Huwag Mo Siyang Ituring Na Baliw
(Tula)
huwag mo siyang ituring na baliw
hitik ang kanyang utak
ng pulang mga bulaklak ng pagliyag
umiindak sa kanyang puso
malagablab na mga dila ng apoy
tutupok sa lipunang nabubulok
x-ray ang kanyang mga titig
naglalagos sa nilulumot na pader
ng inhustisya’t pagsasamantala
sa moog ng mga panginoon ng dusa.
huwag mo siyang ituring na baliw
radar ang kanyang mga tainga
naririnig tagulaylay ng mga nagdurusa
sa kagubatan man o kalunsuran
ng mapang-aliping umiiral na sistema
kumikiwal sa mga ugat ng kanyang bisig
sumisilakbong dugo ng banal na adhika
habang nangalalaglag sa naninilaw na damuhan
at bukiring makulimlim at naninimdim
mga luha ng dalamhati ng lahing dinusta.
huwag mo siyang ituring na baliw
nag-aapoy sa kanyang dila
mga balaraw ng protesta
mga palaso ng pakikibaka
umaalon ang paghihimagsik
sa himaymay ng kanyang laman
laban sa uring naghahari-harian
at nagbebenta ng kinabukasan
ng masang sambayanang
titiguk-tigok ang lalamunan.
oo, huwag mo siyang ituring na baliw
manapa’y buong pagsuyo mo siyang yakapin
kapag nagsalubong ang inyong landas
at mararamdaman mong iisa ang pintig ng inyong puso
magkatalik ang inyong dugo
magkarugtong ang inyong pusod
nag-uusap ang inyong hininga
mga mata’y umaapaw sa pagsinta
sa mahalimuyak na laya’t ligaya
ng nakabartolinang la tierra pobreza.
oo, huwag mo siyang ituring na baliw
manapa’y magkaagapay ninyong tahakin
nagniningning na landas ng mga bituin
at madamdamin ninyong awitin
sa saliw ng koro ng bomba at punglo
“himno ng apoy sa gubat ng dilim”
upang mga nota’y mataginting
na ilulan ng amihang naninimdim
upang gisingin mga nahihimbing
at paliguan ng halik ng araw
bawat dampa ng mga kauring
matagal nang alipin ng dalita’t dusa!

