Bebang Siy's Blog, page 25

November 15, 2017

Hinggil sa Librong Mga Sugat ng Naligaw sa Gubat ni Emmanuel Velasco

Ang sarap basahin ng mga tula ni Emmanuel Velasco dahil napakaelegante ng kanyang wika. Parang nababalutan ng brilyante ang bawat taludtod, kahit pa ang mga ito ay tumutukoy sa baha, bagyo, gera at berdugo. Kaya't matututo kang tingnan ang tunay na mahalaga sa di magandang pangyayari. Kaya't matututo kang ipagbunyi ang bawat sandali. Ang librong ito ay isang guidebook kung paanong harapin ang kirot, hilakbot, kamatayan at lalong-lalo na ang katotohanan. Samahan ang makata sa pagtupad ng kanyang pangako: ako ang lilikha ng panganay na gatla sa iyong mayuming mukha.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 15, 2017 07:13

November 3, 2017

Overnight sa Sementeryo

Di ko na alam ang gagawin kay Colay. Huli kaming nagkita noong October 31 hanggang umaga ng November 1, dinalaw namin si Dadi sa sementeryo. Kasama namin sina Incha, Dilat, Kagome, Noah, Iding at Bianca.

Ang meeting place namin ay Jollibee Kabihasnan. Mga 1.5 hours kami roon dahil itong si Colay ay huli nang pinahabol si Noah. So habang naghihintay, kumain muna kami, tutal ay kabi-birthday lang ni Iding. Iyong dala kong gamit na kandila sa birthday cake ni Gene ang itinundos ko sa tatlong cupcake na binili ni Incha sa kaibigan niya that same night. Tapos nagkantahan kami ng happy birthday. Saka kumain.

Habang kumakain ay dumating si Noah. Nag-order na rin ito at sumabay sa amin. Di ko siya masyadong nakasalamuha noong birthday ni Ayin, mabuti rin at nakita ko sila ni Iding ngayon. Maporma ang dalawa. Akala mo ay tipikal na teenager, walang problema. Naka-t-shirt, maong at rubber shoes. Si Iding, makapal na silver ang kuwintas, ang gara ng relo, bago ang rubber shoes, puti. Si Colay, ampayat na naman, mukhang haggard, mukhang hindi pa naliligo. Naka-t-shirt at shorts, tsinelas. Walang dala kundi isang payong. Parang wala ring dalang wallet o coin purse. Meaning, wala siyang kapera-pera.

Pagkatapos kumain, ibinalot niya sa wrapper ng kanin ang mga buto ng manok. Para daw sa mga alaga niyang pusa. May natira din siyang kanin, ibinalot din niya ito, tapos, inutusan niya si Iding na humingi ng plastik sa counter. Sa plastik niya inilagay ang mga ibinalot. Sabi ni Incha, te, bawal yan. Napalingon ako. Nag-angat ng tingin si colay habang nakangiti sa amin. Sabi niya, bawal ba? Dahan-dahan niyang inilabas ang isang kutsara na mabilis pala niyang ipinasok din sa plastik.

Sabi ko, kung kailangan mo niyan, bibilhan kita. Di umimik si colay. Alam ko, nahiya siya sa kanyang ginawa. Di ko alam kung bakit niya ginawa iyon. Kulang ba ang kutsara sa bahay niya? Ginawa na ba niya iyon dati? Mataas ang pride ni Colay. Kaya nga nagkawengwang buhay niya, e. Ayaw niyang humihingi ng tulong. Di rin iyan nagnanakaw. Sabi ni Mami, kahit walang-wala si Colay ay mas pipiliin nitong gumawa ng paraan kaysa mangutang, kaysa magnakaw.

Sa biyahe, ambon-ulan na. Pagdating sa sementeryo, ambon-ulan pa rin. Dahil iisa na lang ang tricycle papasok ng sementeryo ay napilitan kaming maglakad ni Colay. Noon niya naikuwento na nasaksak si Gilmore. Sabi ko, bakit, anyare? Sabi niya, nagpatakbo daw siya ng P300 sa isang kaibigan. 'Yong singkuwenta raw, para sa kanyang kaibigan pero inestapa pa rin siya nito. Nang sitahin daw ni Gilmore iyong nang-estapa, ito pa raw ang nagalit. Isang gabi ay bigla nitong sinaksak sa likod ng balikat si Gilmore. Si Colay ang naghatid dito sa ospital at nagbantay. Malamang, siya rin ang gumastos sa lahat. Ate, sabi niya, di makausap nang maayos ang doktor. Kada ilang oras ay pinapa-x-ray niya ang likod ni Gilmore. Sabi ko, bakit po? Sagot sa akin ay basta, sumunod ka na lang. Ba't ganon,te, e gusto lang naman naming malaman kung bakit.

Iba ang nasa isip ko, hindi ang masamang pakikitungo ng doktor, kundi.. di pa rin talaga siya tumitigil. Nakababad na ang puso ko sa takot sa tokhang. Dahil kay Colay. Kapag may nababalitaan akong babaeng binaril sa Las Pinas o Paranaque o Cavite, tine-text ko agad si Colay. Tsine-check ko kung buhay pa siya. Nakakatawa, ano? Minsan nga, nag-panic kaming magkakapatid dahil hindi siya makontak nang ilang araw. Hindi siya sumasagot sa mga text o sa FB. Ayaw sana naming sabihin kay Tisay pero siya ang pinakamalapit in terms of location kaya sabi namin ay puntahan na. Ang pinapunta ni Tisay ay si Dadi, at ang report nito, buhay pa si Colay. Sabi daw kasi ng napagtanungan niyang bata sa lugar nina Colay, ay, kadadaan lang po dito kanina. Tawa kaming lahat. Kinukuryenteng tawa dahil sa nerbiyos. Hindi kasi talaga malayong may mangyaring masama kay Colay.

Na-round up na siya ng pulis noon. Ibig sabihin ay identified na siya. Baka nasa kung anong listahan ang kanyang pangalan. Baka minamanmanan na siya. O baka isunod na siya kapag naubusan ng maipampupuno sa quota ang mga alagad ng bala. Isang beses, kuwento ni Colay, nang dadalhin na siya sa presinto, nagmakaawa siya sa mga pulis dahil maiiwang mag-isa si Bianca sa bahay. At delikado ang lugar nila, naglipana ang mga gago. Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit ipinoder ko na si Bianca sa amin since June. Marami na ring kaibigan si Colay na nahuli ng pulis. Ang isang kaibigan niya'y ninakawan daw ng mga laptop at iba pang gadget ng isang media personnel habang nagaganap ang hulihan at imbestigasyon sa presinto. Walang magawa at hindi makangawa ang ninakawan. Nagsumbong sa akin si Colay sa text, kanino daw puwedeng ilapit ang nangyari sa kanyang kaibigan. May koneksiyon daw ba ako sa media, baka kakilala raw iyon ng kakilala ko. Ipadiyaryo ko daw. Ipa-Tulfo. Puwede ko raw bang magawan ito ng paraan. Hindi ko alam ang isasagot. Te, sabi niya, basta na lang hinarbat ang backpack niya pagdating sa kulungan. Wala nang naibalik sa gamit niya, te. Alarmed ang tono ng text ni Colay. Pero ako, hindi ako makasimpatya, though, nalulungkot ako kasi malamang na ang iniisip lang ni Colay ay puwede rin itong mangyari sa kanya anytime. May mga kaibigan na rin siyang nabaril. Ang isa sa kanila, sa mata tinamaan ng bala, pero nabuhay. Muli, nag-text siya sa akin, ano raw ang dapat gawin? Baka raw balikan ang kaibigan niya at tuluyan nang patayin ito. Kanino puwedeng lumapit ang kanyang kaibigan? Ang hihirap ng tanong niya. Di tulad noong bata kami, ang tinatanong lang niya sa akin ay kung ano ang ibibigay kong stationery kapalit ng notepad niyang Kerrokerropi at kung sinong mas magandang kakampi sa ten-twenty, si Ana na mataas lumukso o si Sharon na mahaba ang legs. Te, puwede bang kasuhan 'yong bumaril? Eto na naman siya. Kako, oo, kaya lang ay napakahaba at napakahirap ng proseso. Nang ikuwento sa akin ito ni Colay sa personal, kita ko ang hindik sa sarili niyang mga mata. Ako ay walang reaksiyon, di ako makasimpatya, e anong gagawin ko, wala rin akong mai-offer na solusyon? Sa totoo lang, ang mas nananaig sa akin ay bahagyang pagkainis at pagkasuya. Gusto ko siyang tanungin, bakit di mo na lang layuan ang mga ganyang tao? Ba't di ka na lang kasi magbago? Alam mo bang matanda na tayo at di ka na teenager? Ba’t di mo na lang tigilan ang bisyo na ‘yan? Di ka pa ba sawa? Wala ka na ngang napala, di ka pa huminto. Marami kaming nagmamahal sa iyo. May pag-asa pa. Si Tisay, alam mo ba, di pa rin sumusuko sa 'yo? Pero matagal ko nang tinanong sa kanya ang mga ito. Sasagutin niya lang ako nang pabalang. Papatulan ko naman. Magsisigawan kami. Mag-iiyakan. Lalayas siya. Kakanlong sa bisyo. At muli, sa masasamang kaibigan.

