Bebang Siy's Blog, page 22

December 7, 2018

verdict regarding iso

bahahaha ang verdict sa amin after ng readiness assessment activity ay........... drum roll please......... certifiable!

dapaaaak! hahaha ang galing! noong dec 5 ay nasalang ako sa assessment na iyan. shet hilong-hilo pa ako sa antok dahil hindi ako nakatulog noong dec. 4. nilamay ko ang pagpapadala ng mga liham, entries at score sheet sa mga sba judge. di pa nga ako natapos, grabe. pagoda na. anyway, during the assessment, napapapikit ako sa antok. nasa room kami ni mam liebei, si mam alice ang unang tinanong. random naman ang pagpili ni sir sherwin sa pag-assess sa mga docs nila. ang galing ng mga sagot ni mam alice. then si mam leila na. ang ganda rin ng mga sagot niya. dinala pa ni mam leila si sir sherwin sa iba't ibang lugar sa loob ng division para maipakita nang maigi ang mga proseso ng video documentation at archiving.

noong ako na, ang unang tiningnan ay ang feedback form para sa publications. sinabi ko ang concern ko na di ako komportable sa ganoong paraan ng paghingi ng feedback form dahil hindi naman talaga sa ganoon nasusukat ang ganda ng isang libro. naging honest ako na di ko alam kung paano hihingiin ang feedback ng mga nakabasa na. ang isa sa suggestion ng assessor ay: mag-reproduce daw kami ng kopya ng form na iyon at ipamigay daw namin sa guard sa may entrance. ang tawa ko sa utak ko. sabi ko na, mangyayari talaga na ang mag-a-assess sa amin ay di naman pamilyar sa isang artistic at cultural product! my gad.

anyway, nag-suggest na lang ako na ang i-assess niya na lang na proseso ay ang sa literary or publishing event process namin dahil iyon, sa umpisa pa lang, ibinibigay na namin ang feedback form. mas madaling i-evaluate ang isang event. pag-exit ng tao, nakukuha na namin ang filled out feedback form nila. pumayag siya, ang hiningi niya sa akin ay ang nasagutan nang forms. umakyat ako at pagbaba ko, patapos na ang assessment nila sa aming department. ipinakita ko pa rin ang aking mga dala, ok daw. meron daw bang bad feedback, sabi ko, wala naman. minor lang. pero may observation like yung di napakain agad ang komunidad ng mga aeta. sabi niya, make sure daw na documented iyon at ilagay ko sa terminal report kung paano siya na-resolve. nakita rin niya ang terminal report at ang sabi niya, dapat daw, may prepared by at noted by. sumang-ayon naman ako.

kanina, nag-report si sir sherwin sa iso ccp team ng mga finding niya. puro non conformity, maraming di napaaprubahan, walang signature, di nagtutugma sa practice at sa papel. akala ko ay bad news lahat. sa dulo, sinabi niya kung ano na ang capacity namin kung kami ay io-audit na ng 3rd party. aba, aba, certifiable naman pala. 2nd to the highest na ranking. ang galing! sabi ni miss sam, proud daw siya sa amin dahil may mga kasabay kaming na-handle din niya ang iso activities at di hamak na mas mababa ang ranking sa amin ang nakuha ng mga ito. ipagyayabang daw niya kami. aaay, bigla akong nahiya sa mga araw na kinukulit ko siya at asar na asar ako sa iso. haha! napakarami pa raw rooms for improvement pero mga madali naman daw itong magamot at maiayos, sabi ni sir sherwin.

omg. juskoday.

sa enero ang aming 3rd party auditing. go na go na! hahaha!

parang kelan lang, sobrang nangangapa kami sa iso na yan. eto ngayon, nangangapa pa rin kami, pero at least, nakausad. wohooo!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on December 07, 2018 06:21

national artist

noong isang araw, nakapag-almusal kami nang mapayapa ni papa p. tulog pa yata ang mga bata noon or nasa sta. mesa.

habang nag-aalmusal, napag-usapan namin ang ilang bagay tungkol sa panitikan, sa mga award at iba pa.

