Bebang Siy's Blog, page 16

June 19, 2019

post ni mr tony igcalinos

napakaganda naman nitong post na ito na sir tony igcalinos sa FB. thanks sa heads up, sir resty cena.

sabi ni sir tony,dapat pagtuunan na ito ng pansin ng NBDB,DEPED, IPOPHL at CHED. I so agree.

a few years ago, balangay prod. organized a seminar workshop on textbook production and copyright. partner namin ang c and e thru Shine de Castro.

speakers are from ipophl, nbdb, filcols at ako. maganda ang attendance at maraming natutuhan ang participants.

pero, ngayon, mukhang kailangan na uli itong gawin. at kailangan ng mas concrete pa na step bukod sa seminar workshops for publishing professionals.

sana magawa ito ng nbdb, ipophl, ched at deped.

we need to respect our authors. we need to pay for the use of their works.

kaya hindi umuunlad ang publishing industry ay dahil hindi natin sila binabayaran nang tama at maayos.

kaya kumokonti ang mga author.

kaya kumokonti ang mga akda.

kaya tinatanggal ang filipino at panitikan sa kolehiyo.

kaya unti-unting nabubura ang pagkamakabayan ng estudyante.

kaya unti-unting nabubura ang critical thinking skills ng estudyante.

kaya nawawala na ang tapang natin magtanong at kumontra pag may mali nang nagaganap.

ang pagbabayad sa awtor ay pag-aalaga sa isip ng bayan.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 19, 2019 12:21

June 16, 2019

"influencer"

ay kennat! ganito pala ang feeling ng "influencer!"

nag-email at nag-text ang c and e.

gusto nilang makipag-meet sa amin ni chingbee at our most convenient date and time!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 16, 2019 12:20

June 13, 2019

summary ng portfolio ko sa stock market

8 stocks –lahat red
Range ng loss ay 3.3% to 50.12%
Loss in terms of pesos-183,000
free na pondo- 29,000
Puhunan ever since nagstart ako magcol until now- 946,000

2019 Earnings from january to june- 56,800
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 13, 2019 09:51

first earning ng june 2019

3,100 pesos para sa 35k shares ng PLC bought at 0.74 sold kanina at 0.84 through GTC order.

nabili ko noong april 25, nabenta ko june 13. more than a month para sa 3,100 pesos, kaloka! ang hirap kumita ng pera!

pero, hayaan na nga natin. ang importante, may kita kahit kaunti, at higit sa lahat ay natututo ako.

let's hope meron pa akong ma-sell this month like yung ecp ko at mbt.

di ko pa alam kung ano ang bibilhin ko sa na-free up na pondo worth 29k. lahat ng sinusubaybayan ko ay mataas ang presyo.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 13, 2019 09:49

June 8, 2019

pup copyright, editing at pampanitikang produksiyon subject

so far, so good kami.

nasusunod ko ang mga inilagay ko sa original kong plano para sa mga estudyante.

natutuwa rin ako sa kalayaan na ibinibigay ng admin sa akin para sa pagbibigay ng mga paksa, pag-conduct ng klase at sa lugar kung saan namin ito idinaraos.

every saturday kami nagmi-meet at excited akong lagi. although medyo ngarag ako sa biyahe sa haba ng biyahe!

1st meeting namin, nagtalakay ako ng copyright basics, sa room 11 sa Ninoy Aquino Learning Resource Center namin ito ginanap.
2nd meeting, copyright issues and the Philippine literary scene, sa room ni Amang Jun Cruz Reyes dahil brownout sa building ng original room namin.
3rd meeting, basics ng editing at publication management, report ni vilma tungkol sa small book fair, at workshop ng mga akda ng estudyante, sa isang speech lab kami nagklase, PUP pa rin.
4th meeting, mina esguerra talks about romance class community, ethics in publishing and writing, local and international publishing deals, sa isang speech lab kami nagklase, PUP pa rin. then, nagpunta kami sa museo valenzuela sa hapon dahil absent ako ng isang sabado. sa museo, nakinig kami sa book discussion about sir jerry gracio's book called bagay tayo. pinoy reads pinoy books book club ang nag-lead ng talakayan. nag-commute lang kami grabe, ang babait ng estudyante, walang nagrereklamo kahit na napakainit.
5th meeting, sa centralbooks (quezon avenue) kami nagklase, si elaine royo ng cb ay nagsalita tungkol sa publishing at printing process ng kanilang kumpanya, nagbigay rin siya ng product presentation at tour sa kanilang imprenta. sobrang saya!

