Bebang Siy's Blog, page 15

July 9, 2019

impact

tuwing umiikot kami ni dagat sa kabilang subdivision, napapadaan kami sa dalawang ordinaryong bahay na magkatapat, at sasabihin niya nang nakangiti, merry christmas! tapos ituturo niya ang dalawang bahay. sasagutin ko siya ng merry christmas at gaganti rin ako ng ngiti.

unang pasko namin sa cavite noon at dahil hindi naman laging nakaka-travel ay pinipilit ko na makapasyal si dagat para makalabas naman ito ng bahay. madalas, doon lang kami sa malapit na mga kalsada. napakahirap ng walang sasakyan at may anak kang maliit.

lagi ko siyang idinadaan sa kalsadang may mga bahay na may ilaw na pamasko. tapos babatiin ko si dagat ng merry christmas. siguro ay nagkakataon na kapag napapatapat kami sa mga ordinaryong bahay na iyon, saka ko siya nababati ng merry christmas. kaya kahit wala nang ilaw na pamasko ay natatandaan niya ang mga bahay na iyon. nagbibigay iyon ng tuwa sa kanya, ang makita ang mga bahay, ang mabati ako ng merry christmas, kahit kasagsagan na ng hunyo.

baka ganon lang talaga ang impact, ano? hindi na nakakarating sa lumilikha. nananatili na lang ito doon sa dumadanas ng isang likha.

malay ba ng mga may ari ng bahay na may batang autistic na naliligayahan sa kanilang nilikhang pailaw noong disyembre? malay ba ng may ari na tatatak ito sa gunita ng isang 3 year old na autistic na bata? at magiging makabuluhan pa rin sa buwan ng hunyo ang mga tinanggal na nilang christmas decoration sa kanilang bahay?

they would never know how they made a kid happy. they would never know that my child feels christmassy as we pass by their houses. every. single. time.

puwede bang sukatan ng impact ang haba ng ngiti ni dagat? at kung gaano kasaya ang tinig niya sa pagbati ng merry christmas?

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 09, 2019 10:17

here we are again

hi, what's up? musta ka? kaya pa ba? sana kaya pa. napakapamilyar ng damdamin na ito. pabalik-balik lang pala talaga. di mo matatakasan. akala ko dati, nauubos ito. akala ko dati, napapalitan ng saya kapag ok kang uri ng tao, kapag nagkaanak ka, kapag may achievements ka, kapag nakapag-asawa ka at maayos naman iyong tao na napangasawa mo, kapag nagagawa mo ang mga bagay na gusto mo, nakakain mo ang mga pagkain na di mo naman nakakain at nabibili noon.

akala ko. andami ko palang akala. haha! sobra yata akong naive sa buhay.

andami kong realization lately:

1. kahit pala kumakayod ka nang todo at nag-umpisa kang kumayod noong bata ka pa, kahit pala megatipid ka sa ever since, kahit nag-iipon ka sa pinakakaya mong halaga, posibleng mahirap ka pa rin in the end. guminhawa lang nang konti ang buhay mo, pero physically and emotionally and mentally, exhausting pa rin ang bawat araw mo ngayong magkukuwarenta ka na.

2. kahit pala nakapagpa-college graduate ka na ng anak, posibleng iwan ka nito at wala siyang pakialam kung paano ka mabubuhay araw-araw.

ano kaya ang feeling ng nanay ko noong bumukod ako noon at kinuha ang anak ko na pinalaki niya nang ilang buwan, at mga dalawang taon? ano ba tawag dito, karma? hahaha! kaloka.

3. napaka-wasteful ng uri ng pamumuhay natin. wala tayong pakialam sa basura na kaya nating i-generate araw-araw. bili tayo nang bili. wala tayong pakialam sa mga itinatapon natin habang kayraming nagugutom. tipong you ca'nt save them all from hunger. so, just lead a wasteful life. wag na silang masyadong isipin at made-depress ka lang.

may isang post-event akong nadaluhan kung saan itinapon ng waiter ang sobrang pagkain dahil wala nang kakain at pagod na sila, silang mga waiter, maghapon silang nagsilbi, at dahil walang lalagyan, walang mapagbigyan at gusto na nilang magligpit, itinapon na lang niya ang sobrang pagkain.

sa opis namin, laging may sobrang ulam, wala nang gustong umubos ng mga ito, so, tapon na lang.