Kung itatanong ko sa kanya ang mga ito ngayon, alam kong tatahimik lang siya. Ngayong matatanda na kami, bihira na ang nag-aaway sa aming magkakapatid. Bihira na lang kasi kaming nagkikita at nagkakasama. Nasa Mindoro si Incha. Nasa Vigan si Kim. Dati akong taga-QC pero taga-South na ngayon tulad nina Colay at Budang. Pag may Pasko o birthday ni Tisay na lang nagkikita, di pa kami madalas na nabubuo bilang pamilya. Kaya ngayon, pag nagkakainitan na ay tumatahimik na lamang kami at di nagkikibuan. O kaya may biglang magjo-joke, sasabog ang tawa at okey na uli kaming lahat.

Pagdating namin sa area ni Dadi, nahirapan kaming matagpuan ang puntod niya. Kasi pala ay pinutol na ang puno na katapat ng kanyang puntod. Ito pa naman ang aming landmark. Napaka-chaka ng puno na iyon, kaya kapag bumibisita kami sa sementeryo at naghahanap ng puntod, ang lagi kong sinasabi, “basta, kapag nakakita kayo ng pangit na puno, 'yon na ‘yon!” Baliko ang katawan nito, parang baliktad na S, at lagi itong nagbabalat, aakalain mong isda dahil tadtad ng kaliskis. Minsan, sa lilim kami nito naglalatag. Minsan din, dito namin tinitipon at sinisilaban ang mga basura't tuyot na dahon. Hahanap kami ng patpat, saka tutusukin ang mga basura at parang litson na padidilaan ito sa apoy. Sayang at wala na ang puno ngayon. Ni hindi ko nalaman ang kanyang pangalan.

Nagulat din ako, and at the same time, nalungkot, nang makita kong bagong-bago ang lapida nina Ape at Auntie Garet. Matagal ko na rin gustong papalitan ang lapida ni Dadi, kasi pinakapangit ito sa mga lapida noon nina Ape, Angkong, Ahma at Coco Terry. Pero sabi ni Ditsak, di raw basta-basta pinapapalitan iyon. May feng shui daw na kailangang sundin. E, di sige, kako, papinturahan ko na lang ang letters. Pero isang taon lang yata ay burado na uli ang ilang letra nito.

Sinupress ko ang feeling ng pagkaawa sa lapida ng tatay namin. Tutal naman ay may bulaklak na nakapatong dito. Gayon din sa iba pang puntod ng mga namayapang kamag-anak. Ibig sabihin, nauna na ang mga auntie at uncle namin sa pagbisita, at nag-alay naman sila ng bulaklak sa lahat, pati kay Dadi.

Lumakas ang ambon-ulan. Dumating na ang traysikel nina Incha, ganon katrapik sa main road ng sementeryo, nauna pa kami ni Colay kahit naglakad lang kami mula sa gate. Sumilong agad kaming lahat sa isang malapad na tent na nakatindig sa kambal na nitso. Mga isang oras kami doon, mga labinlimang puntod ang layo kay Dadi. Nag-ikot kami ni Colay sukob sa payong niya. Nakakita kami ng isa pang tent na walang nilililiman kundi patong-patong ng monoblock chairs. Sabi ko ay hiramin namin at isoli na lang bago umuwi. Wala namang tao sa paligid na mapagpapaalaman. Anim na upuan ang pinagtulungan naming buhatin at dinala ang mga iyon sa pansamantala naming himpilan, doon sa may kambal na nitso. Pero nakaupo na silang lahat sa ibabaw ng nitso, nakahiga pa nga si Kagomeng tulog. Inilabas ko ang banig at maliliit na unan na dala ko, para maibaba ni Incha si Kagome nang mas maayos.

Di kami nakatiis ni Colay, sabi ko’y maghanap tayo ng tent na puwede nating itindig sa puntod ni Dadi. Ginawa na namin iyon dati! Pero kung tama ang pagkaalala ko ay hindi iyon undas kaya walang masyadong tao na puwedeng sumita sa amin. This time, undas season kaya super dami ng tao at naka-set up ang mga ito para mag-overnight. Around 12 midnight na ito.

Nag-ikot-ikot kami ni Colay. Isang beses, ako lang. Isang beses, siya lang. Mga 10-15 minuto kada ikot. Tatlong beses kaming bumalik sa kambal na nitso. Tapos kapwa kami nagre-report ng mga natatagpuan naming "options": may isang tent na kaaalis lang ng mga may ari, puwede ko pang habulin ang mga ito para magpaalam. Kaya lang ay mataas pa ang kandila sa puntod na kanilang iniwan. Mukhang hindi papayag ang mga ito na ipahiram sa amin ang tent dahil mababasa ang itinundos nila. May isang tent na mababa, halos kasingtangkad lang namin. Sa madilim na bahagi ito na malapit sa pader ng sementeryo. Mukhang madaling bunutin at ilipat ang mga paa ng tent. Ang problema ay punong-puno ng tubig ang bubong at noong sundutin ni Colay ang bahaging may tubig para matanggal ang tubig, biglang sumandal ang tent sa kanya. Naku, masyadong mabuway. Hindi puwede. Isa pang option: tent na malapit sa kambal na nitso. Pero anim ang paa ng tent. Kulang kami sa manpower na magbubuhat nito nang sabay-sabay! May isa pang tent na mukhang madaling ilipat, nasa madilim din na lugar, walang ibang grupo ng tao na malapit doon. Kaso ay nakatali sa mga patpat na itinusok sa lupa ang mga paa nito. E, di kalasin! Ayun. Nagpaalam kami sa puntod, sabi namin, sori po, hihiramin lang namin ang inyong bubong para po makapagdasal na kami at makauwi. Mag-a-ala una na iyon ng madaling araw, grabe. Sina Incha ay uuwi pa ng Mindoro kinabukasan.

Pinatayo namin si Bianca malapit sa puntod ni Dadi, para may palatandaan kami sa aming target destination. Apat kaming naglipat ng tent: ako, Colay, Noah at Iding. Nakapaa si Iding. Putik naman kasi, bagong rubber shoes ang suot, puti pa, e inuulan na sementeryo ang pupuntahan niya? Tawa kami. Pero pigil-pigil din ng tawa, baka kasi marinig kami ng mga tao sa iba pang tent. Baka bigla kaming sitahin. May tent ba naman na naglalakad sa kalaliman ng gabi, paiwas-iwas sa mga nitso? Ilang beses kaming napahinto sa ilang puntod, hindi namin alam kung paanong malalampasan ang mga ito. Sino ang unang hahakbang? Saan pupuwesto ang kaliwang paa ng tent? E, yung kanan? Iaangat ba? Aatras? Nagtatalo-talo pa kami. Biglang may naapakan si Iding, akala niya’y tae. Naihi na si Colay sa kapipigil ng tawa.

Una naming ibinaba ang tent sa space na malapit sa kinatirikan noon ng pangit na puno. Naglatag kami ng banig. Pero after a few minutes, na-realize namin na tumatagos sa banig ang tubig sa damuhan. Lipat na naman kami ng tent. Sino ang unang hahakbang? Saan pupuwesto ang kaliwang paa ng tent? E, yung kanan? Iaangat ba? Aatras? Tawanan. Naihi uli si Colay sa kapipigil ng tawa. Ikalawang ulit naming ibinaba ang tent ay sa pagitan ng nitso nina Ape at Angkong. Nasa gitna kasi nila ang libingan ni Dadi. Pero ganon din, basang damuhan din iyon! Tatagos uli sa banig namin. Lipat na naman kami ng tent. Sino ang unang hahakbang? Saan pupuwesto ang kaliwang paa ng tent? E, yung kanan? Iaangat ba? Aatras? Tawa na naman si Colay. Ikatlo at final na puwesto ng tent ay sa tapat ng mismong nitso nina Ape at Auntie Garet. Sa ibabaw ng nitso naglatag ng banig. Binalikan ko ang mga upuan na “hiniram” namin at dinala sa puwesto namin. Nasa ibabaw silang lahat. Kumbaga, nasa "second floor". Ako sa monoblock chairs. Mezzanine para sosyal pakinggan. Ground floor ang damuhan.

Sabi namin, pagkatapos magdasal ay uuwi na kami. Agree ako, pagod na rin ako buong araw dahil sa trick or treat events nina Ayin at Dagat sa mall at sa subdivision namin. Pero lalong lumakas ang ulan. Hindi ito humihina, lalong hindi tumitigil. Parang ayaw talaga kaming pauwiin. O baka si Colay ang ayaw pauwiin. O baka si Dadi iyon, ayaw pang pauwiin ang paborito niyang anak.

