Back to Regular Programming


Ito ang una kong sulatin pagkatapos manganak. Na-inspire akong magsulat ngayon dahil sa binabasa kong libro, Operating Instructions ni Anne Lamott. Journal ito ni Anne tungkol sa unang taon sa mundo ng kanyang baby na si Sam. Si Anne ay isang Amerikanong manunulat, isa rin siyang solo parent. Ilang araw ko nang nababasa ang kanyang libro pero ngayon lang ako na-compel na magsulat. Sumapit kasi ako sa bahaging tungkol sa nobela niyang malapit nang lumabas sa merkado. May lalabas siyang nobela ilang araw pagkatapos manganak.
Wow. Ang sarap ng ganong pakiramdam.

Kaya na-inspire akong magsulat. Ilang araw na akong nakasentro sa baby kong si Dagat. Pagkagising sa umaga, titingnan ko ang langit para i-check kung may araw o wala. Kailangan kasi siyang ibilad sa araw para sa Vitamin D (sunshine!). Kung gising na si Dagat, ihahabilin ko siya kay Poy. Bababa na ako para mag-ayos sa kusina (maghugas ng mga pinagkainan kinagabihan) at maghanda ng pampaligo ng baby. Paaarawan ni Poy si Dagat. Mag-iinit ako ng tubig, magtitimpla ng gatas (sakaling umiyak si Dagat ay may maisasalpak!), maglalatag ako ng rubber mat sa sofa, maglalatag din ng mga damit at gamit na susuotin ni Dagat pagkaligo, tapos magpapaligo, bibihisan si Dagat, makikipagkulitan kay Dagat kasi quiet time niya iyon, magpapadede (either formula or breastfeed), magpapatulog ng baby, kung ayaw matulog ng baby, ibibigay ko siya kay Poy (na katatapos lang maghugas at magsteam ng feeding bottle at tsupon), sila naman ang magkukulitan, mag-uusap at magdidighayan. Ako, usually, maglalaba ng mga damit at gamit ni Dagat. Pag tulog na si Dagat, makakapagluto na si Poy ng tanghalian. Paglingon ko, past 2:00 na pala. Saka kami kakain. Maghuhugas ako ng mga pinagkainan. Tapos, magigising na si Dagat. Kakargahin ko siya, kukuwentuhan ko siya ng kung ano-ano. Kakantahan ko siya ng mga broken nursery rhymes sa Filipino. Broken kasi hindi ko na maalala ang lyrics, juskolord! For example:
Sampung mga daliri,
Kamay at paa,
Dalawang tenga,
Dalawang mata,
Ilong na maganda,
Maliliit na ngipin,
Masarap ikain!

Hindi ko na alam ang kasunod!

Tapos uumpisahan ko ang iba pang nursery rhyme tulad nito:
Maliliit na gagamba
Umakyat sa sanga

Hindi ko na rin alam ang kasunod!

Nakakalungkot, alam ko. Pagkatapos kong i-post ito, malamang maggo-Google ako, haha. Si Poy kasi, ilang araw nang nagpapatugtog ng mga nursery rhyme mula sa US at UK sa Youtube. Ang galing nga! Animated at ang iba, may subtitle pa. Sabi ko, meron bang ganyan para sa Filipino nursery rhymes? Parang wala, ano? Kako, gawa tayo. Patugtugin natin si Mae! Ang ganda siguro niyon. At sigurado akong hindi lang ako ang naghahanap ng materyales na ganito para sa kani-kanilang baby.

Pagkatapos ng kuwentuhan at kantahan, itse-check ko ang diaper niya. Kung okey pa, hindi ko pa siya papalitan. Kung mabigat na sa wiwi at ebs, palit na. Bulak na basa sa tubig ang ginagamit naming pamunas ng singit-singit at puwit. Pupulbusan siya at susuotan ng bagong diaper at shorts. Tapos padededehin siya uli at patutulugin. Paglingon ko, six na ng gabi. Pagbabantayin ko ng baby si Poy habang nagsasaing siya at nag-iisip ng lulutuin para sa hapunan. Ako? Maliligo! Aba, siyempre, kailangan namang asikasuhin ang sariling hygiene, hehe. Kuskos to death ako kasi madalas, naiihian ako ni Dagat.

Pagkatapos, magbe-breast pump ako habang nakikipagkuwentuhan kay Poy (na nagluluto). Sa dining table ko ito ginagawa. Ipinapatong ko ang makina sa mesa, tapos nakaupo ako sa harap nito at magpapagatas gamit ang dalawa nitong pump. Asar na asar ako pag ginagawa ko ito. (Twice ko pa lang ginagawa, awa ng Diyos.) Pakiramdam ko kasi, hindi ako tao. Ansabe ng gatasan sa New Zealand?

After 20 minutes, magwawalis at mag-aayos ako nang kaunti sa munti naming sala at sa munti kong workstation. Tapos, kakain na, iiwan na namin ang pinagkainan sa lababo. Bantay na uli ako kay Dagat. Makakapagbasa-basa na ako nang kaunti kung tulog pa siya. Kung gising na, kuwentuhan at kantahan na naman, hele-hele, padede. Maghahanda na kami para umakyat sa itaas, sa kuwarto namin ni Poy. Ihahabilin ko muna siya kay Poy or EJ (na usually ay nakauwi na galing sa eskuwela). Maglalabas ako ng long sleeves, pajama, diaper at bonnet ni Dagat. Maghahanda rin ako ng extrang dede, bulak (panlinis ng singit at puwit sakaling kailangang palitan ang kanyang diaper sa madaling araw), tubig sa maliit na lalagyan, pulbo at kung ano-ano pa. Paglingon ko, surprise, mag-aalas-diyes na!

Ilang araw nang ganyan ang araw ko, naming mag-asawa. Nagbabago lang ang routine na iyan kapag may dumadalaw sa amin. Pero ganon din, baby pa rin ang sentro ng mga pagbabago sa routine. Wala talaga akong kawala.

Isang libro pala, na nakasentro din sa sanggol (ang sanggol na anak ng awtor), ang tuluyang makakapagpabago ng aking routine. Naisauli nito sa isang sulok ng aking utak ang will to write. To write anything. Today. As in right now.

Kaya heto ako, baby ang nasa sentro, pero pilit na kinakalikot ang utak at pinipihit ang bibig. Sabik na kasi akong sambitin ang “back to regular programming!”

 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 03, 2015 10:28
No comments have been added yet.


Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.