4. kung mahirap ka, hahabulin ka ng kahirapan hahaha. noong linggo at lunes, naglakad-lakad kami nina dagat at ayin sa mga kalsada sa perpetual. dala namin ang isang lalagyan na may gulong. naghanap at namulot kami ng mga plastic bottle sa mga bangketa, sa mga damuhan, sa gilid-gilid ng mga gate, sa mga parke. nakapuno kami, mga dalawang ulit. dinadala namin ang mga ito sa kapitbahay namin na nagbebenta ng mga plastic bottle at iba pang bagay sa junk shop, binibigay namin ang mga bote sa kanya. marami akong reason for doing this.

a. para makapaglakad sina dagat at ayin, physical activity, dahil di ko ma-afford ngayon ang bakasyon, iyon na lang ang pasyal namin at bonding.
b. para makapaghanap ng mga barya sa kalsada (si ayin ang nakakita ng isang bentesingko, aba, mana sa akin)
c. para makabawas sa basura ng kalsada.

after naming gawin ang mga ito, parang bigla akong naawa sa sarili ko.

mga 10 years ago, naranasan naming magpulot ng mga plastic bottle sa sementeryo noong kasagsagan ng todos los santos. hindi kami nagpunta doon to do that. nagpunta kami para dumalaw sa tatay namin. pero sa sobrang dami ng plastic bottles sa kalsada at sa mga basurahan, niyaya kami ni tisay na magpulot at iuwi ang mga ito para ibenta. halos nakatatlong sako kami. galing din ang sako sa sementeryo. pero pagdating namin sa gate, hinarang kami ng sekyu. iwan daw namin ang mga sako namin na punong-puno ng plastic bottles. nagalit ako. sabi ko, kami ang naghirap dito tapos kayo lang makikinabang? kami ang nagpulot, ang iba rito pinulot pa namin sa mga basurahan. tapos ibibigay lang namin ito sa inyo? kung nakakotse kami ay di n'yo kami mapipigilan di ba? napakatagal namin sa gate. napakahaba ng argumento kalaban ang mga guard. naalala ko pa na sinikatan na kami ng araw doon samantalang madilim pa nang kami ay sumapit sa gate. ang ending ay kami ang nanaig. nadala namin at naiuwi ang mga sako ng plastic bottle. at naibenta naman ito ng nanay ko. sa kanya siyempre ang kita, magkano lang naman siguro iyon. pero sa loob ng dyip pauwi, napaisip ako, susmaryosep. napakahirap naman namin para magpulot kami at makipagtalo para sa mga bote na ito. nakadama ako ng self-pity.

di na namin inulit ito, kahit taon-taon naming nakikita na namumuwalan ang manila memorial park sa mga plastic bottle pag todos los santos.

at eto ako, nagpupulot uli ng bote, kasama pa ang mga anak. pinagtitinginan kami ng ilang tao. mga di ko kakilala pero definitely, nakatira malapit sa amin at malamang na makikita ko pa sila uli in the future. napapa-self pity ako uli, pero mahinay na mahinay lang. naka-concentrate ako sa pagpupuno ng lalagyan namin. tapos doon ko na-realize, pag mahirap ka talaga, iyong ways ng mahirap, nakakasanayan mo. ganon talaga, nagpupulot ka noon, magpupulot ka pa rin hanggang ngayon. wala kang kawala.

5. pagod na pagod na ako, pero hindi ako puwedeng magpahinga. napakaraming kailangang gawin at tapusin. napakarami kong pangarap. pero wag ka, hindi naman nababago ang buhay ko kahit na may mga naa-achieve na ako sa mga pangarap ko noon. personally, feeling ko, di ako umusad. ako pa rin nag-aasikaso ng mga bata. pag nag-aayos ako ng kalat ng mga bata, pag naghahatid ako paeskuwela, pag nagpapaligo ako ng mga bata, pag nagkukusot ako ng mapanghing mga lampin, naiisip ko iyong panahon na ginawa ko na't pinagdusahan ang mga ito noong maliit si ej. so, ano ito? part 2? starting all over again? bakit ginagawa ko na naman ito sa sarili ko? masarap ba? hahaha. hindi. pagod na ako. pagod na pagod na ako. bakit ba nag-anak na naman ako? dalawa pa! autistic pa iyong isa! ano ba namang buhay ito?

