Batayang Pagsasalin Quotes

Rate this book
Clear rating
Batayang Pagsasalin: Ilang Patnubay at Babasahín para sa Baguhan Batayang Pagsasalin: Ilang Patnubay at Babasahín para sa Baguhan by Virgilio S. Almario
23 ratings, 3.61 average rating, 2 reviews
Batayang Pagsasalin Quotes Showing 1-11 of 11
“[W]alang “winter” sa Filipinas at sa gayon ay isang tantiyadong pagsasalin ang “taglamig.” Tanggapin man natin ang “taglamig,” hindi natin maisasalin ang pagkakaiba ng “snow” at ng “ice.” Nilalagom natin ito sa “yelo” na hiram din sa Español na “hielo.” O hinihiram din ang “niyébe” mula sa Español na “nieve” para sa “snow.”
Virgilio S. Almario, Batayang Pagsasalin: Ilang Patnubay at Babasahín para sa Baguhan
“Itatapat nitó ang “lunggatî” para sa desire ng sikolohiya, ang “nasà” para sa masidhing layuning malimit na nauukol sa bawal, ang “adhikà” para sa hangaring malaki at pampolitika, ang “mithî” para ideal ng pamantayang pilosopiko.”
Virgilio S. Almario, Batayang Pagsasalin: Ilang Patnubay at Babasahín para sa Baguhan
“Ang mga akdang may masayáng himig ay maaaring gumagamit ng panggagagád o parody. Samantála, ang may himig mapang-uyam ay malimit na hitik sa balintunà (paradox) at parikála (irony).”
Virgilio S. Almario, Batayang Pagsasalin: Ilang Patnubay at Babasahín para sa Baguhan
“[A]ng “aghám” sa sinaunang Tagalog ay pagkilála sa tunay na pagkatao ng isang tao. Ngunit ginagamit ito ngayong katumbas ng “siyensiya” o science at wala nang nagsisikap umalala sa orihinal nitóng kahulugan.”
Virgilio S. Almario, Batayang Pagsasalin: Ilang Patnubay at Babasahín para sa Baguhan
“[D]alawa ang maituturing na pangkalahatang layunin sa pagsasalin: Imitasyon o panggagaya ang tawag ko sa gawaing sumasaklaw sa paghahanap ng katumbas na salita para sa SL hanggang sa pagsisikap na gayahin ang anyo at himig ng orihinal na akda . . . Reproduksiyon o muling-pagbuo ang layuning higit na tumutupad sa inaakalang interes o pangangailangan ng lipunan at panahon ng tagasalin. Nagbibigay ito ng kalayaan at pleksibilidad sa proseso ng pagsasalin. Maaari itong mangahulugan ng pagsasapanahon. Sa gayon, maaari itong umabot sa paglalapat ng wikang higit na naiintindihan ng mambabasá ng salin. Maaari itong mangahulugan ng paglilipat ng orihinal túngo sa isang anyong ipinalalagay na mas ninanais basahin ng madla.”
Virgilio S. Almario, Batayang Pagsasalin: Ilang Patnubay at Babasahín para sa Baguhan
“Noong 1813, nilinaw ni Friedrich Schleiermacher sa isang lektura na dalawa ang paraang maaaring gamítin ng tagasalin. “Maaaring pabayaang manahimik ng tagasalin ang awtor, hanggang posible, at pakilusin ang mambabasá túngo sa kaniya; o maaaring pabayaang manahimik ng tagasalin ang mambabasá, hanggang posible, at pakilusin ang awtor túngo sa kaniya.” Ayon sa layunin, maaaring basahin ang pag-uri ni Schleiermacher na (1) pagsisikap manatili ang wika at kahulugan ng awtor, o (2) pagsisikap na ilipat ang kahulugan ng awtor sa wika at kultura ng mambabasá.”
