Di Sila Nilamon Ng Lupa

(Tula)


di sila nilamon ng lupa

silang namayapa sa pakikibaka

para sa laya’t ligaya

ng bayang pinakasisinta

nasa pagaspas sila ng amihan

nasa langitngit ng kawayan

nasa dagundong ng alon sa dalampasigan

nasa hagulhol ng mga ina

nasa alimura ng mga ama

at daing ng gumulong na mga bato

at tagulaylay ng tinabas na damo.


oo, di sila nilamon ng lupa

silang nag-alay ng buhay

para sa laya’t ligaya

ng bayang pinakasisinta

nasa kumakalansing silang mga kadena

sa bilangguan ng dalita’t dusa

nasa kadensa sila ng laksang mga paa

sa naghihimagsik na lansangan ng protesta

nasa himno sila ng lagablab ng apoy

kung gabing abuhin ang papawirin

at ayaw kumindat ang mga bituin.


bakit sila mawawala’t lalamunin ng lupa?

nasa dugo’t ugat sila ng mga sawimpalad

nasa bawat himaymay sila

ng kumukulo’t nagliliyab na utak

nasa mga pusong taos magmahal

sa katubusan ng masang sambayanan

mga talahib silang nagsasayaw sa hangin

tupukin man nang tupukin ay sisibol din

mga pulang rosas silang muli’t muling

isisilang at bubukadkad

sa luntiang hardin ng mga pangarap.


oo, di sila nawawala

di sila nilamon ng lupa

di sila mga putik sa pusalian

ng balintunang lipunan

di sila mga basurang nilalangaw

o inuuod at namamahong bangkay

manapa’y di sila nawawala

di sila lalamunin ng lupa

hanggang di naliligo

ng dugo ang silangan

at di lubusang nadudurog

kuta ng uring gahama’t tampalasan!



 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 28, 2013 11:14
No comments have been added yet.