing bilang mga libro at ginawang fantaserye ng GMA 7.

Sa paggamit ni Mam Christine ng angkop na Filipino para sa kasalukuyang henerasyon, napamahal uli si Lola Basyang sa mga bata. Muli niyang binuhay ang mundong ikinukuwento ni Lola: malalayong lupain, mga hari at reyna, prinsipe at prinsesa, maging ang salamangka, mahiwagang mga nilalang, at paglalakbay sa kung saan-saan.



7. Manix Abrera

Komikero sa isip, sa salita, at sa gawa. Si Manix ay manunulat at visual artist na naninirahan ngayon sa Baguio. Siya ang kumatha ng komiks na Kikomachine sa diyaryong Philippine Daily Inquirer. Umabot na sa isang dosena ang compilation nito na nilathala ng Visprint sa anyo ng mga libro. Kinakatawan ng mga tauhan ang college students sa Pilipinas kaya sa mga libro ni Manix ay witty and contemporary ang wikang Filipino. Pareho kami ni Manix na mahilig magpatawa sa pamamagitan ng mga akda, at sa tunay na buhay. Oooh... rakenrol.

Kumatha rin siya ng wordless graphic novels, ang 12 at ang 14. Wala itong teksto o wika. Nada, as in zero. Iyon nga, title lang ang mayroon, tulad ng Mga Tagpong Mukhang Ewan at Kung Ano-ano pang Kababalaghan, at Die! Die, Evil, Die! Puwede bang mag-judge ng book kung title lang ang alam natin? Puwede! Available ang mga libro ni Manix sa NBS at sa Lazada.

8. RM Topacio Aplaon

Kontemporanyong nobelista. Minsang nakakuwentuhan ko si RM tungkol sa pagsusulat, napahanga ako sa vision niya sa kanyang mga akda. Ang libro niyang Lila ang Kulay ng Pamamaalam na inilathala ng University of the Philippines Press ay ikatlo lang pala sa pitong nobelang magkakadugtong na ang sentro ay lungsod ng Imus sa lalawigan ng Cavite. Shit, may sumusulat pa ba nang ganyan ngayon? Ang tindi ng stamina. Ang tindi ng disiplina. Ang tindi ng haraya.

Magaang basahin ang Lila. Tama lang dahil napakakapal ng librong iyan na tungkol sa pag-ibig at pamamaalam. Enough said. Basta, mabilis lang ang pagbabasa. Pero kung gaano kagaan ay siya namang lungkot ng hagod ng bawat pangungusap. Kung may kaaway ka’t gusto mong paiyakin, regaluhan mo siya ng Lila.

Ang latest book ni RM ay Muling Nanghaharana ang Dapithapon, handog pa rin ng UP Press.

9. Jerry Gracio

All-around-lahat-na-you-already kind of writer. Si Sir Jerry ay isang makata, scriptwriter, essayist, manunulat ng memoir at… lover. Ipinanganak siya sa Tondo, pero lumaki sa Mondragon, Northern Samar, at ngayo’y naninirahan sa Valenzuela.

Ilang tula sa mga libro niyang nasa wikang Filipino ang nabasa ko. Ito ay ang Aves at ang Apokripos, parehong mula sa UP Press. Ang wika ni Sir Jerry ay masasabi kong intimate at accessible. Para ka lang nakikipagkuwentuhan sa kaibigan, pero ito iyong kaibigan na gusto mong saluhin ang lahat ng sinasabi sa iyo, dahil walang tapon, maski isang salita. Hiyas ang isa, hiyas ang kabuuan.

Hanga rin ako sa range ng kanyang panulat. Kayang-kaya rin niya ang pangkomersiyal na mga akda gaya ng teleseryeng The Greatest Love (2016) at pelikulang Talong (1999) hanggang sa historikal na Balangiga: Howling Wilderness, na humakot ng parangal sa FAMAS kabilang na ang Best Original Screenplay.

Ang isa pang libro ni Sir Jerry ay Waray Hiunong Sa Gugma (Walang Tungkol Sa Pag-ibig) mula sa Ateneo de Naga University Press. Mga tula ito na orihinal niyang isinulat sa Waray at isinalin sa Filipino. Narito naman ang kanyang latest, mainit-init pa mula sa imprenta: Bagay Tayo (sanaysay at memoir) at Hindi Bagay (tula) mula sa Visprint. Itong Bagay books, ayon sa isang mambabasa, ay tungkol sa pag-ibig na walang kasarian. Nakabili ako nitong huli during the Philippine Readers and Writers Festival 2018 sa Raffles Hotel, Makati. Excited na akong buklatin ito upang ako ay umani ng hiyas.