Buong magdamag kaming nag-abang ng paghinto ng ulan. Dahil doon ay nagkakuwentuhan ang mag-iina. Lalabas na raw sa Munti ang tatay nina Iding at Noah early 2018. Sabi ni Noah, lagi naman ganon ang ibinabalita sa amin, pero di naman nagkakatotoo. Pero nangingintab sa pag-asa ang mga mata ni Colay. Hindi, totoo na raw ito, nagmamatigas ang kanyang tinig. Sumabat si Iding, ni hindi nga niya ako binati sa FB noong birthday ko. E, siyempre, di active sa FB iyon, bawal ‘ata iyon sa loob, sagot ni Colay. Wala siyang pakelam sa ‘kin, sabi ni Iding. ‘Wag mo siyang husgahan hangga’t ‘andon siya, payo ni Colay. Napunta kay Bianca ang usapan. Pinagsabihan nilang tatlo si Bianca na ‘wag nang magboypren. Bubugbugin daw ng magkuya ang uhugin nitong boypren na nakita nilang lahat sa FB nang i-post ni uhugin ang picture nila gamit ang FB account ni Bianca. (Kaya nalantad ang itinatago ni Bianca.) Inaasar pa ni Iding si Bianca na baka maging pa-walk ito balang araw. Walk meaning sex for money. Sabi ni Colay, ‘wag mo nga itulad ‘yan sa mga nakikilala mong babae, ‘Ding. Patuloy sa pang-aasar si Iding. Sabi ni Bianca, nag-aaral kaya ako. Bakit nga, Ding, di ka na lang bumalik sa eskuwela? Tanong ni Colay. E, ito ngang kuya mo, noong pinapili ni Lolo Maning kung ‘yong babaeng nabuntis niya o pag-aaral, sagot agad si Noah, pag-aaral. O, third year na ngayon, tamo. Napikon si Iding. Sa kanilang tatlo ay siya lang ang di nag-aaral. Di ba, sabi ko sa' yo, i-enrol mo na ‘ko sa hepa? Ikaw ang may ayaw. Sana nag-aaral uli ako ngayon.

Aba, parang si Colay itong si Iding kung mangatwiran. Ipinapasa ang sisi sa ibang tao, haha. Ang version ni Colay ng kanyang kabataan na ikinuwento rin niya that night noong nasa sementeryo kami ay ganito, nagalit daw siya kay Tisay nang ilipat siya nito from private to public school. Hindi raw siya sanay. Nagulat daw siya kaya ayaw na niyang pumasok. Kaya ang ending, nahinto siya sa pag-aaral. Ayan, what is karma? Ginagaya tuloy siya ni Iding. Siguro iyan din ang dahilan kung bakit di niya masabihan si Iding na mali ang demands nito. Na magpakatotoo ito, mahirap lang kami. Kasi kahit siya, hanggang ngayon ay si Mami pa rin ang sinisisi sa mga nangyari sa kanyang buhay. Ang hepa na tinutukoy ni Iding ay isa yatang programa sa private school para sa mga na-late na sa kanilang pag-aaral. In short, private school ang gustong pasukan ni Iding! Ewan ko lang kung titino siya doon dahil wala naman iyan sa school. Noong nasa poder namin si Iding, pinag-aral naman namin nang maayos. Iyon nga lang, sa public school din. Pero anong ginawa niya? Nasangkot sa marijuana scandal sa eskuwelahan nila. Natuklasan din namin na nagbebenta siya ng pipa na mula sa nilinis na tube ng chipipay na glitter glue.

Iyon din ang isang problema sa mga anak ni Colay. Pangmapera ang mindset. Siguro kaya rin lalong nababaon sa ilegal na gawain itong si Colay dahil pinipilit niyang makapag-provide sa mga anak niya kahit hindi niya kaya. Nabalitaan ko noon, kung ano-ano pinapabiling sapatos o tsinelas ni Iding. O medyas na mamahalin, sa mall, ayaw sa bangketa. Sumbrerong Dickey’s o t-shirt. Nagkasakit din daw si Iding sa titi niya, at kay Colay humihingi ng panggamot. Lumayas ito sa piling ni Colay pero sa kanya nagpupunta kapag nagkakaproblema na, kapag gutom na. Nabalitaan ko rin noon na humihingi ng pera si Noah kay Colay. Amputangina. Dito ako pinakagalit, e. Nakabuntis na nga, kapal pa ng mukhang manghingi ng pera sa ina. Alam na nga niya na wala namang maayos na hanapbuhay ang nanay niya. At isa pa ay hindi siya nagpaparamdam kay Colay o sa amin kapag wala siyang kailangan. Kaya kahit na close siya kay EJ noong maliliit pa sila dahil magkaedad sila’t sabay na lumaki, di malapit ang loob ko sa tarantadong ito. Tuwing makakasagap ako ng balita tungkol sa kanya, laging bad news. Nakabuntis, nang-iwan ng babae, pinabayaan ang anak sa babae, nanghihingi ng pera. Si Bianca, ganon din, mahilig sa mga bagong damit. Gusto laging may pera sa bulsa. Gusto ng sosyal na lutu-lutuan, kabinet na Hello Kitty. Minsan din, insensitive ang mga anak, ano? Dito naman ako naaasar sa mga pamangkin kong ito. Kaya sabi ko, ba’t naghahanap ka ng private? Si EJ nga, public school buong buhay niya, o malapit nang maka-graduate ng college ngayon. Walang problema sa public, ‘Ding.

Napunta na naman kay Bianca ang kuwentuhan. ‘Wag ka ngang ano diyan. Nakikipagkita ka pa rin sa boypren mo, e, singhal ni Noah. Magiging pokpok ka rin, sabi ni Iding. Pumatol na ako, ‘wag mong igaya sa iyo ‘yan, ‘Ding. Di ‘yan tulad mo na kayang ibenta ang katawan. Magtatapos iyan hanggang college. Natahimik si Iding. Tahimik lang din si Colay. Sinabihan ko rin si Noah, oy, ikaw, akala mo, maayos kang tao, e nambuntis ka nga, tapos inabandona mo lang ‘yong nanay at anak. Sabay na sumagot si Noah at si Colay. Nasa akin/Na kay Noah, ‘yong baby. Namamasukan na kasi iyong nanay.

A, buti naman, sagot ko agad, habang deep inside, e pahiya ako to the max. Tulog si Incha at mga anak nito. Ako ay nanatiling nasa mezzanine, napahiga na rin sa pinagdugtong na monoblock chairs.

Marami pang saloobin ang nabunyag sa mag-iina nang magdamag na iyon, tungkol sa tatay nina Iding, sa tatay ni Bianca, kay Gilmore. Minsan, masaya sila, nagtatawanan. Minsan, nagsasagutan, nagsusumbatan. Minsan, katahimikan.

Giniginaw na ako sa ulan at sa simoy ng Nobyembre, giniginaw din ako para kay Colay. Alam kong napakahirap ng sitwasyon niya. At ako ang ate sa pamilyang ito. Alam ko, partly, may kasalanan ako ba’t siya nagkakaganyan ngayon. Alam ko rin, may fault din ako kahit paano, kung bakit after so, so many years, hindi masyadong nagbabago ang kalagayan namin sa tuwing dadalaw kami kay Dadi. Wala kaming dala kundi banig, kuwento, sitsirya’t maliliit na kandila. Hanggang ngayon, “nanghihiram” pa rin kami ng tent nang may tent. Ni wala kaming sasakyan. E, ang tanda ko na. Ako ang panganay. Ni hindi ko mabigyan ng ginhawa ang sarili kong pamilya. Wala akong mai-offer kay Colay kundi kaunting salita, kaunting katahimikan kapag malapit na akong mainis at bumalik sa paninisi sa kanya sa sarili niyang sitwasyon.

Walang kumain ng biko na niluto ni Tisay. Inilagay ito ni Colay sa mas malaking plastik. Doon din niya inilagay ang butter coconut na binili ko sa Zapote, ang mga cupcake na binili ni Incha sa kaibigan niya sa Kabihasnan. Ang nasa isip ko’y iuwi niyang lahat iyon mamaya.

Pagsapit ng alas-kuwatro y medya, tahimik na sa dakong iyon ng sementeryo. Nakatulog na ang mag-iina. Sina Incha naman ang bumangon. Nagdesisyon kaming kahit hindi pa tumitila ang ulan, basta’t humina lang ito’y uuwi na kami. Umaga na. Pagsapit ng alas-sais, naging ambon ang ulan, kaya ginising na namin sina Colay at kami’y gumayak para umuwi. Isinoli ko ang mga upuan, pagbalik ko sa tent kung saan ko “hiniram” ang mga upuan, may isang buong pamilya (nanay, tatay, dalawang batang lalaki) ang nag-uusap sa tapat ng ibang upuan na naiwan doon. Pagdating ko’y napalingon silang lahat sa akin. Ayan, sabi ng babae, tatlo na lang ang kulang. Sabi ko, sori po, nasa amin po magdamag. Ngumiti siya, nakatulog din kasi kami. Bumalik ako sa puntod namin para isoli ang tatlo pa. saka ko na-realize na nagtatrabaho sa sementeryo ang pamilya. May hawak nang walis si ate, busy na sa paglilinis. Ang mga bata ay palipat-lipat sa gilid ng mga puntod, hinahawi ang tubig sa ibabaw ng nitso. Antok na antok na ako.

Sinabi ko kay Ate na “hiniram” din namin ang tent. Sabi niya, kanino? Sabi ko, Rita Sumagpang po ang pangalan. A, kay Ate Rita, sabi niya. OMG, kamag-anak niya, kanila rin pala ang tent? Patay. Doon po iyong puntod niya? tanong ko. Naglakad ako habang itinuturo ang puwestong pinagmulan ng tent. Sumunod siya. A, iyon ang pangalan sa lapida? Opo, kako. A, kami na ang bahala. Kung may magliligpit na ng tent doon, ituturo na lang namin ang puwesto n’yo, anya. Oo, te, kako, dahil baka isipin nilang nawala na ang tent. Salamat.

