Bebang Siy's Blog, page 11

October 10, 2019

Kung Paano ko Isinalin ang Pukiusap

Sanaysay na binigkas sa Saling Panitik 2019 noong Oktubre 8, 2019 sa Manansala B, Sulo Riviera Hotel, Matalino Street, Quezon City

Ako po si Bebang Siy, isang manunulat, translator at copyright advocate.

Simula 2007, nakapagsalin na ako ng sari-saring dokumento at akda. Nagsalin ako ng
profiles/bionotes ng Ramon Magsaysay Awardees para sa isang publikasyon na pang-
highschool. Sa teknikal, naranasan ko na ang magsalin ng pamphlet ng contraceptive pills,
ng questionnaire tungkol sa bisa ng gamot para sa mga pasyente na mahihirap, itinigil ko na
ang pagtanggap sa ganitong translation work dahil feeling ko ay nagagamit ang talino ko sa
pagsasalin para sa proyektong ginagawang guinea pig ang ating mga kababayan, tumulong
din ako sa pagsasalin ng checklist sa pagkumpuni ng elevator. Nakapagsalin na rin ako ng
mga libro, ang isa ay tungkol sa kasaysayan: ang Rizal Without the Overcoat ni Ambeth
Ocampo, ang isa ay nobela ng Amerikanong si John Green, ang Paper Towns mula sa
National Book Store, dalawang speculative fiction sa librong Ang Manggagaway o The
Witcher ng Visprint, at isang Swedish komiks, ang Pukiusap mula sa Anvil.
Ang ibabahagi ko ay ang danas ko sa pagsasalin ng Pukiusap o Kunskapens Frukt (Fruit of
Knowledge) ni Liv Stromquist ng Sweden.

1. Proseso

Paano ang naging proseso?

a. Binili ng Anvil sa Sweden ang right to translate.
b. Ipinasalin ito ng Anvil sa isang Swedish –American translator.
c. Ipina-check ng Anvil ang output nito sa Swedish authority, at sa isa pang tao na
magaling din sa Swedish at English. May mga koreksiyon ito sa unang output, naging
gabay ko ang mga pagwawasto na ito.
d. Ipinadala sa akin ang approved translation sa wikang Ingles at binasa ko ito. IPAKITA
ANG CORRECTIONS AT ANG SALIN.
e. Hiningi ko rin ang orihinal na komiks sa wikang Swedish at tiningnan ito nang paulit-
ulit. IPAKITA ANG ORIG KOMIKS.
f. Sa aking working space sa bahay, nakakulong ako sa isang kuwarto, hindi ako
ipinakikita sa mga anak ko, para lang matapos ang aking pagsasalin. Sobrang overdue
na kasi.
g. Isinalin ko ang akda nang paunti-unti mula sa Ingles patungong Filipino. Ang mga nasa
tabi ko ay: Vicassan dictionary, UP diksiyonaryong Filipino, red at green na NBS
dictionary, kopya ng Kung Walang Doktor ang Kababaihan, at Google sa laptop. Kaya
lang ay napupunta ako sa kung saan-saan kapag ako ay naggu-Google. Mamaya,
tatlong oras na pala ako sa pep.ph, tambayan ng mga tsismosa sa Pilipinas!
h. Sa bawat chapter na matatapos kong isalin ay pinapasadahan ko ito ng editing at
proofreading.
i. Saka ko ipinadadala ito agad via email sa Anvil. Para maipasok nila o mailatag sa
ilustrasyon. Mga isang buwan ang limang chapter ng libro.
j. Wala nang ipina-check sa akin during editing or proofreading phase.
k. Nakita ko na lang ang salin ko, nasa libro na at malapit nang ibenta.

2. Anyo/genre

Ang sabi sa akin, ito ay komiks na tungkol sa kababaihan.
Hindi pala. For the lack of term, ito ang ginamit: non-fiction graphic book, sa madaling
salita: komiks. May teksto nga naman ang akda at may drowing. Pero pag sinuri mong
mabuti, hindi plot ang nagpapatakbo sa naratibo kagaya ng komiks na alam natin,
halimbawa, ay ang Darna. Ang nagpapatakbo rito sa Pukiusap ay argumento. May
mga research at punto ang writer na si Liv,iniisa-isa niya ito at nilagyan niya ng
ilustrasyon ang bawat punto para mas madaling maintindihan ng mambabasa ang
kanyang mga punto.

In short, ito ay isang essay. At dahil may ilustrasyon, isa itong visual o graphic essay.

Wala pa akong naisasalin na ganito. Bago sa akin ang graphic essay, kaya panibagong
aral sa akin ang pagsasalin ng ganitong genre.

Ilang ulit kong binasa ang salin sa wikang Ingles from Swedish. Na text lamang.
Ilang ulit kong binalik-balikan ang orihinal dahil naroon naman ang ilustrasyon.

