Luha Ng Dalamhati Ng Lahi

(Tula)


sa ilang dekada

nating paglalakbay

sa gubat

ng dilim at sagimsim

mga anino tayong

walang mukha

ni pangalan

sa aklat ng kasaysayan

mga dugo tayong idinilig

sa damuhang naninilaw

mga kalansay tayong

iniukit sa pader ng kaapihan

mga nota’t lirika tayo

ng musikang nanunumbat-lumalaban

sa karimlan ng ating bayan!


ngunit sa bawat pagpatak

ng luha ng dalamhati ng lahi

sa patuloy na pag-aglahi

ng mapagsamantalang uri

magdurugtong pa rin

babalatay at kikiwal

nag-usli nating mga ugat

sa dibdib ng bawat sawimpalad

habang marahas na umiindak

maalab na mga petalya ng apoy

sa kumukulo nating utak

at mananatiling nanlilisik

mga mata nating nakakilala

ng mga talulot ng pait at dusa.


patuloy pa nga ring naglalandas

luha ng dalamhati ng lahi

mainit gaya ng nagbabagang asero

sa pandayan ng mithiing dakila

gumuguhit at nananalunton

sa humumpak na pisngi ng magsasaka

sa umimpis na dibdib ng manggagawa

sa ginibang barungbarong sa eskinita

sa nakahandusay na katawan sa bangketa

at patuloy pa nga ring bumabalong

sa bawat pusong sumisikdo-nagdurugo

sa saksak ng may lasong balaraw

ng mapang-aliping mga panginoon

ng kalupita’t inhustisya

kailan nga ba

lalamunin-tutuyuin

ng lagablab ng apoy

mga usbong ng luha

ng dalamhati ng lahi

sa nanlalim na mga mata

ng ating pinakasisintang

la tierra pobreza?



 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 27, 2012 19:48
No comments have been added yet.