Introduksiyon para sa Lila, Antolohiya ng mga Tula

Nagsimula ang pagbuo sa LILA noong 2013. Iminungkahi ko kay Phillip Kimpo, Jr. na maglathala kami ng isang kalipunan ng mga tula ng babaeng kasapi ng LIRA. Si Phillip ang pangulo nang taon na iyon. Kasi naman, iilan lang ang babaeng kasapi na nakakapaglabas ng sariling koleksiyon. Puro lalaking kasapi ang nagkakalibro ng tula sa amin.

Maraming salik kung bakit ubod ng dalang ang babaeng kasapi o babaeng makata na nakakapaglabas ng isang buong koleksiyon ng tula. Sa karanasan ko, nanay muna ako bago empleyado/trabahador bago manunulat bago org person. Nanay duties first, above everything else. Ako lang ang magulang ni EJ. Iyong sperm donor kaya nabuo si EJ ay nanatiling sperm donor na lamang up to the present times. Ang iba pang salik ay kakaunti noon ang babaeng kasapi, at kakaunti na nga ay bihira pang maging aktibo sa organisasyon. Ibig sabihin ay bihirang makapunta sa taunang workshop para sa mga baguhang makata. Lalong bihirang makapagpa-workshop ng sariling akda. Ang laki din naman kasi ng oras na kinakain ng mga workshop at meetings ng organisasyon. Saturday at Sunday, 8am to 5pm, for six months ang opisyal na workshop. Puwera pa diyan ang mga espesyal na pagtatagpo halimbawa ay ang inuman sa sarah’s pagkatapos ng palihan, mga book launching ng kaibigang makata, pag Marso ay kaarawan ng tagapagtatag ng LIRA na si Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa panitikan, pag Agosto (Agosto noon, ngayon ay tuwing Abril na) ay ang UMPIL National Writers’ Congress at Gawad Balagtas Awarding Ceremony, at bertdeyan ng mga senior member o mentor sa sari-saring sulok ng Metro Manila.

Ang mga taga-LIRA ay nag-aaral, nagtatrabaho, o sabay, nag-aaral at nagtatrabaho. At kung babae ay kadalasang nag-aaral, nagtatrabaho, o nag-aaral at nagtatrabaho, tapos namamalengke at nagluluto para sa asawa, nag-aalaga ng kapatid, nagbabantay ng tindahan at ng ulyaning lola, naghahatid-sundo ng panganay na nasa Grade 3, naghuhugas ng garapon para i-recycle bilang lalagyan ng suka na may sili, nagkakayod ng mga buto mula sa laman ng isang prutas para muling itanim ang mga ito’t maging puno, nagsusulsi ng nalaslas na ecobag, nagba-budget ng sahod para makapaggroserya nang pang-isang linggo, makabili ng bagong bra pamalit sa tastas at sampung taong gulang nang bra, at makabili ng pangarap na libro ng tula, kahit isang beses sa anim na buwan o sa isang taon, nagpapatakbo ng tahanan, nagpapatakbo ng mundo.

Sa dami ng responsabilidad na nakaatang sa mga babaeng LIRA, at sa mga babae in general, bihira na kaming magkaoras para tumula at magsuri ng tula. Nakakatula, oo, pero bibihira. Kaya paisa-isa ang aming output.

Okeypayn. Paisa-isa it is.

Kaya isinilang ang LILA. Itinalaga ko ang sarili bilang coordinator, at kinausap ko noong Mayo 2013 si Mam Rebecca Anonuevo kung puwede siyang maglingkod bilang editor nito. Siya ang pipili ng ilalathala mula sa lahat ng submission. Pumayag agad siya, salamat, salamat at anim na buwan kaming nag-anunsiyo, nag-promote, nanghikayat.

Layunin ng koleksiyon na maipakita ang husay sa panulat ng mga babaeng kasapi ng LIRA, maipakita ang estetika ng mga babaeng makata, maibahagi sa publiko ang pinakahuling obra ng mga babaeng tumutula sa kasalukuyan, makapag-ambag sa panitikang kinatha ng kababaihan, at higit sa lahat, makapag-ambag sa panitikang Filipino.

Ang tatayog ng layunin, ano? At positibo akong magaganap ang lahat ng iyan, kahit na paisa-isa lamang tumula ang babaeng LIRA. Nasa pagtitipon sa mga paisa-isang tula ang kaganapan. Nasa pagbubuo ng koleksiyon.

Ang orihinal na plano ay ilathala ang digital at printed editions ng LILA sa ilalim ng Aklat LIRA at ilunsad ang mga ito sa ika-30 anibersaryo ng organisasyon na idinaos noong Disyembre 2015.

Kaya tuwang-tuwa ako noong Agosto 24, 2013, nang matanggap ako ng isang submission sa email. Limang tula mula kay Mary Gigi Constantino. Lalo akong ginanahan, this is it pancit!

Pero sa kasawiampalad ay iyon na pala iyon. Isa. Wala nang ibang nagsumite kundi si Gigi. Naghintay pa kami nang ilang buwan, nag-extend pa kami nang maubos ang orihinal na palugit na anim na buwan, pero, iyon na talaga. Hindi na nadagdagan pa ang isa.

Anong lungkot namin, siyempre. Ipinaliwanag ko kina Mam Becky at Gigi ang nangyari at naunawaan naman nila ito. At pansamantalang nabaon sa limot ang proyekto.

