Natitigan Ko Mukha Ng Pagdurusa
(Tula)
natitigan ko
mga mukha ng pagdurusa
nakaukit sa mga bangketa
ng sanga-sangang mga kalsada
nakapaskel sa dibdib ng mga eskinita
naghilera sa balikat ng canal de la reina
sa kalunsuran ng mga pangamba.
nakapinta rin ang mga iyon
sa naninilaw na damuhan
nakatulala sa mga pilapil at pinitak
ng kabukirang di sibulan ng pag-asa.
natitigan ko
mga mukha ng pagdurusa
sa mahaba ko nang paglalakbay
sa pagitan ng dilim at liwanag
sa mga burol at sabana
hanggang sa aspaltadong mga kalsada
mga mukha iyong malamlam ang mga mata
kumikibot mamad na mga labing
umaamot ng kapirasong ligaya
sa kulimlim na papawirin
ng dalita’t dusa.
oo, natitigan ko
lahat na yata ng uri ng mukha ng pagdurusa
umuukilkil, nanunumbat
sa puso ko’t kaluluwa
gumugutay sa himaymay ng aking laman
humahagupit sa pinto ng isipa’t katinuan
ano ang iyong ginawa nang parang ulilang sigang
unti-unting naghihingalo ang apoy ng pag-asa
sa mga mukhang kamukha ng iyong mukha?
mahimbing ka na lamang bang matutulog
sa daluyong ng pagsasamantala’t inhustisya?
oo, natitigan ko’t laging umaali-aligid
mga mukha ng pagdurusa
ano ang iyong ginawa nang makita mong
sila’y humihikbi’t lumuluha
sa hangin at sinag ng araw ay nagmamakaawa?
ano ang iyong ginawa
nang maulinigan mo hinaing
ng mga labing natatakam
at nangungulila sa kapirasong pag-asa?
matutulog ka na lamang ba’t magpapantasya
o hihimukin ang lahat nang kamukhang
ihasa’t iwasiwas ang tabak ng laya’t ligaya?
