Pangontra sa Dalamhati at Mga Katwiran, ni Shawqi Shafiq

salin ng mga tula ni Shawqi Shafiq ng Yemen, batay sa salin sa Ingles ni Sinan Antoon.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.


Mga Ehersisyong Pangontra sa Dalamhati

Hagurin ang singsing ng puso

hagurin nang lubos

upang mapawi ang mga alabok ng panlulumo

Maingat na haguring muli

upang kumintab ang dingding ng pagkalimot

o

gumuhit ng bilog, ipaloob ang isa o dalawang

kalapati at masdan ang pagpagaspas (kung sakali)

Itatanong mo: Paano kung mawasak ang bilog?

Paano kung lumipad ang kalapati?

o kung nababagabag ako sa ingay ng pagaspas?

Wiwikain ko sa iyo: burahin ang bilog

hanggang maglaho ang mga bakas nito

at lagyan ng namumukadkad na babae

imbes na kalapati

upang makapaghiganti

sa napakainit mong paupahang bahay

na lumalamon sa iyong bibig.


Mga Katwiran
1. Panlasa

Hindi na ako kumain matapos

tayong magniig kahapon

nang hindi maglaho ang tamis

mo sa aking bibig.


2. Kislap

Kumislap sa karimlan ang tuhod,

na sapat na dahilan upang mayanig

ang ibon.


3.  Sariwa

Nang umupo siya sa duyan,

nadama niya ang kakaibang lambot

hindi niya batid na siya’y nakaluklok

sa sariwang kandungan


4. Kaganapan

May tatlong lalaking

iginuguhit sa loob ng silid

ang hulagway ng babae.

Nang matapos ang larawan,

ang silid ay natigalgal.


5. Pagkain

Napakarami ang puso sa basurahan

piraso ng tinapay

plastik

at mayroon ding hapunan

para sa impormanteng nagbabalatkayong

baliw.


6. Tagpo

Nang namahinga sa mesa ang kamay ko’y

natanaw niyon ang nagngangalit na suso.

Kinausap ng kamay ang dibdib,

sinikap itong pakalmahin, ngunit nagngalit.

Tumindig ang aking kamay upang ituro

ang pasensiya subalit pinaputok ng dibdib

ang damit, saka lumabas upang kagatin

ang panginorin ng aking kamay

Nang mabigong maitaboy ng kamay yaon,

tumindig ang kamay upang hagkan

ang kamao ng dibdib.


Filed under: halaw, salin, salin, tula,, tula Tagged: Babae, bilog, dalamhati, halaw, Ibon, kaganapan, kalapati, kislap, panlasa, puso, salin, tula
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 21, 2014 19:38
No comments have been added yet.


Roberto T. Añonuevo's Blog

Roberto T. Añonuevo
Roberto T. Añonuevo isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Roberto T. Añonuevo's blog with rss.