Bebang Siy's Blog, page 30

June 30, 2016

fot the nth time

katatawag ko lang kay ate jane ng graduate studies office. mag-a-apply kasi ako ng extension para sa MA ko. dapat 10 years lang ang maximum diyan. pero wala, hindi ko talaga matapos ang thesis ko. tapos na ako ng thesis proposal defense noong 2013, two months bago ako ikasal. unfortunately ay hindi ako nakapagsumite ng thesis kaya naman, di ako nakagraduate on time.

mukhang magpapalit na talaga ako ng thesis topic. kasi hindi ko kayang panindigan ang ipinropose ko noon. kahit anong gawin kong research, wala doon ang puso ko. hindi ko nakikita ang praktikalidad ng pag-aaral na iyon.

sabi ni ate jane, subukan ko raw mag-apply at ang mga kailangang isumite ay ang sumusunod:

1. letter of request for extension
2. endorsement ng thesis adviser na nagsasabing kaya kong matapos ang thesis ko within x period of time
3. time table
4. draft ng thesis

andali lang ano? lalo na yung number 4. hahaha! kelan kasi ang deadline sa pag-a-appeal? bukas.

so mula ngayon hanggang bukas kailangan kong makapag-produce ng draft ng thesis. ano nga ba ang choice ko? either lamayin ko ito ngayong gabi o umulit na lang ako sa ma ko. or lumipat na lang ako sa ibang school at umulit ng ma ko.

may idea naman na ako tungkol sa gagawin ko. siyempre pa, tungkol na ito sa copyright. feeling ko kasi, nariyan ang lahat ng resources na kakailanganin ko, suportado ako ng mga tao sa paligid ko at ang pinaka importante sa lahat, wala pang gumagawa nito sa pilipinas.

ang tentative title ay: ang copyright law at ang panitikang filipino.

aba tugma pa, haha!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 30, 2016 02:03

June 29, 2016

girl boy bakla tomboy

magpapa-3d kami mamya! yey! excited na rin akong malaman ang kasarian ng ipinagbubuntis ko. ano ang wish ko?

boy!

ayoko ng girl talaga kasi nakakatakot pa ang mundong ito. not in my lifetime na magiging maayos ang mundong ito para sa kababaihan. im sorry, i know i am being pessimistic pero kay rami naman kasing karumal-dumal na karanasan ang nakakabit sa mga taong may pekpek at matris. imagine, ipinanganak ka lang na may ganyan e, andami nang panganib sa paligid mo?!

napakalakas sumipa ng fetus sa tiyan ko lately. kaya confident ako na boy uli ito.

kagabi rin, napag-usapan ulit namin ni poy ang pangalan. kako, ok ba sayo ang baybayin ke babae o lalaki itong bago nating baby? oo raw. ako rin, solb na ako.

pero nagsalita pa siya, sabi niya, maganda rin daw ang dalampasigan. ek, parang di ko type, kako. parang hindi na siya pangalan ng tao, e. sabi ko, e kung daluyong? ang ganda, sagot ni papa p. pero ang ibig sabihin niyan ay tsunami, counterflow ko. anlabo ko rin kausap kung minsan, ano? basta, sabi ko, ayoko ng daluyong kasi negative 'yon. hindi tulad ng karagatan at baybayin.

ilang buwan na lang pala at manganganak na ako. sana ay maging ok ang lahat, tulad ng pagsilang ko ke dagat. gusto ko na ring matapos ang mga bagay-bagay bago ako manganak dahil siguradong panibagong challenges na naman ang kahaharapin namin pagdating ng bagong baby. at ang pinakamalaking challenge ay ang paghahanap ng oras para sa sarili, para sa relasyon, para sa iba pang kasapi ng pamilya, para sa kabuhayan, at iba pa. na-realize ko na ang panganganak ay parang deadline, ahaha!

maigi na rin na meron ako niyan. minsan kasi, akala ko forever akong trenta anyos, forever akong may oras para sa mga pangarap ko. hindi pala. tulad ng maraming bituin na bilyong taon na sa kalawakan, nabubura din ang mga ito, minsan pa nga, sumasabog. dahil sa panahon.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 29, 2016 00:45

