Error Pop-Up - Close Button Must be a group member before inviting friends

Nunal

Nunal


 


Ang nunal na iyon, naisip ko agad nang makita ko ang lalaki. Siguro, ganoon din ang nasabi niya sa sarili nang makita ako. Ang nunal ngang iyon. May malaking nunal ako sa kanang  itaas ng labi. Si Jovencio naman, ang aking kaklase at matalik na kaibigan noon, ay may nunal din sa kaliwang itaas naman ng labi. Parehong prominente ang nunal namin, madaling makita, madaling maging palatandaan.


 


Kaya nang makita ko ang lalaki sa jeep, biglang pumasok sa isip ko na si Jovencio iyon. Si Jovencio nga kaya ang lalaking nakaupo sa tapat ko sa jeep? Pilak na ang buhok ng lalaki, malalalim ang mga guhit sa mukha. Pero sa isip ko, muli kong nakita ang mukha ni Jovencio noong 12 taong gulang pa lamang kami kapwa, nakangiti ang maningning na mga mata, nanunulis ang nguso kapag may kapilyuhang naiisip.


 


Jovencio, gusto ko sanang itanong. Ngumiti rin siya nang ngumiti ako. Nakilala kaya ako sa kabila ng maraming taon ng pagkawalay? Magkaklase kami noong Grade 6, at noong Grade 6 lang. Nang maghayskul na,  kahit sa iisang paaralan kami pumapasok, hindi na niya ako dinadaanan bago pumasok, hindi na inihahatid sa pag-uwi. Malayo na si Jovencio at hindi na kami nagkikita sa kampus. Sa umaga siya pumapasok, sa hapon naman ako.


 


Nang magtapos kami ng hayskul, saka lang niya ako binati uli. “Mataas ka nang talaga,” sabi niya dahil tulad noong Grade 6, ako pa rin ang nagkamit ng pinakamataas na karangalan. “Magkaibigan pa rin naman tayo,” sagot ko. Saka ako nalungkot. “Buti ka nga, siguradong kakarera. Ako, hindi.” Ngumiti lang siya. Iyon na ang huli naming pagkikita.


 


Pero nakapagkolehiyo ako. Nagkaroon ng propesyon. Nagkaasawa at nagkaanak at nabiyuda. Lubos ko nang nalimot si Jovencio. Hanggang sa umagang ito.


 


“Ikaw ba si Jovencio?” Di ko napigilang tanong. “Jovencio.” Pabulong ang pagsasalitang parang nagtataka. Naging malinaw sa akin. Hindi na niya kilala maging ang sarili niya. Saka ako napatingin sa aking mga kamay. Butuhan,  payat. Tulad din ng aking mukha. Kulubot nang tulad ng sa kanya. Wala nang bakas ng dating ako kundi ang nunal sa kanang itaas ng aking labi.


 


 

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on April 30, 2012 02:58
No comments have been added yet.


Aurora E. Batnag's Blog

Aurora E. Batnag
Aurora E. Batnag isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Aurora E. Batnag's blog with rss.