Di na Ako Makahabi ng Tula

ilang  araw na akong nakatulala

sa papawiring makulimlim

di ako makahabi ng tula

tumakas at nagliwaliw ang mga salita

nagkagutay-gutay papel ng kamalayan

mga metapora’y pumailanlang

sa kalawakang  nilunok ng dilim

mga imaheng mapagmulat at matulain

at mga talinghagang dapat arukin

ibinartolina sa kagubatan ng pangamba

at sa kabukirang di sibulan ng pag-asa

ibig pang gahasain ng mga buntala.


di na ako makahabi ng tula

pilantod na ang mga taludtod

mga saknong ay uugud-ugod

di tuloy makaakyat sa gulod

mga eskinita ng parnaso’y di mayakap

dibdib ng mga bangketa’y di malamutak

kinulaba ang mga mata at di makita

luha’t pawis ng manggagawa’t magsasaka

di marinig hinagpis ng mga sawimpalad

paano tutulain pa epiko ng pakikibaka

ng sambayanang masa kung mga daliri’y

ikinadena’t dinurog ng dusa?


muli akong maglulunoy sa iyong mga alaala

muli kong sasamyuin mga pulang rosas

sa ulilang hardin ng mga pangarap

muli kong idadampi ang palad

sa nagnaknak na sugat ng mga dantaon

muli’t muli kong palalanguyin ang diwa

sa ilog ng dugo at luha

at magbabanyuhay ang lahat

muling aalingawngaw singasing ng punglo

atungal ng kulog at bombang pumutok

saka lamang, oo, saka lamang

makahahabi ako ng tulang

magsasabog ng mga talulot ng apoy

sa puso’t diwa ng uring busabos at dayukdok!


 •  1 comment  •  flag
Share on Twitter
Published on February 06, 2016 16:03
Comments Showing 1-1 of 1 (1 new)    post a comment »
dateUp arrow    newest »

message 1: by Judy (new)

Judy An Anu po palang damdaming namayani sa may akda po pala.
Anu pong pangunahing paksa ng tula?
Anung suliranin panlipun ang inilarawan sa tula?
Pasagot naman po. Thankyou


back to top