Naglakad na kami papalabas ng sementeryo. Nakakalat sa kahabaan ng kalsada ang mga bote ng Coke at balat ng Clover, parang nagka-street party at major sponsor ang mga junk food at soft drink company. Tulog pa ang mga nag-overnight. Basa ang mga tent. Marami na rin ang lumalabas at pumapasok na sasakyan. Malapit sa exit ay nakakita ng McDo si Colay. Sabi niya, te, tinatawag tayo ng McDo, tapos tumawa siya. Nagyayaya, baka nagugutom na. Nilampasan namin ang hilera ng temporary stalls ng kainan, naghihilik pa ang puyat na staff ng mga ito. Hindi na uli nagyaya si Colay. Paglabas namin ng sementeryo, ako naman ang nagyaya, sa Maty’s, ang paborito naming tapsilugan sa Paranaque, 24 hours iyon. Si Incha ang sumagot, te, dalawang sakay pa ‘yon, malayo. Sa bahay na lang tayo ni Tisay, sabi niya. Sabi ko, o sige. Pero pagdating namin sa Kabihasnan, ang nasakyan namin ay Zapote. Sabi ko’y didiretso na lang kami ni Bianca sa Zapote para makauwi na. Tinamad na akong umuwi sa bahay nina Tisay. Ang buong akala ko’y uuwi sa bahay ni Tisay sina Colay, Iding at Noah para kumain dahil nga alam kong gutom si Colay. Pero naghiwa-hiwalay na sila sa dyip pa lang. Si Iding lang ang bumaba sa simbahan, kasabay sina Incha. Si Colay ay nagpaiwan at bumaba na rin pagdaan nang ilang kanto. Wala siyang dala kundi ang payong, isang balot ng mga buto ng manok at isang balot ng kanin mula sa Jollibee. Ni hindi niya ginamit ang plastik na nahingi sa Jollibee. Nahiya rin siguro siyang hingin kay Incha para iuwi ang malaking plastik ng mga pagkain na hindi nagalaw sa sementeryo. Si Noah ay bumaba rin pagkatapos nang ilang minuto. Walang imik ang mag-iina nang maghiwa-hiwalay. Antok na. At siguro’y pagod na pagod. Kayrami kasing multo ang dumalaw sa kanilang magdamag.

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 03, 2017 23:57

Sample Script for a Show - Filipino

Marami akong pagkakamali rito at na-realize ko iyon nang umuusad na ang show.

1. Dapat ay binanggit ko sa script ang pangalan ng winners ng contest, since parangal din ito sa contest winners. Hindi ko ito isinama sa script dahil nag-assume ako na bibigyan ng ibang speakers (particularly ng WTA) ng moments ang winners para mas makilala ito ng audience.

2. Dapat ay binanggit ko sa script ang paghahabi ng mga disenyong mula sa Bagobo, Kalinga, T'boli at iba pang grupong lumad sa Pilipinas. Hindi ko ito isinama sa script dahil nag-assume ako na sasabihin ito ng speakers (particularly ng Omni at WTA representatives) bilang kuwento sa likod ng kanilang disenyo.

3. Hindi ko nabanggit ang pangalan ng leader ng chamber choir na Kammerchor. Ang husay pa naman niya! Paumanhin po, Ginoong Anthony Villanueva ng Kammerchor Manila.

4. Kung makakapagbigay lang ako ng opinyon tungkol sa sequence ng song numbers ng Kammerchor Manila, magbibigay ako. Dapat ang last nila ay iyong kantang Pasko na ang last line. It was so upbeat! But their last song was slower than the "Pasko na" kaya parang nag-mellow nang kaunti ang audience.

5. I failed to give recognition to the director, Sir Ariel Yonzon! Shocks, dapat inilagay ko siya pagkatapos ng listahan ng mga performer sa dulo ng script. When I realized it, I asked Gee, his assistant, if I could insert Sir A's name in the copy of script that was with Miss Champagne. Sabi ni Gee, naku, wag na, ayaw niya iyon. Wah, buti na lang. Pero kung ako ang masusunod, dapat talaga binigyan ng pagkilala si Sir A.

One last note:

Sobrang husay ng emcee. Ang taas ng energy niya, at kitang-kita ko ang effort niya na gawing mas accessible sa audience ang script at ang show. She used Taglish. She often used "Mga kaibigan." Ang dami niyang adlib sa mga slow parts ng script ko, haaay. Namimilipit ako sa upuan ko, alam kong nahihirapan siya doon bilang emcee, haha! Thank you so much for accepting this gig, Ms. Champagne Morales!

I worked on this script since 11am. Natapos ako around 4:30 pm because I had to wait for the last minute changes in the speakers' line up, performers' names, etc.
Whew, what a day!

SCRIPT FOR HABI NG PAGKAKAISA LAUNCH
NOVEMBER 03, 2017/ 6PM/ CCP MAIN THEATER RAMP

Scriptwriter: Beverly Siy
832-1125 local 1707/ 0919-3175708/
ccpintertextualdivision@gmail.com

Voice Over:

Maligayang pagdating sa CCP Main Theater Ramp!

Sa diwa ng pagbubuklod, sama-sama nating ipagbunyi ang isang likhang sining para sa Kapaskuhan. Halina’t sama-sama nating ilunsad ang Habi ng Pagkakaisa!

Narito ang tagapagpadaloy ng ating programa, ang mahusay na mang-aawit at performer, Binibining Champagne Morales.

CHAMPAGNE:

Magandang gabi po sa inyong lahat! Maligayang pagdating dito sa CCP Main Theater Ramp. Ikinagagalak kong makasama kayo sa kalagitnaan ng Kapaskuhan. Opo, kalagitnaan na! Di ba, September pa lang ay nag-uumpisa na ang Pasko dito sa ating bansa?

Narito tayong lahat para magdiwang. Dahil maya-maya lamang, ang higanteng Christmas Tree na ito na pinangalanang Habi ng Pagkakaisa ay magsasabog ng liwanag sa ating Pasko at sa ating mga puso.

Pararangalan din natin ang mahuhusay na alagad ng sining na lumikha ng disenyo na ito, ang mga nagwagi sa HOLIDAY LIGHT INSTALLATION COMPETITION for 2017 na hatid ng Cultural Center of the Philippines at Omni.

Alam n’yo ba ang tema ng ating programa?

Ito ay ang pagkakaisa.

Isang pagtatanghal ang napanood natin kanina mula sa KOMEDYA NG DON GALO. Palakpakan po natin sila!

(PAGKATAPOS NG PALAKPAKAN)

Ang KDG ay organisasyong panteatro mula sa isang komunidad sa Lungsod Paranaque. Ang pangunahing layunin ng Komedya ng Don Galo ay ang itaguyod ang kultura at tradisyon ng Paranaque sa pamamagitan ng pagtatanghal ng Moro-moro. Ang itinanghal nila ay tungkol sa kapayapaan at pagkakaisang pagkatapos ng digmaan.

Sinundan naman ito ng magandang awitin na pinamagatang Munting Sanggol mula sa Kammerchor Manila. Palakpakan po natin sila!

(PAGKATAPOS NG PALAKPAKAN)

Ang Kammerchor Manila ay mula sa Lungsod Quezon, isa itong chamber choir na tumanggap na ng mga parangal sa loob at labas ng Pilipinas. Ang inawit nila ay tungkol sa sanggol na nagbuklod sa lahat.

Dumako naman tayo sa sentro ng programa, ang napakagandang Christmas Tree ng CCP. Tampok dito kung ano ang nagbibigkis sa lahat ng Pilipino, matatagpuan natin ito sa simbolo ng Kapaskuhan dito sa Cultural Center of the Philippines

Kaya samahan n’yo ako hanggang mamaya.

Sa pagpapatuloy ng ating programa. Ang pambungad na pagbati ay mula sa
tagapangulo ng Lupon ng mga Katiwala ng Cultural Center of the Philippines.
Palakpakan po natin si Ginang Emily Abrera.

(PAGKATAPOS NI GINANG EMILY ABRERA)

CHAMPAGNE:

Maraming salamat po, Mam Emily Abrera. Para magbigay ng mensahe,
kapiling din natin ang kinatawan ng Omni, isa sa mga tagapagtaguyod ng
Habi ng Pagkakaisa. Narito po ang Operations Manager ng OMNI Yatai
International Corporation, Ginoong Henry Yang.

(PAGKATAPOS NI GINOONG HENRY YANG)

CHAMPAGNE:

Maraming salamat po, Ginoong Henry Yang ng Omni Yatai International Corporation. Para naman maghandog ng isang amazing na production number, narito ang AMAZING SHOW MANILA!

(PAGKATAPOS NG AMAZING SHOW MANILA)

CHAMPAGNE:

Maraming salamat, Amazing Show Manila! Namangha ba kayo? Ang Amazing Show Manila ay mapapanood sa Manila Film Center dito sa loob ng CCP Complex. Para sa buong pamilya ang bawat pagtatanghal at regular na rin itong mapapanood sa Cebu at Boracay. Muli, salamat, salamat, Amazing Show Manila.

Marami pang amazing na magaganap, so, please stay with us. Kasama natin ngayon para magbahagi tungkol sa paglikha ng disenyo ng napakaganda nating Christmas Tree, ang Principal ng WTA ARCHITECTURE & DESIGN STUDIO, si Ginoong WILLIAM TI!