napag-usapan namin ang flaw sa pag-select ng national artist. ang isa sa criteria kasi ay dapat maraming na-mentor ang artist. dapat naipapasa niya ang talino niya sa kanyang craft. which i think is wrong. hindi pare-pareho ang artist. may marunong mag-mentor, may hindi. may extrovert, may introvert. isa pa, may mga form of art na napaka-alone ng proseso. halimbawa, ang visual artist at ang writer. hindi collaborative ang proseso ng paglikha nila ng akda. natural lang na mas nanaisin nilang lagi ang mapag-isa para makalikha sila. malamang, mas awkward sa socialization aspect ang ganitong mga artist, hindi ba? unlike sa mga nasa teatro o sa pelikula. sobrang collaborative ang mga ito, kaya mas mataas ang social skills nila, mas kaya nilang magmando ng mga tao, mas kaya nilang makipag-usap, mas likely na may mentorship na magaganap.

ang tanong, hindi ba sapat ang husay ng isang artist at ang husay ng kanyang mga likha? bakit kailangang may sangkot na personalidad sa criteria for national artist? paano kung masama kang tao pero saksakan ng husay ang iyong mga akda? nakapagpakilala ka ng bagong proseso ng paglikha? napakaraming na-inspire na lumikha dahil sa iyong mga akda? hindi pa ba sapat iyon? dehado ang writers dito. imagine, kailangang mag-mentor ng writer para maturingan siyang mahusay na writer? kailangan may pa-workshop siya lagi? e nagre-require iyan ng resources! saan magmumula ang resources para doon, di ba?

ang sabi ni papa p, sabi daw ni sir abueg sa kanya, flawed nga raw talaga. ang dapat ay bigyan ng sapat na panahon na mag-research ang committee na naghahanap ng bagong hihirangin na national artist. at pag-aralan nang husto ang bawat akda ng nominee. iisa-isahin ang mga akda. doon tingnan ang husay, doon dapat siya husgahan.

i agree. dahil ang akda ang magsasalita para sa isang manlilikha. at sapat na iyon.

wala nang lifestyle check-lifestyle check. wala nang personality check. hindi naman tayo naghahanap ng valedictorian, e. iyong dapat, di ka lang matalino, dapat lovable ka rin para sa mga guro. dapat mabait ka sa paningin nila. dapat safe choice ka, iyong tipong walang makakapagtanong ng "bakit iyan ang pinili n'yong mag-valedictorian?"
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on December 07, 2018 06:07

December 4, 2018

up and down

good news muna. kumikita na ako sa stock market! as far as i remember, sunod-sunod ang mga araw na may kita ako: 2k, 5k, 5k, 1.8k, 80k (yes, as in!) at 9k.

o, di ba? ang mga stock na na-buy and sell ko ay ECP, PLC, ISM, ALI, NOW.

i think marunong na talaga ako mag-observe. today, wala akong kita, pero naka-GTC naman ako (good til cancelled), mga 50 cents per share per uri ng stock ang ginawa kong target para di masyado matagal ang hihintayin ko para maka-sell. kanina, kinausap ako ni melissa ng film division. ano raw app ang gamit ko, di ko na-gets agad ang ibig niyang sabihin. tapos naalala ko na, tinanong niya ako last week kung nag-i-stock market ako. i said yes. that was i think the day na kumita ako ng 80k (yes, isang araw lang siya!). sa sobrang saya ko, ang ingay ko, hahaha! nakarating sa film ang ingay (at saya!) ko. siguro narinig niya sa akin ang term na stocks hahaha! jusko, napaka-transparent ko talagang tao, i swear. sabi ko kay melissa, kanina, yes, tuturuan kita, go tayo! i hope we both find the time to learn more about stock market investing!

ngayon, pag-usapan naman natin ang boo-boo. haha! i blogged about an invitation for a farewell dinner of czech ambassador jaroslav olsa. omg, it turned out kagabi pala siya! hindi pa pala siya nagaganap when i blogged about it. what i saw on social media was a private dinner with some of his special friends from the literary community. kaloka. mukmok to the highest level pa ako, e di naman pala iyon ang tinutukoy kong event. sayang!

kaya lang, di rin ako tutuloy kung sakali. sa shangri-la makati lang siya, napakadaling puntahan sana via bus o MRT, pero may sakit si Papa P. nagtae siya, sininat. at bugbog ke dagat na sobrang nananakit kapag nae-excite. akala ko tuloy ay special child. di kasi siya marunong makinig o sumunod sa instruction. nagkaduda tuloy ako sa pagiging normal niya.