Ito na ang dulo ng listahan, my friend. Napakarami ko pa sanang gustong isama. Pero in the meantime, sa palagay ko, marami-rami ka nang hahanapin at babasahing libro na nasusulat sa ating wikang pambansa. Hanggang sa muli, maligayang pagbabasa!

Kung may tanong, komento o mungkahi, makipag-ugnayan kay Beverly Siy sa beverlysiy@gmail.com o sa 0919-3175708. Nalathala ang artikulong ito sa CNN Philippines noong 17 Agosto 2018 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Ito ang link: http://cnnphilippines.com/life/cultur.... Salamat kay Bb. Portia Ladrido para sa pagkakataon na makapagsulat at makapaglathala sa CNN Philippines.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on August 18, 2018 05:55

August 16, 2018

Translating for the Millenials

ni Bebang Siy

1. Gamitin ang wika ng millenials, ang wika ngayon.

Basahin ang posts nila sa social media para magkaroon ng idea kung paano sila magsalita, kung paano silang mag-construct ng pangungusap, kung paano sila mag-express ng feelings tulad ng tuwa, inis, frustration, at iba pa, kung paano sila makipag-usap sa mga kaibigan nila, kung paano sila mag-express ng opinyon, kung paano silang magtanggol ng sarili at kung paano sila mag-isip.

BFF, bromance, pakshet- Pukiusap
Mun’tanga- Paper Towns
Yayamanin- Manggagaway
Magaspang siya- naging pronoun na ang isang bagay.
Kayo ba? –para siyang code ng isang kultura.

Bakit ang wika ngayon ang aaralin at gagamitin natin sa ating salin?

Kasi ang salin na gagawin natin ay hindi ang huling salin ng isang akda. Huwag tayong masyadong mayabang, hindi lang tayo ang makakapagsalin ng akda na iyan. So huwag na nating problemahin kung maiintindihan ba ng ibang generation ang ating salin. We are translating for the millenials, focus muna tayo sa kanila dahil tayo ang magsasalin para sa kanila.

2. Minimal editing is ok.

Hindi totoong neutral ang mga salin or faithful ang mga salin. Laging mayroon kang pinapanigan dahil sa pagpili pa lamang ng mga salitang gagamitin, may pinapanigan ka na. So, use this power responsibly.

Noong road trip scene sa Paper Towns, nagmamadaling makabalik sa minivan ang bidang si Q at ang mga kaibigan niyang sina Lacey at Ben. Tumalon si Q at bumagsak sa mga plastic bag at kandungan ni Lacey. Inedit ko ito at ginawang sa paanan ni Lacey. Para sa akin, unnecessary ang pagsasalin ng kandungan dahil sa kultura natin, napaka-seksuwal ng salitang kandungan. May landian o seduction na nagaganap. Sa partikular na eksenang iyon ay wala, at hindi rin mahalaga kung may sexual tension nga sa eksenang iyon sa pagitan ni Q at ni Lacey, ang jowa ng bespren niyang si Ben.

Sa karanasan ko naman sa editing, isang one-act stage play na pinamagatang Mula sa Kulimliman sa librong VLF Anthology 3 ang pinalitan ko ng isang salita dahil nagpo-promote ito ng gender stereotype. Sa tingin ko ay wala naman ito sa intensiyon ng playwright na si Carlo Vergara.

Ang orihinal na linya: Pero habang wala ako, ikaw ang lalaki sa bahay. Ibig sabihin, dapat binabantayan mo ang nanay mo, at dapat inaayos mo ang pag-aaral mo.

In-edit ko: Pero habang wala ako, ikaw ang nandito sa bahay. Ibig sabihin, dapat binabantayan mo ang nanay mo, at dapat inaayos mo ang pag-aaral mo.
Sa Paper Towns, ang original na linya ng bidang si Q: she’s just a girl!

Paano ko isasalin ito? Babae lang siya! Batang babae lang siya! Isa lang siyang batang babae! Isa lang siyang babae!

Mali, e. Dahil hindi naman minamaliit ni Q ang pagiging babae ni Margo, ang girl na tinutukoy sa pangungusap. So, inaral kong maigi kung bakit nga ba ito nasabi ni Q sa bahaging iyon ng nobela. Binalikan ko ang mga chapter before that line. Sinuri ko ang relasyon nilang dalawa, ano ang damdamin ni Q kay Margo nang sabihin niya iyon, ano ba si Margo, bakit siya masasabihan nang ganon? Ano-ano ba ang mga ginawa niya sa nobela?

At napagtanto ko na kaya nasabi ni Q iyon ay dahil sobra ang paghanga niya kay Margo, nago-glorify niya ito at ang mga aksiyon nito nang hindi siya aware o malay. At galit na galit siya dito kasi hindi niya maintindihan si Margo. Bakit hindi niya maintindihan si Margo? Dahil mali ang pagtingin niya rito. Kaya napabulalas siya ng she’s just a girl, it was a wake up call. Tao lang si Margo, tulad niya, tulad ng mga kaibigan niya, tulad ng lahat.

