Rosas, Toro, at Gabi, ni Zakariyya Mohammed

salin ng “The Rose and the Bull” at “Night,” ni Zakariyya Mohammed ng Palestine.

Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.


Rosas at Toro

Itim ang rosas kapag gabi


Sa gabi, ang torong itim

ay lumilipad palayo sa rosas

Itinutusok nito sa balát

ang dalawang sungay na pilak


Itim ang rosas kapag gabi

Tumutulo sa mga sungay nito

ang dugong lumigwak

mula sa kawawang nagdaraan


Sa gabi, ang rosas ay itim


Ngunit kapag may araw,

ang itim na toro ng rosas

ay isa lamang aninong

nakabalatay para tambangan


Kayâ mag-ingat

kapag pumitas ng rosas

Mag-ingat


Magdala ng patalim

nang malapit sa puso

upang paslangin

ang naturang toro


na nakahimlay

nang buong araw

at nakatiklop na mga talulot

sa pinakapuso ng rosas


* * *


Gabi

Pinaaalimbukad ng gabi ang makamandag na bulaklak

Tumatagos iyon sa buong kalangitan

gaya ng tinturang humalo sa tubig


Pinabubuka ng magdamag ang bulaklak nito

para sa mga solitaryong hindi makatulog

na nangadarapa sa bawat paghakbang


Bumabálot sa lungsod ang gabi

tulad ng mga walang bahay na tao na lumalabas

mula sa masisikip na pasilyo at silong


Pinabubukad ng gabi ang makamandag nitong bulaklak

habang ang sindak ay gumugulong sa hagdan

gaya ng pakwan

Digmaan


ang digmaan ay nasa panginorin, itaga mo sa bato

Kumukulo ang gulo


Inalagaan ko ang aking mga bangungot

at pinalago gaya ng mga ulap


Mula sa balabal ng karimlan

ay nakararating ang pabatid—


mga tsismis ng mga mandaragit at eroplano

metalikong isda at artilyeriya


Pinatibay ko ang aking moog

na gumuguho sa aking harapan


Napipinto sa amin ang sakuna

ng mga bato, tinik, at wasak na lupain.


Tanging ang hindi matitinag na araw

ang nakaaalam kung gaano katagal


kung gaano karahas, kung gaano kalupit

ang aming magiging digmaan


Tanging ang araw

ang makapagsasabi


kung paanong ang lagablab ng apoy

ay nakasusunog sa gilid ng kalawakan


Filed under: halaw, salin, salin, tula, Tagged: digmaan, gabi, halaw, henosidyo, itim, karahasan, pananakop, rosas, salin, toro, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 31, 2014 09:01
No comments have been added yet.


Roberto T. Añonuevo's Blog

Roberto T. Añonuevo
Roberto T. Añonuevo isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Roberto T. Añonuevo's blog with rss.