June 24, 2016

kasi may internet!

pag nagsasalin ako, madalas akong gumagamit ng bolpen at papel. mas mabilis kasi akong nakakatapos ng isang akda sa ganitong paraan kaysa iyong itinatayp ko na ang salin nang diretso sa computer.

pag naka-computer kasi ako, natutukso akong mag-internet, mag-FB at mag-email. tas hindi ko namamalayan, ilang oras na pala ang nakakain mula sa aking working hours. tapos mare-realize ko, pagod na ang mata ko, inaantok na ako at kailangan ko nang matulog. another day is wasted! kinabukasan uli.

at panibagong pakikibaka na naman kung computer ang gagamitin ko.

hindi ko sinisisi ang internet. aba, anlaking tulong niyan sa lahat ng tao sa mundo. actually, ang access sa internet ay isa nang karapatang pantao ngayon. ibig sabihin, kapag ipinagkait mo iyan sa kapwa mo, tinatapakan mo ang karapatan niya bilang isang tao.

ang problema talaga ay disiplina, kapag nariyan ang tukso, kapag nakabukas ang internet, mahina ang loob ko na tumanggi rito. wala akong disiplina na tumutok sa aking ginagawa at kailangang tapusin.

so anong ibig sabihin nito?

hindi dapat sisihin ang internet, o ang teknolohiya sa pangkalahatan. sinasalamin lang nito ang uri ng pagkatao na mayroon tayo.

o tingnan n'yo ngayon, napa-blog ako samantalang may tinatapos pa akong salin. ang title nito ay may (as in yung buwan) at isinulat ito sa wikang Ingles ng batikang awtor na si Estrella Alfon. maganda ang kuwento, maganda rin ang himig. parang hindi 1940's ang setting! kahanga-hanga rin ang detalye niya't paglalahad ng mga damdamin. o siya, tama na muna itong pagba-blog ko, haha. para matapos ko na ito ngayong gabi.

see ya!
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 24, 2016 04:39

June 21, 2016

ang maging milyonaryo

yan na ang bago kong pangarap.

gusto ko nang magkaroon ng isang milyon bago mag-40 years old. ipampapagawa namin ng bahay.

recently ay nalaman ko na marunong na akong tumayming sa stocks. sa isang group of friends ko na kung tawagin ay esbat, na-engganyo ko silang pumasok sa stock market. pito kami at apat sa kanila ang nag-apply ng account sa colfinancial sa ortigas noong abril, bago mag eleksiyon.

active ang group thread namin sa fb at nagse-share sila ng mga natutuhan nila sa stock market sa araw-araw na pagche-check nila nito. dahil dito, pati tuloy ako naging conscious sa bawat transaksiyon ko sa col. at nitong nakaraan, may nagtanong sa akin (sa esbat group thread) kung magkano na nga ba ang kinita ko at kung may ibinenta na ba akong stocks nang palugi. anlakas ng loob ko sa pagsagot ng wala. kasi matiyaga akong maghintay, kako.

pero dahil sa mga tanong na ito, nagdesisyon akong i-summarize ng lahat ng buy at sell transactions ko sa col. at ano ang aking mga natuklasan?

1. napakatapang kong mag-buy and sell kahit noong bagita pa lang ako. meron akong mga transaction na tipong nag-buy and sell ako on the same day, noong tumaas na ang presyo ng stocks. meron din akong transactions na isang araw lang ang pagitan.

2. noong umpisa, hindi mahalaga sa akin kung mataas o mababa ang kita. basta may kita na ako, kahit mababa, nagse-sell na ako.

3. meron pala akong lugi. ibig sabihin, hindi ko na nahintay ang pagtaas uli ng stock na iyon. ang pinakamatagal na paghihintay kong tumaas ang nabili kong stock ay 2 years. ibinenta ko na ito nang palugi, mga 1k plus ang lugi ko.

