Silang Nagbabaging Sa Gubat Ng Dilim

(Tula)


sa gubat ng dilim at sagimsim

bakulaw silang nagbabaging

nakabiti’t sumisigaw sa hangin

silang mga intelektuwal

na iniluluwal ng mga toreng-garing

silang kinapon ng mga unibersidad

silang nakabilanggo sa mga aklat

silang binulag ng mga letrang

tiwalag sa reyalidad

silang pinasakan ng bulak sa ilong

at inimbalsamo ng teorya’t ideya

ulong di tiyak direksiyon ng dunong

silang ibig nguyai’y puro pormularyo

at bawat salita’y laging de numero

at inililibing ang angking talino

sa mundo ni focault, derrida at plato

sa baging ba lamang laging nakabitin

silang ang totoo’y malabo sa tingin?


silang nagbabaging sa gubat ng dilim

ang dagat ng buhay ay ayaw sisirin

gayong hinahanap perlas na maningning

sa dampa’t kubakob ng bukid at bundok

ni ayaw pumasok-mangarap-matulog

ni ayaw titigan nag-usbong na hamog

upang makita luha ng dayukdok

ni ayaw yumapak sa lupang maputik

ni ayaw lumusong sa linang ng bukid

ni ayaw tahakin nagdipang pilapil

habang sumasayaw kugon at talahib

upang madama ang tibok ng dibdib

ng uring dinusta at naghihimagsik

kailan isasawsaw sa patis at suka

daliring nilandi’y mga porselana

pilak na kutsara’t kristal na kopita?

kailan lalamasin malamig na kanin

upang bukalan ng katotohanan

bibig na namaga

sa pagnguya-pagngata

sa inanay at pilas na aklat

na ayaw ilahad-ihantad

maalingasaw na reyalidad

ng lipunang nagnaknak na’t

mga uod ang lumalantak.


silang nagbabaging sa gubat ng dilim

ni ayaw makita pulandit ng dugo

mula sa daliring naputol

nginasab-nilunok ng makinang hayok

hanggang balat

dugo’t-buto’t-laman

ng hinlalaki’t hintuturo

sa nagiling na karne’y humalo

carne norteng igigisa

ipipritong longganisa

sa mantika ng lungkot at dusa

silang nagbabaging sa gubat ng dilim

silang pilosopiya’t hungkag na ideya

pansabaw sa ulam at kanin

silang nakikipagpatintero

kina hume, heidegger

nietzche’t mga henyo

hanggang mga teoryang ibinabando

naging sangkutsado

di tuloy matiyak

adobo ba o asado

at kalimita’y di malunok

ng lalamunang titiguk-tigok

ng masang sambayanang

parang trumpong pinaikot.


kayong nagbabaging sa gubat ng dilim

bakit di ninyo talunin ang bangin?

bakit ayaw ninyong bitawan ang baging

paa ay isudsod sa lupa ng lagim

amoy ng pulbura ay inyong langhapin?

anghit ng magsasaka

ay inyong singhutin

habang binubungkal

bukiring di kanya

bakit di titigan ang mga sakada

habang nakaluhod sa imbing asyenda

aba ginoong maria ay nililitanya

sa mga kabyawan at asukarera?

bakit di dinggin hagulhol ng ina

sumpa’t himutok ng galit na ama

hinagpis ng nabaog sa inhustisya

at plegarya ng sinikil na kaluluwa

baka masagot din ng hagupit ng habagat

singasing ng punglo’t sagitsit ng kidlat

laksang tanong ng madilat na reyalidad

bombang sasambulat din

mga tugong di maipaliwanag

ng inaamag na mga aklat!



 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on August 06, 2012 04:32
No comments have been added yet.