3. Font at penmanship/handwriting

May mga bagay na nasa orihinal na pahina, pero wala sa salin.

Halimbawa nito ay ang kapal ng font at pag-o-all caps sa mga salita, o di kaya ay
papalaking size ng mga titik o balloons ng speech.

Halimbawa:

Feel free to use it, medyo magalang pa. pero alam kong gigil na gigil na siya at
nanghahamon siya rito. Satire, sige gawin mo, pero ang totoo, huwag mong gawin,
iyon ang mensahe.

Quoi? Ano raw? (p. 28)

4. Special Set of Terms

Gumamit ng reliable na sources, lalo na kapag may special set ng terms.
Halimbawa nito ay ang reproductive system para sa Pukiusap. Ang ginamit ko bukod
sa mga diksiyonaryo tulad ng UP Diksiyonaryong Filipino ay ang librong Kapag Walang
Doktor ang Kababaihan, isang reference book para sa kababaihan mula sa mga 3rd
world na bansa. It is a medical book that also tackles social issues like poverty, social
discrimination, etc. pagka-graduate ko sa college, napasok akong writer/researcher sa
isang NGO for women. Dito ko unang nakita ang libro, so 2003 iyon, so mga 15 years
ko nang kilala ang libro at hindi nagbago ang reliability nito pagdating na sa
reproductive health terms.

Puke for vagina
Tinggil for clitoris
Pisngi
Labi
Puwerta o butas ng puke
Butas para sa pag-ihi

5. Wika at Kultura

Nang likhain ni Liv ang graphic essay niya, ang target reader niya ay kagaya rin niyang
taga-Sweden. Hindi niya siguro naisip na balang araw ay may magsasalin ng kanyang
akda sa iba’t bang wika.

Tingnan ang halimbawa ni Queen Cristina.

Kaya naman, ginagawan ko ng paraan na maka-relate pa rin ang Filipino sa mensahe
ni Liv kahit na malayo ang kulturang kanyang inilalarawan sa pamamagitan ng salita at
ilustrasyon.

Gamitin ang wika ng millenials, ang wika ngayon.

Basahin ang posts nila sa social media para magkaroon ng idea kung paano sila
magsalita, kung paano silang mag-construct ng pangungusap, kung paano sila mag-
express ng feelings tulad ng tuwa, inis, frustration, at iba pa, kung paano sila makipag-
usap sa mga kaibigan nila, kung paano sila mag-express ng opinyon, kung paano
silang magtanggol ng sarili at kung paano sila mag-isip.

Halimbawa:

BFF, bromance, pakshet- Pukiusap

Iba pang halimbawa mula sa iba kong salin:

Mun’tanga- Paper Towns
Yayamanin- Manggagaway
Magaspang siya- naging pronoun na ang isang bagay.
Kayo ba? –para siyang code ng isang kultura.

Bakit ang wika ngayon ang aaralin at gagamitin natin sa ating salin?

Kasi ang salin na gagawin natin ay hindi ang huling salin ng isang akda. Huwag tayong
masyadong mayabang, hindi lang tayo ang makakapagsalin ng akda na iyan. So huwag
na nating problemahin kung maiintindihan ba ng ibang generation ang ating salin. We
are translating for the millenials, focus muna tayo sa kanila dahil tayo ang magsasalin
para sa kanila.

6. Tone/himig

Dito papasok ang tono/himig.

Isalin pati ang himig. Kung sarkastiko ang orihinal, sarkastiko rin dapat ang salin. Kung
naaasar, dapat gayon din sa salin. At kailangan, sarkastiko at pagkaasar na mula sa
kultura ng target reader, hindi mula sa kultura ng orihinal na akda.

Isa sa mga strength ng akda ni Liv ay ang kanyang tone o himig. Ito ay kuwela,
conversational, at may diin sa boses sa pagkakasulat ng teksto, gaya ng nabanggit ko
kanina. Puwedeng-puwede itong gamitin para mas mailapit ito sa mambabasang
Filipino. At dahil ang kuwela at humor ay cultural, hindi ito basta-basta naita-translate.
Hahanapin mo sa iyong wika o sa paraan ng pakikipagtalastasan ng Filipino ang
itutumbas mo sa tone/himig ni Liv at sa kanyang mga salita.

Halimbawa: Garden ng Ina mo, YOLO, xbox

7. Pacing ng Akda

Sa Pukiusap, magkakapantay-pantay ang bawat chapter. Explosive lagi, may sari-sariling
climax ang bawat chapter. Hindi siya “nagpapahinga.” Kaya sa pagsasalin ko, sinasabayan
ko ang pagratrat din niya.