4. iyong mga pangarap kong stocks ay nabili ko na pala dati. at na-sell ko na rin. akala ko kasi, never pa akong nakakabili nito. isang halimbawa nito ay ang ALI o ayala land, inc.

5. meron akong ibinenta nang palugi dahil kailangan ko ng pera for a birthday occasion. birthday ni papa p. that was May 2013. iyon ang aking bachelor's blow out sa kanya. kasi last year na ng pagiging binata niya (ikinasal kami noong december 2013). sabi ko nga sa mga taga-esbat, nakakaapekto sa timing ng selling transactions ang love life. next time, mag ipon na lang para sa love life para hindi nalulugi ang investment sa stock market.

6. halos lahat ng stocks na napili kong mag-buy and sell ay tumaas ang value ngayon. siguro mga 80% ng napili kong stocks noon. ang galing ano? ano ang ibig sabihin nito? ang stocks, pag binili mo, puwede mo talagang iwan at mag isa lang siyang maggo-grow. no need to do anything, no need to worry. ilan diyan ay ang ALI (na 16 pesos lang noon, ngayon 39 pesos na), JFC (na 68 pesos lang noon, ngayon ay 239 pesos na), SMDC, etc.

7. from 2011 (noong nag-umpisa ako sa col) hanggang ngayong 2016, around 10% ng investment ko ang kinita ko. not bad, ha? for someone like me na wala naman talagang training na seryoso sa stocks.

8. importante talaga iyong consistency mo sa pagbili ng stocks. marami akong transaction sa stock na PLC, as in napakaraming buy, at napansin ko na minsan, kaunti lang ang nabibili ko sa isang buying transaction, meaning yung maliit na kita namin sa publishing services, ipinapasok ko agad sa stock. at nakatulong iyon para makapag-accummulate ako ng isang klase ng stock sa mababang presyo.

kahapon, bumili ako ng JFC sa halagang 239 pesos each. lahat ng natirang pera sa col account ko ay ipinambili ko ng jfc. i am hoping for a 10 pesos na tubo. tapos mag-sell na ako. kaso kanina, pag-check ko, nasa 234 pesos na lang ang jfc. mukhang matagal akong maghihintay ng pagtaas nito at pag-abot sa 10 pesos na tubo na target ko.

anyway, may pakiramdam ako na thru stock market ay kaya kong magkaroon ng isang milyon bago mag-40. kailangan ko lang dagdagan pa ang lakas ng loob ko sa pag-buy and sell at mula ngayon, hindi ko na katatakutan ang mga stock na mamahalin like GLO (around 2380 pesos each).

hay. mahirap maging mahirap. pero mas mahirap ang walang plano para umangat man lang nang kaunti.

so, bebang, lez do diz.


 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 21, 2016 21:48

June 13, 2016

ayan na ang bayarin!

e kaya siguro ako di makatulog kagabi pa e dahil me due ako na bill bukas. around 9k. medyo kulang pa ang cash ko ngayon at kailangan ay ngayon na ako magpunta ng bangko para magbayad dahil may meeting ako sa malayong lupain bukas.

meron akong around 5k ngayon, tapos 3k sa atm. hmmm... kung tama ang pagkakaalala ko e meron pa akong mawiwidraw mula sa joint account namin ni poy. pero kung mali ang pagkakaalala ko, waley na yon. as in baka closed account na kami don haha. baka di ko naisoli ang inutang kong 10k sa account na iyon.

bayaran na rin ng tuition ni ej this week. di naman kalakihan, around 2.5k. pero hello, wala na ngang cash. dahil ibabayad ko na doon sa bill na due bukas. aahahay buhay.

hmm.. ang dami ko kayang collectibles. sana magbayad na sila, ang tagal ko na rin/naming tinrabaho ang mga bagay-bagay.