anyway, this post isn't about dagat so i'll stop here, hehehe. post na lang ako sa susunod tungkol sa kanya, kasi sa totoo lang, gusto ko ring mag-blog tungkol sa mga obserbasyon ko sa middle child kong ito. medyo may mga weird kasi siyang galaw, na ikinababahala ko minsan.

so there ...up and down feelings in the past few days.

mainly, up. kasi happy ako, kumikita ako sa napakatagal kong inaral na stock market.

at nakasama uli kita, blog.

see? i miss you, really!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on December 04, 2018 08:39

November 27, 2018

3 tips para sa mga batang manunulat

ito ang huling tanong ng moderator ng talk namin kahapon sa san pedro college of business administration na si sir jayjay: ano ang maipapayo n'yo sa batang manunulat?

ito ang sabi ko after sumagot nina sir eros at joshel:

1. seryosohin ang deadline at target number of words. it's the way to be productive.

2. it's ok to think small, as in retail. kung 1 short story lang, ok lang iyan. kung 1 tula lang, ok lang iyan. kahit isa, puwede iyang maging libro.

3. magpabasa ng akda. kahit kanino. basta, magpabasa. ito ang intro mo sa kritisismo.

ok naman, ano? gagawin ko nang standard na sagot ito sa standard na tanong.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 27, 2018 07:23

an invitation

may natanggap akong imbitasyon para sa farewell dinner para sa ambassador ng Czech na si Sir Jaroslav Olsa. sumagi sa isip ko ang magpunta dahil napakabuti ng tao na ito, napakasipag at napakaraming nagawa para sa literary community sa pilipinas. nauunawaan niya nang malalim ang impact ng mga cultural at artistic effort sa diplomasya at nation building. agad ko siyang piniem nang matanggap ko ang imbitasyon online. nagpasalamat ako sa efforts niya.

nakilala ko siya noong book launch ng ang manggagaway. ginanap ito sa bahay ng isang european na ambassador sa isang super high end na village sa makati. nakalimutan ko na kung paano kaming nakarating doon ni marjorie, commute malamang dahil ang kuripot ko sa transpo expenses, talaga naman, paano, ilokano na, intsik pa! dumalo ako ng book launch dahil isa ako sa translators ng dalawang kuwento sa librong iyon na kalipunan ng speculative fiction mulang central europe, at siya naman ay isa sa editors. proyekto niya ito katuwang ang visprint. napaka-warm ni sir olsa, parang matagal na kayong magkakilala kung kamayan ka niya at ngitian. ang tangkad-tangkad niya pero todo yuko siya kapag nag-uusap kayo. hay, sobrang charming din dahil palangiti at hindi nagpipigil ng tawa. basta ang gaan ng presence niya.

nakita ko kanina ang mga picture sa farewell dinner. tapos na pala. di ko na namalayan. pero nagpapasalamat din ako na di ako nagpunta dahil kung nagkataon ay baka ma-out of place lang ako. ang bongga ng mga bisita, malalaking tao sa literary and publishing community. at common denominator din na mayaman silang lahat. tipong nasa abroad kung long weekend. kung nagkataon, malamang na magko-commute na naman ako papunta doon, dyip, bus, tren at pagdating ng uwian ay makikiusap akong makisabay sa isa sa kanila hanggang sa kalsadang makakasakay ako ng dyip, bus, tren. pedicab pa nga, uy!

ang hirap ng mahirap. biruin mo, hindi pa sila naaawa sa akin, awang-awa na ako sa aking sarili.

recently din ay nag-talk ako sa isang sosyal na high school sa cavite. tinanguan ko dahil kaibigan ang nag-imbita. pero may kutob na ako sa mangyayari: di naman talaga interesado ang mga bata, naroon lang sila sa harap ko dahil required, at mabibilang lang sa palad ang makikinig. at dahil kaunti nga lang ang makikinig, walang magtatanong sa open forum. nangyari nga ang kutob ko!

nalungkot ako, siyempre. pero tanggap ko naman na. di talaga ako mabenta sa mga rich.

