Bangsamoro Basic Law sa Wikang Filipino
REPUBLIKA NG FILIPINAS
KAPULUNGAN NG MGA REPRESENTANTE
Lungsod Quezon
IKALABING-ANIM NA KONGRESO
Ikalawang Regular na Sesyon
PANUKALANG BATAS BLG. 4994
Ipinakilala nina Representante FELICIANO BELMONTE, JR., HENEDINA R. ABAD, GIORGIDI B. AGGABAO, SERGIO A.F. APOSTOL, PANGALIAN M. BALINDONG, CARLOS M. PADILLA, ROBERTO V. PUNO, NEPTALI M. GONZALES II, MEL SENEN S. SARMIENTO, ENRIQUE M. CONJUANGCO, MARK LLANDRO L. MENDOZA, ELEANDRO JESUS F. MADRONA, ELPIDIO F. BARZAGA, JR., ANTONIO F. LAGDAMEO, JR., ROLANDO G. ANDAYA, JR., NICANOR M. BRIONES, at RAYMUND DEMOCRITO C. MENDOZA
PALIWANAG
Ang Komprehensibong Kasunduan sa Bangsamoro (KKB), na nilagdaan noong 27 Marso 2014, ay hudyat ng pagwawakas ng ilang dekadang armadong tunggalian sa Mindanaw na nagtampok ng malalaking hadlang sa lubusang progreso at kaunlaran ng bansa. Ang tinalakay na kasunduang pampolitika ay naghahanay ng mga mekanismo, proseso, at modalidad na sa pamamagitan nito’y sinisikap ng mga partido na magtatag at maglugar ng isang rehimen ng kapayapaan, kaunlaran, katarungang panlipunan, at pananaig ng batas sa mga pook na malaganap ang tunggalian at sa mga komunidad ng Katimugang Filipinas.
Inspirado ng pundasyong konstitusyonal sa mga awtonomong rehiyon alinsunod sa Artikulo X ng Konstitusyong 1987, ang KKB ay nagtatadhana ng disenyo ng bagong entidad na pampolitika na mapagsisimulan ng masisiglang repormang ipinakilala ng kasalukuyang gobyerno ng Awtonomong Rehiyon sa Muslim Mindanaw. Ang muling isinabalangkas na entidad ay magpapalawig ng mga umiiral na sistema at balak, at makapagtatatag ng bagong lipon ng mga kaayusang pang-institusyon at modalidad sa panig ng sentrong gobyerno at ng awtonomong gobyerno hinggil sa hatian-ng-kapangyarihan, hatian-ng-yaman at kita, mga aspektong lumilipas, at normalisasyon. Upang maganap ang matatayog na layunin ng KKB, ang mga probisyon ng kasunduan ay dapat isalin sa wikang pambatas, at ang mga pagtatayang pampolitikang taglay nito ay mahubog tungo sa mga probisyong legal.
Dapat kilalanin ng Kongreso ang pangunahig tungkulin nito sa proseso ng pagkakamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa Mindanaw sa pamamagitan ng pagsasabatas ng panukalang Batayang Batas ng Bangsamoro upang mabuksan ang bagong panahon ng kapayapaan at kaunlaran hindi lamang sa Mindanaw bagkus sa buong Filipinas.
Dahil sa binanggit, ang maagap na pagpapatibay sa panukalang ito ay hinahangad. (Itutuloy. . . .)
Ginamit sa salin ang “Filipinas” bilang pagsunod sa Ortograpiyang Pambansa na itinataguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), at nang maging konsistent kahit sa gamit ng “Filipino” na hindi lamang tumutukoy sa wika, bagkus maging sa “konsepto” at “pagkamamamayan.” Ang KWF ang tanging ahensiya ng pamahalaan na may mandatong magpatupad ng mga makatwirang pagbabago sa mga wika sa buong kapuluan.
(salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.)
Filed under: batas, halaw, politika, salin Tagged: Bangsamoro Basic Law, batas, Filipino, halaw, salin
Roberto T. Añonuevo's Blog
- Roberto T. Añonuevo's profile
- 10 followers