anyhow eto sila

2,500-kwf
30,000- vibal
33,000+- dswd
4,000= unilab foundation
1,000+-cfa
7,500-isa pang sangay ng gobyerno

yun nga palang translation fee ko para sa ambeth book, nakuha ko na. nag down sila, tapos nagbayad uli ng remaining balance after ng deadline ko sa other half. ang problema, may 11 articles pa akong di nasa submit. pag ako na-penalty doon, patay. bawi lahat ng kinita ko hahaha. ang masaklap nga doon, kung saan-saan lang napunta ang translation fee na iyon. wala man lang yata akong naitabi.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 13, 2016 19:35

end of journal

nung buntis ako ke dagat, nabasa ko yung operating instructions ni anne lamott. na-inspire akong mag-journal tungkol ke dagat dahil sa aklat na ito. nag-umpisa ang journal niya noong nanganak siya at nagtapos ito noong 1st bday ng baby niya.

nag-journal din ako, yey. nung umpisa, ang dalas kong magsulat dito. at kahit nasaan ako, kahit nasa dyip, nagsusulat talaga ako. pero wala, tinamad nang tinamad nang tinamad. ayun, sobrang dalang ko na lang magsulat dito.

at kagabi, bigla ko na lang na-realize na matatapos na pala ang pagjo-journal ko sa unang taon ni dagat! wah. ba't ganon?! ambilis.

so anyway, nalulungkot ako kasi hindi ko masyadong na-enjoy ang pag-aalaga kay dagat. lately, lagi siyang nasa parents ni poy kasi

1. dumaan ang summer. sobrang init dito. doon may aircon.
2. umalis ang kasambahay namin noong april. sobrang hirap ng buhay namin ni poy, wala na kaming nagagawang iba kapag nandito sa amin si dagat. doon sa parents niya, may kasambahay, kaya nakakapagsalit-salitan sila sa pag-aalaga.
3. buntis ako. anak ng tokneneng, andali kong mapagod. di ko na kayang magbuhat nang matagal.
4. at ang init ng ulo namin ni poy kapag naii-stress na kami sa pag-aalaga at sa pag-aasikaso ng bahay.

hay. i wish i could just stay at home and take care of the baby. at i-enjoy lang ang pagngiti ni dagat, ang pakikipaglaro sa kanya, ang pagpapakain sa kanya, ang paghabol, ang pakikipagkilitian, ang pakikipag-iyakan, pagpapatulog, pagkarga, ang pagpapaligo.

kahit kelan, ang depressing maging ina.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 13, 2016 16:59

April 17, 2016

jowa jokes

nung sabado, nandito si ser lourd sa bahay. may book discussion kasi ang prpb at tampok ang lourd de veyra's little book of speeches. since kapitbhay namin si ser, inalok ko kay kd (founder ng prpb) na dito na lang ganapin ang discussion.

pero bago mo basahin ang buong post, sasabihin ko na sayo, hindi ito tungkol kay ser o sa book nya o sa discussion. so kung yun ang inaasahan mo, scram. joke lang. 'wag, 'wag ka nang umasa. masasaktan ka lang.

moving on. eto na dumating na si ser. me dala siyang maliit na cooler. akala ko e may something siya para sa lahat. after a few minutes ng kuwentuhan, sinabi niya sa amin kung para saan talaga iyong cooler. may laman pala itong good morning towel na may mukha ni jesus, nakaimprenta rin sa baba ng mukha ni jesus ang mga salitang i thirst. tapos basa ng pabango at tubig ang buong towel. sabi niya, hangga't malinis daw ang kanyang towel, puwede daw kaming mag-share sa tubig na malamig at pabango (one direction daw na bigay lang sa kanya, amoy babae daw ang pabango, di pa siya nambababae, amoy babae na siya) sa kanyang cooler. siyempre, hindi para inumin ito kundi para basain ang sari-sarili naming towel o panyo.

sa buong panahon ng aming discussion, paminsan-minsan niyang inilalabas ang towel para idampi sa kanyang batok at mukha. minsan, sa alak-alakan.

napansin kong init na init na kaming lahat, pero siya, hindi pinagpawisan. at ang bango-bango niya! actually, 'yong sala namin, ambango dahil sa kanya.

ting!

ang gandang idea! magaya nga.

so kahapon pa ako may basang lampin sa batok. nilagyan ko ito ng konting cologne ni dagat, hehe para mabango-bango rin ako. ipinapatong ko ito sa ulo ko kapag sobra na ang init. epektib. ang saraaaap. as in. di naman close to aircon pero much better nang bare skin lang.