8. Basics

Noong 2017, I attended the Philippine Readers and Writers Festival session about writing
genres that have emerged in the Philippines. Ang speakers ay puro millenials like the writer
of Vince, Kath and James and Maine Lasar, the very young writer who started in Wattpad,
and later on when she joined the Palanca, nanalo siya ng grand prize sa nobela.
Batay sa kanila, napaka-harsh ng millenial readers pagdating sa maling spelling, bantas,
grammar. Sa mundo ng Wattpad, pinupuna raw talaga ang mga ito. Ija-judge ka agad, iba-
bash at ipo-post ka hanggang maging viral ka, sama-sama ka nilang lalaitin at
pagtatawanan.

Bakit? Dahil may means sila to do it. Hindi ito personal. They just have the means to do it
kaya nila iyan ginagawa.

Ipabasa sa iba ang gawa natin para maiwasto na ang dapat iwasto. Basahin uli ang finished
product para maipawasto ang dapat maiwasto. Sa Pukiusap ay may isang naputol na
sentence! O nawala ang last letter dahil siguro hindi na kasya sa speech balloon.

9. Pag-iimbento ng Salita

Huwag matakot mag-imbento ng salita.

Nakokornihan ako sa faithful na salin ng Forbidden Fruit, ang salin sa Ingles ng orihinal na
title sa Sweden. Ang options ko ay: Bawal na Bunga, Bunga na Bawal, Ipinagbabawal na
Prutas, Ipinagbabawal na Bunga. Lahat iyan, bagsak sa akin. At ayaw ko sanang i-propose
pero kailangan kong bigyan ng options ang publisher.

A year ago, nagbabalak akong magpublish ng koleksiyon ko ng mga tula. Mga 20 taon kong
naipon ang aking mga tula. Ang naiisip kong title ay Pakiusap, na siyang title ng isa kong tula
tungkol sa mingaw para sa mangingibig. Tapos, naisip ko na masyadong seryoso kung ang
title ng libro kong ito ay Pakiusap. Hindi bagay sa buong koleksiyon dahil hindi naman lahat
ng tula ko roon ay malungkot. Nag-post ako sa FB, sabi ko, ang susunod kong libro ay
Pukiusap ang pamagat. Bumili kayo!

Nagkatotoo nga, ito nga sumunod kong libro. Bagay na bagay, ano? Word play ng pakiusap
at sa buong libro ay hinayaan ngang makipag-usap o makipagdiyalogo ang puki.

Ang point ko, ‘wag matakot mag-imbento ng salita kung sa tingin natin ay hindi sapat ang
mga salitang available para maipanumbas sa orihinal na teksto. Makipaglaro sa wika.
Kahit sa original works, i-apply ito. Narito ang mga title ng book ko:

a. It’s A Mens World, play siya sa word na mens na dalawa ang kahulugan: regla at mga
lalaki, and at the same time, sikat siyang statement sa Amerika, meaning, ang lahat ay
ginagawa nang lalaki ang nasa isip bilang beneficiary, kaya mas lumalaki ang advantage ng
lalaki sa lipunan na ito.

b. It’s Raining Mens, play din siya sa word na mens bilang regla at mga lalaki, and at the
same time ay pagbibigay-pugay siya sa kantang it’s raining men ng spice girls.

c. Nuno sa puso, word play siya sa pangalan ng mythological creature sa Pilipinas na nuno
sa punso, isang maliit na matanda (kaya nuno, ninuno) na naninirahan sa punso (anthill),
iginagalang ito, kaya tayo nagtatabi po, nuno, kapag naglalakad sa mahalaman na lugar,
dahil ayaw nating magalit siya. At pinaniniwalaan na may kakayahang manglansi ang nuno
kapag ito ay ginawan ng masama. Ang libro ko naman ay tungkol sa pagiging wisdom o
pagiging mature o matanda pagdating sa love, sex at relationship. Kaya nuno sa puso.
May naiisip pa akong libro na pamamagatan kong Titikman, tungkol ito sa isang superhero
ng mga book lover, siya ang nagre-rescue sa mga book lover na nasa mahirap na sitwasyon.
Halimbawa, kapag ang book lovers ay napagsarhan ng library, nahihirapang maghanap ng
libro, may librong kailangang ipadala sa mga remote na baryo sa Pilipinas. Matalino si
Titikman, mahilig magbasa, adik din sa books, mahilig magsulat ng love letters, magandang
kausap, at higit sa lahat, medyo bastos. Titikman. Perfect.

PAGBABAHAGI NG ILANG PRAKTIKAL NA MGA BAGAY

A. Maliit ang bayad, walang royalty at downpayment.

Ang unang alok sa akin ay 7k. Humingi ako ng dagdag, sabi ko gawin namang 8k.
Pumayag naman ang publisher. Pero bago ko pa mapirmahan ang kontrata, may
dumating na email sa akin mula sa Sweden. Naaprubahan daw ang translation grant na
in-apply-an ko sa Swedish Arts Council. Akala ko ay scam dahil wala naman akong ina-
apply-an! Iyon pala, nag-apply ang Anvil para sa librong ito. Kaya napunta sa akin ang
grant. Ito ay worth 10,000 pesos. Wala nang royalty. I tried to negotiate this with my
publisher, pero ayaw talaga. Wala nga rin pala itong downpayment.

