Ang Lakad, ni Derek Walcott

Salin ng “The Walk” ni Derek Walcott mula sa Saint Lucia ng Silangang Dagat Caribbean. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.


Ang Lakad

Matapos ang malakas na ulan ay nagbubutil muli ang alero,

ibinubuga ng mga punongkahoy ang duda mo gaya ng tinakpang ilaw,

patak kada patak, gaya ng abakus ng paslit

mga butil ng malamig na pawis na nakahanay sa matataas na kawad,


ipanalangin kami, ipanalangin ang bahay na ito, hiramin ang pananalig

ng kapitbahay, ipanalangin ang utak na itong napapagal,

at nawawalan ng pananampalataya sa mga dakilang aklat na nabása;

makaraan ang isang araw nang nakahiga, dinurugo ng mga tula,


bawat parirala ay tinuklap mula sa nakabendang lamán,

bumangon, maglagalag sa ilalim ng kalangitan

tigmak gaya ng labada sa kusina,

habang humihikab ang mga pusa sa likod ng bintana,

mga leon sa pinili nilang kulungan,

na hindi malayo sa tarangkahang pinalamutian ng perlas

ng huli mong kapitbahay. Anung bagsik ng iyong


katapatan, O puso, O rosas ng bakal!

Kailan higit naging anyong nobela ng katulong ang iyong trabaho,

na waring iyaking dula-dulaang naging malapit

sa iyo sa tunay na buhay? Tanging kirot,


ang kirot ay tunay. Heto ang wakas ng iyong buhay,

isang kulumpon ng mga kawayan na ang kuyom

na kamao ay nagpapapigtal ng mga bulaklak nito, ang landas

na gumagapang na hishis sa basâng-basâng


kahuyan: iwan ang lahat, ang hanapbuhay,

ang hapdi ng maikling buhay. Nagulantang, napakislot ka;

ang iyong bahay, na bumabángong leon, ay gumanti ng kalmot.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: bahay, Buhay, ipanalangin, kusina, lakad, paglalakad, pananalig, pananampalataya, parirala, puso, rosas, ulan
 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on July 07, 2014 06:55
No comments have been added yet.


Roberto T. Añonuevo's Blog

Roberto T. Añonuevo
Roberto T. Añonuevo isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Roberto T. Añonuevo's blog with rss.