kanina pagkagising ko, kinuha ko uli ang lampin (same lampin) at binasa ito sa gripon. same old, same old. wah. ang sarap talaga. ngayong malapit nang magtanghali, sabi ko kay poy, gusto mo nito? kukuhanan kita ng lampin, babasain ko na rin. lagay mo sa ulo mo o sa batok mo.

sabi ni poy, hindi wag na. meron naman ako neto. mula sa mesa niya, iniangat niya ang isang pares ng gamit na medyas (i am so sure na gamit na yon parang medyo nakalobo-lobo na ito), babasain ko lang to at ilalagay ko rito, ayos na ako. isinuot niya ang medyas sa magkabilang tenga. tas ngumiti siya sa akin.

yak. baboy.

pano giginhawa ang pakiramdam mo kung memedyasan mo ang tenga mo?

ng medyas na mabantot?

since asawa ko siya at kailangan kong panindigan na nag-asawa ako ng weirdo, ang naisagot ko na lang.. kung saan ka masaya, suportahan ta ka.




 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 17, 2016 22:34

April 14, 2016

Vinzons

Papuntang laguna ngayon sina EJ. Manonood sila ng libreng stage play na hango sa buhay ni Wenceslao Vinzons. Wala akong alam sa taong ito kundi ang apelyido niyang wala palang apostrophe sa pagitan ng N at S. (Buong buhay ko kasi na sumasakay ako ng dyip sa tapat ng Vinzons hall sa up diliman, akala ko’y Vinzon’s Hall ang spelling nito.)

Nag-post sa Facebook ang pamosong playwright na si Layeta Bucoy tungkol sa stage play na ito na sa UP Los Banos gaganapin. At nag-comment ako na kaibigan ni ej ang mga apo ni Vinzons. Sina james, jack at jopet. Sina james at jack ay ka-batch ni ej sa ramon magsaysay cubao high school, magkakasama rin sila nang apat na taon sa wushu club doon. Tapos hanggang ngayon ay magkakasama pa rin sila sa mei cheng gym kung saan nagwu-wushu si ej thrice a week. Si jopet, ang bunso, ay laging kabuntot ng dalawang kuya kapag may lakad sila, kaya naging ka-close din ito ni ej.

Kako kay Miss Layeta, baka gusto nilang imbitahan ang mga bata na manood ng stage play para naman makilala pa nila ang kanilang lolo. Humingi pa ako ng compli tickets. Biglang nag-reply si Miss Layeta. Libre daw ang stage play, at oo, puwedeng-puwede raw na manood ang mga batang vinzons. Nagpalitan kami ng PM. Nagtanong ako kung paanong makarating sa venue mulang Cubao at sinagot naman ito ni Miss Layeta. Pati pamasahe, tinanong ko na, kasi gusto kong ipasama si ej para din makapasyal ito sa labas ng maynila kasama ang mga kaibigan. Maya-maya pa, sabi ni Miss layeta, kung makakapunta ang mga batang vinzons, iti-treat sila ng dinner at baka raw mabigyan pa sila ng pamasahe pauwi. Winner!

Mababait ang mga batang vinzons. Kuwento ni ej kagabi, ang pangalan ng tatay ng mga batang ito ay wenceslao vinzons III. Pero hindi raw ito anak ni wenceslao vinzons, kundi pamangkin lamang. So ang mga kaibigan ni ej ay apo sa pamangkin ng dakilang wenceslao vinzons. Anyway, na-meet ko na si the third nang minsang magpunta ako kina james para ihatid si ej. Nakatira ang kanilang pamilya noon sa isang prime lot sa may alabama st., new manila. Malaki ang bungalow nila, pero lumang luma na ito. Madilim sa loob, kahit araw at nakasindi ang ilaw. Medyo nangingitim na ang mga pader. Giray na ang mga sofa, makutim ang tiles. Isa pang nakapagpadilim sa buong sala ay ang mga bookshelf sa dingding na punong-puno ng mga librong kulay kape. Mga hard bound na law books daw iyon ng dakilang wenceslao, sabi sa akin ni wenceslao III nang minsan ngang mapadpad ako doon. May kakilala raw ba ako na bumibili ng ganoong libro, meron din daw siyang lumang medical books na gusto na niyang ibenta. Tulungan ko raw siya. Kako, magtatanong-tanong po ako. Una kong naisip, ang UP para sa law books ng dakilang wenceslao. Para naman sa medical books ay ang mga antique stores sa cubao x.