B. Sked

Sabay sa full time job ko kaya di ko talaga natutukan para mas mabilis ang pagtatrabaho
rito.

December ang aking deadline, March ko na ito naipadala. Kung hindi pa ako sinabihan na
March sana ito ilalabas bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan.
Ano ang nangyari? June na ito nailunsad. June of the same target year naman, 2018.

C. Usapin ng copyright

Wala akong economic rights sa aking salin. Sinubukan ko rin itong i-negotiate sa
publisher, wala, bigo ako. Wala ring pagkilala sa libro sa tagapagsalin mula sa Swedish to
English. Dapat ay mayroon.

D. Piliin ang translation projects!

Isalin natin ang mga akdang wala pa rito, isalin natin ang akdang innovative sa content at
form. Isalin ang mga akdang makakatulong sa atin bilang tao at isang bayan.
Ituring natin ang husay natin sa pagsasalin bilang yaman ng Pilipinas. Pag ganito tayo mag-
isip, magsasalin ba tayo ng basura? Bakit tayo magsasalin ng bagay na ikasasakit ng kapwa
natin? Bakit tayo magsasalin ng sandamakmak na erotika o romance novel kung
mahuhusay naman ang sarili nating erotika at romance novels? Bakit uunahin ang magsalin
mula sa ibang bansa kung mayroon tayong mga akda na magaganda, makabuluhan at
nangangailangan ng pagsasalin sa wikang pambansa?
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on October 10, 2019 07:33

KONSEPTONG PAPEL SA ANYO NG LIHAM

9 Oktubre 2019

Mahal kong mga taga-KWF,

Ang pamagat ng aking akda ay First Love. Ang setting ay Ermita sa Lungsod Maynila nang
dekada 90. Tungkol ito sa isang karaniwang teenager na babae at sa kanyang first love na si
Denden.

Is this a love story? Oo na hindi. Dahil hindi lang ito tungkol sa pag-ibig. Tungkol din ito sa
relasyon ng isang anak sa kanyang tatay, sa mga problemang pinansiyal ng isang ordinaryong
pamilya, at sa mga hakbang na ginagawa ng teenager para unawain at harapin ang mga
dumarating na hamon sa kanyang buhay. Tungkol din ito sa magkarugtong na konsepto ng hiya
at pagtanda. Mababasa rin dito ang isip at damdamin ng mga teenager ng Maynila noong
dekada 90.

May JS prom na magaganap. May kissing scene. May ilegal na road trip. May pagtatakwil, may
mapapalayas sa kanilang tahanan. May tatanda. Or should Isay, may magtatanda?
Ang wika ng akda ay magaan, madaling basahin. Nasusulat ito sa first person point of view,
mala-creative non-fiction.

Tatapatin ko po kayo, maikli lang ito: 4,754 words to be exact. Hindi pangkaraniwang nobela
ang haba.

Naniniwala ako na hindi naman laging batayan ang bilang ng pahina o bilang ng salita para
tawaging nobela ang isang akda. Nakikita ko ang akda na ito hindi bilang isang librong puro
teksto lamang, gaya ng isang nobelang pang-young adult. Ang vision ko para dito ay isang
librong may ilustrasyon sa lahat ng kaliwang pahina at teksto lamang sa lahat ng kanan na
pahina. Ano ba ang tawag dito? Definitely po ay hindi ito komiks, hindi graphic literature. Visual
novelette kaya? Hindi ko alam kasi, wala pa akong nakikitang ganitong librong pang-young adult
sa Pilipinas.

Sa madaling salita po ay hindi written text lamang ang aking ipinapanukala sa inyo kundi isang
kakaibang format ng libro para sa young adult. Ito ay manananggal: kalahating children’s book
dahil sa presensiya at frequency ng angkop na ilustrasyon, kalahating nobela dahil sa mahabahabang teksto na tumatalakay at sumasalamin sa mga usaping pang-young adult.

Kalakip din ng panukalang ito ay ang sample chapters sa anyo ng dalawang mahahabang bahagi
ng aking akda. Anumang oras ay maipapadala ko po sa inyo ang kabuuan ng akda, kung
interesado po kayong mabasa ito. Ang contact details ko ay 0919-3175708 at
beverlysiy@gmail.com.

Maraming salamat at umaasa ako sa inyong positibong tugon.

