The Most Beautiful Name
Di tulad ni Genaro R. Gojo Cruz, na nagsabing nasusuklam siya sa kanyang pangalan, ako naman, gustong-gusto ko ang pangalan ko. Aurora. Sa mitolohiyang Griego, si Aurora ay diyosa ng bukang-liwayway. Anak siya ni Pebo, ang Haring Araw, at ang kanyang rosas na mga daliri ang humahawi sa dilim ng gabi bilang hudyat ng pagsikat ng araw.
Di tulad ng Genaro, ang Aurora ay hindi pangmatanda, hindi rin pambata. Ito’y ageless.
At hindi ito palasak. Sa buong panahon ng pag-aaral ko sa elementarya at hayskul, wala akong tukayo. Solong-solo ko ang aking pangalan, walang kapareho. Maliban sa isang guro na parang kinulang ng turnilyo sa leeg kaya laging papapaling-paling ang ulo.
Ang hindi ko gusto ay ang maling bigkas ng balana sa aking magandang pangalan. Ganito ang bigkas nila:
A.ro.ra. - Si Aruray? Andiyan si Aruray? (ang komedyante)
A.u.ro.ra - Bawat patinig, nilagyan ng impit na tunog sa simula. Bigkas-Tagalog ba iyan?
O.ro.ra – Bigkas-Ingles naman ito ng unang pantig.
A.ra.ró – Ha? Tinapay naman ngayon.
Hindi pa ako linguist noon, pero noon pa man, gusto ko nang ipaliwanag, hoy, may diptonggo ang unang pantig ng aking pangalan, kaya dapat bigkasing: Aw.RO.ra. At ang diin ay nasa penultima.
Ewan ko ba naman kung bakit hindi ito mabigkas nang tama ng aking mga guro at kamag-aral.
Kaya naman madalas akong pinagbibintangang suplada o bingi. “A.ro.ra!” “A.u.ro.ra!” “O.ro.ra!” “A.ra.ro!” Lahat ng ganyang tawag nila sa akin, hindi ko pinapansin. Hindi ako ‘yan, ano?
Pag recitation, “A.ro.ra, what is your answer?”
Lilinga pa muna ako, bago sasagot: “Is it me you’re asking, Teacher?” (Pabulong: Walang A.ro.ra rito!)
“O.ro.ra, go to the board and solve the problem.” (Ay, lalo nang hindi ako ‘yan, solve the problem daw. E iyon ngang maling bigkas sa pangalan ko, hindi ko malutas-lutas kung bakit.)
Pero kung may problema sa maling bigkas ng aking pangalan, meron pa rin sa aking palayaw, o nickname. Dati raw, ang palayaw ng Aurora ay Orang. Pero hindi ito ang tawag sa akin sa bahay, kundi Odyi-odyi (ganyan ang baybay ko noong bata pa ako). Sa balarila ni Lope K. Santos, ito ay halimbawa ng pangngalang inuulit.
Gayon man, kapag ipinakilala ako ng mga magulang ko, hindi Odyi-odyi ang sinasabi nilang pangalan ko. Aurie, o Ori. Basta hindi Odyi-odyi. At nang magdalaga na ako, hindi na raw bagay ang aking palayaw na nakagisnan. Kaya gusto nilang tawagin akong Auring. Auring! Diyos ko, e iyon din ang palayaw ng aking tukayong titser na papaling-paling ang ulo na parang kailangan ng tukod ang leeg.
Hindi ako pumayag! Hindi na bale ang pangngalang inuulit kaysa Auring. Kahit Drakula, Kaligay, Brukosta, huwag lang Auring. Kahit pa nga A.ro.ra, A.u.ro.ra, O.ro.ra, A.ra.ro – huwag lang Auring!
Kaya pinanindigan ko ang nakagisnang palayaw. Hindi ako sumasagot sa ibang palayaw. Sa kalaunan, na-reinvent ko ito. Naging isa na lang ang pangngalang inuulit, at pinaganda ko ang baybay – Oji.
Wala pang Oji noon at ngayon. Kaya solo ko ito. Pero problema pa rin. Iba-iba naman ang baybay rito ng aking mga kaibigan.
Ogie – as in Ogie Alcasid
Augie – as in Augie Rivera
Ojie – may dagdag na E, kahit pa sabihin kong middle initial ko ‘yan
(Sa college, may mga tumawag sa akin ng Rory, pero hindi nag-click. At gusto ko na sana ang Au, pero ilan lang ang nagbinyag sa akin nito at nanatili pa rin ang Oji. Maganda sana ang Au dahil sa chemistry, ito ang simbolo ng ginto. At sa numerology, ito ay may bilang na 5 (a = 1 + u = 4 = 5). Ito rin ang aking personality number batay sa buwan at araw ng kapanganakan.)
Pero heto pa, madalas mapagkamalang lalaki si Oji. Hanggang makita ako o marinig, saka pa lamang mapapawi ang duda sa aking kasarian.
Akala rin ng iba, batang paslit si Oji. Inisip tuloy ng lapastangang mga estudyante ko sa graduate school (kabilang si G. Reyes ng UST) na ang aking email address na ojiebatnag@yahoo.com ay hindi akin kundi sa aking anak (na lalaki).
Ano ba ang masama sa Aurora? Bakit kailangan ang palayaw? Bakit hindi mabigkas nang tama? Bakit ba hindi ako tawagin ng mundo sa pangalang ito? Bakit hindi ko maigiit: Aurora ang itawag mo sa akin (hindi Ligaya).
Ang totoo, hindi Aurora lang ang aking pangalan. Wala sa kalendaryo ang paganong pangalang ito kaya hindi pumayag ang Simbahan kung hindi ito tatambalan ng pangalang Kristiyano. Ang aking baptismal name ay Maria Aurora.
Kaya tuloy inaangkin ko ang isang awit sa West Side Story. The most beautiful name I’ve ever heard… Maria… Maria… Maria Aurora!
Aurora E. Batnag's Blog
- Aurora E. Batnag's profile
- 10 followers