(PAGKATAPOS NI GINOONG WILLIAM TI)

CHAMPAGNE:
Maraming salamat po, Ginoong William Ti. Na-inspire ba kayo na lumikha ngayong Pasko? Hindi ba’t napakagandang inspirasyon ang sarili nating kultura? Tumungo na tayo sa pinakaaabangan ng lahat, ang Countdown! Mga bituin na nagniningning ang mangunguna sa ating Countdown. Muli pong nagbabalik sina Ginang Emily Abrera, ang Tagapangulo ng Lupon ng Katiwala ng CCP, at sina Ginoong William Ti at Ginoong Henry Yang ng OMNI Yatai International Corporation. Narito rin at kasama natin sa Countdown ang pinakamamahal na pinuno ng Maynila, si Mayor Joseph Ejercito Estrada.
(COUNTDOWN)

(PAGKATAPOS NG COUNTDOWN)

(PAGKATAPOS NG KAMMERCHOR MANILA)

CHAMPAGNE:

Maraming salamat, Kammerchor Manila, sa pagtatanghal ng mga pamaskong awitin. Lahat tayo ay nakisabay sa pagkanta, di ba? Hindi talaga mawawala ang pagkakaisa ng mga Filipino pagdating sa musika.

Sa puntong ito ay iniimbitahan ang lahat na maging bahagi ng ating Christmas Tree, ang “Habi ng Pagkakaisa.” Isulat lamang ang mga hiling natin ngayong Kapaskuhan sa mga cellophane sheet na matatagpuan doon. Ilalagay po ang lahat ng kahilingan natin sa ilalim ng Christmas Tree. Ang mga ito ay sagisag ng pag-asa at pagkakaisa at siyang ambag natin sa natatanging simbolo ng Pasko dito sa CCP.
Makikita po ang “Habi ng Pagkakaisa” Christmas Tree sa Liwasang Asean hanggang January 14 2018, kasama ang makukulay at kumukuti-kutitap na parol sa harap ng CCP. Imbitahan ang mga mahal sa buhay para pasyalan ito, magpa-picture at para maging bahagi ng Habi ng Pagkakaisa Christmas Tree!
Dito po nagwawakas ang ating programa. Daghang salamat sa pagdalo ninyo sa paglulunsad ng Habi ng Pagkakaisa dito sa CCP Main Theater Ramp. Ang lahat ng ito ay sa pangunguna ng Cultural Center of the Philippines katuwang ang Omni, WTA ARCHITECTURE & DESIGN STUDIO, Lungsod Maynila, Lungsod Pasay at Lungsod San Fernando mula sa lalawigan ng Pampanga. Nais din nating kilalanin ang ambag na pagtatanghal ng Komedya ng Don Galo, Kammerchor Manila at Amazing Show Manila.

Muli, ako si Champagne Morales, ang inyong tagapagpadaloy sa gabing ito. Mas masaya kung tayong lahat ay sama-sama kaya… salubungin natin ang Pasko nang may pagkakaisa!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 03, 2017 09:06

October 26, 2017

translation projects and rates

ito ang recent translation projects namin ni poy, ang rates, pati na ang binuno namin na panahon para matapos ang mga ito:

fee, genre, time

30k for a contemporary novel- 1 year
7k- graphic novel- 3 months
40k -for a 1980s novel set in singapore- 6 months
technical stuff like forms para sa pagkukumpuni ng elevator-10k- (15 pages)- one week
50k for historical essays- 1 year
1 short story sci-fi- 5k bukod pa sa royalties - 1.5 months

recommended rate per word and per line

ang recommended rate ko for translation of text in prose form is P1/word
ang recommended rate ko for translation of poetry is P100/line

recommended rate for rush job

times three ang rate kapag rush ang proyekto

rights

mas maganda na shared ang rights with the translator para sa text/translation work niya.
copyright of original text remains with the original author.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on October 26, 2017 20:46

October 23, 2017

Hinggil sa librong Ang Lunes na Mahirap Bunuin ni Nick Pichay

Bawat pahina ng librong ito ay entablado para sa mga tula ni Nick Pichay. Lumalapad ang aking mga balintataw sa pagbabasa/panonood. Nakakagising ang bitaw ng linya ng kanyang mga tauhan. Ikaw ba naman ang mapangaralan ng ‘Huwag kang basta mandakma sa dilim/Kung ayaw mong masubo sa alanganin.’ Todo rin si Pichay sa kanyang production design. Sa librong ito ay makakapasok ka sa isang ‘kupalin na barong-barong’ at ‘kuwartong kasingkitid ng kabaong.’ Maselan siya sa pagpili ng props, pagkat ang gusto niya’y may ’bubog ang palibot sa basong iniinuman’ at embalsamado ang pandesal. Sigurado din akong magbabago ang tingin mo sa butiki pagkabasa mo ng Ang Lunes na Mahirap Bunuin.

Mula personal, erotika, hanggang sa politikal, pagiging abogado sa kontemporanyong panahon, iyan ang sari-saring usapin na tinutulaan ni Pichay. Nakakaaliw, nakakalibog, madilim, nakakaligalig, iyan ang sari-sari niyang himig.

Sa huling tula, sa huling palabas, tiyak ako sa iyong pagpalakpak. Dito’y matalinong nagsanib ang nagtitimpi at ang pangahas.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on October 23, 2017 08:07

October 14, 2017

Updated list of publishers of Philippine books for children and young adults

Maraming salamat sa inyong pakikinig sa aking talk na pinamagatang YA-right! sa Philippine Association for School Librarians, Inc. (PASLI) noong Oktubre 10 sa Innovation Center ng Miriam College.

Narito ang mga publisher ng libro sa Pilipinas para sa mga bata at sa young adults. Sana ito ay makatulong sa pagbuo ng sarili ninyong listahan ng mga librong irerekomenda sa young adults at sa inyong mga estudyante.

Adarna House
109 Scout Fernandez corner Scout Torillo Streets, Barangay Sacred Heart, Quezon City 1103 Philippines
Telephone: (02) 352 6765 • Fax local 125
E-mail: adarnahouse@adarna.com.ph
www.adarna.com.ph

Kahel Press
c/o Saint Matthew's Publishing Corporation Office: (632) 426 5611 / Fax: 426 1274
4th Level, First RVC Building, 92 Anonas Street Corner K-6th Street, Brgy. East Kamias Quezon City, Philippines 1102
Ruth Valorie Catabijan / Business Development Manager
0917 582 2309 / ruth.catabijan@stmatthews.ph
www.stmatthews.ph

ABC EDUCATIONAL DEVELOPMENT CENTER
Address: Plaridel St. Kidapawan City, Cotabato
Telephone: (064)288-1691
Fax: (064)288-1691
Contact Person: MS. MARY ANN ORDINARIO-FLORESTA
Position: Directress
Email: abcedc@yahoo.com

Tahanan Books (Ilaw ng Tahanan Publishing, Inc.)
Unit 402, Cityland 3 Condominium, 105 V.A. Rufino corner Esteban Street, Legaspi Village, Makati City, Philippines 1229
Telephone: (02) 813-7165
E-mail para sa editorial queries: fran@tahananbooks.com
www.tahananbooks.com

Anvil Publishing, Inc.
Publishing Department, Anvil Publishing Inc., 7th Floor Quad Alpha Centrum Building, 125 Pioneer Street, Mandaluyong City 1500
Telephones: (02) 477-4752, (02) 477-4755 to 57 Fax: +(02) 747-1622
publishing@anvilpublishing.com
www.anvilpublishing.com

THE BOOKMARK, INC.
264 Pablo Ocampo Sr. Extension Avenue, San Antonio Village, 1203 Makati City, Philippines
Telephone: (02) 895-8061 — 65 Fax: (02) 897-0824
bookmark1945@gmail.com
www.bookmarkthefilipinobookstore.com

OMF Literature
776 Boni Avenue cor. Pinatubo Street, Mandaluyong City
Telephone: (02) 53.143.03 Fax: (02) 53.143.03 loc. 307
Email: omflit.boni@gmail.com
www.omflit.com

Lampara Books
83 Sgt. E. Rivera St., San Francisco del Monte, Brgy. Manresa 1115, Quezon City, Philippines
Telephone: (02) 414-6188 Fax No. (02) 367-6222
E-mail: inquiry@lamparabooks.com.ph
www.lamparabooks.com.ph

Chikiting Books (Vibal Publishing)
Manila Office
G. Araneta Ave., cor. Ma. Clara St.,Quezon City
Telephones: (02) 712-2722 · 712-9156 to 59 Fax: (02) 711-8852
E-mail: inquire@vibalpublishing.com/ rbrigino@vibalgroup.com

Visayas Office
0290 Unit 202 Cebu Holdings Center,
Cebu Business Park, Cardinal Rosales A, Cebu City
(032) 233-0173 · 233-0176 · 233-2568
Fax: (032) 233-2983
vpcebu@vibalpublishing.com

www.vibalpublishing.com/products/chik...

Narito naman po ang mga organisasyon at grupo na maaaring makatulong sa inyo. Marami din silang inilulunsad na mga gawain at kompetisyon na maaari ninyong lahukan.

