Ano’ng Pangalan Mo?

 


Ang rosas, ayon kay Shakespeare, ay mabango pa rin ano man ang itawag mo rito. Tawagin mo man itong tsitsirika, kampupot, o kamya, hindi pa rin magbabago ang sariling kakanyahan ng rosas. Hindi mawawala ang tanging bango at hindi rin mababawasan ang likas na gayuma.


 


Ngunit sa tao, ang pangalan ay malaking bahagi ng kanyang personalidad. Ang dating kakaning-itik na si Teban, kapag yumaman at nakahawak ng kapangyarihan, ay di na bagay tawaging Teban, kundi Steve. Ang labanderang si Epang, kapag nakatuntong sa siyudad, ay mangyayari pang magiging Eppie agad.


 


Kung minsan, ang apelyido ay may nagagawa sa kapalaran ng tao. Halimbawa, bakit tumandang binata si Facundo Dimaibig? Lagi namang tumatama sa lotto si Alexis Mapalad. Hindi pa man nakikita, kinatatakutan na si Juliana Catacutan. Samantala, marami namang nagtataka kung bakit hindi yumayaman si Prospero Catacataca.


 


Kung minsan din, hindi angkop ang pangalan ng isang tao sa kanyang personalidad. Patpatin si Hercules Bigat. Maitim na maitim naman ang balat ni Liwanag Albino, samantalang tahimik  at hindi mahilig sa gulo si Alfredo Tangkeko Guerrero.


 


Maaaring magbunga ng hindi maganda kapag hindi angkop ang pangalan sa personalidad. Maaaring lumaking kimi si Catalino Majusay kung hindi naman siya talagang matalino at hindi rin mahusay. O baka naman lalong maging mabagal si Rolando Malixi. Samantala, baka lumaking lampa si Crispulo Jandusay. O mahirapang makakuha ng trabaho si Crescenciana Baculaw.


 


Dati, laging kalendaryo ang sinasangguni ng mga magulang sa pagpili ng pangalan ng kanilang mga anak. Nakatala sa kalendaryo noong araw ang kaarawan ng mga santo na mapagkukunan ng pangalan ng bagong silang na sanggol. Kung sinong santo ang nakalista sa araw ng iyong kapanganakan, doon hahanguin ang pangalan mo. Halimbawa, Nobyembre 27 ang kaarawan ni San Gregorio, kaya ang sanggol na isinilang sa araw na ito ay may pangalang Gregorio kung lalaki at Gregoria kung babae.


 


May mga magulang naman na humahango ng pangalan sa Bibliya. Ilan sa mga halimbawa nito ay: Benjamin, Raquel, Jared, Ruth, Lot, Salome, Noah, at iba pa. Kung minsan, ang pangalan ng lolo o lola ang ibinibigay ng ilang magulang sa kanilang anak. May mga magulang naman na isinusunod ang pangalan ng anak sa kanilang paboritong bayani, kaya may pangalang Riza at Rizalino. O sa kanilang hinahangaang artista, tulad ng Diether, Gerald, Piolo, Sarah, Kim, Bea, at iba pa.


 


Pinakakaraniwan sa mga Pilipino ang pangalang Junior, o ang tawag sa anak na lalaki na isinunod sa pangalan ng ama. Kung minsan, hindi lamang isa kundi dalawa o tatlo pa ang nagkakaroon ng magkakaparehong pangalan sa isang pamilya. Nakarinig ka na siguro ng tungkol sa tatlong magkakapatid na lalaki na ang pangalan ay Alfredo II, Alfredo III, at Alfredo IV. Ang kanilang ama ay si Alfredo I.


 


Dati, mula sa Kastila ang pangalan nating mga Pilipino. Ngunit nauso ang mga pangalang Amerikano tulad ng John, Jane, Anne, Rosemary, Jonathan, William, at iba pa.


 


Iba’t ibang paraan ngayon ng pagpapangalan ng sanggol ang nauuso. May mga magulang na pinagtatambal ang ngalan ng ama’t ina sa pagpili ng pangalan ng kanilang sanggol. Halimbawa, mahuhulaan mong Jose at Beth ang pangalan ng mga magulang ni Jobeth. O sina Rey at Connie naman ang mga magulang ni Reycon. Kung minsan naman, binabaligtad ang pangalan ng magulang at ito ang ibinibigay sa anak. Halimbawa, Dranreb, binaligtad na Bernard, at Thes, na anak ni Seth.


 


May mga magulang na humahango ng pangalan sa mitolohiya, tulad ng Proserfina, Athena, Zeus, Hermes, at iba pa. O kaya naman ay sa panitikan, tulad ng Lara (mula sa nobelang Dr. Zhivago) o Laarni (mula sa maikling kuwentong “Laarni, a Dream” ni Jose Garcia Villa). Kung minsan, upang makaiwas sa pagkakaroon ng kaparehong pangalan, o para maisama ang lahat ng ninang o lola sa pangalan ng bata, nagiging mahaba ang pangalan ng sanggol: Maria Veronica Winifreda Rhea Tamita Crystal.


 


May mga pangalang tumatawag ng pansin, tulad ng mga pangalang nakatala sa isang balita sa diyaryong Today (Hulyo 6, 1994):


1. Bottled, pangalan ng isang sanggol na lalaki na ang apelyido ng ama ay Beer


2. River, pangalan ng sanggol na babae na ang apelyido ay Jordan.


3. Stone, pangalan ng sanggol (hindi sinabi kung babae o lalaki) na ang apelyido ay Wall


 


Samantala, sa isang balitang lumabas sa diyaryong Manila Times (Oktubre 25, 1994), nabanggit ang pangalan ng isang batang babae, si Maryon Jinelle Itaas, anak ng isang nagngangalang Blusa.


 


Maraming pangalang lumilitaw ngayon. At maraming dahilan sa pagpili ng pangalan.


 


Ikaw, ano’ng pangalan mo?

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 23, 2012 20:09
No comments have been added yet.


Aurora E. Batnag's Blog

Aurora E. Batnag
Aurora E. Batnag isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Aurora E. Batnag's blog with rss.