ang hassle lang ay ang mga uma-absent at nale-late. kasi late na nga ako dumating, tapos late na late pa sila dumating kaysa sa akin, hahaha! ang solusyon ko ay binibigyan ko sila ng dagdag na assignments.

ang saya talaga magturo. pero gusto ko ganito lang kaliit na klase (14 silang lahat) at ganito lang kalaya ang pagbubuo ng syllabus at pagtalakay sa mga paksa.

may sahod daw akong matatanggap dito pero wala pa naman akong natatanggap na kahit ano. ako pa nga ang gumagastos, like mina's honorarium at nag-treat ako ng lunch sa buong klase noong araw na whole day kaming magkakasama dahil, hello, whole day na nga, lalabas pa kami ng PUP sa hapon so i think makatarungan na i-treat sila bago bumiyahe that day. kanina rin i bought two cake rolls for elaine and her team, kasi nakakahiya, ang daming oras ang kinain namin sa araw nila! may isa pa ngang nagsalita, si sir emil! so, sana matuwa sila sa food na ibinigay namin. i think dalawang meetings na lang ang natitira sa class namin. so ang isa ay para sa philippine international lit fest sa qc, ang isa ay para sa session ni mervin at hopefully ni papa p, sa bahay sana namin kaya lang, parang ayokong makipag-usap kay amang jcr para sa pagpapalit ng sked. ayokong humihingi ng pabor. so baka sa pup na lang uli kami.




 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 08, 2019 04:16

June 5, 2019

7 income streams daw

kaninang umaga, noong nagliligpit ako ng kalat sa bahay, nakikinig ako ng mga video ni marvin germo, isang stock market at investment guru na pinoy. isa sa video ay nag-feature ng interview with rex mendoza, na isa ring financial management guru. isa sa mga tinanong sa kanya ni marvin ay paano mo gagawing 10m ang 1m.

ang sagot ni sir rex ay have 7 income streams.

napaisip ako kung ano-ano nga ba ang income streams namin ni papa p:

1. work ko (regular akong empleyado sa ccp)
2. stocks
3. mga paid talk, workshop at iba pang activity related sa copyright, literature, creative writing at publishing

business? walang income from balangay hahaha, palabas ang pera namin diyan. sa sobrang pagmamahal namin sa panitikan, naglalabas kami ng pera para makapag-ambag dito.

but lately, i am thinking of turning it into a supplier of publishing services. baka doon, makapagpasok na ito ng income.

kung iyon ang ikaapat na source ng income, ano pa ang iba? yung investment ko sa negosyong bigasan ni incha? parang meron akong 15k or 20k sa kanya tapos 4x a year meron akong natatanggap na mga 200-300 pesos. na usually ay ibinibigay ko din sa mga anak niyang sina dilat at mimi bilang gift or reward pag may achievement sa school. pero at least me pera na galing kay incha, ano? that's around 800-1200 per year, di na rin biro.

pag nagkasasakyan ako ay magsasakay na rin ako ng mga pasahero sa furniture city. maniningil ako ng 50 pesos hanggang sa ccp. tapos pag pauwi, ganon uli ang gagawin ko. para additional income habang papasok ako sa work. aba, mukhang posible pala ang 7 income streams.