Philippine Board on Books for Young Children (PBBY)
109 Scout Fernandez cor. Scout Torillo Street, Quezon City, Philippines
Telephone: (02) 352.6765
E-mail: pbby@adarna.com.ph
www.pbby.org.ph

The Center for Art, New Ventures & Sustainable Development (CANVAS)
1 Upsilon Drive Ext., cor. Zuzuareggui St., Alpha Village, Diliman, Quezon City
Telephones: (02) 436-4509, (02)-216-7750
E-mail: info@canvas.ph, gigo@canvas.ph
www.canvas.ph, www.lookingforjuan.com

The Philippine Chapter of the Society of Children's Book Writers & Illustrators (SCBWI)
c/o Beaulah Pedregosa Taguiwalo (taguiwalo8888@yahoo.com/0917-787-4956)
c/o Dominique Garde Torres (nikkigtorres@yahoo.com/0905-347-1668)
scbwiphilippines@gmail.com
www.scbwiphilippines.wordpress.com
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on October 14, 2017 02:47

October 4, 2017

humor books mula sa pinas

tinext ako ni xta dela cruz na kaibigan ko from lira, she's now working at spot.ph. baka pwede raw akong magrekomenda ng humor books para sa isusulat niyang article about humor books sa pinas.

eto ang mga inirekomenda ko:

60 zens ni abdon balde, jr -tungkol sa pagtanda, senior citizenship

wag lang di makaraos ni eros atalia- flash fiction, dark humor, ang husay ni eros dito

abnkkbsnplko ni bob ong- op kors sinong makakalimot sa unang libro nagpatawa sa isang wave ng readers ng libro sa wikang filipino?

twisted series ni jessica zafra- ang benta ni ate mag-joke kahit ang joke ay nag-e-express ng galit, pagkadismaya, at iba pang negative emotion, mahusay lang talaga sya magsulat at skill iyon, negative yng gusto mong sabihin pero nakakatawa ka, ang hirap kaya nun

i do or i die ni rj ledesma- tungkol sa buhay ng isang groom bago mag asawa, napakahumble ng writer hahaha parang ander de saya siya na sophisticated ang mundo, because la sallista friend

isang malaking kaastigan ni vladimeir gonzales- prosa, matalinong pagpapatawa, magaling talaga si vlad, hindi lang siya mahusay magsulat kundi lumalabas din sa trabaho niya yung talino niya taas ng iq ganun. math major kaya yan dati, idol ko yan kahit noong mga bagito pa kami, unique ang tone nya sa aming lahat, sana nga, magprosa pa siya, mas kaabang-abang kaya ang mga akda niya kesa sa isang leading writer na kaedaran niya na ang daming libro ngayon hay

mga komiks ni manix abrera- ang benta sa mga college kasi sobrang honest at ang tapang, articulate, yung mga tauhan ni manix serve as voice of the youth

kuwentong kutsero ni epifanio matute- siyempre di puwedeng di represented ang thundercats na nauna pa kay sir abdon balde, jr. haha! mga satirikong dula para sa radyo, teatro etc setting is 50s-60s

maginificent benito and his two front teeth ni augie rivera- akdang pambata, nakakatawa to as in, yung malalaki niyang ngipin, imbes na maging liability ay naging asset. nag-carve siya ng magagandang image sa higanteng mga
singkamas gamit ang kanyang malalaking ngipin, winner! dapat lahat ng akdang pambata, ganito

unang baboy sa langit ni rene villanueva- akdang pambata rin, naging santa ang baboy dahil sobrang linis niya! winner! kung di maging benito ang character mo, dapat maging butsiki iyan, ang unang baboy sa langit

lolita chronicles ni criselda santos- indie komiks ito, maliliit na komiks, parang 1/8 na pahiga ang size, mahusay ang wika at nakakatawa ang mga sitwasyon, tungkol ito sa isang career woman, or office girl something like that, minsan she talks about her crush, minsan, boss na masungit or officemate na kakompitensiya. witty si writer!

some books of jullie yap daza (so sorry i don't remember the titles right now)- witty ang essays niya, very straightforward and confident, just like the writer

at ito, dinampot ko dahil alam ko funny ang author sa totoong buhay. irerekomenda ko rin sana kay xta.

barrio to senado by juan flavier- autobiography, highly recommended, well written, insightful, light ang dating at may humor pero maraming lesson about life skills, leadership, government, public service, management skills, doctorship, barrio life, public speaking and pinoy politics, irerekomenda ko sana kay xta kaso di ko na nabitawan ang book pagkabuklat ko nito, xta said ok na raw, hindi ko na kailangang magdagdag pa. ay. in short, time's up!!!

sana mareprint ito or sana may maglabas ng maraming kopya nito at ibenta sa madlang pipol. we need books like this!

anyway, kung may mairerekomenda kayo, go lang, lagay sa comment box.

happy-happy reading, mga kapatid!

1 like ·   •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on October 04, 2017 05:40

eto pala ang govt work!

nakakaloka, pagod na pagod ako. dumating na naman ako sa puntong i am dragging myself to work.

nakakapagod pala ang maging government employee. noong nasa nbdb ako, it was a breeze. siguro dahil mainly ang trabaho ko was my expertise: books, writing, editing, organizing of seminars and events. doon, bagama't nag-asikaso rin ako ng papers para sa mga proyekto, minimal lang ang admin. work na ginawa ko. there are people who will do it for you. straight ako sa proyekto at doon ako napapakinabangan nang husto.

dito sa ccp, my gad, sobrang dami ng admin work. kaya pala ang sentimyento ni sir hermie bago siya mag-retire, feeling niya, hindi siya writer o artist dahil nagtagal siya sa ccp, 27 years, as a govt employee.

there is very minimal creative work, for god's sake. kung meron man, mas reading and research, my gad mamamatay neurons ko rito, i swear hahaha! these past few weeks, i was swamped with contracts, government forms, agreements, memos. tas pina attend ako ng quality management seminar, the fuck, sobrang technical. ina-analyze ang processes, ang work flow, how do you get customer feedback, mission, vision. gad, akala ko natapos na ang chapter na ito ng buhay ko noong umalis na ako sa first ever job ko, isang NGO for women. I had to know swot analysis eklavu dun kasi kami ang nag-oorganisa ng mga seminar to strengthen other ngos for women. what saved me was the creative work i did for the PSR radio drama program every week.

dito sa ccp, ultimo pagbibilang ng acknowledgment forms ng Performatura bags, inaasikaso ko. lord naman.

pero ang saving grace ng sitwasyon ko ngayon, pinupulot ko na lang sa isang book im reading and i am so enjoying: from barrio to senado by juan flavier. yes, the juan flavier! ano ang napulot ko? kung ang mindset mo sa lahat ng mahirap na bagay ay "i will learn from this, im gonna need this kind of knowledge someday" ganyan, makakatagal ka. so, regalo ng diyos na dinampot ko ang librong ito sa ganitong yugto ng aking employment sa ccp. ang ganda ganda ng libro, sobrang dami ng insight about govt work, about leadership, about public speaking and most of all, about public service. i find strength in every chapter i finish. ang galing niya maghimay ng sarili niyang experience. kaya, highly recommended.

anyway, ito ang ilan sa nalaman ko sa pananatili ko sa ccp

kaya pala laging wala ang mga govt employee sa kanilang work stations ay dahil:

1. nasa seminar sila (quality management seminar, gender and development seminar, leadership seminar, etc.)

2. nasa govt agency event sila (anniversary, sports fest, annual physical examination, etc.)

3. ginagawa nila ang task na iniatang sa kanila kahit na ayaw nila ito at hindi ito bahagi ng kanilang main work or function

4. namamasyal, naglalamyerda, kasi sa totoo lang, nakakapagod naman talaga ang stress sa opis

5. nasa cr, kasi naghuhugas ng pinagkainan, naglalaba ng basahan ng hapag-kainan

6. nasa work station ng iba kasi may kailangan na dokumento doon or may kailangang klaruhin, may kailangang ipaliwanag sa workmate, may ipinapahiram na dokumento, may mine-mentor

7. nasa labas, kumain, kasi nakaka-stress namang talaga, so ikain mo na lang ang hirap ng kalooban

8. absent, may sakit, may sakit ang kapamilya, may namatay, naaksidente, etc.

9. on leave, kasi may leave naman, bakit hindi gamitin? bakasyon mode, govt transactional leave, ito yung pupunta ka sa ibang govt agency para mag-asikaso ng sariling papeles like passport, birthday leave (di na kailangan ng paliwanag diyan), special leave (wedding anniversary! yes, may ganyan!)

10. petiks, me ganyan talaga e, pasiga-sigarilyo, paikot-ikot sa iba't ibang opis (nagbebenta ng laing!), hintay ang bundy clock para makapag-out na, tambay sa canteen, nagpi-people watching, lahat ng opis, me ganyang character, they are regulars. hahaha!

i wish matagalan ko ito. sana lang tumaas ang suweldo ko. at sana hindi ko malimot ang pagsusulat. pag naganap ang dalawang sana, pede! pede ako magforever sa ccp.

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on October 04, 2017 05:05

September 25, 2017

Dnao (Sanaysay)

Dnao
ni Bebang Siy

Ang sadya namin ay ang makapagbahagi ng tips sa pagsusulat ng sanaysay at iskrip. Inimbitahan kami para sa Dnao Seminar-Workshop sa Panitikan sa Mindanao State University-Marawi Campus. November 2012 iyon at naghahanda kami ni Poy para magpakasal come 2013.