Sumasainyo,

Beverly W. Siy
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on October 10, 2019 07:05

rejection alert

bakit kaya may feeling ako na malapit na akong mamatay?

nagpa-panic ako. biglang gusto ko nang gawin lahat ng pangarap kong gawin. lahat ng nasa mga to do list ko ngayong taon at in the past years, gusto ko nang gawin. ngayon na. sabay-sabay. parang nararamdaman ko na ang kamatayan.

at ang pagod specially. i am so spent.

ilang araw na akong walang maayos na tulog. at pisikal na pagod na pagod. mamamatay na ata talaga akong kayod-kalabaw ba. tama nga nanay ko. inaabuso ko na katawan ko.

ang nakakapagtaka diyan, kahit anong kayod ko, feeling ko, kapos pa rin ako. di natatapos ang bayarin. so kanina, i was reminded again na may bills bukas. kailangan nang bayaran. e wala pa akong pera kanina. ngayon pa lang ang suweldo ko. huwat, kako ke papa p. bakit habol ako nang habol? bakit parang lagi akong kapos? malaki naman sahod ko, regular at me extra pa ako sa mga raket. di ako tumitigil kakaraket kahit halos ikamatay ko na nga sa pagod. bakit feeling ko, wala akong extra? bakit kapos pa rin?

sabi ni papa p, ngayon lang kasi nag-bday si ayin, nagbayad ka insurance, nagbayad ka ke ancha (para sa st. peter).

oo nga kako. aba tingnan mo nga naman, puwede na talaga ako mamatay.

kaka-depress ba itong entry na ito? so? reklamo ka?

buti nga buhay ka pa, e.

si carlos celdran, patay na.

imagine? noong isang araw lang, nag-comment pa ako sa FB post niya tungkol sa bisita niyang espanyol sa bahay na di siya napagbuksan ng pinto for 3 hours. akala niya, napano na. akala niya, patay na. amputa, tulog lang pala. tas after a few days, siya na pala patay. si carlos celdran.

si carlos celdran, pare.

iyong tao na iyon na punong-puno ng buhay!

patay na.

ay kennat. hahaha. ay kennat.

bigla na lang akong napapaluha kanina sa ilang segments ng women expo at forum sa marriott hotel. napaka-empowering naman ng event. overwhelming ang lugod sa puso ko sa mga nakikita ko at naririnig, sa mga achievement ng mga pinay, sa mga speaker, sa mga organizer. ang saya ko, e. tapos bigla akong mapapaluha. bigla kong maiisip ang mga sarili kong pangarap. na gusto ko na sila magawang lahat ngayon kasi malapit na akong mamatay. kasi maikli lang talaga ang buhay. kasi pahiram lang talaga ang oras natin sa mundo. anytime puwedeng bawiin.

im crying again right now. putangina, ang hirap.

kanina, naisip ko sa gitna ng lahat ng nagsasalitang mga babae, na puro women leaders, na puro ceo, na puro achievers, gusto ko sabihin, alam n'yo, malapit na akong mamatay. nafi-feel ko na mga ate, tapos alam n'yo kung ano ang gusto kong gawin? libro. hahahaha. maraming maraming libro. what a stupid idea. gusto kong tapusin mga personal kong project na libro, na mga koleksiyon ng akda. kahit na wala naman bibili, kahit na di ko alam kung ano na kahihinatnan nila after ko ma-compile. kahit wala namang babasa.

a few minutes after the last session started, mam andrea called me up again. nire-reject ko ang calls niya earlier dahil lowbatt na ako at wala akong mapagsaksakan ng charger. since hiwa-hiwalay kami ng mga taga ccp ng sessions na pinuntahan, i need to contact them bago mag uwian para makasabay ako sa ccp van pag uwian na. dahil ayokong mag-commute dahil konti na lang pera ko. so after some exchange of messages about my translation for a children's book about children's right to give consent, in-off ko na cell ko. sabi ko, makakapaghintay naman siguro ang pag-uusap namin ni mam about some lines of my translation.

e ayun na nga, finally nakahanap ako ng masasaksakan! sa last session. so sinagot ko na ang tawag ni mam. aba, ampota, sinigaw-sigawan ako. at tuloy-tuloy siya. at dahil ayoko nang makipag-argue over phone, dahil alam kong mamamatay ang cell ko that minute, sumang-ayon na ako sa gusto niya. tapos pinatayan niya ako ng cellphone. putangina, siya pa galit. hahahaha. super rude!

sobrang nakakalungkot. ano ba?

of course, i know what i am doing. i know what i am fighting for doon sa words ko sa translation ko. hopefully ma-tackle ko siya nang mas detalyado one of these days dito sa blog.

so, anyway, sobrang baba ng energy ko from then on. hindi ko na na-enjoy ang last session which was about paying it forward. nang magkita kita kami ng mga officemate ko, sabi ni mam marivic sa akin, may sakit ka? masama ba pakiramdam mo? mukha siguro akong zombie.