Virgilio S. Almario, Batayang Pagsasalin: Ilang Patnubay at Babasahín para sa Baguhan
“May tatlong paraan ng paglikha: (1) bágong-pagbuô (neolohismo), gaya ng “banyuhay” (metamorphosis), “takdang-aralin” (assignment), “kasarinlan” (independence), “pulutgatâ” (honeymoon), (2) hirám-sálin (calquing o loan translation), gaya ng “daambakal” (railway), “subukang-túbo” (test tube), “halamang-ugat” (root crop), (3) bágong-húlog (pagbúhay sa isang lumang salita at pagbibigay ng isang bagong kahulugang teknikal) gaya ng “agham” (science), “kawani” (employee), “katarungan” (justice), “lungsod” (city), “iláhas” (wild), “rabáw” (surface).”
Virgilio S. Almario, Batayang Pagsasalin: Ilang Patnubay at Babasahín para sa Baguhan
“Mga guro mismo at ang mga estudyante niláng nagkaroon ng posisyong tinitingala ng madla ang nagkalat kamakailan ng mga salitâng tinatawag kong siyokoy dahil hindi Español at hindi rin Ingles, gaya ng “imahe” na dapat sanang “imáhen” (imagen) kung Español o “imeyds” (image) kung Ingles, “diktadurya” na dapat sanang “diktadúra” kung mula sa Español, “kontemporaryo” na dapat sanang “kontemporáneó” kung mulang Español o “kontemporári” kung mulang Ingles, “aspeto” na dapat sanang “aspékto” mulang Español na aspecto o “áspek” kung mulang Ingles na aspect.”
Virgilio S. Almario, Batayang Pagsasalin: Ilang Patnubay at Babasahín para sa Baguhan
“May mga salita na nabago ang anyo dahil marahil sa malîng pakinig ng ating mga ninuno o dahil na rin sa walang-ingat na bigkas ng mga hindi naman edukadong
dayuhang tagapagsalita, gaya ng “padér” mula sa paréd, “kómang” mula sa manco. May nagbago ng bigkas, gaya ng may mga impit sa dulong “kampanà” (campana),
“kandilà” (candela), “bintanà” (ventana) mula sa wikang wala namang impit ang bigkas sa patinig. May mga salita na aakalaing katutubo kung hindi aaninawin ang
pinagmulan, gaya sa “siláhis” (mula sa celaje+s) at “kalatas” (mula sa carta+s). May mga hiniram na palagiang nàsa anyong maramihan, gaya ng “sapatos,” “mansanas,”
“materyales,” “prutas,” “medyas,” “mesiyas,” “perlas,” at marami pa. Mga pagbabago itong bunga ng kawalan ng wasto at pampublikong edukasyon sa wikang Español sa loob ng tatlong dantaon ng pananakop.”
Virgilio S. Almario, Batayang Pagsasalin: Ilang Patnubay at Babasahín para sa Baguhan
“[A]ng “katarúngan” at “lungsód” ang dalawang marikit na halimbawa ng pantumbas mula sa ibang katutubong wika ng bansa. Kapuwa mula sa Kabisayaan ang dalawa. Ang una ay mula sa pang-uring Sebwanong “taróng” para sa tuwid . . . ; mula sa Boholano ang ikalawa, nangangahulugan ng nayon o komunidad, ngunit ipinantapat ngayon sa dáti nang hiniram na Español na “siyudád.” . . . [H]iniram ngayon ang “rabáw” ng Ilokano upang ipantumbas sa konsepto ng surface sa pisika, ang “iláhas” mulang Kiniray-a at Hiligaynon
upang itumbas sa wild ng biyolohiya, ang “láwas” mulang Sebwano at Waray upang gamitíng tulad ng teknikal na body sa Ingles, gaya sa “lawas pangkalawakan,” “lawas ng tubig.”
Virgilio S. Almario, Batayang Pagsasalin: Ilang Patnubay at Babasahín para sa Baguhan
“Biktima ng ganitong kahinaan ng tagasalin ang popular na paggamit ngayon ng hiram na “triyángguló” (mula sa Español na triangulo) o ng likhang “tatsulók” (mula sa “tatlong sulok”) dahil wala nang nakaaalala sa sinaunang “tilasithá.”
Virgilio S. Almario, Batayang Pagsasalin: Ilang Patnubay at Babasahín para sa Baguhan