Telepono

 


Telepono


            Inilalarawan sa sanaysay na ito ang isang panahong hindi na kilala ng mga kabataang lumaki sa cell phone, internet, at connectivity. Noo’y hindi pinipindot o dinidiinan ang numero ng telepono, kundi pinapaikot ng daliri para mai-dial ang numero. Landlines lamang ang mayroon kung kabilang ka sa masuwerteng nakabitan nito. Ito ang panahon ng phone pal, hindi textmate. Sa panahong ito isinalaysay ang pangyayari na ang background ay ang kadedeklarang batas militar kasabay ang pagpapataw ng curfew mula alas dose ng hatinggabi hanggang alas singko ng umaga. Sinumang gumagala sa kalye sa mga oras na ito ay huhulihin at maghapong magbubunot ng damo o magtitibag ng bato.


 


Ang kiriring ng telepono ay parang matinis na tiling pumunit sa katahimikan ng gabi. Tiningnan ko ang oras. Alas onse.


 


“Puwede bang makipag-phone pal?” ang sagot ng di kilalang boses sa aking “hello.”


 


Sa halip na sumagot, bigla kong ibinagsak ang telepono. Makikipag-phone pal lang pala, hatinggabi pa kung tumawag.


 


Pero maganda ang boses, naisaloob ko. Naalala ko tuloy nang nililigawan pa lamang ako ng aking mister. Lagi niya akong tinatawagan sa opisina. Gustong-gusto kong marinig ang boses niya – buo, mataginting, at kung may kulay ang boses, sasabihin mong “maputi.” Kung hindi lamang siya disintonado sa pagkanta, maluluma sina Frank Sinatra at Steve Lawrence sa kanya.


 


Muli, nagring ang telepono. Sana’y si Art na ito. Alam kong masyado siyang abala para tumawag, pero nahiling kong sana’y maalala naman niyang mag-uwi ng pansit, tulad ng dati kung ginagabi siya ng uwi.


 


Ngunit ang narinig ko’y iyon uling nakikipag-phone pal kanina.


 


“Kung sino ka mang Hudas ka,” ang sabi kong nanggigigil, “tigilan mo na ang pagtawag. Hatinggabi na. Nakakaistorbo ka!”


 


“Hindi Hudas, Joey ang pangalan ko,” ang sagot na parang nanunudyo. Lalong gumanda sa pandinig ko ang boses niya. Naalala ko tuloy ang lumipas naming araw ng lalaking ngayo’y asawa ko na.  At komo asawa ko na ay hindi na nakakaalalang kumustahin man lamang ako kahit sandali sa pamamagitan ng telepono. Siguro, iniisip niyang magkikita naman kami at magkakausap pag-uwi niya. Pero darating siya isang minuto bago mag-curfew, hihingal-hingal na susulpot sa pinto at magsasabing, “Wow, I made it!”  Iyon lang at hindi ko na muli pang maririnig ang boses niyang minsan ay bumihag sa akin.


 


“Wala akong pakialam kung sino ka man!” Sabay bagsak ng telepono.


 


Nang nagawa ko na ito, saka ako parang nagsisi. Kawawa naman, naisaloob ko. Baka nangungulila. Tulad ko. Sa buong maghapon, wala akong kau-kausap kundi mga batang paslit. At sa gabi naman, inuubos ko ang mga oras sa pagbabasa habang naghihintay kay Art.


 


Mahaba, kabagot-bagot ang mga oras sa paghihintay. Kapag nagring ang telepono, takbo agad ako sa pagsagot – para lamang mabigo. Isang kung sino lamang na nakikipag-phone pal ang tumatawag; kung minsan naman, wrong number.


 


Nang magring uli ang telepono, naisip ko agad, baka siya na naman. Inangat ko ang awditibo pero hindi nagsalita.


 


“Hello?” Si Joey nga. “Nakikipagkaibigan lang naman ako,” ang sabi.


 


“Bawal sa akin ang makipagkaibigan sa telepono.”


 


Naisip ko ang aking asawa. Siguradong magagalit si Art.


 


“Bakit naman?”


 


“Atsay lang ako rito.”


“Meron bang atsay na maganda ang boses? Siguro, maganda ka rin sa personal. Sige na, phone pal tayo.” Nagsusumamo ang tinig. Boses nina Steve Lawrence at Frank Sinatra. Boses ni Art, noon.


 


Sige na nga, isasagot ko sana. At idurugtong ko pa sana, gusto ko ang boses mo. Ngunit alam kong hindi tama para sa akin ang makipag-phone pal. Ang isang lalaking nakikipag-phone pal ay mangyari pang naghahanap ng maliligawan. At ako ay hindi na malaya.


 


“A, basta, huwag ka nang tatawag dito,” at ibinaba ko na ang telepono.


 


Maya-maya, nagring na naman ang telepono. Kinabahan ako. Ngunit sa halip na sagutin ang tawag, ang ginawa ko’y inangat ko ang telepono, saka ubos-lakas na ibinagsak. Ha, madadala na siguro ang lalaking iyon. Ngunit kiriring na naman. Muli, inangat ko at pagkatapos ay ibinagsak ang telepono nang hindi sinasagot. Akala ko’y titigil na ang lokong tumatawag na iyon, pero muling nagring ang telepono. Muli, inangat ko ito, hindi sinagot, at iniwang nakahang. Wala nang makakatawag pa.


 


Tulad ng dati, isang minuto bago mag-curfew, hihingal-hingal na sumulpot sa pinto ang aking esposo.


 


“Galit ka yata,” ang bungad. “Sori, pero mula bukas, maaga na akong uuwi. Tapos na sa wakas ang apurahang trabaho sa opisina.” At pabagsak siyang naupo sa sopa.


 


“Bakit mo naman naitanong kung galit ako?” ang tanong ko.


 


“Tatlong beses akong tumawag, at muntik na akong mabingi sa bagsak ng telepono.”


“Ikaw ba ‘yon?” At nagtawa ako nang nagtawa. Nakatingin lamang siya sa akin, walang kamalay-malay sa munting dramang naganap habang wala pa siya.


 


“Hindi na tuloy ako bumili ng pansit. Baka kako nagtatampo ka ay itapon mo lang.”


 


Hindi ako nakakibo. Nanlalambot na lamang akong napaupo sa tabi ni Art.

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 23, 2012 20:14
No comments have been added yet.


Aurora E. Batnag's Blog

Aurora E. Batnag
Aurora E. Batnag isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Aurora E. Batnag's blog with rss.