lately, andaming balita ng kamatayan. namatay ang nanay ni blue. kahapon, ibinalita sa akin ni sir mike ang kamatayan ng isa niyang estudyante. brain infection. teenager. actually, malalayong kamatayan naman. pero siguro sa sobrang pagod ko sa mga ginagawa ko sa buhay, i can feel malapit na pangalan ko sa iko cross out ni kamatayan.

nag-aalala ba ako para sa mga anak ko? aba, amazingly, hindi. siguro dahil alam kong andiyan si papa p at maganda naman support system niya: rianne, ging, muma. ok din naman mama ko ngayon. dami niyang pera hahaha!

kaninang umaga ko rin nalaman na natuloy pala ang nbdb sa frankfurt. nag-apply kasi ako doon. na-reject na naman ako. wala naman akong balak mag-apply dahil alam kong around sa bday ni ayin ang frankfurt this year. pero putcha, men, putcha, pinilit ako ng mga taga nbdb. kasi puro lalaki raw ang ipinapadala nila in the past few years, etc. etc. dapat daw babae naman. ok naman daw proposal ko dati, i-rehash ko na lang, submit ko na. so ayun. july, august, wala. walang balita. pero ewan ko ba. umaasa ako. september, asa pa rin hahaha parang sira lang. pero sabi ko, baka walang pupunta. baka di sila matutuloy sa frankfurt.

kanina, jeggeng! may mga pics na ng mga taga nbdb sa frankfurt.

op, op, op. rejection alert. rejection alert!

talo na naman. jusko sa tanda kong ito, tinatamaan pa ako ng rejection na ganyan.

ngayong araw na ito, magsusumite ako ng grant sa nobelang pang-ya na grant ng komisyon sa wikang filipino. 100k din iyan. magbabakasakali ako, malay naman natin ano? hiling ko lang, hindi sana ako ganito ka-devastated kapag nariyan na uli ang rejection alert.






 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on October 10, 2019 06:49

September 22, 2019

tour sa national museum

dahil sa work ko sa manila international performing arts market 2019, ako iyong parang asst ng isang delegate na mula sa bangkok, thailand, si sasapin siriwanij, napabisita ako at napasama sa isang tour sa national museum noong sept 20, 2019.

we were about 20 sa group. marami ang foreigner (taga-thailand, taga-taiwan, taga-mongolia, taga-australia). medyo hindi engaging ang script ng tour guide na na-assign sa amin. kung ano ang mapasok namin na room, iyon na, papasok na kami. so, walang nabuong story tungkol sa ating mga filipino, tungkol sa ating bayan at tungkol sa ating mga kahayupan at kahalamanan. walang mas maayos na flow. mas conscious siya sa trivia (like ang whale shark daw ay pahalang ang buntot, ang dolphin ay patayo) kaysa sa narrative at halaga ng mga species at lugar sa buhay natin.

mayroon ding ilang sablay na salin like pygmy forest, ang kapandakan ng kabundukan. ang pygmy forest pala ay nagtatampok ng maliliit na puno, maliliit na hayop at iba pa. meaning maliit, hindi pandak. ang pandak kasi, napigilan ang growth, ganon. may nangyaring assault sa growth ng isang species. e ito, sadyang maliit lang ang mga halaman at hayop, so hindi dapat pagkapandak ang ginamit na term.

anyway, sa ganda ng lugar, nag-enjoy ako!

may isang room na puro insekto. may isang room na may kapiraso ng submarine. may isang room na puro pinatigas na hayop na matatagpuan sa gubat, gaya ng... daga! may isang room na naroon si lolong, ang higanteng buwaya. may isang room na may campsite, may manekin din ng researcher. ipinakita doon ang buhay ng mga researcher sa gubat. may isang room na kurtinang napo-projectan ng video ng waterfalls, complete with sound. may isang room na parang sinehan, doon ko napanood ang mga unesco world heritage sites na nasa pinas gaya ng tubbataha, palawan underground river at isang kagubatan sa ibabaw ng bundok, i forgot the name. may isang room din na may globo sa gitna at picture ng mayon. gandang ganda ako kasi ang laki ng larawan at ang perfect talaga ng bulkan na ito. bagay talaga ang salitang majestic para sa kanya. may isang room din na puro shells naman ang laman. may isang room na puro bato ang laman, sabi ng tour guide, marmol ang pinakamatandang bato sa national museum. natagpuan sa romblon, ito ay tinatayang 252 million years old na. omg! favorite ko rin ang room na ngipin ng nakangangang balyena ang sasalubong sa iyo. di namin ito napasok pero agad ko itong napiktyuran pagdaan namin.

isa sa mga nagustuhan kong item sa national museum (bukod sa matandang matandang matandang bato) ay isang matandang dahon. ito ay ixora longistipula merr.ayon sa papel na nakapaskil dito. ito ay natagpuan sa balinsasayao forest reserve sa abuyog, leyte noong july 1961 para sa philippine national herbarium.