Kaya iyon ang salin: tao lang din si Margo.

3. Aralin nang mabuti ang tone o himig ng orihinal na akda.

Isalin pati ang himig. Kung sarkastiko ang orihinal, sarkastiko rin dapat ang salin. Kung naaasar, dapat gayon din sa salin. At kailangan, sarkastiko at pagkaasar na mula sa kultura ng target reader, hindi mula sa kultura ng orihinal na akda.

Mula sa Pukiusap:
Juice colored, hindi ko kaya PMS ng Lolo Plato mo!
Sinabi mo, ganyan din si Socrates, paupo-upo lang buong araw, reklamo to the max, nguyngoy dito, nguyngoy doon! (page 123)

Tangina this! Ang ine-expect ko, walang panlabas na sex organ ang babae. Ba’t eto, meron? May panlabas na sex organ ang babae!!!

4. Pulsuhan ang pacing ng orihinal na akda.

Sa Pukiusap, magkakapantay-pantay ang bawat chapter. Explosive lagi, may sari-sariling climax ang bawat chapter. Hindi siya “nagpapahinga.” Kaya sa pagsasalin ko, sinasabayan ko ang pagratrat din niya.

Sa Paper Towns, bihirang nagmumura ang bida. At sa unang banggit ng bullshit, galit na galit na ang bida. Kaya nang isalin ko ito ay putangina. Dahil ito na ang rurok ng galit ng bida. Climax na.

5. Gumamit ng reliable na sources, lalo na kapag may special set ng terms.

Halimbawa nito ay ang reproductive system para sa Pukiusap. Ang ginamit ko bukod sa mga diksiyonaryo tulad ng UP Diksiyonaryong Filipino ay ang librong Kapag Walang Doktor ang Kababaihan, isang reference book para sa kababaihan mula sa mga 3rd world na bansa. It is a medical book that also tackles social issues like poverty, social discrimination, etc. pagka-graduate ko sa college, napasok akong writer/researcher sa isang NGO for women. Dito ko unang nakita ang libro, so 2003 iyon, so mga 15 years ko nang kilala ang libro at hindi nagbago ang reliability nito pagdating na sa reproductive health terms.

Puke for vagina
Tinggil for clitoris
Pisngi
Labi
Puwerta o butas ng puke
Butas para sa pag-ihi

6. Mind your basics.

Last year, I attended the PRWF session about writing genres that have emerged in the Philippines. Ang speakers ay puro millenials like the writer of Vince, Kath and James and Maine Lasar, the very young writer who started in Wattpad, and later on when she joined the Palanca, nanalo siya ng grand prize sa nobela.

Batay sa kanila, napaka-harsh ng millenial readers pagdating sa maling spelling, bantas, grammar. Sa mundo ng Wattpad, pinupuna raw talaga ang mga ito. Ija-judge ka agad, iba-bash at ipo-post ka hanggang maging viral ka, sama-sama ka nilang lalaitin at pagtatawanan.
Bakit? Dahil may means sila to do it. Hindi ito personal. They just have the means to do it kaya nila iyan ginagawa.

Sa Paper Towns, na-bash ang gawa namin dahil medyo pangit ang quote na napili ng National Book Store para i-promote ang libro. Na-judge na tuloy ang buong libro.

Ipabasa sa iba ang gawa natin para maiwasto na ang dapat iwasto. Basahin uli ang finished product para maipawasto ang dapat maiwasto. Sa Pukiusap ay may isang naputol na sentence! O nawala ang last letter dahil siguro hindi na kasya sa speech balloon.