atat na akong makasampa sa 1m ang puhunan namin sa stock market! mafi-free ang hinuhulog kong 24k dito monthly. gusto ko na ring makabili ng property. nasa bucket list ko iyon for 2019. pero sana iyong puwede nang parentahan para makapagpasok din ito ng income. so definitely, hindi lote ang una naming bibilhin. namin dahil baka katuwang ko si incha sa unang property. so, most probably ay out na ang inaalok ni mama cherie na lupa nila sa molino. sayang iyon at ang mura pa naman! at ang laki! samantalang molino na iyon, well-developed na ang area na iyon. marami nang malls at shops. marami na ring school.

pero siyempre, nonstop pa rin at padagdag nang padagdag ang gastos namin sa mga bata. halimbawa, magpopormal nang school si dagat. at nasa 30-40k ang tuition niya for a year. i mean, income streams lang ang naiisip ko rito sa post na ito, ang totoo ay napakarami ding gastos!

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 05, 2019 22:48

May 30, 2019

Introduksiyon para sa Lila, Antolohiya ng mga Tula

Nagsimula ang pagbuo sa LILA noong 2013. Iminungkahi ko kay Phillip Kimpo, Jr. na maglathala kami ng isang kalipunan ng mga tula ng babaeng kasapi ng LIRA. Si Phillip ang pangulo nang taon na iyon. Kasi naman, iilan lang ang babaeng kasapi na nakakapaglabas ng sariling koleksiyon. Puro lalaking kasapi ang nagkakalibro ng tula sa amin.

Maraming salik kung bakit ubod ng dalang ang babaeng kasapi o babaeng makata na nakakapaglabas ng isang buong koleksiyon ng tula. Sa karanasan ko, nanay muna ako bago empleyado/trabahador bago manunulat bago org person. Nanay duties first, above everything else. Ako lang ang magulang ni EJ. Iyong sperm donor kaya nabuo si EJ ay nanatiling sperm donor na lamang up to the present times. Ang iba pang salik ay kakaunti noon ang babaeng kasapi, at kakaunti na nga ay bihira pang maging aktibo sa organisasyon. Ibig sabihin ay bihirang makapunta sa taunang workshop para sa mga baguhang makata. Lalong bihirang makapagpa-workshop ng sariling akda. Ang laki din naman kasi ng oras na kinakain ng mga workshop at meetings ng organisasyon. Saturday at Sunday, 8am to 5pm, for six months ang opisyal na workshop. Puwera pa diyan ang mga espesyal na pagtatagpo halimbawa ay ang inuman sa sarah’s pagkatapos ng palihan, mga book launching ng kaibigang makata, pag Marso ay kaarawan ng tagapagtatag ng LIRA na si Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa panitikan, pag Agosto (Agosto noon, ngayon ay tuwing Abril na) ay ang UMPIL National Writers’ Congress at Gawad Balagtas Awarding Ceremony, at bertdeyan ng mga senior member o mentor sa sari-saring sulok ng Metro Manila.

Ang mga taga-LIRA ay nag-aaral, nagtatrabaho, o sabay, nag-aaral at nagtatrabaho. At kung babae ay kadalasang nag-aaral, nagtatrabaho, o nag-aaral at nagtatrabaho, tapos namamalengke at nagluluto para sa asawa, nag-aalaga ng kapatid, nagbabantay ng tindahan at ng ulyaning lola, naghahatid-sundo ng panganay na nasa Grade 3, naghuhugas ng garapon para i-recycle bilang lalagyan ng suka na may sili, nagkakayod ng mga buto mula sa laman ng isang prutas para muling itanim ang mga ito’t maging puno, nagsusulsi ng nalaslas na ecobag, nagba-budget ng sahod para makapaggroserya nang pang-isang linggo, makabili ng bagong bra pamalit sa tastas at sampung taong gulang nang bra, at makabili ng pangarap na libro ng tula, kahit isang beses sa anim na buwan o sa isang taon, nagpapatakbo ng tahanan, nagpapatakbo ng mundo.