nagustuhan ko rin of course ang pinakagitna ng museum, ang structure na tree of life. very modern. mamamangha ka talaga. maganda rin ang tatlong malaking larawan ng mga hayop na dito lang daw sa atin matatagpuan: tarsier, tamaraw at agila/banoy/eagle/haribon.

bisitahin ninyo, guise, ang national museum major in natural history. ito iyong nasa tabi ng playground sa luneta. free and open to public siya tuesdays to sundays. akyatin hanggang sa pinakamataas na floors para masulit ang pagpunta ninyo rito. may elevators naman for seniors and for those na may dalang stroller ng mga bata. magaganda ang cr, bago pa at may staff na naglilinis. iwasang magdala ng mga bag kasi ipinapaiwan ang mga ito sa baggage counter. kailangan din comfortable ang sapin sa paa dahil mega lakad sa buong museo ang gagawin ninyo.

enjoy!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 22, 2019 05:06

nick joaquin literary awards 2019

first time naming dumalo ni papa p sa nick joaquin literary awards na itinataguyod ng magasin na philippines graphic. ang magasin na ito ay pagmamay-ari ng cabangon family. ginanap ang awards noong sept 20, 2019 sa citystate tower hotel, ermita, manila. sa padre faura lang ito. first time ko rin sa hotel na iyon, though a few steps away lang ang bahay ng mga lolo't lola ko na chinese, at doon ako lumaki sa lugar na iyon. maganda pala sa loob. malaki ang venue sa 5th floor, mataas ang kisame.

ang saya ng gabi, di siya pormal na pormal. relaxed ang mga attendee na writers mostly from the metro, and karatig provinces (tulad namin, cavite!).

nandoon si national artist f sionil jose at ang wife niyang si mam tessie. they stayed hanggang sa halos matapos na ang awarding ceremony. napakalapit lang ng venue na ito sa kanilang solidaridad bookshop. mga 2 min. walk!

nanalong poet of the year si mark angeles, he was there to receive the award. umakyat din ng stage si mam jenny ortuoste to receive award for her fiction. inanunsiyo rin na ang njla ay mapupunta na ang pamumuno sa ust sa pamamagitan ng literature dept at creative writing center and literary studies dahil mayroon nang research grant ang cabangon family sa ust. cabangon family ang may ari ng Philippines graphic magazine.

ang mga nakasama namin that night ay sina kooky tuason, marty tengco, karl orit, dax cutab, lester abuel, rr cagalingan, na by the way nag-perform ng balagtasan tungkol sa kung sino ang dapat na masusunod sa bahay, ang babae o ang lalaki, sir roland tolentino, sonny villafania, mam susan lara, mag-asawang dean at nikki alfar, sir fidel rillo, sir john jack wigley, mam jing pantoja hidalgo, sir lito zulueta, sir eros atalia, sir joey delos reyes, sir carlomar daoana, cheska lauengco, sir marne kilates and wife mam grace, mam andrea pasion flores, sir jun cruz reyes, sir krip yuson, alma anonas-carpio, sir charlson ong, and of course, ang mag-asawang che sarigumba at chief joel pablo salud (ang dahilan kung bakit kami naimbitahan sa njla). nandoon din si chen sarigumba at si likha, ang baby nina che at chief na inaanak ko. (nakita ko rin si miguel syjuco na sobrang guwapo talaga sa personal, walang pores, my god. parang model ng pond's for men.)

maraming beer at iba pang inumin. may food din (si papa p lang ang kumain sa buffet dahil sitsirya (clover, cheese flavor!) ang tinira ko, guise, hello libreng junk food, hello), maayos ang registration, maraming staff doon. at noong uwian, may lootbag pa para sa lahat ng dumalo. ano ba itong mga ikinukuwento ko, puro logistics? kaloka. ang hirap ihiwalay ang utak-trabaho sa utak-bebang.

anyway, ang nakapagpasaya sa aming mga manunulat ay ang raffle hahaha. at nanalo ang marami sa writers na naroon. bakit? kasi nag-stay kami, chill lang ang party e, at marami pang inumin. masaya! so iyong iba na di siguro trip iyon, nag-uwian na. ang daming tinawag na wala na doon sa venue na iyon hahaha kaya nabigyan ng chance na matawag kaming mga naiwan. mabuhay!

so ito yung mga napanalunan ng mga utaw:
dean alfar,dax cutab at marty tengco -plantsa, tig iisa naman hahaha sabi ni marty wala bang kabayo?
charlson ong-egg beater! tawang tawa kami. si sir charlson naman, inilagay agad sa ilalim ng kilikili niya ang kahon ng premyo niya
mam susan lara-lalagyan ng inumin
sir fidel rillo-overnight stay for 2 sa tagaytay
mam jing hidalgo-overnight stay for 2 sa isang hotel yata sa qc
ako at mark angeles-tig 5k worth ng gc sa sheraton hotel wohooo maide-date ko na si papa p sa hotel, di na sa motel
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 22, 2019 04:59