ang buhay pala ay isang cycle ng paghihirap, ng exhaustion. walang katapusang kapaguran. hindi ko na nakikita ang essence na mabuhay pa sa mundong ito, haha. ganon at ganon din ang nararanasan ko. puro hirap. lalo na at pisikal na hirap. akala ko pa naman, after years ng pagtitiis, pagtatrabaho, pag-iipon, pagtitipid, uunlad ako kahit paano. waley! wit! walang rainbow pagkatapos ng rain.

i feel so dead inside. bigla akong nawalan ng ganang mabuhay. araw-araw, since may, ambigat ng dibdib kong pumasok sa trabaho.

may kaugnayan din siguro ito nang malaman namin ang sitwasyon ni dagat. back to zero ka na nga, gatong pa iyang autism na iyan. ang gastos pa. minsan ka na lang magkaroon ng sahod na malaki-laki, uubusin ka naman sa gastos. ano iyan, universe, nagjo-joke ka ba?

6. may mga puwersa sa lipunan na di natin kayang impluwensiyahan. ang mayaman, habambuhay na magkukuripot sa mahirap. dahil ano ang point ng limpak-limpak na salapi kung wala ka namang alipin? kaya ang goal ng mayaman, magkamal pa ng dagdag na yaman para makabili siya ng mahirap, para gawin itong alipin. paikot-ikot lang ang salapi sa mayayaman. mahirap ka, balakajan, yan ang slogan ng mayayaman. umahon ka sa sarili mong lusak ang peg. kaya, paisa-isa ang pag-ahon ng mahirap sa pusali ng kahirapan. imposible talaga ang maramihang pag-ahon. the rich and the elite will not allow it. they'd rather kill the poor kaysa umunlad ito nang bulto.

7. nasa point ako ng buhay ko kung saan nakikita kong tinitibag at binubura sa aking alaala ang lugar na aking kinagisnan. isa sa mga nakita kong tinibag at nawala ay ang building sa likod ng bahay namin sa ermita. nakita ko pang nakabalot ito sa itim na net dahil malapit nang ma-demolish at nang sunod kong bisita, bakante na ito. as in malinis na malinis at may bakuran na lamang. wala na ang building. subconsciously siguro, isa ito sa mga dahilan kung bakit bigla akong napasulat ng mga akda sa it's a mens world. this year, nabalitaan naming magkakaklase na titibagin na ang elementary school namin sa malate dahil ibinenta ng church (ang may ari ng school) ang lupain ng aming eskuwelahan sa mga villar. gagawin na itong condo.

at itong harison plaza, isasara na at titibagin na rin. binili na siya ng sm.

ang sakit sa dibdib ng mga ganitong pangyayari. parang bahagi ng pagkatao mo ang binubura at wala kang magawa. parang may nagtutungkab ng isang bahagi ng utak mo at di mo siya masaway dahil may mga tao na hawak ka sa kamay at paa at hinahayaang may mag-opera ng utak mo nang labag sa iyong kalooban.

siguro subconsciously, kaya tinanggap ko ang trabaho dito sa ccp ay dahil ayokong mawala ang koneksiyon ko sa maynila. particularly sa manila bay. andito ako at ang tatay ko. ang kapatid kong si colay. noong maayos pa si colay. ang mga kaibigan kong sina sharon, sally, rowena, malou, michael, jelo. andito ang batang ako, ang batang punong-puno ng pag-asa, napakadalisay ng tingin sa mundo, punong-puno ng energy, tangan ang napakaraming oras para gawin ang gusto niyang gawin, para pangarapin ang gusto niyang pangarapin.

naalala ko noong sabihin ko sa tatay ko na gusto kong maging fashion designer dahil ang ganda kong magdrowing at maggupit ng damit na papel para sa mga paper doll ko. tumango lang siya, sabay sabing good. akala ko, madali, e. hahaha! ngayon, ang madali na lang sa akin, sumuko.

sasabihin ng mga kakilala kong relihiyoso, hindi ka naman bibigyan ng diyos ng bagay na hindi mo kaya. well, ayokong testingin ako. dahil paulit-ulit na akong na-testing, okey? nakaya ko na noon. paulit-ulit kong kinaya. ano, bakit paulit-ulit din ang testing? de puta. natutuhan ko na ang mga bagay na kailangang matutuhan. kaya please, god, wag mo na akong pahirapan, okey?