pang-poorita ang beauty ko, pangmasa, hahaha! di ko tuloy maiwasan na maikumpara ang mga rich school visit ko sa mga karanasan ko sa simpleng mga eskuwela at lalo na sa public schools. ibang-iba, mga besh. tagos sa puso ang appreciation nila sa iyo at sa mga akda mo, lalo at filipino. matatalino rin ang mga tanong sa open forum at q and a, handang-handa ang mga bata sa presensiya mo, ganern.

i really feel inferior when i am surrounded by rich people. ito na siguro ang pinanggagalingan ng sigasig kong makaipon at maging mas financially stable. kaya isip nang isip para madagdagan ang kita. sa loob-loob ko siguro'y "a, someday, di na ako magdidyip, bus, tren, pedicab. di na ako makikiusap, makikisakay, makikisabay, hanggang sa kalsadang me dyip, bus, tren. someday, may sarili na akong sasakyan. ako naman ang magmamaneho, at maiipit sa trapik! hahahaha!

ano ba itong pinagsasasabi ko, samantalang naalala ko lang ang kabutihan at cultural-based strategies ng ambassador na si sir jaroslav olsa?

sana ay dumami pa ang tulad niya.






 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 27, 2018 07:19

at work

hi, blog! im at work today. pero na-miss kita kaya ... eto akowohooo, basang-basa sa ulaahahan, walang masisilungan.

ano ba hahaha joke lang. sabak na naman ako sa trabaho, besh. katatapos lang ng dalawang bagyo: Philippine PEN Congress at ng Performatura in the Regions Cavite. Eto at kailangan na namang maghanda para sa tatlo pang event:

1 at 2. Performatura in the Regions Pampanga at Bulacan,
3. at ang UMPIL-LIRA Conference sa tula na pinamagatang Pambansang Edukasyong Pampanitikan.

sana kayanin ng team, sobrang dami ng load kaloka. tapos next year, may mga publication project kami na pang-50th anniv ng CCP. Kaka-meeting lang namin with Miss Rica ng Visual Arts and Museum Division. Eto ang napag-usapan:

1. book about graphic design - may 2019 ang launch
2. book about architecture- december 2019 ang launch
3. book about film - september 2019 ang launch

good luck na lang sa publishing management skills ko, ano?

sa amin din naka-assign ang national artist folio at dapat mailabas iyon next year, sa mayo din dahil iyon naman ang palabas para sa pagpaparangal sa mga bagong national artist na idineklara last month sa malakanyang.

napag-usapan din namin ni Miss Rica ang dalawang exhibit na nakakabit sa Performatura sa CCP sa 2019:

1. francisco coching exhibit sa january to may 2019
2. edith tiempo exhibit- march to april 2019

im so happy to work with miss rica. sobrang organized niya at ang sipag. kung di dahil sa kanya ay di maaga ang paghahanda namin para sa mga proyektong nabanggit. ang nangyayari kasi sa aming team ay kung ano ang pinakamalapit na event, doon lang kami napo-focus.

am i worried about work? medyo. bukod sa staff ay worried din kasi ako sa pera. parang di kakayanin ng mga budget na inilaan para dito, hahaha!

i just came from the official lighting ceremony at the ccp ramp. ang saya noong finally ay mag-play ang light and sound show, may anino ng nativity scene sa facade ng building namin tapos may mga parol na gawa ng mga magpaparol ng las pinas. binuksan din ang fountain. wala pala kaming christmas tree this year, pero ok lang. dahil mas creative naman ang shadow play sa facade o, di ba?

obvious bang nag-e-enjoy ako sa work? haha, ang saya lang na nandito ako sa behind the scenes ng mga produktong pangkultura, kakaibang perspective din ang hatid nito.