Sa dami ng responsabilidad na nakaatang sa mga babaeng LIRA, at sa mga babae in general, bihira na kaming magkaoras para tumula at magsuri ng tula. Nakakatula, oo, pero bibihira. Kaya paisa-isa ang aming output.

Okeypayn. Paisa-isa it is.

Kaya isinilang ang LILA. Itinalaga ko ang sarili bilang coordinator, at kinausap ko noong Mayo 2013 si Mam Rebecca Anonuevo kung puwede siyang maglingkod bilang editor nito. Siya ang pipili ng ilalathala mula sa lahat ng submission. Pumayag agad siya, salamat, salamat at anim na buwan kaming nag-anunsiyo, nag-promote, nanghikayat.

Layunin ng koleksiyon na maipakita ang husay sa panulat ng mga babaeng kasapi ng LIRA, maipakita ang estetika ng mga babaeng makata, maibahagi sa publiko ang pinakahuling obra ng mga babaeng tumutula sa kasalukuyan, makapag-ambag sa panitikang kinatha ng kababaihan, at higit sa lahat, makapag-ambag sa panitikang Filipino.

Ang tatayog ng layunin, ano? At positibo akong magaganap ang lahat ng iyan, kahit na paisa-isa lamang tumula ang babaeng LIRA. Nasa pagtitipon sa mga paisa-isang tula ang kaganapan. Nasa pagbubuo ng koleksiyon.

Ang orihinal na plano ay ilathala ang digital at printed editions ng LILA sa ilalim ng Aklat LIRA at ilunsad ang mga ito sa ika-30 anibersaryo ng organisasyon na idinaos noong Disyembre 2015.

Kaya tuwang-tuwa ako noong Agosto 24, 2013, nang matanggap ako ng isang submission sa email. Limang tula mula kay Mary Gigi Constantino. Lalo akong ginanahan, this is it pancit!

Pero sa kasawiampalad ay iyon na pala iyon. Isa. Wala nang ibang nagsumite kundi si Gigi. Naghintay pa kami nang ilang buwan, nag-extend pa kami nang maubos ang orihinal na palugit na anim na buwan, pero, iyon na talaga. Hindi na nadagdagan pa ang isa.

Anong lungkot namin, siyempre. Ipinaliwanag ko kina Mam Becky at Gigi ang nangyari at naunawaan naman nila ito. At pansamantalang nabaon sa limot ang proyekto.

Pero ito iyong proyekto that haunts you even in your sweetest dreams. Kutkot nang kutkot sa isip ko ang ideya na may nagpasa sa LILA: isa. Kahit isa lang iyan, isa pa rin iyan. Isang babae na may mga tula at gustong maglathala. Kaya noong Hulyo 2017 ay muli kong ibinato ang vision at mga layunin ng proyekto sa dalawang babaeng miyembro ng LIRA na sina Louise Adrienne Lopez at Roma Estrada. Bukod sa parehong aktibo sa spoken word at poetry performance communities ang dalawa, aktibo rin sila sa zine publishing community. Sila ang nagbigay ng ikalawang buhay sa proyektong LILA.

Nagdaos kami ng mga meeting, nag-usap, face to face, email, group chat at Messenger. Nagkaisa kami na ang kukuning editor ay si Grace Bengco, isang mahusay na makata at tagapagsalin, pero nuknukan ng pagkamahiyain, kaya di napapansin. Pumayag naman siya, kahit sobrang abala siya bilang tagasalin sa Komisyon sa Wikang Filipino. Kinausap namin si Aldrin Pentero, ang presidente ng LIRA (nang taon na iyon, at hanggang ngayon), at excited din siya para sa LILA. Naglabas muli ng mga anunsiyo tungkol dito at ng mga panawagan sa social media. Hinalukay ng grupo ang mga directory ng LIRA para sa contact details ng mga babaeng miyembro mula sa mas maagang mga batch. Isa-isa naming kinausap, inemail, chinat, piniem ang mga babaeng miyembro. Nagpatulong kami sa mga lalaki at matatandang kasapi na makipag-ugnayan sa mga babaeng kasapi na close sa kanila, upang hikayatin ang mga ito na magsumite. Mega campaign, daig pa ang national election.