September 19, 2019

rebyu para sa librong biyak

rebyu ni rita de la cruz

Naniniwala akong makukumpleto ko ang 36-book challenge ko ngayong taon. Ano ba naman yung 3 libro sa isang buwan? May kaibigan ako na nag 100-book challenge (8-9books/mo). Susme maning-mani. Kaya nga challenge!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 19, 2019 06:15

update sa vibal

mula sa vibal, natanggap ko na ang sales/royalty report ng marne marino! ready na rin daw ang check for deposit. winner!

kumusta kayo, nakatanggap na rin ba kayo ng sales/royalty report?

magsabi ang hindi pa nakakatanggap at may tutulong sa atin na taga-vibal!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 19, 2019 05:07

September 18, 2019

friends are blessings in the sky haha

in the past few weeks, god has been sending me my friends here at the south. probably to cheer me up!

unang dumating, si joshel. we had a great afternoon at the paseo palisoc. ang dami naming napagkuwentuhan. catching up nang bongga.

next na dumating ay si maru. sa mibf naman. dami din naming napagkuwentuhan over pizza and pasta sa island pizza sa moa. kasabay din namin siyang umuwi.

next were jofti and claire. na talaga namang mga kasama ko noon pa sa writing community.

it is nice to talk to friends when you are down, ano?

salamat po, universe. will always treasure your response in times like this.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 18, 2019 14:35

September 16, 2019

solb!

noong sabado, nagkita kami ng isang kaibigan na manunulat, na isang children's book author din. pagkakita niya sa akin sa visprint booth, kinumusta niya ako, mabilisan lang. dahil papunta siya sa isa pang children's books publisher at ako ay nasa gitna ng book signing.

sabi niya, bebang, salamat nga pala sa iyo, nakasingil ako sa vibal mula nang mag-post ka about them.

lumuwang pang lalo ang ngiti ko that day!

once again, thank you, point person ng vibal! kahit di ka nagre-reply sa aking mga email, at least you are doing something para sa mga issue na idinulog ko sa iyo na kasama sa dalawang listahan na ifinorward ko sa iyo noon.

let me cross that out in the two lists!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 16, 2019 05:13

Hi, Mr. Chris Datol ng Vibal

Hi, Mr. Chris Datol ng Vibal.

Bakit naman ako makikipag-usap sa iyo? I have tried it before. Hindi ka nag-reply when I asked about report sa royalties. I sent an email again, wala pa ring reply. Wala ring nangyari. Gusto mo bang ipadala ko uli sa iyo ang mga email ko na di mo nireply-an ever? Hinayaan ko na nga lang, tutal ay isang libro lang naman ito, Marne Marino. But this year, when I started learning na hindi lang pala ako ang ginaganyan mo at ng Vibal, nag-post ako sa FB, and complaints came pouring in. I sent the first list to Kristine Mandigma. Aba, may nangyari. Nabayaran ang mga dapat n'yong bayaran at ilang taon nang naniningil sa inyo pero di ninyo noon pinapansin. Nasagot ang tanong ng mga nagtatanong. Ngayon, gusto mong palabasin na pilit kang nakikipag-ugnayan sa akin at ako itong hindi tumutugon? Simply because it was tried and tested, kapag ikaw ang kausap,walang nangyayari. Ever since pumutok itong mga problema ninyo sa social media with creatives, I have sent emails to Kristine Mandigma. You should talk to her. Ask for what I told her as my reply to your queries. Or should I say, baka gusto ninyong mag-usap-usap muna bilang isang buong kumpanya nang mas maayos kayo pagharap ninyo sa mga manunulat, editor at mga illustrator ninyo?

Sagot ko iyan sa dalawang comment ni Chris Datol ng Vibal sa aking FB memory post na may kinalaman sa Vibal. He was telling me, nagpadala raw siya ng PM at several requests for a meeting. Nagpadala rin daw siya sa akin ng mga dokumento for my review. At sana raw ay mag-meet kami para ma-address ang aking concerns.

Sa mga kaibigan ko sa panulat at industriya ng libro, makikipag-usap ka ba sa empleyado ng kumpanya na hindi ka nire-reply-an noon at wala namang nagawa regarding your issues o doon ka sa "kanang-kamay" ng may ari ng kumpanya at gumagawa ng hakbang para sa ating mga hinaing?

once again, thank you, kristine mandigma ng vibal. i really appreciate what you are doing for the creatives na nasa listahan na ipinadala ko sa iyo.

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 16, 2019 05:12

Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.