Grammar Lessons 2
Pandiwa naman
Itinuturo sa elementarya ang tatlong aspekto ng mga salitang kilos: naganap, nagaganap, at magaganap. Ewan ba diyan sa DepEd kung bakit itong mga salitang ito ang ginagamit. May ilang aklat naman na ang ginagamit ay ginawa, ginagawa, at gagawin.
E paano kung ang kilos ay NAMATAY? Alin kaya ang mas angkop: ginanap o ginawa?
Pero hindi ang pagiging angkop ng termino ang aralin natin sa gramatika ngayon. Ang tatalakayin natin ay ang aspektong nagaganap – ibig sabihin, ang kilos ay nasimulan na at kasalukuyan pa ring nangyayari. Narito ang isang salaysay.
Isang araw, dumalaw kami ng aking anak sa bahay ng aking kapatid na may alagang aso. Sa kusina, habang nagkukuwentuhan kami ng aking kapatid at mga pamangkin, pumasok ang aking anak na noon ay mga 5 taong gulang.
“Mommy, kinakagat ako ng aso, ” sabi niya.
Mangiyak-ngiyak ang bata. Pero payapa ang boses, hindi nagtititili. Nagtaka ako. Kinakagat? Ibig sabihin, kasalukuyan pang nagaganap?
At totoo nga, naroon pa ang mga ngipin ng aso sa puwet ng aking anak habang nagsasalita siya.
Iyan ang halimbawa ng salitang kilos na nagaganap.
Aurora E. Batnag's Blog
- Aurora E. Batnag's profile
- 10 followers