kaninang umaga, bago ako pumasok ng opis, merong nagde-demand ng isa pang compli copy niya ng ani 40. ang rule talaga ay isa lang na kopya para sa lahat ng contributor. then another copy kapag dumalo siya ng launch. namana ko iyan kay sir hermie, and i think it's a good gesture, as well, kaya dapat lang mapanatili ang ganoong rule. Kaso, parang naisaad sa email na naibigay dito sa tao na ka-chat ko kanina, dalawa ang compli copy. so nagde-demand siya ng isa pa, dati pa siyang nag-demand kaya lang ay di namin agad naasikaso dahil gusto sana naming isabay ang kontrata niya sa pagpapadala ng libro, para isahang shipping na lang. may problema nga lang sa kontrata sa processing kaya naantala ang pagpapadala nito. nangatwiran kasi kami na hindi lahat ng contributors ay mapapapirma sa kontrata and it will also cost money to have these writers sign. so, may isang dokumento na ipinagawa sa amin ang processing division that requires the approval of the ccp president. ayun, yun ang medyo nagpapatagal sa proseso dahil bago makarating sa presidente, katakot-takot na dami ng tao ang kailangang daanan ng dokumento. kaya matagal. kaya di pa maipadala ang kontrata at additional compli copy sa ka-chat ko. pero nag-insist siya, kahit pa mega-explain ako sa mga nangyayari at kung bakit di agad siya masagot ng staff namin kapag nagtatanong ito. kailangan na raw kasi niya ang compli copy at siya na raw sasagot ng shipping fee. asar na asar ako, siyempre kasi nga, kababalik pa lang ng buong division namin sa trabaho, heto at me nagde-demand na nga. pero dahil may error din kami on our part, i had to keep my cool, i had to stay polite. taga-gobyerno ako, pinasusuweldo ako ng taumbayan. kasama na nga siguro ito sa hazard sa trabaho, hahaha! ang sama ko.

ano kaya ang feeling kapag iiwan ko na itong work na ito balang araw? kagaya kaya ng pakiramdam ko sa lira when i stepped down as president? i remember the feeling so well. ganito rin ako, all in sa lira when i was an officer and the president. priority ko lagi ang lira, partida, wala pa akong suweldo sa lagay na iyon, ha? may mga panahon din na mag-isa ako, walang kasama sa pagtatrabaho sa proyekto, may mga pagkakataon na feeling ko, walang solid na suporta sa mga member (dahil ayaw sa akin ni sir rio. may ibang manok si sir during the election.) o kung sumusuporta man ay halos patago ang pagtulong, hahaha! a few days before my last state of the lira address at siya ring election ng bagong set of officers, hindi ako makatulog. feeling ko, inferior ako, feeling ko, wala akong masyadong nagawa para sa org. feeling ko, failure ako. ang lungkot, sobra. sabi ko, baka umiyak ako pagkababa ko as president.

but no.

i felt so relieved. in fact, sa sobrang tuwa ay napatalon pa ako. sabi ko, tapos na, tapos na, yey! para akong nakawala sa hawla, parang may tumigpas ng kadena ko sa paa.

dito kaya sa ccp, how will i feel?

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 27, 2018 04:12

November 20, 2018

bebang the vlogger

nag-start ang idea na ito nang mag-post ako ng video tungkol sa kalat sa bahay namin. nag-comment kasi si mam adelma salvador ng lira na idol niya ako sa pagiging nanay at pagiging writer. naku, maling-mali yata ang impresyon niya sa akin dahil sa totoo lang, napakahirap pagsabayin iyan. kaya walang elemento ng pagkananay sa katawan ko lalo na kung housekeeping ang usapan. so, nag-video ako tungkol sa bahay namin. e, ang gulo niyon, hahaha.

positive ang response ng mga utaw hahaha naka-relate! si mam adelma, aba, gumawa rin ng sarili niyang vlog sa bahay naman nila. nakakatuwa! kaya naman gumawa pa ako ng iba pang vlog. ang sabi ko, 1 vlog a day. for 1 week, nagawa ko siya. pero after that, naku, ang hirap pala. mahirap i-sustain at mahirap mag-isip ng mga sasabihin. gustong-gusto ko mag-vlog about ccp art exhibits, kaya lang, parang kailangan ko munang mag-research per exhibit bago ako mag-vlog kung ayaw kong magmukhang tanga sa mga sasabihin ko, ano? gusto ko sanang mag-vlog tungkol sa mga librong nabasa ko kaya lang, dapat pala iskripan ko ito para tuloy-tuloy. gusto ko ring mag-vlog tungkol sa mga event dito sa ccp like yung presscon namin for the 50th anniversary, kaya lang, nakakahiyang mag-vlog habang ongoing ang event! parang kailangan kong lagyan ng mikropono ang utak ko para di na marinig ng iba ang mare-record sa cellphone.

