Sa Pagitan Ng Dilim At Liwanag

(Tula)


kahit malimit

tayong nagugutom

at kinakayod

tumigas na tutong

sa puwit ng kalderong

ginahasa ng panahon

tuloy pa rin

madamdamin nating paglalakbay

sa pagitan ng dilim at liwanag

habang nagsasayaw

sa telon ng balintataw

nagliliyab na mga gunitang

hitik sa mithiing dakila

sinusuhayan ng mga ugat niyon

pinatatatag ng puno niyong

sintigas ng kamagong

mga tuhod nating nais nang sumuko

sa pagtahak sa madawag na landas

sa pagsalunga sa mga burol at talampas.


oo, patuloy tayong maglalakbay

sa pagitan ng dilim at liwanag

kahit nagbabanta

itim na balumbon ng mga ulap

kahit pumupusyaw

namumulang mukha ng araw

mga paa nati’y mananalunton

di sa tuwid na daan ng mga sukab

ng iilang diyus-diyosa’t mandurugas

kundi lagi tayong kakaliwa

sa sangandaan ng paniniwala

tungo sa hardin

ng mahalimuyak na mga adhika

mabulas na mamumulaklak din

laya’t ligaya

ng pinakasisinta

nating la tierra pobreza

magbabanyuhay rin ang lahat

tungo sa katubusan

ng dayukdok, binubusabos na masa.


oo, mga kapatid ko’t kasamang

nakakilala

sa mga talulot ng luha

ng dalamhati ng lahi

nakarinig

sa tagulaylay ng mga sawimpalad

nakadama

sa hapdi ng bitukang napilipit

nakakita

sa pawisang mukha’t katawan

ng namayat na magsasaka’t manggagawa

sa mga asyenda’t pabrikang

sila’y ibinartolina

oo, sa maalab nating paglalakbay

sa pagitan ng dilim at liwanag

hahantong din ang ating mga paa

sa katuparan ng mga pag-asa

magdiriwang rin tayo sa mesa ng laya’t ligaya

susunugin mga bangkay

ng uring mapagsamantala!



 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on June 08, 2013 17:38
No comments have been added yet.