so... fucked up lang talaga ang universe?

di pala totoo na kung anong tinanim siyang aanihin. di rin totoo na may katapusan ang mga paghihirap. di rin totoo na pag may tiyaga, may nilaga. di rin totoo ang logic na may resulta ang bawat action. posibleng wala. posibleng iyong result ay stagnant.

ginagawa ko na ang lahat para maibsan ang lungkot ko stemming from all the things that i am slowly realizing. i spend time with my kids. i spend time with myself. i talk to my friends. i pm them. i tell them what i feel. i laugh with my officemates. nilulunod ko sarili ko sa trabaho. i do good things to make myself feel better. nagpagupit ako.

pero wala. andito pa rin ang putanginang feelings na ito.

lately, naalala ko ang kapatid kong si colay. ano na, nagpm a few weeks ago kay ancha, wala raw siyang makain at maloloka na raw yata siya sa gutom. aba, panic kaming lahat. ano yon, paano namin siya matutulungan? nag-pm ako sa mga anak niya, lahat, di makaresponde. si ej, walang reply. baka walang pakialam. sa akin nga, walang pakialam, ke colay pa, ano? nag-pm ako kay mami. tapos naisip ko, ba't nagkakaganon pa rin kapatid ko? di pa siya sawa sa ginagawa niya sa sarili niya? isang punta lang niya sa nanay namin e makakakain siya. makakaligo siya. bakit ayaw niya? bakit ganon pa rin siya? pinaparusahan ba niya ako? di ko siya kaya. oo na, i failed as an ate, ano gagawin ko? habambuhay ko na siyang pasan, ganon? habambuhay ko nang pagsisisihan na wala akong ginawa o wala akong magawa noong panahong kailangan niya ng pamilya? ambata ko pa rin noon, e. nawindang din ako noon, e. tumatakas din ako sa realidad noon, e. bakit di ba niya maintindihan iyon? ang hirap-hirap umahon. ang kaya ko lang, e sarili ko. pagbalik ko naman, pinasan ko na buong pamilya. ba't di na siya nagpasakop? di ko kaya ang monthly payment sa rehab. di ko kayang paaralin siya sa private. is she still taking all that against me? sinubukan ko namang bumawi sa mga anak niya, a. kaso, wala, ayaw ding pasakop ng mga ito. ano na, kasalanan ko pa rin ba? susukuan ko talaga agad ang mga iyan. ba't ako magtitiyagang magkupkop ng ayaw naman sa akin? andami ko pang palalakihin, o. dalawa. ang isa, autistic pa. andami ko ring pinoproblema. ba't dumadagdag pa siya? ba't di niya iahon sarili niya? wala na siyang aasahan, tanggapin na niya, hindi maaasahan ang ate niya.

wish ko, sa kanya, sa akin, sana maging masaya na lang kaming lahat. sana maramdaman naman namin na umuusad kami sa buhay. na kahit paano, umuunlad kami. kahit man lang kaunti.

maybe i'm just really tired. and i really need help. para sa mga bagay na baka di ko lang naiintindihan pa.

baka ganito lang talaga ang buhay, ano, mahirap intindihin. mahirap. period.

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 09, 2019 09:19

June 24, 2019

action by vibal about an editor's singilan problems with them

update uli sa vibal:

isang textbook editor ang inabisuhan ng vibal last week, pagkatapos ng ating mga post dito sa social media. ilang years na hindi nakatanggap ng bayad ang editor na ito, at sa buwisit sa paniningil ay ibinaon na lang sa limot ang sama ng loob.

ansabe ng vibal sa kanya?

monday, kahapon, ready for pick up na raw ang kanyang check.

yey! salamat, point person ng vibal! salamat sa iyong mabilis na aksiyon. nababayaran ang mga di nabayaran nang ilang taon!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 24, 2019 12:29

action taken by c and e sa permit blues with conchitina cruz

update sa c and e:

tumawag sa akin ang representative ng c and e kanina. ise-settle na raw nila ang 20k for chingbee at magpapadala sila ng list ng permits ng mga author ng textbook kung saan na-publish ang tula ni chingbee (without her knowledge and permit).

yehey! magbunyi!

thanks, c and e, sa pagrespeto sa karapatan ng may-akda.

