Sa Pasigan Ng Kamalayan

(Tula)


sa pasigan ng kamalayan

hinihintay ko tsunami

ng ngitngit ng sambayanan…

sa laot ng dagat ng kamulatan

dumadagundong na’t dumaramba

nag-aalimpuyong alon ng dugo’t luha

ng dinustang mamamayan.

daluyong kaya silang dadaluhong

sa pader ng kasakiman

lulunod sa mga eskribano’t pariseo

sa mga hari-haria’t diyus-diyosan

ng lipunang walang galang

sa sagrado nating karapatan?

wawasakin na bang ganap

ng delubyo ng pagbabago

mapanlinlang na mga templo

mapagsamantalang mga palasyo

ng iilang mga tuso’t abusado?


sa pasigan ng kamalayan

nagnanaknak makadurog-puso’t nananangis

na mga larawan ng hubad na kaapihan…

silang hinihilamusan

ng dusa’t luha’t panambitan

silang namamaluktot

sa miserableng mga “condo”

sa ilalim ng tulay ng kabiguan

kaulayaw ng mga insekto’t dagang

ayaw kalingain ng di patas na lipunan

silang araw-araw na sinisinghot

alingasaw ng nagbalatay na estero

sa gilid-gilid ng kalunsuran

silang araw-araw na palaman sa tiyan

“pagpag” mula sa inuuod na basurahan

silang hukot na mga aninong naglalamay

sa mga asyenda’t pabrikang walang humpay

sa kanila’y umaalipi’t nanlalamang.


oo, sa pasigan ng kamalayan

di ako magsasawang hintayin

tsunami ng ngitngit ng sambayanan

parang mga bomba rin itong sasabog

sa mesa ng walang pakundangang kapangyarihan

at walang budhing karangyaan

habang dinarambong ng iilang tulisan

pati barya sa lukbutan ng mamamayan

at magiliw na sinasamyo ng diyos ni mamon

halimuyak ng kanilang hugo boss

miyaki’t bulgari’t pierre cardin

oo, may hangganan din ang walanghanggan

kapag nag-alimpuyo’t nanalasa

tsunami ng ngitngit ng sambayanan

di mapipigil ng pader ng kaimbihan

daluyong ng paghingi ng katarungan

delubyo itong lulunod-papatag

sa nabubulok-inuuod na lipunan!


————————————————————-

condo — mumunti, tagpi-tagpi’t miserableng bahay ng mga naninirahan na lamang sa ilalim ng mga tulay sa kalunsuran.


pagpag — mga tira-tirang pagkain na itinapon na sa basurahan at pinagtitiyagaang pulutin ng mga maralita, huhugasan at muling iluluto upang sila’y may makain.


hugo boss, miyaki, bulgari at pierre cardin — mamahaling mga pabango ng mayayaman, saanman nanggaling ang kanilang kayamanan.

—————————————————————



 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on September 14, 2013 17:23
No comments have been added yet.