7. Piliin ang translation projects.
Isalin natin ang mga akdang wala pa rito, isalin natin ang akdang innovative sa content at form. Isalin ang mga akdang makakatulong sa atin bilang tao at isang bayan.
Ituring natin ang husay natin sa pagsasalin bilang yaman ng Pilipinas. Pag ganito tayo mag-isip, magsasalin ba tayo ng basura? Bakit tayo magsasalin ng sandamakmak na erotika o romance novel kung mahuhusay naman ang sarili nating erotika at romance novels? Bakit uunahin ang magsalin mula sa ibang bansa kung mayroon tayong mga akda na magaganda, makabuluhan at nangangailangan ng pagsasalin sa wikang pambansa?
Alam n’yo ba na mas marami tayong national artist for literature na nagsusulat sa Ingles? Puwede nating umpisahan ang pagsasalin sa kanila sa sarili nating mga wika.
8. Ipabasa sa target reader ang draft mo.
Ipinasalin ko sa Ingles ang IAMW sa isang lalaking manunulat na kaedad ko. Pero ipina-edit ko ito sa dalawang lit graduate na millenial para ma-check kung ok sa millenial ang pagkakasalin at ang language, siyempre. Nagbayad ako. In short, paglaanan natin ng resources ang manuskrito ng salin. Hindi porke salin iyan ay hindi natin siya aalagaan.
Ang salin ng Paper Towns ay ipinabasa namin sa teenager naming anak. He was 4th year high school at that time, mag-je-JS prom din! Nakakatuwa nga kasi coincidence. Isang napakaimportanteng bahagi ng Paper Towns ang JS prom. Wala namang violent reaction ang anak kong si EJ sa salin namin! Awa ng diyos!
Unfortunately itong Pakiusap, I did not have the time to have it read by a millenial. Pero kung nagkaroon ako ng pagkakataon, ipapabasa ko ito sa kanila at hihingiin din ang kanilang opinyon.
9. Huwag matakot mag-imbento ng salita.

Nakokornihan ako sa faithful na salin ng Forbidden Fruit, ang salin sa Ingles ng orihinal na title sa Sweden. Ang options ko ay: Bawal na Bunga, Bunga na Bawal, Ipinagbabawal na Prutas, Ipinagbabawal na Bunga. Lahat iyan, bagsak sa akin. At ayaw ko sanang i-propose pero kailangan kong bigyan ng options ang publisher.

A year ago, nagbabalak akong magpublish ng koleksiyon ko ng mga tula. Mga 20 taon kong naipon ang aking mga tula. Ang naiisip kong title ay Pakiusap, na siyang title ng isa kong tula tungkol sa mingaw para sa mangingibig. Tapos, naisip ko na masyadong seryoso kung ang title ng libro kong ito ay Pakiusap. Hindi bagay sa buong koleksiyon dahil hindi naman lahat ng tula ko roon ay malungkot. Nag-post ako sa FB, sabi ko, ang susunod kong libro ay Pukiusap ang pamagat. Bumili kayo!

Nagkatotoo nga, ito nga sumunod kong libro. Bagay na bagay, ano? Word play ng pakiusap at sa buong libro ay hinayaan ngang makipag-usap o makipagdiyalogo ang puki.

Ang point ko, ‘wag matakot mag-imbento ng salita kung sa tingin natin ay hindi sapat ang mga salitang available para maipanumbas sa orihinal na teksto. Makipaglaro sa wika.
Mula sa Paper Towns:

Meron na kaming supplies. Marami nang maiihiang bote si Ben. Meron na akong rasyon ng beef jerky. Hawak na ni Lacey ang Mentos niya. May t-shirt na sina Radar at Ben, ipinatong nila ito sa sa kanilang gown. Nagmistulang isang biosphere ang minivan –basta’t may gas, lalarga lang kami. Magpasawalanghanggas. Amen.

Kahit sa original works, i-apply ito. Narito ang mga title ng book ko:
a. It’s A Mens World, play siya sa word na mens na dalawa ang kahulugan: regla at mga lalaki, and at the same time, sikat siyang statement sa Amerika, meaning, ang lahat ay ginagawa nang lalaki ang nasa isip bilang beneficiary, kaya mas lumalaki ang advantage ng lalaki sa lipunan na ito.
b. It’s Raining Mens, play din siya sa word na mens bilang regla at mga lalaki, and at the same time ay pagbibigay-pugay siya sa kantang it’s raining men ng spice girls.
c. Nuno sa puso, word play siya sa pangalan ng mythological creature sa Pilipinas na nuno sa punso, isang maliit na matanda (kaya nuno, ninuno) na naninirahan sa punso (anthill), iginagalang ito, kaya tayo nagtatabi po, nuno, kapag naglalakad sa mahalaman na lugar, dahil ayaw nating magalit siya. At pinaniniwalaan na may kakayahang manglansi ang nuno kapag ito ay ginawan ng masama. Ang libro ko naman ay tungkol sa pagiging wisdom o pagiging mature o matanda pagdating sa love, sex at relationship. Kaya nuno sa puso.

May naiisip pa akong libro na pamamagatan kong Titikman, tungkol ito sa isang superhero ng mga book lover, siya ang nagre-rescue sa mga book lover na nasa mahirap na sitwasyon. Halimbawa, kapag ang book lovers ay napagsarhan ng library, nahihirapang maghanap ng libro, may librong kailangang ipadala sa mga remote na baryo sa Pilipinas. Matalino si Titikman, mahilig magbasa, adik din sa books, mahilig magsulat ng love letters, magandang kausap, at higit sa lahat, medyo bastos. Titikman. Perfect.


1 like ·   •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on August 16, 2018 07:38

Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.