Sa kasamaang-palad ay wala akong hakbang na nagawa para matulungan siyang makakonekta sa up. Bihira na ako noon sa up. Bitter lang ang peg. Sa cubao x naman, nagtanong ako sa isang antique store na nagbebenta rin ng mga libro. Ang sabi, kadalasan daw, siya ang nagpupunta sa bahay ng gustong magbenta ng lumang gamit at libro. Siya ang mag-a-assess kung ano ang mga puwede pang bilhin. Tineyk nowt ko lang ito pero nawala naman sa isip ko na i-relay kay ej o kina james at jack para sabihin sa kanilang tatay.

Dating doktor si wenceslao III at medyo may edad na ito. Ang nanay ng mga batang vinzons ay parang mas bata pa sa akin (turning 37 na ako ngayon). Napakabait ng babaeng ito (sori at hindi ko alam ang pangalan niya, aalamin ko pagdating ni ej), halata naman sa ugali ng mga batang vinzons. Malumanay at magalang silang makipag-usap at hindi magaspang ang pakitungo sa bata at matatanda. Lagi kong nakakasama ang nanay ng mga vinzons kapag may wushu performance sina ej sa kung saan-saang panig ng metro manila. lagi itong nakangiti sa akin at kitang-kita ko kung paano niyang inaasikaso ang tatlo niyang boys (bitbit niya si jopet lagi) kahit medyo malalaki na ang mga ito (parang si ej, bakulaw na!).


Isang araw, ibinalita sa akin ni ej na namatay na ang nanay nina james. Gulat na gulat ako, parang wala naman itong sakit. Medyo chubby siya, maputi at rosy pa ang cheeks, paanong magkakasakit? Inatake daw ito ng hika kalagitnaan ng gabi, ayaw namang magpadala sa ospital kahit na ilang kanto lang ang layo nila sa St. Luke’s. Takot daw kasi ito sa gastos.

Hikahos ang pamilya nila nang panahong iyon. Naalala ko pang minsan daw ay naglalakad lang ang magkapatid na james at jack mula bahay hanggang ramon makapasok lang sa klase. At medyo dumalas din ang pagpapalibre ni james kay ej pagdating sa pagkain. (Pag may wushu performances sila, pag binibilhan ko ng inumin o pagkain si ej, ibinibili ko na rin ang mga kaibigan niya, kasama na doon sina james at jack. Alam kong kakarampot lang ang kikitain nila sa wushu performances, hindi sapat para man lang makabili ng disenteng meryenda. Talagang love lang ng mga bata ang sports na ito.)

Na-meet ko uli si wenceslao III noong burol para sa kanyang asawa. Nang magpaabot kami ni poy ng condolences sa kanya, ang sagot niya sa amin, ayaw kasi niyang magpapayat. Buti ikaw, na-maintain mo ang katawan mo. Ramdam kong lumaki nang konti ang pupil ng mga mata ko. At siyempre, wala naman akong naisagot doon. Pero pag-uwi namin, napagkuwentuhan namin ito ni poy. Sabi niya, loko ‘yon, tipikal na lalaki, katawan ng babae ang iniisip.

Ahahay!