Sa wakas, dumagsa na ang submissions! Nagkaroon pa nga ng dalawang batch ang submission. Pinasadahan namin nina Louise at Roma ang mga ito, at nagbigay kami ng rekomendasyon sa editor na si Grace. Ang pagpili sa mga inirekomendang akda ay ang husay ng tula sa, ano pa nga ba kundi, imahen, retorika at anyo. Pero bukod sa mga ito ay may isang bagay pa kaming ikinonsidera: ito ay ang representasyon ng paksa sa buong koleksiyon. Sinikap naming hindi nauulit o bihirang maulit ang paksa ng bawat tula. Gusto naming mag-accommodate ng marami at sari-saring paksa. Dahil gayon ang maging babae, marami at sari-sari rolled into one. Di ba nga, nagpapatakbo ng mundo?

Nagpasya rin ang grupo na pumili mula sa mga tulang nalathala ni Maningning Miclat. Miyembro siya at dangal ng LILA ang makasama sa koleksiyon ang kanyang tula. Napagpasiyahan din ng grupo na humiram ng likhang sining ni Maningning upang itampok bilang cover artwork ng LILA. Ang napili namin mula sa website na maningning.com ay ang The Tree is Awakened by the Memory of Her Leaves. Pumayag ang kaniyang pamilya sa pamamagitan nina Mam Alma Cruz-Miclat at Banaue Miclat-Janssen nang ihingi namin ng permiso ang mga napili naming tula at ang nasabing artwork.

Tumagal nang ilang buwan bago na-finalize ang koleksiyon. Kaya lamang ay hindi nakapamili si Grace sa sobrang kaabalahan niya sa trabaho. Nagpasya kaming tatlo nina Louise at Roma na kami na ang magsisilbing editor ng koleksiyon, tutal ay narito kami sa buong proseso mula sa konseptuwalisasyon, pangangalap ng akda, hanggang sa pagrerekomenda ng ilalathalang mga tula. Si Louise Lopez ang initial na layout at larawan ng artwork ni Maningning. Si Ronald Verzo ng Balangay ang nagsapinal ng layout. At buong akala namin ay mailalabas na ito nang 2018.

May humabol pang problema!

Kinausap ko ang asawang si Ronald Verzo na ilathala na lamang namin ito sa ilalim ng Balangay Productions, ang kanyang munting production company. Natural, umoo siya, dahil sa pangungulit ko. At siyempre, dahil sa ganda ng koleksiyon. Tuwang-tuwa sina Louise at Roma nang ibalita ko ito sa kanila. Ang naging estratehiya ng Balangay ay maglalathala kami ng isang manipis na libro na ako ang nagdrowing, at ang kikitain dito ay siyang ipang-iimprenta namin ng LILA. Ayun, nag-flop ang Biyak. Antala na naman sa production schedule ng librong ito.

Di namin alam na 2019 pala ang tunay na taon ng LILA. Imagine, 6 long and challenging years after the first attempt! Mula sa isa ay mayroon na itong 31 makata mula sa sari-saring background, mula sa initial na limang tula, mayroon na itong 76 na tula (+ 4 na tula mula sa unang nagsumite na si Gigi) sa sari-saring anyo at himig mula sa sari-saring persona ukol sa sari-saring paksa at sari-saring kultura.

Ang librong ito ay iniaalay namin sa lahat ng babaeng tumula, tumutula at gustong tumula. Ako, personally, iniaalay ko ito kay Gigi, sa iyo ang unang kopya, kapatid.

