May Tula

(Tula)


oo, mga makata ng inaaliping lahi

may tula nga sa gumagapang na langgam

sa nalaglag na mga butil ng asukal

o sa kumikiwal na uod

sa nabubulok na laman

o sa dumarapong langaw

sa ninananang kamay

may tula rin sa nagdurugong puso

o sa himutok at tagulaylay

ng pangungulilang sinlamig ng yelo

ng mga nilikhang nabigo-nabaliw

sa di-masukat na pagmamahal

may tula rin sa nagbabaging na mga ideya

sa gubat ng pantasya’t kamulalaan

o sa lawa ng ilusyon at kawalan.


oo, may tula rin nga

sa maliwanag na mukha ng buwan

o sa luningning ng mga bituin

sa maaliwalas na kalangitan

may tula sa lawiswis ng kawayan

o sa mabining haplos ng amihan

o sa dumarambang alon sa dalampasigan

matulain din nga ang ulilang bulaklak

sa dibdib ng limot nang libingan

matulain din nga ang luha ng hamog

na dumidilig sa nanilaw na damuhan

ano pa nga’t may tula rin

sa nagbabagang singit at puson

o sa pulandit ng lumayang libog

sa init at lingkis ng gabing humiyaw.


ngunit mga makata ng inaaliping lahi

higit na matulain ang mukha ng inang luhaan

kaysa malamlam na sinag ng buwan

anak niya’y dinukot ng imbing militar

ni anino ngayo’y di na matagpuan

higit na matulain ang mata ng paslit

kaysa luningning ng bilyong bituin

dahil ni tinapay di malasahan

ni patak ng gatas di masayaran

bituka niyang hangin lang ang laman.

oo, higit na maindayog ang sayaw ng diwa

ng mga nilikhang ibinartolina

ikinadena ng mga diyus-diyosan

sa bilangguan ng dalita’t dusa

at pinalalamon sa tuwi-tuwina

apdo’t lason ng inhustisya.


oo, mga makata ng inaaliping lahi

higit na matulain ang tula

sa lagutok ng buto ng obrero sa pabrika

sa tagaktak ng pawis ng sakada sa asyenda

sa daing at panambitan

ng mga biktima ng pagsasamantala

sa kadensa ng libu-libong paa

sa umaalong lansangan ng protesta

higit na matulain

soneto ng mga punglo

elehiya ng mga bomba

epiko ng pakikibaka

ng sambayanang masa

oo, mga makata ng inaaliping lahi

ano pa ang higit na dakila’t dalisay

kaysa reyalidad ng marawal na buhay

ng milyong nilikhang laging naglalamay

walang hinahangad kundi kalayaan

sa pagkaalipin sa kabusabusan?



 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 25, 2012 15:37
No comments have been added yet.