wanted!

nakuha ko na ang marriage banns namin sa simbahan na "tunay" kong kinabibilangan. hahaha me quotation marks talaga. kasi hindi naman ako nagsisimba sa simbahang ito. mas malapit kasi sa amin ang parish of the lord of divine mercy (pldm). nasa may kanto lang ng sikatuna at savemore. kaya lang, noong nagpapa-post ako ng marriage banns sa pldm, shinoo ako ng parish secretary. sa holy family daw ako. dahil di daw ako parishioner doon sa pldm. e de gulat na gulat aketch.

ako: te, dito kami nagsisimba.
ate: kahit na.
ako: ba't ako do'n magpapa-marriage banns, e di naman ako kilala do'n?
ate: kahit pa.

bago pa ako tubuan ng kulani sa leeg sa sobrang inis dahil sa tatlong pantig niyang mga sagot, umalis na ako at naglakad at sumakay ng dyip. see? mas malayo nga, e. sasakay pa ng dyip. kaya di kami nagsisimba sa simbahan na tinutukoy ni ate.

anyway, pagdating ko doon, mabilis akong inasikaso ng parish secretary nila. wala kasing ibang tao. well, pamilyar naman ako sa simbahang iyon. nakapag-bisita iglesia kami doon two years ago at doon din binurol si nanay pilar early this year. after a few seconds, as in a few seconds lang, kinuha lang kasi ang papel ko, sabi ni ate, balik ka sa nov. 4. puwede mo nang ma-claim ito. me bayad po, ha? P300.

ako: ha?
ate: oo.
ako: okey po.

hay. nakakagulat. magpapa-post ka lang ng mga retrato sa bulletin board ng simbahan, tumataginting na P300 na! tinext ko si madam rio na ikakasal na sa nov. 14.

ako: nag-marriage banns na kayo?
rio: oo tapos na
ako: nagbayad kayo?
rio: oo, P300

boom. me bayad nga. kalokohan naman ng simbahang katolika! ire-require ang couple na magpa-marriage banns tapos me bayad pala? malinaw na pangingikil itey na ikinukubli sa sakramento ng kasal! no wonder, walang simbahang nalulugi. nasa estruktura ang pangongolekta sa mananampalataya!

amen.

pagsapit ng nov. 4, sarado na ang simbahan pagdating ko. e nandoon ang marriage banns at gusto ko pa namang piktyuran? bumalik na lang ako kinabukasan. dala ko ang camera ni boss alvin.

heto ang aking mga nakuhaan.

holy family church sa kamias, qc



eto ang loob



eto na ang bulletin board yay



tada! wanted: dead or alive! ahahaha




dati pag napapadaan ako ng simbahan, humihinto ako para magbasa ng marriage banns. tinitingnan ko ang mga mukhang nandoon at madalas, batay sa verdict ko, di bagay ang mga husband and wife to be. tinitingnan ko rin ang mga address at iniisip ko kung paano silang naghahatiran pauwi. malamang me kotse si guy. pero pano kung mukhang mas mayaman si girl? ayan, o. maganda ang kutis at me braces! mukhang siya ang de kotse, hindi ang guy. o kung paano kayang na-develop ang kanilang love story. ini-imagine ko rin kung ano ang itsura ng mga magulang at kapatid nila. me resident graphic artist sa likod ng mga mata ko! hahaha pati ang itsura ng magiging anak nila, naiisip ko.

swangit lahat.

hahaha ansama ba? ngayong marriage banns naman namin ang tinitingnan, me nagtatawa rin kaya sa harap nito? meron kayang nagagandahan sa akin? meron! at napapangitan kay poy? andami! hahaha! meron kayang nai-inspire sa amin? aba, modern version kami ng beauty and the beast! or puwede ring realistic at matandang version ng lilo and stitch! pang-disney talaga. teka, meron kayang susulat tungkol sa aming address? tungkol sa pag-iibigan ng isang manila boy at isang qc girl? e, meron kayang hahadlang, pipigil sa paparating na pag-iisang dibdib namin? sana naman kung meron, gawin niya sa mismong aral ng kasal namin. para naman mas kaabang-abang.

nung makita ko ang marriage banns namin ni poy, parang ayoko pa itong i-claim. aba, kung magiging source naman iyan ng inspirasyon para sa pagkukuwento ng mabababaw na tao tulad ko, hala go lang, sige. i-display umaga, hapon, magdamag, 24/7. diyan na muna sa simbahan 'yang marriage banns na 'yan. di naman kami nagmamadali, e.

stay put. hanggang sa makaipon ako ng P300.







 •  0 comments  •  flag
Share on Twitter
Published on November 06, 2013 20:17
No comments have been added yet.


Bebang Siy's Blog

Bebang Siy
Bebang Siy isn't a Goodreads Author (yet), but they do have a blog, so here are some recent posts imported from their feed.
Follow Bebang Siy's blog with rss.