pero palagay ko, maganda siyang gawain. dahil sa pagba-vlog, gumagawa ka ng content. hindi maikakaila na content ang lahat ng uri ng vlogs. at mukhang may niche ako, ehehe ako lang yata ang arts and culture vlogger na nanay na manunulat na taga-cavite. o di ba, kakaibang kombinasyon? actually, lahat naman ng tao ay kakaiba ang combination, kaya dapat lahat ng tao, mag-vlog. para siyang libro, tool siya to help us understand each other.

so... i will continue to vlog. kahit pa super kananayan ang topic ko, or super kawomenan, or super simpleng mga bagay lang tulad ng mga nire-recycle na hanger, haha!

so far, ito ang mga nagawan ko ng vlog:

1. ani 40 book
2. bahay namin at kalat
3. zero waste practices sa bahay (recycling ng hanger, cloth diaper at washable napkin)
4. plaza de santiago, imus cathedral
5. playground ng imus city
6. ermita de porta vaga, samonte park, cavite city
7. playground, samonte park, cavite city
8. paseo de palisoc, ccp
9. masungit na panahon sa ccp
10. puntod ng tatay ko, manila memorial park, paranaque
11. mga daanan at bridge sa manila memorial park, paranaque
12. undas na parang piyesta sa manila memorial park, paranaque
13. mga interesting na puntod sa manila memorial park, paranaque
14. angelus eternal garden, bacoor, cavite

hanapin lang sa timeline ng facebook ko ang mga video para mapanood. see you sa mundo ng vlogging!

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 20, 2018 09:27

nagsusulat pa ba ako?

lately, hindi. puro journal lang. hindi ako makasulat ng malikhaing akda! hindi ako makasulat ng intro sa lila. may tinanggap akong writing raket, deadline sa nov. 29. let's see kung kaya ko siyang ma-beat, hehe.

i miss you, my blog. i hope araw-araw kitang nasusulatan. hindi pa tayo nakaka-celebrate! 10 years na tayo, grabe. happy one decade.

hala. babawi ako sa iyo. baka sa christmas vacation.

alam mo ba lately, maisumbong ko lang sa iyo, ano, meron akong nararamdamang mga antagonism sa akin. sa work, oo pero im done with that. i mean, gets ko na bat ganon ang ilang tao sa akin sa work. insecure. hindi nai-insecure sa akin, mind you kundi nai-insecure sila na di nila mai-display enough ang kapangyarihan nila sa madlang pipol. gusto ko sana sabihan ng ay di ikaw na ang panginoon, go and multiply, hahaha! pero hindi nga work place people ang tinutukoy ko kundi mga kaibigan sa writing circles ko. gahd, baket parang bigla silang naging allergic sa akin? chine-check ko tuloy sarili ko kung nagbago ba ako. definitely, i became super determined sa stocks, sa pera. ayun lang. kasi gusto ko na nga mag-resign hahaha! aaa... alam ko na, sobra akong nagiging vocal lately sa mga ginawa ko in the past. para akong cheerleader ng sarili kong liga. panget ba iyon? panget talaga. kaya lang, paano naman malalaman ng iba kung hindi ko ikukuwento sa sambayanan? saka iniisip ko, baka may ma-inspire sa mga ginawa ko before, like yung sa dagdag dunong, at yung sa lira. anyway, may mga naungkat na bagay at damdamin. i was really hurt, hindi pa talaga naghihilom ang sugat na dulot ng isang insidente sa lira, hehe lalo na it was about my own personality: ang pag-iisip nang bongga tungkol sa pera. may nasaktan ba ako sa ginawa ko that time? i didn't know kung meron, baka pinagkuriputan, oo! pero nasaktan? kung meron, sana kinausap na lang ako, ano? nang magkalinawan.

nangingilo pa ako sa displacement, diskaril. oo nadiskaril na naman ang lola mo. una, nagka-work na naman ako. naging empleyado na naman ako, hay. pangalawa, lumipat kami ng bahay. nawala ang banal kong espasyo, ang bahay namin sa kamias for 15 years. wala akong sarili kong espasyo sa bahay namin ngayon sa cavite, kung saan-saan lang iyong mga abubot ko like hikaw, relo, bracelet. wala akong writing place, wala akong quiet place. meron naman akong cabinet, puro damit, haha! pero ang bag ko, kung saan-saan lang ipinapatong. ni wala akong mesa sa bahay, where i can sit sana and think and reflect. and write. and blog!