At para sa lahat ng Gigi sa mundo ng pagtula at panitikan, submit lang nang submit, laging may uuwiang tahanan ang ating mga tula, laging may tahanan ang mga pangarap na hindi nilulubayan.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 30, 2019 15:13

summary ng portfolio ko sa stock market

8 stocks –lahat red,
Range ng loss ay 1.94% to 54.17%
Loss in terms of pesos-227,000
Puhunan ever since nagstart ako magcol until now- 946,000

BUT HERE'S THE SURPRISE, I am still able to earn kahit na laging red ang mga stocks ko.

2019 Earnings from january to may- 53,700

awesome! pero wait, ewan ko kung makaka-earn pa rin ako from buying and selling kapag di na ako magpapasok ng fresh puhunan.

around 54k na lang ay tapos na ang aking 1m in stock market challenge. so papaikutin ko na lang ang pera from that point onwards.

let's see.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 30, 2019 12:17

May 28, 2019

Playwrights Fair during Virgin Labfest

Mayroon po tayong Playwrights Fair during Virgin Labfest.

Ang fair ay gaganapin sa June 29 sa CCP Dream Theater at Little Theater Lobby. Magbibigay tayo ng libreng table at time slot para sa mga playwright na gustong magbenta ng kanilang mga akda at serbisyo, mayroon ding airtime sa entablado para makapag-promote ng akda o proseso ng paglikha at iba pang bagay na may kinalaman sa pagsusulat ng dula.

Bukas po ito sa lahat ng playwright, lalo na sa mga nagse-self-publish ng stage plays. Hinihikayat ang lahat, lalo na ang mga nasa labas ng Metro Manila, at ang mga nagsusulat at naglalathala ng mga stage play tungkol sa bata o para sa bata, LGBT, kababaihan, manggagawa at iba pang marginalized na sektor.

Makipag-ugnayan sa Fair Coordinator na si Ariane Sagales sa FB o sa email niyang sagalesarianesae@gmail.com.

#parasapanitikanparasabayan
#labanFilipino
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 28, 2019 09:12

getting a umid id

last week, kakapa-register ko pa lang para makakuha ng UMID ID ko. Sabi kasi ng HR namin, nagbigay daw ng notification ang GSIS. Bakit daw hindi pa ako nag-a-apply ng UMID. Ako na lang daw ang walang UMID.

Hindi ko naman alam na required pala ito. Isa pa, may GSIS number na ako. I think sapat na iyon. Ikatlo, ang daming backlog ng GSIS dito, naalala ko sa kuwento ng mga kaibigan na matagal nang nagtatrabaho sa gobyerno, ilang taon na silang nag-apply nito pero di pa nila natatanggap ang kanilang mga UMID card.

so, anyway, sumunod ako. antakot ko lang sa HR namin. napakabilis at napakaganda ng serbisyo sa GSIS main, na malapit sa CCP. nakakatuwa, parang wala ka sa govt agency, hahaha!

ano-ano ang mga kinuha sa aking information?

mukha ko (picture)
finger print ng kanan at kaliwa kong hinlalaki at hintuturo (ini-scan)
signature ko (pinapirma ako sa isang gadget)
pangalan ko
address ng bahay namin
pangalan at address ng opis ko
contact numbers ko (cell at landline)
email ko
tin
pangalan ng tatay ko
pangalan ng nanay ko noong single pa siya (note: ito yung sagot sa security question ng mga bangko)
birthday ko
civil status ko
tangkad at timbang ko
pangalan ng mga anak ko
pangalan ng asawa ko
contact details niya

imagine, mapunta ang lahat ng impormasyon na iyan sa di kanais-nais na entity?

imagine, mapunta ang lahat ng impormasyon ng lahat ng may UMID ID sa di kanais-nais na entity?

imagine, mapunta ang lahat ng impormasyon ng bawat filipino sa di kanais-nais na entity?

#hellophilippinegovernment2019nabawaltanga
#pakiprotektahannamanmgainfonatin
#pakiprotektahannamanmgaislanatin
#pakiprotektahannamanmgabuhaynatin
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 28, 2019 06:17

Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.