Maita (Ka Dolor) Gomez

(Tula)


nang sumilakbo sa iyong ugat

dugo ng mga sawimpalad

at dumagundong sa iyong puso

hagulhol ng mga dukha

tinalikuran mo, maita,

tanghalan ng balatkayo

itinakwil mo, maita,

ilusyon ng puting telon

mukha mo’y nahilamusan

sa bukal ng katotohanan

upang makitang malinaw

salungatan sa lipunan.


inilantad-nilitanya mo, maita,

inhustisya’t pagsasamantala

ng gahamang diyus-diyosan

ibinandila di lamang kapakanan

ng aping kababaihan

kundi maging sagradong mithiin

ng nilatigong masang mamamayan

nagmartsa ka sa kadensa

ng laksa-laksang mga paa

tinig mo’y umalingawngaw

sa lansangan ng protesta

buong giting na isinigaw:

“ma-ki-ba-ka! hu-wag ma-ta-kot!

“ma-ki-ba-ka! hu-wag ma-ta-kot!”


niyakap mo, ka dolor,

dibdib ng kabundukan

nakipagsayaw ka sa talahib

ng kumalingang kaparangan

perlas mong itinuring

mga hamog sa damuhan

bininyagan-binanyusan

ng matubig na mga linang

ng nagpuputik na kabukiran

damdamin mong nag-aapoy

at hitik sa pagmamahal

sa lupaing umaagos

luha ng dalamhati

ng inaaliping uri.


oo, ka dolor,naging armado

kang mandirigma ng bayan

laban sa mapanikil-malagim

na nagmumultong panahon

ng imbi’t sugapang mga panginoon

mga salot pa rin ng lipunang

namamayagpag hanggang ngayon

ibinilanggo ka man, ka dolor.

at dinusta ng diktadura

parang brilyanteng di natapyasan

o esmeralda pa ring kumikinang

matimyas-dakilang hangaring

magluningning bilyong bituin

sa mukha ng bayan ng dusa’t hilahil.


namaalam ka man, maita,

sa la tierra pobrezang pinakamamahal

at sa anino ng gabi inilulan

ng aliw-iw ng hanging nagdarasal

tumakas na hininga ng pagsinta

sulo ka pa ring magliliyab

sa dibdib ng sawimpalad

muhon ka ring di matitibag

sa lupain ng pakikitalad

kikiwal sa ugat ng mga api’t dukha

alimpuyo ng dugo mong mapanlikha

di mapapawi ng panahon

magiting mong mga gunita

manalasa man ang daluyong

sa burol ma’t kapatagan

bahain man ng delubyo

kanayuna’t kalunsuran

marmol kang monumento

sa puso ng pagbabago.


hanggang inhustisya’y nilulumot

diyus-diyosa’y laging buktot

at tunay na demokrasya’y binabansot

hanggang manggagawa’y alipin

ng grasa’t makina sa mga pabrika

hanggang libingan nitong magsasaka

malawak na bukid na di maging kanya

saan ka man naroroon

si maita ka man o ka dolor

ihahatid ng sagitsit ng kidlat

at nakagugulantang na kulog

himagsik ng tinig mong humihiyaw:

“ma-ki-ba-ka! hu-wag ma-ta-kot!

“ma-ki-ba-ka! hu-wag ma-ta-kot!”



 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 18, 2012 21:56
No comments have been added yet.