kaya gusto ko sa office. dito me sarili akong table. napakakalat niya ngayon, puro dokumento, libro, binder na libre sa mga seminar, invitations, kalendaryo at picture frames ng pamilya, pero ok lang. me sarili akong computer, upuan, munting espasyo. lahat ng gamit ko, in one place. ay, two places pala kasi meron din akong cabinet, nandoon ang isang pares ng sapatos na pampormal, at ilan sa mga libro ko at zines mostly from bltx. nagiging one piece ako sa office space ko. good. kaya lang, andami namang ginagawa sa araw, kaya sa gabi lang talaga ako nagkakaroon ng time to sit, think, reflect. pag tahimik na ang lahat. nakaka-miss ang eksenang ito sa buhay ko.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 20, 2018 09:15

lugi sa stock market

im in my last month sa paghuhulog ko ng monthly promise ko sa stock market investment.

am i doing well? no. ang laki kaya ng lugi ko, around 150k na. pero paper lugi pa lang naman yan so laban lang. tataas din yan. batay sa ilang taon ko nang pag-stock market, tumataas talaga ang mababa. hintay lang.

mas gusto ko na ito kaysa nagagastos kung saan-saan ang ipon namin ni papa p. at gusto ko rin malaman iyong resulta ng 1m na puhunan sa stock market. gusto ko malaman kung may mararating ba iyan hahaha. although, originally, gusto ko na mag-resign after ko ma-achieve ang 1m sa stock market. gusto ko na lang mag-alaga ng mga baby. feeling ko talaga, kailangan ako ng mga anak ko. i hate going home kasi pagod na ako when i get home, simply because i spend a lot of time outside the house. 11 hours of work plus 3 to 4 hours of commute. ano pa matitira sa akin at sa pamilya, di ba? kaya pag weekend, gusto ko talaga namamasyal kami. etong si poy, ermitanyo, nakakaasar ayaw lumabas ng bahay. jusko. nung mag-jowa pa lang kami, pasikat. kung saan-saan ako dinadala. akala ko, gala. di pala!

palagay ko, maiipit pa rin ang pera ko kahit 1m na ang puhunan namin sa stock market. i make stupid decisions kasi. hindi pa ako ganon kahusay pumili ng stocks. at recently, me pinagkatiwalaan akong prediction ng stock broker na pang-trader, meaning pang-advance, mantakin mong bumaba ang presyo pagkabili ko. kaloka! papasok sana ako sa stock broker na iyon, timson ang pangalan. 100k ang minimum investment, naku, bigla akong nagdalawang-isip. di rin pala masyadong reliable.

sa ngayon, ang signs ko ng magandang stock ay ito:
1. nasa most active list siya. nasa top 20. ibig sabihin, madaling mag-buy and sell dahil napakarami ding nagba-buy and sell nito.
2. mababa siya sa average niya in the past 30 days.
3. blue chip, meaning maganda at matatag na company, pag hindi blue chip, magduda ka na.

ito naman mga natutuhan ko:

1. ayoko na sa sikat at mahal. bumili ako ng globe. 2500 ang isang share. pota, bumaba hanggang 1300. nag-all in ako dahil akala ko pag sikat at mahal ang isang stock, malaki rin ang kita. hindi pala. naipit ako 3 years, ang kita ko lang ay dibidendo. finally, binenta ko this year with income na 7k. dahil sobra na, di ko na kayang maghintay. feeling ko dapat kumita pa ang pera kong naipit doon sa iba namang stock.

2. wag maging greedy. kapag kumita nang konti, benta na. wag isipin na tataas pa yan kasi baka maging bato pa ang pera na.

3. wag mag-aya ng kaibigan sa stock market kung tatanga-tanga ka rin. naku, nakakahiya sa mga kaibigan kong nahila kong mag-invest sa stock market. im really sorry. dalawa sa tatlo ang naipit sa kanila sa stock na now.