#fightforyourcopyright
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 24, 2019 12:27

action ng vibal sa hinaing ni Ferdinand Pisigan Jarin

update sa vibal:

nakipag-ugnayan na ang vibal sa manunulat ng akdang pambata na si Ferdinand Pisigan Jarin para sa kabayaran sa mga nabentang aklat na kanyang inakda.

tatlong aklat ito with vibal a few years ago at ni minsan ay walang sales report na naibigay kay sir ferdie at wala rin siyang natanggap na royalties.

yahoo! pm lang kung mayroon pa kayong paaksiyunan. salamat, point person ng vibal!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 24, 2019 12:26

June 20, 2019

action ng vibal sa singilan blues ng resource speakers nila

update uli tungkol sa hakbang ng point person natin sa vibal.

nabayaran na ang 4 na resource speakers sa isang activity ng vibal! nagpm sa akin ang isa sa resource speakers tungkol dito at isa ito sa mga ni-relay ko sa point person ng vibal.

and guess what happened?

ito ang pm sa akin kanina ng resource person: Gudpm Mam Bebang. Nagpunta ang Vibal staff sa office kanina. Binigay na cheke namin. Salamat po Mam sa tulong nyo. Hinintay pa kayo magexpose sa fb. Super thankful po kami sa inyo.

Yes Ma'am ikaw lang po pala makakapagpabilis ng aksyon nila. Nakailang demand letter via email na ako sa kanila since March eh. Hehe super thankful po ako sa inyo Ma'am.

keep them coming, guise! kung may problema with vibal, pm me, idudulog natin kay point person. napaka-efficient niya!

salamat, point person ng vibal!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 20, 2019 12:26

June 19, 2019

action by vibal sa idinulog sa akin ni genaro gojo cruz

another action from point person of vibal resulted to:

kinausap daw ng vibal ang children's book author na si Genaro Ruiz Gojo Cruz. magre-release na raw ng royalties ang vibal at magbibigay na raw ng sales report na per year.

napakabilis umaksiyon ni vibal point person! mabuhay!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 19, 2019 12:25

action ng vibal sa textbook singilan challenge ni LJ

another action done by point person of vibal. nag-text ang staff ng vibal kay Louie Jon A. Sánchez!

nawa ay tuloy-tuloy na iyan hanggang sa bayaran.

salamat, point person, sa mabilis mong hakbang.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 19, 2019 12:24

action ng vibal for mic camba's textbook singilan challenge

update on vibal.

dahil sa aksiyon ng point person natin, nag-email ang vibal sa akin asking for a meeting. di ko pa ito sinasagot. busy pa ang lola sa work.

dahil sa aksiyon ng point person natin, nakikipagset na rin ng meeting ang vibal with Mic Camba, na nagsabi sa akin ng problema nila with a textbook that they wrote a few years ago.

itong ikalawa, abangan natin kung kailan sila mababayaran. ia-update tayo ni mic at ng point person natin sa vibal na si km.

salamat kay point person. dahil sa kanya, vibal na mismo ang kumontak sa mga nagpasabi ng problema with vibal. kung di siya nag-intervene, di pa rin papansinin sina mic.

salamat, point person. you know who you are.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 19, 2019 12:23

midnight

so nung isang araw, umaga. ngayon, hatinggabi.

nakikipagtalo ako para sa karapatan ng mga teacher na mabayaran kapag ang mga output nila sa DepEd-sponsored creative writing seminars at workshops ay gagamitin ng DepEd.

my god, ngayon ko lang nalaman, their works are being used at wala silang natatanggap na bayad para dito.

imbes na magsaliksik at gumamit ang DepEd ng creative works ng mga manunulat na Filipino, they'd organize writing workshops and select the best output of the teacher-attendees. iyon ang gagamitin sa klase. di na sila magbabayad sa Filipino writers. hindi rin sila magbabayad sa teachers/writers ng best output. kasi nga teachers sila.

but they were hired to teach, not to write creative works. wala sa kontrata nila na magsusulat sila ng creative works.

kaya anuman ang output nila sa mga DepEd sponsored seminars and workshops ay kanila pa rin. sa teachers pa rin. therefore, sa teachers pa rin ang copyright. and they should get paid when their works are being used.

just and fair.

makatarungan at patas.

hindi ba?
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 19, 2019 12:21

Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.