Ang Pinakapangit na Bata

Ang Pinakapangit na Bata


 


Ako iyon, ayon sa aking ina mismo. Kasi, ako ay maitim, payat, at singkit.  Minsan, nang makita niya akong umaakyat sa punong niyog, gayon na lamang ang pagtutungayaw niya.


 


“Bumaba ka riyan! Ang pangit-pangit mo na nga, magiging kuba ka pa! Lalo kang papangit!”


 


Hindi simpleng pangit. Pinakapangit sa lahat! Sa gramatika, antas na pasukdol ng pang-uri. Sa lahat ng katawagang panggramatika, ang pang-uri ang may kapangyarihang humubog ng opinyon at magbigay ng direksiyon sa buhay ng tao.


 


Kaya hinubog ng pasukdol na pang-uri ang aking pananaw sa buhay. E ano kung pangit? Pinaka-  naman. E ano kung maitim? Na ang kutis ay di “nakasisilaw sa puti” na tulad ng aking ina at mga kapatid? Madali namang magtago sa dilim. E ano kung payat? Mabuti nga ang payat, makakasingit kahit saan. Kahit sa pinakamakikitid na lagusan, kasya. E ano kung singkit, di na rin bale kahit hindi kitang lahat (3 possible meanings).


 


Kaya bata pa’y nakabuo na ako ng pansariling alituntunin sa buhay: Makamit ang kasukdulan. Always be on top. Kaya nga bata pa’y mahilig na akong umakyat sa puno. Upang mula sa itaas ay tanawin ang mga nasa ibaba at sabihin sa mundo, “Narito ako sa itaas at lahat kayo’y nasa ibaba ko lamang.”


 


And, if you can’t top the top, then top the bottom. Pinakasukdol pa rin.


 


Hindi ako puwedeng maging pinakamagaling sa folk dance kapag field day, kaya ang pinuntirya ko ay ang maging pinakapalpak. “Bakit ba nanlalata ka sa pagsasayaw? Hindi ka pa ba nag-aalmusal?” Itatanong ng titser ko. Ang totoo, bukod pa sa pagkakaroon ng parehong kaliwang paa, hirap akong ikoordineyt ang hand and foot movements, hindi ko talaga masundan ang mga dance steps, mali-mali ang pagbibilang ko. Palpak talaga. Walang ka-effort-effort sa pagiging kulelat.


 


Kaya sa takbuhan, sports, sayaw, etc. lagi akong kulelat. Top 3 at the bottom.


 


Sa academics, top 3 at the top. Balediktoryan ako nang magtapos sa elementarya. At masamang-masama ang loob nang magtapos sa hayskul dahil first honorable mention lamang. At least top 3 pa rin. Maging nang nasa kolehiyo na ako, ang pinakamababang naabot ko sa dean’s list ay pangatlo. At pakonsuwelo ko sa sarili, ang karaniwang nauuna sa akin sa listahan ay mga Chinese na mahusay sa math.


 


Minsan, naiinggit din ako sa mga maganda, na ang kutis ay nakasisilaw sa puti; sa mga babaeng malaki ang mga mata at seksi ang pangangatawan. Pero, on second thoughts, karaniwan na lamang sila ngayon. Marami na sila, nagpipilit maging ang pinaka-. Pero mahirap manatiling pinakamaganda. Kaya, wala sila sa top of the top, pero wala pa rin sa top of the bottom.


 


Samantalang kung ikaw ang pinakapangit, solo mo ang distingksiyon. You’re at the top of the bottom, and no one tries to contest that!


 

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on May 27, 2012 00:07
No comments have been added yet.


Aurora E. Batnag's Blog

Aurora E. Batnag
Aurora E. Batnag isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Aurora E. Batnag's blog with rss.