4. pag kumita na sa speculative stock, iwan na ito. wag nang balik-balikan. puwedeng maipit ang pera natin diyan. speculative nga, e. good example ang nangyari sa now. in a year, umabot ng 20, ngayon ay 3 na lang!

5. wag mag-all in. sobrang hirap neto para sa akin kasi lagi akong nag-o-all in kasi ang liit lang ng perang ipinapasok ko, so lagi ko itong ginagawa. nakaka-tempt ang malaking kita kung all in. pero baka maipit ang pera mo for a long time. gusto mo ba yon? di mo mapakinabangan ang pera mo dahil naipit sa isang stock!

6. ayoko nang mag-rely sa news re: stocks. may sariling pintig ang stock market. may sarili siyang buhay ang mga linya sa charts. dapat sa strategy, mas mataas ang pagbatay sa technicals, meaning sa charts kaysa sa fundamentals. fundamentals kasi ay mostly history ng company at news about it.

7. mag-diversify, ibig sabihin, hindi lang dapat galing sa isang industry ang stock na binibili mo. bili ka ng stock sa telecoms, try mo rin stocks sa properties, try mo rin sa leisure and entertainment. para kapag bumagsak ang isa sa industriyang kinabibilangan ng stock mo, may iba pang industriya na up and running at kinabibilangan naman ng iba mo pang stock.

8. ang support ay presyo ng stock na pinagbilhan nang pinakamarami ng traders at investors. ibig sabihin, these people support the stock at that price. ayaw nilang bumagsak ang presyo nito.

9. ang resistance ay presyo ng stock na pinagbentahan nang pinakamarami ng traders at investors. ibig sabihin, these people resist the price increase of the stock. ayaw na nilang tumaas pa ang stock above that price.

tangina, ang tagal kong inaral bago na-gets ang support at resistance na iyan. ganon lang pala, literal!

10. kung masyadong mura ang stock, wag masyadong malaki ang amount na bibilhin mo kasi baka mahirap siyang ibenta kapag gusto mo na siyang ibenta.

11. bawal ma-attach sa stock. kung kumita ka diyan, e di kumita. wag nang balik-balikan. tool lang iyan for an additional income.

12. di talaga ako nagse-sell nang hindi green. nanghihinayang ako sa lugi. di kaya ng dibdib ko, haha.

yan muna, dagdagan ko kapag may naisip pa ako.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 20, 2018 08:53

November 7, 2018

thinking about money

may bigla akong naalala ngayong namomroblema ako sa investment naming mag-asawa sa stock market.

napakapraktikal kong tao, kaya palaipon ako't ubod ng kuripot. at kakayod nang kakayod para sa ekstrang kita.

kasi... laki ako sa hirap.

at opkors, ayokong mamatay nang mahirap, ayoko ring magutom ang mga anak namin in the future.

eto nga pala yung naalala ko:

noong unang panahon, noong presidente ako ng isang organisasyon ng mga manunulat, inireklamo ako ng isang officer namin. puro na lang daw pera ang topic kapag nag-uusap kami.

pahiyang-pahiya ako nang gawin niya ito sa harap ng maraming miyembro ng munti naming organisasyon. hindi ko malaman ang isasagot ko. tas later on, na-realize ko, treasurer namin siya. malamang pera ang pag-uusapan namin.

kaloka.

anyway, eto ang context niyan: minana ko ang presidency nang walang kapera-pera ang org. as in. matanda na yung org, pero wala itong pera, thank you ang bayad namin sa speakers, juskoday. kaya pag-upo ko, bukod sa pagma-manage sa writing workshop ay nag-isip din ako at nag-implement ng ilang proyektong pampanitikan at pansining na magpapasok ng pera sa organisasyon. nagkapera nga ang org at ginamit ang perang iyon para maparehistro sa sec ang papeles namin. nang registered na kami ay nakahingi na ng pondo ang org at lalong dumami ang proyekto nito. marami itong naserbisyuhan sa iba't ibang sulok ng bansa.

#theend
#alamnyobakilalaatlovenipapapangtreasurernaito
#lovekorinnamansitreasurer
#nagingfriendskamieventually
#perodikoparinmalimutanangreklamoniyasaakin
#itreasurethememory
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 07, 2018 11:57

Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.