Pero ito iyong proyekto that haunts you even in your sweetest dreams. Kutkot nang kutkot sa isip ko ang ideya na may nagpasa sa LILA: isa. Kahit isa lang iyan, isa pa rin iyan. Isang babae na may mga tula at gustong maglathala. Kaya noong Hulyo 2017 ay muli kong ibinato ang vision at mga layunin ng proyekto sa dalawang babaeng miyembro ng LIRA na sina Louise Adrienne Lopez at Roma Estrada. Bukod sa parehong aktibo sa spoken word at poetry performance communities ang dalawa, aktibo rin sila sa zine publishing community. Sila ang nagbigay ng ikalawang buhay sa proyektong LILA.

Nagdaos kami ng mga meeting, nag-usap, face to face, email, group chat at Messenger. Nagkaisa kami na ang kukuning editor ay si Grace Bengco, isang mahusay na makata at tagapagsalin, pero nuknukan ng pagkamahiyain, kaya di napapansin. Pumayag naman siya, kahit sobrang abala siya bilang tagasalin sa Komisyon sa Wikang Filipino. Kinausap namin si Aldrin Pentero, ang presidente ng LIRA (nang taon na iyon, at hanggang ngayon), at excited din siya para sa LILA. Naglabas muli ng mga anunsiyo tungkol dito at ng mga panawagan sa social media. Hinalukay ng grupo ang mga directory ng LIRA para sa contact details ng mga babaeng miyembro mula sa mas maagang mga batch. Isa-isa naming kinausap, inemail, chinat, piniem ang mga babaeng miyembro. Nagpatulong kami sa mga lalaki at matatandang kasapi na makipag-ugnayan sa mga babaeng kasapi na close sa kanila, upang hikayatin ang mga ito na magsumite. Mega campaign, daig pa ang national election.

Sa wakas, dumagsa na ang submissions! Nagkaroon pa nga ng dalawang batch ang submission. Pinasadahan namin nina Louise at Roma ang mga ito, at nagbigay kami ng rekomendasyon sa editor na si Grace. Ang pagpili sa mga inirekomendang akda ay ang husay ng tula sa, ano pa nga ba kundi, imahen, retorika at anyo. Pero bukod sa mga ito ay may isang bagay pa kaming ikinonsidera: ito ay ang representasyon ng paksa sa buong koleksiyon. Sinikap naming hindi nauulit o bihirang maulit ang paksa ng bawat tula. Gusto naming mag-accommodate ng marami at sari-saring paksa. Dahil gayon ang maging babae, marami at sari-sari rolled into one. Di ba nga, nagpapatakbo ng mundo?

Nagpasya rin ang grupo na pumili mula sa mga tulang nalathala ni Maningning Miclat. Miyembro siya at dangal ng LILA ang makasama sa koleksiyon ang kanyang tula. Napagpasiyahan din ng grupo na humiram ng likhang sining ni Maningning upang itampok bilang cover artwork ng LILA. Ang napili namin mula sa website na maningning.com ay ang The Tree is Awakened by the Memory of Her Leaves. Pumayag ang kaniyang pamilya sa pamamagitan nina Mam Alma Cruz-Miclat at Banaue Miclat-Janssen nang ihingi namin ng permiso ang mga napili naming tula at ang nasabing artwork.

Tumagal nang ilang buwan bago na-finalize ang koleksiyon. Kaya lamang ay hindi nakapamili si Grace sa sobrang kaabalahan niya sa trabaho. Nagpasya kaming tatlo nina Louise at Roma na kami na ang magsisilbing editor ng koleksiyon, tutal ay narito kami sa buong proseso mula sa konseptuwalisasyon, pangangalap ng akda, hanggang sa pagrerekomenda ng ilalathalang mga tula. Si Louise Lopez ang initial na layout at larawan ng artwork ni Maningning. Si Ronald Verzo ng Balangay ang nagsapinal ng layout. At buong akala namin ay mailalabas na ito nang 2018.

May humabol pang problema!

Kinausap ko ang asawang si Ronald Verzo na ilathala na lamang namin ito sa ilalim ng Balangay Productions, ang kanyang munting production company. Natural, umoo siya, dahil sa pangungulit ko. At siyempre, dahil sa ganda ng koleksiyon. Tuwang-tuwa sina Louise at Roma nang ibalita ko ito sa kanila. Ang naging estratehiya ng Balangay ay maglalathala kami ng isang manipis na libro na ako ang nagdrowing, at ang kikitain dito ay siyang ipang-iimprenta namin ng LILA. Ayun, nag-flop ang Biyak. Antala na naman sa production schedule ng librong ito.

Di namin alam na 2019 pala ang tunay na taon ng LILA. Imagine, 6 long and challenging years after the first attempt! Mula sa isa ay mayroon na itong 31 makata mula sa sari-saring background, mula sa initial na limang tula, mayroon na itong 76 na tula (+ 4 na tula mula sa unang nagsumite na si Gigi) sa sari-saring anyo at himig mula sa sari-saring persona ukol sa sari-saring paksa at sari-saring kultura.

Ang librong ito ay iniaalay namin sa lahat ng babaeng tumula, tumutula at gustong tumula. Ako, personally, iniaalay ko ito kay Gigi, sa iyo ang unang kopya, kapatid.

At para sa lahat ng Gigi sa mundo ng pagtula at panitikan, submit lang nang submit, laging may uuwiang tahanan ang ating mga tula, laging may tahanan ang mga pangarap na hindi nilulubayan.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 30, 2019 15:13
No comments have been added yet.


Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.