Awit ng Abantero

(Salin ng Song of the Abantero mula sa aklat na Undermining Patrimony)


tulungan mo ako ngayon

iahon mo ako

malamig at napakadilim

di ako makahinga

napakabigat ng mga bato

bumabagsak ang mundo

o, panginoon, tulungan mo ako

nagsusumamong huwag ipahintulot

na mamatay agad ako

nais ko pang masilayan

ginintuang sikat ng araw

at mukha ng asawa ko’t anak

panginoon, huwag ipahintulot

na ako’y mamatay.


ngunit sinong makauulinig

sa mga daing ng hamak na abantero?

sinong makakikita sa kanyang pawis at dusa?

sinong magpaparangal

sa di kilalang bayaning ito?

halos di siya maaninag

halos kalahati ng katawan niya’y

nakabaon sa lupa

minamaso niya pader ng yungib

hinahanap ang mga ugat

ngunit lahat ng gintong kanyang makukuha

mawawala rin sa kanya

dahil mundo’y di para sa kanya.


oo, huli na ang lahat

bago maunawaan ng hamak na abantero

mga kabalintunaan ng buhay

siyang nakahuhukay ng ginto

siya namang labis na nagdaralita

at siyang nangangarap

ng hangin at sikat ng araw

ay nalilibing naman sa minahan.


 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 08, 2015 02:38
No comments have been added yet.