Pagka-graduate nina james at jack sa high school, inengganyo ko silang mag-enrol sa pinapasukan kong school, sa PCC. Nag-exam naman sila doon, noong ang campus namin ay nasa divisoria area pa. isinama sila ni ej (nag-exam din si ej doon at inalok ng 100% full scholarship, pero PUP pa rin ang pinili niya). kasabay din nilang nag-exam ang iba pa nilang kaibigan: si eunice at si abi (ang tanging kaibigan ng anak ko na tumuloy sa PCC at incoming 2nd year IT student na this june). Sabi ko kina james, malapit lang ang bagong college campus namin sa kanilang bahay. Isang maikling sakay lang, sa may Quezon Avenue lang, meaning hindi magastos sa pamasahe. At posible silang makakuha ng scholarship kaya hindi kailangan ng limpak na salapi para maka-enrol. At ang importante kako, aalalayan kayo ng admin sa bawat sem. Ang konti kasi ng estudyante doon, 100 lang ang population ng buong college. Kaya talagang namo-monitor ang progress ng bawat estudyante.

Pero nang time na iyon, unti-unti na ring bumubuti ang kalagayan ng pamilya. Ito palang si wenceslao III ay may mas matatandang anak (sa ibang babae) at isa sa mga ito ay sundalo sa US. Ito ang sumuporta kina james at jack para makapag-enrol sa kolehiyo. Nag-IT sa Mapua Makati si James, samantalang Engineering naman ang kinuha ni Jack sa Mapua Manila. Recently ay nabalitaan naming lumipat na sila ng bahay. Nagrerenta na sila ng apartment sa 12th street, new manila. naibenta na pala ang bungalow nila at lote sa alabama. Tiyak akong milyon-milyon iyon dahil ang ganda talaga ng lokasyon. Commercial na ang area doon, sila na lang yata ang residential at that time.

Sabi ni ej, 20k a month daw ang renta sa bagong apartment. Ang dami na raw gadgets ng mga batang vinzons. May kasambahay na rin ang mga ito. Lagi na rin daw nanlilibre ng pagkain ang mga ito lalo na kung may okasyon tulad ng birthday. Na siyang ikinatatampo ni ej dahil nitong huling bday ni jack ay hindi siya inimbitahan, samantalang kumpleto daw ang buong squad nila (siya lang ang wala, awts). Lilipat na rin sa FEU sina james at jack kasi… nitong huling sem ay PE at CWTS lang ang subject na naipasa nila sa Mapua, maryosep!

Sabi ko kay ej, sabihan sina james na sa pcc na lang mag-enrol dahil posibleng maulit sa feu ang nangyari sa kanila sa mapua. Kasi parehong malaking university ang dalawa. Sa dami ng estudyante, bahala na sila sa kani-kanilang buhay. Sabi ko rin, mas maganda kung ang pera ng pamilya ay iinvest na lang sa real estate para pagdating ng panahon, hindi sila mangungupahan. Sabi ko, bumili sila ng condo o kaya ng maraming townhouse o apartment at paupahan nila ang mga ito. Para may steady income sila. Sa ngayon kasi, parang palabas ang lahat ng pera ng pamilya.

Nakakatuwang malaman na mas maayos ang kalagayan ng mga batang vinzons ngayon. Sayang at di ito naabutan ng kanilang nanay. Ang dalangin ko na lang, mas maging wais sana si wenceslao III para sa kanyang mga anak. Dala-dala nila ang pangalan ng dakilang wenceslao. Ang saklap naman kung in the future ay nasa marawal na kalagayan ang mga batang ito, ang mga batang vinzons.
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 14, 2016 19:40

April Feels

Wala sa piling namin si Dagat. Siya ay nasa bahay nina Poy sa Sta. Mesa. Nagpasya kaming doon muna si Dagat ngayon at sa mga susunod na araw. Napakainit kasi dito sa bahay, wala naman kaming aircon. Doon, meron. Napakarami naming tatapusin dahil anlapit na ng deadlines tapos wala pa kaming kasambahay na titingin man lang kay Dagat. Doon, meron, buti na lang!

Ang challenging lang talaga ng may baby. Bakit dati, kay EJ, parang kayang-kaya ko ito? Ba’t parang dati, ang problema ko lang e, pera? Dati, papasok lang ako sa school, papasok sa work, magbibigay ng pera sa mama ko, okey na. Ang school at trabaho at parenting, nama-manage ko nang maayos. Ba’t ngayon na may katuwang na ako, ‘andiyan na nga si Poy, parang ang komplikado ng sitwasyon? Ba’t para akong OFW na andami-daming binubuhay?