Pagkaraan ng dalawang araw na lecture at workshop kasama ang mga estudyante ng MSU na nasa patnubay ng ilang guro sa Filipino, may maikling programa para sa pagbibigay ng mga sertipiko sa lahat ng lumahok at sa aming mga nag-facilitate ng lecture at workshop. Tatlo kami. Ako, si Poy at ang kaibigan kong si Wennielyn Fajilan, na isang napakahusay na guro sa UST. Masaya kami na matatapos ang event nang maayos at ligtas ang lahat. Bago kasi kami lumipad pa-Mindanao, may pinasabog na internet shop sa loob ng MSU-Marawi. Siyempre pa, lahat ng kapamilya’t kaibigan namin, diniscourage na kaming dumayo roon. Tapos, pagsalubong sa amin ng MSU professor na si Sir Angelito Flores, Jr. sa airport, naikuwento niya na may dinukot daw na estudyante sa loob mismo ng campus.

Cool lang ako sa gitna ng mga balita at ganoong kuwento. Di ako kinabahan. Sa di malamang dahilan, wala akong anumang takot sa dibdib. Di kami nagkukuwentuhan nina Poy at Wennie sa daan papunta sa MSU-Marawi mula sa Iligan. Di ko tuloy alam kung pare-pareho ba kami ng nararamdaman nang panahon na iyon. Pero sa isip-isip ko, di kami mapapaano rito. Ang pakay lang namin, makapagbahagi, at, siyempre, matuto rin. Malinis ang aming agenda.

Pagdating sa MSU, namangha ako sa laki ng school. Bukod sa Flagship Campus ng MSU System, mother university kumbaga, university town din pala ito. Meaning, buong Marawi equals Campus. At lahat nga ng napuntahan naming building doon at structure, para sa akin ay malaki at maluwang. At higit sa lahat, maaliwalas. City girl ako kaya naman refreshing ang mga bukid at ekta-ektaryang talahiban sa likod ng mga classroom. Hiwa-hiwalay din ang mga college building. I mean, layo-layo. Feel ko ang bawat unit ng oxygen na naglalagos sa aking ilong. Hah.

Pero pagsapit ng gabi, nagbago ang lahat ng aking damdamin.

Nakakatakot ang dilim.

Kakaunti ang ilaw (natural, puro bukirin at talahiban ba naman) tapos layo-layo ang mga building (na siyang may ilaw). At ang tahimik. Bibihira ang sasakyan, wala ring establishment na maingay tulad ng mall. Kaya kapag nakarinig ka ng malakas na tunog na sa malayo naman nagmula, aakalain mo talagang putok ito ng baril. O pagsabog ng bomba.

Natulog kami sa isang dorm na napakaliwanag. Naalala kong maghahatinggabi na ay naka-on pa ang lahat ng pahabang flourescent na bumbilya sa lobby, sa hallway at sa mismong sleeping area. Noong una, ang naisip ko ay maganda nga naman ito, safe na safe kami. Pero paglalim ng gabi, ang naisip ko ay paano kung may sumalakay doon sapagkat kitang-kita ang laman ng dorm mula sa labas dahil sa mga ilaw nito? Para kaming nasa loob ng boteng maliwanag, puwedeng obserbahan kahit tulog na ang mga nasa loob. Babae pa naman kaming lahat na naroon.

Sa ilang araw namin sa MSU, nakitulog din kami sa bahay ni Sir Lito sa campus. Si Sir Lito ang talagang contact namin sa MSU. Nagkakilala kami sa UST bilang mga guro ng Filipino sa College of Commerce. Sinubukan niyang magturo dito sa Maynila kahit more than 20 years na siya sa MSU dahil nandito ang kanyang mag-ina. Bumalik siya sa MSU pagkaraan ng ilang semestre sa UST at iba pang kolehiyo sa Maynila, wala kasing security dito ang mga bagong guro. Pagdating ng second sem ay agawan na sa units ang mga teacher. Sa MSU ay stable siya, at higit sa lahat, may bahay siyang natutuluyan sa loob ng campus, pamana ng kanyang tatay na si Angelito Flores, Sr. na naging opisyal ng MSU at siyang lumikha ng MSU Hymn katuwang si Maestro Lucio San Pedro, ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika.

Malaking bahay ito, higit sa lima yata ang kuwarto. Sa araw ay napakaraming estudyante doon, para siyang youth center. May mga nagbabasa ng libro, may nag-aaral sa pahabang mesa sa sala, may naggigitara sa isang sulok. Kristiyano si Sir Lito at binuksan niya ang kanyang tahanan para maging tambayan ng mga Kristiyanong estudyante sa Marawi.

Ang lecture ko sa pagsulat ng sanaysay ay maikling-maikli. Pang-beginner talaga. Magbasa nang maraming sanaysay, mind your basics like spelling, grammar, punctuations, gumamit ng nouns at verbs sa paglalarawan imbes na adjectives at adverbs, at ibahagi at ilathala ang sariling akda.

Mahuhusay ang estudyante roon dahil nakaka-attract ng pinakamahuhusay na high school graduate ang kursong AB Filipino. Kung sa mga unibersidad sa Maynila, palaos nang palaos ang kursong ito, sa UST nga, tinanggal na ang major in Filipino sa College of Education, sa UP Diliman ay laging nae-extend ang enrolment period ng Filipino Department dahil sa kakaunting enrollees, baliktad ang nangyayari sa MSU-Marawi. Ayon kay Sir Lito, pataas nang pataas ang number of enrolees ng AB Filipino. Palagay ko ay dahil laging may pangangailangan sa Filipino teachers sa buong Pilipinas. Lalong-lalo na sa Maynila. Kung wala nang supply mula mismo sa Maynila, saan pa ba kukuha ng guro sa Filipino ang mga eskuwelahan kundi sa lalawigan? At iilang unibersidad lang ang may AB Filipino na kurso, hindi ba? Kaya ang top supplier ng AB Filipino graduates na eventually ay nagiging Filipino teachers ay walang iba kundi ang MSU Marawi.

Anyway, sa workshop ako nag-concentrate. Para sa akin, mas maraming natututuhan ang estudyante sa workshop kaysa sa lecture. Nagpasumite ako ng ilang sanaysay in advance, ito ang ipina-photocopy at ipinamudmod sa mga participant para mabasa in advance at maisalang sa palihan pagdating ng mismong event. Ang mga sanaysay ay walang ipinagkaiba sa mga sanaysay ng teenagers na taga-Maynila o iba pang bahagi ng Pilipinas (aktibo kaming nagbibigay ng palihan sa malikhaing pagsulat sa kung saan-saan, Luzon, Visayas, Mindanao): tungkol din ito sa pamilya (sobrang pagmamahal ng magulang sa anak, pagkakaroon ng iresponsableng tatay, pagiging reliable ng mga ina), tungkol sa mga dinadaanan nilang pagsubok (kulang ang perang pambaon kaya’t nagtinda na ng tinapay at itlog na pugo sa mga kaklase, unang pagsalta sa ibang lugar) at pag-ibig. Gayundin ang weakness, pareho lang: laging nag-uumpisa sa boring na talata, laging nag-e-editorializing, meaning, bigla na lang nagpi-preach tungkol sa buhay na para bang matatanda na sila in an instant, nagaganap iyan sa gitna o dulo ng sanaysay, at laging naglalagom. Siyempre pa, ang payo ko'y iwasan ang mga nabanggit.

Ang lumutang na strength ng mga sanaysayistang estudyante nang batch na ito ay: mahuhusay na pangungusap. Magandang mag-Filipino ang mga batang ito. May pagka-elegante ang paraan ng kanilang pagpapahayag. Bibihira din ang may mali sa spelling at bantas.

Nakakatuwa rin na walang pangingimi ang ilang sanaysay. Isa rito ang tumalakay sa umusbong niyang pag-ibig para sa isang pinsan, na siyempre ay pinigilan niya’t itinigil nang tuluyan dahil alam niyang mali. Babaeng estudyante ang nagsulat. Isang sanaysay naman ang tumalakay sa epekto ng rido sa mga babae at bata. Ang rido ay isang konseptong Maranaw tungkol sa pag-aaway ng dalawang angkan. Ayon pa kay Mam Almayrah Tiburon o Mye, isa sa mga guro ng Filipino sa MSU Marawi at isa ring tubong Maranaw, hindi puwedeng ilibing ang isang tao na biktima ng rido hangga’t hindi nakakaganti ang pamilya nito. Ang pagganti ay madalas na nasa anyo ng pagpatay sa pumatay sa unang biktima, o kaya ay sa kapamilya din nito. Kaya walang katapusan ang rido, dahil buhay at bangkay din ang kailangang ipalit sa nawalang buhay ng kapamilya. Ayon sa sanaysay ng estudyante, nanganganib ang buhay ng mga bata at babae dahil nagsisitago ang mga lalaki ng pamilya para di magantihan ng rido. Ang mga babae ang kumakayod, ang mga bata ang nag-iigib, nagsisibak ng kahoy at tumatao sa bukid. Minsan din, kahit hindi naman talaga sila sangkot sa away ng kanilang angkan, pinupuntirya sila ng kaaway, para lang makaganti ang mga ito at mailibing na ang sariling kapamilya.

