Anino Ng Bayan Ko’y Nilamon Ng Dilim

(Tula)


isang gabing walang kumikindat

ni isang ulilang bituin

sa papawirin ng mga sagimsim

at piniringan-binulag

ng itim na ulap ng mga panimdim

malamlam na mata

ng tulalang buwan

anino ng bayan ko’y

nilamon ng dilim.

paano matutupad

sagradong mithiin

mapalayang lubos

sa mga hilahil

anino ng bayan kong

nilamon ng dilim?


nais kong itanong

sa sigaw ng hangin

at ngitngit ng alon

kailan maglalagos

sa gubat ng dilim

sagitsit ng kidlat

kailan magngangalit

lagablab ng apoy

sa natuyong damo

ng mga panimdim?

anino ng bayan ko’y

nilamon ng dilim

paa ko’y namanhid

sa burol ng lagim

mga pangarap ko’y

binansot-niluoy

ng namahong bangkay

nilangaw-inuod

sa tuwid na daan

anino ng bayan ko’y

nilamon ng dilim.


kailan magningning

malungkot-kulimlim

na mukha ng buwan

kailan manlilisik

liwanag ng araw

kailan tutugtugin

ng mga gatilyo

sonata ng punglo

kailan dadagundong

sa sangkalawakan

tungayaw ng kulog

upang makalaya

sa kuta ng dusa

anino ng bayan kong

nginasab-nilamon

ng sakim na dilim?



1 like ·   •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 24, 2013 18:55
No comments have been added yet.