Gah.

Ang arte ko, emo-emo. Baka kailangan ko lang itong iligo.

Hi, April daze, ba’t kasi ang miserable ng mga araw mo?
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 14, 2016 19:29

April 13, 2016

Tahanan

Last week, naisip kong umuwi sa bahay namin sa Las Pinas. Para makauwi doon sa loob lamang ng isa't kalahating oras mula sa Quezon City, kailangang bumiyahe ako nang past 11pm. Dahil pag mas maaga pa doon, aabot nang 3-3.5 hours ang travel time.

So ganon nga ang nangyari, umuwi ako, kasama ko si EJ. Umalis kami ng mga 11:30 sa bahay sa Kamias. Habang nasa biyahe, tinanong ako ni EJ kung alam ba ni Tisay na pauwi kami doon. Napaisip ako, oo nga naman, ala una ang dating namin, baka magulat na lang 'yon! Pero hindi ko maalala kung nag-text ako kay Tisay. Wala sa isip ko ang magsabi na uuwi ako. Bakit ko naman gagawin 'yon? Pag ba uuwi ka, kailangan mo pang ipaalam ang iyong pagdating samantalang bahay mo naman iyon?

Tapos naisip ko, ganon nga ang tahanan, di ba? uuwi ka at tatanggapin ka nito nang walang alinlangan, tatanggapin ka nang nakadipa, bukas palad, bukas puso, bukas lahat. kasi bahay mo yun, tahanan mo yun, doon ka umuuwi. hindi nito kinukuwestiyon kung bakit doon ang uwi mo o bakit doon mo piniling umuwi. alam nitong kahit gaano ka katagal sa labas, doon ka pa rin ihahatid ng iyong mga paa pag pagal ka na.

Naisip ko rin na sa malakihang konteksto, ganito ang Pilipinas sa mga OFW. hindi nila kailangan ng visa pauwi ng Pinas. Basta't may pamasahe at passport, makakauwi sila. Anytime. Kahit iyong matatagal na sa ibang bansa. Kahit pa nga iyong mga nagtakwil na ng kanilang citizenship. Hindi nila kailangang magsabi ng huy pilipinas uuwi kami diyan, puwede ba? ok lang ba? o istorbo lang kami? kasi kahit anong gawin nila, ang mga tahanan ay laging nakaabang sa pag-uwi ng kanyang mga anak.

kaysarap ng pakiramdam na may uuwian ka kahit anong mangyari sa araw mo, sa linggo mo, buwan, taon. sana lang pahalagahan ito ng lahat ng filipino.

pagdating namin sa bahay, tulog na si tisay. sa sala. pero gumising siya at agad na nakipagkuwentuhan sa amin. tinanong niya kung ano ang nangyari sa kasambahay kong si alma (na pinaalis namin a few days ago dahil adik sa day off), sinabi niya rin na nasa tabi ng upuan ko ang bagong damit para sa akin, napapalitan na raw niya kasi una niyang inorder para sa akin (pero di ko nagustuhan ang tela kaya isinoli daw niya sa taga-boardwalk para makapili ng isa pa). nagkuwento rin si tisay tungkol sa pag-uwi ng isa ko pang kapatid na magmumula naman sa mindoro. tinanong ko kung umuuwi doon ang kapatid kong si colay, na taga kabilang compound lang, mga 10 minute walk mula sa amin. ang sagot ng nanay ko, bihira at kung umuwi, saglit na saglit lang. pero tingnan mo bukas, subukan mo, ipagluluto ko kayo bukas tapos i-text mo siya na dito kumain.

tinext ko nga si colay. idinagdag ko rin na may uwi akong tatlong pocketbook para sa kanya.

bago mananghali, andon na nga si colay. me dalang tupperware na walang laman. sabi ko, dito ka na kumain, tara. pero sabi niya, mag-uuwi na lang daw siya ng ulam.



 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 13, 2016 18:33

Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.