Sa aktuwal na workshop, pinakakaunti ang nagpunta sa aking session. Ang pinakamarami ay ang kina Poy (iskrip) at Wennie (akdang pambata). Seventy ang maximum number of participants at naka-sitenta ang bawat session nila. Ako, wala pang singkuwenta. Pero wala akong paki sa bilang. Ganadong-ganado ako dahil gamay na ng mga estudyanteng ito ang wikang pambansa. Puntos agad sa kanila, di ba? Pagkatapos ng workshop ng mga akdang ipinasa in advance, pinasulat ko na sila on-the-spot. Pero mas magaan ang kanilang paksa: isang ispesipikong lugar sa kani-kanilang bayan. May mga sumulat tungkol sa kalsada nila, may tungkol sa isang sikat na resort na pinagsi-swimming-an ng barkada, may tungkol sa eskuwela. Sa session ko, maraming babae ang lumahok, ilan sa kanila ay naka-burka. Nakakailang pala pag may kausap kang ganoon, kasi hindi mo alam kung ano ang reaksiyon niya sa mga pinagsasasabi mo. Ang isa sa kanila ay umiiyak na pala pagkatapos naming mag-comment sa sanaysay niya. Nakalimutan ko na kung tungkol saan ang kanyang isinulat, pero, hayun nga, umiiyak na pala siya. Ang sabi sa akin ng kanyang katabi, habang nakatitig sa akin ang namumulang mata ng estudyanteng naka-burka, “Mam, hindi siya sanay.” Naku, napa-sorry ako nang wala sa oras. At nagtawanan ang lahat. Naningkit ang mata ng naka-burka, malamang natawa na rin siya.

Sabi ni Mam Zian Bankero, tubong Maranaw at guro din sa Filipino sa MSU, mas reserved ang mga estudyanteng naka-burka. Madalas daw na tahimik ang mga ito sa klase kaysa sa counterpart nilang Kristiyano at lumad. Ang hirap naman kasi, kako. Mukha mo pa lang ay kailangan mo nang itago, ano pa kaya ang mas internal tulad ng saloobin? Ng damdamin? Naisip din namin ni Wennie, ano naman kaya ang naiisip nila sa amin, kaming mga hindi nagtatakip ng mukha, braso, at binti? Itinuturing kaya nila kaming makasalanan, or something? Pero ang pinaka-disturbing sa akin, paano ko masisiguro na ang naka-burka ay siya pa ring estudyante ko? What if, uma-absent na pala siya’t naglalakwatsa, may pinapa-attend lang na kabarkada? Attendance, attendance.

Nang matapos ang workshop, tinipon sa IPDM Hall ang participants mula sa tatlong session para makinig sa copyright talk ni Alvin Buenaventura ng FILCOLS. Via cellphone lang ang talk, nasa Antipolo si Alvin. Pinakabitan namin ng mikropono ang cellphone at ang mga estudyante ay nakatutok sa Powerpoint presentation sa screen ng LCD projector. Nairaos ito nang maayos, tahimik at produktibo. Ang isa sa mga tanong ng estudyante ay tungkol sa pagpapa-photocopy.

Pagkatapos nito ay closing ceremonies. Biglang umingay ang IPDM Hall. Parang na-excite ang mga estudyante, at ang lahat ay nakangiti. May kung anong inaabangan. Ang mga gurong babae ay lumapit sa amin ni Wennie. Dinala nila kami sa isang sulok, me mga kurtinang tabing ito, may mesa at tatlong babaeng teacher at estudyante. Pinagbihis kami ng tradisyonal na damit ng Maranaw. Masalimuot ang damit, maraming butones sa harap, tadtad ng sequins ang magkabilang dibdib, long sleeves. May ibinalot na malong sa aking bewang si Mam Mye at sinecure iyon sa pamamagitan lang ng pagtutupi. Ang kay Wennie ay long sleeves din at malong. May naglagay ng telang dilaw sa aking buhok, itinali pa ito sa batok ko. Walang nakalabas ni isang piraso ng buhok. May nag-make up pa sa amin. May nagkabit ng kuwintas, pulseras at hikaw sa akin. Natatawa lang ako. Ang nasa isip ko, putsa, baka magtatanghal kami ng improvised na skit. Na comedy. At ito ‘yong costume.

Habang ginagawa ang lahat ng ito ay biglang naghiyawan ang mga estudyante. Dahil sa tela at kurtina ay hindi namin makita ang nagaganap sa stage ng IPDM Hall. Bakit kaya? Pero masaya naman ang hiyaw, so hindi kami nabahala ni Wennie. Lahat din ng kasama naming babae sa sulok na iyon ay nakangiti, abalang-abala sa pag-aayos ng mga ipinasuot sa amin.

Maya-maya pa ay lumabas na kami sa aming sulok. Hiyawan na naman ang mga estudyante. Ang tawa ko, nasa gitna ng stage si Poy, nakadamit-Maranaw din, na dilaw tulad ng suot ko. Damit-pangkasal pala ang mga iyon.

We are getting married the Maranaw way.

Bongga!

Bongga rin ang hiya ko. Of course. Imagine, lahat ng tao, nakatingin sa amin as a couple? Bale ba, pagpasok ng MSU, we tried our very best from the very start na huwag mahalata ang pagiging magdyowa namin. Kumbaga, pa-innocent, to support our claim, malinis ang aming agenda. Bawal ang sweetness overload, PDA, as in public display of affection. Pakiramdam nga kasi namin, conservative ang mga taga-Marawi.

Tapos, ito pala ang isusurpresa nila sa amin: isang engrandeng kasal sa kanilang paaralan.

Ang estudyanteng emcee na nakabarong ang siyang nagsalita. Isang telang puti na pahaba ang iniabot ni Sir Lito kay Poy. Nakalimutan ko na kung ano ang ginawa namin sa tela na iyon. Pinaupo kami sa harap, kasama ang aming “maid of honor” na si Wennie. Piniktyuran kami nang walang hanggan, hagikgik nang hagikgik ang mga teacher at estudyante. Pinatayo kami ni Poy, pinaghawak nang kamay, bungisngis nang bungisngis ang mga kinikilig. Pinagyakap pa kami, sapilitan kunwari samantalang ang totoo, gusto ko rin. Pinapuwesto si Poy sa aking likod. Kath-Niel? Ja-Dine? Hindi, a, original yata ito: Beboy. Pagyakap ni Poy sa akin, sumabog ang buong hall, sumabog sa kiligayahan.

Nakabalik na kami’t lahat sa Maynila ay di namin nalilimutan ang mga nakasama sa MSU. Turing nami’y kamag-anak at kaibigan ang lahat ng dumalo sa aming “kasal.” Kaya’t nagpasya kami na isama sila sa tunay naming kasal, na ginanap noong December 30, 2013 sa Malate, Maynila. Nag-organisa kami ng mini-book fair sa labas ng reception hall at 20% ng sales ng lahat ng seller ay mapupunta sa Filipino teachers ng MSU Marawi. Ang tanging gamit ng pondo na ito ay pambili ng dagdag na reference materials para sa course subjects na Filipino. Ipinaabot namin ang pera sa isa sa mga abay namin, si Sir Lito.

Di naputol doon ang ugnayan namin sa Marawi. Nang nasa National Book Development Board (NBDB) ako, natuklasan ko na kakaunti ang nagsusulat sa Filipino mula sa Mindanao. Kadalasan, ang mga akda ay nasa katutubong wika at sa Ingles. Kinausap namin si Mam Mye na noong panahon na iyon ay may sarili nang libro ng mga maikling kuwento sa wikang Filipino, ang Terminal 1. Inilathala ni Poy ang ebook version ng Terminal 1 sa pamamagitan ng kanyang kompanya na Balangay Productions. Inilathala din ng Balangay ang ebook at printed versions ng ikalawang koleksiyon ng maiikling kuwento ni Mam Mye, ang Terminal 2. Isang koleksiyon naman ng mga tula sa wikang Filipino ang kanyang Terminal 3. Sa kasalukuyan ay nasa editing stage si Mam Mye batay sa aking mga rekomendasyon pagkatapos ko itong basahin. Ikinonekta namin si Mam Mam Mye sa NBDB at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Nang maghanap si Faye Cura ng Gantala Press ng babaeng kinatawan para sa isang forum sa Quezon City tungkol sa gera sa Marawi ay si Mam Mye ang aming kinausap at inirekomenda. Dapat ay laging may awtentikong boses na napapakinggan ang mga nasa Maynila. Matapang niyang inilahad ang kanyang mga naranasan nang ipataw ni Presidente Duterte ang Martial Law at ang epekto ng digma sa marangal na bayan ng Marawi.

Napakaraming kayang ialay ng bayan na ito sa buong bansa. Kay yaman nito sa lahat ng aspekto: natural resources, human resources, emotional resources, that is pag-ibig at pagpapahalaga sa kapwa.

Kaya mahal ko ang bayan na ito. Hangga’t tumitibok ang puso ko para sa aking asawang si Poy ay titibok ito para sa Marawi, ang lunan ng unang-una naming pag-iisang-dibdib.

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 25, 2017 06:30

Dnaw (Sanaysay)

Dnaw
ni Bebang Siy

Ang sadya namin ay ang makapagbahagi ng tips sa pagsusulat ng sanaysay at iskrip. Inimbitahan kami para sa Dnaw Seminar-Workshop sa Panitikan sa Mindanao State University-Marawi Campus. November 2012 iyon at naghahanda kami ni Poy para magpakasal come 2013.

Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.